#talaattalaan
Explore tagged Tumblr posts
bluerthanblue-excerpts · 2 months ago
Text
Magkatabi Ngunit Hindi Itinadhana
Ang taray tingnan ng babaeng ito.
Akala ko ako lang ang nakatingin. Hindi pala. Meron pa. Isa. Ngunit hindi niya alam kung bakit ang mga mata niya'y dumadako sa iyo pero kahit ganoon hindi ko lang napigilan ang sarili kong magkagusto sa isang babaeng mahilig sa libro, tahimik, masyadong malihim at mataray ang mukha. Nahihiwagaan ako kagaya ng kaibigan ko at pareho ngang nagagandahan. Kahit pa sabihing maraming magaganda sa mga mata ko. Bukod-tangi ang ganda mong natural at hindi pilit at noong nakita ko mga ngiti mo kasama ang babaeng gusto rin ng isa ko pang kaibigan, alam mo ba kung ano ang naisip ko? Kung puwede lang.
Sinuwerte yata ako sa sumunod na taon dahil magkatabi tayo. Nasisilayan ko mukha mo sa malapitan kahit sa isang subject lamang at lagi ka pang nagtataray. Puro ako kalokohan, oo at hindi yata nakakahinga nang matiwasay kapag wala akong tsismis na nasagap. Mukha man akong gago, madaldal at makulit ang lahi sa iba, inoobserba ko ang paligid ko. At masyado akong pakialamero. Kaya noong nabasa ko ang mga liham mo para sa kaibigan ko. Ngumingiti lang ako pero unti-unti na naglaho iyong kapiranggot sana na pag-asa.
Bakit hindi ko sinubukan? Bakit natatakot akong tawirin ang pagkakaibigang inialay mo nang hindi mo namamalayan? Dyahe, naunahan mo ako at hanggang magkaibigan lamang tayo. Sa bata kong puso noon, tinawanan ko na lang ang sarili ko. Para akong baliw sa kakatawa pagkatapos kong madiskubre ang lihim mong matagal mo na palang tinatago. Tawang kahit papaano'y nasaktan. Bakit ba magkatabi tayo ha? Kahit pa nalaman ko na ang katotohanan, alam ko pa rin sa sarili ko na hanggang doon lang ang meron sa ating dalawa. Di ko alam kung natibag ko ba ang harang mo sa mga tao pero kontento ako na natatawa ka na lang sa kakornihan ko. Kahit mukha na akong ewan at payaso na sa paningin mo basta lang masilayan ko paulit-ulit ang mga ngiti mong ipinagkakait mo sa mga taong hindi malapit sa puso mo.
Ako ba? Malapit ba? Kahit paano ba ngingiti ka kapag nagkita tayo ulit? Ngunit hindi. Naningkit lang ang mga mata mo at alam ko na sa kabila ng ngiti ko, may ideya na ako kung bakit gusto mo na lang magtago na parang kuhol. Andoon na sa nailathala na libro ang kuwentong parte ng iyong sikreto - ng iyong mga liham. Paglipas ng taon, siguro dahil bata pa ako at hindi lahat sineseryuso, masaya ako para sa iyo at sa kaibigan kong magulo din ang utak pati ang puso. Ang suwerte ng gago eh mas matino naman ako doon at mas magandang lalaki. Pero alam kong isa lang akong pusit sa paningin mo at hindi lang naman ako ang pusit sa paningin mo. Siya. Na nasa mga liham. Dati, ganoon din siya lalo na kapag ayaw mo sa pinaggagawa ng kaibigan ko.
Gusto kong magpasalamat na sa kabila ng maikling panahon na magkatabi tayo, hindi na ako iba sa iyo. Hinayaan mo akong makapasok sandali sa mundo mo. Masayang-masaya ako na makita kang kasama ang matalik kong kaibigan. Masaya akong hinayaan kita noon at hindi ko na tinuloy ang balak ko na nasa isip ko lang.
Ang panahon nga naman. Parang kailan lang, para akong ewan na magkatabi tayo noon. Ngayon, umabot na tayo sa puntong sinisingkitan mo ako ng mga mata mo kapag pinagbibigyan ko ang prinsesa ninyo ng kaibigan ko. Mana sa 'yo eh. Nagmana nga lang ang kakulitan ng sira-ulo kong kaibigan.
