Tumgik
#SaranggolaBlogAwards
soapermaryow · 2 years
Text
WALAng kaWALA
         Sabi nila, madali lang kalimutan ang mga maliliit na bagay sa buhay ng tao. Pustahan, hindi mo na tanda kung kailan ka huling nakatapak ng jackpot sa daan o kung anong isinulat mo sa upuan ng bus na iyong minsang nasakyan. Maliliit na bagay na posibleng wala namang kahulugan kaya hindi mo na pinagtutuunan ng pansin. Naaapakan mo nalang ang mga ito nang minsan kang dumaan sa masikip na eskinita, hindi mo naramdaman nang umihip ito at dumampi nang bahagya sa iyong balat, malamang hindi mo rin narinig ang bulong nito; ang impit na sigaw, ang pigil na tawa, ang maliit na boses.
         Ngunit iba si Mela, walang nakatatakas na detalye mula sa kanya. Hirap siyang kumalimot ng mga bagay at pangyayari sa buhay, malaki man o maliit. Lahat tumatatak kay Mela; maging ang pangalan ng jeep na nasakyan niya nang unang beses siyang mag-commute, ang brand ng kendi na ibinigay sa kanya ng isang kamag-aral noong elementarya, maski ang lotto numbers na tumama ilang taon na ang nakalilipas mula sa kasalukuyan. Hirap siyang kumalimot at makalimot. Ito ang sumpa na dala-dala niya.
         Isa sa maraming maliit na bagay na hindi kailanman malilimutan ni Mela: ang Baraan. Kung mayroon kang mapa hanapin mo ang tila tuldok na isla na sa sobrang liit, kaunti na lamang ay lalamunin na ito ng kulay asul na pumapalibot dito. Maliit na bayan ang Baraan kung saan simple ang pamumuhay. Maliit na bayan ngunit malaking bahagi sa pagkatao ni Mela. Ito ang lugar kung saan siya nagdalaga, kung saan humiwalay nang ilang ulit ang sarili niyang kaluluwa sa kanya at maging ang ilang ulit nitong pagbalik, kung saan nagbago nang ilang beses ang repleksyon niya sa salamin hanggang sa hindi na niya makilala ang kanyang nakikita.
         Matagal na siyang nakaalis sa Baraan. Nakahanap na siya ng bagong buhay malayo rito at masaya na siya roon. Kontento sa inuupahang apartment, may mga bagong kaibigan at paminsan-minsang nakatatagpo rin ng minamahal. Nang umalis siya sa Baraan, wala siyang ibang dala. Iniwan niya ang mga bagay na kakambal ng maliit na bayan. Wala siyang bagaheng dala-dala; maski ang mga damit, libro, paboritong manika ay iniwan niya sa bahay na kanilang tinitirahan. Wala siyang ibang bitbit kundi ang mga alaala na hindi siya kailanman lulubayan.
         Sa kanyang muling pagbabalik, rumagasa ang mga alaala. Para itong malalaking alon sa dagat— nag-uunahang tumama sa dalampasigan ng isip ni Mela. Hindi ganito ang hangin nang umalis siya ng Baraan, malamig noon. Kulimlim at nagtatago sa mga maiitim na ulap ang haring araw. Nagbabadya ang ulan nang umalis siya sa bayan ngunit ngayon, sa kanyang ‘di inaasahang pagbabalik ay maliwanag ang paligid. Mataas ang sikat ng araw ngunit hindi masakit sa balat dahil sa maaliwalas na simoy ng hangin. Nililipad nito ang abot-baywang na niyang buhok na noong umalis siya ay hanggang leeg lang. Napangiti si Mela nang salubungin siya ng pagtango at pagkaway ng mga pamilyar na mukha. Magaan sa pakiramdam hindi kagaya noong umalis siya na maski wala siyang dalang bagahe ay tila pasan niya ang buong Baraan dahil sa bigat.
         Sa pagpasok sa eskinita, bumalik ang— haplos, sakit, kamay, iyak, hikbi, bitiw— alaala ng lagim. Sa makipot na daan, isang balat ng pamilyar na kendi ang pumukaw sa atensyon ni Mela. Sa isang iglap, siya na muli ang batang Mela, nasa ikatlong baitang sa elementarya at walang mapagsidlan ang galak sapagkat nakatanggap siya ng kendi mula sa kaklase. Binaybay niya ang madilim na eskinita upang marating ang bahay nilang nasa kabilang dulo nito. Sinabayan siya ng isang hindi pamilyar na lalaki. Sinasadya nitong sabayan ang kaniyang maliliit na mga hakbang upang mag-abot sila sa daan. Kung bibilis ang lakad niya, ganoon din ang lalaki. Hindi niya alam ang pangalan nito, ni hindi niya napasadahan ng tingin ang mukha bunga ng takot at ang tanging pagkakakilanlan ng lalaking iyon para sa musmos na si Mela ay ang nakakatakot na osong naka-tattoo sa kamay niya. Ilang beses naulit ang ganoong eksena— haplos, sakit, kamay, iyak, hikbi, bitiw— hanggang sa makatapos siya ng elementarya. Walang ibang daan pauwi kaya nilulunok niya ang takot sa eskinita at sa lalaking— haplos, sakit, kamay— may oso sa — iyak, hikbi, bitiw— kamay. Nagbalik siya sa ulirat nang may humawak sa kanyang braso, nagbago ang gulát na ekspresyon nang makita ang nangungulilang ngiti ng kanyang Ina. Magkahawak-kamay silang sabay na nilandas ang eskinita.
         Nang marating ang kanilang bahay, ipinilig ni Mela ang kanyang ulo sa kanang bahagi niya. Doon, tila patak ng ulan ang mga alaalang nagsipaglaglagan, kumakawala maski hindi niya gustuhin, at wala sa pagpipilian ang tangkaing pigilin ito. Sa harap niya, ay ang nakataob na lamesa, nagkalat na mga basag na pinggan, tilamsik ng dugo sa sementadong sahig, at ang umiiyak niyang Ina. Nasa ikalawang taon ng sekondarya si Mela noon at galing sa isang patimpalak sa eskwela kung saan nanalo siya. Halos mapunit ang bibig gawa ng ‘di mapigil na ngiti habang buong pagmamalaking nakasabit sa kanyang leeg ang medalyang nakamit. Naglaho ang ngiti niya nang salubungin ng umiiyak na Ina, at dumagdag ang ungot ng isang sanggol na hindi pamilyar sa kanya. Nag-unahan ang mga tanong sa isip ni Mela at inilibot niya ang paningin para humagilap ng sagot— mesa, basag na pinggan, iyak ng sanggol, dugo sa aspalto, hagulgol ng Ina, lubid— at ang tunog ng paparating na ambulansya. Sa rami ng maliliit na detalyeng napansin niya, hindi niya nakita ang nakatalukbong na katawan sa lapag— si Lani.
