savethepaws
Save the PAWS!
2 posts
This blog is dedicated to all my lost dogs.
Don't wanna be here? Send us removal request.
savethepaws · 7 years ago
Text
DOG, MANTA, & PRINCE
August 16, 2017 Mag-iisang taon na palang nawawala ang mga minahal kong stray dogs.
Noong lumipat kami dito sa bago naming bahay, may kasama nang mga aso na umaaligid sa harap ng bahay namin. Apat sila. Si Dog (lalaki), Buntit (babae), Manta (babae) at Prince (syempre lalaki). Si Prince at Manta ay mga anak daw ni Buntit according sa mga kapit-bahay namin.
Dati hindi naman daw kasi sila strays. Pero ng lumipat ng mga bahay ang mga nagmamay-ari sa kanila ay hindi na daw sila naisama. Napaka-iresponsable, diba? Naatim talaga nila na iwan ang mga alaga nila na walang kasiguraduhan kung saan sila sisilong sa tuwing umuulan, saan hahanap ng pagkain at inumin kung kailangan nila. Habang sila eh nakatutulog ng mahimbing sa gabi, ang mga naiwan nilang loyal na alaga ay naghihintay sa pagbabalik nila. Umaasa na paglabas nila sa ilalim ng mga sasakyang tinutulugan nila ay nakabalik na ang mga amo nila.
Tumblr media
Ito si Dog. Palagay ko ay halos walong taon na sya. Siguro first impression ng mga tao sa kanya ay “harmful” kasi tingnan nyo nga naman, anlaki niyang aso tsaka may punit pa ang mata na malamang dahil sa away.
Pero alam ninyo, unang kita ko sa kaniya at noong tinawag ko siya, “Hi, Dog!” tumakbo siya papunta sa akin at dinaganan ako. Napaka-friendly niya. Tuwing lalabas ako ng bahay, siya ang unang sasalubong sa akin at nakikipaglaro. At hindi ko alam kung bakit hilig niyang ngatngatin ang mga shorts ko. Haha! 
Siya ang una kong naging kaibigan sa bago naming nilipatan.
Tumblr media
Ito naman si Buntit. Siguro may anim na taon na siya. Napakaganda ng mga mata niya at iyon talaga ang mga namana ng mga anak niya sa kanya. 
Kahit kailan ay hindi lumalapit si Buntit sakin. Magpakain man ako sa kanila, sinisigurado niyang halos 3 metro ang distansya niya sa akin. Hindi ko naman siya masisisi.
Kwento ng kapit-bahay namin, nang manganak si Buntit ay nilason ang mga tuta niya at tanging si Manta lang ang nakaligtas. Hindi lang `yon, binuhusan pa siya ng mainit na tubig at kitang-kita ang bakas nito. May parte kasi ng katawan niya na wala ng balahibo, malaki. Mahirap na kunin ang loob ni Buntit pero nagtiyaga ako.
Tumblr media
Samantha. Manta for short. Samantha kasi magkapareho sila ng hitsura at height ng alaga kong si Sam kaya siya ang ginawa kong counterpart, darker lang ang shade ng brown spots niya. hehe.
Katulad ni Buntit, dumidistansya din si Manta sa akin pero hindi masyadong malayo. Minsan lumalapit din siya sa akin pero ayaw lang niya magpahawak. Malamang takot siyang saktan kasi kapag nahawakan ko man siya ng sobrang light, agad siyang tumatakbo palayo. 
Nanganak din pala siya bago magpasko. Lagi kong chinicheck ang mga tuta nya. Apat sila. Kamukha niya lahat. Pinangalan ko sila base sa characters ng Game of Thrones. Sansa, Arya, Drogo, at Theon. Noong medyo malaki na ang mga tuta ay ipina-adopt ni mama ang isa. Pero ilang araw ang lumipas, nawala ang mga natirang mga tuta. Sobrang nagulat ako kasi araw-araw at gabi-gabi ko silang chinicheck pero bigla silang naglaho na parang bula. Hindi na namin sila nahanap pero may isang bahay na laging pinupuntahan si Manta at sa palagay namin ay nandoon ang isa sa mga tuta.
Tumblr media
Ito ang napakapoging si Prince. Mag-iisang taon pa lang siya. Parang half breed ng golden retriever no? Inadopt siya ng kapit-bahay namin pero ayaw niyang pumasok sa bahay nila. Gusto niyang kasama niya si Bunit at Manta na maglaro. Friendly din siya. Gustong-gusto niya kapag bini-belly rub siya. Naturuan ko din siyang mag-sit, pati na din si Dog.