Wala kang alam. Wala kang kamalay-malay na nagkagusto ako sa iyo noon. Hanggang sa ibinulgar ko na ang sarili ko sa engagement ninyong dalawa. Gusto ko lang ihayag ang kinikimkim ko na dati at tama ang desisyon ko dahil maluwag na sa pakiramdam.
Magkatabi ngunit hindi magkatadhana. Pero magkaibigan hanggang sa may mga anak na. Binibiro lang yata tayo ng panahon.
Mataray ka pa rin ngunit maganda.
Pero hindi na ikaw ang pinakamaganda sa paningin ko.
Seatmate.
2 notes · View notes
bluerthanblue-excerpts · 3 months ago
Text
Ikaw Pa Rin Ang Hanap ng Pusong Ligaw
Ikaw ang aking pangarap nais kong makamtan. Simula’t sapol noong unang magtagpo ang ating mga mata. Minabuti kong mag-aral nang mabuti. Gawin ang lahat upang kahit papaano’y makaahon ako sa kung saan ako nanggaling. Na nangako ako kahit walang kasiguraduhan na sisikapin kong alagaan at protektahan kita paglipas ng panahon. Na handa na ako para sa’yo at ikaw ang inspirasyon ko lagi na magpatuloy ngunit noong mawala ka – dumilim at naligaw ako sandali.
Sa buhay ko ay ikaw lamang ang may kahulugan at nang mawala ka sa piling ko ay nabalot ako ng kalungkutan. Ang araw at ang ulan ng buhay ko ay isa na lamang alaala na pilit na hinihila ako sa kumunoy na ako at ang pagkakataon ang gumawa. Sa araw hanggang sa gabi, kumakatok ka sa puso kong matagal nang naliligaw. Inaamin ko sa Kanya na wala akong ibang hangad, makapiling ka lang kapag handa na ang lahat. Hanggang sa muli nating pagkikita, mamahalin kita nang tunay at walang pag-aalinlangan.
Kahit ilang taon na ang nagdaan, hindi pa rin kita makalimutan. Ang mukha at ang mga ngiti mo ang kumakatok sa aking panaginip. Ako’y umaasa na dadating ang araw na muli kitang makasama. Ikaw pa rin ang hinahanap ng pusong ligaw. At ikaw lang ang babaeng mamahalin. Na kahit sa paglipas ng panahon, ikaw pa rin hanggang walang hanggan.
Noong wala ka, ang nagpabalik sa katinuan ko. Langong-lango ako sa mga pinagdaranaan ko sa buhay ngunit nakalimutan kong may isang taong nagtitiwala sa kakayahan ko. Ang mga alaala mo ang nagpapaahon sa aking langong-lango sa kalungkutan. Pangungulila ko’y higit ngunit natauhan ako.
Paano ko sasabihing protektahan, alagaan at mamahalin ka hanggang walang hanggan? Kung ako’y di makaahon? Kaya nagsumikap ako. Tiwala ako sa Kanya na magkr-krus ulit ang landas natin. Lagi kitang ipinagdadasal sa Kanya. Na aayusin ko ang buhay ko upang sa pangalawang pagkakataon ay kaya na kitang mahalin na buong-buo. Ayokong masugatan ka rin sa bubog na nakatarak sa katawan ko.
Kahit pa ang mundo ay mag-iba, ako’y laging naging nandirito, naghihintay sa iyo. Ikaw ang pa rin ang hanap ng pusong ligaw. Na kahit di man ako para sa iyo, puso’y ko mananatiling ikaw ang sinisigaw. May mga gabi na ninais ko na lamang na manatili sa panaginip kung saan kasama kita. Ang nakatalikod mong pigura at nakaharap sa karagatan at kita’y yayakapin habang sumisikat ang araw. At magkasama nating nilalakad ang tabing-dagat at kontento na akong kapiling ka doon. Kahit sa panaginip lang.
Ngunit kailangan kong magising at harapin ang katotohanang wala ka sa piling ko. Kilala kita, yayakapin mo ako kahit di ako perpekto at kahit ilang beses na akong sugatan sa buhay. Sapat na ang panahong tayo ang magkawalay. Sapat na ang mga araw at gabi na wala ka ngunit ang presensiya mo naman sa puso ko, nandito pa rin. Bukod-tanging ikaw lang.
