Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Ikatlong Blog
Kinabukasan sa Matalim na Bala
Ika-15 ng Disyembre 2023
Bahagi na sa kalikasan ng sangkatauhan ang pagwasak sa sariling lipunan. Maraming buhay na ang naitalang nawala dahil sa kaguluhang nagmula rin sa tanging pangangailangan ng tao na mabuhay. Subalit, madalas na nagmamalabis ang bawat isa sa atin sa mga kagustuhang nais nating makamtan sa pansariling kapakanan. Dahil sa pagiging makasarili ng iilan, namamatay ang karamihan. Sa mundong ating ginagalawan, nariyan ang terorismo, karahasan, krimen, kaguluhang sibil, at mga digmaan sa pagitan ng mga bansa. Ayon sa datos na nakalap ng U.S. Department of States (2021), laganap sa bansang Pilipinas ang kaguluhan sa pagitan ng militar at mga teroristang grupo katulad ng Abu Sayyaf Group sa Basilan at Sulu, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Moro Islamic Liberation Front (MILF), at Communist Party of the Philippines - New People’s Army (CPP-NPA). Iilang araw pa lamang mula nang naganap ang pagputok ng isang granada sa Mindanao State University (MSU) gymnasium sa Marawi City, Lanao del Sur na ikinamatay ng apat na estudyante sa unibersidad at 50 na sugatan batay sa pag-uulat ng Philippine News Agency (2023). Nakalulungkot na isipin na maraming sibilyan ang nasawi dahil sa terorismo na ilang beses nang naganap sa Pilipinas dulot ng pagkakaiba sa relihiyon at politikal na pananaw sa ating lipunan.
Para naman sa mga miyembro ng militar, isang karangalan na ipaglaban ang seguridad at kapakanan ng mga mamamayan sa gitna ng mga kaguluhan sa lipunan. Isa itong pangarap at tungkulin na tanging pagkabalisa lamang ang kapalit sa karanasan na pumatay ng kapuwa para sa hangaring makamit ang kapayapaan ng bawat tao kung sa hangganan ng digmaan, walang nagwawagi maliban sa karahasan at kasawian ng buhay. Subalit, isang tanong ang lumulutang sa aking isipan. Kailan ba makakamit ang kapayapaan? Makakamit ba ang karangalan kung hindi natatapos ang giyera o digmaan? Ito ang isyung tinalakay ng kantang “21 Guns” na isinulat ng bandang Green Day na si Billy Joe Armstrong. Ipinalabas naman ang kantang ito noong ika-25 ng Mayo 2009 mula sa kanilang album na pinamagatang “21st Century Breakdown.” Tinalakay sa kabuuan ng album na ito ang mga kasalukuyang nagaganap sa lipunan ngayong ika-21 na siglo kung saan makikita ang temang tumutukoy sa karahasan ng giyera sa Iraq na tumagal mula Marso 2003 hanggang Disyembre 2011. Nagbunga ang giyerang ito sa pagkasawi ng mahigit 4,500 na miyembro ng Amerikanong militar at 32,000 na sugatan (The Editors of Encyclopedia Britannica, 2023).

Ginamit sa album ang isang story-arc sa pagitan ng dalawang karakter na si Christian at Gloria upang mailahad ang “anti-war” na mensahe nito. Makikita naman sa pamagat na “21 Guns” ng kanta na tumutukoy ito sa “21 Gun Salute” na isinasagawa bilang simbolo ng pagpupugay para sa mga mahahalagang tao sa militar at sa kanilang bansa lalo na sa kanilang kamatayan. Nagpapakita ito ng pagbibigay ng karangalan sa pagpatay at pag-atake na kinasasawian ng karamihan kaya nagsisilbing tema ang kasawian sa kanta habang itinuturing na kabayanihan ang sakripisyo na ito. Isang metapora ang pagmamahalan nina Christian at Gloria sa pagmamahal ng mga bansa sa giyera. Masasabing matalas ang kanilang relasyon dahil nais nilang pabagsakin ang pamahalaang nalulong sa korupsyon sa pamamagitan ng isang rebolusyon.