         Nagbalik siya sa ulirat nang salubungin ng pamangkin. Pansamantalang nakalaya sa panunupil ng mga alaala nang ikulong siya sa isang mahigpit na yakap ng batang si Lani, isinunod sa ngalan ng kanyang yumaong kapatid. Si Lani, ang naiwang anghel ng kanyang Ate Lani. Sa sala, may maliit na sulok kung saan naroroon ang larawan ng nakakatandang kapatid ni Mela, si Lani— mesa, basag na pinggan, iyak ng sanggol, dugo sa aspalto, hagulgol ng Ina, lubid— ipinilig ni Mela ang kanyang ulo, pilit na pinigil ang dagsa ng mga alaala. Ilang araw lang mula nang kunin ni Lani ang kanyang sariling buhay, ay naging laman siya ng kwento-kwento ng mga hipokrito. Kesyo malandi raw at maagang sinuko ang bataan, hindi nag-iisip, makasarili, at kung ano-anong masasakit na salita. Nakikita ngayon ni Mela si Lani sa sala, nakangiti at tinitignan siya gamit ang mababait nitong mga mata na hindi maipagkakailang namana ng kanyang pamangkin. Mabuting tao ang Ate Lani niya, alam niya ‘yon higit sa kahit sino pa man sa buong Baraan kaya labis ang hinagpis niya nang makita ang walang buhay nitong katawan. Mula noon— mesa, basag na pinggan, iyak ng sanggol, dugo sa aspalto, hagulgol ng Ina, lubid— ang alaalang iyon ay sinusupil siya gabi-gabi, hindi siya pinatutulog, pinipigil maski ang kanyang paghinga. Ang alaala ng kanyang kapatid ay tila isang malaking batong nakadagan sa kanya; pinaparalisa siya nito hanggang ngayon at hindi niya tiyak kung makalalaya ba siya mula rito kailanman.
         Kumakain sila ng pananghalian nang dumating ang kanyang Ama mula sa trabaho nito sa Sentro. Sa tuwing titignan niya ang kanyang Ama, wala siyang ibang nakikita kundi ang anino nito. Kulay itim na bulto na ayaw niyang bigyan ng mukha, ayaw niyang bigyang ngalan at pagkakakilanlan dahil hindi niya pa rin tanggap na ang unang lalaking minahal niya ay siya ring unang dahilan ng pagkawasak niya. Unang beses na humiwalay ang kaluluwa ni Mela sa kanya at ang tanging nakita niya lang ang anino, ang kulay itim na bulto. Sa tuwing maririnig niya ang halakhak ng kanyang Ama— iyak, saklolo, kamao, latay— bumabalik sa kanya ang mga panahong sumusobra ang pag-inom nito ng serbesa. Hindi halakhak ang naririnig niya kundi ang palitan ng sigaw, pagkabasag ng mga pinggan, ang tangkang pag-awat ng Ate Lani niya, at ang sarili niyang mga hikbi. Kinamusta siya ng kanyang Ama habang nasa hapag, magalang siyang sumagot at nagpalitan pa sila ng mga ngiti ngunit ang pinakamalakas na ideya sa isipan ni Mela ay ang tanong kung kailan mawawala ang kanyang Ama.
         Pagkatapos ng kanilang pananghalian, umakyat si Mela sa ikalawang palapag ng tahanan at dumiretso siya sa kwartong ang pinto ay kulay lila. Pagbukas niya, sinalubong siya ng halo-halong memorya sa dati niyang silid. Ang silid na nakasaksi sa ilan sa mga pinakamahahalagang bahagi ng buhay niya, ng mga pangyayaring bumuo sa kung sino at ano siya ngayon. Sa isang sulok kung saan naroroon ang kanyang mga manika, may isang Mela na nakangiti at bumubuo ng istorya sa kanyang isip; gumagawa ng panibagong mundo na malayo sa kanyang reyalidad— doon ay hindi siya takot, masaya ang kanyang pamilya, maganda siya at gusto ng lahat. Sa kanyang aparador, nagtatago ang takot na Mela; pinipigil ang hikbi at mahigpit ang pagkakatakip sa dalawang tainga, mistulang nilulunod sa nakabibinging katahimikan ang palitan ng masasakit na salita galing sa sala— gusto niya itong lapitan, yakapin, at sabihing ayos lang ang pag-iyak, na hindi ito takda ng kahinaan, na hindi niya ito dapat pigilan. Iba’t ibang Mela sa magkakaibang bahagi ng buhay niya at  iba-ibang pagkakataon sa panahon na iginugol niya sa Baraan. Kung tuldok lang sa mapa ang Baraan, ano pa kaya itong silid niya? Sa sobrang liit, hindi niya lubos akalain na ganito karaming alaala ang kaya nitong arugain at bigyang-kalinga sa loob ng mahabang panahon.
           Kumalansing ang kanilang tarangkahan, takda na may pumasok kaya naman sumilip siya sa bintana at doon nag-unahan na naman ang mga alaalang nagsilbing ‘di nakikitang tanikala na nagtatali kay Mela at sa Baraan. Gaano man siya kalayo sa lugar, may kung anong puwersa ang pilit na tatangay sa kanya pabalik. Ano mang pigil ang gawin niya, tuso ang mga alaala, makasarili ang memoryang hindi siya kailanman patatahimikin. Bitbit niya ito mula nang magkaroon siya ng kamalayan, hindi siya pinalaya maski iniwan na niya ang Baraan, at sa muling pagbabalik niya, lalo lang siya nitong gagambalahin.
Bakit ka pa kasi babalik?
          Siyang tanong ng kaibigan niya. Wala siyang maisagot kundi kibit-balikat at buntong-hininga. Halos isang dekada na rin mula nang iwan niya ang Baraan. Ilang taon din ang lumipas bago niya kausapin muli ang kanyang Ama’t Ina hindi dahil nangungulila siya sa kanila kundi para kumustahin ang naiwang anghel ng Ate Lani niya. Malayo na siya sa madilim na bahagi ng buhay niya kaya bakit pa siya babalik?
Hindi naman ako babalik dahil alam kong kailanman hindi ako nakaalis ng Baraan. Naroon pa rin ako saan man ako mapadpad. Kailangan kong harapin ang Baraan para tuluyan akong makalaya mula rito. Nakagapos ako sa Baraan at sa Baraan ko lang matatagpuan ang susi sa kandadong kumukulong sa akin. Hindi ako babalik sa Baraan. Hindi ako kailanman babalik.
          Kumalansing muli ang tarangkahan— haplos, sakit, kamay, iyak, hikbi, bitiw— magkasabay na lumabas ang kanyang Ama— iyak, saklolo, kamao, latay— at ang matalik nitong kaibigan na pamilyar ang osong naka-tattoo sa kamay— mesa, basag na pinggan, iyak ng sanggol, dugo sa aspalto, hagulgol ng Ina, lubid— lumakad palayo kay Mela ang dalawang anino, kulay itim na bulto, tangay ang susi sa kandado ng tanikalang gumagapos sa kanya at sa alaala ng Baraan.
***
[Ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards 12]
Tumblr media Tumblr media Tumblr media
2 notes · View notes
jellychronology · 7 years
Text
Maluwag Pa Sa Eskinita
Maikling Kwento Category
SA PANULAT NI JELLY CHRONOLOGY
           *           *           *
           0. ANG PANIMULA
           Hindi ko close si Yñaki. Maliban sa nahihirapan akong bigkasin ang pangalan niya kaya “Aki” na lang ang tawag ko sa kanya (at hindi rin naman ako nag-iisa), tahimik lang akong tao in general.