Ang nais ng pusong ligaw.
1 note · View note
bluerthanblue-excerpts · 3 months ago
Text
Isa Kang Rosas, Na Minahal Ko Rin Paglipas ng Panahon
Aminado akong mas maingay pa ako sa pangkaraniwang lalaki. Na sinumbong ng guro ko noong nasa pangatlong baitang ako na ang daldal ko raw at ang tatay ko naman, sinermunan at sinabon ako nang maigi pagkatapos niyon. Na dapat ang mga lalaki ay hindi madaldal at hindi maingay. Anong magagawa ko kung gusto kong mag-ingay at dumaldal.
Makulit, pasaway, madaldal, tsismoso pa sa mga babae. Batugan, hindi palaaral at wala yatang magandang nagawa sa paaralan kundi puro laro at pagbubulakbol. Hanggang sa nagbago nang kaunti ang takbo nang magkagusto ako sa isang babae noong nasa highschool. Sa maniwala kayo o sa hindi, kahit sabihing gustong-gusto ko siya at mahal ko na siya pagtungtong namin ng kolehiyo ngunit anong lupit yata ng tadhana, tinutukso ako.
Wala naman talaga akong pakialam kung di lang nayanig ang mundo ko nang may isang babaeng lagi na lang nakabusangot kapag nakikita ako o kapag nasa paligid ako. Umaalis ka kaagad kapag nasa malapit ako. Nararamdaman ko na naiingayan ka sa akin at nakompirma ko din na naiirita ka sa malakas kong tawa. Gumugusot ang ilong mo kapag nagbitiw na ako ng mga jokes na bagama’t corny at di naman katawa-tawa ay proud na proud akong bigkasin at ibahagi noong kabataan. Nahuli ko ang pagbuga mo ng hangin noong humarap ka na sa kaibigan ko na kaklase natin. Noong ako, nanigas ka at nangungunot ang noo. Ang taray-taray ng mukha mo. Seryuso, bakit sukdulan yata ang pagkadisgusto mo sa akin? Ano ba ang ginawa kong mali?
Kung hindi lang sinabi ng kaibigan kong kapares mo sa sayaw, hindi yata ako magigising noong nagkita ulit tayo. Sa pangalawang pagkakataon. Hinihilom ko pa ang sugat ng pagkawala ng unang babaeng naging malapit sa aking puso, na hindi ko kadugo. Ang babaeng parte na lamang ng kabataan ko na hindi ko na makikita pa. Binawi na siya ng kalangitan at ilang taon rin ang nilakbay ko, kasama na ang pagbabago ko at pananaw ko sa mundo.
Ganoon ka pa rin noong nagkakilala tayo. Mataray tingnan lalo na kapag hindi ka nakangiti. Hindi ka pa naman nakangiti lagi. Inoobserbahan kita sa malayo. Nagbabago ang ekspresyon sa mukha kapag nagbabasa ka sa libro. Kahit na may lalaking gustong lumapit sa iyo ay binabalewala mo dahil tutok ka sa mga librong binabasa mo at doon ko lang din nadiskubre na lumalambot pala ang ekspresyon sa mukha mo kapag nagbabasa. Nakakatawa at nakakangiti ka kapag andiyan ang matalik kong kaibigan na babae at lalaki. Hindi ko alam kung bakit may kaunting kudlit kapag nakangiti ka sa kaibigan kong kagaya kong maingay rin kahit kalalaking tao. Bakit ganoon? Bawal ang kahit ano mang bago kong nararamdaman sa kahit sinong babae na lumgpas sa pagiging kaibigan dahil may kasintahan ako. At mukhang gusto ka rin ng kaibigan ko kaya hinayaan ko na lang.
Hinayaan ko na lang ang nangyayari kapag nasa paligid ka lang. Hinayaan ko lang ang mga mata ko minsan na purihin ang kagandahan mo. Ang lihim mong mga ngiti at ang mga mata mong tumitingkad kapag may bago kang librong nahihiram sa library. Masisisi mo ba ako kung lagi kita nakikita pagkat lagi kayong magkasama ng kaibigan kong babae? Kaya ko bang makapagsinungaling sa mga kaibigan ko at sabihing ang pangit ka pero iba naman ang sinasabi ng mga mata ko? Hindi naman ako bulag o nagbubulag-bulagan lang.
