princesssyyyy-blog
Munting Blog ni Cess
7 posts
Don't wanna be here? Send us removal request.
princesssyyyy-blog · 5 years ago
Text
Gumising ka Bayan ko!
Lintek na buhay ito. Kabi-kabilang traffic, polusyon, away, corruption, patayan, pagsinghot ng droga. Kailangan nga ba matatapos ang lahat ng ito? Kapag patay na lahat ng tao? Noong ako’y nasa elementary hanggang high school ay wala akong pakialam sa nangyayari sa paligid ko. Para akong isang batang nag-aaral para sa pansariling tagumpay lamang ngunit noong ako’y nagkolehiyo sa isang State U sa Maynila ay namulat ako sa reyalidad. Kung gaano nakakasulasok ang mundo. Kung gaano katoxic mamuhay sa mundong hindi na binibigyang importansya. Ako namulat na at handa ng magtagumpay hindi lang para sa aking sarili ngunit para sa aking inang bayan, ikaw kailan ka magpapakasarap at magsasawalang bahala sa problema na dinadanas ng mundo? Kapag ika’y tatakbo na para sa posisyon sa gobyerno para maipakita na may malasakit ka? Kapag ang mga kamera ng media ay nakatutok na sayo at tila kailangan mong magpasikat upang ika’y mapuri? Tanga ka kung ganon. Isa kang napakawalanghiya sa mundong ito. “Hoy! Gumising ka na dyan 10:30 na!” sigaw ng tatay ko malapit sa aking tenga. Napabalikwas ako ng bangon at napatingin sa kanya at napasabing, “Weh?” hindi ako makapaniwala na 10:30 na dahil ang karaniwang gising ko ay alas otso ng umaga ngunit dahil sa kapanunuod ng mga bidyo sa Youtube ay napuyat ako. Tinamaan ka nga naman ng lintek 10:30 na ako nagising. Alas dose ang klase ko at ako’y maiiwan na ng PNR. Para akong binuhusan ng malamig ng tubig pagkatingin ko sa aking cellphone upang makumpirma ang oras. Dali dali na akong naligo at nag-ayos. “Kailangan niyong mawala sa mundong ito dahil kayo mismo ang pumapatay dito.” sabi ng isang karakter sa isang Filipino dubbed English movie na pinapalabas sa telebisyon. Napukaw nito ang aking atensyon at tila nawala sa isip ko na nagmamadali ako at nawili kakapanood. Gusto na lamang patayin ng mga alien ang mga tao sa paninirang ginagawa nito sa mundo. Ang tanging solusyon lamang daw upang mabuhay ang mundo ay mamatay ang lahat ng tao na sumisira dito. “Hoy! Manonood ka nalang ba dyan? Late ka na!” sigaw na naman ng tatay ko. Kahit kelan talaga panira ito si papa hay nako. Napakamot na lamang ako ng ulo at tinignan ang oras sa aking cellphone at humarurot ng takbo papunta sa sakayan ng jeep at umabot naman sa oras ng klase ngunit nakakalungkot hindi pumasok ang aking pinakamamahal na guro. Sana nanood na lamang ako ng palabas sa telebisyon. Habang ako’y nasa byahe pauwi ng bahay. Nagfb muna ako at nakakadismaya na puro na lamang patayan, problema sa kapaligiran, sunog, polusyon, traffic, aksidente, droga, korapsyon, at kung ano-ano pang problema sa ating bansa. Imbes na mamotivate at macheer up ako sa mga quotes na pinopost ng mga pinaglalike kong page ay mas lalo lamang ako nalungkot sa aking mga nakita. Kailan nga ba matatauhan ang mga tao at maging maayos at mapayapa na ang ating mundo? Kapag ako na ang presidente? Charot. Hindi ko lubusang maisip na mangyayari yon. Pinatay at isinilid ko na lamang sa aking bag ang aking cellphone at nagmasid masid na lamang sa daraanan ng sinasakyan kong tren at nagsimula nang maglibot sa kung saan-saan ang malikot kong isip. Pagkauwi ay sinalubong ako ng napakalakas na videoke ng kapitbahay. Birthday pala ng kapitbahay naming lasenggo na walang maisip gawin ay kung hindi mag-inom. Inom sa umaga. Inom sa tanghali. Inom