Isinasalamin sa kanta ang karupukan ng kapayapaan na maihahalintulad sa lumalaganap na kaguluhan sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas. Ipinapakita sa mga unang linyang, “Do you know what’s worth fightin’ for / When it’s not worth dyin’ for?”, ang pagpapahalaga ng mga bansa sa giyera na nagbubunga sa kabiguan ng mga buhay na nasawi at mga pangarap na binihag sa baril at bala. Madalas na ginugugol pa ng pamahalaan ang panahon para manalo sa giyera at gamitin ang buong yaman ng bansa upang mapatalsik lamang ang kinakalabang bansa habang napapabayaan ang mga maysakit, siyensiya, edukasyon, agrikultura, at iba pang pangangailangan sa paglago ng kabuhayan ng bawat mamamayan at hindi lamang ng iilan. Sa kasunod na mga linya na, “Does it take your breath away / And you feel yourself suffocatin’?”, inilalahad ng persona na nakababalisa at nakakikilabot ang kaguluhan ng giyera na binibigyang-diin ng idyomang, “take your breath away.” Nangangahulugan ito na halos hindi na nakakahinga sa takot ang mga miyembro ng militar sa posibilidad na hindi na sila kailanman makakauwi sa kanilang mga mahal sa buhay. Kadalasang nauunawaan pa ito ng mga sundalo sa panahon na sasabak na sila sa digmaan kung kailan wala na silang mababalikan at harapin na lamang nila ang kanilang kamatayan sa bawat tagos ng bala sa katawan na hindi katumbas sa mabigat na damdamin na mahiwalay mula sa kanilang mga mahal sa buhay. Sinusuportahan din ang mensaheng ito ng kasunod na linya na, “Does the pain weigh out the pride?.” Itinatanong ng persona ng kanta kung alin sa trauma na lalabas sa hinaharap at karangalan ang mas mahalaga sa buhay ng tao na nagsasaad sa papel na ginagampanan nito sa kanilang mga sarili kung kinakailangan ba ang karahasan upang mabuhay kung may mga mahal sa buhay naman sila sa kabilang sulok ng mundo na naghihintay at umaasa na makakabalik sila sa maayos na kalagayan. Nangangahulugan din ito na isinasagawa ng militar ang pagpatay sa kapuwa para makamit ang karangalan at adhikain ng bansa kahit hindi naman kinakailangan na may mga taong namamatay sa pagkamit ng kapayapaan kung isinasagawa lamang ang lahat sa maayos at makataong pamamaraan.
Sa pagtatapos ng unang berso, makikita ang pahayag na, “And you look for a place to hide?”, na nagpapahayag sa takot at pangamba ng mga sundalo sa loob ng giyera. Isinasaad nito na walang sapat na kaalaman ang mga miyembro ng militar sa magiging bunga ng pagsabak sa giyera. Kaya pagdating sa giyera, marami sa kanila ang hindi handang harapin ang realidad at katotohanan sa likod ng karangalang makakamit sa pamamagitan ng paglilingkod sa karahasan. Itinatanong naman ng persona na, “Did someone break your heart inside?”, na nagsasaad ng pagdadalamhati para sa mga buhay na winasak ng militar kung saan palaging nadadamay ang mga inosenteng sibilyan, mamamahayag, bata, at matanda. Hindi man lang iniisip ng iilan ang karapatan ng mga taong ito na mabuhay sa kapayapaan dahil laging nakatuon lamang sila sa politikal na adhikain laban sa bansang inaatake sa giyera. Kaya, ipinapakita ng persona na tanging konsiyensiya at pagsisisi ang dadalhin ng mga sundalo sa labas ng giyera kung manatili man silang buhay. Sa huling linya ng unang berso, sinabi ng persona na, “You’re in ruins”, upang ipahayag na hindi matutubos ang mga buhay na nasawi sa giyera katulad ng isang gusali na hindi maitatayo ulit kung nawasak na ito. Kaya, tatanggapin na lamang ang kasawian na namamalagi sa puso at isipan ng mga kabataan noon na lumahok sa giyera na tumanda ngayon na dala-dala pa rin ang poot ng mga taong walang kalaban-laban na binugbog at pinatay nila sa giyera. Mula sa kuwento nina Christian at Gloria, ito ang punto ng kanilang kasawian nang napaligiran sila ng mga polis na aaresto sa kanila dahil sa kanilang pagprotesta laban sa pamahalaan na ipinakita naman sa kalakip na music video ng kanta.
