#Sophia Dormiendo
Explore tagged Tumblr posts
Text
UPIS, nagkaisa upang manatiling #BuhayAngEDSA
Nakiisa ang komunidad ng University of the Philippines Integrated School (UPIS) sa paggunita ng ika-38 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution noong Pebrero 25 na pinangunahan ng Departamento ng Araling Panlipunan mula Pebrero 26 hanggang 29 sa loob ng UPIS sa pamamagitan ng pagsusuot ng bibe hair clip.
Ang pagsuot ng bibe hair clip ay pakikiisa sa mas makabagong paraan ng pagpapakita ng protesta. Simboliko ang pagsusuot ng bibe hair clip dahil maiuugnay ito sa nangyaring protesta ng mga mamamayan ng Taiwan at Hong Kong laban sa opresyon ng Mainland China na hindi kinikilala ang soberanya ng mga teritoryong ito.
Bilang panimulang gawain, naglabas ng pahayag ang Departamento ng Araling Panlipunan noong Pebrero 26 sa Facebook na nagbahagi ng pakikiisa ng departamento, Kilusang Araling Panlipunan (KAP), at buong komunidad ng UPIS sa paggunita ng anibersaryo. Sa pahayag na ito, ipinaalala ang ikinakatawan ng anibersaryo—ang pag-aalala sa pagkakaisa at pakikibaka ng taumbayan na siyang nagbigay-daan sa panunumbalik ng demokrasya at kalayaan sa bansa sa pamamagitan ng mapayapang rebolusyon. Inilatag rin ang isyu na tinanggal ito sa mga araw ng non-working holiday ng taon at ang isyu ng Charter Change na banta sa demokrasyang ipinaglaban ng mga Pilipino ng nakaraang 38 taon. Winakasan ito sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa kahalagahan ng demokrasya sa lipunan at sa patuloy na pag-alala ng komunidad ng UPIS sa mga pangyayari sa kasaysayan sa gitna ng ginagawang pagpapahina at pagbubura ng diwa ng EDSA sa kasalukuyan. Kasama rin sa inilabas ang imbitasyon ng departamento na makilahok ang mga mag-aaral sa pagsusuot ng bibe hair clip.
Bukod sa pagsusuot ng bibe hair clip, naging bahagi rin ng mga gawain ang mga dilaw na ribbon na itinali sa iba't ibang gate ng gusali ng K-2, 3-6, at 7-12 pati na rin sa mga pinto ng mga silid bilang simbolo ng pagkakaisa laban sa rehimen ng Diktadurang Marcos Sr. at bilang pagpapakita ng dedikasyon sa demokrasya. Nagmula ang tradisyong ito bilang pagsalubong sa pagbalik ni Dating Senador Ninoy Aquino matapos ang tatlong taong pagka-exile sa Estados Unidos, tulad ng isinasaad sa kantang “Tie a Yellow Ribbon Round the Ole Oak Tree” na tungkol sa paglaya at pag-uwi ng isang ex-convict. Bilang tugon sa tema ng EDSA, naglagay rin ang KAP ng isang freedom wall sa labas ng Departamento ng Araling Panlipunan upang mahikayat ang mga estudyante na malayang isulat ang kanilang mga nalalaman sa paksa.
Ayon kay Ginoong Joseph Tablizo, ang tagapayo ng KAP, hangarin ng programang maipaalala at hikayating makiisa ang buong komunidad ng UPIS sa paggunita sa halaga ng EDSA People Power sa ating kasaysayan, at maipakita ang diwa ng demokrasya sa pamamagitan ng napapanahong paraan ng pagpoprotesta. Umaasa rin ang tagapayo na may napulot na aral ang mga mag-aaral mula sa programang ito.
Sa mga salita ni Ginoong Joseph Tablizo, “...masasabing iba-iba na ang depiksyon ng mga mag-aaral ng UPIS sa demokrasya… Ito ay nagpapakita na nabubuhay pa rin ang kahulugan ng kalayaan sa kabataan, iba-iba man ang interpretasyon nila.” Sa pagdiriwang ng ika-38 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, sana ay alalahanin ang tunay na kasaysayan ng Pilipinas sa harap ng lahat ng nangyayaring historical distortion sa lipunan. Hindi dapat kalimutan ang ipinaglaban ng mga mamamayang Pilipino para sa demokrasya; gawin itong lakas upang makamit natin muli ang tunay na kalayaan. //nina Martin Arevalo, Sophia Dormiendo, at Elis Reyes
6 notes
·
View notes
Text
FEATURE: “NAKAKABASA NA AKO!”: How ICLIP Empowers Children Through Reading
//nina Sophia Dormiendo & Wynelle Llaguno
5 notes
·
View notes
Text
OPINION: ‘DI BA HOLIDAY NGAYON?: Ang Hamon ng Holiday Economics sa Kinabukasan ng Pilipinas
Photo credit: Julia Intrepido
Inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong ika-16 ng Nobyembre 2022 ang Proklamasyon 90 na binabago ang mga petsa ng tatlong opisyal na holiday para sa 2023. Dito, inanunsyo ni Marcos ang Enero 2 bilang karagdagang special non-working day. Mula Abril 9 naman, na pumapailalim sa isang araw ng Linggo nitong 2023, inilipat ang taunang paggunita ng Araw ng Kagitingan sa Abril 10, isang Lunes. Ang taunang petsa ng Bonifacio Day ay Nobyembre 30 na pumapailalim sa isang Huwebes, ngunit ngayong 2023, ginunita ito noong Nobyembre 27, ang pinakamalapit na Lunes sa orihinal na araw nito. Sa paggamit ng “prinsipyo ng holiday economics” nagdagdag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang karagdagang espesyal na araw na walang pasok at inilipat ang dalawang holiday sa Lunes upang makabuo ng mas mahabang katapusan ng linggo. “There is a need to adjust these holidays pursuant to the principle of holiday economics wherein a longer weekend will help encourage domestic travel and increase tourism expenditures in the county,” ayon kay Marcos Jr.