sa hapon. Inom sa gabi. Hindi ko alam kung paano pa kumakapit yung atay niya sa katawan. “Punyeta! Paano ko makakapag-aral kung ganito kaingay ang paligid?” bulong ko habang nagbabasa ng babasahin ko sa isang aralin. Ilang minuto ko nang pinipilit magpokus at intindihin ang aking binabasa ngunit wala akong maintindihan dahil napapasabay ako sa kanta nila na sa videoke. Sinarado ko muna ang librong binabasa ko at tumungo sa aking lamesa para magpahinga sandal at antayin matapos ang walang sawang pagkanta nila ng my way. Habang siya’y nagpapahinga naisip niya yung mga nabasa niya sa facebook na balita tungkol sa kung ano na ang nangyayari sa ating bansa. “Paano kaya kung totoo yung sa palabas kanina na ang mga tao ay patayin ng mga alien dahil masyado nang naabuso nito ang mundo?” bulong ko sa sarili habang nag-iimagine ng mga bagay na maaaring mangyari. Habang nag-iimagine ako ng mga bagay bagay mas lalong umingay ang paligid at tunog ng sunod sunod na pagsabog. Napatingin ako sa bintana at nakita na nagkakagulo na sa labas. Dali-dali akong lumabas ng aming bahay at tumambad sa akin ang matataas na gusali na nakikipaglaban sa mga nagsasalitang puno. Nagulat ako dahil kanina lamang ay nasa bahay ako ngunit paglabas ko’y nasa ibang lugar na ako daig ko pa ang isang superhero kung magteleport. “Hindi ka nararapat dyan! Ako ang unang nakapwesto dyan sa kinalalagyan mo! Umalis ka dyan nanggigigil ako sayo!” sigaw ng puno sa gusali. “Wala ka nang pakinabang sa mga tao. Ako malaki pakinabang sakin. Dito sila nagooffice. Dito sila nagpapayaman. Ikaw! Wala kang ganap dito! Isa ka lamang puno na walang kwenta.” sigaw pabalik ng gusali. Ako’y napaupo at tila nawili kakapanood ng away ng dalawa. Napapalakpak pa ako sa tuwa dahil naguuntugan at nagsasakitan na sila. Para akong nananaginip. Lahat lamang ito ay nasa aking imahinasyon ngunit bakit nagkakatotoo na. Habang masaya kong nanonood sa away ng puno at gusali. May dumaan sa aking harapan na isang batang may kaibigang nagsasalitang pusa. “Alam mo nakatikim ako ng siopao na gawa sa kauri mo.” sabi ng bata sa pusa at sinundan ng hagalpak ng tawa. “Gusto mo ikaw gawin kong siopao? Napakawalahiya niyong mga tao! Wala kayong puso sa aming mga hayop! Kami ang may pangalan na hayop pero bakit mas bagay sa inyo ang pangalang hayop dahil sa mga kahayupang ginagawa niyo sa amin!” sigaw pabalik ng pusa. Nagulat ang bata dahil akala niya ay nagbibiruan lamang sila. Biglang lumaki ang pusa at pinagkakalmot ang bata at chinop-chop siya. “Ngayon, kayo naman itatry kong siopao. Masarap kaya kayo?” sabi ng pusa habang bitbit bitbit ang katawan ng bata. Nagulat ako sa aking nasaksihan. Hindi ko na kinakaya lahat ng aking nakikita. Pusa kumatay ng tao. Naguuntugang puno at gusali. Ano na ang sunod kong makikita? Sa sobrang takot ay nagtatakbo ako at napadpad sa isang sementeryo kung saan ang lahat ng bangkay ay tumayo sa kanilang libingan at humihingi ng hustisya sa kanilang pagkamatay. Ako’y nagtago sa isang sulok at sinusundan sila ng tingin sa kung saan sila pupunta. Naintriga ako kung saan sila pupunta kaya dahan dahan ko silang sinundan at tinignan kung saan sila papunta. Nakita ko na sila ay patungo sa Malacañang. Kinakalampag ang gate nito at noong ito’y nabuksan na ay sinugod nila ang opisina ng presidente at ibang kawani ng gobyerno. “Bakit niyo kami pinapatay? Anong ginawa naming kasalanan? Inosente kaming pinatay!” “Naglalaro lang ako ng mobile legends sa labas ng aming bahay at