           Pero si Aki ang unang kaklase ko na bumisita sa’kin simula no’ng nawala ako sa eskwelahan.
           Baka dahil sa sobrang lapit lang naman ng bahay niya sa’min o baka napag-trip-an niya lang talaga. Nahiya kasi sa araw-araw ba namang dadaan siya sa eskinita, na mismong sa labas lang ng bahay namin, e hindi pa ba niya magagawang kumatok sa bintana namin para kumustahin ako?
           Pero malapit lang din naman ang bahay ni Vanessa at close ko pa ‘yon.
           “Kumusta ka?”
           “Okay naman ako.”
           “May sakit ka ba?”
           “Wala.”
           “Ba’t hindi ka na pumapasok?”
           “E bakit ang dami mong tanong?!”
           “Bakit—“ at makaka-ilang bakit pa siya hanggang sa huli, wala rin naman siyang nahihita sa’kin. Kahit ilag akong sagutin siya, patuloy lang siya sa pagbato ng mga katanungan. Kumain na ba raw ako? Gusto ko raw ba ng kopya ng assignment namin sa Math? Ayaw ko ba raw sa Math?
           Kahit ang sikip sa eskinita at marami na siyang nakakabungguan, hindi pa rin siya umaalis hanggang sa hindi ko siya kinikibo. Pinipilit ko si Mama na harangan na lang ‘yong bintana dahil naiilang ako, pero sabi niya na maganda raw sa’kin na makasalamuha ng mga tao kahit papaano. Saka pa, natutuwa siya kay Aki kaya binibigyan niya ng libreng banana cue kahit kuripot naman talaga si Mama. Isang beses, tinangka ni Mama na papasukin siya ng bahay… kung hindi pa ako inatake, baka katabi ko na si Aki sa sofa at mapipilitan talaga akong kausapin siya.
           Pero kahit gano’n, hindi kasing-kitid ng eskinita ang isipan ni Aki. Hindi niya ako pinipilit na sumagot, pero magtatanong pa rin siya, hanggang sa malalaman niya kung ano’ng mga tanong ang gusto ko lang sagutin.
           Mga dalawang linggo niya rin yatang ginawa ‘yon. ‘Di ko sigurado. Pero dahil do’n, kahit hindi ko lubos na kilala si Aki ay may isang bagay na sigurado ako tungkol sa katangian niya.
           Palatanong si Aki. Kaya tuluyan akong inatake nang sabihin nilang “walang tanong-tanong” no’ng nahuli nila si Aki at tinutukan ng baril.
           “Walang tanong-tanong” no’ng pinaputok na raw nila at bumulagta ito sa eskinita.
             *           *           *
 I.              ANG UNANG PRUWEBA: ANG MGA SAKSI
“Lagi nga ‘yang nakatambay d’yan eskinita kahit na dis-oras na ng gabi. Minsan nga nila-lak na ‘yong geyt d’yan sa may lagusan, pero madalas na nahuhuling inaakyat.”
Tinutok naman ang camera sa babaeng reporter. “Ano ho bang rason kung bakit laging ginagabi si Aki?”
Napakamot si Ate Bebang sa nunal niya bago sumagot sa harapan ng camera. “Baka kasali sa praternity. ‘Yong mga gang-gang. Uso kasi ‘yon sa mga binatilyo dito sa may amin, lalo pa galing si Aki sa eskwelahan na pablik. Maraming naba-baranggay na mga binatilyo ro’n kasi pakalat-kalat sa kalsada kahit madaling araw na. Hindi na naawa sa mga magulang, akala mo-“
“Na-baranggay na rin ho si Aki?”
           Napakamot ulit siya sa nunal niya bago sumagot ang matabang ale na tindera ng ihaw. “Oo yata. No’ng last mant. Yata, kasi tanda ko pinaglinis sila ng basketbol kort.”
           Marami pang tinanong kay Ate Bebang kaya mukhang hindi na ‘to makakabenta buong hapon. Natatakam pa naman ako sa isaw ng manok.
           Pero hindi rin naman ako kumain. Dalawang araw na rin simula no’ng tinigil kong kumain. Dalawang araw na rin simula no’ng unang nagpunta ‘yong babaeng reporter at cameraman, at iba pang mga reporter at mga cameraman. Dalawang araw na rin simula nang mabalita sa TV ang isang binatilyong nahulihan ng pakete ng shabu at nanlaban sa mga pulis.
           Pero sa akin, dalawang araw at isang gabi na rin simula nang huli kong narinig ang boses ni Aki.
           “Huling katanungan na lang po, sa tingin niyo ho ba ay magagawa ni Aki ang binibintang sa kanya patungkol sa pagiging runner ng droga?”
           Nagkamot ulit ng nunal bago sumagot si Ate Bebang ng pinakamaiksi niyang sagot.
           Isa lang si Ate Bebang sa mga ilang tao na ini-interbyu tungkol kay Aki. No’ng isang araw, tinanong din si Mama ng mga parehong katanungan. Tapos si Kuya Landing din, ‘yong gwardya sa may subdivision sa harapan ng eskinita. Saka si Kapitan. Pati na rin ang ilan sa mga kaibigan at guro ni Aki, na mga guro ko rin.
           Halos pare-pareho naman ang mga bersyon nila: mahilig tumambay si Aki sa eskinita, madalas ginagabi at inaakyat pa ang gate, minsan pinagco-community service, at may mga kaibigang kasali sa gang. Pero sa lahat ng mga detalye na ‘yon, hindi ko makita kung ano’ng naging konekta sa paghuli kay Aki o sa pagiging runner niya kuno. Marami namang mahilig tumambay sa eskinita. Marami namang gabi na nakakauwi. Sigurado ako, may mga ilan ding umaakyat sa gate. Halos lahat naman kaibigan ni Aki.
           Pero sa dinami-rami, bakit si Aki?
           Hindi ko alam. Wala naman kasing naging saksi maliban sa isa—
           Maliban sa’kin.
             *           *           *
 II.            ANG PANGALAWANG PRUWEBA: FAMILY BACKGROUND
Sa ikatlong araw simula ng pagkamatay ni Aki, dumami pa ang mga galing sa media na nakatambay sa eskinita. Hindi rin naman pinalampas ‘to ni Ate Bebang para magbenta ng mga ihaw. Si Mama naman, namakyaw ng banana cue at sinamahan pa ng softdrinks. Blockbuster na naman kasi ang eskinita ngayon.
Hindi pa rin ako kumakain kahit na halata naman ni Mama. Hindi ko rin sinabi sa kanya na hininto ko na rin ang pag-inom ng gamot, kaya minsan nakakakita ako ng mga nakakasilaw na ilaw kahit pa ang dilim sa salas.
           Hindi na rin ako makatulog. Natatakot ako na baka may isa ulit na binatilyo na mahuli sa eskinita at walang sinuman na magiging saksi kapag nakatulog ako. Hindi ko alam, iniisip ko rin naman na sana natulog na lang ako sa kwarto no’n para hindi ko na narinig ang pag-uusap nila Aki at ng mga pulis.
           Sana hindi ko na narinig na tumawa ‘yong mga pulis habang pinipilit si Aki na paputukin ang baril…
           Sana hindi ko na rin narinig si Aki na magtanong kung “Bakit”, at nang hindi siya sagutin ay magtatanong na naman siya hanggang sa malaman niya na kung bakit nga ba. Pero may mga sakit din yata ang mga pulis, kasi hindi rin nilang nagawang sagutin si Aki.