Hindi kay Marcos Jr. nagpasimula ang biglaang paglilipat ng mga araw ng pistang opisyal. Taong 2007, termino ni Dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, isinabatas ang Republic Act 9492. Ipinakikilala ng proklamasyong ito ang konsepto ng movable holidays. Nakasaad dito na kung ang pagdiriwang ay papatak nang Miyerkules, iuurong ang obserbasyon nito sa pinakamalapit na Lunes sa araw ng holiday. Kung sa Linggo naman ito papatak, ang kasunod na araw ang ituturing bilang holiday. Mayroon pang isang talaan sa website ng Official Gazette na nagpapakita ng listahan ng mga regular holiday ng bansa; at kataka-taka dahil tila hindi itinuturing na mahahalagang araw ang Rizal Day, Bonifacio Day, maging ang Araw ng Kagitingan. Bakit ang Lunes na pinakamalapit sa mga petsang ito ang itinuturing na holiday, hindi ang mismong araw na nangyari ang mga makasaysayang kaganapang ito? Sa paglipat ba ng mga opisyal na petsa ay nagagampanan ang esensya ng pagdedeklara nito bilang opisyal na holiday sa simula’t sapul? Maliit na usapin lamang ba ito, na basta’t maisipan ng pangulo na gusto niya ng long weekend, magpapasa na siya ng batas para baguhin ang tamang araw ng pagdiriwang ng isang holiday?
Hindi ang ekonomiya ng isang bansa ang kaniyang esensya. Lahat naman tayo ay naghahangad ng maunlad na Pilipinas—abot-kaya ang mga bilihin, mababa ang presyo ng langis, malaya mula sa mga kadena ng kahirapan. Ngunit ang ekonomiya lang ba ang marapat ikonsidera sa bawat desisyong pinipili ng pangulo? Sa aming opinyon, ang kasaysayan ng isang bansa ay ang kaniyang kaluluwa. Ang daan-daang taon na lumipas, ang libo-libong kuwento, ang ‘di-mabilang na sakripisyo ng ating mga bayani ay hindi karapat-dapat limutin para lang bigyang-daan ang isang araw na mas malaki ang kikitain ng mga malalaking kumpanya. Sabi nga ni Jose Rizal, “ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan.” Paanong makauusad itong bayan kung hindi niya kinikilala ang mga taong nakipaglaban para sa kaniya? Lalong nagiging malabo ang kinabukasan—darating ang araw na dahil sa batas na ito, makakapagliwaliw nga tayo sa SM kasama ang ating pamilya, ngunit hindi na makikilala ng ating mga anak ang mga bayani ng ating lahi gaya ni Andres Bonifacio. Alam man nilang araw ng kapanganakan niya ang Nobyembre 30 dahil nakasulat sa teksbuk at itinuro ng kanilang titser, ngunit mababatid nating hindi nila ito gugunitahin, sapagkat taun-taong magbabago ang araw ng selebrasyon para sa holiday na ito. Ngayong taon, noong Nobyembre 27 ipinagdiwang ang kaarawan ni Bonifacio; ngunit sa susunod na taon, Nobyembre 25 ang ituturing bilang araw ng paggunita. Hindi ba’t talagang nakakalito? Natiyak naman na ng mga historyador ang araw ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, ngunit nag-iiba taun-taon ang araw ng selebrasyon. Hindi ba sapat ang paggalang natin sa bayaning ito upang gunitahin nang maayos, sa mismong araw lamang, ang kaniyang kaarawan?
Tunay na nakakapagpabagabag ang mga problemang madudulot ng holiday economics sa ating bayan. Sa bawat pagkonsidera at pagpapauna natin sa ekonomikong kalagayan ng bansa ay siya namang pagbagsak ng pansariling pagkakakilala ng mga mamamayan sa kasaysayan. Malaking papel ito sa pagpapanatili ng pagkakakilanlan natin sa ating sariling kultura at upang maitaguyod ang pagkakaisa sa mga Pilipino. Ang pagtalakay sa koneksyon sa pagitan ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ay magbibigay-daan sa atin na maalala at mailapat ang kasaysayan sa ating pang-araw-araw na buhay. Ang kawalan ng sapat na pakialam at koneksyon sa mga nangyari sa ating nakaraan ay maaaring magbubunga ng historical amnesia.
Ang historical amnesia ay ang sadyang pagpapatuloy ng maling salasay sa kasaysayan. Ito ay isang sitwasyon kung saan maaaring mabaliktad ang dalawang panig—ang nang-alipusta ang nagiging mabuting bida at ang mga naalipusta ang naging masamang kalaban. Dahil sa amnesia na ito, nauudlot ang pangangalap at pagkaalam ng mga tao ng kabuuang impormasyon ukol sa kasaysayan, sapagkat mas nananatiling litaw at buhay ay ang salaysay na konvinyent para sa mga taong may makasariling political agenda. Ang kasaysayan ay dapat na isang kaalaman at isang salaysay na taglay ng lahat. Ang kamalayan ukol sa ating sariling kasaysayan ay makakatulong upang makita ang mga epekto at sanhi ng mga pagkabigo sa lipunan at matuto mula rito.
Nang tanungin ang dalawa sa mga teen housemates ng reality TV show na Pinoy Big Brother (PBB) kung paano kinikilala ng mga Espanyol ang tatlong Pilipinong pari noong 1872 na sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora, sa pagkuha ng pahiwatig mula sa mga unang pangalan ng mga pari, isang housemate ang sumigaw ng, “Marjo!” Nang lumabas na mali ang kaniyang sagot, ang karibal niya ay mabilis na sumagot naman ng “MaJoHa!” Matapos ang inisyal na pagtawa, unti-unti, mapapaisip ka: Ano na nga ba ang mga tinuturo sa mga kabataan ngayon? Bakit ang simpleng pangalan ng mga taong bahagi ng ating kasaysayan tulad ng GomBurZa ay hindi na alam ng iba? Makikita rin sa mga naging tugon ng mga PBB housemates sa iba pang mga katanungan na may kaugnayan sa kasaysayan na nangangailangang mapabuti ang sistema at kalidad ng edukasyon, lalo na sa pag-aaral ng Kasaysayan ng Pilipinas. Gayunpaman, ang PBB episode na ito ay isa lamang sa maraming indikasyon ng learning crisis sa bansa. Ang pagsasanay sa mga estudyante na aralin ang sarili nating kultura at kasaysayan ay higit pa sa pagsasaulo lamang ng mga pangalan, petsa, at lugar ng mga naratibong nakakaapekto sa kasalukuyang panahon. Ang mga digital tools, gaya ng social media, ay maaaring makatulong sa pagkuha ng atensyon at interes ng kabataan, upang maengganyo silang pag-aralan ang mga kaganapan noong unang panahon. Marapat nating gawin ang lahat ng paraan, upang mapanatiling relevant at hindi tuluyang mawaksi ang kahalagahan ng kasaysayan mula sa ating sistemang pang-edukasyon.
