Don't wanna be here? Send us removal request.
Photo
Don't tell me you're falling with your feet still on the ledge💥 https://www.instagram.com/p/B6xqQs7herT/?igshid=17pqc4hmhs4pm
0 notes
Text
BLOG ANG MUNDO: PAGSASALSAL AT PAKIKIBAKA SA INTERNET NI G. U.Z. ELISERIO
Bakit nga ba kami pinagagawa ni Ginoong Merdeka Morales ng blog? Nais niya kasing maibahagi naming ang aming mga nalalaman, natututunan, at kamulatan sa ibang tao. Ano lang ba ang dapat na matagpuan sa blog ng isang tao? Sa aking palagay, dapat ito’y makabuluhan. Pero malaya ang mga tao na magsulat ng kahit anong naisin nilang ihayag sa kanilang blog. Malawak ito. Lalo na ang internet. Tulad nga ng lagging sinasabi ni Ginoong Merdeka, nasa dulo lamang ng daliri naming ang mundo. Anong ibig niyang sabihin sa pahayag niyang iyon? Sa madaling salita, lahat ng gusto at dapat naming malaman ay abot-kamay na namin, kung gagamitin ito ng tama at hindi aabusuhin. Para sa mga mahilig gumamit ng mga social media, dapat ay tinutulungan sila nitong maging mulat sa mga isyu ng lipunan. Dapat tayong mag-ingat sa mga nababasa natin sa internet dahil hindi lahat ng ito ay totoo. Kailangan nating gawin ang ating tungkulin na ituwid ang mga lumalaganap na fake news o mga pekeng balita o sabi-sabi. At kailangan nating mamulat sa katotohanan na mas naglalaan tayo ng mahabang oras sa pagsasalsal sa internet kaysa sa paggawa ng mga gawaing bagay sa tunay na mundo. Mas naglalaan tayo ng oras sa pakikibaka sa internet kaysa sa pakikibaka sa reyalidad ng buhay. Lahat na ng paraan upang takasan ang kasakiman ng mundo ay ginagawa na natin. Hindi natin napapansin na naisasakripisyo na pala natin ang mga relasyon natin sa mga totoong tao. Hindi na natin sila nakakausap ng maayos at ng personal. Sabay-sabay nga ang pagkain ngunit lahat naman ay nakababad na sa kanya-kanyang gadgets o smartphones. Maraming tao ngayon ang “adik” na sa paggamit ng internet at social media. Ngunit ang iba sa kanila’y walang katuturan ang pinagkakaabalahan sa internet. Ang iba nama’y abala sa pagpapalaganap ng mga maling balita na hindi man lang mag-abala na tignan kung tama ba ito o mali. Lahat tayo ay may kalayaan at may karapatan na ihayag ang mga nais nating sabihin sa ating mga sariling blog, pero lagi nating tatandaan na ang bawat kalayaan at karapatan ay may kaakibat na tungkulin at responsibilidad. Lahat ng bagay ay may limitasyon. Hindi ako naniniwala sa salitang “unlimited” dahil ang mga ito’y may “expiration” o may hangganan. Walang nagtatagal sa mundong ito. Huwag nating abusuhin ang mga biyaya.
1 note
·
View note
Text
“AKTIBISTA”
Bakit ba nagkakaroon ng isang Kilusang Panlipunan? Dahil tutol ang mga tao sa mga ginagawa ng gobyerno. May gusto silang ipaglaban na hindi makatarungan at naapakan ang kanilang pagkatao. Tulad ng feminismo, ito’y isang kilusang panlipunan kung saan nais nitong makamit ang kalayaan ng mga kababaihan at pagkakaroon ng karapatan. Ang mga kilusang panlipunan a social movements ay produkto ng kondisyon ng lipunan at ang solusyon dito ay ang pagkakabuklod-buklod ng mga tao upang ipaglaban ang kanilang opinyon na ayaw pakinggan ng gobyerno. Ang mahabang pamumuno ni Ferdinand Marcos ay nawakasan din sa tulong ng pagkakabuklod-buklod ng mga mamamayan. Gayon din ang administrasyon ni Joseph “Erap” Ejercito Estrada. Ang mga kilusang panlipunang ito ay isa ring anyo ng aktibismo na binigyan ng negatibong kahulugan. Negatibo dahil kapag sinabi mong “aktibismo” ibig sabihin agad nito ay mga kaaway ng gobyerno, mga taong puro reklamo, mga taong lagging may ipinaglalaban, magulo, at marami pang ibang negatibong salita na maaari mong maikabit sa aktibismo. Malamang may ipinaglalaban sila dahil may mali na nais nilang itama, nais nilang ituwid, at nais nilang buwagin itong maling gawain o baluktot na pamamalakad ng gobyerno. Nakakatawa pang isipin o tignan na yung mga taong pumupuna sa aktibismo ay yung mismong mga taong walang pakialam sa kanilang ginagalawang lipunan ngunit labis na ninanamnam ang tinatamasang karapatan na produkto mismo ng “pakikipaglaban” ng mga aktibista. Kung tutuusin, hindi nila kailngang makipaglaban sa gobyerno, kung kaya lang talagang pakinggan ng gobyerno ang mga hinaing ng mga mamamayang Pilipino na kanyang pinagsisilbihan, hindi na kailangan pang dumanak ang dugo at may mamatay pa para lang sa karapatang dapat talagang ibigay sa atin. Dagdag pa dito, itong mga abusadong pulitikong ito ay hindi dapat nasa gobyerno at inaangkin ang mga bagay na dapat ay sa mga mamamayang kanyang pinaglilingkuran. Tayong mga Pilipino ang dapat nilang pinaglilingkuran at pinupunan ang pangangailangan, hindi ang kanilang mga bulsang punong-puno na nga, pilit pa ring nilalagyan ng laman. Sabagay, kanino nga bang kasalanan ito? Bakit nga ba sila prenteng-prenteng nakaupo sa kanilang puwesto? Hindi ba’t tayo rin naman ang bumoto sa kanila? Ang mahirap din kasi sa atin ay hindi natin kayang pakinggan ang mga kabataan, dahil “bata” lamang daw. Pero kawawa naman ho kami dahil kami ang maiiwan at maaapi ng sakim na gobyerno. Sabi nga ni Dr. Jose Rizal, “ang kabataan ang pag-asa ng bayan”, pero bakit ayaw po ninyo kaming makialam sa mga isyu ng lipunan? Dahil ba masyado pa kaming bata? Pero bakit tila yata mas mulat kami kaysa sa inyong kaytagal nang nabubuhay sa mundo? Hindi ako aktibista ngunit hindi ako galit sa kanila, bagkus ay hinahangaan ko ang tapang nilang kayang ipaglaban ang mga karapatan ng mga mamamayan, lalo na ang mga kabataan. Nakikita ko na may pag-asa pa ang Pilipinas. Sana nga.
1 note
·
View note
Text
REPLEKSIYON TUNGKOL SA TRANSFORMATIVE EDUCATION NI G. ANTONIO TUJAN
Transformative Education. Talakayin natin kung ano nga ba itong Transformative Education. Kapag sinabing transformative, dapat tayo ay hindi lang basta dapat umuunlad, dapat tayo ay umuunlad ng pasulong. Ngunit possible nga ba ito sa edukasyon? Lalo na sa sistemang mayroon tayo sa Pilipinas. Kung saan mababa ang sweldo ng mga guro na may kakayahang baguhin ang sistema ng ating edukasyon. Paano nila maituturo ng maayos ang kanilang leksyon kung mga sikmura nila’y kumakalam din? Sino kaya ang gaganahang magturo sa mga batang iilan lang naman ang interesadong makinig sa kaniya kapalit ng mababang sweldo? Dahil na rin siguro hindi na rin naman talaga alam ng mga bata kung bakit sila nag-aaral. Panigurado mas gusto na lang nilang tumambay at manood ng telebisyon sa kanilang mga tahanan. Bakit nga ba hindi na interesado na mag-aral ang mga bata? Dahil hindi naman talaga sila natututo. Puro pagkakabisado ang ginagawa nila sa mga lektyur. Kinakabisado hanggang sumapit ang mga pagsusulit. Pagkatapos ay wala na, hindi na nila alam. Bukod pa dito, mas pinaiigting pa ng ilang sistema ng edukasyon dito ang kolonisasyon. Magaling ka sa eskwela kapag marunong ka mag-Ingles. Iyon lang. Iyan ang laman ng Philippines 2000 kung saan pinasisigasig ang pag-aaral ng Ingles ng mga Pilipino upang makapagtrabaho sa ibang bansa. Masyadong pinaiigting ang kanilang kakayahan na magsalita ng Ingles na umabot na sa puntong nakalilimutan na nila ang kanilang sariling wika. Kung sabagay, may mga balita din naman noon na sinasala ang mga tinuturo sa mga estudyante kung saan ang mga katanggap-tanggap lamang na pahayag sa gobyerno ang maari mong sabihin at ituro sa mga bata, hindi ang hubad na katotohanan. Kung mapapansin niyo, ibang-ibang ang pagkakaturo ng Kasaysayan mula elementarya hanggang kolehiyo. Katulad nang pagtuturo sa amin ng buhay ni Dr. Jose Rizal noong elemntarya na pahpyaw na nga, may mali-mali pa. Dahil kung mapapansin din natin, hindi naman tayo nag-aaral para maresolba ang kahirapan at pagkagutom ng mga mamayan sa Pilipinas. Kung tutuusin, makasarili iting sistemang ito. Gusto nating mag-aral para magkaroon ng magandang trabaho, para kumita ng malaki, para may maipakain sa pamilya. Hanggang doon lang. ngunit paano naman an gating mga kababayan na naghihikahos? Lahat naman tayo ay nagtitiis sa gibyerno natin, ngunit hanggang kailan? Gamitin natin ang edukasyon upang wakasan ang korapsyon at makamit natin ang ating hinahangad na pagkakapantay-pantay sa lipunan.
