ferdinafaye
Untitled
1 post
Don't wanna be here? Send us removal request.
ferdinafaye · 1 year ago
Text
Pagtuklas sa Kagandahan ng Ilocos mula sa aming Bakasyon
Taong 2017, buwan ng Abril, ang aking pamilya ay bumisita sa lungsod ng Pagudpud at Vigan bilang bahagi ng aming taunang bakasyon sa tag-init. Nagplano ang aming padre de pamilya na magbakasyon sa mga lugar na ito hindi lamang ako, aking mga kapatid, at magulang ang kasama hindi pati na rin ang aming mga tita, tito, at pinsan sa father side. Una naming pinuntahan ang lungsod ng Ilocos Norte kung saan matatagpuan ang Pagudpud at dinaanan pauwi ang lungsod ng Vigan sa Ilocos Sur. Ang aming bakasyon ay tumagal ng tatlong araw at dalawang gabi, hindi kasama ang araw ng aming pagbiyahe papunta.
Mga pangyayari papunta sa Ilocos Norte
Madaling araw, alas tres ng umaga ng mag-umpisang gumayak ang aming pamilya. Kami ay nagmula sa San Fernando, Pampanga. Dalawang sasakyan ang dinala upang magkasiya, kung saan sa sasakyang minamaneho ng aking ama kami naka-upo nila mama at aking mga kapatid at sa kabilang sasakyang minamaneho naman ng aking tito ang ibang kamag-anak. 
Tumblr media
Ang byahe papuntang Pagudpud, kung nakasasakyan, ay nagtatagal ng isang araw o 24 oras at dahil madaling araw kaming bumiyahe ay puro tulog ang nangyari hanggang mag-umaga. Nagkaroon ng ilang stop over sa biyahe upang kumain ng agahan, tanghalian, at hapunan pati na rin ang mga bathroom break. Sa araw ng aming biyahe, bandang mag-uumaga, pagkatapos naming mag-almusal sa isang lugar na marami rin ang nag-stop over, ay dinaanan namin ang Paoay Sand Dunes para manguha ng litrato kasama ang buong pamilya. 
Tumblr media Tumblr media
(Kuha mula sa google – Guide to the Philippines & The Poor Traveler)
Pagkatapos ay bumalik kami sa byahe at tanghali ng tumigil sa Fort Ilocandia Resort and Casino kung saan inikot namin ang labas dahil sa kasamaang-palad ay hindi bukas ang loob nito. Sa labas kung saan naka-parke ang sasakyan naman kami kumain ng aming tanghalian.
Kami’y muling bumalik sa biyahe at nadaanan ang sikat na Don Mariano Marcos Bridge at Patapat Viaduct Bridge. Pagsapit ng kinagabihan ay huminto kaming muli sa isang tabi ng kalsada kung saan mayroong mga nagtitinda ng mga pagkain upang tikman ang Ilocos Empanada na kilala bilang unang pagkain na dapat tikman dito. Ang aking masasabi sa empanadang ito ay dapat lamang itong matikman ng bawat isa dahil tunay na masarap ito lalo na ang sukang sawsawan.
Tumblr media
(kuha mula sa google)
Bago tuluyang bumiyahe sa lugar na tutuluyan, pinuntahan namin ang Paraiso ni Anton. Paniniwala na ang tubig mula rito ay may kapangyarihang makapagpagaling kung kaya’t naranasan ng aming pamilya na uminom mula rito.
Tumblr media Tumblr media
(kuha mula sa google)
Alas-onse ng gabi na kami nakarating sa bahay na aming tutuluyan at diretso agad sa kwarto upang magpahinga at matulog para maging handa kinabukasan.
Unang araw sa Pagudpud, Ilocos Norte
Kinabukasan, bago mag-umpisa ang aming paglilibot sa lugar ay naligo muna kami sa isang batis na nagkataong malapit sa bahay na aming tinutuluyan. Bilang mga bata ay kasiyahan namin ang paliligo sa mga ganoong klase lugar sa unang pagkakataon kung kaya’t tumatak ito sa aking isipan. 
Tumblr media Tumblr media
Pagkatapos nito ay diretso kami sa unang destinasyon, ang Saud White Sand Beach. Nagtagal kami dito ng kalahating araw, dito kami kumain ng tanghalian na dala namin at naligo. Ito ang unang pagkakataong natuto akong mag-floating.
Tumblr media
(kuha sa mula sa google)
Sumunod na pinuntahan namin pagkatapos ng beach ay ang Cape Bojeador Lighthouse.
