lifeinthedlist
lifeinthedlist
life in the background
1 post
memories, opinions, thoughts, outlet
Don't wanna be here? Send us removal request.
lifeinthedlist · 5 years ago
Text
1992
Ilang linggo bago magsimula ang school year isinama ako ng nanay ko para bumili ng school supplies ng mga kapatid ko. Hindi magkamayaw ang mga tao sa loob ng Ever Gotesco. Oo, wala pang SM Southmall nung mga panahong iyon.
Ang sabihing mad house ang loob ng Ever Gotesco ay understatement of the year. Kagulo ang mga nanay sa pagbili ng patong-patong na notebook na may mukha ni Judy Ann, Jolina, Marvin at Wowie De Guzman. Patong-patong na papel from grades 1-6 at lapis, Mongol number 2. Hanggang ngayon hindi ko parin alam bakit kailangan number 2 at ano ang difference nila.
Habang abala ang nanay ko kapipili ng mga gamit para sa mga kapatid ko, sumunod ako sa kuya ko. Si ate, ewan ko nasaan. Ang alam ko apat kaming pumunta roon pero hindi ko malaman kung saan sumuot ang ate ko. Going back, sumunod ako sa kuya ko na tumitingin ng mga ballpen na hindi naman nya mabibili dahil mahal. Nakasunod lang ako sa kuya ko, ngunit sa hindi ko matandaang dahilan na-distract ako. Ilang minutong nawaglit ang atensyon ko sa kapatid ko. Noong maalala kong may kasama pala ako, wala na ang kuya ko.
Nganga.
Para sa batang apat na taong gulang, maliit at mataba, napakalaki ng mundo. Nagitgit ako ng na gitgit ng mga tao pero hindi ako nanalo. Natangay ako sa daloy ng mga tao hanggang sa nadala ako sa gilid.
Luminga-linga.
Walang nanay, walang ate, walang kuya.
Sa huli ginawa ko tanging option na mayroon ako. Umiyak ako. Ngawa. Ngal-ngal. Tulo-uhog.
Maya-maya pa may mag-asawang lumapit sa akin at nagtanong:
“Bata bakit ka umiiyak?”
Suminghot-singhot saka sumagot ng: “Nawawala po ang Nanay ko.”
In-denial. Isang katangiang madadala ko hanggang sa paglaki.
Noong mga panahong iyon usong-uso ang nawawalang bata. At dahil nga uso, alam agad ng mag-asawa ang gagawin sa akin. Ilang minuto pa nandoon na ako sa puwesto ng mga cashier at tinanong ng: “Anong pangalan mo?”
Kagaya ng lahat bata alam ko ang pangalan ko at kung saan ako nakatira. Ilang minuto at ayan na ang all too familiar announcement sa mga mall.
“Calling the attention of the parents of the lost girl.”
Apparently, sa sobrang abala ng mga kamag-anak ko pagbili ng gamit sa eskwela nakalimutan nilang apat nga pala silang nagpunta roon. Dali-dali raw silang tumakbo papunta sa cashier kung saan ako naroroon.
Agad akong kinuha ng nanay at pinunasan ang luha at tumutulong uhog.
Nang makalayo sa mga tao, talak ang inabot ng mga kapatid ko sa nanay namin.
Bilang bunso at paboritong anak ng tatay ko, pinapangako kami ng nanay ko na hindi sasabihin sa erpats ko at malilintikan sila.
Nakauwi na. Walang nagbanggit sa tatay ko. Hanggang ngayon.
1 note · View note