Tumgik
#HusengAraw
sihusengaraw · 4 years
Text
Mga liham ni Berto kay Dahlia: Balat
Dahlia,
Nang makita ko ang marka ng iyong pagsilang sa kaliwang hita mo, sigurado akong ikaw si Dahlia–kababata, pinaka matagal na kaibigan, at siguro, ang nag-iisang kaibigan. Sinubok talaga tayo ng panahon. Sinukat ng libong talampakan ang layo natin sa isa't isa. Binulag ng nakasisilaw na liwanag ng salapi. Hindi ako makapaniwala na dito ka dadalhin ng mapang-asar na buhay. Halong lungkot at saya ang naramdaman ko nang bahagyang matauhan ako na ikaw nga si Dahlia. Malungkot dahil sa ganitong paraan muli tayo nagtagpo. Masaya dahil ramdam kong masaya ka rin. Pinipilit ko ang sarili na hindi ako nananaginip, na totoo ka, na hindi ka ilusyon ng kalasingan. Marahan kong hinaplos ang makinis mong braso, ang iyong mukha, ang iyong kaluluwa, ikaw nga si Dahlia. Pareho pa rin ang timpla ng iyong ngiti. Bahagyang nahaluan lamang ng pait.
Sa mga oras na magkadikit ang ating mga balat at bilanggo ako ng romansa mo, wala akong ibang nais gawin kundi ang iposas ang mga kamay ng orasan at lumpuhin ang paa ng panahon upang mahinto ito sandali sa pagtakbo. Lango ako sa alak, batid ko, pero mas nalalasing ako sa pag-iral mo.
Sa bawat yapos ay lumiliwanag nang triple ang mga bituin. Sa bawat halik ay mas nagniningas ang apoy ng araw. Ramdam ko ang tumutulong pawis. Naririnig ko ang nag-uunahang mga kabayo sa loob ng aking dibdib. Halos makalimutan ko na ang mundo; ang bulok na sistema ng gobyerno; ang hindi mapatid na kahirapan; ang mababang uri ng hustisya; lahat ng problema na kaya kong isipin ay nakakalimutan ko sa tuwing kapiling kita.
Dahlia, kung makakakita ako ng tatlong bulalakaw na sunod-sunod ang pagdaan, tatlong beses kong hihilingin na huwag mo nawa akong lisanin.
Nagmamahal, Berto
–Huseng Araw
2 notes · View notes
sihusengaraw · 4 years
Text
Dahil minsan akong nagsulat
[Ika-siyam ng oktubre, taong 2067]
     Dahil minsan akong nagsulat para sa bansa natin, mainit ang silid ko ngayon. Nakakaburyo, tumatagaktak ang pawis kasabay ng hangaring makalabas pa sana mula rito. Maraming bantay, imposible. At ang dingding, hindi lang basta pader na yari sa semento at buhangin. Madilim, tanging ang liwanag lamang na galing sa isang bintanang sinlaki lamang ng aking mukha ang nagsisilbing ilaw upang makapagsulat. Buti nga’y may bait pa rin kahit papaano ang naglagay sa akin sa sitwasyon na ‘to sapagkat hinahayaan nila akong magpatuloy sa pagsusulat, hindi nga lamang para gisingin ang diwa ng iba. Nakayayamot, gusto kong sumigaw ngunit bakit tinanggalan ng boses ang gaya ko. 'Di ko na alam ang itsura ng labas, gaano na kaya kalaki ang mga gusali sa visayas ngayon? Matagal na mula noong huli akong makakita ng totoong puno. Ano na kaya ang nakatayo sa dating limbagan ng librong pinagtatrabahuhan ko? kumusta na kaya si Ezra--ang aking nag-iisang anak, nanaisin nya pa kayang sundan ang yapak ko sa kabila ng pinagdaraanan ko ngayon? Wala nang tumutula para kay Carmelita ngayon, ang aking kabiyak. Nawa'y 'di s'ya nalulungkot nang sobra sa mga oras na ito. Nawa'y iniisip nya pa rin na sa kabila ng paglubog ng araw ay may buwan na lilitaw at susunod sa kan'ya, kahit saan s'ya magpunta; at kapag ang buwan naman ang lumubog, may araw na sisikat. Sana'y iniisip n'ya pa rin ang sabi ko noon na lagi n'ya akong kasama humarap sa mga bukas. 
     Labing isang taon na magmula noong huli kong nahagkan ang aking mag-ina. Sariwa pa ang sakit ng paglayo mula sa kanila. Malalim pa rin ang sugat na dulot ng pagsaksak sa akin gamit ang sarili kong panulat. Ngunit hindi natapos 'yon doon. Maraming nag sulat para sa mga katulad ko na naging dahilan ng pagpapasara ng mga limbagan ng mga akda sa bansa, malaki man o maliit. Tila binabalik sa panahon ng kastila na gaya ni pepe na nais lamang ay mabuhay ang loob ng kapwa, ng kadugo, at ng kababayan. Lahat ay nasa kamay ng pamahalaan na nasa kamay naman ng banyagang bansa. Manika, 'yan ang salita. Masakit ang katotohanang tayo'y hindi na malayang bansa. Pati na rin ang mga kultura ng mga may hawak sa atin ay dapat sundin, tulad ng relihiyon at mga pamahiin. Iyon din ang dahilan kung bakit iisa lamang ang aking anak. Sa kabila nito, patuloy pa rin akong aasa sa mga susunod na henerasyon. Matagal na rin mula noong huling ginunita ang araw ng paglaya at ang nakalulungkot pa'y iilan nalang din ang nagmamahal sa sarili nating wika. Tuluyan nang inalis ang asignaturang filipino, 'di lamang sa kolehiyo, at pati na rin sa mataas na paaralan.