           Sa ikatlong araw na pag-iimbestiga ay lalo kong nakilala si Aki. Narinig ko, habang ini-interbyu ‘yong Tita Myrna niya, na siyang kumupkop sa kanya. Nakulong daw pareho ang mga magulang ni Aki. Parehong drug addict. Noong bata pa raw si Aki, ginagamit siya para makipag-ugnayan sa mga suppliers, sa mga druglords, kasi sino ba naman daw ang mag-iisip nang masama sa isang bata?
           Pero bata pa rin naman din si Aki. Matanda na ba ang 17?
           “Pero noon ‘yon, mga 12 years old palang siya no’n. Simula no’ng nakulong ‘yong mga magulang niya e sa akin na siya nanirahan at ni minsan man ay hindi ko nahulihan ‘yon na may tinatagong droga.”
           “E bakit ho laging gabi umuuwi?”
           Natahimik si Tita Myrna niya. Nagtanong ulit ang reporter. Tahimik pa rin siya hanggang sa ang pag-iyak niya na lang ang naging sagot.
           No’ng kinagabihan, pinakita sa TV ang maiksing bersyon ng interview ni Tita Myrna. Doon din pinakita ang mga debate sa social media, kung totoo bang runner si Aki o hindi. May mga rally na rin na nagaganap sa Manila, na bigyang hustisya ang pagkamatay nito.
           Ikaapat na araw. Bumawas ang mga reporter. Hanggang sa ikalima, na mabibilang na sa kamay ang mga tao sa labas. Sa pagpatak ng ikaanim na araw, nawala na lang silang lahat. Naging matumal na ang benta ni Mama. Mga taga-subdivision na lang ang customers ni Ate Bebang. Balik sa pagtatambay ang mga binatilyo sa eskinita.
           Lumuwag na ang eskinita na parang walang katawan na nakahandusay roon anim na araw na ang nakakaraan.
           At sa TV, iba na ang headline— mga ilang minutong pag-feature rin sa isang sikat na artista na nahuling nagwawala sa harapan ng camera.
           “Mama,” sabi ko bago patayin ang TV.
           “Ano ‘yon, ‘nak?”
           Nilunok ko muna ang laway ko bago nagsalita. “May alam po ako, Ma…” Nilunok ko ulit pero parang may nakabara. “May alam ako…” Tuloy-tuloy na ang pagluha ko, hanggang sa wala na akong makita kundi ang mga maliliit at nakakasilaw na mga liwanag. Paulit-ulit kong hinahampas ang ulo ko para lang malabas ang gusto kong sabihin.
           “Hindi ka na naman ba uminom ng gamot mo anak?”
           Hinawakan niya ang kamay ko at pinipilit akong lunukin ang gamot. Natikman ko lang ang luha at uhog ko. “Hindi… Hindi, Ma. Hindi ilusyon ‘to. Totototoo ‘to. May alam ako tungkol do’n.”
           Sinundan ni Mama ng tingin ang nakaturo kong daliri sa may bintana, kung saan makikita ang eskinita.
             *           *           *
 III.           ANG IKATLONG PRUWEBA: ANG BOSES NI AKI
“Bakit ko po puputukin? Hindi po ako marunong nito!”
“Pero bakit niyo po pinapagawa sa’kin ‘to? Hindi na po ulit ako gagabihin.”
“Bakit niyo po binigay sa’kin ‘yong shabu? Hindi po ako adik.”
“Bakit niyo po ako pinagtatawanan?”
“Bakit hindi niyo ako sinasagot?”
BANG.
Ilang araw rin bago ko nagawang lumapit sa mga pulis at sa media, kasama si Mama at ang doktor ko. No’ng una ay nagbuhos na sila ng mga tanong, at halos atakihin na ako kaya agad ko nang pinindot ang ‘Play’ sa recording files. Nang marinig nila ang boses ni Aki, humupa ang lahat ng mga katanungan.
Hiningi nila sa’kin ‘yong file, bago inimbestiga nang maigi. Bago kinumpirma na boses nga ni Aki ‘yon.
Ilang mga mata rin ang nanood sa’kin at ilang mga tainga ang nakinig. Ilang beses sumigaw nang “Break muna!” dahil sa panic attacks na nararanasan kada bato ng tanong. Hanggang sa minsan, nagiging personal na rin ang mga ‘yon.
“Bakit ngayon mo lang s-in-urrender ito?”
“Matalik ka bang kaibigan ni Aki?”
“Gaano katagal ka nang may sakit?”
Pero sa mga pagkakataon na ‘yon ay hindi ko sila kinikibo, at kung nagiging mapilit sila ay nand’yan si Mama at ang doktor para maging sangga ko. Mga ilang araw rin bago naging maluwag ang eskinita at naging masikip sa bahay. Mga ilang araw ring napakyaw ang benta ni Mama, at ilang araw rin bago ako nakahinga nang maluwag. Ilang araw rin na may sumisilip sa eskinita, bago pa harangan na lang ‘to ni Mama.
Simula no’n, binisita na ako ni Vanessa at iba ko pang mga kaklase. Kinumusta. Dinalhan ng mga pagkain. May mga guro rin akong nagboluntaryo na maging home tutor… hanggang sa napansin kong sa akin na ang atensyon at wala na kay Aki.
Pero higit sa lahat, hindi doon nagtapos ang lahat. Ginigisa ang dalawang pulis, na sila namang dumidipensa at sinasabing hindi sapat ang recording para patunayang hindi runner si Aki.
Baka hindi nga. Kung papaluwagin ang isip, pwedeng oo at pwedeng hindi… pero bakit kailangang maging isang masikip na eskinita ang isip? Bakit sa iisang direksyon lang?
Oo man o hindi, tama ba ang pagpatay?
 *           *           *
 IV.          ANG KATAPUSAN
“Kumpleto na lahat ng naimpake mo?”
Tumango ako.
Pang-apat na ayos ko na sa mga bag ko at mukhang naimpake ko naman ‘yong mga mahahalagang gamit. Naghihintay na rin sa may subdivision ang taxi at si Papa, na mukhang nakikipagtalo pa sa driver dahil may patong pa na 100 pesos papuntang airport.
“Nagpaalam ka ba sa mga kaibigan mo?”
“Wala naman akong mga kaibigan.”
Napatitig lang si Mama sa’kin bago umiyak. Hinila niya ako saka hinaplos ang buhok ko.
“Bakit ka umiiyak, Ma?”
Suminga pa siya bago sumagot, “Naalala ko lang no’ng unang beses kang um-absent sa school, no’ng sinabi mong ayaw mo na. Naalala mo ‘yon? ‘Yong nand’yan ka sa may pintuan tapos sumisigaw ng—“
“Gusto ko nang mamatay?”
Tumango siya. “Oo. ‘Yon. Naalala ko pa na hindi kita naintindihan.”
Napatingin ako sa may bintana, kung sa’n naaalala ko pa rin ang mukha ni Aki no’ng unang beses siyang dumungaw at nangumusta. Hindi ko pa rin alam kung bakit niya ginawa ‘yon, pero sa pagkakataon na ‘yon ay may na-realize akong isang bagay na matagal nang nasa harapan ko.