bigla niyo kong pinagbabaril at sasabihin niyo sa media ay durogista ako! Napakawalanghiya ninyo!” “Putangina niyo! Inosente ako!” Sari-saring sigaw ng mga bangkay habang papalapit sa sa presidente at ibang kawani ng gobyerno. Sunod sunod na pinagbabaril ng mga gwardiya ang mga bangkay ngunit hindi ito natinag at namatay hanggang sa maubos na lamang ang kanilang bala. Unti-unting nakalapit ang mga bangkay at pinagpyestahan ang mga katawan ng presidente at ibang kawani ng gobyerno. Tuwang-tuwa na nilalasap ng mga bangkay ang tagumpay na pagkain nila ng lamang loob ng mga taong ito na tila nakamit na rin nila ang hustisya. Nang matapos na ay tuwang tuwa silang naglalakad ulit paalis ng Malacañang. Dahan dahan ko na naman silang sinundan kung saan sila papunta. Sila ay papunta sa hagdan patungo sa lumulutang na isla sa hangin. Ako ay nagulantang sa nakita. Napakaganda. Napakatahimik. Napakaayos. Napakapayapa. Ito ang pinapangarap ng lahat na kapayapaan at kaginhawaan. Kitang kita mula sa aking posisyon kung gaano kaganda at kasaya ang mga taong naroon. Masaya ko silang pinagmamasdan at nakaramdam ng pagkainggit. Gusto ko din pumunta doon. Sinundan ko ang mga bangkay paakyat sa lumulutang na isla sa hangin at biglang nagsara ang pintuan nito. “Hindi ka nararapat dito!” sigaw ng isang babae sa mula sa lumulutang na isla. “Ngunit bakit ho? Gusto ko lamang maranasan ang maginhawa, maayos at mapayapang buhay na malayo sa isang maingay at nakakasulasok na mundo.” Pagsusumamo ko na makapasok at makapamuhay ng maayos doon. “Naririnig mo ba ang iyong sarili, tao? Winawalanghiya niyo ako! Dinudungisan, dinudumihan, dinuduraan, pinapabayaan at higit sa lahat sinisisra niyo ako! Hindi kayo karapatdapat makapamuhay ng maayos kung ganyan kayo umasta!” sigaw niya. Biglang sumampal sa akin ang mga nabasa ko sa facebook na mga balita. Biglang naalala ko lahat ng kagagawan ng tao sa mundo, sa kapaligiran. Kung gaano binaboy ng tao ang mundo at pinabayaan masira. Tama nga yung nasa palabas na napanood ko sa telebisyon dapat tao ang patayin dahil sila ang sumisira sa mundo hindi ang kung sino. Pilit nating sinisigaw at nagwewelga ng kaayusan at kapayapaan ngunit bakit sa mismong sarili natin hindi natin magawang simulan. “Hoy! Kung matutulog ka lang at hindi mag-aaral, umayos ka na ng higa sa kama mo!” sigaw na naman ng tatay ko na nakapagpagising at nakapagpabalik sa reyalidad. “Ay shet! Nakatulog ako bababagsak ako sa exam ko! Anong oras naaaa?!” sigaw pabalik ko sa aking ama. Tinampal niya ang aking noo at napahinto sa paghihisterikal. “Ala una na ng madaling araw! Hala sige matulog ka na sa higaan mo at huwag dyan mananakit lang leeg mo dyan.” sabi ng aking ama at pumunta na sa kanilang kwarto ni inay. Anong oras na hindi pa rin tapos videoke ng kapitbahay. Nanaginip na ako’t lahat lahat hindi pa rin tapos paulit ulitin ang pambansang awit sa videoke na my way. May naisip akong kalokohan na maaaring makapagpahinto sa kanyang pagkanta. Sinilip ko sa bintana kung saan nakapwesto ang videoke at kung saan ito nakasaksak. Dahan dahan akong lumabas at unti unting hinila sa pagkakasaksak ang wire ng videoke. “HALA BROWNOUT!” sigaw ko at sabay takbo papasok ng bahay. Nawala na ang ingay at makakapag-aral na ako ng matiwasay ngunit pumasok sa aking isip ang aking napaginipan. Pinaglinayan ko ang sinabi ng babae na naninirahan sa lumulutang na isla sa hangin. Habang nagninilay nilay hindi ko namalayan na nakabalik ako sa mundo ng aking imahinasyon.
