#MahalinAngSarilingWika🗣 PilipinoMagkaisaTungoSaBayangMakabansa🇵🇭
Explore tagged Tumblr posts
Photo
Ako'y isang pinoy, Hindi isinapuso't diwa, Pinoy na isinilang sa ating bansa, Ako'y nasanay sa wikang banyaga, Ako'y pinoy na mayroong ibang uri ng wika, Wikang Pambansa ay hindi ko gamit na salita, Bayan kong Sinilangan, Hangad ko lagi ay kaguluhan, Si Gat Jose Rizal na noo'y nagwika Siya ay nagpangaral sa ating bansa, Ang hindi raw marunong magmahal sa sariling wika, Ay higit pa ang amoy ng mabaho at malansang isda. Bakit kayo nakikipagsiksikan sa isang lata ng sardinas? Kung malawak naman ang espasyo ng karagatan? Bakit ibang wika na ang sa atin dumuduyan? Saan na ba ang wikang naging supling ng Perlas ng Sinilangan? Ayan... ayan ang mga katanungan na laging pumapasok sa aking kaisipan Ang dating wika na naging bulaklak sa hardin ng kamalayan, Na ngayo'y pinitas na ng mga dayuhan... Tayo... tayo ang dayuhan sa sarili nating bansa, Hindi natin ito'y diniligan o miski man lang alagaan, Mas nakinabang ang mga masasamang damo sa lupang tinubuan, Tayo ang rigadera, tayo ang tagapagdilig ngunit ibang halaman ang s'yang sumibol at nakinabang. Sumapit na ang Buwan ng Agosto, Sabik na sabik ang mga Pilipino lalo na yung mga kabataan. Masigasig sa kakapaskil ng tula na animo'y maka-Pilipino Aba! Aba! Aba! Mahal mo lang ang wika dahil sa proyekto, Isa kang Pilipinong nagbabalat-kayo, Ang wikang napuruhan sa giyera noon ay binawian na ng buhay ngayon. Nababaduyan kayo sa Wikang Filipino? Dahil mas gusto niyo ang mga Koryano at Amerikano? Na animo'y parang hinaharana kayo sa tuwing tumutugtog ang kanilang mga awitin, Ngunit alam niyo ba ang pinagkaiba ng Tagalog, Filipino, at Pilipino? 'Yung mga salita tulad ng... doon at dito? kong at kung? ng at nang? sila at sina? Alam niyo ba ang pang-ukol, pang-akop, at pangatnig? Hindi 'di ba? kasi... kasi sinubsob ninyo ang inyong katapatan sa kanila. Tayo mismo ang nagpinta sa wika pero tayo lang din pala ang bubura, Hinayaan natin na magpakadena tayo sa kolonyalismo, Imbes na galangin ang wika ng mga banyaga ay sinasamba pa natin, Kung may panahon tayo sa lengwahe at kultura ng iba, Sa wika at pagiging makabansa ay ganoon din naman sana, Hindi yung bibigyang pansin mo lamang tuwing sasapit ang Buwan ng Agosto. Oo nga, isa tayong milenyal na pinangunahan na ng pagbabago sa kulturang meron ang mga pilipino, Pero `wag puro sml/skl ang iparating mo, `Wag puro GG, Wala na Finish na, Advance ako magisip eh' at kung ano pang balbal na gamit mo, `Wag tayong conyo, May sarili tayong wika't kultura na dapat kinakabisado. Wikang Filipino, Kulturang Pilipino ay pagtibayin natin, Ipakitang naiiba ang Pilipino at kaya nitong tumayo sa sarili nito, Na hindi mabubura ang Wikang Filipino o kahit ang kulturang meron tayo, Kung uunahin nating respetuhin ito bago ang pagrespeto sa dialekto at kalinangan ng ibang wika. Patuloy kong itatarak ang punyal ng reyalidad sa karamihan pati na rin sa sarili ko, Dahil minsan ako yung bumato subalit ako rin ang tinamaan, Ako yung nagmahal subalit ako yung nasaktan. Kinain ko rin ang lahat ng aking salita, Ngunit patuloy pa rin ako sa pakikidigma, Kasama ang tulis ng aking pluma at ang hukbo ng aking tinta, Nakasuot ka man ng kalasag, tatablan ka pa rin ng espada kong nababagabag. Ito'y inyong pakatatandaan, Ipapatikim ko sa inyo ang wikang noo'y sinaing, at itataga ko sa bato na ang wikang banyaga na kinain niyo ay s'yang lalason sa inyo, Huwag natin anihin ang wikang itinanim ng ating mga ninuno, Dahil ang halamang ito ay siyang bubuhay sa ating mga Pilipino. Patunayan natin sa mga banyaga na isa tayong pinoy na may sariling wika, Patunayan natin ang ating panata na isa tayong Pilipinong Makabansa, At kung tila nga nakakalimutan mo na, Heto ako nakatayo para muling ipaalala, Na pilipino ka at wag kang magpakabanyaga. CREDITS TO DEVIANTART.COM FOR THIS PICTURE
4 notes
·
View notes