“Maluwag pa naman sa eskinita, Ma.”
Tiningnan ako ni Mama sa mga mata. Pinisil ang mga pisngi ko. “Ayan ka na naman sa pa-deep mo, anak, e. Pero oo. Maluwag pa, at maraming daan pagkalabas.”
Ngumiti ako. “Naks, petmalu. Gets mo na ako, Ma?”
“Hindi na kasi ako sa makitid na eskinita lang nadaan.”
Pagkatapos ng pagda-drama na ‘yon, lumabas na kami ng bahay at dumaan sa eskinita bago makalabas papuntang subdivision kung sa’n naghihintay si Papa. Nalagpasan ko ‘yong bintana namin at pinilit na hindi tumambay ang mga mata ko ro’n. Naglakad sa eskinita kung sa’n nakita ‘yong duguan na katawan ni Aki.
Isang buwan lang din bago tila nakalimot ang lahat. Baka kasi maluwag pa ang eskinita at kailangang magpatuloy ng lahat sa paglalakad. Pero sa paglabas ng eskinita, kailan lalabas ang katotohanan?
No’ng gabi na narinig ko ang mga tanong ni Aki, hiniling ko na sana sinagot ko na lang lahat ng mga katanungan niya. Sa huling katanungan niya, para akong isa sa mga pulis na tumutok at pumutok ng baril.
Hindi ko rin naman kasi inakalang isang araw ay hindi niya na ako tatanungin.
Sumakay ako sa taxi. Si Mama at si Papa, inaayos ‘yong mga gamit sa trunk. Nagyo-yosi ang driver sa labas. Naka-park ang taxi sa mismong labas ng eskinita, dito sa may harapan ng gate. At sa kanang gawi, sa harap ng eskinita ay isang maliit pero magarbong establismento.
POLICE STATION.
Maluwag pa nga sa eskinita, pero tila tinamad yata sila sa paglalakad kaya huminto nang makakita ng nakabukas na pinto. Tinamad ding kumatok kaya nanghimasok na lang ang mga ito.
Bakit kaya, sa mga araw na mainit pa ang isyu, ay sumikip ang eskinita at lumuwag ang police station?
Katulad ng hustisya para kay Aki, siguro ay mababaon na lamang din sa limot ang mga bakit. Pero hindi ako makakalimot, lalo pa na sa pagkamatay ni Aki ay nabuhay ako. Sa pag-alis ko ng eskinita, ngayon, ay alam ko na ang direksyon na tatahakin ko.
Kahit pa kakaunti lang naman talaga ang dumadaan sa eskinita.
*            *             *
Ang “Maluwag Pa Sa Eskinita” ay lahok sa Saranggola Blog Awards 9 para sa  kategoryang “Maikling Kwento” na may paksang Eskinita.
Tumblr media
Sponsors:
Tumblr media
Cutural Center of the Philippines 
Tumblr media
Device Philippines 
1 note · View note
marialunapluma · 7 years
Text
Karatula
“Sumulat”
Sumulat ka lang
Sa mga panahong kumukunot na ang noo
Nagtataka sa takbo at lakad ng mundo
Nagtatanong kung bakit ganito at paano
Sumulat ka lang
Kapag masyado nang matulin ang agos ng ilog
Kapag lahat ay nakatuon patungong dagat timog
Sa ganda ng mga bulaklak ay wala nang umiirog
Sumulat ka lang
Habang pinagkakaabalahan ng ilan ang pagtunganga
Naghihintay sa pagdating ng himala
Kinaliligtaan ang nakapaligid nang biyaya
Sumulat ka lang
Sa tuwing sarili’y ‘di mahuli, ‘di makita
Para bang nawawala’t nagwawala
Naghahanap ng makikinig sa kanya
Sumulat ka lang
Gaya ng pagsang-ayon ng saranggola sa hangin
Luimilipad na may makukulay sa buntot at kawayang tingting
Bulong ng grabidad ay ‘di pinapansin
Sumulat ka lang
Dahil sa oras na hindi sapat ang boses para sumigaw
Panulat ang s’yang magsisilbing karatula mo’t ilaw
Upang tawagin kahit minsan, pansin ng kanilang balintataw
“Itim na Karatula”
Hindi siya basta naiinis
Kung umunawa’y walang mintis
Ngiti’y pilit inilalawit
Kahit panga ay nangangawit
Mga matang tila buwang kalahati
Sa tuwing masasalubong mo sa tabi
Sa kaibigan nga’y walang pinipili
Mayaman, mahirap, maganda o hindi
Masasandalan, nakaupo man o nakatayo
Maaaring kapitan, barangay ma’y sa Tondo
Malalapitan, kahit gaano pa kalayo
Salamat sa peysbuk at teleponong makabago
“Babaeng ito’y wala namang iniinda
Lubhang masiyahin kaya’t bakit kaya?
Paano mangyayari itong bali-balilta?
Hindi parin kami makapaniwala!”
Mabilis na umugong sa buong bayan nila
Malungkot na sinapit ng isang dalaga
Nagulat ‘pagkat hindi nila nahalata
Kanila noong akala, maling-mali pala
Dahil... Bawat ngiting bumabalot sa mukha
Nagkukubli pala ng kawalang pag-asa
Bawat tawang pinakakawalan niya
Tumatakip sa lungkot na dinarama
Walang nakaaalam kundi siya
Walang nagtatanong kung ayos lang siya
Hindi rin naman s'ya makapagsalita
Hindi naman kasi sila maniniwala
Kaya't bawat patak ng luha sa mata
Pinupunasang bigla bago nila makita
Hanggang isang araw, panyo'y napuno na
Lubid sa leeg ang nakitang kasangga
”Makatang Hiling”
Brotsa, pintura, kahoy na mahaba
Ako’y gumawa ng sariling karatula
Doon isinulat nang malaking bahagya
Itong isang maikling kataga:
“Hiling ko ay umulan sana
Bumagyo’t bumaha sa buong kalsada
Bukas – at ang taas ay kagaya
Noong panahon ni Yolanda”
Ako raw’y  walang puso
Walang pag-ibig sa kapwa tao
Bakit daw hiling ng tulad ko
Tila iyong hindi makatao?
Masalanta’y hindi raw biro
Kaligtasa’y hindi masisiguro
Maraming buhay ang apektado
Masisira’t ‘di agad mabubuo
Ako’y gulat sa kanilang sambit
Ibig ko’y ‘di nila batid –
Pangarap ng mga tulad kong paslit
Ayaw lang sa isang iglap ay mapatid
Marami pa silang mararating
Mas malayo sa paputok na kaya nilang ihagis
Marami pa silang haharapin
Hanggana’y ‘di  ang mga pulburang may hugis
Kaya’t aking hiling, hindi ko babaguhin
Bagong Taon sana ay salubungin
Ng ingay ng ulan upang tayo’y minsang pigilin
Sa paglikha ng sariling ingay at panganib
Bawat daliri’y mahalagang lubha
sa pag-abot ng pangarap ng mga nilikha
Panalangin ko’y dinggin sana
Marami pang susulat – at magiging makata
 31/10/2017
Ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 2017.