1 note
·
View note
Text
SINO ANG TUNAY NA IDOLO? (G. NICANOR G. TIONGSON)
Kolonyal. Kolonyalismo. Mga Kolonyalista. Sa mga nagdaang daan-taon, puro pananakop mula sa mga dayuhan ang natamasa nating mga Pilipino. Sa artikulong ito, paulit-ulit na mababanggit ang salitang kolonyal. Dahil hindi pa ganap na sibilisado ang Pilipinas noon, naging malaking impluwensiya sa atin ang mga dayuhang mananakop. Tinuruan nila tayo ng kanilang relihiyon, wika, kultura, at paniniwala. Kasama na ditto ang pagkakaroon ng pamantayan sa kung ano nga ba talaga ang maganda at kung sino ba talaga ang dapat na tanggapin sa lipunan. Kung ating mapapansin sa mga pelikula at mga teleserye natin ngayon, lagging katulong at inaapi ang mga artistang maliit at kayumanggi ang kulay, habang ang kanyang amo naman ay siyang maputi at matangkad. Dahil siya ay maputi at matangkad, awtimatiko na na siya ay maganda. Mukhang pamilyar ang eksena, hindi ba? Para bang ang amo niya ay sumisimbolo sa mga Espanyol at mga Amerikano na magpahanggang ngayon ay nakakulong pa rin tayo sa kanilang mga paniniwala na mas maganda ang maputi kaysa kayumanggi, at mas kaaya-aya ang matangkad kaysa sa maliit. Paano ko nasasai ito? Simple. Dahil hanggang ngayon ay mabenta ang mga glutathione at mga sabong pampaputi, pati na rin ang mga gamot na pampatangkad. Dahil sa “pamantayan ng kagandahan” na iniwan sa atin ng mga kolonyalista ay pilit na binabago ng ating mga kababayang Pilipino ang kanilang hitsura. May nakaaalala pa ban g kung anong tunay na hitsura ng isang Pilipino? Hindi ba’t tayo’y talagang maliit, kayumanggi ang balat, sarat ang ilong, at makakapal ang mga labi? Ang mga ito ang tunay na hitsura ng Pilipino. Pero dahil sa paglaganap ng kolonyalismo, at patuloy na pananakop ng mga kolonyalista ay labis nang naapektuhan ang buhay ng mga Pilipino, pati na rin ang kanilang mga paniniwala. Sino nga ba ang nagtakda ng mukha ng mga santo, ng mukha ni Birheng Maria, ng mukha ni Hesus? Hindi ba’t ang mga Europeo? Dahil sa kanila ito nagmula. Sila ang nagpalaganap ng Kristiyanismo. Nakababastos nga naman kung papalitan natin ang imahe nila diba? Ngunit dahil dito, inaakala na din natin na Diyos ang mga dayuhang mananakop na ito, hanggang sa puntong sinasamba na din natin sila. Dahil pati ang mga kapariang nagmimisa sa lokal na simbahan ay dayuhan din, inaakala nating malapit sila sa hitsura ng Diyos. Relihiyon at Diyos ang dapat na sinasamba natin, hindi ang hitsura ng mga nagpalaganp nito. Walang mukha ang Diyos, wala kang dapat paghambingan sa Kaniya. Kaya hanggang ngayon ay mga mukhang dayuhan ang naghahari sa mga palabas sa telebisyon ay dahil sa mga rasong ito. Ito din ang mali ng mga teleserye. Nabalot na sila ng kolonyalismo kaya hindi nila magawang ipaalam sa kanilang mga manonood na mali ito, mali ang ganitong paniniwala, na walang among nahuhulog ang loob sa katulong. Dahil ang totoo ay inaapi lamang ng mga naghaharing uri ang mga nasa mababang uri, dahil pakiramdam nila ay sila ang mas malakas, pero ang totoo ay kaya nating labanan itong kolonyalismo, itong mga kamngmangang ito. Nakatutuwa lamang na mas marami na ngayon ang tanggap ang kanilang sarili at hindi na pinipilit pang baguhin ito. Tanggapin natin ang ating pagkatao, ang ating pagka-Pilipino, dahil ito ang tunay na tayo. Wakasan na natin ang mahabang pang-aalipin sa atin ng mga dayuhan, ang kanilang malawakang kolonyalismo. Kailngan na nating lumaya.