Matatandaan din ang usapin ng World War II comfort women na matapos ng 70 taon lamang lumitaw at napatunayan dahil sa takot ng mga babaeng biktima na magsalita sa gitna ng isang mundong pinamumunuan ng kalalakihan—sino ba naman ang makikinig sa kanila? Ang simbolo ng katapangang ipinakita ng mga babaeng isinatinig ang kanilang mga napiping boses upang ikwento ang malalagim na kaganapan noong panahon ng digmaan ay umantig sa damdamin ng mga Pilipino. Ang matapang na pagsasabi ng totoo ng mga babaeng ito ay ultimong nagbigay-daan sa pagtataguyod ng mga sining ng paggunita sa kanila, gaya ng dulang Nana Rosa at isang estatwang pinangalanang “Filipina Comfort Women.” Ngunit noong 2018, palihim na inalis ang monumentong nagsilbing alaala ng kanilang masidhing pagtitiis. Pero bakit? Bago alisin ang estatwa, kinontak di-umano ng Japanese Embassy ang gobyerno upang ipahayag ang kanilang concern—marahil ay dahil sa pag-aalalang baka masira ang kanilang reputasyon at relasyon sa bansa sapagkat patuloy na ipinapaalala ng rebulto ang kanilang mga kalupitan noong digmaan. Ang labanang ito ay markado sa bawat nasyon at hindi kailanman mabubura sa kasaysayan, kaya’t hindi magandang simbolo na pumayag ang pamahalaang ipaalis ang kaisa-isang bagay na, paglipas man ng maraming taon, mananatiling nakatayo bilang paalala. Hindi man tuwirang inamin ng Dating Pangulong Duterte ang kaniyang bahagi sa desisyong ito, ang mismong pagsang-ayon niya na ayos lamang na mahugasan ang dugong nasa kamay ng mga Hapon sapagkat nagbayad naman na sila ng milyones ay tanda na handa ang mga pinuno nitong bansa na ipagkanulo ang taumbayan kapalit ng pera.
Ang kalaunang pagkalimot ng taumbayan sa mga bayaning nag-alay ng buhay ay sumasalamin sa kawalan ng respeto ng gobyernong hinahayaang mabaluktot ang kasaysayan ng nasyong ito.
Dagdag pa rito, dahil sa proklamasyong ipinatupad ni Arroyo, mas napadali ang pag-aamyenda ni Marcos Jr. tungo sa pagbubura ng isang napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng ating bansa: ang EDSA Revolution. Inilabas ng Palasyo ang Proklamasyon Blg. 368 na nagsasaad ng opisyal na national holidays, non-working days, at special non-working days para sa susunod na taon. Nabanggit dito ang selebrasyon ng Chinese New Year (Pebrero 10), All Souls’ Day (Nobyembre 2), Feast of the Immaculate Conception of Mary (Disyembre 8), ngunit wala ang komemorasyon sa ika-38 sanang anibersaryo ng EDSA Revolution. Ang ibinigay na paliwanag ng Administrasyong Marcos sa pag-aalis ng EDSA Revolution Anniversary bilang isang holiday ay papatak ang Pebrero 25, 2024 sa araw ng Linggo. Wala raw saysay, ni sosyo-ekonomikong dulot, kung idedeklara pa ito bilang isang special non-working holiday. Rest day naman daw ito ng mga manggagawa, sabi nila. Tama naman sila. Ngunit sapat ba itong dahilan upang tuluyang alisin ito sa listahan ng mga holiday? Hindi patas sa mga bayani noong Martial Law kung aalisin ang inilaang paggugunita sa araw na tuluyang napaalis sa puwesto ang diktador na nagpahirap sa bayan sa loob ng tatlong dekada. Hindi makatarungan kung ating lilimutin ang pagmamartsa ng taumbayan patungo sa sinag ng kasarinlan.
Ang ipinatupad na ito ni Marcos Jr. ay isang halimbawa ng mga taong may sariling adyenda kaya’t ipinipilit na manipulahin ang naratibo ng kasaysayan. Hindi ba’t ito rin ang pilosopiya sa usapin na ang palaging narerekord lang sa mga libro ay ang mga nagtagumpay sa digmaan? Ang mga ibinibida lang ay ang mga makapangyarihan, ngunit hindi nakikita ang pinagdaanan ng mga ordinaryong tao, sapagkat hindi katala-tala ang kanilang pangalan sa mga pahina. Tanda ang kagahaman ng isang tao upang pabanguhin ang kaniyang imahen at baliktarin ang kasaysayan kahit na taliwas ito sa naratibo ng kasaysayan. Ano ang kahihinatnan ng bayan kung ang kaniyang kasaysayan ay binubuo lamang ng mga salaysay na nagbebenipisyo sa mga taong pinaiiral ang kani-kanilang pansariling interes? Ano na ang magiging identidad ng Pilipinas kung tinatabunan at hindi binibigyang importansya ng mga taong nakaupo ang kasaysayan nito? Tila hindi sapat ang buhay na inialay ng mga bayaning sina Andres Bonifacio, Jose Rizal, ng mga nag-aklas noong Batas Militar para sila’y mabigyan ng isang araw ng paggunita at pagpupugay. Tila hindi sapat ang dumanak na dugo’t pawis sa lupain nitong bayan. Sa isang proklamasyon lamang, mawawaksi ang lahat ng sakripisyong nagtaguyod sa bansang Pilipinas at ang nasyonalimong dapat sanang mataglay ng mga Pilipino ay patuloy lang din na lalabnaw.
