Huling Sulyap
Huling Sulyap
Written by: Ellie Cee (Nicole Ann Caidic)
Ito na nga ang huli
Ito na ang inaabangang sandali
Isang sulyap na walang sukli
Sulyap na may hinagpis
Nais kong malaman mo
Masaya ako sa naging takbo
Buhay ko'y naging mapalad
Ika'y aking nakilala
Unang sulyap sa iyo
Puso'y kay gaan tuwing napapadako
Mga matang nabibighani
Sa taglay mong mga ngiti
Kay gaan ng pakiramdam
Sa mga maginoo mong tunghay
Ano ba ang gagawin
Upang ikaw ay maging kaibigan
Tayo'y naging magkaibigan
Pagiging totoo sa sarili'y aking natutuhan
Walang itinagong ugali
Sikreto ma'y hindi ikinubli
Subalit isang araw
Dalawa, tatlo, hindi ko na maalala
Nababanaag, halaga ng bawat araw
Tuwing ika'y kasama, mundo ko'y sumisigla
Ikaw ay nagtapat, puso ko'y naguluhan
Tunay ba ang pag-ibig na ninanais ihalad?
Sa mga pagsubok na naranasan, tiwala'y kay hirap ialay
Kung kaya't paumanhin sa pagdududang taglay
Ika'y itinaboy, pilit pinapanatili
Samahan nating nabuo, pagkakaibigang tinatangi
Ngunit sa lahat, ika'y nanatili, pusong takot, ngayo'y naapuhap
Pag-ibig mong pinamalas, akin nang tinatanggap
Tayo'y masaya, pag-ibig ay wagas
Bawat ngiti mo't tagumpay parang tinatangi na perlas
Mahal kita, sana'y 'di na magwakas
Mga kamay mo'y huwag bibitiw, kahit pa anong malas
Ngunit ang mga ngiti'y tila napalis
Bawat tagumpay ko'y 'di mo ninanais
Sukdulang pagmamahal, naging isang kabaliwan
Nang ako'y iyong iwang naghihinagpis sa kawalan
Dinamdam nang labis, halos ikamatay
Nananalangin na maglaho na lamang
Bawat araw, isa iyong parusa, maya't maya naggugunita
Binabalikan, masasakit na pangyayari: mayro'n kayang pag-asa?
Ngunit ngayo'y puso ko ay naimulat
Puso mo'y 'di na babalik kailanman
Walang saysay kung mananatili, mga alaalang walang silbi
Tinanggap ko, saksi ang kuwardernong ito sa lahat ng hapdi
Kung kaya't heto na: ako'y magiging masaya
Sa huling pagkakataong nakasama
Pusong may hinagpis, ngayo'y nakalaya
Sa huling sulyap mong hanggang kaibigan na lamang
-wakas-
www.nickcaidicstories.blogspot.com
www.ellieceewattpadstories.tumblr.com
0 notes