Sa koro ng kanta, unang makikita ang pagtukoy sa “21 Gun Salute” na nagpapalinaw sa tema na pumapatungkol ang kanta sa isang giyerang nagaganap lalo na at sinundan ito ng linyang, “Lay down your arms, give up the fight.” Inimumungkahi nito na walang nananalo sa giyera kaya nararapat na mapagkasunduan ng mga pamahalaan ang mga suliraning ikinakaharap sa mapayapa na pamaraan. Isinasaad na dapat wakasan na ang giyera at sumuko sa kapayapaan upang matigil na ang karahasan at pagwasak sa buhay ng iba. Ipinapakita ng linyang, “You and I”, na dapat magkaisa ang lahat para makamit ang kapayapaang hinahangad.
Nagsimula naman ang ikalawang berso sa mga linyang, “When you’re at the end of the road / And you lost all your sense of control / And your thoughts have taken their toll.” Ipinapakita ng bahaging ito na nasa dulo na sila ng daan kung saan wala nang mababalikan na nakaraang panahon na nasayang sa karahasan. Kaya, natatapos ang giyera sa trauma na nangingibabaw na sa kanilang damdamin at isipan na tila wala na silang kontrol sa kanilang mga sarili dahil hindi nawawala ang nakaraan at hindi rin ito mababago sapagkat huli na ang lahat at umabot na ang giyera sa dulo ng daan. Ito ang tinatawag na post traumatic stress disorder (PTSD) na ayon sa Mayo Clinic (n.d.), isang mental health condition na dulot ng nakaraang karanasan kung saan nasaksihan ng isang tao ang isang marahas at nakakabalisa na pangyayari. Ayon naman sa National Institute of Health (2023), isa itong fight-or-flight response ng utak sa takot na naramdaman sa nakaraang pangyayari na umiiwas sa atin mula sa mapanganib na sitwasyon. Maaaring maranasan ng mga taong may PTSD ang mga panaginip, pag-iisip, memorya, at stress tungkol sa kanilang nakaraan (National Institute of Health, 2023). Kaya, sa kantang ito, inimungkahi ng persona na, “When your mind breaks the spirit of your soul / Your faith walks on broken glass / And the hangover doesn’t pass.” Nangangahulugan ito na isang sugat sa utak ang PTSD ng mga sundalo dahil sa karahasang kanilang nasaksihan at napilitan silang gawin sapagkat ito ang nagsilbing misyon at kahalagahan ng kanilang buhay sa gitna ng giyera. Isa itong sugat na walang lunas na sumisira hindi lamang sa emosyon maging sa sariling pagkatao. Kaya, sinundan ito ng mga linyang, “Nothing’s ever built to last / You’re in ruins”, na nagsasaad na may hangganan ang lahat ng bagay, gayundin ang giyera at karahasan. Nangangahulugan din ito na marupok ang buhay ng tao kaya hindi dapat inaaksaya ang panahon sa giyera at sa halip, gamitin ito sa pagmamahal katulad ng pagmamahalan nina Christian at Gloria kung saan pinahahalagahan na lamang nila sa mga huling sandali ang isa’t isa. Mas nararapat na tapusin na ang giyera hangga’t hindi pa huli ang lahat na nagpapakita sa kapangyarihan ng karahasan na pabagsakin ang sangkatauhan at ang mundong ginagalawan na makikita sa panibagong teknolohiya at pag-unlad ng giyera sa kasulukuyan kung saan umiiral na ang mga nuclear weapons, atomic bombs, biological warfare, at iba pa na hindi lamang makasisira sa kinabukasan ng sangkatauhan pati na rin sa kalikasan at ng buong sanlibutan para lamang mapagsilbihan ang makasariling hangarin ng tao.
Matatagpuan sa bridge ng kanta ang mga linyang, “Did you try to live on your own / When you burned down the house and home?”, na nagpapaalala sa mga pinsala ng giyera kung saan maraming mga tirahan ang nilalamon ng mga sunog, bomba, at bala. Kasunod naman nito ang mga linyang, “Did you stand too close to the fire / Like a liar looking for forgiveness from a stone?”, na hindi nararapat patawarin ang karahasan kung hindi man lamang nila naranasan ang hapdi ng mga balang tumagos sa katawan ng mga nasawing sibilyan. Hindi naman sila mapapatawad kung nasa hukay na ng libingan ang mga taong ito dahil katulad din ito sa paghihingi ng kapatawaran mula sa isang bato na hindi makapagsasalita sapagkat wala na itong buhay at damdamin na makapagsabi tungkol sa sakit na kaniyang naramdaman sa kamay ng karahasan.