1 note
·
View note
Text
LITERATURA NG URING ANAKPAWIS ni G. Rogelio L. Ordonez
Ayon kay Ginoong Jomar Gonzalez Adaya sa kanyang akdang “Ang Politika ng Pagsulat sa Panahon ng Modernidad”, sinabi nya na ang pilosopiya ng mga aktibista ay “mula sa masa para sa masa” na naglalayong ilaan ang sarili sa pinaglilingkurang lipunan lalo na sa masang binubusabos ng estado, na ang manunulat ay aktibista rin sapagkat ang espasyo niya’y lipunan na pinagkukunan ng malikhaing materyal at pinaglalaanan ng salita upang makadiyalogo ang mambabasang dumadanas ng panlipunang tunggalian. Katulad na lamang ng ibinunsod ni Itzok Isaac Granich o ni Mike Gold na nakaranas ng pambubusabos sa New York na inilathala niya sa kanyang sanaysay na Towards Proletarian Art kung saan unang narinig ang makabuluhang sigaw tungo sa paglikha ng isang malinaw at militanteng kulturang proletaryo sa isang bansang kinikilalang kuta ng mapambusabos na sistemang kapitalista. Ayon naman kay Ginoong Rolando Tolentino sa kanyang akdang “Pag-aklas, Pagbaklas, Pagbagtas: Politikal na Panunuring Pampanitikan” noong 2009, “Nagsususlat tayo dahil may political tayong layunin; lampas ito sa sarili. Nagsusulat tayo dahil may nais tayong baguhin. Mayroon tayong sarili at kolektibong bersyon ng isang mas matiwasay na lipunan sa hinaharap. Nagsusulat tayo dahil kailangan natin at ng lipunan.” Sa pananaw naman ni Fanny Garcia, 2012, na ayon sa kanya’y romantisado ang pananaw ng lipunang Pilipino sa mga manunulat at may pagdistansya pagdating sa larangan ng malikhaing pagsulat. Dahil nga naman namamayani pa rin sa ating bansa ang literatura ng mga bagay na patuloy na inaaliw ang mga kababayan natin at tuluyan nilang makalimutan ang mga nangyayari sa bansa, tuluyan nilang hindi mapansin ang pambubusabos sa atin ng isang sistemang mapang-alipin at mapanikil, upang tuluyan iwasiwas ang kanilang isipan sa katotohanan at nang hindi sila mamulat at tuluyang maghimagsik. Hinalukay naman ni Amado V. Hernandez sa kanyang mga akda ang katotohanang naghahantad sa piyudal at neokolonyal na kalagayan ng bansa sa ilalim ng mapanikil na estado, mga lokal na kapitalista, pagmamaniobra ng mga Amerikano, at opresyon ng naghaharing-uri laban sa uring anakpawis. Noong Dekada ’60, itinuring na aktibistang manunulat ang grupo ng Agos sa Disyerto sapagkat tinutuligsa nila ang mga dakilang pamantayan noon sa pagsulat, dinalirot ang mga sanhi ng patuloy na pagdaralita ng sambayanan. Dahil doon, itinuring silang haligi sa pag-unlad ng kasaysayang panitikan. Ayon din kay Olivia Cervantes, “Dapat pa tayong magpalakas. ‘Pag malakas na tayo, pag mulat na ang karamihan sa atin at ‘di na kayang takutin, bilhin o bolahin, tayo na ang mananaig sa pulitika…” sa madaling sabi, kailangan nating maging matalino, maalam, at mulat nang sa gayon ay hindi na tayo magpapanikil pa sa mga mapang-abusong kapitalista at estado at kaya na nating magdesisyon at manguwestiyon sa mga naghaharing-uri. Ayon pa kay Ginoong Rolando Tolentino, “lahat ng bagay ay politikal” kumbaga, walang takas. Bagaman hindi kakayanin ng biglaan ang transpormasyon, ito ay gradwal na proseso, kailangang ito’y kolektibo kasana ang iba pang alagad ng sining tungo sa unti-unti at tuloy-tuloy na pagbabagong pangkultura, pangkasaysayan at pang-ekonomiya. (Andaya, Jomar). Isa si Ginoong Jomar Adaya sa iilang mga propesor sa ating sintang paaralan, PUP, na nakikibaka bilang mga progresibong manunulat-propesor. Kasama niya sina Bayani Abadilla, Ave Perez Jacob, Dominador Mirasol, Cesario Torres, Ghandi Cardenas, Pia Montalban, MJ Rafal, Arlan Camba, Dekki Morales, Nante Ciar, Eman Nolasco, Edrick Carrasco, Aga Khan Lavares (Ang mga Supot sa Panahon ng Kalibugan). Lalong yumabong ang ani ng panitikang PUP nang magkaroon ng Center for Creative Writing noong 2012.
“Sa kasalukuyang panahon na nakababad ang tao sa anyaya ng modernindad, higit na kailangan ang mga manunulat na kayang sumalungat sa namamayaning kaayusan at kapangyarihan. Sa kabila nito, sa kasalukuyang kalagayan ng ating bayan, tunay na kailangan ang mga manunulat na may paninidigang bumangon para sa lahat tungo sa pagharap sa hamon ng modernindad.”