Mahal na mahal to ni Buntit eh. Kapag nagpapakain ako ng tinapay sa kanila, kahit may parte silang lahat, binibigay pa din ni Buntit yung kanya kay Prince. Minsan kapag nagpapakain ako at nasa kapit-bahay si Prince, hinahatid pa ni Buntit yung pagkain sabay subo.
Gustong-gusto ni Prince maligo sa ulan. Kahit anong suway gawin ko para maghanap siya ng masisilungan o di kaya pumasok siya sa bahay nila, mas pipiliin niyang patakbo-takbo sa ilalim ng ulan.
Malamang ngayon nagtatanong na kayo kung pano nawala sina Dog, Prince at Manta. Ito kasi yon, Cropped lang ang picture ni Buntit pero bagong panganak siya diyan.
One day, nagulat na lang ako ng may sumigaw na “amo ni sa ho? amo ni ang ido nga nagkagat??!!” (ito ba yon? ito ba yong aso na nangagat??!!). Kaya napalabas ako ng bahay. Doon ko nakita na tumatakbo si Buntit papalayo sa napakalaking (mataba) lalaki na may hawak na mahaba at napakalaking kahoy. “Ano na nong??!!!” (Ano yan kuya??!!!). Biglang nag-init ang ulo ko.  “Ara ang ido nga na ho, nangagat na sa duha ka tawo!” (Yang aso na yan, may nakagat na dalawang tao!) Kaya ayon, gusto niyang patayin kasi may nakagat si Buntit na kakilala niya. “Ay indi man, nong! Bag-o lang gid na sa bata! Sino na mapadede sa mga bata niya kung sakiton mo?” (Wag naman po, kuya! Bagong panganak lang yan. Sino magpapadede sa mga tuta niyan pag sinaktan nyo?) Marami pa siyang sinabi pero alam nyo na, pag may katwiran, ipaglaban mo. hehe. Kaya ayon, umalis na si kuya na barangay kagawad daw.
Napalayo na ng takbo si Buntit at malamang nagtago. Agad ako naghanap ng local group na rescuers kasi ayaw ko namang saktan na lang si Buntit. Oo, may nakagat siya at hindi kailanman naging tama iyon. Walang naging liable sa nangyari kasi walang owner pero hindi din tama na saktan siya. Baka naman lumapit ang tao sa mga tuta niya at hindi siya kilala ni Buntit kaya naman naging protective siya. Lumalapit naman kasi ako sa mga tuta niya at nahahawakan ko pa pero hindi niya ako nasaktan o tinahol.
Late afternoon na ng nagrespond ang TAIL. Nagpunta sila dito sa amin to check on Buntit at mga tuta niya pero hindi pa rin nakabalik si Buntit. Naikwento ko sa kanila ang nangyari at naipakilala din ang iba pang mga stray dogs. 
To make the story short, napag-usapan at nag-agree kami na ipa-adopt ang mga stray dogs para maiwasan na ang mga ganoong pangyayari. Days after the incident pa ng isa-isang nakuha ang mga aso. Sobrang masakit sa akin na mapalayo sila kasi napamahal na sila sa akin. Pero at the same time masaya ako na may mga bago na silang pamilya na mag-aalaga sa kanila. Makakakain na sila ng sapat, makakainom ng malinis na tubig at hindi na sila mababasa ng ulan. 
Napabalita na lang sa akin na nawawala si Dog. Ningatngat daw niya ang tali niya at nakalabas ng bahay. Sobra sobra ang pag-alala ko. Agad akong nagpost sa facebook, gumawa ng posters at ibinigay sa guard ng subdivision kung saan nalipat si Dog. Pero wala. Ilang araw ang lumipas wala pa din. Isang pm o text na naman ang natanggap ko. Nawawala daw si Peanut (ang bagong pangalan ni Manta). Bakit ganoon? Wala akong magawa noon kasi that time, exam week namin. Naguguluhan ako kung ano ang gagawin ko. Hahanapin ko ba si Manta or mag-aaral? Mabuti na lang at may volunteers na naghanap sa kanya. Pero katulad kay Dog, wala din. Kahit ilang facebook posts ang gawin, wala. 