0 notes
princesssyyyy-blog · 5 years ago
Text
Huli na ang Lahat ni Princess Joy Moria
Isang mainit na kapeng barako para sa natutulog kong isip. Hindi ko lubusang maisip na sa kabila ng lahat ay malayo ang aking mararating. Nakapagtapos ng pag-aaral, may isang magandang trabaho at may mapagmahal na pamilya maliban sa ina. Nakakainggit ngang maituturing ang bagay na yon. Lumaking walang ina, walang ilaw ng tahanan at higit sa lahat walang inang mag-aalaga sayo sa tuwing ika’y may sakit. Ang haplos ng ina na hinahanap mo sa gabi. Nasaan ka nga ba ina ko? Bakit mo pinagpalit ang ating pamilya sa isang tulad niya? Bakit mo kami iniwan sa mga panahon na kailangang kailangan ka namin? Lumaki ako ng walang ina. Ang sabi ni papa iniwan kami ni mama dahil hindi niya na matiis ang hirap ng buhay kasama kami ni papa. Hindi daw siya sanay maghirap kaya naghanap ng kano at nagpakasal para makapamuhay ng marangya. Mayroon palang mga ganoong ina? Mga walang puso. Paano nila naatim na matulog at kumain sa araw-araw ng payapa na hindi iniisip na may iniwan silang musmos na bata para lamang makapamuhay ng marangya. Walanghiyang ina papabuntis tapos iiwan ang bata kapag nahihirapan na at hahanap ng sugar daddy para magkaroon ng maraming pera. Dahil sa ginawa niyang pang-iiwan ay ginawa ko itong motibasyon para lumaban sa buhay at makamit ang aming pangarap. Dati kasi nakatira lamang kami sa isang maliit na kubo. Kung saan ang paligid ay maraming tambak na mabahong basurahan, puro batang hamog at maiingay na chismosa. Pinangako ko kay papa na iaahon ko siya sa kahirapan at tutuparin naming magkasama ang aming pangarap. Habang naglalakad ako pauwi galing trabaho nag-isiip na ako kung paano ako aamin sa papa ko. “Hays! Lord, tulungan niyo po akong umamin kay papa.” Sabay tingin sa langit habang nakaprayer sign at bigla akong may natapakan na kung ano. Pagkatingin ko dito, ito’y isang cellphone ngunit basag na ang screen dahil sa natapakan ko ito. “OMG! Kanino itong cellphone na ito? Bakit pakalat-kalat sa daan.” Sabi ko pagkapulot ko ng cellphone. Nagpatuloy ako sa paglalakad habang hinahanap ang may-ari ng cellphone ngunit may biglang dumaan na itim na pusa sa aking harapan. Tumigil siya sa aking tapat at biglang nagmeow. Pagkakita ko sa pusa ay napasign of the cross ako agad at napasabing “Jusko! Isang masamang pangitain. Itutuloy ko pa ba ang pag-amin?” at nagpatuloy na sa paglalakad. Pagkarating ko ng bahay ay nakita ko agad aking ama na nanunuod ng kanyang paboritong basketball. “Andyan ka na pala. Halika kumain na tayo napakatagal mo kanina pa kita inaantay.” Sabi ng aking ama. “Pa, may mahalaga po akong sasabihin sa inyo.” Kinakabahan kong banggit sa kanya. “Maghanda na muna tayo ng hapunan at doon na tayo mag-usap habang kumakain” wala kong nagawa kung hindi sumunod sa kanyang sinabi at umupo na para kumain. “Ano nga palang sasabihin mo anak?” paumpisa ni papa sakin. “Ahmmm pa kasi ano..” hindi ko maituloy ang aking sinasabi dahil natatakot ako na baka hindi niya magustuhan ang sasabihin ko sa kanya at madismaya