Kapwa magkaiba ang pagsasaalang-alang sa ekonomiya at pagpapahalaga sa kasaysayan ngunit kapwa ring may mahalagang ugnayan ang dalawa. Hindi kailanman dapat magtunggali ang dalawang ito sapagkat pareho nitong binubuo ang Pilipinas. Kung ngayong hindi pa burado ang lahat ng alaala, ngunit madali nang piringan at utuin ang mga mamamayan—paano pa sa hinaharap, kapag nasunog na ng mga maysala ang lahat ng mga ebidensyang nagtuturo at nagpapanagot sa kanila? Hahayaan lang ba natin ang mga taong may pansariling adyenda na gawin ang anumang konvinyent para sa kanila, kahit na ito ay magdudulot ng pasakit sa taumbayan? May obligasyon tayo bilang mga mamamayanng na panatilihing buhay ang kasaysayan sa pamamagitan ng pag-alala lalo na sa panahong itong ang mga pinagkatiwalaang magpatakbo ng lipunan ay kumikilos upang burahin ang mga bahaging hindi pumpabor sa kanilang pansariling interes. Nagpapatayo tayo ng mga monumento at isinusunod pa ang pangalan sa mga kilalang tao upang alalahanin at bigyan sila ng pagpupugay, ngunit hindi naman natin ito pinag-uukulan ng pansin, kaya’t kalaunan ay nakakalimutan. Marapat nating pakatandaan: walang Pilipinas kung wala ang mga Pilipinong lumaban at bumitbit nitong bayan patungong kalayaan. Ngayon, nasa ating mga kamay ang kapangyarihang ipagpatuloy ang pakikipaglaban upang maisalin ang mga kwento ng bayan hanggang sa susunod pang mga panahon. // nina Sophia Dormiendo at Wynelle Llaguno
MGA SANGGUNIAN:
Aurelio, J., Subingsubing, K., & Corrales, N. (2023, Oktubre 14). Bongbong Marcos removes Edsa People Power anniv from list of holidays. INQUIRER.NET. https://newsinfo.inquirer.net/1845454/marcos-removes-edsa-from-list-of-holidays
Chi, C. (2023, Setyembre 11). DepEd denies political pressure behind removal of 'Marcos dictatorship' in curriculum. Philstar. https://www.philstar.com/headlines/2023/09/11/2295541/deped-denies-political-pressure-behind-removal-marcos-dictatorship-curriculum
Chua, X. (2019, January 1). Day of collective shame: When the comfort woman statue was removed. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/opinion/content/680016/day-of-collective-shame-when-the-comfort-woman-statue-was-removed/story/
Forgeard, V. (2023, Agosto 2). The Fabric of Society: How Holidays Shape and Define Cultures. Brilliantio. https://brilliantio.com/why-are-holidays-important-to-a-culture/?fbclid=IwAR2L_CPXLedkOawfRc0H_4-KEpPMiyNGqztQfieRZuZXRCo_WxHXmxPMh_M#:~:text=They%20serve%20as%20a%20platform,social%20values%20and%20historical%20events
Pag-iwayan, J. (2022, April 19). Why we should be alarmed with #MaJoHa. Manila Bulletin. https://mb.com.ph/2022/04/18/why-we-should-be-alarmed-with-majoha/#google_vignette
Proclamation No. 368 | Declaring The Regular Holidays And Special (Non-working) Days For The Year 2024. (2023). https://www.officialgazette.gov.ph/2023/10/11/proclamation-no-368-s-2023/
Republic Act. No. 9492 | An Act Rationalizing The Celebration Of National Holidays Amending For The Purpose Section 26, Chapter 7, Book 1 Of Executive Order No. 292, As Amended, Otherwise Known As The Administrative Code Of 1987. (2007). https://www.officialgazette.gov.ph/2007/07/24/republic-act-no-9492/
Sarao, Z. (2023, Oktubre 13). February 25, Edsa People Power Anniversary, not a holiday in 2024. INQUIRER.NET. https://newsinfo.inquirer.net/1845243/february-25-edsa-people-power-anniversary-no-longer-a-holiday-in-2024/
70 years on, the “comfort women” speaking out so the truth won’t die. (2015, September 2). Amnesty International. https://www.amnesty.org/en/latest/campaigns/2015/09/70-years-on-comfort-women-speak-out-so-the-truth-wont-die/
3 notes
·
View notes
Text
Bagong influenza-like illness, kumakalat sa buong Pilipinas
Mula pa noong magpasimula ang taon, malaking bahagi ng Pilipinas na ang nakararanas ng pagtaas ng kaso ng influenza-like illness (ILI). Ang ilan sa mga sintomas nito ay ubo, pananakit ng katawan, pananakit ng lalamunan, at lagnat.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Tayag, may humigit-kumulang na 190,000 influenza-like cases ang naiulat sa Pilipinas ngayong taon. Isinusulong ng Department of Health (DOH) ang pagbabakuna laban sa influenza at pneumonia upang maiwasan ang pagtaas ng mga kaso.
Noong Nobyembre 28, inanunsyo ng OIC-Principal ng UPIS na si Kat. Prop. Dian Caluag ang biglaang pagtaas ng kaso ng ILI sa UPIS nitong mga nakalipas na buwan. Bilang pagtugon dito, hinikayat ang mga mag-aaral na sumunod sa health protocols ng paaralan gaya ng pagsuot ng face masks. Pinaalalahanan din ang lahat na magsabi sa mga guro at mga nars ng paaralan kung nakakaramdam man ng mga sintomas upang kaagad na maaksyunan.
Ayon kay Dr. Myrissa Melinda Alip, ang direktor ng UP Diliman Health Service (UPHS), ang pagpapabakuna ay malaking bagay para maiwasan ang mga kumplikasyon kapag tayo ay nadapuan ng nakahahawang sakit. Ang libreng bakunang ipinamimigay ng UPHS-Public Health section sa publiko ay mula sa local government unit (LGU) ng Brgy. Krus na Ligas na kanila ring katuwang upang maisulong ang Expanded Immunization Program ng pamahalaan. Ang layunin ng programang itong maiwasan ang mga komplikasyon at kamatayang maaaring maidulot ng mga nakakahawang sakit sa pamamagitan ng pagbabakuna. Mayroon ding bakunang ipinamimigay para sa mga ina at matatanda.
Sa kasalukuyan, mayroong iba’t ibang bakunang maaaring mapakinabangan ng lahat ng nasasakupan ng Krus na Ligas, UP Diliman, at mga kalapit na lugar. Isa ang flu vaccine sa mga ipinapamahaging maaaring i-avail ng mga mag-aaral at empleyado ng Diliman. “Ang bakuna ay para sa lahat.” Dagdag pa ni Dr. Alip, “May bakuna para sa kapapanganak na sanggol. May bakuna para sa ibang mga edad: sa mga ina, sa buntis, nakatatanda, atbp.” Isinaad din niyang ang mga nagnanais magpaiskedyul ng pagpapabakuna ay maaaring tumawag at magtanong sa UPHS-Public Section local 2719 (Oras ng opisina: Lunes-Linggo, 8 n.u.-5 n.h.).
Ipinapaalala rin ni Dr. Alip na, “Ang pinakamahalaga, bukod sa pagpapabakuna, ay ang maayos na lifestyle.” Ilan sa kaniyang mga nabanggit at iminumungkahi niyang paraan ay ang pagkakaroon ng balanseng nutrisyon; pagtulog nang walong (8) oras; pag-iwas sa alak, sigarilyo, at mga bawal na gamot; at pagbabawas ng stress upang mapalusog ang kaisipan.
Mayroon pa ring natatalang mga kaso ng bagong influenza-like illness sa kalakhan ng Pilipinas sa kasalukuyan. Ayon sa DOH, marahil ito ay bunsod ng maulang panahon. Kasalukuyang nag-iimbestiga ang departamento kung ito ba ay dulot ng bagong uri ng pathogen. Bagaman inaasahang bababa na ang bilang ng mga kaso sa mga susunod na linggo, ipinapaalala pa rin ng mga awtoridad ang karampatang pag-iingat na kailangang gawin ng bawat isa. Sapagkat holiday season na at inaasahan ang dagsa ng tao sa mga pampublikong lugar, mainam ang pag-alam ng mga health risk na maaaring makompromiso sa tuwing lalabas ng tahanan. Gayundin, kinakailangang sundin ang mga ilang mga hakbangin gaya ng pagsusuot ng face mask, pag-isolate ng may sakit, at pagpapabakuna upang makaiwas sa lumalaganap na sakit.