     Nakakalungkot kapag hindi mo magamit ang iyong kakayahan. Tila ibon na ikinulong sa hawla at pinilayan ang pakpak. Hindi nakatutuwa ang dinaranas ng karamihan sa kadugo ko ngayon. Hindi lamang leeg ang hawak, pati na rin ang braso't binti, may suklob pa ang bibig. Masama ba na punahin ang pang-aalipin ng ibang bansa? Masama ba ang magsalita ukol sa katotohanang amin ang mga isla at hindi kanila? Natatakot, 'yan ang nararamdaman ng karamihan ngayon. Nangangamba na sa bawat pag pahid ng tinta sa papel, kapalit ay pagkalabit ng gatilyo at pagsabog ng sintido. Takot na mawalan ng dila sa kabila ng pag sigaw. Takot na tanggalan ng paningin dahil nakikita ang tama't mali kaya handang magbulag-bulagan para mailigtas ang sarili. Nakakaawa, maraming nagsasalita ngunit nakatakip ang mga tenga ng mga dapat na nakaririnig. Paano pag huli na ang lahat para sa'yo at sa atin, tsaka ka lang ba kikilos?
     Siguro'y tapos na ang aking layunin, ubos na ang tinta at puno na ang espasyo ng papel. Huli na ito. bukas na ang itinakdang pagsentensiya ng kamatayan sa akin, dahil minsan akong nagsulat para sa bansa natin.
–Huseng Araw
1 note · View note
sihusengaraw · 4 years
Text
Kung bakit may daya ang timbangan
     Alas dyis ng gabi, naglalakad sa madilim na kalye ng San Juan. Tanging ang gabay lamang sa paglalakad ay ang mga ilaw galing sa posteng nasa dalawampu't limang metro ang layo sa isa't isa. Malaking tulong nang maituturing ang kaunting liwanag na handog ng buwan. Sa gawing kanan ay kalsada na bilang lamang ang dumaraang mga sasakyan. Sa kaliwa ay malawak na bakanteng lote na nababanigan ng nagtataasang talahib.
     Walang ibang paraan upang makauwi kundi ang maglakad. Walang sasakyan, walang masasakyan. Malamig ang hangin kung kaya't balot ang aking katawan ng makapal na pangontra sa lamig at maong na pantalon na gaya ng nakasanayan. Mabilis na tinatahak ang kahabaan ng kalsada habang mag-isang nakikinig sa paboritong banda. Walang iniisip na kaba, tanging tunguhin lamang ay ang makapagpahinga matapos ang buong araw na alagaan ang mga matatanda sa isang tahanan na para lamang sa kanila.
     Hinila nang walang kamalay-malay. Malakas na pagkakahatak na nagresulta ng pagkahiga sa damuhan. Tinakpan ang aking bibig. Nakakatakot. Nakakapanghina. Nakaka-ubos ng lakas. Hindi na nagawang sumigaw pa. Kung kayanin man, imposible rin na marinig dahil malayo ang mga kabahayan. Hindi na ako nakalaban, tila hinihigop ang aking lakas. Nagsimulang umagos ang luha nang mag-umpisang yapusin ng mga hindi gustong halik. Marahan na tinatanggal ang proteksyon sa lamig—ngunit ang paligid ay naging mainit. Patuloy na umiinit. Nararamdaman ang presensya ng demonyo sa ibabaw ng winawalang-hiyang katawan. Puwersahang pinapatulog sa mga suntok ngunit hindi iniinda at pilit na pinipiling maging gising. Binaba ang proteksyon ng pagkakakilanlan ng aking kababaihan. Binababoy ng nagkatawang satanas ang pagkatao ko. Hanggang sa nakapulot ng malaking tipak ng bato. Hinampas sa ulo ng dyablo. Sinuot ang gulagulanit na pantaas at short na bukod pa sa suot na panloob. Hindi na nagawang mapulot ang pantalon matapos itong ibato sa direksyong hindi ko sigurado. Sinong tao ang may kakayahan na gawin iyon?
     Nanginginig na tumakbo, humingi ng tulong sa awtoridad. Nagkwento. Nagsalaysay. Sa kabila ng pagtago ko sa aking balat, nakuwestyon pa rin ang suot kong pambalot sa katawan.
     Kinabukasan, nalaman na napatay ang dyablo. Labis ang tuwa ng puso ko, ngunit hindi ang utak ng pamilya ni satanas. Ilang pagdinig ang lumipas. Napag-alaman na may sira sa utak ang demonyo matapos iwan ng asawa.
     Naguho ang mundo ko sa susunod na mga pangyayari. Walang mananagot sa kasalanang tawag ng laman. Ako ang nananatiling buhay. Ako ang nakapatay, at sa kamay ng batas, ako ang hihimas ng rehas.
–Huseng Araw
1 note · View note
sihusengaraw · 4 years
Text
Mga liham ni Berto kay Dahlia : Aroma
Dahlia,
            Naaalala ko pa noong binabagtas ng mga paa kong lito ang kahabaan ng Timog Ave. Bagaman bahagyang nahihilo pa at umiikot ang aking paningin, malinaw sa akin na aroma ng magdamagang kayod mo ang sumalo sa aking buong katinuan. Inakay mo ako tungo sa silid na pasipat sipat ang pagsindi ng mga maliliit na bumbilya. Bumabasag ng masesebong pinggan ang ingay. Bumabaha ng serbesa. Hindi mahulugang karayom ang bilang ng mga tomador. Kakarampot na hiya na lamang ang bumabalot sa batang katawan ng mga tagapagtanghal sa entablado–na mas nababawasan habang lumalalim pa ang kagat ng gabi.