Sa katapusan ng guitar solo, inawit ng persona na, “When it’s time to live and let die / And you can’t get another try / Somethin’ inside this heart has died / You’re in ruins.” Nagsasaad ito ng kawalan sa pagkatao ng isa dahil nilamon na siya ng giyera at karahasan. Ipinapakita rin ng mga linyang ito na hindi maaaring gawing tama ang pagkakamali sapagkat huli na ang lahat at namayani na ang karahasan sa sarili at sa kapuwa. Hindi na maibabalik ang oras upang gawin ang tama na dahilan ng pagsisisi. Maraming tao na ang nawalan ng buhay at hindi na sila maibabalik kaya inilahad ng persona na may dalawang patutunguhan lamang ang giyera—ang mabuhay o ang mamatay. Sa linyang, “Somethin’ inside this heart has died”, tinutukoy ang pagkawala ng empatiya ng tao sa kaniyang kapuwa na dahil sa pagpatay, nalilimutan na ng isa na ilagay ang kaniyang sarili sa posisyon ng iba kaya nawawala ang kanilang puso sa mga taong naaapi at nangangailangan dahil lamang nakatira sila sa bansang kinakalaban kahit mga inosenteng sibilyan lamang sila. Ito ang nagpapabagsak at nagpapahina sa lipunan dahil unti-unting nilalamon ng karahasan ang pagkakaisa ng sangkatauhan para sa mabuting kinabukasan ng lahat. Nagsisilbi ang mga linyang ito bilang konklusyon sa mensaheng ipinahahatid ng kanta na hindi solusyon ang giyera sa kakulangan ng lipunan. Hindi rin ito ang pundasyon ng lipunan at ng sangkatauhan. Sa halip, repleksiyon ito ng pagiging bulag sa ating sariling kasakiman.
Natatangi ang kantang “21 Guns” dahil maaaring bigyan ito ng interpretasyon batay sa pansariling karanasan at mga kasalukuyang pangyayari sa lipunan. Kaya, nagustuhan ko ito sapagkat maiuugnay ng lahat ng tao ang kanilang sarili sa kanta kung beterano sa giyera ka man, biktima ng pang-aabuso at karahasan, lumalaban sa isang nakamamatay na sakit, isang taong nakaranas ng paghihirap sa buhay, taong dumaan sa isang paghihiwalay at matinik na relasyon, o taong nangarap ngunit hindi nakamit ang ninanais sa buhay. Batay na lamang ito kung sa aling pananaw titingnan ang kanta ngunit magbibigay pa rin ito ng iisang ideya na pairalin ang pagmamahal sa sarili at kapuwa, hindi ang karahasan. Ang kantang ito ang pagsuko nina Christian at Gloria na patuloy na naninindigan sa idealismo ng kanilang kabataan ngunit sa puntong ito, tinatanggap na nila ang kanilang kapalaran hangga’t makasama lang nila ang isa’t isa. Makikita sa music video na nagyakapan silang dalawa habang pinaputokan sila ng bala ng mga polis sa labas ng kanilang pinagtataguan. Pumukaw sa aking atensyon ang mga linyang, “When it’s time to live and let die / And you can’t get another try / Somethin’ inside this heart has died / You’re in ruins”, dahil nagpapaalala ito na palaging nasa huli ang pag-iisa sapagkat hindi na masusubukan muli ang nakaraan at piliin ang tamang desisyon sa sitwasyong iyon. Sisira lamang ito sa sarili kaya isa itong masakit na realidad ng buhay na kailangang tanggapin upang hindi maulit ang pagkakamali at mabigyang-pansin ang pag-asang hatid ng hinaharap. Maaaring pukawin ng kanta ang bawat tao sa mundo na magkaisa, labanan ang karahasan sa lipunan, pairalin ang karapatang pantao, at mahalin ang isa’t isa hangga’t hindi pa huli ang lahat para sa kinabukasan ng sangkatauhan.