Hanggang sa umabot sa puntong ikaw ang ang hinahanap ng mga mata ko dati kahit na bawal. Kahit na mali. Kahit na alam kong may kasintahan ako. Sumemplang lang talaga ako noong ikaw ang ginawa kong representate sa section natin para sa isang patimpalak at galak na galak ako noong manalo at ang sumama ang loob niya. At ikaw pa ang napagbuntunan ng selos niya. Oo, selosa siya pero natatakot ako kung ano ang maiisip mo kung nasagap mo ang pagkadisgusto niya sa iyo sa patimpalak. Na baka mas lalo kang lalayo.
Na totoo namang nangyari. Minahal ko talaga siya. Alam ko. Nasa iisang unibersidad lang tayong dalawa. Alam kong may mga klase na magkaklase tayo at sinisikap kong ignorahin ka kahit sa jeep dahil masyado na akong lunod na lunod sa panahon na iyon. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hanggang sa iniwan na niya ako. Hindi ko na siya mahahawakan at makikita pa. Matagal kong tinanggap ang nangyari at nagbago.
Matagal makalimutan ang mukha mo. Kilala ko ang katarayang taglay ng mukha mo ngunit alam ko na busilak ang puso mo sa kaibigan mo. Sa matalik ko ring kaibigan. Malakas ang dating ng presensiya mo sa akin noon pa lang kaya kahit ilang taon na ang lumipas kilala ko ang likod mo. Ang iyong postura kapag naglalakad kasama ang matalik kong kaibigan. Nang kilalanin kita, sa jeep bilang konduktor at bilang kapitbahay ng Tita ko, alam ko kung gaano ka kabait. Akala ko lang mataray ka. Aminado naman akong masyado ko nang kinokontrol ang pangyayari noon para sa kaibigan nating dalawa na mahal naman ang isa’t isa.
Hanggang sa paglipas ng panahon, pinoprotektahan mo pa rin siya at ako nama’y isa na namang siraulo sa paningin mo. Ngunit hindi ko pala akalain na sa mga samu’t saring reaksiyon at ekspresyon pag malapit ako sa iyo ay isa palang lihim na mabubunyag. Tila lumaki ang ulo ko ngunit makapal na sa makapal, aaminin kong may bahagi dito sa akin na tuwang-tuwa. Kulang na lang tumalon ako at sumuntok sa hangin.
Nagulat ako. Nawindang. Tila ba sinampal ako ng katotohanang itinago ng utak ko at ngayon ko lang nalaman ang misteryo kung bakit. Kung bakit hinahanap ka ng mga mata ko. May guilt sa akin noong nararamdaman ko iyon at pilit na iwinaglit. Nagtagumpay ako ngunit ngayon pala’y bumalik. Hinayaan ko na lamang ang sarili ko na tangayin. Papalapit sa iyo. Mukha akong ulol na pilit ka hinuhuli at aminado akong gago na tuwang-tuwa pa sa ginagawa ko sa iyo pero sinong makakatiis kung nakikita kitang namumula ang mukha? Iniikot ang mga mata pag nasa malapit lang ako? At wala kang pakialam kung makita kita na buhaghag ang buhok dahil bakit pa? Kung totoong maganda ka at maganda rin ang kalooban mo.
Makulit. Pasaway. Masakit sa ulo. Ganoon yata ako sa iyo kapag binibisita kita. Bakit pa? Palalampasin ko pa ba ang pangalawang pagkakataon? Hindi ka na gusto ng kaibigan ko. Kaya hinayaan ko kayo. Kahit na asar na asar ako na masaya ka pa noong magkapares kayo sa sayaw noon. Ako dapat iyon pero kailangan kong magpigil dahil napansin na rin ako ng matalik ko na kaibigan na nakatuluyan ng matalik mo ring kaibigan. Malansa na ang amoy ko pagdating sa iyo, highschool pa pang kahit pa sabihing kami ng dati kong kasintahan. Mali. Mali talaga noon.