            Pinag-hintay mo ako sandali sa bakanteng lamesa. Nilapitan mo ang nakakurbatang intsek. Saka mo ako inayang pumasok sa pangatlong pulang pinto na kahanay ng mga kubeta. Maraming salamat. Parehong hulog at tagapaghatid ka ng langit.
Nagmamahal, Berto
–Huseng Araw
1 note · View note
sihusengaraw · 4 years
Text
Mensahe
Alas tres ng madaling araw. Tahimik akong nakatitig sa kisame. Malalim na iniisip ang nakalipas na araw. Kuliglig, pag patak ng oras, at maingay na motor ng bentilador ang orchestra ng silid.
Naputol ang pagmumuni-muni ko nang tumunog ang cellphone na katabi ko. Nagtaka ako kung sino ito. Bihira akong makatanggap ng tawag, lalo na't sa ganitong mga oras.
     "Pre, pakiramdam ko nagtaksil ako"
Bumungad ang nangangarag na boses ni Dudong, kababata ko at isa sa pinaka malapit kong kaibigan. Hindi ko alam kung saan n'ya nakuha ang number ko pero isa lang ang sigurado ako, problemado si Dudong.
     "Ha? kanino?"
Nagtataka kong tanong. Wala naman itong kinakasama, o maging nobya. O, baka hindi ko lang alam dahil madalang na akong bumalita sa mga buhay nila.
     "Sa buhay, pre" ani n'ya
     "Hindi kita maintindahan, Dudong. Lasing ka ba?" tanong ko.
     "Gusto ko ang sarap na binibigay ng buhay, pero labis kong pinagnanasaan ang lasa ng pagpapatiwakal"
'Yan ang mga huling linya na binigkas n'ya bago ibaba ang telepono. Napabalikwas ako mula sa hinihigaan. Binuksan ang Messenger at bumungad ang mga messages mula sa mga kaibigan ko. Tatlumpu mula kay Dudong limang oras na ang nakararaan. Lima mula kay Robert, isa sa mga kaibigan ko tatlong oras na ang nakararaan. Una kong binuksan ang kay Robert.
Ingay ng kuliglig, pag patak ng oras, at maingay na motor ng bentilador ay naglaho bigla. Tumaas ang balahibo. Umakyat ang lamig mula sa aking binti papunta sa leeg.
"Pre, tangina, patay na si Dudong!" mensahe ni Robert.
—Huseng Araw
0 notes
sihusengaraw · 4 years
Text
Sa lupang parang hindi sinilangan
     Habang minamasdan mo ang kumpol ng mga taong nakataas ang kamao, naramdaman mong nabuhay muli ang demokrasya. Oo, nabuhay muli—minsan na itong pinatay ng salumpuwit na mapagmataas at naulit muli sa panahon mo. 
     Pinili mong magsulat dahil gusto mong makatulong sa pagbukas ng pinto ng katotohanan ng mundong ginagalawan mo. Nanirahan ka sa likod ng alias. Naging gawain mo ang pagsusulat sa parehong paraan kung paano magpiga ang puso mo ng dugo papunta sa iba't ibang parte ng katauhan mo. 
     Halos makabisado mo na ang mukha ng mga nagbibingi-bingihan at mga sadyang bingi na hindi marinig ang hinaing ng bayan. Tanaw mo ang mga nangangapa sa dilim; mga hindi masipat ang pag-asa, pinanganak na bulag at mga sadyang nililihis ang tingin. Naroon din ang mga pinanganak na walang boses at mga piniling itikom ang bibig. Sa gitna ng mga nabanggit na kapansanan, iilan sa kanila ang tinatamasa ang ipinaglalaban ng ilan. 
     Nabangga mo ang naglalakihan at nagtataasan egotismo ng mga trapo. Natabig ang kamangmangang dulot ng pagkalango sa serbesa na tinimpla ng kapangyarihan. Nasagi ang lumpong sistema ng kasalukuyang panahon. Naistorbo mo rin ang siesta ng lipunang masaya na basta't masaya rin ang mga eletistang lumalangoy sa dagat ng prebelehiyo. 
     Kalaunan, napansin ka ng ilan gaya ng inaasahan mo. Sa oras na iyon, inisip mo na sana'y nagtago ka na lamang sa likod ng tikom na bibig. Ngunit huli na, pinili mong ipahid sa papel ang mga natitirang pag-asa sa likod ng sintido mo. Ngayon, isa lang ang nasa isip mo, ang tumakbo. Tumatagaktak ang iyong pawis. Hinahabol ka ng sarili mong hininga. Nakikipaglaro ka ng tagu-taguan sa takot, nakikipag hanapan ka sa hustisya't pag-asa
     Pumutok ang kalibre kwarenta y cinco. Ang tinta sa nagmamalalim mong isipan ay napalitan ng dumaranak na dugo. 
     Ibinaon ka sa limot ng sariling lupang sinilangan mo.
–Huseng Araw 
0 notes
sihusengaraw · 4 years
Text
Langit-lupa
     Tagu-taguan ng nararamdaman, maliwanag ang buwan. Bukod sa daing ng mga nagliliparang mga gamit, maririnig lamang sa oras na 'yon ay ang kabilaang sigawan ng aking ama at ina. Hindi maitatago sa likod ng pader o puno na mahirap ang sitwasyon ng aming pamilya. Bibilang ako ng tatlo kasama ang aking mga kapatid upang magtago. Dahil sa ilang sandali lamang, pagbabalingan nanaman kami ng galit ng aming ama. Manhid na ang aming mga balat ngunit hindi ang aming mga puso.
     Una, sumunod ako, at sunod nama'y si bunso--burdado kami ng latay mula sa sinturon. Burot kami sa palaro ng kapalaran, laging taya sa hanapan ng pagmamahal. Sa mura kong edad, tanging sa panaginip ko na lamang kayang magtago. Sa pangarap isinusugal ang agos ng buhay.