youtube
Mga Sanggunian:
Asian Development Bank. (2021). Philippines: Poverty. https://www.adb.org/where-we-work/philippines/poverty
Caliwan, C. L., Fernandez, E., & Luczon, N. (2023, December 3). 4 dead, 50 injured as blast rocks MSU in Marawi City. Philippine News Agency. https://www.pna.gov.ph/articles/1214757
The Editors of Encyclopedia Britannica. (2023, November 13). Iraq War. Britannica. https://www.britannica.com/event/Iraq-War
Mayo Clinic. (n.d.). Post-traumatic stress disorder (PTSD). https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/post-traumatic-stress-disorder/symptoms-causes/syc-20355967
National Institute of Health. (2023). Post-Traumatic Stress Disorder. https://www.nimh.nih.gov/health/topics/post-traumatic-stress-disorder-ptsd
U.S. Department of State. (2021). Country Reports on Terrorism 2021: Philippines. https://www.state.gov/reports/country-reports-on-terrorism-2021/philippines
0 notes
Text
Pag-asa ng Henerasyon
Pumpatungkol ang kanta ni Lana del Rey na pinamagatang “hope is a dangerous thing for a woman like me to have — but I have it” sa kaniyang sariling karanasan sa buhay ng pagiging artista sa gitna ng kasikatan. Sa kantang ito, ipinapahayag niya ang papel na ginagampanan ng kababaihan sa lipunan at paano nagbago ang kaniyang pananaw sa panahon na lumipas. Isinasalamin din ng mang-aawit sa liriko ng kanta ang presyur na naidudulot ng mga inaasahang bagay ng mga tao sa kaniya bilang isa sa mga pinakatanyag na mang-aawit at manunulat ng ating henerasyon.

Sa kantang ito, makikita na may sari-sariling estilo ang bawat artista sa kanilang paraan ng pagpapahayag ng kanilang sining. Sa gitna ng kasikatan sa industriya ng musika, mahirap para kay Lana del Rey na panatilihin ang kaniyang sariling pagkakakilanlan sa buhay dahil lamang sa naiiba ang estilo ng kaniyang musika. Halos nakadepende na sa kaniyang mga tagahanga kung anong uri ng musika ang kaniyang susulatin ngunit sa parehong pagkakataon, nais ni Lana del Rey na bigyan ng direksiyon ang kaniyang musika sa sariling kagustuhan na ipahayag ang kaniyang damdamin sa mga kanta dahil ito ang natatangi niyang sining. Ngunit, umiiral pa rin ang panghuhusga ng iilan sa kaniyang musika katulad ng mga kritikong nagsasabi na hindi angkop para sa radyo at madla ng musika dahil malayo ang kaniyang estilo sa tunog ng pop na genre ng musika. Makikita ang kaniyang pagkakaiba sa ibang mga mang-aawit sa Hollywood sa mga linyang, “Smiling for miles in pink dresses and high heels on white yachts / But I’m not, baby, I’m not”. Sinisimbolo ng “pink dresses” ang estandard ng kagandahan ng isang sining na katulad sa pananamit ng isang babae, inaasahan ng lahat na kung babae ang isang tao, kulay “pink” o rosas na damit ang kaniyang susuotin. Kinokonekta rin ng karamihan ang kulay na ito sa identidad ng kababaihan na mahilig sa magagaan na kulay samantalang mga makakapal at malalim na kulay katulad ng asul naman ang para sa mga kalalakihan bilang pagpapalagay ng lipunan sa kulay at prinsipyo ng kasarian. Ipinapakita ng pagiging isang kulay ng kasarian ang paglimit ng mga panayam at opinyon ng lipunan sa ating pamamaraan ng pagpapahayag sa sarili, saloobin, damdamin, at pagkakakilanlan.

May malaking impak naman sa kaniyang karera ang kaniyang mga tagahanga na tila isang pagsubok sa kaniyang kakayahan ang mga komento ng mga kritiko, media, at tagahanga. Ipinapahayag niya ito sa mga linyang, “Maybe I’d get less stressed if I was tested like these debutantes”, kung saan katulad ng isang debutante, nais ng mga kritiko at tagahanga niya na maging perpekto siya sa lahat ng aspekto at pagkakataon bilang isang manunulat at mang-aawit. Ipinagkakahulugan ng salitang “perpekto” na kinakailangang matamo ni Lana del Rey ang kagustuhan ng kaniyang mga tagahanga para makakuha ng suporta mula sa kanila. Isinasaad nito na minsan nalilimutan ng mga tao na tao pa rin na nagkakamali at natututo ang mga artista kahit pa sa kalagitnaan ng kanilang kasikatan. May damdamin din sila na kailangang ipabulalas sa kanilang mga tagapakinig sapagkat nangangailangan din sila ng suporta upang maipakita nila sa lahat ang kanilang talento sa musika.