siya sa akin. “Ano nga, anak? Sabihin mo na dahil ako’y kinakabahan sa sasabihin mo? Nakabuntis ka ba?” tanong niya. “ANONG BUNTIS?!” gulat kong sigaw kay papa. Sa dami nang maiisip niyang sasabihin ko sa kanya ay iyon pa. “Pa, ano po kasi…” bago ko banggitin ang mga salitang sasabihin ko naalala ko yung mga sinabi sa akin ni papa noong ako’y bata pa. “Anak, gusto ko paglaki mo maging sundalo ka! Lalaking lalaki tindig mo. Napakagwapo mo.” sabi ni papa nang makita niya akong nasa harap ng salamin na nagsusuklay at nagpupulbos. “Anak, ayun na lamang ang natatangi kong pangarap para sa iyo kasi gusto ko magkaroon ng anak na sundalo na matapang na haharap sa mga masasamang tao at isa sa lalaban para panatilihing maayos at mapayapa ang ating bansa. Ayun ang pangarap ko kaso hindi nakamit dahil nga sa nabuntis ko ng maaga ang iyong ina at kailangan kong kumayod para sa pamilya natin. Kaya sana nak ikaw ang tumupad ng pangarap ko na iyon.” Sabi niya pa at tapik sa aking balikat at umalis na. Napatingin na lamang ako sa salamin at napahawak sa aking pisngi. Napaluha na lamang ako. “Anak! Hoy! Ano nga yung sasabihin mo?” sigaw ni papa na nagpabalik sa akin sa wisyo. “Ah. Wala pala pa. Bukas nalang po kapag naalala ko.” Sagot ko sa kanya na may alanganing ngiti. Natatakot akong madismaya siya sa akin kapag nalaman niya na itong lihim ko. “Sige po. Ako na maghuhugas ng pinagkainan natin. Magpahinga na po kayo.” Sabi ko sa kanya. “Goodnight papshie ay este papa po pala.” Nadulas kong sabi. Mukhang mabubuko ako agad dahil sa mga pinagsasasabi ko. Kinaumagahan ay naalala ko yung cellphone na napulot ko. Binuksan ko ito at tinignan kung kanino iyon. Pagkabukas ko nito bumungad sa akin ang litrato ng mag-ina na may hawak na isang snow globe. Nacurious ako kung sino ito dahil may kamukha ang bata. Kahawig ko ito. Saktong-sakto ay may tumatawag dito at ito’y aking sinagot. Ako: Hello po. Magandang araw. Kayo po ba ang may-ari nitong teleponong ito? U: Oo ako nga iho. Maraming salamat at ikaw ang nakapulot nyan. Maaari ba akong humingi ng pabor sayo? A: Opo pwede po. U: Maaari mo bang buksan iyong cellphone at pakibigay yan sa anak ko. A: Sino ho ba ang anak niyo? U: Jerome Santos. A: Ha? Gulat na gulat ako sa binanggit na pangalan ng babae. Ako yun. Ako yung tinutukoy niyang anak. Ako si Jerome Santos. Natulala ako at napipi dahil sa aking narinig. Garagal at tila nahihirapan ang boses ng babae sa kabilang linya. U: Hello! Andyan ka pa ba? Ano nga palang pangalan mo? Hello! Hello! Hello! Nabitawan ko na ang telepono at napaupo na ko dahil hindi ko maproseso sa aking utak na makausap ang aking ina. Nahihirapan magsalita at tila nanghihina na. Natauhan ako. Naisip ko na dapat sumbatan ko ito at galit na galit ako dahil sa ginawa niyang pang-iiwan sa amin ni papa ngunit noong binalik ko na ulit sa tenga ko ang telepono, ang tanging narinig ko na lamang ay ang malakas na mga sigawan at tunog ng isang machine. Isang flatline na tunog ng machine. Sigaw ako nang sigaw upang marinig ako ng mga tao sa kabilang linya ngunit