#kwetongpambata
Explore tagged Tumblr posts
Text
Bakit Baliktad Magbasa si Malou?
Kwentong Pambata Category
SA PANULAT NI JELLY CHRONOLOGY
* * *
Madalas na pinagtatawanan si Malou, kasi naman, mali-mali siya kapag pinagbabasa nang malakas ni Teacher Felicity. Simpleng salita lang katulad ng “babae” ay nagiging “ebaba” o kaya ‘yong salitang “guro” na nagiging “urog”.
“Eight years old ka na, Malou, pero hindi ka pa rin marunong magbasa?”
Ngumingiti lang si Malou kapag tinatanong siya ng gano’n, pero sa looban niya ay nalulungkot siya. Minsan umiiyak siya sa Mama niya kasi nasasaktan siya sa mga pang-aasar ng mga kaklase niya.
Niyayakap siya ng Mama niya at kinakantahan para makatulog.
Ordinaryong bata lang din naman si Malou. Mahilig siya sa tsokolate at ice cream. Madalas din siyang nasa harapan ng iPad, kaso puro panonood lang ng videos sa YouTube ang ginagawa niya kasi hindi siya marunong magbasa kaya wala siyang Facebook, hindi katulad ng mga kaklase niya.
At mahilig din naman siyang magbasa ng libro, ‘yong libro na nahahawakan. Minsan magpapatulong siyang magbasa sa Mama niya, pero kahit kailanman ay hindi sila nakakatapos sa pagbabasa.
Naiintindihan naman ni Malou.
Isang araw, nagkaroon sila ng project sa school na gumawa ng isang storybook tungkol sa taong iniidolo nila. Nag-uusap ang mga babae niyang kaklase. Magsusulat daw sila ng fairy tales na may prinsesa, kasi gusto nilang maging prinsesa balang araw.
“Ang story ko, tungkol kay Elsa at Anna!”
“Sa’kin kay Moana of Motinui kasi gusto ko siya!”
Sa mga lalaki naman niyang kaklase, mga heroes o bida raw sa mga video games. Hindi rin naman maintindihan ni Malou kasi mahirap sabihin ang mga pangalan ng mga characters na ‘yon.
Pero para kay Malou, isa lang ang naiisip niya—wala nang iba kundi ang Mama niya.
“Teacher Feli,” nagtaas ng kamay si Malou. “Pwede ko bang gawing bida si Mama ko?”
Napataas ng kilay ang isa niyang kaklase. “Bakit ang Mama mo?”
“E kasi idol ko siya.”
“Yuuuuuck! Baduy!”
Nagsalita si Teacher Felicity na nakangiti. “Oo naman, Malou. Kung siya ang idolo mo, nirerespeto namin ‘yon. ‘Di ba, class?”
Sumagot na lang ng “Opo” ang mga kaklase niya.
Ilang gabi ring hindi nanood ng videos ni Moana si Malou kasi nanonood siya ng mga videos tungkol sa paggawa ng storybook. Sinusundan niya lang kung ano ang nakikita sa video, na mabilis niya namang magaya. Nasa kwarto lang siya dahil gusto niyang surpresahin ang Mama niya.
Hanggang sa dumating na ang araw para iprisinta sa harapan ng klase ang ginawang storybook. Magaganda ang mga gawa ng kanyang mga kaklase. Meron din namang iba na pinili ang Mama at Papa nila na mga bida. Kinakabahan si Malou.
“Sige, class, makinig naman tayo kay Malou.”
Pumunta na siya sa harapan at pinakita ang ginawa niya. Maraming napa-“wow” dahil maganda ang gawa niya. Makulay ito at maraming dekorasyon. Ang mga ginamit lang ni Malou sa paggawa ay mga balat ng tsokolate at kendi. Nakakaakit din sa mata ang cursive na sulat niya, na may nakasulat na “Idol ko si Mama”.
“Lodi ko si Mama,” sabi niya nang malakas.
Natawa naman ang mga kaklase niya. “Idol kasi!” sigaw nila.
“I… Idol ko si Mama,” ulit ni Malou. “Lo… Idol ko siya kasi mahal niya ako.”
Binuksan niya ang storybook at napunta siya sa unang pahina. Napa-“wow” ulit ang lahat dahil maganda ang drawing ni Malou na kinulayan pa.
“Si Mama… ‘di siya marunong magbasa.”
Nagulat ang buong klase.
“Pero kaya niya, kasi nag-lara… nag-lar…”
“Aral?”
“Nag-aral siya. May hinahawakan siya na bagay para makapagbasa siya, kasi… si Mama, ‘di rin siya nakakakita.”
Lalo pang nagulat ang lahat. Nagsimula silang bumulong. Pinatahimik naman sila ni Teacher Felicity.
“Minsan, hinahawakan ko rin ‘yon para matuto ako magbasa, pero ‘di ko alam paano. Kaya tinuruan ako ng Lola ko, pero minsan baliktad akong magbasa.”
Pinagpatuloy niya. Nilipat niya sa kabilang page na may drawing ng mukha niya na umiiyak. “Nahihirapan akong magbasa, pero si Mama, nahihirapan din.”
Sumunod na pahina. Drawing ulit ng Mama niya na may hawak na kakaibang libro. “Pero lodi ko siya kasi tina-try niya pa rin.”
Hanggang sa umabot na si Malou sa huling pahina. “Si Mama ang pinaka-petmalu sa lahat! Kahit wala siyang mata, sobra-sobra naman siya sa puso kasi mahal na mahal niya ako at mahal ko rin siya.”
“Kaswa.” Pagtapos ni Malou sa pagpiprisinta niya.
Ngayon, si Malou naman ang nagulat dahil lahat ng mga kaklase niya ay pumalapak nang malakas. May mga umiyak din, kasama na si Teacher Felicity. Lumapit ang mga kaklase niya at niyakap si Malou.
“Sorry kasi lagi ka naming inaasar,”
“Lodi ko na rin si Mama mo at lodi na rin kita,”
“Hindi na kita aasarin, Malou. Friends na tayo!”
Ngumiti si Teacher Felicity at niyakap din si Malou. “Salamat sa pagiging matapang para ibahagi ang kwento mo, Malou. Lahat tayo, may taong hinahangaan, pero kakaunti lang naman talaga sa’tin ‘yong nakikita ang tunay na halaga ng mga taong ‘yon.”
“Kaya class, kung may tao tayong hahangaan, una sa lahat ang mga magulang natin. Kasi ang laki ng sakripisyo nila sa’tin at patuloy silang lumalaban kahit nahihirapan. Kapag nalaman natin na lodi natin sila, balang-araw, lalaki tayong katulad nila na sobra-sobra rin sa puso.”
Sumagot ang buong klase ng “opo”, pero ngayon, hindi na sila napilitan. Simula rin no’n ay tinutulungan nila si Malou sa pagbabasa.
Dahil simula no’ng araw na ‘yon, nakita rin nilang isang idolo ang ordinaryong batang tulad nila. Si Malou, sa edad na walo, ay patuloy na sumusubok kahit nahihirapan.
Dahil kahit baliktad magbasa si Malou, diretso naman ang pagtingin niya sa pangarap niya.
* * *
Ang “Bakit Baliktad Magbasa Si Malou?” ay lahok sa Saranggola Blog Awards 9 para sa kategoryang “Kwentong Pambata” na may paksang Idolo.
Sponsors:
Cutural Center of the Philippines
Device Philippines
1 note
·
View note