#kritikongblog
Explore tagged Tumblr posts
misscannyadventures · 3 years ago
Text
Mga Kwentong Bayan ukol sa Kababalaghan
Raigne Josephine F. Cauba, Klyne M. Codera, Happy Blanche Delos Reyes, Christian Lloyd A. Gabito, Angelo Pocong, John Phillip Y. Sarmiento at Aubrey Lynn R. Soliano.
Gng. Elsie Alvaro
BA Communication - Film Media 
Setyembre 30, 2021
PANIMULA
Ayon sa nakuhang datos ni Catipay, nalaman na ang mga kwentong Sugbu-anun ay napapabilang sa apat na kategorya ayon sa gamit nito, ito ay ang Pampamilya, Pangkatakutan, Pangkalikasan, at Panrelihiyon (7). Ang pamumuhay ng mga Cebuano ay lumitaw sa pamamagitan ng pagsusuri ng iba't ibang mga tema. Ang mga sumusunod ay ang mga tema na naging gabay ng mga Cebuano para sa isang matiwasay at ligtas na pamumuhay: pakaingatan ang kalikasan, pagpapahalaga at paggalang, pagkakaroon ng masasamang pwersa sa mundo, pagiging handa, paghiling ng kapatawaran, pagpapanatili ng kabuhayan, at pagiging relihiyoso. Ang naturang likas na pag-uugali ng mga Cebuano ay nananaig din at ito ay nahahati sa anim na mga kolektibong pagpapahalaga: una, pagpapahalaga sa relasyon, pangalawa, pagpapahalagang sosyal, pangatlo, pagpapahalaga sa kalooban, pang-apat pagpapahalaga sa kabuhayan, panlima, pananampalataya at relihiyosong halaga, at pang-anim ay ang positibong pananaw. Isinaad ni Dundes na ang mga kwentong bayan ay representasyon ng imahe ng kanilang isipan, kaya palaging sumusunod na ang pag-aaral sa mga pasalitang tradisyon natin ay makatutulong upang maunawaan ang ating sarili bilang isang tao kung ito ay maipapaliwanag. Ang mga pasalitang tradisyon ay salamin ng kultura na nagbibigay ng natatanging bagay para sa maiging pagunawa sa ating sarili at pag-unawa sa iba pa.
Mahalaga ang k’wentong bayan sa paghubog ng sangkamalayan ng kabataang Pilipino.  Ito ang paksang ipinunto ni Prop. Felipe P. de Leon Jr., dating Tagapangulo ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at kasalukuyang propesor ng Aralin sa Sining sa Kolehiyo ng Arte at Literatura ng UP Diliman (UPD), sa “Sampaksaan sa Kwentong Bayan,” Peb. 23 sa UP NISMED Auditorium. “Maraming gamit ang mga kwentong bayan para sa mga bata: malinang ang mahusay na pagpapasya, mamulat sa ibang kultura, makapagdulot ng mabuting asal, mapahalagahan ang ibang tradisyon, tumuklas ng ibang pananaw at makaalok sa mga arketipong tunay na bukal ng kabihasnan at kadakilaan. Habang nagpasalin-salin sa maraming henerasyon, ang mga kwentong bayan ay humuhubog ng pagkatao at tumutulong sa pagbigay pag-asa tungo sa makabuluhang buhay.  Naipaloob sa mga kwentong bayan ang mga magagandang katangian tulad ng malasakit, pagkamalikhain, pagtitiwala at katapangan gaya ng kwento ni Bernardo Carpio,” ani De Leon. 
Sa panahon ngayon, marami pa sa atin ang wala gaanong alam tungkol sa mundo ng kababalaghan, kung kaya’y  maraming bagay pa ang hindi natin natuklasan tungkol dito. Noong unang panahon pa lamang ay marami na ang nagaganap na kababalaghan  dito sa Pilipinas. Naririnig natin ito sa mga kwento ng mga nakakatanda o kaya naman ay sa mga aklat o babasahin. Hindi maipagkakaila na ang Pilipinas ay likas na malakas ang paniniwala sa mga espiritu at iba’t ibang elemento ng kababalaghan tulad ng tikbalang, duwende, tiyanak, white lady, aswang, tiktik, mangkukulam at marami pang iba. May iba’t ibang pinanggagalingan ang mga paniniwala na ito, nakadepende kung saang parte sa pilipinas ito nag-mula. Pinaniniwalaan na ang mga ito ay kalimitang lumalabas tuwing sasapit na ang dilim at umaabot hanggang alas tres ng madaling araw. Sapagkat, sa pagsapit ng araw ng mga patay sinasabing ang mga ito mas mahigit na makapangyarihan kaysa sa normal na araw.