walang nakakarinig. Naputol na ang tawag. Kinakabahan na ako sa nangyayari sa babaeng nakausap ko at sinubukan ko ulit itong tawagan. Sinagot ito ngunit ibang tao na ang nakausap ko. A: Iniwan mo kami ni papa, ma! Tapos ngayon hahanapin mo ko para ano pa. Anong gagawin ko sa cellphone na ito! Wala kang puso ma! U: Hello? Sabi niya habang humihikbi A: Nasaan na ang magaling kong ina?! Hinahanap niya ako diba?! Para saan pa? U: Wala na siya. Wala na yung nanay mo. Tuluyan na akong natulala at parang nabingi sa sandaling iyon. Hindi ako makapaniwala sa aking narinig. Wala na yung nanay ko. Wala na. Hindi ba dapat masaya ako dahil karma yon sa kanya dahil iniwan niya kami ni papa. Hindi ba dapat masaya ako kasi wala na siya. Pero bakit ganito ang nararamdaman ko. Basag. Masakit. Para akong basong hinulog mula 6th floor ng building. Wala na yung nanay kong nang-iwan samin ni papa. Wala na yung taong nagluwal sa akin. Nagising na lamang ako sa isang malakas na sampal. “Aray!” sigaw ko. Sinampal pala ako ng papa ko. Dahil daw umiiyak ako sa aking panaginip at parang binabangungot. Napayakap ako sa kanya ng mahigpit. “Panaginip lang yun, nak. Wag ka mag-alala.” Bulong ni papa sakin. Panaginip lang pala ang lahat ngunit bakit pakiramdam ko ay totoo ito. Pakiramdam ko ay totoong nangyari yon. “Bumangon ka na. Malelate ka na sa trabaho mo. May sasabihin ka pa sa akin diba?” pag-iiba ni papa ng usapan. “Oo nga po pala pa.” kinabog ng matinding kaba ang aking dibdib at humugot ng isang buntong hininga. “Pa, bakla po ako.” Pag-amin ko. “ANO?!” sigaw ng tatay ko. “Papa, wag niyo akong bugbugin. Aray! Jusko Lord help!” sigaw ko habang nakaprotekta ang kamay ko sa mukha ko. Ayaw kong masuntok ang aking fes. Ilang segundo akong nakaganon ngunit wala ni isang suntok akong natanggap. Nagmulat ako ng mata at nakita ko ang aking ama na nakangiti sakin. “Anak, matagal ko ng alam yon. Matagal ko ng nabasa sa mga kilos mo. Matagal ko ng alam pero ayaw kong pangunahan dahil gusto ko sayo mismo manggaling. Tanggap kita anak. Nakokonsensya nga ako dahil pinilit mo maging sundalo para lamang matupad mo yung pangarap ko para sayo kahit alam kong lambot na lambot ka na kakatraining pero hindi ka sumuko. Hindi mo ko binigo.” Sabi ni papa sabay yakap sakin. Hindi ako makapaniwala sa kanyang sinabi. Alam niya na palang bakla ako hindi niya man lang ako ininform. “Maraming salamat sa pagtanggap sa akin papshie ay este papa.” Sabay yakap ng mahigpit sa kanya. Naglalakad ako ng masaya papunta sa headquarters dahil sa malaya na akong maipahayag ang nararamdaman ko. Habang naglalakad ay may nakita akong isang magandang babaeng naglalakad sa daan at siya’y nakangiti sakin. Nagtaka ako kung bakit siya nakangiti sa akin. Tumingin ako sa kaliwa’t kanan ko, wala namang tao. Naalala ko ang mukha niya. Pinilit kong inisip kung saan ko nakita ang mukha niya. Naalala ko ang cellphone na napulot ko kagabi at pagkabukas ko nito nakita ko ang imahe ng mag-inang may hawak na snow globe. Kamukha ng babae ang nasa litrato. Kamukha niya ang aking ina.
