Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Repleksyon
Sa pagtatapos ng unang semestre sa pag-aaral ng Panitikang Filipino, aking napagtanto ang kahalagahan sa bawat Pilipino ang importansya ng pag-aaral ng Panitikan. Bukod sa nagpapakita ito ng yamang intelektwal ng isang manunulat at ng isang bansa ay nakakapagbigay ito ng panibagong pananaw sa mga konsepto't pangyayari na mayroon sa buhay panlipunan. Naging isang hamon para sa akin ang asignaturang Panitikan upang mapagyabong ko pa ang aking kaalaman at mga natutunan sa pag-aaral nito. Ginawa ko itong motibasyon upang aralin at bigyang pokus ang aking mga kahinaan.
Sa pamamagitan ng paggawa ng mga "Blogs" na iniatas sa amin ay naging daan ito upang mas lalo pang maging bukas ang aming isipan at mas lumawak pa ang aming pag-uunawa sa mga bagay bagay, maging kung paano, bakit, kailan, at saan ang mga ito nagmula at nagbunga na maaari nating makita sa realidad ng ating buhay. Nasubok ang aming mga napag-aralan ng inatasan kaming gumawa ng maikling kwento na talaga namang sumubok sa amin upang mailabas at maipakita namin ang aming kakayahan sa pagsulat mula sa mga natutunan namin sa loob ng mga diskusyon sa loob ng klase. Magmula sa pagbuo ng tema, takbo ng magiging kwento, hanggang sa paraan ng pagsulat nito, mula sa kritiko at pagrebisa ng kwento na talaga namang sumubok sa amin. Masasabi kong upang makagawa ng isang makabuluhang kwento ay kinakailangan itong pag-isipan at kinakailangan din ang malawakang perspektiba sa pagsusulat nito.
Sa semestreng ito, napatunayan ko na hindi biro ang pag-aaral ng Panitikan. Sapagkat, upang makita ang tunay na halaga at kahulugan ng isang akda ay nararapat na buo ang atensyon mo rito. Ang bawat klase ay napupuno ng panibagong karunungan, perspektiba, at pagtuklas sa kagalingan ng bawat manunulat. Salamat sa aming propesor na patuloy kaming ginagabayan sa paggawa namin ng maikling kwento sa unang pagkakataon at galing sa pagtuturo na siyang naging inspirasyon ng bawat isa sa amin upang lalo naming mapaghusayan ang patuloy na pag-aaral ng Panitikan.
0 notes
Text
Critical Essay
Sa tekstong “Ang kamalayang feminismo sa Panitikang Filipino” ni nanaybunso ay tumutukoy sa kamalayan ng pag-unawa sa abilidad na mayroon ang kababaihan. Sa larangan man ito ng pulitika, kultura, ekonomiya at pati na sa siyensa. Marami sa mga kababaihan ang may talento sa pagsusulat ng literatura, maging sa trabahong mabibigat ay hindi papahuli ang mga kababaihan. Binigyang diin sa teksto ang aspeto ng sekswalidad na kung saan ang patriarkal na paniniwalang ang babae’y lagi’t-laging biktima ng karahasan at rape.
Habang binabasa ko ang akda naagaw ng isang kwento sa teksto ang atensyon ko, kung saan pinamagatan itong “Ang himas ni Ricardo”. Sa pamagat pa lamang nito ay nakakabastos ng pakinggan ngunit aminin natin na ang nakasaad sa kwento ay isang malaking sampal sa atin ng realidad. Ang paglaya ng kababaihan mula sa pangangailangan ng lipunan na magbulag-bulagan at pilit na ikubli ang katawan ng isang babae ay dahil sa malisyang ipinapataw nito bilang pagpapahalaga. Nagwawaksi sa kaisipang ang mga babae ay sunud-sunuran sa lahat ng gusto ng lalaki at pagiging anino nito sa lahat ng bagay.
Sa akdang “Literatura ng Uring Anakpawis” kung saan ang nilalaman nito ay nagsasaad ng koleksyon ng mga akdang isinulat ng mga manunulat mula sa uring anakpawis. Sa mga nakaraang dekada, nasaksihan natin ang rebolusyong naganap sa pagitan ng mga makapangyarihang miyembro ng lipunan at ang mga naaapi. Mula sa apartheid at seggregation ng mga mestiso at moreno sa aprika, sa mga kapitalista’t manggagawa sa Amerika at maging sa ngayon, sa miyembro ng LGTBQ+ at sa mga kritiko nito.
