Tumgik
ang-salakot · 5 years
Text
OFW
Hindi ko pa rin alam ang dahilan bakit kailangang iwanan
Ang bayang dapat tinatawag ng mga Pilipinong tahanan
Mahirap bang ligawan ang bayang sinubok ng karahasan
Hindi naman masama na sila’y taguriang bayani ng bayan
Tirhan ang lupain ng banyaga upang makipagsapalaran
Upang iahon ang pamilya sa buhay na sadlak at kasalatan
  Hubo’t hubad nang tayo’y isilang sa bayang kinagisnan
Sambit ang wikang nagbubuklod sa buong kapuluan
Tayo’y binihisan, tinuruan ng buhay na nakasanayan
Agrikultura ang ating kalakasan, bakit pababayaan?
Nagpapakadalubhasa tayo para sa kinabukasan ng mga dayuhan
Naging dalubhasa ba tayo sa ating wika at panitikan?
  Ang bayan ba ang nagsakripisyong hindi nasusuklian
O ‘di lang talaga marunong ang mga palalo na pahalagahan
Ang ating natatanging kultura, talento at kakayahan
Pilipino tayo! May sariling pangalan at kakayahan
Pagyabungin ang sariling atin upang inyong malaman
Ang malaking kaibahan ng buhay sa ating tinatamasan
0 notes
ang-salakot · 5 years
Text
Hindi Pa Rin Natutuyo Ang Luha
Hindi pa rin tapos sa pagtangis ang aking bayan
May ilulungkot pa pala ang matagal nang nararamdaman
Kailan ba tayo magiging Hari sa sariling kapuluan
Tamad, mangmang, indio pa rin sa mata ninuman
May iisang wika ngunit wala pa ring kaisahan ng isipan
Isigaw mo nang buong galit ang kalungkutan para maibsan
  Wala na nga yatang lunas sa matagal ng karamdaman
Araw-gabi nang humihikbi at nakakubli sa karimlan
Ubos na ubos na ang iluluha dahil sa mga karanasan
Hirap at kasalatan na lang ba ang mapagmamasdan?
Pagod na pagod na sa pag-iintay na siya’y muling balikan
Hindi na sapat ang pagsigaw at paglaban ng karapatan
  Hindi maulinigan ang matagal ng hinaing ng bayan
Nasa wika ang pag-unlad na matagal nang inaasam-asam
Nasa panitikan ang salamin ng makulay na kasaysayan
Hindi pa rin natutuyo ang luhang dapat matagal nang napunasan
Baklasin mo na ang tanikalang kinalawang ng kalungkutan
Bilisan mo at baka huli na ang lahat para siya’y ipaglaban
0 notes
ang-salakot · 5 years
Text
MISSING: Nanay Pilipa
    Matagal na naming hinahanap ang Nanay. Hinahanap-hanap namin ang aruga ng isang ina. Wala kaming lead kung nasaan na siya, e. Basta ang alam ko karumal-dumal ang ginawa ng mga lumapastangan sa kanya. Bali-balita dito sa nayon na ginahasa raw siya ng tatlong lalaking ‘di alam ang nasyonalidad: paulit-ulit na pinipilit kahit ayaw naman ni Nanay.
      Ubos na ubos na nga ang pera naming para lang mahanap ang bangkay ni Nanay ngunit malasin ka nga naman. Mabagal ang usad ng imbestigasyon. Peste. Basta matapos gahasain, ninakaw pa ang mga mamamahaling perlas at sinunog ang malaking talaaklatan ni Nanay. Kahit yun na lang sana, pero mga walang awa.
      Ngayon marami na naman ang nanliligaw sa aking Ina. Puro salita, at puro pangako. Hirap na ulit magtiwala. Sana naman pumili ka ng maayos-ayos ng hindi matulad kay Nanay. Para naman kahit papaano, marespeto natin si Nanay sa pagtanaw sa kanyang hirap na dinanas. Malungkot nga lang ‘di na namin kasama si Nanay Pilipa sa Araw ng Ilaw ng Tahanan.
0 notes
ang-salakot · 5 years
Text
Minsan Akong Nanakawan
Ilang siglo nang nakaraan ng minsan akong manakawan
Mga dayo na nagpapabango lang pala ng pangalan
Dala-dala’y relihiyon, edukasyon, at panitikan
Walang nag-atubili na sila’y paalisin sa kapuluan
Ngunit sinong may alam na tayo pala’y mananakawan
Kultura, tradisyon, wika at sariling pangalan
  Ilang beses na rin akong nanakawan ng kalayaan
Hindi ko na alam sino bang nagpakahirap na lumaban
Sa kalayaang tatlong daang taong inasam-asam
Ang mga Pilipino o ang panibagong gagahasa sa bayan?
Sariwa pa ang mga sugat na natamo sa labanan
Pwede bang hanapin muna ang sarili at sa susunod na lang?
  Ngayong tayo’y malaya na raw sa kamay ng kalaban
Hindi na rin maibabalik ang kamal-kamal na kamayanan
Buhay, pagkatao, bata, o matandang dinusta’t niyurakan
Mga Pilipinong nag-aagawan sa nag-iisang upuan
Kahit na sariling kadugo’y ihalal sa kapangyarihan
Malinis na intensyon daw, pero nasilaw sa katanyagan
  Tunay ngang hindi na tahasang maibabalik ang nakaraan
Masakit mang isipin ngunit iyan ang katotohanan
Minsan na akong nanakawan ng buhay na kinagisnan
Kay tagal ko nang hinahanap sa ating wika at panitikan
Ngunit ipinagkakait ng tadhana na siya’y muling masilayan
Matagal ko ng hinanap ang Pilipinas, nakita mo ba?
0 notes