2 notes
·
View notes
Text
REPLEKSIYON TUNGKOL SA KABASTUSAN NG MGA FILIPINO NI G. ISAGANI R. CRUZ
“Magaling ka na magluto, pwede ka na mag-asawa”, “Aba! Ang linis ng bahay, ah. Mag-asawa ka na!”, ”Dapar marunong kang mag-laba para kapag nag-asawa ka na…” Iyan ang mga kadalasan kong marinig ditto sa aming tahanan. Naisip ko, kaming mga babae ba hanggang ngayon ay dapat nasa bahay lamang at gumagawa ng mga gawaing-bahay? May napanood nga akong isang palabas kung saan may mayamang mag-asawa at ayaw nang pagtrabahuhin ng asawang lalaki ang kanyang asawang babae. ‘Ika niya na ang mga babae ay dapat sa bahay lamang at nag-aalaga ng mga bata o ng mga anak nila. Ngunit dinahilan ng babae na gusto niyang magtrabaho at mahal niya ang kanyang trabaho. Hiniwalayan siya ng kanyang asawang lalaki dahil doon. Bakit? Kami bang mga babae ay wala pa ring karapatang magtrabaho? Kami bang mga babae ay dapat lamang na sumunod sa utos ng mga kalalakihan? Bakit, sino ba sila? Bakit hanggang ngayon ay mababa ang tingin sa aming mga babae? “Kababae mong tao ang kalat-kalat mo!”, “Kababae mong tao napakaharot mo!”, Lalaki lang ho ba ang maaari at may karapatang gumawa ng mga ganoong bagay? Tulad na lang sa isa sa mga kuwento ni Ginoong Isagani Cruz sa kanyang akdang “Ang Kabastusan ng mga Filipino”, kung saan ang isang karakter doon na si Babes ay papalit-palit lamang ng kasiping, na para bang napakadumi niyang tao kung ituring. Samantalang kapag ang mga lalaki ang gumagawa ng mga ganong bagay ay ayos lang, tila ba normal. Lalo na ang mga katagang/kasabihang “pataasan ng ihi”, sino lamang ba ang mga maaring gumawa ng ganito? Sino lang ang tinutukoy dito? Malamang ang mga kalalakihan dahil sila lang naman ang may kakayahang magpataasan ng ihi. Isipin na lang natin, paano kaya kung hindi ipinaglaban ang mga karapatan ng mga kababaihan noon hindi ba? Marahil ay hindi tayo nakakapag-aral, nakakulong lamang sa ating tahanan, naglilinis, naglalaba, at nangangasiwa na lamang ng ating tahanan. Siguro kaya mala-Diyos ang turing sa mga kalalakihan ay dahil naniniwala tayong lalaki ang Diyos. Bakit nga ba natin iisiping babae ang Diyos eh lalaki lang naman ang sa tingin nila’y karapat-dapat. Sabi ng sa isang kanta ni Taylor Swift, “I’m so sick of running as fast as I can. Wondering if I’d get there quicker if I was a man.” May punto siya. Dahil kung tutuusin nga naman, kapag lalaki ka, parang hindi mahirap para sayo na makamit ang mga bagay na gusto mo. Pero sa palagay ko, ang mismong problema ditto ay ang mga pag-iisip natin. Kung gaano ito kakitid at kalawak sa pag-unawa ng mga bagay sa paligid natin. Kung paano ito umiiral at umaaksyon batay sa kung anong hinihingi sa kaniya ng sitwasyon. Sa madaling salita, nasa atin ang problema. Ibig sabihin, kahit pa malaya na tayong mga kababaihan, hindi pa rin maiiwasan ng iba na maisip na tayo’y pawang mga “babae lamang” lalo na ang mga tradisyunal at konserbatibong kababaihan. Masyadong pinupuna ang ating mga kilos pati na ang pananamit. Kesyo malaswa daw kaya nagagahasa. Nais ko lang linawin na hindi kasalanan ng mga babae kung nagagahasa sila. Dahil walang rape kung walang mga rapist, walang mananakaw kung walang magnanakaw, hindi ba. Wala sa ating kasuotan at pagkilos ang mali kundi nasa mga taong mayroong masamang intensiyon. Kaya naman itigil na natin ang paninisi sa mga tunay na biktima. Kaakibat nito, matuto na tayong tanggapin at masanay na malaya na kaming mga kababaihan. Dahil tao lang din kami, may boses na dapat pakinggan, tungkulin na dapat tuparin, at karapatang dapat matamasa.