Tumblr media Tumblr media
Ang lokasyon ng lighthouse ay nasa isang tuktok na hindi maaaring umakyat mismo ang mga sasakyan. Kung kaya’t ang sasakyan namin ay iniwan sa ibaba nito kung saan mayroon ding mga nagtitinda ng souvenirs. Inakyat naimin ito hanggang marating ang tuktok kung nasaan ang lighthouse. Pumasok kami rito at nakita ang iba’t ibang klase ng mga litrato at historya ng lighthouse na ito. Mayroon din sa loob nito na isang well na hinuhulugan ng mga barya.
Tumblr media
(kuha mula sa google)
Ito ang huling destinasyon namin bago nagpahinga para sa araw na iyon.
Pangalawang araw sa Ilocos, Norte
Sa bawat paglalakbay naming pamilya ay sinisigurado nila na makakabili ng mga souvenirs kung kaya’t pagkatapos sa tabing dagat ay pumunta kami sa Burgos, Ilocos Norte kung saan matatagpuan ang Kapurpurawan Rock Formation. Bago makapasok at makita mismo ang rock formation na ito ay mayroong mga stalls na nagtitinda ng iba’t ibang klase ng souvenirs gaya ng magnet sa refrigerator, mga windmills wooden sculpture, at iba pa kung saan kami namili.
Tumblr media
(kuha mula sa google)
Pagkatapos namin dito ay aming dinaanan ang Bangui Windmills upang makita ang mga windmills ng malapitan.
Tumblr media
(kuha mula sa google – Guide to the Philippines)
Ikatlong araw sa Ilocos, Sur
Dumating na ang huling araw ng aming bakasyon sa Ilocos. Sa araw na ito, ang aming destinasyon ay ang Ilocos Sur bago kami umuwi sa San Fernando.
Ang unang pinuntahan namin ay ang Paoay Church. Pumasok kami rito at nagdasal bago nilibot ang mga nakapaligid dito na tanawin. 
Tumblr media Tumblr media
(kuha mula sa google)
Pagkatapos sa Paoay Church ay pumunta na kami sa huling destinasyon na aming bakasyon, ang Vigan Heritage Site at Calle Crisologo. Inikot namin ito at bumili ng mga gamit gaya ng bag at mga laruan. Bumili rin kami ng sorbetes na tinitinda dito bago nag-ikot.
Tumblr media
(kuha mula sa google)
Mga dapat malaman mula sa karanasan ng aking pamilya sa biyaheng ito
Sa sobrang tagal ng oras sa biyahe gamit ang sasakyan ay mararamdaman mo talaga ang ngawit sa pag-upo at hirap sa pagtayo. Kapag nakalabas ka ng sasakyan, ramdam na ramdam mo ang ginhawa at mapapa-thank you, Lord ka na lang dahil sa sarap sa pakiramdam. Siguraduhin dapat na kumpleto ang dalang gamit para sa isang araw na biyahe. (1) Ang mga baon na pagkain na maaaring kainin sa loob ng sasakyan. (2) Hygiene kit na gamit para kung matatawag ng kalikasan. 
Normal na maraming beses mag-stop over sa buong biyahe dahil nga sa ngawit mula sa pag-upo. May pagod at antok talagang madadama, kaya importante rin na hindi lang isa ang marunong magmaneho dahil kakailanganin niya ng kapalit para makapagpahinga at makatulog kahit saglit lamang.
Mga pananaw mula sa bakasyong ito
Hindi ‘man ito ang unang bakasyon na kasama ko ang aking pamilya, ngunit isa ito sa hindi ko malilimutan. Ang mga karanasan na nakuha ko mula rito ang patuloy na tatatak sa aking isipan lalo na at ang mga lugar na aming napuntahan ay mga parte ng kasaysayan ng bansa. Mayroon silang pagkakaiba na marapat malaman ng bawat tao. 
Ang edad ko sa panahong ito ay batang-bata kung kaya’t hindi na rin gaanong detalyado ang mga pangyayari sa bakasyong ito. Hindi ko inaasahan na ang mga lugar na tinitingnan at pinasukan ko lamang noon ay bahagi ng mga cultural heritage sa loob ng bansang Pilipinas. Mga istrukturang itinayo ng napakatagal na panahon, mula pa noong panahon ng kolonyal ng mga espanyol.
Sa bakasyon na ito ko tuluyang nakilala ang sarili ko na mahilig lumibot sa iba’t ibang lugar at pahalagahan ang bawat nararating. Natutunan ko na gaano ‘man kahirap at katagal ang biyahe kapag narating mo ang destinasyon, mapapawi at mapapawi ang lahat ng pagod na iyong nadarama. Ang bawat pag-ikot ng mata sa mga tanawin ay walang katumbas. Ang bawat bakasyon na kasama ko ang pamilya ko ay may kakaibang ibig sabihin para sa akin. Ang bawat bakasyon sa aking buhay ay isang pagkakataon mula sa Panginoon na nagbibigay sa akin ng oras na mas makasama at mabigyang halaga ang aking pamilya.
1 note · View note