Dahil sa akdang ito, sinubukan kong intidihin ang nais ipahayag ng manunulat. Marami itong nabanggit na akda na sa tingin ko ay iba pang manunulat sa uring anakpawis. Mga gawang sining na tumatalakay sa mga proletaryado na sumailalim mismo sa mga totoong kinakaharap sa kasalukuyan gamit ang paglahad ng lahat ng hirap, sakit, at pait ng isang mapanupil sa sistema. Pumapatungkol din ito sa kung gaano kaganda at kalaman ang mga bawat akda ng manunulat na Pilipino. Manapa’y mas bigyang halaga natin ang akda ng kapwa nating Pilipinong manunulat. Sapagkat nilikha ito upang mamulat tayo sa mga tunay na nangyayari sa mundo partikular sa bansa natin..
Pagkatapos kong basahin ang mga akda ay napa-isip ako sa mga pahayag at impormasyong aking nakalap. Hindi siya ganoon kadaling intindihin kaya naman naka-ilang ulit ako sa pagbabasa nito bago ko ito lubos na naintindihan. Mahalaga ang pagbabasa, ngunit hindi lamang pagbabasa ang kinakailangan sapagkat kinakailangan din ng pag-uunawa at pag-iintindi. Hindi ko maiintindihan ang mga nakalap kong impormasyon sa akda kung hindi ko ito lubos na inunawa at inintindi.
1 note
·
View note
Text
Creative Works
Sa aking pagbabasa ng maikling kwento ni John Bengan na pinamagatang “Armor”, napa-isip ako sa mga naging ganap sa hulihang parte ng kwento kung ano ba ang nakita ni Ronnie at dali-dali syang umalis sa entablado? Hindi ko maiwasang isiping may masamang nangyari kay Biboy kaya ganoon nalang ang reaksyon ni Ronnie. Ang implikasyon ng mga sinasalitang “…sudden, cool night” ay nagpapahiwatig ng malabong konsepsyon sa kung ano ang nakita ni Ronnie sa labas. Sa huli’y naisip ko nalamang na sinadya ng manunulat na tapusin ang kwento nang ganon at bahala na ang mambabasa kung ano ang isipin niyang ending para sa kwento.
Ang kwentong “Dangal” ni Norman Wilwayco ay tungkol sa isang tao may malinis na reputasyon ang masisira dahil lang sa pera. Mahusay ang pagkakasulat ni Wilwayco sapagkat hindi ito mahirap intindihin at para ka lang nakikinig ng isang kwento mula sa isang matalik na kaibigan. Habang binabasa ko ang kwento, nararamdaman ko ang buhay ng isang estudyanteng nag-aaral sa pampublikong paaralan dahil maski ako ay isa ring estudyanteng nag-aaral sa pampublikong paaralan. Ngunit hindi naging malinaw saakin kung bakit nagalit si Chris gayong tinanggap naman ni Marissa ang perang inaalok nito.
Tinalakay sa kwentong “Impeng Negro” ni Rogelio Sicat ang pangma-maliit at pang-aalipusta ng mga taong iba ang katangian at kalagayan ng buhay. Maayos na nailalahad ang pangunahing kaganapan sa kwento katulad na lamang ang araw-araw na pangmamaliit kay Impen sa gripo. Inilarawan din ng maigi ang kalagayan ng pamilya ni Impen na kung susuriin ay hindi gaanong biniyayaan ng magandang buhay. Sa pamamagitan ng panghimaymay sa iba’t ibang bahagi ng kwento ay naipapakita ang iba’t ibang kaganapan na maaring dinaranas ngayon ng maraming Pilipino.
Ipinakita sa kwentong “Kasal” ni Eli Rueda Guieb III ang ibang mukha ng pagsasama, pagmamahal, at paghihiwalay. Nag-iwan si Guieb ng mga katagang may mabibigat na mensahe at kahulugan. Nagdudulot ito ng sari-saring emosyon mula kilig, pagtataka, panghihinayang, at sakit. Habang binabasa ko ang kwento, naitanong ko sa aking sarili kung bakit “Kasal” ang pamagat gayong mauuwi lamang sila sa hiwalayan? Sa pangkalahatan ng kwento, namamangha ako at natututok nito ang aking kaisipan sa kwento sapagkat ang konsepto nito’y kakaiba. Hindi pangkaraniwang romansang babasahin na may happy ending, bagkus ito’y patungkol sa pagmamahal at paghihiwalay.