Ipinapaalala sa mga mag-aaral ng UPIS ang ibayong pagsunod sa mga health protocols at pakikiisa sa mga hakbang upang makaiwas sa mga nakahahawang sakit. // nina Sophia Dormiendo at Wynelle Llaguno
3 notes
·
View notes
Text
Paggunita at pagdiriwang ng UPIS ng World Teachers’ Day 2023
Noong ika-5 ng Oktubre, ipinagdiwang ng UPIS ang World Teachers’ Day sa pamamagitan ng isang maikling programang inihanda para sa mga guro. Ang nasabing selebrasyon ay isang sorpresang pinangunahan ng Pamunuan ng Kamag-aral (PKA) na ginanap sa 7-12 Ramp Area.
Bilang panimula ng programa, ipinatawag ang mga guro sa Ramp Area sa pamamagitan ng “Bring Me a Teacher” segment na nilahukan ng mga mag-aaral kung saan ang mga kategorya ay ang iba’t ibang departamento ng UPIS. Pagkatapos tipunin ang mga guro, dumako ang PKA sa segment na “Who’s That Teacher?” Dito nagpakita ng baby pictures at trivia tungkol sa ilang mga guro. Isa-isang hinulaan ng mga mag-aaral kung sino-sino ang mga gurong itinampok.
Nagwakas ang programa sa pagharana sa mga guro ng dalawa sa mga nakilahok na banda sa Battle of the Bands noong nakaraang taon, ang Omnomz at A2-Z. Inawit ng Omnomz ang ‘Ligaya’ ng Eraserheads, samantalang kinanta naman ng A2-Z ang ‘Dahil Sa’yo’ ni Inigo Pascual. Aming kinapanayam ang kasalukuyang pangulo ng Pamunuan ng Kamag-aral na si Justice Aguinaldo tungkol sa kanilang mga napiling kanta. Aniya, “Bagama't mga awit [tungkol] sa pag-ibig ang karamihan dito, binigyan naman natin ng ibang kahulugan ang mga ito. Ang 'Dahil Sa'yo' at 'Ligaya' ay nagpapakita kung gaano kahalaga ang mga guro sa ating buhay at kung paano nila tayo hinihikayat na maging matatag at matapang.” Mababakas ang tuwa sa mukha ng mga guro, sapagkat ang lahat ng mga mag-aaral na naroroon ay sumabay sa pag-awit ng mga tanyag na kantang ito.
Bukod sa programa, nagpaskil din ng isang freedom wall ang PKA kung saan ipinahayag ng mga mag-aaral kung ano-anong katangian ng mga guro ang sa tingin nilang kahanga-hanga. Naghandog rin ang PKA ng isang munting regalo para sa lahat ng guro ng UPIS bilang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng kanilang pagsisikap sa araw-araw na pagtuturo.
Nang tanungin tungkol sa naramdaman ng PKA matapos ang kanilang matagumpay na pagsasagawa ng programa, ani Justice, “Natutuwa ako na naging matagumpay ang aming programa noong Teacher's Day bagama't maikli lamang ito.” Para sa kaniya, “Ang kahulugan [ng] salitang ‘tagumpay’ sa kontekstong ito ay ang pagpapasaya namin sa mga guro, pati na sa mga mag-aaral, at pagkakaroon ng oportunidad na maipakita at mailahad ng lahat ang kanilang pagpapahalaga at pagmamahal sa ating mga guro.”
Ang pagdiriwang ng World Teachers’ Day noong nakaraang buwan ay isa sa mga kauna-unahang programa ngayong Akademikong Taon 2023-2024, kung kailan lubusang nakabalik na ang UPIS sa full face-to-face learning mode. Makakaasa ang mga mag-aaral na marami pang mga kapana-panabik na selebrasyon ng iba’t ibang okasyon ang darating sa susunod pang mga panahon. // nina Sophia Dormiendo at Wynelle Llaguno
3 notes
·
View notes
Text
FEATURE: TAGUMPAY: Kilalanin ang mga itinanghal na kampeon ng Battle of the Bands 2023
Ito na ang araw ng pagbabalik. Tatlong taon makalipas ang kasagsagan ng pandemya, muling ipinagdiwang ang UPIS Days noong Mayo 8 at 12, na may temang “SIBOL: Simula ng Bagong Taon.” Sa taong ito, sa blended na paraan isinagawa ang nasabing selebrasyon: ang ISKOwela ng K-2, Alternative Learning Classroom Experience (ACLE) ng 3-6, at Seminars ng 7-12 ay idinaos via Zoom. Samantala, kinasabikan naman ng mga mag-aaral ang pagbabalik ng ilang face-to-face na mga aktibidad gaya ng 3-6 Variety Show, Rampa, at Merch Fair.
IMIK. Ipinapanood ang “Paano ka sisibol?” short film presentations na nilikha ng mga mag-aaral mula Kinder hanggang Grado 12. [kuha ng UPIS Media Center 2024]
Damang-dama naman ang kasabikan ng kapuwa mga guro at mag-aaral pagsapit ng dapit-hapon. Muli na namang maririnig ang mga hiyawan, ang ritmo ng mga gitara, at ang astig na pagtugtog sa drumset sa gabi ng pagbabalik ng isa sa pinakainaabangang bahagi ng UPIS Days: ang Battle of the Bands o BOTB. Ngunit bago natin pag-usapan ang mga naging kaganapan para sa BOTB ng taong ito, tara’t balikan muna natin ang kasaysayan ng kompetisyong ito. Unang nagpasimula ang Battle of the Bands sa UPIS upang magsilbing entablado para sa malilikhaing mag-aaral na gustong ibahagi ang kanilang talento at pagmamahal sa musika kasama ang kani-kanilang mga kaibigan. Wala ring palya ang bawat isa sa pagsuporta sa kanilang mga kapuwa mag-aaral, lalo na kung kanilang mga ka-batch ang lumalahok. Kaya’t taon-taon, punong-puno ng music lovers ang mga lugar na pinagdadausan ng BOTB, mapa-Quadrangle man iyan o Gym. Ang ilan sa mga kilalang pangalan sa larangan ng BOTB ay ang bandang Honeyboys ng Batch 2018, 4 Kings ng Batch 2NT, at Prizmo ng Batch 2ONE.
