haaauhaaau
Random Thoughts for Random People
1 post
Don't wanna be here? Send us removal request.
haaauhaaau · 3 years ago
Text
Syudad de Baguio: Ang Hiwaga ng Hilaga
Tumblr media
Larawan mula sa Tripadvisor
           Baguio City: ang kabisera ng tag-init ng Pilipinas, ang lungsod ng mga pino.            Sa layong 250 kilometro pahilaga mula sa Manila, mararating ang isa sa mga pinakanatatanging pook-pasyalan sa Pilipinas – ang puso ng Benguet, Baguio City. Sa altitud nitong 5,050 talampakan sa ibabaw ng katubigan, hindi na kataka-takang kahit pa tatlong patong na ang kasuotan ay damang dama pa rin ang yakap ng malayelo nitong simoy dahil ang pangkaraniwang temperatura rito ay umaabot ng 15oC. Kung nanaising masulit nang lubusan ang pagbisita sa Baguio City, ang buwan ng Pebrero ang pinakaideyal na panahon ng pagpanik dahil sa buwang ito ipinagdiriwang ang Pista ng mga Bulaklak – Panagbenga Festival. Ngunit, hindi ito nangangahulugang ang nalalabing mga buwan sa taon ay hindi na nakakaengganyong pumasyal sa Baguio City dahil sa anumang panahon, laging bukas ang mga kamangha-mangha nitong tanawin.  
MGA NAKAKAPINTIG-BALAHIBONG ATRAKSYON SA LUNGSOD NG BAGUIO
Tumblr media
Larawan mula sa Inquirer News
Lion’s Head
           Ang malahiganteng ulo ng leyon na nakaukit sa isang bato ay may taas na apatnapung talampakang. Matatagpuan ito sa pagbaybay sa Kenon Road na isa sa mga daan papasok sa Baguio City. Itinayo ang Lion’s Head noong 1960 at ngayo’y isa na sa mga pinakakilalang muhon ng syudad.
Tumblr media
Larawan mula sa The Filipino Homeschooler
BenCab Museum
           Ang BenCab Museum, itinayo noong 2009, ay nasa kahaban ng Asin Road, labinlimang minutong byahe mula sa sentro ng Baguio City. Ang galeriyang ito ang isa sa mga puntahing lugar sa lungsod na kinababahayan ng Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas na si Benedicto Reyes Cabrera, sikat sa taguring “BenCab.” Tampok sa museo ang mga natatanging likhang sining ni BenCab na kadalasan ay may temang Cordilleran.
Tumblr media
Larawan mula sa Thirsty Blogger
Tam-Awan Village
           Apat na kilometro mula sa pusod ng Baguio City matatagpuan ang Tam-Awan Village. Ang Tam-Awan Village ay itinayo noong 1998 ng Chanum Foundation Inc. Isa itong kultural na eksibit na itinalaga ng mga lokal na alagad ng sining na kung saan maaaring makasulyap sa mayamang paraan ng pamumuhay ng mga tiga-Cordillera.
Tumblr media
Larawan mula kay Oliver M. Bautista
The Mansion
           Ang The Mansion ay itinayo noong 1908 bilang bahay-pahingahan ng gobernadora-heneral ng Amerika. Sa kasalukuyan, ito na ang opisyal na panirahan ng pangulo ng Pilipinas kapag tag-init. Kahit pa hindi pinapahintulutan ang publiko na makapasok sa loob ng mansyon, kaakit-akit pa rin ang taglay nitong tanawin.
Tumblr media
Larawan mula kay Christian Lucas Sangoyo
Wright Park
           Sa mismong tapat ng The Mansion matatagpuan ang Wright Park. Naitatag ang Wright Park noong 1886 nang maghandog si Charles Wright ng dalawampung ektaryang lupain upang maging pampublikong parke. Ang parkeng ito ay isa sa mga ipinagmamalaking pasyalan ng Baguio City. Ang Wright Park ay isang “ecopark” na bukas para sa publiko kung kaya’t maraming turista ang naeengganyong maglibot dito. Isa sa mga tampok na aktibidad sa Wright Park ay pagsakay sa makukulay na kabayo na talaga namang nakakapagbigay pahinga sa mga turista.
Tumblr media
Larawan mula sa Foursquare
Botanical Garden
           Kung ang hanap mo ay isang payapang lugar kasama ang kalikasan, ang Baguio Botanical Garden ang para sa iyo. Ang Botanical Garden na ito ang natatanging hardin na nakatindig sa gitna ng lungsod. Karagdagan dito, sa pagbaybay sa loob ng hardin ay maaari ring madiskubre ang pamamaraan ng pamumuhay ng mga Igorot na naninirahan mismo sa Botanical Garden.