     Nahuli ni ina na may ibang kalaro si ama, kalaguyo sa madaling salita. Sa bawat hakbang ng oras, lumalawak ang saklaw ng pighati sa aming tahanan. Mas lumalakas ang iyak at sigaw, mas tumatahimik ang mga damdaming tigib ng hapdi. Sabi ng ilaw, ayos lang basta't patuloy na magbibigay ng pangangailangan sa tahanan. Sabi ng haligi, hindi n'ya na gustong ituloy. Ika n'ya ay itigil na ang samahan. Hindi rin naman kasal ang aking mga magulang.
     Dahil sa kagustuhang tumakas, natuto akong maglaro sa damuhan. Lilipad at sasabay sa usok ng saya, habang ang mata'y kinakalimutan ang lungkot. Ngingiti sa likod ng mga gunitang pumupunit sa aking dibdib. Hindi ko ginustong malasing sa pamamaraang kinakalimutan ang reyalidad, hindi ko lang din gusto na manatili sa pagpapahirap ng katotohanan. Ngunit ito'y panandalian lamang. Siguro nga'y hindi kabaliktaran ng lungkot ang saya. Baka ang saya ay kawalan lamang talaga ng lungkot.
     Langit, lupa. Ako'y nasa mainit, nagniningas, umaapoy na impyerno. Nag-aalab ang galit sa aking puso. Hampas dito, palo roon. Naaawa na ako sa kalagayan ng mga kapatid ko. Ate kong hindi makalaban, kapatid kong bata, payat, walang kakayahan na depensahan ang sarili. Hindi na alam ang gagawin. Naguguluhan.
     Sinaksak ang puso, umagos ang napakaraming dugo. Patay man o buhay, basta't tapos na ang pagdurusa. Pumatak ang luha, nagulat si ina. Wala na ang ama sa pamilyang ito.
–Huseng Araw
0 notes
sihusengaraw · 4 years
Text
Paglalakbay pabalik sa umpisa
Nabubuo nang paunti-unti ang panaginip na sana'y bumalik muli tayo sa umpisa. Naputol ang natitirang lapis na guguhit sa mga pangarap. Natuyo ang tinta ng panulat na bibigkas sa mga tahimik na letra ng kagandahan mo. Nawalan ng kulay ang pinturang pipinta sa maamo mong ngiti. Napatid ang mga kwerdas ng gitarang aawit kasabay ng tinig mong kay sarap pakinggan. Natuyo ang mga damo na nag mistulang banig sa mga gabing madilim. Naglaho ang ilaw ng buwan, nagtago ang mga bituin. Nagising. Inayos ang unan na kailangang ipiga. Tinupi ang kumot na ginusot ng hapdi. Tila panaginip na lamang ang kahapon, pangarap na lamang ang mga bukas. Tuluyan na tayong bumalik sa umpisa–noong hindi pa tayo magkakilala.
–Huseng Araw
0 notes
sihusengaraw · 4 years
Text
Agimat
     Si sisa, ma-usisang mangkukulam. Nakatira sa liblib na gubat. Hindi ko alam kung bakit. Siguro'y kailangan sa lahat ng kwento na dapat sa kakahuyan at mahirap hanapin ang lugar kung saan sila naglulungga. Hindi naman siguro dahilan ang pagiging iba nila sa karaniwang tao. Maaaring gumagamit sila ng salamanka, pero sa mga lungsod at karatig probinsya, maging sa sulok man ng bansa, talamak ang mahika sa paraan ng pag kulimbat ng pera nang di namamalayan.
     Gaya ng dalagita na unang bumisita sa kanya kahapon upang bumili ng gayuma, dapit-hapon na rin nang matagpuan ng isang opisyal ng gobyerno ang lugar ng mangkukulam. Sa mga oras na 'yon, kausap ng matandang mangkukulam na kulubot ang mukha ang sariling repleksyon sa mahiwagang salamin. Hinihiling na bumalik sa pagkabata at mamuhay muli nang isa pang daang-taon.
     "Tao ho?" 
     Kumatok ang kalbong opisyal na naka-unipormeng kulay bughaw, mukhang uniporme ng alagad ng batas. Kusang bumukas ang pinto. Sabay na nagulat ang opisyal pati na rin ang mangkukulam.
     "Hmm...Parang kilala kita. anong sadya mo rito?" Tanong ng matanda.
     "a, nais ko ho sanang itanong kung may ipinagbibili kayong kagamitan na tutulong sa problema ko na masugpo ang mga suliranin sa lipunan" Sagot ng kalbo.
     Nag-isip nang matagal ang matanda, tumingin sa mahiwagang salamin at kinausap "mahiwagang salamin, sabihin mo sa akin kung mayroon ba akong katulad ng hinahanap nito, makakalimutin na kasi ako"
     Matapos noon, nagkaroon ng mukha ang salamin na waring galing sa pagkatulog at humikab. Nagulat ito nang makita ang opisyal. "Senador... ba.." pilit na tinatandaan ng salamin ang pangalan ng nakita.
     "Senador ba 'to?" Pinutol ng mangkukulam ang pagkagulat ng salamin sa paraan ng pagtatanong.
     "Paano nyo ho nalaman ang pa..." naudlot na pagtatanong opisyal dahil sa pananabik ng matanda. Alam n'ya kasing malaking palitan 'to. Parang piso at dolyar.
     "Tama! senador ka! Di lang halata sa kilos at pananalita" At sinundan ng tawa. 
     BInigyan ng matanda ng upuan ang senador (daw), pinapasok ang mga kasama ng senador daw na mga naka-shades at kanina pa sa labas. 'Yong iba naiwan lamang sa labas.