HOMECOMING. Sa kanilang muling pagtapak sa UPIS, tinugtog ng alumni band na Prizmo ang kantang Narda ng Kamikazee. [kuha ng UPIS Media Center 2024]
Malaking bahagi ng selebrasyon ng UPIS Days, at maging ng ating komunidad, ang Battle of the Bands. Sa taong ito, pitong banda ang sumali at sumubok na mag-uwi ng korona, subalit tatlo lamang ang nanaig. Sa isang panayam ng UPIS Media Center, mas alamin pa natin ang mga naging karanasan ng tatlong bandang nagpatibok ng ating mga puso at nagpapaos ng ating mga lalamunan.
Kilalanin na natin ang mga nag-uwi ng titulong TANGHAL: Battle of the Bands 2023 Winners, magbabagsakan dito in 5, 4, 3, 2!
Handa na ba kayo? Oras na para kilalanin ang bandang nagkamit ng ikatlong gantimpala.
ALAS SAIS (Ikatlong Gantimpala)
ALAS SAIS from L-R. Kadisha Pascual (bassist), Rodney Bondal (drummer), JM Navarro (lead guitarist), Cheska Yanga (vocalist), Laarni Lazarra (vocalist), Jed Nuñez (rhythm guitarist). [kuha ng UPIS Media Center 2024]
Tanong #1: Ano ang inyong naging reaksyon nang malaman ninyong isa kayo sa tatlong nagwagi sa Battle of the Bands ngayong taon?
Jed Nuñez: Na-overwhelm kami, kasi ‘di namin inexpect na magthi-third place kami... Pero pinapangako lang namin na sa next BOTB, susubukan naming mag-champion!
Cheska Yanga: Una kasing in-announce yung ‘Crowd Favorite’, isa ‘yun sa hindi talaga namin in-expect na makukuha namin.
Kadisha Pascual: Ako din, hindi ko in-expect na pati yung ‘Crowd Favorite’ makukuha namin, kasi first-ever BOTB ko ‘yun eh. Kaya ‘di ko alam na ganun pala yung magiging pagtanggap sa amin ng audience.
Cheska Yanga: Hakot awards!
Tanong #2: Paano nabuo ang inyong banda?
Kadisha Pascual: Ayan si JM, isa siya sa mga founding members namin.
JM Navarro: Matagal na kaming nag-usap ni Jed na sasali kami ng BOTB. Hindi pa talaga kumpleto ‘yung banda noon kasi dalawa pa lang kami. Hihiramin sana namin si Rodney, tsaka si Vince (Lagunilla) na galing sa kabilang banda, para sana mabuo ang banda namin. Nag-suggest si Vince na kausapin namin si Kadisha na nagbe-bass daw, kaya kinausap siya ni Laarni kung pwede siyang tumugtog kasama namin. Si Cheska naman, sabi niya, manager na lang daw siya, pero sabi namin sumali na lang din siya sa banda.
Laarni Lazarra: Sabi ko— sali ka na, kumakanta ka rin naman eh!
Cheska Yanga: Um-oo na lang din ako.
Tanong #3: Ano ang kwento sa likod ng pangalan ng inyong banda?
Kadisha Pascual: Malapit na kasi yung deadline nung sign-up form. At that time, meron na kaming setlist ng mga audition song, meron na kaming original song, pero wala pa kaming pangalan. Kaya sinuggest ko na lang na ‘Alas Sais’ kasi anim kami. Ayun lang.
Cheska Yanga: Pero actually, naisipan ko ng meaning ‘yun: ‘Alas,’ pwedeng kahulugan ay aces. Tapos ‘yung ‘Sais’ ay six. ‘Alas Sais’: anim kami na aces.
Tanong #4: Ano ang inyong naging inspirasyon sa paglikha ng inyong orihinal na kantang itinanghal sa kompetisyon?
Laarni Lazarra: Nasa guidelines din naman kung saan dapat magre-revolve yung original song, kaya binase ko lang din doon yung lyrics, pati yung mga common experiences ng students para dun sa pagsagot ng tanong na “paano ka sisibol.”
Tanong #5: Ano ang inyong mensahe para sa mga aspiring bands na nagnanais ding lumahok sa Battle of the Bands susunod na taon?
youtube
Pasado alas sais na! Halina’t maghapunan na tayo. Gusto mo bang mag-Foodbanda?
FOOD BANDA (Ikalawang Gantimpala)
FOOD BANDA from L-R. Keane dela Santa (guitarist), CJ Ruiz (drummer), Rachelle Bueno (vocalist), Dzyaireh Santos (vocalist), KC Manalang (guitarist), Elis Reyes (keyboardist). [kuha ng UPIS Media Center 2024]
Tanong #1: Ano ang inyong naging reaksyon nang malaman ninyong isa kayo sa tatlong nagwagi sa Battle of the Bands ngayong taon?
Elis Reyes: Super unexpected. Kasi screening pa lang — at least, personally, I wasn’t expecting na papasa kami ng screening kasi it was such a short amount of time ng preparation. I thought we weren't prepared enough; tapos ‘yung performance din, I wasn't sure if we were at our best. So, ang naging mindset ko: “Let's just enjoy the ride.” Nung announcement, kumakain lang ako ng nachos. It was genuinely unexpected, tapos second place pa kami. And it was flattering na second kami, kasi we were up against many really good bands. It's nice to be acknowledged and awarded for doing something that we just enjoy doing, and for being able to share this feeling with some of my friends.
Rachelle Bueno: During the awarding, nasa stage na kami ng acceptance: “enjoy na lang natin ‘to, tapos palakpakan na lang natin ‘yung mga magpo-podium finish.” Tapos biglang tinawag kami— ‘di pa namin alam kung aakyat ba kami kasi hindi pa nagsi-sink in. Tapos ‘yung Steve Harvey moment, habang binabasa ko ‘yung certificate, napasigaw talaga ako. Hindi pa nga nagsi-sink in ‘yung sinabi nilang 3rd place kami, tapos biglang 2nd place pala kami. It was very overwhelming; emotional upheaval talaga siya kasi lahat kami hindi nage-expect na makakarating kami ng 2nd place amongst all the bands na tumugtog sa BOTB. Kaya sobrang thankful din kami.
Tanong #2: Paano nabuo ang inyong banda?