Sa kabila ng mga kwento na nakapaloob dito, marami pa rin sa mga pilipino ang hindi naniniwala sa kadahilanang ang mga ito ay nanggaling lamang sa imahinasyon ng tao at purong kathang isip lamang. Bagamat, hindi maipagkakaila na malaki ang impluwensya ng mga elemento ng kababalaghan sa buhay ng mga Pilipino. Dahil dito, lumalabas ang iba’t-ibang kwentong bayan na siyang naging libangan ng mga magkakaibigan, o kaya naman ay ginagamit na panakot ng mga nakakatanda sa anak nilang matigas ang ulo. Nauuso rin ang paggamit ng agimat na kilala rin bilang anting-anting na siyang mutya o alindog. Ang agimat ay nakakatulong sa kakaibang pakikipaglaban, kakayahang labanan ang mga sakit, o kaya naman ay labanan ang takot. Ito rin ay mabisang proteksyon o panangga sa mga masasamang elemento tulad ng kulam.
GLOSARYO NG MGA SALITANG GINAMIT
Kababalaghan - mga pangyayari na hindi maituturing na ordinaryo o bagay na hindi kayang gawin ng isang tao. 
Tikbalang - mitolohiyang nilalang na may ulo ng kabayo, mahahabang binti at hita ng kabayo, katawan at mga kamay ng isang tao. Gaya ng kapre, pinaniniwalaang naninirahan ang matatangkad na tikbalang sa malalaking puno, gaya ng balete, at nakikitang nakaupo sa pinakamataas na sanga ng punong kahoy. 
Duwende -  ang isang duwende ay isang mala-taong pigura sa kuwentong bayan, isang maliit na tao na naninirahan sa punso. Sinasabing may angking kapilyuhan daw ang duwende at mahilig mag-laro sa mga tao.
Tiyanak - ay isang bampirang nilalang sa mitolohiya ng Pilipinas na nagmula sa isang bata o sanggol.
White Lady - sila ay pinaniniwalaang espiritu ng isang babae na naka puting damit, hindi maganda ang naging dahilan ng pagkamatay nito.
Aswang - isang mitolohiyang nilalang na pinaniniwalaang kumakain ng laman loob ng tao o hayop.
Tiktik - nilalang na kung saan may kakayahan na pahabain ang dila na di umano'y ginagamit nila para kunin ang sanggol sa loob ng tiyan ng isang nagdadalantao na babae.
Mangkukulam - isang uri ng tao na may kakayahang gumawa ng itim na mahika.
LAYUNIN NG PAG-AARAL
Layunin ng pag-aaral na ito ang malaman ang mga katangian ng mga kwentong bayan partikular na sa mga kwentong kababalaghan sa napiling lugar at paano ito nakakaapekto sa pamumuhay ng mga tao. Upang malaman rin ang mga kulturang nakapaloob dito.
Lugar ng Pag-aaral
Nakabase ang pag-aaral na ito sa mga kwento ng mga residente sa probinsya ng Cebu.
INSTRUMENTO AT KAGAMITAN NG PANANALIKSIK
Gumawa ng isang ‘one on one’ interbyu ang mga mananaliksik upang makakalap ng sapat na impormasyon ukol sa mga kwentong bayan sa kanilang lugar na ipinagtibay sa pamamagitan ng pribadong pag-mensahe gamit ang internet at malaman ang iba’t-ibang uri ng kababalaghan.
Pinagmulan ng mga Datos
Ang pag-aaral na ito ay ginawa ayon sa deskriptibong pamamaraan ng pananaliksik. Layunin ng mga mananaliksik ang suriin at mapag-alaman ang pananaw ng sampung (10) mga tagatugon o kalahok na galing sa ibat-ibang estado  ng pamumuhay sa mga piling lugar ng Cebu, tungkol sa mga kwentong kababalaghan na kanilang kinalakihan.