Tumblr media Tumblr media Tumblr media
1 note · View note
catesvillanueva · 10 years
Text
PAG-IBIG: Bawal Tanga, Nakamamatay
Alam kong alam mo rin iyong pakiramdam na halos maihi ka sa kilig. Mistulan ka pa ngang baliw sapagkat sa kailaliman ng gabi, ay ika'y humahagikgik pa nang pabulong upang hindi magising ang mama mong humihilik sa 'yong tabi. Dinahan-dahan mo pa ang pagpindot sa keypad ng Nokia 3210 mong naka-silent mode, para mabawas-bawasan ang pag-alingawngaw ng maingay nitong takatak. At kasabay ng paglapad ng ngiti mo hanggang tainga, ay ang paglakas ng tibok ng puso mo alinsabay roon sa background music sa 'yong isip. Hay, sarap!
 Iba. Ibang-iba. Minsa'y mapasisigaw ka na lang ng "Supercalifragilisticexpialidocious!" sa sarap ng pakiramdam. Sa pagsibol ng kakaibang pakiramdam na iyon, ay ang siyang pagsibol rin ng panibagong kabanata sa iyong buhay. Pansamantala, ay nakalimutan mong i-update ang layout ng friendster profile mo dahil kung hindi mo kinakalikot iyong tigyawat sa harap ng salamin, ay naroon ka nagpapa-load sa tindahan nila Ate Ging. Dahil sa pakiramdam na iyon, ay natuto kang suklayin ang buhok mong mukhang tingting, natuto kang gumamit ng tig-dyis na lipgloss na nabili mo sa tiangge at natuto ka nang pumili ng maayos na damit mula sa aparador, hindi gaya  noon na kung ano lang ang madukot ay siyang ibibihis mo.
 Noo'y tinatawanan mo lang ang mga kaklase mong malakas mag-asaran tungkol sa kani-kanilang mga "lovelife". Pinanunood mo lamang noon kung sino ang mga "inspired" na palaging nakangiti at blooming sa maghapon, at iyong mga "expired" na palibhasa'y hindi pinapansin ng mga crush nila kaya nakabusangot. Pasimple ka lang at kunwari'y hindi naiinggit noon, pero ang totoo'y naiisip mo rin minsan, "Kailan rin kaya ako magkakaroon?" Ngayo'y nariyan na siya at inaabangan ka na sa tarangkahan ng inyong paaralan, palihim ka pang ihahatid sa kanto ng bahay n'yo para hindi kayo mahuli ng tatay mong kalbo, tapos kinabukasan ay dadalhan ka pa ng isang balot ng Goya at teddy bear na binili mula sa Blue Magic. Ngayo'y hindi ka na mabubuwisit dahil isa kang ampalayang mag-isa sa mundo, bagkus ay maaasar ka na lang sa matinding asarang naipasa na rin sa'yo.
 Sa paglipas ng panaho’y naranasan mo ring mangarap at mangisay sa paborito mong love story nina Laida Magtalas at Miguel Montenegro. Mula sa simpleng pagpapapansin at panaka-nakang pagsuyo ni Laida sa all-time crush niyang si Miggy, ay naibalik rin sa kaniya lahat ng iyon nang mahulog sa kaniya pabalik ang lalaki. Dito'y nakahugot ka ng pag-asa na maaaring umigting rin ang kuwento ng lovelife mo, at maaaring umabot rin sa puntong mamahalin ka ng taong hanggang sulyap lang ang danas mo. Ika'y humanga, nabaliw, umasa, sumubok, naghintay, napagod, nagpahinga at bumangon. Ngunit sa pagkakataong ito, ay sagad sa buto kang nag-eensayo ng linya nina Popoy at Basha sa harap ng salamin. Umabot pa nga sa puntong ikino-quote at ipino-post mo ito bilang status mo sa Facebook. Anong nangyari?
 UMIBIG KA.
 Isa ka lamang nilalang na nagpadarang sa matinding bugso ng iyong damdamin. Isa kang nilalang na bagamat walang kakayahan na malaman kung ano ang kahihinatnan ng munting pag-asa na napulot mo sa kung saan, ay agad mo itong kinapitan. Isa kang nilalang na sinulit at nilasap ang kakaibang putahe na ipinatikim sa'yo. Isa kang nilalang na nakisangga sa paulit-ulit na sakit na ibinabato nito sa'yo.
...Isa kang nilalang na gaya ng ibang tao sa paligid mo, ay nakikibaka sa alien na damdaming ito.
 Ikaw, na patuloy na sumusubaybay. Ngiti lang niya ang katapat ng buhay mong nakauumay. Iyong pag-aalok niya ng candy sa'yo, nagsilbi agad pangkulay sa madilim mong mundo. Hindi naman niya intensyon ang lahat, ngunit sabi nga nila, kapag napana ka ni Kupido ay mistulan kang lumilipad sa alapaap. At kapag naroon ka sa alapaap, 'high' ka. Ngayon, kasalanan mo nga ba talagang umasa? Ang ibig kong sabihin, ay natural na sa tao ang umasa. Hindi ito senyales ng pagiging isang tanga. Nadala ka lamang ng emosyong mabigat ang bisa sa kilos, paggawa ng desisyon at paraan ng pag-iisip mo. Sa pagkakataong ito, ay ginagamit mo naman ang utak mo. Oo, maniwala ka! Itanong mo pa sa Deep Limbic System (DLS) na bahagi ng utak mo na siyang nagko-kontrol ng bawat emosyon mo! Ngunit kung dumating na sa puntong nagsisidatingan na ang mga kaibigan mo, tinatapik ang 'yong likod at sinasabihan ka na "Ang tanga mo.", ibang usapan na 'yan. Sapagkat heto, ipaaalala ko sa'yo. Ang DLS ng utak mo ay may iba't ibang bahagi na may iba't ibang silbi, at hindi pawang emosyon ang siyang nagdo-domina sa kabuuan nito. Responsable rin ito sa abilidad mong humusga at magtimbang ng sitwasyon kaya marapat na gamitin mo ito upang makagawa ng wastong mga desisyon. Kaya naman kung kabaligtaran na ang sitwasyong ikinasasadlakan mo, puwes, binabawi ko na. Congratulations! Senyales na talaga 'yan ng pagiging tanga.
 Sabi nila, "Love is sacrifice." Hindi ka raw umiibig kung hindi ka nasaktan at natutong magbigay ng isang bahagi ng sarili mo kahit ang dating pa nito'y hindi naman nararapat. Gasgas na 'to. Hindi na bago. Ngunit kung ang kapalit naman ng bawat hapdi ay kasiyahan ng minamahal mo, hindi ba parang sulit naman ito? Muli, natural na sa tao ang gumawa nang may kapalit. Natural lang na paghirapan muna bago makamtan ang kung ano man ang nais. Noo'y naniniwala pa nga ako na "Love's way of being fair is to be unfair." Isa ito sa mga luma kong prinsipyo ukol sa pag-ibig. Hindi na baleng malugi ako, sapagkat ganoon naman talaga 'pag nagmamahal. Ngayon, sa lahat ng naging kaakibat ko sa paniniwalang 'yon, hinihiling ko na sana'y matauhan na rin kayo. Ipinapaalala ko lamang po na wala na tayo sa panahon ng Espanyol. Hindi ka isang bayani na sasalo ng bala para sa iba. Kaya huwag mo na ring hintaying mapugutan ka ng ulo dahil sa pagiging martir mo.
