#<div class=separator style=clear: both; text-align: center;> <a href=http://culturalcenter.gov.ph/ target=_blank><img border
Explore tagged Tumblr posts
kuwentongbangungot-blog · 6 years ago
Text
Takipsilim
         “Palubog na ang araw Melvar. Nagliliparan na ang mga tiktik. Maya-maya lang didilim na ang bayan at wala na ni aninong makikita si Isagani. Asan na ang anak mo?” 
        “Huminahon ka Hasmin. Wala tayong magagawa kundi ang maghintay. Belina, anak, kumusta ka?”
        Walang salitang lumabas sa nanunuyong bibig ni Belina. Bitak-bitak ang kaniyang mga labi. Tanging kurap lamang ang naisagot niya sa matandang tikbalang.
        Tatlong kabilugan nang buwan na ang nakalipas nang simulang maratay si Belina. Dito sa kalinga ni Engkantong Taning, sa likod ng rumaragasang tubig ng talon siya dinala ng pamilya ni Isagani matapos malaman ang kalagayan niya.
        Si Belina, isang musmos pang manananggal sa mata ng kaniyang mga magulang, ay naratay sa sumpang nakuha niya kay Jacobo.
        Walang kaalam-alam ang buong kagubatan na may namamagitan sa dalawa. Imbis na kay Jacobo, mas mapilit pa ang mga magulang ni Belina noon na paalalahanan siyang magpakalayo-layo kay Isagani simula nang sila’y magdalaga’t binata. Bata pa lang sila ay malapit na sa isa’t-isa. Tuwing dumarating ang takipsilim, laging naririnig ang mga yabag ng binatang tikbalang. Humahagibis at nanagasa ng hangin. Yumuyuko ang mga puno upang magbigay daan sa isang batang pag-ibig. Dumadagundong ang lupa, maging ang puso ni Isagani. Tuwing siya’y tumitingila ay nakikita si Belina; ang mga pakpak nitong parang musika ang himig ng pagaspas, ang mga matang kumikislap sa liwanag ng buwan, ang mga buhok na sumasayaw sa daloy ng hangin. Wala nang iba pang hiniling si Isagani mula noon pa man kundi, sa kabila ng kanilang pagkakaiba nila ni Belina, sa tibok ng puso man lamang ay maging magkatulad sila.
        Ngunit ano ang aasahan sa mga nilalang na namumuhay sa kadiliman, kundi mga bigong pag-asa’t mga mapapait na ala-ala? Lingid sa kaalaman ng lahat, lalo na ni Isagani, iba ang tinatanaw ni Belina tuwing siya ay makalayang nakakalipad sa kalaliman ng gabi.
        Si Jacobo.
        Bukod sa mas nakatatanda kay Isagani, hilaga’t timog ang magkapatid. Tuwing sasapit ang gabi ay hindi ito nalalagi sa kagubatan. Buo ang loob nitong tumutungo sa kalapit bayan. Para kay Jacobo, ang kaganapan ng kaniyang pagiging anak ng dilim ay ang kakayahan niyang maghasik ng hinagpis at lagim. Bawat hiyaw ng mga dalagang kaniyang naangkin, bawat nakaw na puri, bawat mangangasong nawala sa ulirat at kaniyang inilagaw sa gubat; ay mga medalyang bumubuo sa kaniyang pagkatikbalang.
        Alam ni Belina, na walang magandang maidudulot ang umibig kay Jacobo. Malayo ang kanilang mga paniniwala. Siya’y kapit sa paniniwalang lahat ng kailanga’y nasa kagubatan na. Bakit kailangan pang lumabas at maghanap ng mga bagay na maaaring patibong lamang? Bakit kailangang isugal ang kinabukasan sa mga karanasang maaaring magdulot lamang ng pighati? Matatalino ang mga tao. Tulad ni Jacobo ay mapangahas din sila. Hindi rin sila natatahimik hanggat hindi natutuklasan kung ano ang nasa kalaliman ng kagubatan. Hindi rin sila nakukuntento sa anu man ang nakikita na.
        Ngunit si Jacobo, ang kaniyang Jacobo, simula’t sapul ay sadyang mapangahas. Marami itong gustong makita, maranasan. At hindi niya kailanman alintana ang mga panganib na maaaring maidulot ng kaniyang mga kapusukan, sa kaniya at sa mga nilalang na nagmamahal sa kaniya.