RESULTA AT PAGTATALAKAY
Mga Tema
Sa unang talahanayan ay makikita ang mga saloobin ng mga kinakapanayam ukol sa mga kwentong bayan ng Pilipinas. May mga kinakapanayam na naniniwala sa mga kwentong bayan, mayroong nagdadalawang isip at mayroon ding hindi talaga naniniwala. Kadalasan sa mga kinakapanayam ay naniniwala sa mga kwentong bayan dahil sa kultura ng Pilipinas. Karamihan sa naniniwala ay dahil sa kanilang pagpapahalaga sa tradisyon at kultura ng Pilipinas. Nakikita nila kung ano ang kultura ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga kwentong bayan. Marami din ang naniniwala dahil sa pinanggalingan nitong mga ninuno ng mga Pilipino na mismong nakaranas ng mga bagay na ipinapahayag sa kwentong bayan. Naniniwala rin sila dahil sa kanilang pagtangkilik sa panitikang Pilipino. Ang iba naman ay napilitang maniwala dahil may mga bagay na hindi madaling maipaliwanag sa Agham at naiidugtong nila sa mga kwentong bayan.
Sa pangalawang talahanayan makikita ang mga dahilan kung bakit binibigyang halaga ng mga kinakapanayam ang mga kwentong bayan ng Pilipinas. Pinapahalagahan ng karamihan ang kwentong bayan dahil sa kultura ng Pilipinas. Pinapahalagahan nila ito dahil ito ay nagsisilbing repleksyon ng bawat isa. Ang pagkakakilanlan ng Pilipinas ay makikita sa kwentong bayan kaya pinapahalagahan ito ng karamihan. Nakikita rin sa ikalawang talahanayan ang pagpapahalaga ng mga kinakapanayam sa kwentong bayan upang mapanatili ang kultura sa pamamagitan ng pagtuturo at pagbabahagi nito sa mga sumusunod na henerasyon o mga kabataan ng Pilipinas.
Sa huli o pangatlong talahanayan makikita kung nakakaapekto ba sa buhay ng kinapanayam ang kwentong bayan o hindi. Marami ang nagsasabi  na nakakaapekto ito sa kanila sapagkat naniniwala sila sa mga ito. Nakaapekto ang kanilang paniniwala dahil isinasabuhay nila ang mga aral na kanilang nakuha nila sa mga kwentong bayan.
Tumblr media Tumblr media Tumblr media
PATUNAY NA BABASAHIN
Ayon kay Catipay, natural na bagay na sa mga Pilipino ang mayroong maraming pinaniniwalaan(8). Ang mga paniniwalang ito ay nagmula pa sa panahon ng mga nakakatanda; gaya na lamang ng mga makapangyarihang nilalang. Ang mga paniniwalang ito ay bunga rin ng tradisyon at kultura ng mga Pilipino. Sa pagkakaroon ng limitasyon ng edukasyon noong unang panahon, kadalasan ay ginagamit ang mga paniniwalang ito ng mga matatanda upang ikwento at mabigyan ng kahulugan ang mga bagay at lalong lalo na upang may panakot sa mga bata; naging sanhi na rin ito ng paglawak at pagpapatuloy ng mga kwentong bayan sa mga sumusunod pa na henerasyon. 
Ginagamit rin ng mga lokal na mamamayan ang mga kwentong bayan upang mailahad sa mga dayuhan ang kanilang mga kwento. Ang mga kwentong ito nakalakip sa isang pangyayari, bagay, lugar, tao at iba pa. Kasama na rito ang mga kwento na sa kadahilanan ng paglaki ng populasyon ay unti-unti nang nawawala ayon kay Carlos Fernandez “The Rainbow Sustainable Tourism Development Model” (nabanggit sa Rodriguez et al. 3) 
Sa napakaraming panahong nakaraan, ayon kay Evasco, hindi pa rin nawawala ang ating pagkagiliw sa paggawa ng kwento (71). Ngunit, ang mga kwentong ito ay mayroon ng mga pagbabago o iba’t ibang bersyon dahil sa impluwensya ng ating mga magulang at sa kung kanino man natin ito nakuha. Maituturing na isang pamana ng mga naunang mga Pilipino ang paglikha ng kwento na ang pangunahing tema nito ay mga kababalaghan sa kalikasan.
