Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Teknolohiya: Dahilan nga ba ng Pagbaba ng Moralidad ng Kasalukuyang Henerasyon?
Isinulat nina:
Cayongcat, S., Alonto, F., Etado, E., Mitmug, O.
Ang teknolohiya ay walang alinlangan na nagdulot ng malaking pakinabang sa sangkatauhan, mula sa pag-imbento ng telepono noong 1876 hanggang sa pag-imbento ng modernong smartphone noong 2007. Ngunit kasabay ng pag-usbong ng mga pag-unlad ng teknolohiya kasama ang pagtaas ng pag-asa ng mga lipunan sa teknolohiya, ay ang pagbaba ng moralidad. Sa patuloy na pag-unlad ng lipunan, ang moralidad ng isang tao ay patuloy na lumalala dahil ang iba't ibang salik na nakakaapekto sa mga paniniwala ng isang tao at nag reresulta sa imoralidad.
Ang isang salik na nakakaapekto sa patuloy na pagbaba ng moralidad ng sangkatauhan ay ang paggamit ng teknolohiya upang manloko. Habang patuloy na umuunlad ang teknolohiya at dumarami ang mga social media platforms na nakakatulong upang makonekta ang mga tao sa buong mundo, dumarami rin ang mga taong ginagamit ito upang manloko. Ang ilan ay ninanakaw ang pangalan at larawan ng ibang tao upang magpanggap na sila ito. Ginagamit nila ito upang manloko, magnakaw at manira ng ibang tao. Dahil rito, nasisira ang imahe ng ninakawan ng pangalan at larawan na mahirap ng linisin. Marami na rin ang na bikitma nito. Maari ring isa sa iyong mga kakilala ay biktima nito kaya dapat ay maging maingat sa pagbabahagi ng iyong impormasyon sa internet.
Pangalawa, ginagaya ang mga masasamang bagay para sa likes at views. Bilang tao, nararapat lang na alam natin kung ano ang tama at kung ano ang hindi. Ngunit, sa panahon ngayon na mayabong na ang teknolohiya, ginagawa parin ng ilan ang mali dahil lamang uso ito at para na rin sumikat. Inaanyayaan rin nila ang ibang tao na gawin ito dahil kung hindi ay di sila nakakasabay sa uso at ipaparamdam nilang di sila na angkop sa kanila. Nagiging normal na ang paggawa ng mali at pahiwatig lamang nito na bumababa ang moralidad ng mga tao kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya.
Pangatlo, nagkakaroon ng paghahati sa pagitan ng mayayaman at mahihirap. Dahil sa dumarami ang mga teknolohiyang nagpapadali ng ating buhay tulad ng mga apple watch, Amazon Alexa, at marami pang iba, marami ring nais magkaroon nito. Subalit may kamahalan man, marami pa rin ang bumibili nito para lang makonsidirang “mayaman”. Ang ilan ay nangungutang at nagnanakaw para lang makuha ang mga teknolohiyang ito na kung tutuusin ay hindi naman nila kailangan dahil kung wala ka nito ay mahirap ka. Mamaliitin ka ng ilan dahil wala ka ng kung anong meron sila tulad ng mga mamahaling telepono. Maraming mga nagkakandautang para lamang mabili ang pinakabagong Iphone dahil minamaliit ng ilan ang gumagamit lamang ng android dahil lang sa mas mura ito kumpara sa Iphone. Nagiging basehan na ng kalagayan sa buhay ang teknolohiyang mayroon ka at mamaliitin ka nila para lamang sa teknolohiyang madalas ay di naman gaano kahalaga.
Subalit, maaari pa nating maiwasan ang mga negatibong epekto ng teknolohiya sa ating moralidad sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya sa mabuting paraan. Dapat ay alam natin kung ang nais nating gawin, konektado man o hindi sa teknolohiya, ay nakakabuti o nakakasama sa atin o sa ibang tao. Tulad ng mga halimbawang mga salik na nakakaapekto sa pagbaba ng moralidad na isinaad. Hindi inisip ng mga gumagawa ng mga masasamang gawain na ito ang magiging bunga o epekto nito sa kanila at pati na rin sa ibang tao. Tulad ng pagnanakaw ng pangalan at litrato ng iba upang magpanggap na sila ito at manloko ng iba pang tao. Naging bulag sila sa mga inakala nilang mabuti sa ngunit ito pala ang nakakasira sa kanila at sa mga taong nasa paligid nila na siyang nagpapakita ng imoralidad. Dapat ay huwag tayong magpapabulag sa kasamaan at ang tignan lang natin ay ang kabutihan.
Ngunit, dahil alam natin kung ano ang tama at mali, dapat ay tugma rin ang ating mga moralidad sa ating mga gawain. Kung alam mong mali ay huwag mo nang gagawin tulad ng manakit ng tao para lang sa isang “prank video” upang sumikat. Imbis ay dapat gamitin mo ang teknolohiya tulad ng social media upang magbahagi ng kabutihan at importanteng impormasyon sa iba pang tao na maaaring makapaghubog ng kanilang moralidad. Huwag mo ring lalaitin ang kung sinoman dahil sa wala sila kung ano ang tekonolohiyang meron ka dahil hindi ito ang basehan ng halaga ng isang tao. Lahat tayo ay tao at dapat ay tao rin ang trato natin sa isa’t-isa. Sa panahon ng patuloy na pag-usbong ng teknolohiya ay dapat mas patatagin natin ang ating moralidad upang maiwasan natin maging immoral. Sa pangkalahatan, maiiwasan ang pagbaba ng moralidad ng tao kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya sa pamamagitan ng pagbibigay kaalaman sa mga tao patungkol sa tamang paggamit ng teknolohiya at alamin ang mga dapat tandaan upang maiwasan ang patuloy na pagbaba ng moralidad ng tao sa kadahilanan ng maling pag gamit ng teknolohiya.
Sa kabuuan, napapadali ng teknolohiya ang ating buhay ngunit bumababa lamang ang moralidad ng mga tao sa kasalukuyang henerasyon habang umuunlad ang teknolohiya dahil sa hindi nila ito ginagamit ng maayos. Ngunit, maiiwasan natin ito sa pamamagitan pag-alam ng mga dapat iwasang gawin na siyang makakasira hindi lamang iyong sarili , kundi pati na rin ang ibang tao. Upang mas maiwasan ang paglaganap ng imoralidad dulot ng teknolohiya, dapat ay ibahagi rin natin ang ating kaalaman patungkol sa tamang paggamit ng teknolohiya. Sa pamamagitan nito, mas mapapayabong pa ang moralidad hindi lamang ng ating sarili, ngunit pati ng buong sambayanan ng kasalukuyang henerasyon at ang mga susunod pa na maaring maging tulay upang makagawa ng mahahalagang teknolohiyang makikinibang ang lahat sa kasalukuyan at sa kinabukasan.
Isinulat nina:
-Cayongcat, S., Alonto, F., Etado, E., Mitmug, O.
STEM 11C
8 notes
·
View notes