Text
Babalik Muli
Ika-15 ng Marso ng isinailalim sa lockdown and Metro Manila at ibang probinsya sa bansa sa patuloy na pagdami ng kaso ng Covid-19 dito sa Pilipinas. Ito’y hindi agad naagapan sa kadahilanang ito ay bago sa lahat. Nagmula ang virus na ito sa China at taong 2019 ng Disyembre ang unang pagkakaroon ng kaso nito na naitala sa probinsya ng Wuhan, hanggang sa lumaganap at kumalat sa mga karatig bansa nito kabilang ang Pilipinas.
Biglang pumalo ang mga kaso ng mga pasyenteng nagkakaroon ng Covid at naitala sa magkasunod na araw ang 1, 418 na kaso pagkatapos isailalim sa lockdown ang Metro Manila. Ang mabilis na paglaganap ng naturang virus ay naging sanhi ng pagkawala ng trabaho ng ating mga kapwa Pilipinong naghahanapbuhay. Nagsiuwian din ang mga estudyante sa kani-kanilang probinsya, nagsara ang mga establisyimento at bumagsak ang ekonomiya ng bansa.
Maraming nagsiuwian sa kanilang probinsya dahil ang akala ng lahat ay isang linggong lockdown lang ang mangyayari. Hindi lubos maisip ng lahat na ang lockdown palang ito ay aabot ng isang taon at higit pa. Lahat tayo ay naapektuhan sa biglaang pangyayaring ito; ang mga nag tatrabaho sa opisina ay sinabihan na sa bahay mag trabaho, maging ang pagkaklase ay sa bahay ginaganap.
Aking nakapanayam ang aking tatay, na noo’y nakasampa sa barko dahil siya’y isang seaman. Bagamat nasa gitna ng laot, hindi maiiwasan ang mangamba sabi niya dahil ang ruta ng kanilang barko ay patungong China galing South Korea. Ang kanyang kontrata lamang sana ay siyam na buwan ngunit dahil sa pandemya, nawalay siya sa amin ng mahigit isang taon. Sinasabi niya sa nanay ko na pagod na siya sa barko at gusto na niyang umuwi, ngunit dahil nga sa mga nangyayari sa mundo, naurong nang naurong ang kanyang pagbaba.
Naging iba ang mundo simula ng nagkaroon ang Covid, sa gabi, ang maiingay na kalsada ay nag mistulang ghost town dahil sa pagpapatupad ng curfew. Ang mga nanggagaling sa ibang bansa ay sumasailalim sa swab test upang malaman kung ikaw ba’y mayroong Covid o wala na noon ay hindi ito ginagawa ngunit ngayon ito ay kailangan talaga. Kapag ka dumarating ang aking tatay galing sa barko, may mga dala dala siyang pasalubong, ngunit nitong baba niya’y gamit niya lang at konting mga souvenir galing sa bansang kanyang napuntahan noong wala pang pandemya. Ang sabi niya’y ang hirap umuwi ngayon dahil ang daming kinakailangang gawin. Siya at ang kanyang mga kasamahan daw ay nakasuot ng PPE o Personal Protective Equipment na katulong sa sa pangharang upang hindi mahawaan ng virus mula airport hanggang sa makarating sila sa hotel na pamamalagian niya hanggang sa mailabas ang resulta ng kanyang laboratory test. Reklamo din niya ang hindi maayos na pinaglagyan sa kanila na hotel dahil ito daw ay mabaho, mainit, at marumi. Nang lumabas ang resulta ng kanyang test ay agad din naman silang umuwi at sinundo siya ng mga LGU workers ng aming munisipalidad sa border ng Ilocos Norte dahil iyon ang ipanatupad na dapat gawin ng aming probinsya sa mga taong darating. Kinailangan niyang sumailalim sa isolation ng 14 na araw at magpalaboratory test ulit pagkatapos ng kanyang ika-7 araw na pag isolate. Pagkatapos ng kanyang quarantine period ay nakasama na ulit namin siya sa bahay namin.
Sa sandaling panahon ay nakasama namin siya, halos ilang linggo lang siyang nanatili sa amin dahil kinailangan niyang lumuwas ulit papuntang Maynila upang gawin ang mga kinakailangan niyang tapusin para sa kanyang trabaho dahil siya’y sasampa na naman ulit. Pati sa kanyang pagbalik sa barko ay kinailangan niyang sumailalim sa 14 na araw na naman na pag isolate bago lumipad papuntang Amerika at ganun din na buong naka PPE silang dumating doon.
Ngunit sa sandaling panahon na iyon, hindi nasayang ang bawat oras na nandito siya. Nakapagsaya parin kasama ang pamilya at kamag-anak, at napawi rin ang pagod sa bawat ngiting hatid nang pag-uwi sa probinsya.
Kung sana’y mas umaskyon ang ating gobyerno laban sa Covid at maayos itong nabigyan kaagad ng solusyon ngayon sana’y nakabalik na tayo sa normal na estado. Hindi na kinakailangan ng mask at tests upang makapunta sa ibang lugar, mas makakasama pa natin ng matagal ang mga mahal natin sa buhay dahil wala na ang quarantine period na 14 na araw, mas mapapabilis at maayos ang migrasyon. Kung sana’y ang puso ng gobyerno ay nasa mga Pilipino, nakabalik na sana tayo sa panahon na maayos pa ang lahat.
0 notes