talaarawanngmgatumutulong
Talaraawan Ng Mga Tumutulong
1 post
Inilathala Ni Eunice A. Fabrigar
Don't wanna be here? Send us removal request.
talaarawanngmgatumutulong · 4 years ago
Text
Kababaang Loob Mula Sa Biyayang Kaloob.
Tumblr media
ONLINE BLOG 5/5/2021 | Eunice A. Fabrigar
Noong ika-4 ng Mayo, taong dalawang libo`t dalawampu`t isa (2021), aking nakapanayam si Ginang Virginia O. Abante, isang pinuno o lider ng isang “Catechist Organization” ng San Lorenzo Ruiz Parish sa Cainta, Rizal ukol sa kaniyang karanasan sa pagtulong at kababaang loob sa kapwa.
     Ang pagbibigay ng tulong sa kapwa ay tumutukoy sa pagkakaroon ng bukal na kalooban at pagpapahayag ng pagkukusa sapagkat ang tunay na pagtutulong sa kapwa ay hindi naghihintay ng anumang bagay na kapalit. Dahil dito, nabibigyan ng pagkakataon ang sarili upang maging mabuting tao sa kaniyang kapwa. Sa buhay ni Ginang Virginia O. Abante, ang pagbabahagi ng tulong sa kaniyang kapwa ay isa sa mga mahahalagang bahagi ng buhay ng ginang. Si Virginia O. Abante ay dating guro na ngayon ay maituturing bilang lider ng isang “Cathechist Organization” ng simbahan ng San Lorenzo Parish. Sa kaniyang paninilbihan bilang lider ng isang uring organisasyong ito, ayon sa kaniyang sinabi, isa sa siya sa mga nangungunang magbigay ng libreng serbisyo sa mga nangangailangan sa loob ng komunidad gamit ang tulong ng simbahan. Isa sa mga halimbawa dito ay pagbibigay pangangailangan sa mga mahihirap at pagbibigay ng sapat na kaalaman ukol sa mabuting pag-aasal para sa mga kabataan.
 Bilang pagtupad sa gawaing pagganap para sa asignaturang Araling Panlipunan 10, nagbigay ako ng limang katanungan at ito ang mga kasagutan na aking nakalap mula sa kaniya:
 1.) Sa paanong paraan ka nakakatulong sa iyong pamayanan bilang aktibong mamamayan?
“Nakakatulong ako sa pamamagitan ng “Field Work”.” Katulad ng pagtuturo ko ng katesismo sa loob ng paraalan para sa mga kabataan, nagbibigay ng regalo sa mga taong alam namin na nangangailangan, nagbibigay ng libreng surpresang pagkain sa mga mayroong kaarawan na walang-wala at marami pang iba na may kaugnayan sa pagtutulong sa mga mahihirap.”
 2.) May pinagkaiba ba ang nararamdaman mo nang tumulong ka ngayong panahon ng pandemiya kaysa noong wala pang pandemiya? Ano ang naging epekto nito sa iyo?
“Opo, mas masaya ako kapag nakakatulong ako sa kapwa ko na walang hinihinging kapalit lalo na sa mga nangangailangan ngayong pandemiya dahil marami ang naapektuhan nito. Lalo naging malakas ang pananampalataya ko sa Panginoon, naging mas madasalin ako para sa mga taong nahihirapan at para matapos na ito.”
3.) Ano yung pinakatumatak sa iyo noong tumulong ka na nagbigay pa sayo ng motibasyon para tumulong pa sa iyong kapwa?
“Ang pinakatumatak sa akin noong tumutulong ako ay ang pagbibigay ng mga tulong sa mga nangangailangan kung saan nakikita ko sa kanila ang hirap na kanilang dinadanas. Ito ang nagtulak para sa akin na tumulong pa lalo sa aking kapwa. Kung saan naisip ko na karapat-dapat ang mga taong ito na maramdaman ang mga biyayang bigay ng Panginoon.”
 4.) Sa tingin mo ba sapat ang ginawa mong pagtulong upang ang ibang tao ay maengganyo rin na tumulong katulad mo?