     Tinanong muli ng mangkukulam ang salamin. Pabulong. Sinabi na malaking kita 'yon. Buweno, meron ang mangkukulam ng hinahanap ng opisyal. Agad n'ya iyong ipinakita sa kalbo. Marahan ang lakad dahil maselan ang bagay na iyon. Malagkit at sabik ang tingin ng opisyal sa isang medalyon. Agimat daw ito na kokontra sa bala ng panloloko. Tila isang putahe na ihahain sa gutom na sikmura ang turing ng kalbo. Nais sunggabin ngunit nag-aalangan dahil binalaan s'ya ng mangkukulam.
     "Ano ang pinaka nais mo rito?" Tanong ng matanda.
     "Nais ko ho na mahuli at malaman kung sinu-sino ang mga kurakot na pulitiko" sagot ng opisyal.
     "Sa tingin mo ba 'yon ang pangunahing problema ng lipunan?" Dagdag ng matanda.
     Pag tango ang naging sagot ng opisyal
     "Kung tiyak na ang buhay ay isang mahabang karera ng pagtakbo, marahil 'yon din ang dahilan kung bakit may mga tumatakbo upang magpapawis, gumanda ang hubog ng katawan at pagkatao, magkaroon ng pamatay oras, may mapatunayan, at siguro, makalikom ng malaking pera" paglalahad ng matanda.
     "Kung ganon, Tumakbo ho ako para may maitulong sa pag resolba sa problema ng lipunan at maisaayos ito sa paraan na kaya ko" ani ng opisyal.
     Tumawa lamang ang matanda. Matapos noon, nagbigay ito ng mga tagubilin sa paggamit ng nasabing kuwintas. Sinabi n'ya na isuot lamang ito at mag-isip ng suliraning panlipunan. Iilaw ang palawit nito kapag mayroong nasagap na kapareho ng iniisip. Ikaw na ang bahalang umintindi kung ano iyon, basta lalakas at hihina ang ilaw nito depende sa pinaroroonan ng suliranin. Maging ito man ay krimen, pagnanakaw o kahit ano sa napakaraming suliranin ng lipunan. Marahan na sinuot ng matanda ang agimat sa opisyal at hiningi na ang bayad. Pera na nakasilid sa malaking lagayan na tila bagahe. Pintado sa mukha ng matanda ang saya.
     "Politiko kaya ang bumubuo sa politika? O politika ang bumubuo ng politiko?" Iniwan na tanong ng matanda at hinatid sa labas ng bahay ang opisyal at mga kasama nito. Pinaghalong mapait at matamis na ngiti ang pasasalamat ng matanda. Ganon din ang kalbong senador (daw).
     "Subukan mo na 'yan!" tuluyang isinara ng matanda ang pinto.
     Habang naglalakad ay nais na subukan ng senador ang agimat. Pinauna nya ang mga kasama nya. S'ya na lamang ang tao. Nag-isip s'ya ng isang problema ng lipunan. Hindi nagtagal, umilaw ang palawit ng medalyon nang sobrang lakas
–Huseng Araw
0 notes
sihusengaraw · 4 years
Text
Dapit-hapon
     Nalulunod na ako sa paglingap mo. Natutulog sa kama ng hikbi. Gigising na pinipiga ang mga basang kumot at unan. Kung ang panaginip nga ba ang takas sa katotohanan, bakit pinapatay ako nito sa kasinungalingan? Sasalubungin ko ang bukang liwayway habang nag aalmusal ng lumbay. Magkasing kahulugan na rin ang nais ipabatid ng mga halakhak at lungkot. Pilit akong inaalila ng alaala mo kahit hindi ko gusto, anong kailangan kong gawin? 
Bihag ako ng mga kurba sa iyong labi. At kahit na maingay ang mundo, bakit tinig mo pa rin ang ninanais? Nauubos na ang mitsa ng aking kandila. Tatakas na mula sa pagkabilanggo sa iyong hiraya. Mula sa iyong mga ngiti, sa hugis ng mata mo kapag ika'y masaya, sa lalim ng iyong balintataw kapag ika'y malungkot. Lilisanin ko na ang ating dulo, hindi ko na aabangan ang muling paglingon mo. Iiwasang basahin ang mga sulat, titigilang sulyapan ang masasayang larawan ng nakaraan. Papatigilin ang pagtugtog ng musikang minsang pinagsamahan. Ibubulong na lamang sa hangin lahat ng panaghoy. Ipapaanod sa alon ang nararamdaman. Gagawing susi ang pagtanggap. Masasanay din akong panoorin ang dapit-hapon nang di ka sumasagi sa isipan.
–Huseng Araw
0 notes
sihusengaraw · 4 years
Text
Anino
     Sa lahat ng biro na napakinggan at natunghayan ko, biro ng kapalaran ang pinaka nakakapikon. Siguro'y sa kadahilanang masyado itong namemersonal. Ito rin kaya ang may pakana ng baradong inidoro sa palikuran? ng masikip na daloy ng trapiko kapag huli ka na sa klase o trabaho? Malokong kapalaran din kaya ang dahilan kung bakit marami tayong naihalal na hindi tayo sigurado kung naglilingkod ba sa bayan o pinaglilingkuran ng bayan?
     Madaling araw. Hindi ako makatulog dahil masyadong maingay ang mundo at hindi natatahimik ang laman sa likod ng aking sintido. Tulog na ang mga kasama ko sa bahay, kaya't kakarampot na ilaw lang mula sa lamparang pinapagana ng kuryente ang puwedeng maging daan upang makakita ako. Pinagmamasdan ko ang aninong nabubuo ng pisikal na pagkatao ko. Nakamamanghang isipin na may naaabot na espasyo maging ang aking anino.