Siyempre, diba, bakit hindi na lubos-lubusin? Nawawala din daw si Prince. Nakalabas din daw ng bahay kasi parang marupok daw yong pinaglagyan ng tali. Nakalabas daw na may suot pang tali. Hindi din ako makaalis noon kasi sobrang sama ng pakiramdam ko at bagong labas din ako ng ospital. Gustong-gusto kong maghanap. Iyak na lang ako ng iyak kakaisip sa kanila. Nag-aalala talaga ako. Andami kong beses na pinagdasal sila na sana umuwi na sila.  Then good news daw, nakita daw nila si Prince na sumisilip sa bahay niya. Pero ng huhulihin na daw siya ay tumakbo siya ulit. Napunta siya sa vacant lot at parang natrap kasi yong tali niya nasabit sa parang wire. Pumunta agad ako sa location kasama ang ibang volunteers. Pero ng duamting na kami doon, wala si Prince. *insert mura here kasi hindi ko kinaya*. Kaya nga ako nagpunta kasi ako ang kilala ni Prince. Siguro hindi pa siya sobrang familiar sa nag adopt sa kanya kaya napapatakbo siya lagi. Umasa ako na makikita ko si Prince. Na maiuuwi ko siya. Pero wala. Naghanap kami sa buong village. Sa buong barangay at sa kabilang barangay. Kahit ilang beses ako sumigaw ng PRINCE walang senyales na nadoon siya. Iniisip ko pa noon na kapag makikita ko si Prince, ibabalik ko na lang siya sa amin. Sigurado masaya siya doon. Pero wala na din si Dog at Manta doon. Hindi na nakuha si Buntit. At hindi ko na din ipapaadopt. Malamang galit kayo kasi bakit ko pa pinaadopt kung pwede din na ako na lang magkupkop sa kanila. May tatlong aso na po ako kasi that time at ayaw na magdagdag ni mama. Hindi din magkasundo si Dog at alaga kong si Whitey.
Pero ngayon, official adopted ko na si Buntit. Nandito na siya sa loob ng property namin kasama ang 6 month old niyang puppy. Yup, inadopt na din namin. Sa ngayon, buntis na naman si Buntit. Wala pa kasing extra money para mapakapon. Hay. And alam nyo, sobrang lambing ni Buntit! Siya na mismo ang lumalapit sa akin at gustong-gusto magpabelly rub lagi! I can see and feel that she’s happier than before. :) Siguro ito talaga ang REGRET ko sa life ko. Kasi hindi ko man sinadya pero may kasalanan din ako kung bakit sila nawala. Sana ngayon nakikita ko pa sila sa labas kapag dumudungaw ako ng bintana. Sana kung buhay pa sila ay okay lang sila. Sana may kumopkop sa kanila. Sana mas masaya na sila kung nasaan man sila ngayon.
I love you Dog, Manta, and Prince. Nahidlaw na gid ko sa inyo. Sorry gid. :(
This Save the PAWS blog is dedicated to the three of them. To raise awareness for the rights of these helpless animals. Hopefully someday meron na din akong sariling shelter for stray dogs and cats para makatulong tayo sa kanila.
1 note · View note
savethepaws · 7 years ago
Text
NEGRO
August 13, 2017  Nakabasa ako ng facebook post sa isang dog group na humihingi ng tulong para sa isang aso na halos hindi na makagalaw. Halos dalawang araw na daw iyon doon sa kinaroroonan niya. Mai-imagine mo na lang talaga na hindi pa siya nakakakain at doon na din sya mismo umiihi sa kinahihigaan niya. Agad akong nagscreenshot ng post na iyon at nisend sa isang local group of rescuers which is TAIL (Team Aspin of ILoilo). Napag-usapan namin ng TAIL na agahan pa ang pagpunta sa site kinabukasan para masecure na wala nang mangyayari pang kung ano sa aso. Kahit gusto ko mang matulungan agad `yong aso, 10PM na namin nakita ang post at isang oras din ang byahe ko mula sa bahay papunta sa site. Todo pray na lang talaga ako na sana kayanin pa ng aso hanggang makarating kami sa kanya. August 14, 2017 Dahil sa hirap sumakay ng jeep at traffic, halos 8:30AM na kami nakarating ng girlfriend ko sa site. Pero pagdating namin sa site ay wala na doon ang aso. Muntik na ako napaiyak mga, bes. Nakita ko si manong guard na nakatambay sa hagdan kaya siya ang pinagtanungan ko. Siya din pala ang may-ari sa aso. Ang sabi niya ay may nakakuha na daw. Hindi daw niya alam kung sino basta’t babae daw na may edad at nabanggit lang daw ang animal welfare. Kinabahan ako kasi sabihin na lang natin na merong isang group na kumukuha din ng mga aso pero konti lang yung chance na binibigay nila at ini-euthanize na nila agad. Wala pa `yong mga taga TAIL kaya nagpunta muna kami ng girlfriend ko sa isang convenience store para kumain.  Nang makita na namin si Nong Dane (from TAIL) na napadaan, sumunod na lang kaming bumalik sa site. After noon ay napaamin si manong guard na nasa kanila pa pala ang aso at parang natakot lang sabihin sa amin na buhay pa kasi ang sinasabi pala niyang babae na taga animal welfare ay pinagsabihan din niyang patay na daw ang aso. Kinailangan pa namin ng konting pagkumbinse kay mannong guard na i-check namin ang aso na inilipat pala nila sa rooftop ng building.