        Alam ni Jacobo, na bagamat sa angking lakas, bilis at mga taglay na kapangyarihan ay lamang ang mga tulad niya sa sangkatuhan; ang sumpang taglay ng mga tao ay maaaring magpabura sa mga angkan ng kadiliman.
        “Habulin mo ang mabibilis, hagipin ang mababagal; sungkitin mong mga nakatataas at dukutin ang mga nasa ibaba, hatiin mo man sa dalawa, tagain ang dibidib; hindi na bale ang kulay ng balat, pa’no mo man patayin, huwag lamang Jacobo, huwag lamang ang may sumpa.”,  ang palaging bilin noon ng matandang Melvar sa kaniyang anak.
        Nang makita ng isang diwata ang labi ni Jacobo isang gabi, tirik ang mata’t may dugo sa labi; huli na ang lahat. Natapos ang karera ng binata. Nagsimula naman ang pangamba ng lahat.
        Sumuway si Jacobo.
        Bukod sa pagkawala ng minamahal, may mas malaki pang dagok ang nakamit ni Belina.
        “Hindi ko alam Isagani. Nagkamali ako. Nabulag ako ng pagtingin ko sa kaniya. Akala ko ay tinalikuran na niya ang lahat.”, luha niya.
        Pakiramdam ni Isagani ay isang malaking puno ng balete ang tumurok sa kaniyang dibdib. Sa tuwing nakikitang umiiyak ang dalaga, ang nais lamang niya ay pawiin ang mga luha nito sa mata. Ngunit hindi ngayon. Hindi pa ba sapat na hindi nito makita man lamang na iniibig niya siya? Sa lahat ng tikbalang, o manananggal, duwende o engkanto, sa lahat ng maaaring magbigay sa kaniya ng pasakit, bakit si Jacobo pa? Bakit sa kaniyang kapatid pa?
        “Tapos na ang lahat Belina. Wala na si Jacobo. Iluha mo ang kalungkutan. Kapag handa ka na’y, subukan mo na siyang kalimutan.
        “Hindi mo naiintindihan Isagani! Hindi ko siya basta basta lamang maaaring kalimutan!”
        “Ano pa ang gusto mong mangyari? Belina patay na si Jacobo! Kung hindi ka niya minahal noon, mas lalo ngayong hindi na tumitibok ang puso niya!”
        Masakit na sampal ang katotohanan. Ngunit hindi lamang ang hindi nasukliang pag-ibig ang dinaramdam ng dalaga.
        “Ang sumpa Isagani. Ang sumpa.” Tuluyan nang humagulgol ang dalaga.
        “Anong ibig mong sabihin?”. Kumakabog ang puso ni Isagani. Ayaw niyang marinig ang nasa isipan niya.
        Tumalikod si Belina sa binata. Hinubad niya ang baro at hinawi ang hanggang sakong na buhok.
        Gumuho ang mundo ni Isagani. Mula sa batok ni Belina ay unti-unting dumaloy ang dugo; mula sa isang sugat na hugis laso.
        Hindi mawari ni Isagani kung ano ang mas masakit; ang naglalarong imahe sa isip niya, si Jacobo at Belina, napag-isa sa ilalim ng mga tala’t buwan; o ang ideyang hindi kalaunan, mawawala sa buhay ang babaeng iniibig niya.
        Sa loob ng mahabang panahon ay inilihim ng dalawa sa lahat ang kalagayan ni Belina. Natakot ang dalaga dahil naipasa sa kaniya ang sumpa, pero mas natakot siya sa sasabihin ng lahat lalung-lalo na ng pamilya niya. Sa ikatlong kabilugan nang buwan matapos niyang malaman ang pagkakahawa sa sumpa, nalugmok na lamang bigla ang pangangatawan ni Belina.
        Kaunting pagaspas lamang ng mga pakpak ay parang nauupos ang kaniyang katawan. Kahit mga munting kambing ay hindi niya magawang masindak dahil halos walang lumabas na boses sa kaniyang bibig. Tuwing sasapit ang dilim, kung kailan dapat pinakamalakas ang mga manananggal, lalo siyang nanghihina, Kaunting sipol ng hangin ay natatangay siya. Namumula at tila puputok ang kaniyang mga ugat. Ang mga labi niya’y namamantal at namumuti. Unti-unting nauubusan ng buhay si Belina.
