Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Laban Pa
Ako'y nagbabalik sa espasyong ito.
At sa pagbabalik na ito'y bitbit ko ang dalisay na pasasalamat sa Panginoong Maylikha dahil gumagaling na ang aking mahal na Ina mula sa mga karamdamang kanyang ininda ng maraming buwan.
Unti-unti ay sumisigla na ang kanyang dating marupok na pangangatawan. Nakakatayo at nakakapaglakad na kahit may umaalay na kapirasong kahoy. Masagana rin ang kanyang pagnamnam ng mga pagkaing binibili at nadadala ko galing sa palengke o siyudad man. Masaya akong nakikita na kaya na niyang maligo mag-isa. Ang lakas at tatag ng boses niyang tulad na rin ng dati kung pagalitan niya ang pamangkin kong sutil.
Hindi naging madali ang pinagdaanan ng aking Ina. Kung tutuusin, nakipaglaban siya para sa pangalawa niyang buhay. Inilaban niya kami hanggang dulo at napagtagumpayan niya ito dahil di kami nawala sa tabi niya. Dahil handa kong gawin at ialay ang lahat para sa kanya anu't ano man ang hingin ng panahon.
Ang dami-daming pighati at sakripisyo lalung-lalo na sa parte ko bilang tapagtaguyod ng pamilya. Ngunit lagi't lagi ay di ko na kinakalinga ang dulot nito sa katawan at pagkatao ko. Ang mahalaga, madugtungan ang buhay ng aking Ina.
'Yun lang ang kaisa-isang panalangin na aking itinangis abot-langit sa Kanya. Dininig naman Niya ng masinsinan ang aking panaghoy.
Sa aking pagbabalik sa espasyong ito, di ko pa rin masasabing magiging kaaya-aya ang lahat sa buhay ko. Alam kong kapatid ko na ang mga dagok sa buhay at nagpapasalamat naman ako dahil dito'y lumalawak ang aking kamalayan tungkol sa mundo.
Mas nasisilayan ko sa mula sa mga paghihirap ang katangi-tanging lakas at dunong kong magpatuloy lang sa pakikipagsapalaran. At dahil gumagaling na ang aking Ina, paunti-unti ay nakakahinga na rin ako ng maluwag walang pagka-agam-agam.
Tinataya ko pa rin ang lahat sa taimtim na dasal at pag-asa. Dahil naniniwala akong balang-araw gigising din akong di lang maliwanag ang sikat ng araw mula sa bintana ng aking kwarto.
Ngunit, dahil may dala na itong kapayapaan at kaluwalhatian para sa aking puso at kaluluwa sapagkat di ako sumuko at pinili kong magpatuloy kahit puro sugat ang suot ko.
Ikaw rin. Lumaban ka lang. Ilaban mo pa. ☺️
#buhay #tagalog #plumatatpapel #pagasa #laban pa
0 notes
Text
0 notes
Text
: Buong - buo na akong sumugal sa walang kasiguraduhan. Pinili kong bumalik sa'yo dahil akala ko pareho na tayo ng pagtingin sa hinaharap. Inayos at inihanda ko ang sarili ko sa loob ng tatlong buwan para balikan ang lahat ng mayroon tayo, at patunayan sa'yo at sa sarili ko na nakaya kong magbago nang sapat at totoo. Pero, di mo nakita lahat ng paghihirap at sakripisyo ko. Hindi mo pa rin ako natutunang patawarin ng busilak sa puso mo. Sa aking pagbabalik, tanging nakikita mo pa rin ang sugat na dala ko. Nangako kang kinalimutan mo na ang masalimuot nating nakaraan at handa ka nang magsimulang muli kasama pa rin ako. Pero, hanggang matatamis na salita ka na lang pala. Isang simpleng hidwaan lang ang hinintay mo para sukuan ako ng ganun lang kadali. Para muli mo akong patayin ng dahan - dahan. Para maniwala akong naumay ka na nga at di mo na talaga ako pinapahalagahan. Ang paglisan mo ng walang paalam kahit respeto na lang ay hubad na katotohanang di mo na talaga ako mahal. At laging gagamitin mong sandata ang kawalan mo ng kakayahang ipahayag ang damdamin mo para yurakan ang halaga ko bilang isang taong ang nais lang ay magmahal at mahalin ng totoo - walang pagbabalat-kayo. Inilibing mo ako ng buhay. Ay hindi! Pinatay mo na naman ako gaya ng dati. 💔
0 notes
Text
PAGLAYA
Sabi mo noon ako'y sapat na
Kahit may kulang, tanggap mo na
Sumugal, nagmahal, inakala
Na isang lands ang ating punta
Ibinahagi ang kaluluwa
Maging kirot at pag-asa
Akala'y yayakapin din
Ng buo at walang duda
Lumipas na nga ang saya
Kinapos ka ng tiwala
Sa tulad kong mahina
Di pa rin sapat ang ligaya
Masakit man ang pagbitaw
Marupok man at mababaw
Kailangan ko ng lumayo
'Ayusin ang sarili', sabi mo
Kaya malaya ka na
Oras na ang humusga
Tayong dalawa'y di handa
Tumalima ng tadhana
Sa aking pagbitaw,
Sana'y masaya ka na.