Bungad pa lamang ng kwentong “Kubeta” ni Nancy Kimuell-Gabriel ay sadyang nakakapangilabot dahil sa kaniyang paglalarawan ng nakakadiring kubeta. Masuri ang mga impormasyon mula sa historya ng Pilipinas at kung gaano ka-problema sa lipunan ang kubeta. Nakakakumbinsi ang kwento dahil hindi lang siya naglalarawan ng isa, kundi marami itong naipapahiwatig. Ayon sa sinabi mula sa pahayag na, “…ang klase ng kubeta ay sukatan din ng kalagayan ng kahirapan.”, kung saan patuloy ang pag-agos ng kahirapan na umaabot sa puntong napapabaya ng batas ang pagpapanatili ng kalinisan at kaligtasan sa kalusugan. May pagkakataon na hindi kayang kontrolin o sakupin ang lahat ng sulok ng lipunan, hindi laging nabibigyan ng sapat na tulong ukol sa problemang pangkalusugan at pangkabuhayan.
0 notes
Text
Panitikan: Tanong na “Ano”, “Bakit”, at “Paano”
Upang maintindihan kung ano ang mayroon sa panitikan, uumpisahan ko ito sa tanong na “Ano ang Panitikan?”, kung saan ito ay magbibigay-linaw sa pokus at konteksto ng isang paksa. Susundan ito ng tanong na “Bakit kailangan pag-aralan ang Panitikan?” upang bigyang liwanag ang mga batayan ng pagiging makabuluhan sa larangang ito. At pang-huling tanong na “Paano pinag-aaralan ang Panitikan?” na kung saan matatalakay at malalahad ang ilang posibleng paraang nararapat na pang-unawa sa mga produksyong pampanitikan.
Ano ang Panitikan?
Ang panitikan ay maituturing na sining na nabuo sa pamamagitan ng grupo ng mga salita. Ito ay representasyon ng mga kaganapan sa paligid, kritisismo sa kasaysayan o problematisasyon sa lipunan. Sa pamamagitan ng panitikan, nagpapaunawa ito sa atin ng mga spesipikong sitwasyon sa buhay ng isang lipunan sa paraang masining, may anyo, at imahinatibo.
Bakit kailangan pag-aralan ang Panitikan?
Ang pagkamulat ng kamalayan sa pag-aaral ng panitikan ay nakabubuo sa paglikha ng sariling paniniwala, opinyon, at pananaw. Ang pag-aaral ng panitikan ay nakatutulong sa paghasa ng sensibilidad at nagbibigay ng sapat na pang-unawa sa mga teksto. Sa pagbabasa ng iba’t ibang akdang pampanitikan, napagyayabong nito ang ating isipan, bokabularyo, kaalaman, at imahinasyon. Pinag-aaralan ang panitikan hindi lamang sa pamamagitan ng pagbabasa o pakikinig at pagkatapos ay lilimutin na. Hindi lamang din ito inaaral sa pamamagitan ng pagtanong kung nagustuhan at nagandahan ba rito ang mambabasa o kung hindi.
Ang panitikan ay pinag-iisipan ng mabuti nang sa gayon ay magkaroon ito ng ambag sa lipunan at dagdag kamalayan ng isang indibidwal. Ngunit, hindi lahat ng mga naisulat ay panitikan, ayon kay Miguel Bernard, ang panitikan ay kaisipan at pagpapahayag: di-malilimot na kaisipan sa di-malilimot na pagpapahayag.
Paano pinag-aaralan ang Panitikan?
Ang pag-aaral ng panitikan ay ginagamitan ng kritikal na pag-iisip, ito ay pagtuklas sa mga dahilan ng manunulat kung bakit ito nailimbag, pag-alam sa buhay ng manunulat upang malaman kung ano ang tunay na mensahe ang nais ipabatid ng manunulat.
Sa usapin ng porma o anyo, binubusisi ito sa paraan ng pagkaka-ayos o pagkaka-gawa ng isang akda. Kasama rin sa usapin ng pagsuri sa anyo ang pag gamit ng wika o ng salitang ginagamit ng nagsusulat. May pagkakataon kasi na naka sampung pahina na ang binabasa mo pero wala pa ring pumapasok na konsepto o imahe sa kukote mo.
Sa nilalaman o content, binubusisi kung ano ba ang sinasabi ng isang akda. Bawat akda ay may mensahe, bawat akda ay may diskurso, tuwiran man ito o hindi. Maaari itong personal, pulitikal, pilosopikal, ideolohikal, relehiyoso o kung anu-anu pa.
Sa usapin ng orihinalidad, tinitigan kung ang akda ba ay natatangi sa kanyang anyo, konsepto, at diskurso. Bunga ng masigasig na pag-aaral at pag-iisip, nakalilikha ang isang manunulat ng mga panibagong paraan at nilalaman ng isang akda. Dahil ambag ito ng malinaw sa pagsulong ng kaalaman at talino ng tao.
1 note
·
View note