“Opo. Sa akin po, ang aking paraan ng pagtulong ay kung ano ang aking natatanggap na mga biyaya at tulong na ibinigay sa simbahan ay aking pinapamigay ng buong-buo sa iba`t ibang nangangailangan para maramdaman nila na may nagmamahal sa kanila. At sa paraang ito, sa tingin ko sapat ito na mahikayat ang ibang tao na gawin rin ang aking ginagawang pagtulong. Ang pamamahagi ng biyaya ng Diyos sa mga nangangailangan.”
 5.) Sino ang naging inspirasyon mo sa pagtulong at ano ang iyong pangunahing layunin?
“Ang Panginoon ang aking inspirasyon sa pagtulong sa aking kapwa. Sa akin po ang pagtulong ay dapat mula sa puso at dapat wala ring hinahanap na kapalit. Kapag tayo ay nagbibigay ng tulong sa ating kapwa, tayo ay nagiging modelo sa kabutihan para tayo ay maging mabuting ehemplo sa kabataan. At ito ang aking layunin bukod sa pagbabahagi ng biyaya ng Diyos sa mga nangangailangan. Salamat sa Diyos.”
Tumblr media
     Ngayon, napag-alamanan na natin ang sariling karanasan ni Ginang Virginia O. Abante tungkol sa kaniyang pagbibigay tulong sa kapwa. Siya ay isang pinuno ng isang katesismong organisasyon ng simbahan ng San Lorenzo Ruiz Parish. Kasama sa kaniyang pagtulong, ang mga isinasagawa niyang “Field Work”. Ang paghahatid ng mabuting kaalaman at pagtutugon sa mga pangangailangan ng mga mahihirap. Ngayong pandemiya, mas lalo siyang nagagalak na nakakatulong sa mga nangangailangan dahil mas madami ang nahihirapan ngayong panahon. Dahil sa nangyaring pandemiya, lumakas ang kaniyang pananampalataya sa Panginoon para sa mga mahihirap at magwakas na ang krisis na ito.  Para sa kaniya, tumatatak sa kaniyang isipan ang hirap na dinadanas ng mga nangangailangan tuwing siya ay tumutulong sa mga ito na naging motibasyon para sa kaniya na tumulong pa lalo dahil karapat-dapat daw ang mga ito na maramdaman ang biyayang bigay ng Diyos. Nalaman rin natin na para sa kaniya sapat rin daw ang kaniyang ginagawang pagbahagi sa mga bibiyang ibinigay ng Diyos sa mga may kailangan upang gawin rin ng iba ang kaniyang ginagawang paraang pagtutulong sa kapwa. Higit sa lahat, ang Diyos ang naging inspirasyon niya para tumulong at ibahagi ang mga bigay na biyaya nito sa kapwa. Higit sa lahat, napagtanto natin na ang pagtulong dapat ay nagmumula sa puso at walang hinihinging bagay na kapalit. Kung saan sinabi niya na kapag nagbibigay tayo ng tulong sa ating kapwa, nagkakaroon tayo ng pagkakataon na maging modelo sa kabutihan para maging mabuting ehemplo sa mga kabataan ngayon. At ito ang kaniyang layunin bukod sa pagbabahagi ng biyaya na bigay sa kaniya ng Diyos. Kaya`t masasabi na lubhang tunay na pagbibigay ng tulong sa kapwa ay malinis ang kalooban na walang hinihinging kapalit na nagiging daan upang maging mabuting tao. At higit sa lahat masasabi rin na maituturing si Ginang Virgie O. Abante bilang isang aktibong mamamayan. May bukal na loob, walang hinihiling na kapalit, mayroong malasakit sa kapwa, may pananampalataya sa Diyos at nakikiisa sa mga gawaing pansibiko. Mga katangian na makikita sa isang aktibong mamamayan.
      Nawa`y mayroon tayong napulot na magandang aral sa ibinahaging karanasan ukol sa pagtutulong sa kapwa at pananaw ni Ginang Virginia O. Abante. Inaasahan na gawin sana nating motibasyon at inspirasyon ang ginang na ito na tumulong para sa ating kapwa sa loob ng pamayanan at gawin ring inspirasyon ang Panginoong Diyos sa ating pagbabahagi ng tulong sa nangangailangan. Dahil sa huli, Siya ang magiging daan upang ang lahat ng ating itutulong ay mapapagtagumpayan at may patutunguhan. Dahil sa Diyos ay walang impossible.
1 note · View note