 Hindi naman sa ipinararating nito na 'wag kang magbibigay ng kahit ano hangga't walang kapalit. Uulitin ko, malaki ang depinisyon ng sakripisyo sa relasyon ng dalawang tao. Hindi nga lang tama na sa bawat paglalagay mo ng tubig sa kaniyang baso ay hahayaan mong umapaw na lang ito. Hindi rin tama na kada patak ng tubig na isinasalin ay inyong binibilang. Dahil kung ang pag-ibig para sa isa't isa ay totoo, mas marami o mas kaunti man ang laman ng baso ng isa sa inyo ay mananatiling wagas ang pag-iibigan n'yong pareho. Ang kulang sa iyo ay pupunuan niya at ang kulang sa kaniya ay pupunuan mo. Paulit-ulit, hanggang maging buo kayo.
 Wala namang perpekto, hindi ba? Mismong pagguhit ng perpektong hugis ng bilog ay napakahirap. Naroong daraan kayo sa baku-bako, may pataas, may pababa. Minsa'y aabot pa sa puntong bababa kayo ng sasakyan at pipiliing bagtasin na lang ang daan dahil na-overheat o kaya'y nawalan ng gasolina. At sa pagkakataong ito, ay roon mo maiisip na ang hindi ito basta lamang isang joyride. Mayroong tampuhan, selosan at bangayan. Nasa magkapareha naman iyon kung paano lalagpasan ang mga bagay na ito. Ngunit kung aabot sa puntong natukso ang isa sa nakasalubong na ahas sa daan, o kaya'y biglang nanlamig sa ulang ibinuhos ng kalangitan, subukan n'yong huminto at gamitin ang sustansya niyong karne sa loob ng bungo. Inyong pakinggan ang pintig ng puso at pakiramdaman kung iisa pa ba ang isinisigaw nilang pareho. Hindi lamang ito pagkakataon upang analisahin kung masaya ka pa ba, o kung mahal mo pa rin siya, o kung hindi mo kakayanin kung wala siya. Ito ang wastong oras upang malaman kung may patutunguhan pa ba ang relasyong sinimulan n'yo.
 I therefore conclude:
 Ang relasyon ay hindi purong pag-ibig lang ang sandigan. Nangangailangan ito ng komunikasyon, pag-uunawaan, paninindigan, desisyong makabubuti sa bawat isa, oras, sakripisyo, pag-uubaya, pag-aalaga, tamis, lungkot at ligaya. Totoong hindi porket mahal mo ang isang tao, ay dapat mong ituloy ang pagdulog sa puso nito. At gaya ng masidhing pag-iisip kung papasok nga ba sa relasyon, ay siyang pag-iisip rin kung oras na ba upang ipaubaya ang kalayaan ng iyong kapareha.
 Tanong: Kung sinabi sa'yo ng boyfriend/girlfriend mo na "I wanna break up. It's not you, it's me. Mas masaya na ako sa piling niya." Ano ang gagawin mo?
A.) Magagalit, sasampalin siya, magpapaganda/pogi at hahanap ng iba. Agad agad!
B.) Iiyak at masasaktan ngunit tatanggapin rin ang desisyon niya kaysa maging miserable kayo pareho. Move on na lang.
C.) Hindi ka papayag. Pipigilan mo siya at gagawin mo ang lahat upang maibalik ang pagmamahal niya sayo, habambuhay.
 PS: Bawal tanga, nakamamatay.
(www.sba.ph)
2 notes · View notes
foobarph · 10 years
Text
A E I O U
A E I O U
Tara! ang ibig sabihin ay ‘sumama ka!’
Lika! ‘Dito ka!’, sa ibang kahulugan.
Sibat! ‘Takbo’ o ‘takas’, ang sabi ng iba.
Shunga! Na naranasan mo o ng iba.
Diba’t kay ganda, ng wikang Filipino?
Pwedeng iba-ibahin, ngunit iisa pa rin ang mining.
Pero teka, meron pa! j3j3m0n o vaklush lingo ang sikat sa isang banda rin.
Saranggola Blog Awards
View On WordPress
0 notes
mangyanblogger · 11 years
Video
instagram
Partying with some of the bestest people in the Blogosphere... #friends #bloggers #ublog #saranggolablogawards #sba2013
0 notes
soapermaryow · 2 years
Text
Sa Umaga, Palalayain Itong Luha
***
Tuso ang Alaala
matagal na nang huli niyang masilayan
ang ninakaw sa kanyang kabataan
lulan ito ng ‘di kilalang sasakyan
na hanggang ngayon ‘di niya malimutan
-
bitbit ito ng ‘di imbitadong galamay
at ang matagal nitong kapit na
ramdam pa rin niya kahit pa
matagal na itong lumaon
-
tuso ang alaala;
gapos nito ang kanyang mga kamay
at itinutulak siya sa hukay
ng pagkalimot at kawalan
-
tuso ang alaala;
ito ang hangin na nagpapalakas 
ng apoy ng kalungkutan
sa kanyang kaibuturan
-
tuso ang alaala
lalo na ang panahon
tuso ang alaala
sa lahat ng pagkakataon.
***
Anita
Kasama ni Anita sa selda
Ang isang salamin
Lalayo ako kung lalayo ka rin
Ang sabi nito isang araw
Baliw ang tawag kay Anita
At ang salamin lang ang kanyang
Naging kasama’t karamay
-
Ano man ang mangyari;
Nalulungkot man siya o masaya
Galit man, kalmado, o malaya
-
Salamin lang ang nakikita niya
Aawayin ka nila at sasaktan
Ramdam mo ba ang pandidiri nila
Iiwan ka nila, habang mananatili ako
Lubayan mo ako! 
Iwan mo ako!
***
Kung Bakit Patusok ang Tatsulok
baliktarin natin ang tatsulok
ikaw sa baba, ako sa tuktok
kakayanin mo kaya?
-
palagay ko, 
kakalabanin mo rin silang pahirap
hindi ka mananahimik
hindi ka pasusupil
-
hindi ka titiklop
at magpapagapos sa 
kapangyarihang minsan ay naging sayo
-
— KAKAKALAMPAGIN mo rin 
ang nagtataasang pader na 
naghihiwalay sa kanila
at sa iyo
-
hindi ka padadaig at handa ka sa paggiba
hindi ka dadaing at handa ka sa pag-iiba
-
dahil naranasan ng mga kalyadong kamay
ang ginhawa nang may malay
at hindi ka naghirap para mas pahirapan lang
hindi ka lumaban para tanggalan ng karapatan
-
baliktarin natin ang tatsulok
ikaw sa  baba, sila sa tuktok
papayag ka kaya?
***
[Ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards 12]
Tumblr media Tumblr media Tumblr media
1 note · View note
jellychronology · 7 years
Text
Bakit Baliktad Magbasa si Malou?
Kwentong Pambata Category
SA PANULAT NI JELLY CHRONOLOGY
*              *               *
           Madalas na pinagtatawanan si Malou, kasi naman, mali-mali siya kapag pinagbabasa nang malakas ni Teacher Felicity. Simpleng salita lang katulad ng “babae” ay nagiging “ebaba” o kaya ‘yong salitang “guro” na nagiging “urog”.