2 notes
·
View notes
Text
REPLEKSIYON TUNGKOL SA KAPANGYARIHAN NG WIKA, WIKA NG KAPANGYARIHAN ni G. CONRADO DE QUINTOS
Siguro kaya hindi umuunlad an gating bansa ay dahil mas sinusukat ng mga mamamayan ang intelektwal na kapasidad ng isang tao sa kakayahan niyang magsalita ng Ingles, hindi sa kung anong kaya niyang gawin para makamit ang kasarinlan na matagal nang hinahangad ng Pilipinas, at hindi sa pagiging makabayan niya. Dito sa Pilipinas, kapag nakapagsasalita ng Ingles ang isang tao, sasambahin na siya na tila ba hari, kahit pa walang laman o kontent ang kaniyang sinabi basta inihayag sa salitang Ingles, tila ba napakatalino na niya. Bakit nga ba Ingles at hindi Espanyol ang pangalawa nating lengguwahe kahit pa mas matagal tayong nasakop ng mga ito? Ayon sa akdang ito ni Ginoong Conrado de Quintos, ipinagkait sa atin ng mga Espanyol ang kanilang lengguwahe dahil ayaw nilang maintindihan natin sila na siyang nagbunga ng rebelyon. Habang kabaligtaran naman ang ginawa ng mga Amerikano. Kanilang ibinahagi sa atin ang kanilang wika, kultura at paniniwala, at ipinaramdam nila sa atin na kabilang tayo sa kanila. Kaya naman sa tingin ko ay hindi pa tayo tunay na malaya at hanggang ngayon ay hawak pa rin nila tayo sa kanilang mga kamay dahil nga pakiramdam natin ay kaisa tayo sa kanila kahit pa isa lamang ito sa mga paraan ng kanilang pannakop at pagpapasunod sa atin. Nabanggit din ito sa “Edukasyong Kolonyal: Sanhi at Bunga ng Mahabang Pagkaalipin” ni G. Bienvenido Lumbera. Dahil sa kagustuhang masakop tayo, siniguro nilang sila ang bida at sila ang mananalo. At nanalo nga sila. Kapag nanonood ako ng mga Asian Dramas,napapansin kong bihira lamang sa kanila ang magsalita ng isang buong linyang Ingles, hindi kagaya ng mga teleserye ditto sa Pilipinas na ingles nang ingles ang mga karakter na kulang na lang ay huwag na silang mag-Filipino. Dahil ako, hangga’t maaari at hanggang makakaya ay salitang Filipino ang aking ginagamit. Nagsusulat at nagsasalita ako sa aking sariling wikang Filipino at Baybayin. Nais kong palaganapin ang paggamit ng Baybayin dahil atin ito at naniniwala ako na dapat gamitin natin ito bilang midyum ng pagsulat. Isa rin siguro sa mga problema kaya hindi gaanong laganap ang Baybayin ay dahil hindi rin ito lubos na naituro at pahapyaw lamang. Hindi naman sa hinuhusgahan ko ang mga guro dahil tiyak ko namang may dahilan sila kung bakit. Pero base sa aking karanasan ay ganoon nga ang nangyari. Pero ngayon ay masaya ako at nakatataba ng puso na mas maraming tao, partikular na ang mga kabataan ngayon ang mas interesado katulad ko sa paggamit ng Baybayin at patuloy itong pinapalaganap kasama ng pagpapaunlad ng ating wikang Filipino. Dahil kung tutuusin, tama si Ginoong Conrado de Quintos, dapat nating palakasin ang ating sariling wika bilang pambansa at nangungunang wika ditto sa Pilipinas, ngunit hindi ibig sabihin noon ay pahihinain ang salitang Ingles. Pananatilihin lamang natin ito bilang pangalawang wika. Gamitin natin nang tama ang mga wika, gamitin natin ang mga ito sa ating kapakinabangan, gamitin kung kinakailangan. Gawin nating pangunahing wika an gang ating wikang Filipino, ito’y makapangyarihan at mas malakas kung lahat tayo’y magkakaisa para gamitin, palaganapin at paunlarin pa ito.
1 note
·
View note
Text
REPLEKSIYON TUNGKOL SA EDUKASYONG KOLONYAL NI G. BIENVENIDO LUMBERA
”Sa mahabang panahon ng kolonyalismo, tayo ay nagpapalakas pa bilang isang lahi. Tayo ay nagsisikap pa upang maging Pilipino.” –Ferdinand Marcos, 1981
Ayon kay Bienvenido Lumbera, ang sanhi ng mahabang pagkaalipin nating mga Pilipino ay ang “pagpapauto” o pagpapagamit ng mga lider ng ating bansa sa mga dayuhan. Nagbunga ito ng pagkakaroon nating mga Pilipino ng kolonyal na pagiisip o “colonial mentality”. ”Sa gayon, napatunayan natin na ang ating lipunan ay pinamunuan ng mga native colonizers. Nagawa nila ito dahil sa kanilang pagsasamantala sa kanilang sariling kababayan—sa ngalan ng mga simulain na dinadakila sa bansa nguni’t niwawalang-halaga sa ibang bansa ng kanilang mga dating colonial masters” ang sabi rin ng dating pangulong Ferdinand Marcos”. Kung kaya naman imbes na tangkilikin natin ang ating mga sariling produkto, mas pinipili ng karamihan sa atin ang mga produktong dayuhan o mga “imported goods” sa pag-aakala na mas matibay ito kumpara sa ating