0 notes
princesssyyyy-blog · 5 years ago
Text
Pagsusuri sa tatlong kuwento: “Utos ng Hari”, “Doon po sa Amin”, at “Mga Kuwentong Kapos” ni Jun Cruz Reyes
Napakatalino nga naman talaga ni Ginoong Jun Cruz Reyes gumawa ng maikkling kwento na nalilikha niya bung ang kanyang malikot na isipan at obserbasyon sa nagaganap sa kanyang kapaligiran. Sa kaunting impormasyon at obserbasyon ay mabilis siyang nakakagawa at nakakabuo ng isang kuwento na tiyak na kakapulutan mo ng makabuluhang aral at tiyak din na tatatak sa iyong isipan na maaaring makapagpabago ng iyong pamumuhay at pananaw sa buhay. Sa unang maikling kwento na may pamagat na “Utos ng Hari”. “Pakikisama lang” ayon ang tumatak sa aking isipan na sinabi ni Jojo at tila nagbigay ng ng konklusyon sa kung ano man ang nilalaman o nais iparating ng may akda. Tila’y nakakulong tayo sa isang kahon na may iisang pamantayan lamang na hindi ka pwedeng tumiwalag o sumuway na kailangan na lamang makisama o makisabay sa agos ng buhay upang hindi tayo mapahamak o mawala sa landas. Tayo’y nakakahon sa pamantayan na alinsunod sa ginagalawan ng ating lipunan na kapag tayo ay magtangkang sumuway ika’y mapaparusahan. Ang buhay ni Jojo sa akda ay kahawig ng buhay ng mga estudyante na pilit nakikisama at nakokompromiso upang pumasa o makakuha ng mataas na marka. Katulad ni Jojo, kapag ika’y sumuway o hindi tumalima sa kung anong kagustuhan nila ikaw ay makakakuha ng mababang marka at kung mamalasin pa ay maaari kang madrop. Pilit na sumusunod sa patakaran kahit labag na ito sa ating kagustuhan at paniniwala. Ginawa ang akda sa panahon ng Martial Law sa kapanahunan ng pamamahala ni Pres. Ferdinand Marcos na kung saan laganap ang karahasan at kaguluhan sa pagitan ng mga ordinaryong tao at mga military. Dito hinango ang kwento na kung saan ang hindi maaaring sumuway ang mga tao sa anumang utos o alituntunin ng gobyerno dahil kapag sila ay sumuway maaari silang mamatay. Napakatalino kung iisipin dahil ginamit ang kasalukuyang sitwasyon para makabuo ng konsepto ng akda ngunit hindi tuwirang isinaad na ganon ang sitwasyon ngunit hinango ito sa ibang kalagayan ng bansa na kung saan ang lahat ay makakaugnay. Sa pangalawang maikling kwento na may pamagat na “Doon po sa amin”. Ipinapakita ng akdang ito ang reyalidad sa usaping trabaho. Pinakita dito ang iba’t ibang uri ng tao sa opisina at kung paano sila makipagsalamuha. Tunay nga na hindi mawawala sa isang lugar o institusyon ang mga toxic na katrabaho o amo. Sa akdang ito ang daming tinamaan na isyung panlipunan na kasalukuyang nagaganap sa atin. Oo, nag-aaral pa ako ngunit akin nang nararanasan ang mga bagay na ito. Isa na rito ay ang pagkakaroon ng Padrino System na kung saan ang mga kakilala o kamag-anak na mag-aapply sa isang posisyon sa kumpanya ay