Ngunit ngayon? Mapapalampas ko ba? Kung nasa malapit ka lang? Kung nalaman ko na ako ang lalaki sa nobela mo? Kung dati pa lang malakas ang presensiya ko sa ‘yo? Makapal na kung makapal. Magpapahangin ako. Gusto kong sabihin na nandito na ako. Bakit pa natin patatagalin ang lahat? Gusto kong ituloy ang nadiskubre ko sa sarili ko.
Totoo. Gusto kong mag-alay sa iyo. Kahit korny. Kahit patay na patay ako sa iyo kahit na bagong gising ka pa lang at umaandar na naman ang katarayan mo. Gusto kitang pagawan ng rebulto. Ang kagandahan mo na pinagsamang katalinuhan ni Athena at kagandahan ni Aphrodite. Patay na patay ako sa iyo na mistula na akong buntot mo pero aminin mo natutuwa ka? Alam ko ang tunay mong ngiti. Na sa wakas, nahuli ko rin ang kiliti mo.
At alam mo ba kung kailan ko naisip na pakasalan kita? Na ikaw na ang babae na ihaharap ko sa altar? Na ikaw lang ang babaeng magiging ina ng mga anak ko? Na ikaw lang ang babaeng gusto kong mag-asikaso sa akin? Na ikaw lang ang babaeng kaya akong sipain palabas ng kuwarto pag nag-away tayo na huwag naman sana mangyari. Alam mo ba?
Noong dumating ka sa kompanya.  Dala-dala ang pagkain para sa lunch. Masyado kang maganda. Isang diyosa na bumaba sa lupa upang bigyan ng pansin ang isang makasalanang mortal. Walang ibang nasa utak ko, ikaw lang at gusto kitang pakasalan kahit bago ko pa nalaman na lihim ka ring may nararamdaman sa akin. Gusto muna kitang hayaan at ikaw na mismo ang lalapit at tatanggap sa nararamdaman ko para sa iyo.
Nang tumugtog ka sa harap ko ng violin. Lihim akong tumangis, sa saya at galak. Masyado yata akong sinuwerte sa buhay at nandito ang isang babaeng minahal ako at tanggap ako kung ano ako. Isang lalaking handa siyang mahalin at alagaan.
Ngayo’y hindi mapuknat ang mga ngiti ko sa labi. Bakit naman ako iiyak kagaya ng ibang kalalakihan pag ikinasal? Masaya ako dahil nandito na ang diwata at diyosa ng buhay ko, naglalakad at handa akong makasama habangbuhay. Napapailing na lang sa gilid ang dalawa kong kaibigan dahil alam nilang wala na talaga akong kawala.
Isa kang rosas. May tinik noong una at nahihiya pang ibuka ang talulot hanggang sa hinintay ko lamang ang pagbuka at ang kagandahan mong alam kong matagal mo nang taglay, sa panloob at panlabas. Sa paglipas ng panahon, sa’yo pa rin pala ako patungo.
Pangako, sa hirap at ginhawa. Mananatili ako sa tabi mo.
Mahal na mahal kita.
Sa harap ng altar.
Sinusumpa ko na ikaw lang.
Habangbuhay.
1 note · View note
bluerthanblue-excerpts · 3 months ago
Text
Ulan at Araw, Ikaw Pa Rin
Noong una kitang masilayan, ang alimpuyo na bumubuo ay mas lalong lumakas ngunit sa pagkakataong nakita ko ang mga mata mong nasasalamin ang misteryo, ang damdaming hindi ko maipaliwanag kung bakit gumaan ang pakiramdam mo. Mga mata’y may sinasabi at tila kinakatok ang malamig at matigas na pundayon ngunit unti-unting natitibag ng isang mayuming ngiti.
Ulan. Gusto kong habulin at hulihin ang iyong kiliti ngunit mahina pa rin ang aking loob dahil hindi ko maibibigay ang lahat pagkat matagal na akong sugatan, simula pa pagkabata. Walang kalinga mula sa mga magulang na ipinanganak ako sa mundong tila bulag at walang patutunguhan ngunit binigyan mo ako ng pag-asa. Na sa kabila ng unos, malakas na hangin at buhos ng ulan maging ang baha, gusto kong suungin ang lahat, makapiling at mayakap ka lang sa mga bisig ko. Ngunit hindi pa ako sapat. Kailangan kong hilumin ang sugat upang maibigay ko ng buo. Ang pagmamahal na gusto kong iparamdam.