           “Eight years old ka na, Malou, pero hindi ka pa rin marunong magbasa?”
           Ngumingiti lang si Malou kapag tinatanong siya ng gano’n, pero sa looban niya ay nalulungkot siya. Minsan umiiyak siya sa Mama niya kasi nasasaktan siya sa mga pang-aasar ng mga kaklase niya.
           Niyayakap siya ng Mama niya at kinakantahan para makatulog.
           Ordinaryong bata lang din naman si Malou. Mahilig siya sa tsokolate at ice cream. Madalas din siyang nasa harapan ng iPad, kaso puro panonood lang ng videos sa YouTube ang ginagawa niya kasi hindi siya marunong magbasa kaya wala siyang Facebook, hindi katulad ng mga kaklase niya.
           At mahilig din naman siyang magbasa ng libro, ‘yong libro na nahahawakan. Minsan magpapatulong siyang magbasa sa Mama niya, pero kahit kailanman ay hindi sila nakakatapos sa pagbabasa.
           Naiintindihan naman ni Malou.
           Isang araw, nagkaroon sila ng project sa school na gumawa ng isang storybook tungkol sa taong iniidolo nila. Nag-uusap ang mga babae niyang kaklase. Magsusulat daw sila ng fairy tales na may prinsesa, kasi gusto nilang maging prinsesa balang araw.
           “Ang story ko, tungkol kay Elsa at Anna!”
           “Sa’kin kay Moana of Motinui kasi gusto ko siya!”
           Sa mga lalaki naman niyang kaklase, mga heroes o bida raw sa mga video games. Hindi rin naman maintindihan ni Malou kasi mahirap sabihin ang mga pangalan ng mga characters na ‘yon.
           Pero para kay Malou, isa lang ang naiisip niya—wala nang iba kundi ang Mama niya.
           “Teacher Feli,” nagtaas ng kamay si Malou. “Pwede ko bang gawing bida si Mama ko?”
           Napataas ng kilay ang isa niyang kaklase. “Bakit ang Mama mo?”
           “E kasi idol ko siya.”
           “Yuuuuuck! Baduy!”
           Nagsalita si Teacher Felicity na nakangiti. “Oo naman, Malou. Kung siya ang idolo mo, nirerespeto namin ‘yon. ‘Di ba, class?”
           Sumagot na lang ng “Opo” ang mga kaklase niya.
           Ilang gabi ring hindi nanood ng videos ni Moana si Malou kasi nanonood siya ng mga videos tungkol sa paggawa ng storybook. Sinusundan niya lang kung ano ang nakikita sa video, na mabilis niya namang magaya. Nasa kwarto lang siya dahil gusto niyang surpresahin ang Mama niya.
           Hanggang sa dumating na ang araw para iprisinta sa harapan ng klase ang ginawang storybook. Magaganda ang mga gawa ng kanyang mga kaklase. Meron din namang iba na pinili ang Mama at Papa nila na mga bida. Kinakabahan si Malou.
           “Sige, class, makinig naman tayo kay Malou.”
           Pumunta na siya sa harapan at pinakita ang ginawa niya. Maraming napa-“wow” dahil maganda ang gawa niya. Makulay ito at maraming dekorasyon. Ang mga ginamit lang ni Malou sa paggawa ay mga balat ng tsokolate at kendi. Nakakaakit din sa mata ang cursive na sulat niya, na may nakasulat na “Idol ko si Mama”.
           “Lodi ko si Mama,” sabi niya nang malakas.
           Natawa naman ang mga kaklase niya. “Idol kasi!” sigaw nila.
           “I… Idol ko si Mama,” ulit ni Malou. “Lo… Idol ko siya kasi mahal niya ako.”
           Binuksan niya ang storybook at napunta siya sa unang pahina. Napa-“wow” ulit ang lahat dahil maganda ang drawing ni Malou na kinulayan pa.
           “Si Mama… ‘di siya marunong magbasa.”
           Nagulat ang buong klase.
           “Pero kaya niya, kasi nag-lara… nag-lar…”
           “Aral?”
           “Nag-aral siya. May hinahawakan siya na bagay para makapagbasa siya, kasi… si Mama, ‘di rin siya nakakakita.”
           Lalo pang nagulat ang lahat. Nagsimula silang bumulong. Pinatahimik naman sila ni Teacher Felicity.
           “Minsan, hinahawakan ko rin ‘yon para matuto ako magbasa, pero ‘di ko alam paano. Kaya tinuruan ako ng Lola ko, pero minsan baliktad akong magbasa.”
           Pinagpatuloy niya. Nilipat niya sa kabilang page na may drawing ng mukha niya na umiiyak. “Nahihirapan akong magbasa, pero si Mama, nahihirapan din.”
           Sumunod na pahina. Drawing ulit ng Mama niya na may hawak na kakaibang libro. “Pero lodi ko siya kasi tina-try niya pa rin.”
           Hanggang sa umabot na si Malou sa huling pahina. “Si Mama ang pinaka-petmalu sa lahat! Kahit wala siyang mata, sobra-sobra naman siya sa puso kasi mahal na mahal niya ako at mahal ko rin siya.”
           “Kaswa.” Pagtapos ni Malou sa pagpiprisinta niya.
           Ngayon, si Malou naman ang nagulat dahil lahat ng mga kaklase niya ay pumalapak nang malakas. May mga umiyak din, kasama na si Teacher Felicity. Lumapit ang mga kaklase niya at niyakap si Malou.
           “Sorry kasi lagi ka naming inaasar,”
           “Lodi ko na rin si Mama mo at lodi na rin kita,”
           “Hindi na kita aasarin, Malou. Friends na tayo!”
           Ngumiti si Teacher Felicity at niyakap din si Malou. “Salamat sa pagiging matapang para ibahagi ang kwento mo, Malou. Lahat tayo, may taong hinahangaan, pero kakaunti lang naman talaga sa’tin ‘yong nakikita ang tunay na halaga ng mga taong ‘yon.”
           “Kaya class, kung may tao tayong hahangaan, una sa lahat ang mga magulang natin. Kasi ang laki ng sakripisyo nila sa’tin at patuloy silang lumalaban kahit nahihirapan. Kapag nalaman natin na lodi natin sila, balang-araw, lalaki tayong katulad nila na sobra-sobra rin sa puso.”
           Sumagot ang buong klase ng “opo”, pero ngayon, hindi na sila napilitan. Simula rin no’n ay tinutulungan nila si Malou sa pagbabasa.
           Dahil simula no’ng araw na ‘yon, nakita rin nilang isang idolo ang ordinaryong batang tulad nila. Si Malou, sa edad na walo, ay patuloy na sumusubok kahit nahihirapan.
           Dahil kahit baliktad magbasa si Malou, diretso naman ang pagtingin niya sa pangarap niya.
*            *             *
Ang “Bakit Baliktad Magbasa Si Malou?” ay lahok sa Saranggola Blog Awards 9 para sa  kategoryang “Kwentong Pambata” na may paksang Idolo.
Tumblr media
Sponsors:
Tumblr media
Cutural Center of the Philippines 
Tumblr media
Device Philippines
1 note · View note