Dzyaireh Santos: Nabuo ‘yung band kasi gusto ko talaga ng band ever since. Nung nalaman ko magkakaroon ng Battle of the Bands ngayong UPIS Days, naisip ko na bumuo ng banda. Ang una kong nahatak, si CJ. Drummer ‘yung pinaka-mahirap na hanapin, kasi kaunti lang talaga yung alam kong tumutugtog ng drums sa school. At siya ‘yung unang pumasok sa isip ko, kaso hindi ako sure noon kung gusto niya sumama, kaya tinanong ko si Keane kung pwede niyang yayain si CJ. Nung tinanong ko si Keane kung nakausap na niya si CJ, hindi pa daw; nung time na ‘yun, sabi ko, “Ang lapit na ng UPIS Days tapos wala pa akong bandang nabubuo.” Nakipag-usap ako sa ibang friend groups ko, tapos narinig ni KC. Ayun, inalok ko si KC kung gusto niyang sumali sa banda. Magkakaibigan silang tatlo ni CJ at Rachelle kaya agad-agad, nagkaroon ako ng gitarista, drummer, at isa pang vocalist. Si Elis naman, niyaya ko rin siyang maging keyboardist ng band.
KC Manalang: Dagdag ko rin ‘yung time na nasa library kami ni Casey, pinag-uusapan namin ‘yung tungkol sa BOTB. Doon din nagsimulang mabuo talaga ‘yung banda— doon na kami nagsimulang mag-compile ng ideas, mag-usap-usap kung sinong mga isasali pa namin sa banda. Doon ko rin kinausap si Rachelle, kasi siya ‘yung alam kong mahilig magsulat ng kanta.
Tanong #3: Ano ang kwento sa likod ng pangalan ng inyong banda?
Keane dela Santa: ‘Yung kwento talaga sa pangalan ng banda namin, out of the blue ko lang siyang naisip. Na-excite ako na magkakaroon na ulit ng BOTB ngayong taon, tapos sasali kami ng mga ka-banda ko. Nag-isip ako ng mga nakakatawang names na pwedeng malagyan ng salitang ‘banda,’ kasi mahilig ako sa puns. Naghahapunan kami nung bigla kong naisip ‘yun. Naisip ko ‘food,’ tapos “Uy, ‘Foodpanda,’ parang pwedeng maging banda ‘yun.” Nung pinropose ko siya sa group chat namin ng mga ka-banda, nagustuhan nila agad; kasi ‘LT’ daw, nakakatawa. Tapos locked in na ‘yung pangalan na ‘yun, wala nang ibang pumantay.
Tanong #4: Ano ang inyong naging inspirasyon sa paglikha ng inyong orihinal na kantang itinanghal sa kompetisyon?
Rachelle Bueno: Ang title ng aming original song ay ‘Simula.’ Ang naging proseso ko sa kantang ito ay: “BOTB, kailangan ng original song nito. Ano kayang gagawin ko?” Wala pang theme noon, a day before i-release ng guidelines. Iniisip ko na kung Sibol o “Paano ka sisibol?” ‘yung overall theme ng UPIS Days 2023, siguro dapat maging ganito din ‘yung tema ng aming original song. Tinawag ko nun si KC sa Discord, sabi ko, “Tara, samahan mo ako gumawa ng kanta.” Kaso ang ending ako lang ang nagsulat, moral support lang siya.
KC Manalang: Hindi kasi ako marunong magsulat talaga ng kanta, kaya sinamahan ko lang siya.
Rachelle Bueno: ‘Yung process ko lang talaga nun, “Siguro ito ‘yung topic, what if magsulat na ako para handa.” Swerte kami na, the next day, saktong-sakto ‘yung ginawa kong lyrics doon sa theme. Ang daming nangyari sa kanta namin — nakailang cut kami ng lyrics, nakailang bago kami. Pero ang ending, sobrang nakaka-proud ‘yung nabuo naming kanta.
Tanong #5: Ano ang inyong mensahe para sa mga aspiring bands na nagnanais ding lumahok sa Battle of the Bands susunod na taon?
youtube
Ang mga susunod na ipapalabas ay rated HSK. Halimaw Sa Kompetisyon.
HSK! (Unang Gantimpala)
HSK! from L-R. Sam Arinto (bassist), Bianca Baguio (vocalist), JC Caparas (drummer), Dean Cabrera (vocalist), Angelo Santiago (guitarist), Nathan Sigarra (guitarist), Eowyn Surigao (keyboardist). [kuha ng UPIS Media Center 2024]
Tanong #1: Ano ang inyong naging reaksyon nang malaman ninyong isa kayo sa tatlong nagwagi sa Battle of the Bands ngayong taon?
Sam Arinto: Sabi samin ni Nathan before mag-perform, mag-enjoy lang kami. Kaya makita lang ‘yung response ng mga tao na naghihiyawan, okay na sa ‘kin ‘yun. Just there for the experience.
Bianca Baguio: Lahat kami, hindi namin hinihintay ‘yung results ng mananalo. Mas masaya kami na nandoon kami sa stage na nagpe-perform, kaysa sa paghihintay ng resulta kung sinong nanalo.
Eowyn Surigao: Mas masaya kami na nakatugtog kami for the last time.
Sam Arinto: Response pa lang ng mga tao, grabe. Sobrang solid, feeling ko nagka-fans ako.
Eowyn Surigao: Tapos may nagpa-autograph pa sa atin! Very rewarding para sa amin ‘yung experience itself.
JC Caparas: Tapos the best din ‘yung sinabi ni Kuya Diego (Sunga): “Mas magaling pa kayo sa ‘min.”
Dean Cabrera: ‘Yung hiyawan ng mga tao, sobrang rewarding. Parang ‘yun na ‘yung prize namin.
Tanong #2: Paano nabuo ang inyong banda?
JC Caparas: Tatlo kaming magkakabanda na noon, si Eowyn at si Nathan. Tapos nasama si Angelo. Nabuo kami kasi nagpapasok-pasok kami ng mga tao.
Sam Arinto: Hindi kasi, diba… Ako naman, si Sam A., tsaka sina Dean, Nathan, at Bianca, magkakabanda na noon. Tapos si JC at Eowyn naman nasa kabilang banda sila, ‘yung Raketship.
Angelo Santiago: Ako lang ‘yung wala pang banda noon. So, first-timer ako. Nagkayayaan lang kami, ‘yun lang talaga ‘yon.
Tanong #3: Ano ang kwento sa likod ng pangalan ng inyong banda?
Nathan Sigarra: ‘Yung HSK kasi… basta nag-iisip kami ng madaling sabihin ng crowd. Madaling maicha-chant. Kaya ayun, naisip namin ‘yung HSK, tapos saka na lang namin ginawan ng meaning.
Eowyn Surigao: Totoo ‘yun, nauna ‘yung abbreviation kaysa ‘yung meaning.
Nathan Sigarra: Pero hindi na namin ire-reveal ‘yung totoong meaning ng HSK.
Angelo Santiago: May back-up story din ‘yan eh, na iku-kwento namin ‘pag sikat na kami!