     Bukod sa kausapin ang sarili, dinaraan ko sa pagsusulat ang hinanaing ko sa mga makamundong bagay, gaya ng tamang pag gamit ng kudlit kapag binabanggit o tinatanong ang pangalan ng isang senador. Ilang taon ko na itong ginagawa, nasa dalawa o tatlo na. Nag-umpisa ako sa tula. Gaya ng isang tipikal na kabataan, gumagawa ng paraan para magpapansin sa natitipuhan. Hanggang sa pinaglinang ko ang panulat ko. Naglakbay ako na parang layag ko ang mga parirala, salita ang aking sagwan, barko ko ang akda, at ako ang kapitan. Pagsusulat din ang naging panangga ko kontra sa pambubulag ng katotohan, pambibingi ng katahimikan, mga piping dila ng kaisipan, at lumpong paa ng kapalaran.
     Tulad ng ibang sumusulat, dumaranas din ako ng tagtuyot ng mga salita. Hindi ganoon kadali na magtagpi-tagpi ng ideya na bubuo ng isang akda. Kailangan ay maingat mong tatahiin ang bawat salitang gagamitin mo hanggang sa makagawa ka ng kubrekama na maaaring gamitin upang makatulog nang mahimbing. May pagkakataon na matutusok ka ng sarili mong karayom. Masyadong malalim para maintindihan at masyadong mababaw para intindihin. Sa mga ganoong oras, hindi ko pinipilit na may maisulat. Batid ko na ang tagtuyot ay napapanahon, darating din ang pagkakataon na uulanin ng tinta ang aking isipan.
     Sa lahat ng biro na napakinggan at natunghayan ko, biro ng kapalaran ang 'di ko gusto. Kahit magsuot pa ng salamin sa mata, kung ang mundo talaga ang malabo, walang magagawa. Sari-sariling paraan. Baguhin ang tilapon sa'yo ng kamalasan. Kung sa tingin mo na mahirap ang hindi makatulog, mas mahirap kapag hindi ka na nagising.
     Sa kwadradong silid na kakarampot na ilaw lamang ang nagsisilbing tanglaw ng paligid, ito ako, nagsusulat. Hinihiling na mas malayo pa ang kayang maabot ng aking anino.
–Huseng Araw
0 notes
sihusengaraw · 4 years
Text
Gayuma
     Bukang liwayway. Nagdesisyon ang isang dalaga na nagngangalang Emelda na pamunta sa gubat kung saan nakatira raw ang mangkukulam na may kakayahang gumawa ng gayuma. Nalaman n'ya ang impormasyong ito sa kanyang dating kamag-aral na nakapangasawa ng guwapo at mayaman kahit hindi ito kagandahan. Tanging bitbit lamang ni Emelda ay ang maaaring kapalit ng hinihinging gayuma at ang pagkadespirado.
     Papalubog na ang araw nang matagpuan ng dalaga ang lugar ng mangkukulam. Kumatok sya sa nakapinid na pinto ng bahay na gawa lamang sa kahoy. Walang kumikibo. Kaya't binuksan n'ya nang marahan ang pinto at saka pumasok.
     Bumungad sa kanya ang iba't ibang botelya sa istante na wari'y naglalaman ng iba't ibang uri ng pabango, Iba-iba ang laki at kulay.
     "Sino ka?"
     Nagulat ang dalaga nang makarinig ng wari'y basag na boses ng isang matandang babae. Nilingon n'ya ito sa gawing likuran n'ya at nakita n'ya ang mangkukulam. Nasa animnapung taong gulang ang mangkukulam kung pagbabasehan ang itsura n'ya. Ngunit sabi sa kuwento sa kanilang lugar, ang mangkukulam daw na ito'y nasa dalawang daang taong gulang na.
      "Anong sadya mo rito, ineng?" tanong ng mangkukulam.
      "N-nais k-kopo sanang magtanong kung meron po kayong g-gayuma para sa pag-ibig" Sagot ng dalaga na may halong takot at kaba.
     Tumawa nang may pang-aasar ang matanda at inabot ang kamay sa dalaga na waring may hinihingi.
      "Isang dosenang manok"
      "M-manang, wala ho akong isang dosenang manok na dala" Ani ng dalaga.
      "Edi walang gayuma" sagot ng matanda at waring aalis na upang gawin muli ang pinagkakaabalahan.
     "Pero meron po ako nito" Pagpigil ng dalaga, at saka ipinakita ang mga halahas na nakasilid sa isang kahon. Galing ito sa kanyang lola, pinamana sa kanya bilang alaala ng pagkamatay.
      Agad na naging interesante ang matanda matapos kunin ang mga halahas. Sinuklian ng matanda ang dalaga ng malaking ngiti. Kinuha ng matanda ang botelya na naglalaman ng pulang likido. Sinabi n'ya ang mga detalye kung paano gamitin. Ilagay lamang daw ito sa inumin ng taong paggagamitan. Kailangan ay kakulay ng inumin and gayuma.
      "Maraming salamat po!" Pagkatuwa ni Emelda
      Ngunit bago sabik na lumabas ang dalaga sa pinto, pinigilan s'ya ng mangkukulam.
     "Sandali ineng, Kanino mo pala gagamitin 'yan?" Tanong ng matanda.
      Hindi agad nakasagot si Emelda at naging malungkot ang tema ng kanyang mukhang kanina’y sabik.
      "Maganda ka naman, ganon din ang hubog ng iyong katawan. Kanino mo ba 'yan gagamitin? Sino ang nais mong pa-ibigin?" Dagdag na tanong pa nito.
      "Sa akin po, sarili ko po" sagot ng dalaga.