Araw. Kahit panakaw ang sandaling kita’y tinitigan. Sa malayo. Sa malapit. Tumitingkad ang paligid kapag ikaw ay nakangiti at nakatawa. Ang mga mata mo’y kumikislap at ang maamo mong mukha na pinapanaginipan mo. Katulad ka ng isang araw na pinapainit mo ang malamig kong araw. Ang mga sugat ko’y tila naghihilom sa mga ngiti mo pa lang. Ang halimuyak na taglay mo at nang isayaw kita kahit sa maikling sandali, tila nasa alapaap ako.
Araw at ulan. Iyong maamong mukha. Ang nangungusap at kumikislap mong mga mata pag nakangiti. Ang iyong disposiyon sa buhay. Ang pag-aalaga mo sa kaibigan. Ang mahinhin mong tawa. Ang pagbikas mo sa pangalan ko. Ang mabini mong tinig na pinapawi ang kalungkutang bumabalot sa akin.
Kung hindi man tayo hanggang dulo. Mananatili kang natatanging babae na inibig ko na walang hanggan. Na kahit ilang taon pa ang nagdaan, ikaw pa rin. Isa kang diwata na madalang ko nang nasisilayan paglipas ng mga taon. Unti-unti ko ng nahilom ang mga sugat ko. Handa na kitang ibigin ulit. Ngunit hindi kita pipilitin kung hindi ka pa handa. Na tanggapin ako at siguro nga, naging makasarili ako, pagka’t hindi ko naisip na maging ako ay kahihilom pa lamang ng sugat ng kabataan ko.
Hinayaan kitang lumayo sa akin sa pangalawang pagkakataon at kahit masakit, naiintindihan kita. Hindi ka pa handa. Maghihintay ako hanggang sa handa ka nang umibig ulit. Na walang pag-aalinlangan. Buong-buo. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Kagaya ng iyong pangalan, nakaranas ako ng pagbabago sa sarili ko. Na kaya kong magmahal. Na kaya kong pahalagahan ang sarili ko. At ang natatanging dilag na minahal ko sa kahapon at mahal na mahal ko pa rin sa kasalukuyan.
Nang yakapin mo ako habang tumatakbo ka, walang pagsidlan ang kaligayahan kumalat sa puso ko. Ikaw, nasa mga bibig ko at nangangako ako na buong buhay kitang aalagaan, mamahalin at pahahalagahan hanggang sa magiging anak at apo natin. Ika’y mamahalin habangbuhay.
1 note · View note
bluerthanblue-excerpts · 3 months ago
Text
Makulit Ka, Maingay, Matakaw, Bakit Ikaw?
Makulit ka. Marami ka nang kinulit. Ang tindero ng buko juice na kinulit mong dagdagan ang juice sa’yo kahit na may pera ka naman. Alam ko ‘yan dahil pinipilit mo Ate mo bigyan ka ng pera kahit bawal dahil baon lang. Hindi ko pa rin nakakalimutan ang isang makulit na bata na pinansin lahat ng ibang mga bata noong Pasko. Nakikita kitang bumili ng kung ano-anong laruan at muntik ka pang ma-guidance dahil nahuli kayo ng mga kaibigan na naglalaro ng gagamba sa likod ng paaralan. Pagtuntong ng highschool, kinukulit mo ang dalawa mong kaibigan na iba ang ugali sa iyo, ikaw lang ang maingay at loko-loko. Sa paningin ko.
Maingay. Kahit sa malayo, naririnig ko ang boses mo. Kaya maiging tinitiklop ko kaagad ang libro at lumisan sa lugar na iyon kung saan andiyan ka, malakas ang tawa at malakas ang boses kasama ang mga kaibigan mong tsismoso. Minsan, nakakarindi nang pakinggan ang mga tawa mo, ang mga corny mong hirit, at ang mga kuwentong kanto mo. Gusto ko nang masuka minsan lalo na kapag wala namang nakakatawa sa mga jokes mo. Walang kamalay-malay kausap mo sa isang karinderya na galing ka sa isang mayaman na pamilya at marami kayong negosyo.