        Sa kabila ng kaniyang kalagayan, itinakwil ng mga manananggal si Belina. Maging ang mga magulang niya ay ikinamuhi ang pagkakaroon niya ng sumpa. Walang nais lumapit kay Belina. Simula nang malaman sa buong kagubatan, kahit anong nilalang ay umiwas na sa kaniya.
        Itinakas ni Isagani ang dalaga at dinala kay Engkantong Taning. Wala itong sagot sa kalagayan ni Belina, ngunit ito lamang ang bukas pusong tatanggap sa dalaga. Sa lahat ng engkanto ay si Taning lamang ang walang kakayahang magbagong anyo. Buong buhay niya’y tampulan siya ng tukso at pangmamaliit. Alam niya ang pakiramdam na talikuran ng lahat.
        Maging ang mga tikbalang ay gustong mapalayo kay Belina. Ngunit nanindigan si Isagani sa kaniyang mga magulang.
        “Si Jacobo ang may kagagawan ng lahat! Si Jacobo ang sumuway sa batas. Si Jacobo ang nagdala ng sumpa! Kung naririto lamang siya ay siya dapat ang usigin ng lahat! Ngunit dahil wala na siya, responsibilidad natin ang saluhin si Belina.”
        “Isagani! Hindi mo alam ang ginagawa mo. Kung hindi ka lalayo sa manananggal na iyan, pati ikaw ay mahahawaan ng sumpa! Maaari mong mabura ang lahi natin. Nawalan na ako ng anak Isagani. Tama na ang isa. Hindi ko kayang mawala ka pa. Anak, makinig ka.” Panay ang luha at pagsamo ni Hasmin sa kaniyang anak. Ngunit ang kaniyang huling daing ay siya ring dahilan kung bakit pikit-matang sumunod na lamang sa anak. Sapat na ang isa. Hindi hahayaan ni Melvar at Hasmin na mawala pa sa kanila si Isagani.
        Sa unang pagsilip ng araw ilang oras na ang nakararaan, agad lumarga si Isagani upang tumungo sa tuktok ng ikapitong bundok mula sa kanilang kagubatan. Ang sabi ni Engkantong Taning, noon pa ma’y bulong-bulungan na na naroon  ang tanging makapagpapahinto sa sumpa. Walang may alam kung ano ito, kung sino ang tagabantay, o kung ano ang kapalit. Ang tanging alam lamang ng engkanto, ay hindi biro ang pag-akyat sa nasabing bundok. Sa tuwing may magtatangka ay bumababa ang mga ulap at itinatago ang langit. Ang mga puno ay nagsisipag-yuko at ang mga sanga ay waring nagkakaroon ng sariling buhay. Sa dagat ng kadiliman ay may libong pares ng mga matang nagmamatyag. Ang tarik ng bundok ay mas lalong mahirap sa sumasalubong na buhos ng ulan at ihip ng hangin, tila ba sinasadyang walang makatuklas sa inaasam na gamot sa sumpa.
        Higit sa lahat, anuman ang nasa itaas ng bundok na iyon, kailangan itong makuha at maiuwi bago ang takipsilim. Pagsapit ng takipsilim, magsisimula ang katapusan ni Belina.
        “Belina! Belina! Belina…”
        Isang malakas na hiyaw ni Hasmin ang narinig ng buong kagubatan. Pagkatapos ay nagkaroon ng nakabibinging katahimikan.
        Sa diwa ni Belina ay nakita niya si Isagani. Pilit na sinasagupa ang kasalubong na hangin. Halos liparin ang bawat yabag. Malapit na ang kaibigan sa tuktok ng bundok. Ngunit hindi na niya ito mahihintay.
        Sa tuktok ng bundok ay biglang tumigil ang ihip ng hangin. Tumindig ang mga puno’t huminto sa paggalaw. Bumuka ang mga itim na ulap, at ibinunyag ang buwan at mga munting bituin. Wala na ang araw.
        Huminto ang mundo para kay Isagani. Nakaramdam siya ng malamig na hanging tila yumakap sa kaniya. Saglit siyang nakaamoy ng lana, amoy ng buhok ni Belina. At sa isang iglap, nawala ang lahat.
          Sumapit na ang takipsilim.
 ***Ang maikling kuwenting ito na may temang “HIV”, ay opisyal na lahok  ngayong taon sa:
Saranggola Blog Awards 2018
Tumblr media
Salamat din sa mga sponsors:
Cultural Center of the Philippines
Tumblr media
Device Philippines
Tumblr media
0 notes