0 notes
Text
Kahit Di Na Ako
Sa mga oras na ito, binibisita na naman ako ng lungkot. Sa bawat ihip ng hangin, langhap ko ang pangungulila sa'yo. Titigan ko man ng may tapang ang tingkad ng ilaw, nanlulupaypay pa rin ang aking puso dahil nilalaro ako ng iyong alaala.
Gusto ko na sanang di maramdaman ang hapdi na maaaring kumitil sa akin anumang oras. Mas gugustuhin ko sanang wala na lang akong maalalang mga sandali ng apoy at tubig na ating pinagsaluhan. Mas kakayanin ko sana ang lahat kung isinilang na lang akoang manhid sa emosyon na mayroon ako bilang isang nilalang.
"Masakit pa rin ba?" tanong ng haliging semento.
"Oo naman. Minu-minuto. Oras-oras. Di namamatay ng ganun-ganun lang," sagot ko.
"Nalulungkot ka na naman?" saglit ng matigas kong kama.
"Nanalo ako sa bawat digmaan na nilalaban ng utak ko kapag katabi ko siya, masikip man dito," kiming tugon ko.
"Pero bakit mo hinayaan mawala kung mahal mo pa?" udyok ng unang higaan ng ating kalituhan sa buhay.
"Di ko rin alam. Ang alam ko lang, kailangan ko siyang palayain para sa ikabubuti niya. Para matauhan siya sa kung ano ang tunay na buhay. Para kung itadhana man ng panahon ang muli naming pagkikita, di ko na maaaninag ang kawalan niya ng tatag para tanggapin ng buo ang kanyang sarili. Na sana sa panahong 'yon, makita ko nang mahal na mahal na niya ang kanyang pagkatao kasama ng mga kahinaan, pagdududa, at kasawian nito," sabay kong hagulgol.
"Pero, magkikita pa kaya kayong dalawa?" sabi ng salamin.
"Di ko alam. Ayokong umasa sa laro ng oras kahit gusto ko. Bahala na ang ikot ng tadhana. Ang mga panaghoy ng damdamin. At ang bigkas ng mga mumunting panalangin," sagot ko pabalik.
Nanghihinayang? Sayang? Bakit hinayaan?
Di ko rin alam. Di ko alam.
Ang alam ko lang. Sa'yong paglaya mula sa aking masalimuot na pag-ibig, dasal ko ang tagumpay ng buhay, ng kanyang puso, ng kanyang kaligayahan.
Kahit di na ako ang kasama mo sa paglalakbay. 💔
0 notes
Text
Di Pa Pala Sapat
Tatlong linggo pa lang ang nakararaan, pero pakiramdam ko parang isang buong taon na simula ng natapos ang lahat.
Ngumingiti ako pero nakatanim pa rin ang kirot. Humahalakhak ako pero nagdurugo pa rin sa loob. Gumigising ako araw-araw, ngunit ilang oras din akong nakatingala sa kawalan ng kisame ng aking kwarto.
Minu-minuto, oras-oras, tinitibayan ko ang sarili na hindi na muling maging marupok tulad ng dati. Na hindi ko pipindutin anong letra sa aking telepono para muling magkrus ang ating mga kaluluwa.
Dahil alam ko, kapag ginawa ko, manghihina at babalik na naman ako sa umpisa. Kakainin ko na naman ang mga binitiwan kong salita, masasakit man o mapagpalaya. Pinipigilan ko.
Naaalala pa rin kita. Iniisip pa rin kita magdamag habang yakap-yakap ko ang katahimikan at pag-iisa ng gabi.
Nilalaro ko pa rin ang ulirat na sana'y nahahawakan kita. Nahahaplos ang iyong buhok at mukha. Nahahagkan ng sobrang higpit ang iyong mga bisig. Nahahalikan ka ayon sa bugso ng puso at utos ng kaluluwa.
Ninanasa ko pa rin na kasama ka mula sa pagkagat ng dapit-hapon hanggang sa pagbungad ng bukang-liwayway.
'Yung pag-asa na dala ng paghawak sa'yong kamay.
Langga, nalulungkot pa rin ako kapag ako na lang mag-isa.
Sobrang lungkot. Sobrang kirot.
Sa mga gitna ng kalituhan, may tinig ng:
"Sayang. Inilaban mo pa sana."
Napagod na rin talaga ako. Sobrang pagod.
Kung tatanungin mo ako ngayon: "Bakit mo ako sinukuan?"
Sana sagutin mo muna ako.
"Sa loob ng higit isang taon, bakit di mo ako kayang pagkatiwalaan ng buong-buo?"
"Di pa ba sapat ang paghubad ko sa'yo ng aking katawan, kasama ng mga kuwento at kasaysayan ng aking kaluluwa?"
Gayunpaman, dasal ko pa rin ang iyong paghilom.
Maging maligaya ka kahit wala na ako.
Kakayanin ko ring umahon ng dahan-dahan.
Susubukan ko kahit durog na durog pa.
1 note
·
View note