Matakaw. Pareho tayo ng paborito – cassava cake at kahit siguro magniningning ang mga mata ko pag nakita ang kakanin ay kukunin mo pa rin sa katawakan mo. Una kitang nakita nagkaroon ka ng allergic reaction sa kinain mo dahil may peanut ang cake. Ngayon, kahit saan yatang sulok nakikita kitang kumakain. Sa fishball-an. Sa karinderya. Sa may ale na nagtitinda ng banana cue. Naaasar na nga ako kung bakit lagi kitang nakikita nang di sinasadya o masyado lang akong aware sa existence mo.
Wala tayong pagkakapareho. Alam kong tamad kang magbasa at puro ka lang tulog sa klase. Kahit ang sama na ng tingin ng subject teacher natin sa iyo ay patuloy ka pa rin sa pananaginip. Ayaw ko talaga iyong pinapabayaan ang pag-aaral. Happy go-lucky lang pero bakit ikaw? Sa lahat-lahat. Bakit ikaw pa?
Bakit ikaw ang nasa mga sulat ko? Nasa nobelang wala akong kamalay-malay na nalathala na pala. Pangalan mo ang nandoon. Na sana lamunin na lang ako ng lupa nang makitang nandoon sa estante ang librong ikaw ang paksa. Parte ka ng nakaraang ibabaon ko na sana sa limot. Parte ka ng mga lumang sulat ko na nasa lumang bahay. Ikaw ang may-ari ng sirang relo na binigay mo lang nang hindi ko alam kung bakit.
Naaasar ako sa kaingayan mo lalo na pag nagbabasa ako. Naiinis ako kapag pakiramdam ko minamanipula mo na lang lahat. Marami kang di kanais-nais na ugali pero bakit ikaw? Bakit ikaw pa rin? Kahit ako, naiinis, nagtataka, nalilito kung bakit sa paglipas ng panahon, sa iyo lang pala ako tutungo.
Na akala ko sa nakaraan na lang lahat. Na akala ko hindi ka na lilingon sa akin. Na akala ko sa iba ka uuwi.
Bakit ikaw? Siguro dahil mahal mo ang mga taong malalapit sa iyo. Siguro dahil wala kang kaarte-arte. Siguro dahil corny ang mga jokes mo kaya lihim na lang akong natatawa. Siguro dahil kahit na minamanipula mo iyong mga nangyayari minsan, gusto mo lang na maging masaya ang mga kaibigan mo. Siguro dahil malaya ka at hindi nag-aatubiling tumuklas ng ibang karanasan kaibahan sa akin. Siguro dahil magkaibang-magkaiba tayo at lihim kong nagustuhan ang disposisyon mo sa buhay.
Makulit ka. Maingay. Matakaw. Minsan makapal mukha. Bolero minsan. Pero bakit ikaw?
Dahil alam ko sa sarili ko na simula’t sapol ikaw lang ang nakaagaw ng atensiyon ng isang pihikang babaeng mahilig sa libro, hindi matantiya ang mood, seryuso, at may kalamigang tumingin sa mga tao.
Na sa kabila ng lahat, ikaw lang ang nakakatibag ng toreng binuo ko simula noong bata pa.
Na sa kabila ng lahat, ikaw lang ang buong tapang sinabing habang-buhay – ikaw at ako.
1 note · View note
bluerthanblue-excerpts · 3 months ago
Text
Ulan, Waiting Shed, at Tayo
Sa pagpatak ng ulan, naalala ko na naman siya. Ang tahimik niyang anyo na naghihintay sa waiting shed – nag-iisang estudyanteng tila hindi alam ang gagawin. Blangko ang mga mata at tila may gumugulo sa kanyang isipan. Malalim ang nasa isip.
Hindi ko makakalimutan ang gunita ng buhay ko sa hapong iyon sapagkat isang beses ko lang mararanasan ang pakiramdam na mahalin ang isang tao gaano pa katagal kaming nawalay sa isa’t isa. At bagama’t nasaksihan at narinig mismo ng tainga at mga mata ko ang mga salitang mula sa kanyang puso. Pinili ko pa ring lumayo – nagpapagaling ng sarili na ako lang mag-isa. Walang malay na siya pala’y mas lalong nahihirapan, nag-alala, at nangungulila sa mga taong wala ako sa piling niya.
Pinagkaitan ko ba siya? Bakit hindi ko man lang sinabing matagal ko rin siyang tinatangi? Matagal ko na rin siyang lihim na nagugustuhan.