JC Caparas: Oo, ‘di muna ngayon.
Sam Arinto: Pa-mysterious muna kami.
Tanong #4: Ano ang inyong naging inspirasyon sa paglikha ng inyong orihinal na kantang itinanghal sa kompetisyon?
Sam Arinto: ’Yung title ng kanta namin, A.N.T. Gusto namin, acronym din, parang HSK. Ang meaning nun ay “Aalis Na Tayo,” kasi last year na namin. Tapos ‘yung prompt kasi ay “starting a new chapter”, eh, aalis na kami ng high school, so panibagong chapter na ng buhay namin.
Eowyn Surigao: Tapos sa lyrics — sinama namin si Ate Gemma, ‘yung mais con yelo, ‘yung TC, tapos ‘yung guard na hindi nagpapapasok. Kasi itong mga ‘to, very iconic at makaka-relate ang nakararami sa ‘tin. Tapos, alam niyo, 6 hours lang namin siyang ginawa. Grabe ‘yung thought process namin nun. Ang gagaling ng mga isip nila.
Sam Arinto: Collaborative effort talaga siya mula sa lahat. Tapos sobrang clutch pa nun. Halos 2 A.M. na ata tayo nagpasa for screening.
Bianca Baguio: Tapos ayon, the rest is history.
At dahil sila ay kabilang sa graduating batch ng UPIS, naghanda ang mga kumapanayam ng isang espesyal na tanong para sa kanila.
Tanong #5: Anong pakiramdam na last performance na ninyo ito sa UPIS?
LAHAT: Awww, ‘wag namang ganyan!
Dean Cabrera, Sam Arinto: ‘Uy grabe, babalik kami!
JC Caparas: Next song namin ‘yun.
LAHAT: “Babalik na tayo…”
Angelo Santiago: Ang gandang ending, kasi nanalo kami, tapos last na namin.
Sam Arinto: Siguro gaya nga ng sabi ni Justin Bieber, “never say never…” Kahit last na namin ‘tong pagsali sa BOTB, sana hindi ito ‘yung last namin talaga na performance sa UPIS.
Eowyn Surigao: Ako, masaya ako. Sa lahat ng BOTB na nasamahan ko, ito ‘yung pinaka-nag-enjoy talaga ako. Sobrang close talaga ako sa kanila, tapos na-enjoy ko ‘yung journey mula nung nagpa-practice pa lang kami.
Sam Arinto: Kita niyo naman, sobrang lakas ng chemistry namin. Sobrang saya nilang kasama.
Eowyn Surigao: Maganda siyang ending sa BOTB journey, kasi I found my people. Kasi iba’t ibang banda kami noon, tapos masaya ako kasi sila ‘yung mga kasama ko ngayon.
LAHAT: Awww. Tama, tama. Ayon, basta masaya kami.
Tanong #6: Ano ang inyong mensahe para sa mga aspiring bands na nagnanais ding lumahok sa Battle of the Bands susunod na taon?
youtube
Ang Battle of the Bands ay isinasagawa bilang isang selebrasyon ng musikal na talento ng mga mag-aaral ng UPIS. Ang entabladong ito ay nag-uudyok sa mga mag-aaral na ipamalas ang kanilang pagkamalikhain at pagbubuo ng kumpiyansa sa pamamagitan ng pagganap at pagkakaisa bilang isang banda. Taun-taong pinapatunayan ng mga isko at iska ang kanilang husay at kakayahan sa larangan ng musika. Kaya naman, patuloy nating suportahan ang mga bandang nagpakitang gilas ngayong taon. Samahan niyo kaming abangan ang mga paparating pang bandang susubok at titindig sa tanghalan ng kaisa-isang kompetisyon na ito. Kitakits sa susunod na taon! //nina Sophia Dormiendo at Wynelle Llaguno
2 notes
·
View notes
Text
UPIS hosts first post-pandemic international visitors
The University of the Philippines Integrated School (UPIS) hosted its first international visitors in three years from Ehime University (EU), Japan last February 21-28, 2023.
Twenty (20) undergraduate and graduate students, accompanied by three (3) officials and professors; Dr. Manabu Sumida, Deputy Director of EU Institute for International Relations, Dr. Nariko Sugaya, Professor at EU Faculty of Law and Letters, and Ms. Saki Oishi, EU-based Japan International Cooperation Agency (JICA) officer, visited the Philippines for a week-long internship, as well as a cultural exchange program between UPIS and EU students.
Despite the long time coming, the coordination of UPIS with EU did not stop even during the pandemic. Certain activities (e.g., fully online international exchange, online participation of UPIS students to a hybrid conference at EU, etc.) were conducted to keep the partnership strong.
A PARTNERSHIP. Ehime University students and officials posing for a picture with UPIS teachers. (Photo credit: UPIS Facebook page)
During the first two years of the pandemic, UPIS has undergone full online learning, and the Academic Year 2022-2023 is the first school year where blended learning has been adapted. According to Assistant Professor Lady Angela Rocena, the head of the Committee on International Linkages, this factor posed as a challenge to the said program. Pre-pandemic, students from EU have tried and experienced the usual activities, such as demonstration teaching, to UPIS students both in elementary and high school. Given that the transition to the new normal is still ongoing, this activity cannot be resumed just yet.
Despite these challenges, the EU students were able to see for themselves how the classes here in the Philippines are being held. They observed and participated in class activities of some grade 9-12 classes. A culture exchange activity was also conducted between EU and UPIS students, starting with our fellow iskos introducing our Filipino heritage and common school cultures. Additionally, the students from EU shared their unique school culture in some Grade 9-12 classes by showing a presentation that tackled frequently asked topics such as their school system, the tradition of students cleaning their own classrooms, and the art of bento or Japanese lunch boxes. After presenting, our fellow UPIS students got the chance to interact with them during a Q&A session. Lastly, during the cultural exchange program, our Japanese visitors were given a full study tour within the 3-6 and 7-12 grounds to be able to learn more about the UPIS community.
CONNECTING. Japanese students from Ehime University sharing a presentation to Prof. Laurice Pineda’s class. (Photo credit: UPIS Facebook page)
As UPIS starts accommodating more visitors from different universities abroad, we also asked Assistant Professor Lady Angela Rocena on what more can we expect from UPIS’ cultural exchange program in the coming years.
“Hopefully homestay and demonstration teaching will resume (with EU), as well as more UPIS student participation as class schedules become more regular, and more frequent online interactions (in addition to face-to-face visits) since that is already possible these days… We can explore new connections and start with online activities to get the partnership going.” //by Sophia Dormiendo and Wynelle Llaguno
1 note
·
View note