Bukod sa kalikasan, isa rin ang mga hayop sa mga pangunahing pinagkukunan ng ideya sa pagbuo ng mga kwentong bayan. Sa mga kwentong ito ay maaaring ang hayop ay mayroong pag iisip ng isang tao. Maari ring ang hayop ay may katawan o pisikal na katangian ng tao (Thompson, 9).
Bukod naman sa pagkakaroon ng mga kakaibang mga karakter at mga iba’t ibang pinaghuhugutan nito ng mga ideya ay mayroon din itong mga naitutulong sa pagkakaroon ng mabuting asal ng mga tao. Ayon kay Hart, ang mga kwentong bayan ay mayroong kakayahang maglahad ng mga moralidad sa pamamagitan ng pagkakaroon ng parusa at ganti kalakip ng mga negatibo o positibong aksyon ng mga karakter sa mga kwentong ito (168). Sa madaling salita, ang kwentong bayan ay isang didaktikong bagay na nagtuturo ng mga asal. 
KONKLUSYON  
Sa kabila ng pag-unlad at unti-unting pag usbong ng teknolohiya sa mundo, mayroon pa ring iilan sa atin ang naniniwala sa mga kwentong kababalaghan. Marahil nanggaling ito sa mga taong nakaranas mismo nito. Ngunit hindi natin maitatanggi na mayroon ding kontra o hindi sumasang-ayon sa paniniwala sa ganitong mga bagay dahil na din sa kanilang sariling pananaw at opinyon sa mga kwentong bayan. Ayon sa aming mga nakalap na impormasyon pito (7) sa sampung (10) mga indibidwal na aming nakapanayam ang naniniwala pa rin sa mga kwentong kababalaghan, at iilan sa dahilan ng kanilang paniniwala ay ang kultura at tradisyon, at dahil na din sa mga kababalaghang walang makakapag paliwanag. Sa kabilang banda, tatlo (3) sa sampung (10) mga indibidwal na aming nakapanayam ang hindi naniniwala. Isa sa kanilang mga dahilan ay ang ganitong mga kwento ay gawa-gawa lamang ng mga tao na may malikot na imahinasyon. 
REKOMENDASYON
Maari nating masabi na nakatulong rin ang kwentong bayan sa paghubog ng pamantayang moralidad na nagdudulot ng kapayapaan sa mga mamamayan at pagtataguyod ng kultura ng mga Pilipino. Bagaman, ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pakikipag-intindihan at ang respeto sa paniniwala ng bawat isa.
SANGGUNIAN
Lieban, Richard Q., and Richard Warren Lieban. Cebuano sorcery; malign magic in the Philippines. Univ of California Press, 1967.
Documentary. Mga Kababalaghan, 2016, https://kababalaghanblog.wordpress.com/
Catipay, Trina Marie A. "Antolohiya ng mga Sugbu-anun’g Kwentong Bayan: Pagbabalik-tanaw sa buhay at kulturang Cebuano." Asia Pacific Journal of Multidisciplinary Research 7.1 (2019).
Jadloc, Mariamme D. “K’wentong Bayan mahalaga sa Kabataan”, 2017, https://upd.edu.ph/kwentong-bayan-mahalaga-sa-kabataan/
Rodriguez, Ma, and P. Corazon. "INTERPRETIVE STORIES (KWENTONG BAYAN) OF SARIAYA, QUEZON AND TOURISM AS A LIVED EXPERIENCE." Social Science Diliman 7.1 (2011).
Evasco, Eugene Y. "Sa Pusod ng Lungsod: Mga Alamat, Mga Kababalaghan Bilang Mitolohiyang Urban." Humanities Diliman: A Philippine Journal of Humanities 1.1 (2000).
Thompson, Stith. The folktale. Vol. 204. Univ of California Press, 1977.
Hart, Harriett E. "Collecting folktales in the Bisayas, Philippines: Purpose and method." Philippine quarterly of culture and society 8.1 (1980): 73-85.
M1-M2: Gabito at Sarmiento (tagapagpanayam)
M3-M5: Codera, Delos Santos at Soliano (manunulat/kritik)
M6: Pocong (content editor)
M7: Cauba (Tagapagtaguyod sa panlipunang midya)
40 notes · View notes