Ipinahihiwatig din ng salitang “debutantes” ang paraan ng pagtrato ng media sa mga artista na isa sa mga isyung panlipunan na inilahad sa kanta ni Lana del Rey kung saan tinitingnan sila ng media bilang mga debutante na palaging pinupuna sa kanilang kagandahan, kasuotan, galaw, at pananalita. Maihahalintulad ito sa mga kritiko na nagbibigay ng puna sa kahusayan ng mga kanta na ipinapalabas ng mga mang-aawit kahit pa man malupit at hindi makatarungan ang kanilang puna na tila nagmumukha na bilang panghuhusga sa buong pagkatao ng mga artista.
Ipinapakita naman ng kanta ang kabilang sulok ng kasikatan na ang kalungkutan. Pinapatunayan ito ng mga linyang mula sa kanta na nagsasabing, “Don’t ask if I’m happy, you know that I’m not / But at best, I can say I’m not sad”. Nangangahulugan ito na iba’t ibang emosyon ang nararamdaman si Lana del Rey at may kalayaan siyang ipahayag ito sa kaniyang musika na hindi hinuhusgahan batay sa mga estandard ng lipunan. May pinagdadaanan ang bawat tao sa mundo at normal lamang na nadadama ng isang tao ang kalungkutan kahit sikat man na personalidad o hindi. Dahil tao lamang ang lahat sa atin, binibigyan tayo ng kalungkutan ng ating mga pagkakamali sa buhay at dapat bigyan ang bawat isa ng pagkakataon na gawing tama ang mga pagkakamali sa halip na husgahan ang buong pagkatao natin.
Sa ikalawang berso ng kanta, inilalahad ni Lana del Rey ang paghahanap sa kaniyang sariling identidad bilang isang tao na dating nangarap na maging isa sa mga tanyag na mang-aawit sa mundo ng musika. Kaya, naaalala niya ang mga pangyayari sa kaniyang buhay bago siya kinilala ng mga tao bilang “Lana del Rey” habang si “Lizzy Grant” pa lamang siya. Ipinapahayag niya na nagsimula rin siya sa maliit at mababaw na simula sa kaniyang kabataan. Para sa kaniya, ipinanganak siya bilang normal at pangkaraniwan na babae na walang malabis na halaga ng pera at kasikatan niya ipinapakita niya ang iba’t ibang bahagi ng kaniyang sarili upang patunayan na hindi siya kailanman nagbago. Makikita rin na lumaki siya sa isang tradisyonal na komunidad sa New York na pinatutunayan ng linyang, “Church basement romances, yeah, I’ve cried”, bilang isang tagapaglingkod sa simbahan.
Matatagpuan din sa ikalawang berso ang isa pang isyung panlipunan sa kanta na alkoholismo ayon sa mga linyang, “Spilling my guts with the Bowery Bums / Is the only love I’ve ever knwon / Except for the stage, which I also call home, when I’m not”. Tumutukoy ang “Bowery Bums” sa mga alkoholiko na nakatira sa Manhattan, New York at nagmula sa pangalan ng isang kalye na “Bowery” ang pangalan. Nanatiling sentro ang kalyeng ito sa mga iba’t ibang pagtitipon tuwing gabi sa lungsod kung saan kadalasan nag-iinuman ang mga tao at sa kapaligirang ito, lumaki si Lana del Rey na nagtulak sa kaniya na malulong sa alkoholismo sa edad na 14 taong gulang. Sa panahong ito, ipinadala siya ng kaniyang mga magulang sa isang boarding school upang malunasan ang kaniyang alkoholismo. Simula noon, nagtagal siya ng ilang taon sa loob ng boarding school at tumanda mula sa kaniyang kabataan habang nag-aaral sa kaniyang relihiyon at pagpapalawak ng kaniyang relasyon sa Panginoon na ipinapakita rin sa mga linyang, “Servin’ up God in a burnt coffee pot for the triad”.