Tumblr media
Larawan mula sa ZEN Room
Burnham Park
           Burnham Park: ang pinakapopular na parke sa Baguio City. Ito ay matatagpuan sa pusod ng Baguio. Maraming mga aktibidad ang maaaring magawa rito, gaya na lamang ng pamamangka, pagbibisikleta, pamimili, paglalaro – lahat ng maaaring maisip gawin, paniguradong nandito iyan sa Burnham Park.
Tumblr media
Larawan mula sa Daniel’s Eco-Travels
Mines View Park
           Hilagang-silangan sa dakong labas ng lungsod ng Baguio matatagpuan ang Mines View Park. Ito ang isa sa pinakapopular na pasyalan ng mga turista dahil sa makapigil-hininga nitong tanawing sakop ang buong marilag na kabundukan ng Cordillera. Dito ay maaaring magrenta ng mga katutubong kasuotan ng mga Ifugao sa paglibot sa parke na makapagbibigay ng lubos na karanasan at kasiyahan.
Tumblr media
Larawan mula sa Lemi
Good Shepherd Convent
           Ang Good Shepherd Convent ay naitatag noong 1948. Popular ang kumbentong ito sa mga ipinagmamalaking masasarap na pasalubong mula sa Baguio City – tulad ng peanut brittle, peanut butter, lengua de gato, strawberry jam, at ube jam – na gawa ng mga madreng naninirahan dito. Matatagpuan ang Good Shepherd Convent hindi kalayuan mula sa Mines View Park.
Tumblr media
Larawan mula kay Jonathan Cayannan
Camp John Hay
           Ang Camp John Hay ay dating base-militar ng mga Amerikano noong Pangalawang Pandaigdigang Digmaan. Ang mga aktibidad na perpektong gawin sa kampong ito ay magpiknik, maglakad-lakad, at maglaro ng golf.
Tumblr media
Larawan mula sa Pinoy Adventurista
Tree Top Adventure
           Ang Tree Top Adventure ay isang pook-libangan na patok para sa mga taong naghahanap ng abentura. Dito ay makaranas ng mga matinding mga aktibidad gaya ng zip-lining, bungee jumping, treetop climbing, at cablecar riding. Matatagpuan ang pasyalang ito kaunting lakad lamang mula sa Camp John Hay.
Tumblr media
Larawan mula sa VisitPinas
The Diplomat Hotel
           Kung kilabot naman ang nais maramdaman, ang Diplomat Hotel ang sagot para riyan. Ang Diplomat Hotel ay itinayo noong 1913. Noong kasagsagan ng Pangalawang Pandaigdigang Digmaan, ginamit ang hotel upang maging kampo ng mga tumatakas na mga tao mula sa kamay ng mga hapones. Subalit hindi naglaon, natagpuan at pinasok na rin ito ng mga militanteng hapon at gumawa ng mga barbarikong kilos gaya ng panggagahasa, pagpapahirap, at pagpatay. Inabandona ang nasabing hotel noong mga huling yugto ng 1980 at ngayon ay nasa ilalim na ng pamahalaan ng Baguio City.
Tumblr media
Larawan mula sa Vigattine Tourism
Baguio Cathedral
           Ang Our Lady of the Atonement Cathedral o mas kilala bilang Baguio Cathedral ay isang Katolikong simbahang nasa kahabaan ng Session Road. Ito ay binuksan at binendisyunan noong taong 1936 sa ilalim ng lideratura ni Rev. Fr. Florimond Carlu. Taglay ng Baguio Cathedral ang tanawing sakop ang kabuuan ng lungsod.
Tumblr media
Larawan mula kay Audible Books
Baguio City Public Market
           Mercado Publico de la Ciudad de Baguio: ang one-stop-all-shop na bilihan ng kahit anumang isipin ng isang mamimili. Mula sa karne, isda, at gulay, hanggang sa kanilang ipinagmamalaking tela, kakaibang mga putahe, at mga pasalubong na sa Baguio lamang matatagpuan.
 PABAON!
           Kaakibat ng ating pagbisita sa mga natatanging lugar sa Baguio City ay ang ating responsibilidad upang alaagan at ipreserba ang mga ito. Gayundin, sa pagbaba natin mula sa malaparaisong kabundukang ito, baunin sana natin ang ganda at kulay ng kultura at tradisyon ng mga taong naninirahan dito, maski anuman ang etnisidad. Huwag nating hayaang tayo na lamang ang huling henerasyon na magkakaroon ng prebilehiyong makasilip sa gandang itinatago ng lungsod.
           Muli, halina’t pumanik at tuklasin ang mga natatagong yaman ng Syudad de Baguio: Ang Hiwaga ng Hilaga!
0 notes