produkto. Ngunut bakit ang mga bansang tulad ng Japan, China, Korea, atbp ay nagagawang tangkilin ang kanilang sariling produkto? Ayon nga sa 1987 constitution artikulo 12 seksyon 12, dapat magtaguyod ang Estado ng makiling na paggamit ng paggawang Pilipino, domestikong materyales at mga kalakal na yaring lokal at dapat magpatibay ng mga hakbangin upang makalaban sa kumpetensya ng mga ito. Talaga nga namang matibay at may masasabi ang mga produktong gawa ng Pinoy. Sabi nga ng isang Propesor namin noon sa kursong ‘Entrepreneurship’, ang mga hilaw na materyales na ginagamit ng mga dayuhan para sa kanilang produkto ay nagmula dito sa Pilipinas. Kung tutuusin kahit ang mga branded bags na tulad ng Anello ay gawa dito sa Pilipinas. Ngayon, bakit mas tinatangkilik pa rin ng mga Pilipino ang mga 'imported goods"? Simple. Colonial mentality. Ang kolonyalismo ay hindi mahihinto kung nagmumula ito mismo sa ating mga pinuno. Tulad ng nangyayari ngayon sa ating lipunan kung saan mas tinatangkilik pa ang mga produktong dayuhan kaysa sa ating sariling produkto na mas matibay pa kumpara sa produktong dayuhan. May sarili tayong bigas ngunit mas pinili pa ng gobyernong ito na umangkat na lamang mula sa mga kalapit nating bansa. Kawawa ang ating mga magsasaka. Mas maraming dayuhan ang may mas trabaho pa kaysa sa mga Pilipino, hindi lang basta trabaho, kung hindi magandang trabaho na may magandang kita. Kawawa ang mga manggagawang Pilipino. Dahil sa malawak na kolonyalismo at patuloy na pakikipag-ututang dila ng mga lider ng ating bansa sa mga dayuhan at ang pagkakaroon nila ng utak kolonyal kaya mas naging madali para sa mga kolonyalistang gawin ang kanilang nais. Ano nga ba ang kapalit nito? Sa tingin ko ay pera, posisyon, impluwensiya, kapangyarihan, at iba pang mga bagay na nakabebenepisyo sa kanila kahit pa nakapagpapalubog ito sa mga normal na Pilipino at sa mismong Pilipinas.
2 notes
·
View notes
Text
REPLEKSIYON TUNGKOL SA EDUKASYON PARA SA IILAN NI G. BIENVENIDO LUMBERA
Nais ko lamang sagutin ang isang katanungan ni Ginoong Merdeka noong nakaraan, ang tanong na, “Bakit laging sumasang-ayon ang bansa natin sa dikta ng mga dayuhan?” Isa siguro sa mga dahilan kung bakit ay dahil karamihan ng mga mayayaman at mga nasa pwesto ay nakikipag-ugnayan at nakikipag-“bolahan” sa mga dayuhan para mapanatili ang kanilang puwesto at matugunan ang kanilang pangangailangan. Karamihan din naman kasi ng mga sumasang-ayon sa mga dayuhan ay ang mga mayayamang masarap ang buhay at walang pakialam sa mga taong naghihikahos sa buhay. Sino nga bang pakikinggan ng mga tao? Edi yung mga mayayamang edukado. Marahil na rin siguro na iniisip ng mga tao na ang mga mayayamang ito ay edukado ‘pagkat nakapag-aral sila sa mga prestihiyosong mga eskwelahan. Para sa mga katulad nating normal na tao na hindi kayang mag-aral sa mga eskwelahang ito ay kailangan natin ng talino at utak upang makapag-aral sa mga pampublikong paaralan o sa mga pamantasan dahil wala tayong pera at impluwensiya na makapag-aral sa mga pribadong eskuwelahan. Ngunit kung tutuusin, sa aking palagay ay mas maayos ang edukasyong ibinibigay ng mga pamantasan dahil tinuturuan tayong maging mulat at totoong edukado. Maging mulat sa lahat ng mga nangyayari at sa mga isyu sa lipunan. Totoong edukado dahil itinatak sa mga isipan natin na kaya natinng aksyunan ang mga isyung ito, basta’t pag-aaralan lamang. Samantalang iilan lamang ang mga ganitong estudyante sa mga pribadong paaralan. Hindi naman sa panghuhusga pero ito ang napapansin ko. Bakit? Dahil karamihan nga naman sa mga estudyante ng mga prestihyosong paaralan kung hindi anak ng mga kapitalista ay anak mismo ng mga politiko na parang walang pakialam sa mga nangyayari sa lipunan nila dahil marangya pa rin ang kanilang buhay. Dahil isa akong estudyante mula sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, alam ko ang mga nangyayari sa loob ng pamantasan na pilit hinuhusgahan ng mga tao sa labas. Hinuhusgahan din ang mga estudyanteng ipinaglalaban hindi lang ang kanilang karapatan kundi pati na ng mga mamamayan. Hinihingi ng mga estudyanteng ito ang pagkakapantay-pantay ng mga tao sa lipunan. Pero ang masaklap ditto, karamihan ng mga tumututol at nakikialam sa mga estduyanteng ito ay mga taong kapwa nila maralita na mas pinipiling kampihan ang mga naghaharing-uri kaysa sa