Tinalakay din na isyung panlipunan ang mental health at depresyon lalo na sa mga kababaihan. Ipinapahayag ito ng mga linyang, “A modern day woman with a weak constitution ‘cause I’ve got / Monsters still under my bed that I could never fight off”, kung saan maihahalintulad ang salitang “monsters” sa depresyon bilang isang karamdaman na mahirap labanan kung nag-iisa lamang ang isang tao lalo na kung pinanghaharian siya ng takot. Kaya, nangangailangan tayo ng suporta sa mga taong nakapaligid sa atin upang patumbahin ang kalungkutan na pumupugad sa ating damdamin at pag-iisip. Kasama na rito ang balidasyon ng ating emosyon kung saan sa mundong ating ginagalawan sa kasalukuyan, hindi madalas pinapansin ang isyu ng mental health sa paniniwalang lumilipas lamang ang damdamin ng isang tao na tila hindi ito nakaaapekto sa kaniyang buhay at kinabukasan. Kaya, marami ang nagsasawalang-bahala sa nararamdaman ng isang tao kahit may pinagdadaanan siya sa buhay dulot ng mga paghihirap sa buhay. Sa kadahilanang ito, iniisip ng iilan na walang kabuluhan ang kanilang buhay dahil sa kakulangan ng suporta mula sa pamilya at mga mahal sa buhay. Ipinapahayag naman ng mga linyang ito na mahina ang konstitusyon ng mga kababaihan dahil sa ating lipunan, madalas na itinuturing ang kabaihan bilang mahihina na pumpako ng masamang pananaw sa kanilang mga sarili na nakaaapekto sa kanilang katayuan sa buhay. Dulot pa ito ng pang-aabuso sa kanilang karapatan sa lipunan na isang isyu na nangangailangan ng pansin sapagkat hindi angkop na alipustahin ng mga kalalakihan ang karapatan ng mga kababaihan kung napapanatili lamang ang pantay na pagtingin sa mga babae at lalake sa lipunan. Sinasabi ni Lana del Rey na katulad ng maraming kababaihan, may mahinang konstitusyon din na namamahala sa kaniyang sarili na nagpapalakas sa takot na husgahan ng lipunan sa loob ng industriya ng musika bilang emosyon na nangangailangan ng matatag na paninindigan upang kaniyang labanan. Sa mga bahaging ito, ipinapakita na pag-asa ang natatanging bagay na mas makapangyarihan sa takot. Sa Pilipinas ngayon,
Sa kabuuan ng kantang “hope is a dangerous thing for a woman like me to have — but I have it”, nagustuhan ko ang matingkad na paglalarawan ni Lana del Rey sa kaniyang karanasan at damdamin. Dahil dito, masasabing epektibo ang pagkakasulat ng kanta lalo na sa mensaheng nais iparating nito sa mga tagapakinig. Pumukaw naman sa aking atensyon ang mga linyang, “Maybe I’d get less stressed if I was less tested like / All of these debutantes” at “Monsters under my bed that I could never fight off”, dahil dito ko mas mauugnay ang aking sarili. Bilang isang iskolar, naranasan ko na rin ang kagipitan ng aking pag-aaral dulot ng iba’t ibang emosyon, presyur, at mga responsibilidad na kailangang maitaguyod upang makapagtapos at magtayo ng magandang kinabukasan para sa aking sarili at mga mahal ko sa buhay. Katulad ako sa isang debutante na pinag-aaralan ang tamang prinsipyo at kabutihang-asal upang mabuhay sa aking sariling mga paa. Lingid sa teorya na itinuturo sa paaralan, may potensyal din ako bilang iskolar na mag-ambag sa mabuting kinabukasan na hindi lamang nananatili sa panandaliang pag-asa. Kaya, para kay Lana del Rey, mapanganib ang pag-asa kung hindi ito isinasaloob sa ating mga kilos at gawi sa buhay. Bilang miyembro rin ng LGBTQ+ community, papel ko ang pagtanggap at pagmamahal sa aking sarili. Nagsisilbi bilang repleksiyon ng paghahanap ng identidad ang kanta at maaaring paunlarin ng kantang ito ang pagtingin ng lipunan sa mga isyung kabilang sa bawat liriko ng kanta lalo na sa mababang pagtingin sa mga kababaihan, mental health, at alkoholismo kung saan mas pinahahalagahan na ang mga isyung ito at binibigyan ng atensyon upang maisabuhay ng lahat ang makulay na pag-asa sa kabila ng mga hamon sa buhay na hindi naaayon sa ating kasarian at katayuan sa buhay lamang.

1 note
·
View note