 –Huseng Araw
1 note · View note
sihusengaraw · 4 years
Text
Darna
     Maalinsangang tanghali. Pauwi galing sa paaralan ang bida sa kwento na si Ding, ang panganay at ang natatanging nag aaral sa limang anak ni aling Narda. Sandaling nagpahinga ang musmos na bida sa silong ng tindahan malapit sa kanilang lugar. Sino ba namang hindi mapapagod sa paglalakad nang dalawang kilometro sa ilalim ng nakadadarang na araw? Lalo na't hindi akma ang timbang at tangkad ni Ding para sa Kan'yang edad na labin-dalawang taong gulang. Malapit na ang kanyang pag tatapos sa elementarya, onting tiis na lamang at lilipat na s'ya ng paaralan na mas malapit kumpara sa pinapasukan n'ya ngayon. 
     Kakaiba ang sipag ng bata kahit na sila'y may kakulangang pinansyal, determinadong abutin ang pangarap na mag pulis. Sabi n'ya, nais n'yang manghuli ng mga kriminal gaya ng mga bida na napapanood nya sa telebisyon. Mag isa lamang si aling Narda na nagtatrabaho para sa kanilang magkakapatid. Kaya kahit ano, handang pasukin ng ina para lamang may panlaman-tiyan. Kung minsan, hindi pa sapat para makaraos sa gutom, ito rin ang dahilan kaya si Ding lamang ang kayang pag aralin ni aling Narda. Ang ama ni Ding? 'yon, may iba ng kinakasama.
     Pinagpatuloy na ng bida ang paglalakad sa ilalim ng araw. Malapit na s'ya sa kanilang tahanan, kita n'ya na ang pader ng basketbolan sa kanilang lugar na puno ng mukha ng natalong kandidato. Bumilis nang kaunti ang lakad ni Ding nang malaman nyang malapit na s'ya sa kanilang tahanan.
      Sabik na binuksan ng bida ang pinto, agad s'yang nag tungo sa kusina para uminom ng tubig. Gaya ng inaasahan, wala nanamang ulam at tanging palara lamang ang naiwan sa lamesa. Wala rin ang kanyang ina, gayon din and dalawang sanggol na kapatid, iniwan nanaman siguro sa kapit bahay. Si Nena na pangatlo sa magkakapatid, nasalampak sa sahig habang naglalaro ng manika na iisa lang ang kamay; at si Buboy na sumunod sa kanya ay tulog, may sakit. Tanging awa at lungkot lamang ang naramdaman ng panganay at mas nagkaroon ng pangarap na balang araw, papakainin n'ya ng masarap na pagkain ang mga kapatid.
     Alas-Syete na ng gabi at tuluyan ng lumubog ang nakadadarang na araw ngunit wala pa ang kanilang ina. Maswerte dahil may kapitbahay silang may mabuting puso na nag abot ng pagkain sa mga bata. Tuwa ang naipinta sa mukha ng magkakapatid, may pantawid gutom sila sa gabing ito.
      Sa pag tulog ay bitbit ni Ding ang pag-asa na dala ng bukang liwayway sa pag silip n'ya sa bukas. Determinado pa rin s'yang tuparin ang pangarap. Para sa kanya, sa mga kapatid nya at kanilang ina.
     Alas-kwatro pa lamang ng madaling araw nang magising si Ding sa pagka-iritable ng kanyang ina. Sinisisi si Buboy kung bakit ito nag kasakit. Si Nena nama'y umiiyak, natatakot. Maya maya'y pinalitan ang tensyon ng mga katok sa kanilang pintuan at sirena ng sasakyan ng pulis sa di kalayuan. Sinenyasan ng ina ang mga anak na tumahimik. Sa oras na 'yon ay bakas sa mukha ng ina ang pagkataranta.
      Tumatagaktak ang pawis at ang natatanging saksi lamang ay alta-presyon, pagiging iritable at papalubog na buwan.
     "Ding, ang bato"
     Utos ng ina. At agarang inabot ng musmos na Bida ang mga pakete ng ipinagbabawal na gamot sa ina, agaran itong nilunok ni aling Narda.
     Isang putok ang tumapos sa buhay ng ilaw ng tahanan, pati na rin sa mga pangarap ni Ding. Sa oras na iyon, siya'y litong lito at tulala, nag iisip kung ano ang susunod n'yang papangarapin.
–Huseng Araw
0 notes
sihusengaraw · 4 years
Text
Patay na si Jun
     Ang gulo ng bungad ng umaga. Ayon sa mga tsimosa, may pinatay daw kaninang alas sais y trenta sa isang kanto sa kahabaan ng Commonwealth Avenue na hindi gaanong kalayuan sa lugar namin. Kapangalan ko pa! Pambihira talaga. Bagama’t pandemya, buhay na buhay ang balita sa bibig ng mga kapitbahay.
    Hindi ko na nagawang makinig sa usapin nila. Alas syete na, alas syete rin ang umpisa ng trabaho ko pero mag uumpisa pa lamang akong sumibat, buti sana kung may masasakyan, e, ang kaso, bumalik nanaman ang buong Metro Manila sa MECQ. Wala rin akong bisikleta. Hindi kasama sa pagpipilian ang lumiban dahil wala kaming kakainin. Hindi ko na magawang mag almusal, wala rin akong nararamdamang gutom.
    Diretso ang lakad ko, hindi alintana ang init ng bagong bangon na araw. Sa 'di kalayuan, tanaw ang kumpol ng mga pulis at sasakyan ng ilang media. Iyon na nga siguro ang pinag-uusapan ng mga tsismosa. Bukod sa mga opisyal, may mga ilang huminto rin upang maki-ososyo muna bago pumasok. Social distancing pa lang, We Win As One na. Hanep talaga ang umaga!