Tumblr media
Ito po ang sitwasyon ni Negro, about 10 years old, nang makita namin siya. Wala pong sapin ang hinihigaan niya at pinagtagpi-tagpi lang po yan para hindi siya mainitan. Mai-imagine niyo po siguro yong sobrang init na kinailangan niyang tiisin para makasurvive. Noong inilipat siya sa sako para dalhin sa may lilim, sobra ang iyak niya. Napakasakit marinig. Hindi alam ni manong guard kung ano ang nangyari kay Negro. Pero pinaniniwalaan nila na nabundol daw ito ng sasakyan. Nang i-check ni Nong Dane ang aso, parang nasa pelvic niya ang may problema. Kahit galawin ng konti ang buntot niya sobra ang iyak niya na kahit ba hindi makagalaw ay pipilitin niyang tumayo. Kitang-kita talaga sa mga mata niya ang sakit.
Tumblr media
Nang pina-inom ko na siya ng tubig na mixed with sugar, walang halong biro pero doon ko talaga naramdaman na gusto pa niyang lumaban lalo na ng napatingin siya sa akin.  Sobrang dehydrated din talaga siya. Ang dami-dami niyang nainom pero ayaw niya or hindi niya kayang kumain. Kahit sabaw lang talaga ayaw niya. Iyong tubig lang talaga na ibinigay ko sa kanya gamit ang syringe ang gusto niya. Nakita din namin na marami siyang ticks at may skin problem.
Tumblr media
Inilipat ulit siya sa ground floor para mas convenient ang pag asikaso sa kanya. This picture was taken right before siya i-dextrose. Medyo nahirapan si Nong Dane pero nagawa din naman. Hindi ko na nakuhaan ng picture kasi busy na kami that time at nakalimutan ko na din before kami umalis.  Kung na-notice ninyo, ganyang side lang yung higa niya sa mga pictures pero after siya i-dextrose ay binaliktad na ang position niya. Oo, ganoon pa din, napapaiyak pa din siya sa sakit pero kailangan kasi nagka-bedsore na siya. Basang-basa ang right side niya, may mga nakadikit pa na tirang kanin sa katawan niya at tsaka meron na ding pus.
Bago pa kami makaalis, kinakaya niyang galawin ang mga kamay at paa niya at pati din ang buntot niya. Nagrerespond na din siya kahit papaano kapag tinatawag ang pangalan niya.
Umalis na din kami matapos ang ilang oras pero binalikan din naman siya ni Ma’am G (also from TAIL) para magspray para sa mga ticks niya at para dalhin na din siya sa clinic. This is my very first rescue with my girlfriend, Lala. Oo, hanggang assist lang naman kami doon. Pero kahit nagpainom lang talaga ako kay Negro ng tubig niya, sobrang saya ko talaga kasi kahit papaano ay natulungan ko siya sa paraang alam at kaya ko. Sana ay marami pa ako, kami, at tayong matulungan na mga aso na nangangailangan. Hindi naman kailangan na ibuhos mo ang lahat ng oras mo katutulong sa mga aso. Gaano man kakaunti ang naibigay mo sa kanila ay alam kong tatanawin nilang utang na loob sa iyo iyon. Wala namang mawawala kapag tutulong ka diba? 
Thank you, Negro! 
0 notes