Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Sa Likod ng Luntiang Tanawin
Matatagpuan natin sa mga luntiang tanawin ng bundok, ang Sagada ay isang tahimik na bayan na umaakit sa mga katulad kong manlalakbay na pumupunta upang mag-hike, mag-spelunk, at magsiyasat. Madalas tuwing taglamig dumadayo ang mga tao rito dahil doble ang lamig ng klima roon. Kilala ang Sagada sa maganda nitong tanawin, mga matatayog nitong bulubundukin, malalalim na kuweba, matataas na talon, at mga bangin na may kasamang dagat ng mga ulap.
📍 Sagada, Philippines.
Isa sa mga popular na aktibidad sa Sagada ay ang pag-trek, pagdalaw sa mga yungib, at pagsali sa mga pagdiriwang pantribu. Gayunpaman, kailangan nating respetuhin ang kanilang kultura dahil ibang iba ito sa kultura natin. Isa sa mga aktibidad na nabanggit ay ang pagbibitin ng ataul o mas sikat sa pangalan na "Hanging Coffins."
📷 Hanging Coffins.
Matagal nang ginagawa ng mga miyembro ng tribong Igorot ng Mountain Province ang tradisyon ng paglilibing ng kanilang mga mahal sa buhay sa nakabitin na kabaong. Ito ay nakapako sa gilid ng mga bangin ng Echo Valley. Ayon sa kanilang paniniwala, ang pagbitin ng mga ataul ay naglalapit sa kanila sa kanilang mga yumaong ninuno. Sila rin ay naniniwala na kung paano tayo naisilang ay ganon din dapat tayo mamamatay.
📷 Sumaguing Cave
Sa katunayan, mayroong higit 60 na mga kuweba ang nadiskubre sa bayan ng Sagada, subalit ang Sumaguing Cave ay ang pinakamalaki sa mga ito kaya ito ay tinaguriang "The Big Cave". Sa loob ay matatagpuan ang pormasyon ng mga bato na unti-unti nang nahubog sa katagalan ng panahon. Ang mga pormasyon ng bato ay tila katulad ng mga pamilyar na hugis kaya labis na namamangha ang mga taong bumibisita rito.
📷 Blue Soil, Marlboro Hills.
Dito sa Marlboro Hills naman makakakita ng makapipigil-hiningang tanawin. Ang burol ay puno ng mga pine trees at sa tuktok nito ay makikita ang dagat ng mga ulap at ang kahel na kulay ng araw sa pagsikat nito. Pagkatapos ipagpatuloy ang paglalakad, madadaanan naman ang Blue Soil.
📷 Sagada Town Proper
Ang kagandahan ng Sagada ay talagang nakamamangha. Maganda itong bisitahin kung nais mong gumawa ng masasayang memorya kasama ang iyong mga mahal sa buhay. Marami ka ring matututunan tungkol sa kultura ng mga taong nakatira rito. Bilang pagtatapos, ang Sagada rin ay isa sa mga patunay ng mga kayamanang tinataglay ng ating bansa.
5 notes
·
View notes