    Nang makalapit sa kinaroroonan ng insidente, sinubukan kong sipatin ang bangkay. Hindi ko matanaw, masyadong mahigpit ang pagkontra ng mga pulis. Napansin ko lang ay ang nagkalat na pandesal sa kalsada, sayang, paborito ko pa naman na panlaman tiyan iyon bago ako pumasok.
    Nagpupumilit akong masaksihan ang nangyayari, sinubukan kong humanap ng ibang pwesto. Nagwagi naman ako kahit papaano. Tanaw ko na ang bangkay.
    Nang makita ko ang bulagtang katawan sa sahig, hindi ako nakagalaw. Karumaldumal. Tatlong bala ang humalik sa dibdib ng biktima, dalawa sa hita. Nasa kanang kamay nito ang face mask at sa kaliwang kamay naman ay tinapay na may kagat. Nanginginig ang tuhod ko na tila gustong lumuhod. Kumakalat ang lamig sa aking buong katawan. Namamanhid at hindi ako makaramdam ng kahit anong pagtibok sa likod ng aking mga balat. Nalilito. Gusto kong mataranta
    "Bat mo binaril?"
    "Shoot to kill daw, sir, e"
    "Putanginamo, Dela Cruz!"
     Pagtatalo ng dalawang pulis ang naririnig ko habang minamasdan ang sariling bangkay.
–Huseng Araw
0 notes
sihusengaraw · 4 years
Text
Ploutocentric
    Maulap ngunit mainit na hapon. Nakakabagot. Nilayasan nanaman siguro ako ng sipag ko kaya't kahit anong pilit ko, 'di ko magawa ang mga kailangan at nais kong gawin. Ayokong maging abala sa pag gawa ng wala, kaya't dinala ako ng mga paa ko sa lumang parke ng aming barangay.
     Napaglipasan na ng panahon ang lumang parke. Ilang administrasyon na rin ang umupo sa trono ng kurapsyon; na nangakong pagagandahin at gagawing mas maayos ang pook, sinabing hindi masasayang ang pondo ng barangay. Nakakadulot sila ng matinding pagkamot sa ulo.
     Bagaman luma na, ito pa rin ang pinaka paboritong tambayan ng mga kabarangay. Suki nito ang mga magkakaeskwela, magkakakabarkada, magkasintahan at maging mga batang sinusulit ang nalalabing oras ng kabataan nila.
     Buhay pa rin pala ang mga larong nakalakihan ko. Akala ko'y sentro na ng atensyon ang mga laro sa kompyuter at selpon. Sinong makakapagsabi na limot na ang langit at lupa? Siguro nga'y maging mga kabataang nagsitandaan na't nausbungan na rin ng buhok sa ilang parte ng katawan, pati na rin siguro iyong mga tinubuan ng iba't ibang pananaw na nagsasabing walang diyos, totoo ang Agartha, patag ang mundo, e, gugustuhing balikan ang mga larong gaya nito.
     Sa hindi kalayuan mula sa inuupuan ko, naririnig ko ang usapan ng isang grupo ng kabataan. Katatapos lamang ng klase nila at nagdesisyon na sa parkeng 'to magpatay ng oras bago umuwi sa mga bahay nila.
     Gawain ko rin iyon noon. Matapos ang pagpapasaway sa loob ng silid-aralan, maglalaro naman kami ng sipa, habulan, at taguan dito rin sa parkeng ito. May pagkakataon na burot ako, may pagkakataon na ako naman ang nambuburot—depende sa kalaro.
     "Tangeks, earth nga yung center ng solar system" Ani ng isa.
     "Bugoks, kaya nga solar system kasi araw yung gitna, e" Tugon naman ng isa pa.
     Hanggang sa nagkaroon ng pagtatalo
     Nakatutuwang panoorin ang mga batang 'to habang bumubuo ng mga sariling pananaw. Ano pa kayang matutuklasan ng mga 'to matapos ang ilang taon? Sana pagbalik ko rito, sila ulit ang madatnan ko't ibang usapan naman ang pinagtatalunan.
     Dalawang dipa lamang ako mula sa kanila. Apat na dipa mula sa bilihan ng pagkain. Nagugutom ako.
    Pagdaan ko sa kanila'y 'di ko napigilan na magtanong.
    "Sa tingin n'yo saan talaga umiikot ang mundo?"
     Sabay-sabay silang tumingin sa akin. Bakas sa mga mukha nila ang tanong kung sino ako. May mga ilang sumagot ng sa araw daw, may mga hindi nagsalita.
     "Mali" ani ko.
     Mas lalong nagtaka ang mga mukha.
     "E, saan po umiikot ang mundo?" Tanong ng isa.
     "Sa pera" sagot ko.
–Huseng Araw
0 notes
sihusengaraw · 4 years
Text
Init ng pagmamahal
     Isinulat ko ang pangalan mo sa huling piraso ng sigarilyong kanina pa nakasukbit sa itaas ng aking tenga. Sinindihan. Sumabay sa liyab ng baga ang pagningas ng nararamdaman. Hithit, buga. Iginuhit ng usok ang sakit. Inukit sa lalamunan ang hapdi na iyong bitbit. Pilit na tinutukoy ng dila kung ano ang pait na galing sa tabako at alin ang galing sa iyo. 
     Kalahati na ang naging abo. Apelyido mo na lamang ang natitira. At nang maubos ang huling takas papunta sa kalma, saka ko lang napagtanto na hindi sa pagsunog sa ngalan mo ang s'yang susi para makawala. 
     Itinapon ang upos sa nakatumbang galon ng gasolina. Nasilaban ang likido. Dinilaan ng apoy ang mga katawan. Sa wakas, malilimutan na kita.
 —Huseng Araw
0 notes