Sa waiting shed. Sa ilalim ng buhos ng ulan. Sa mga gunita at mga palihim na sulyap sa isa’t isa. Ramdam ko ngunit maraming gumugulo sa aking isipan. Isipang wala akong kontrolado at wala siyang kamalay-malay. Walang kaalam-alam. Masyado ba akong kampante na may babalikan pa ako?
Sa waiting shed kung saan nagsimula. Sa ilalim ng buhos ng ulan kung kailan ko namalayan na nahuhulog na pala ako. Sa mga pagkakataon ng buhay na kasama ko siya. Sa maikling panahon na kasama ko siya. Nakatago pa rin lahat, naghihintay sa aking kumatok. At sana’y dumating ang araw na tatanggapin ko na. Na sana’y dumating ang araw na maaari ko pang sabihin ang mga katagang matagal ko nang kinikimkim.
Sa ilalim ng waiting shed.
Sa ilalim ng ulan.
Tayo.
1 note · View note
bluerthanblue-excerpts · 3 months ago
Text
waiting shed
Naghihintay tumila ng ulan.
Naghihintay sumakay ng jeep.
Naghihintay sa waiting shed.
Hanggang kailan ka maghihintay sa taong walang kasiguraduhan na babalik sa buhay mo o may babalikan pa ba? May puwang pa ba sa puso?
Hanggang kailan ka maghihintay sa liwanag na dadating sa buhay mo? Kaya mo pa bang titiisin ang mga pagsubok na unti-unting ginupo sa katinuan mo?
Hanggang kailan ka ba maghihintay upang dumating ang mga bagay na para sa ‘yo?
Naranasan mo na bang maging waiting shed? Nag-aakalang dadating ang tamang panahon para sa mga bagay na para sa ‘yo ngunit paano kung napagod ka na kakahintay at sumakay na ng jeep o bus hanggang sa doon mo na lamang namalayan na dumating na siya. Huli na ba ang lahat?
Nakakainip maghintay sa mga bagay na wala ka namang kontrol. Rush hour. Maraming tao ang sumasakay at nakikipaghabulan sa jeep, wala nang puwang na puwesto para sa ‘yo. Gaya ngayon.
Umuulan nang malakas kanina at dahil wala akong payong, halos basa na ako nang sumilong sa waiting shed. Nakipagsiksikan pa ako sa waiting shed upang di mabasa habang ang iba nama’y may payong naman pero ayaw suungin ang malakas na ulan.
May tumigil na isang jeep at may mga puwang pa ngunit unti-unti na iyong napupuno ng mga taong sabik na umuwi. At ako’y tinitigan lamang ang mga jeep na dumaan pagkat wala na namang puwang para sa akin sa jeep na dapat kong sasakyan. Bakit ko naman ipagsiksikan ang sarili kung wala ng puwesto para sa akin? Kailangan ko bang umamot ng kahit katiting na espasyo na hindi naman ako magkakasya? Ako lang ang mahihirapan sa huli. Ako lang ang masasaktan.
Siguro nga, waiting shed lang tayo sa buhay ng isang tao. Pansamantala lamang. Titigil lang sila dito pagsamantala upang maghintay ng jeep o bus o sumilong sa malakas na ulan.
Malalim na ang gabi at hindi pa rin tumitila ang ulan ngunit mahina na ito kompara kanina. Basang-basa na ang palda ko at kaunti na lang ang oras na gugugulin ko mamaya upang mag-aral pagkat malayo sa amin. Pagod na ako pagkarating niyan sa bahay dahil sa kakahintay ko ng jeep.
Tumila na ang ulan at basang-basa ang paligid ngunit maalinsangan, walang hangin. Nanlalagkit na ako nang may tumigil na jeep na kaunti lamang ang pasahero at doon ko lang napansin na ako na lang pala ang natira. May mga tao ba talagang laging nahuhuli sa biyahe ng buhay? O sadyang lagi lang nagmamadali ang tao na tila ba mauubusan sila ng oras?
Nakahinga ako nang maluwag nang makasakay na ng jeep. Isang beses, tiningnan ko ang waiting shed kung may panibago bang dadating na maghihintay.
Wala na.
Siguro nga, nagsawa na silang maghintay.
1 note · View note