kanilang uri. Pero bakit nga ba karamihan naman ng mga maralita ay nais na pumasok hindi lamang sa mga prestihyosong eskwelahan na ito kundi pati na rin sa buhay ng mga mayayaman at kapitalista? Ano nga ba ang problema? Simple. Nais nilang takasan ang hirap at reyalidad ng buhay kaya pilit nilang ipinagsisiksikan ang kanilang sarili sa mga nasa tuktok ng tatsulok. Marami na tayong napanood at nabasang ganito. Ngunit alam pa nga ba nila na nabibilang sila sa mababang-uri? Sa ganitong kilos nila ay tinutulungan lamang nila ang mga naghaharing-uri na mas lalong yumaman at mas lalo silang maghirap nang walang kamalay-malay. Bumalik tayo sa isyu ng edukasyon. Bakit nga ba tayo nag-aaral ng mabuti at bakit nga ba kailangan natin ng edukasyon? marahil ang isasagot natin ay “para gumanda ang buhay”, “para may magandang trabaho”, “para may magandang trabaho”, “para kumita nang malaki”, pero ang totoo ay kailangan natin ito upang maging mulat at maipaglaban an gating mga karapatan sa ating bayan, na dapat ay hindi puro pera at kapangyarihan ang umiiral, ang nananalo. Hindi totoo na kasalanan ng mga mahihirap na mahirap sila kahit pa ginagawa nila ang lahat at magkandamatay-matay na sila kumita lamang at mapakain ang kanilang mga pamilya. Hindi nila kasalanan na kumikita sila na mababa pa sa minimum wage at mataas ang buwis na ninanakaw lamang. Hindi nila kasalanan na nag-aasal mayaman sila dahil gusto nilang maranasan ang ginhawa ng buhay. Pero sana dumating ang araw ipaglaban at makamit natin ang pagkakapantay-pantay ng mga tao sa lipunan, na maaari at kaya tayong pakinggan ng gobyerno nang walang nasasaktan, nakukulong, at higit sa lahat, namamatay.
2 notes
·
View notes
Text
REPLEKSIYON TUNGKOL SA MISEDUKASYON NG IBON FOUNDATION
“Quality Education is expensive. If you want it, you must be ready to pay.” -CHED. Hindi ba’t nakauuyam pakinggan o makita ang mga katagang iyan na binitawan pa ng mismong CHED? Kung ating iisipin, napakalaki ng badyet na itinalaga ng gobyerno para sa edukasyon, pangalawa ito sa sektor ng kalusugan. Nang ipatupad ang Education Act noong 1982, pinayagan nito na magtaas ng matrikula o tuition fee ang mga unibersidad. Para sa akin, ayos lamang iyon kung natatamasa naman nating mga mag-aaral ang karampatang katumbas ng ating binabayaran lalo na ng mga estudyanteng kagaya ko na nag-aaral sa isang state university. Dahil bukod sa pagbabayad ng natrikula ng mga estudyante, ito ay pag-aari rin ng gobyerno. Ngunit hindi. Hindi nila maramdaman ang mga pasilidad na nararapat at dapat nilang tinatamasa. Ngunit bago pa itatag ang Education Act noong 1982, sinasabi rin na marami nang pagtatangkang itaas ang bayad sa matrikula. Bagaman nang itatag ang High Education Modernization Act noong 1997, kung saan pinapayagan ang mga mag-aaral na magbenta ng kanilang nga ari-arian. Nang mga panahong ding ito ay nagkaroon ng masamang epekto ang komersiyalisasyon sa edukasyon. Ito ay ang pagkakaroon ng magagaling na mga manggagawa ngunit mababa ang kita. Bakit nga ba nangyayari ang ganito? Dahil ba sa korapsyon? Mas pinipili ng gobyernong pondohan ang ibang bagay kaysa sa edukasyon. Sabagay, sabi nga ni Senador Miriam Defensor-Santiago noon, natatakot ang mga pulitiko na maging edukado at tumalino ang mga tao dahil sa oras na mangyari iyon, ay wala nang tatangkilik sa kanilang mga ginagawang panloloko sa mga Pilipino. Kahit anong galling mo bilang estudyante, kung papasok ka sa isang paaralang palpak sa pagpapaunlad ng kaalaman ng kanilang mga estudyante, mananatili kang magaling lang. Hindi ka uunlad, hindi ka mapipiga. Pakiramdam mo ayos na yung galing mo kahit mayroon ka pang maibubuga. Kailangan mo lang ng kaunting tulak na hindi maibibigay sayo kung hindi maayos ang iyong paaralan. Ngayong libre na ang mga tuition fees, sana ay lumaganap pa ang edukasyon kung saan ituturo sa atin ang tama at dapat. Ang dapat palaganapin ay ang pagiging makabayan at dapat nating matutunan na ipagtanggol ang ating bayan. Hindi na dapat pa palawigin ang kolonisasyon. Tama na ang ilang daang taong pang-aalipin sa atin ng mga dayuhan. Gamitin natin ang edukasyon upang wakasan na ito nang tuluyan. Wakasan na din natin nang tuluyan ang misedukasyon. Tigilan na ang korapsyon. Magkaisa at magtulungan tayong mga Pilipino upang makamtaman na natin ang kasarinlan.
2 notes
·
View notes