matatanggap na agad at mabibigyan ng mataas na posisyon na karaniwang nagaganap sa atin sa kasalukuyan. Nasasawalang bahala ang mga taong mas deserve ang posisyon kaysa sa mga taong may kapit lamang sa pinuno ng kumpanya. Isa pa rito ang paggamit ng kapangyarihan upang manipulahin ang lahat ng bagay. Mahahalintulad natin dito ang ating gobyerno at mismong justice system ng ating bansa. Hindi ba’y kapag ika’y mayaman maaari ka ng makaligtas at makatakas sa kasalanang iyong ginawa? Kailangan mo lamang pasakan ng milyong-milyong halaga ang mga taong maaaring maging daan upang maging matagumpay ang iyong gagawing pagmamanipula ng batas. Isa na rin ditong maaaring nating mahalintulad ay ang pagpatay sa mga inosenteng tao at papalabasin na tulak silang ipinagbabawal na droga. Maraming isyung panlipunan ang nagsisimula sa maliit na isyu, lumalaki, at nagiging isang malaking pandaigdigang problema ng isang bansa. Pangatlo, ang akdang ito ay kahawig ng akdang Utos ng Hari dahil dito kailangan mo rin makisama lamang upang ika’y hindi mawalan ng trabaho at hindi magkaroon ng hidwaan sa iyong mga katrabaho. Ito ay nararanasan sa kasalukuyan. Hindi maiiwasan ang pagpaplastikan at pagpupurian upang hind imaging tampulan ng usapan at hindi maalisan ng trabaho. Sa pagpasok sa buhay ng pagtatrabaho, matututo ka kung paano maging plastik, bolero/bolera at social climber. Pilit mong iaangat yung sarili mo upang mapantayan at hindi mahuli sa uso o sa napapanahong kasuotan at materyal na bagay. Sa panghuling maikling kwento na may pamagat na “Ang Kwentong Kapos”. Sa akdang itong ni Jun Cruz Reyes, pinakita niya rito ang eksperimentasyon sa pagkukuwento na binubuo ng tatlong istorya ng mga tauhang nakilala ng nagsasalaysay. Halo-halong emosyon bawat kwento ngunit ang lahat ay hindi tapos o hindi nalaman ang resolusyon ng kwento. Naiwan itong nakabitin o mas kilala sa tawag na “cliff hanging”. Sa bawat kwento ay makikita ang iba’t ibang buhay ng isang tao. Ang Kwentong Kapos ay punong-puno ng katanungan na gustong mabigyang kasagutan ng may-akda ngunit dahil nga sa hindi inaasahang pangyayari hindi ito natutuloy at hindi na nabibigyang kasagutan ang mga ito at hinahayaan na lamang na ang mga mambabasa ang makaunawa at magbigay kasagutan sa mga katanungan na iyon. Ang mga maiikling kwento na ito ay may pagkakapareho sa isa’isa ito ay ang wikang ginamit. Si Jun Cruz Reyes ay gumamit ng wika na kung saan maiintidihan ng lahat at hindi mahirap unawain katulad ng ibang akda na may mga jargon na tanging ang kanilang propesyon lamang ang makakaintindi. Kilala si Jun Cruz Reyes sa paggamit ng “wikang kanto” biglang lenggwahe ng kanyang mga akda. Mas maiintindihan nga naman ito kumpara sa mga malalalim na wika at mga jargon. Mas mauunawaan ang isang akda kung ang wikang ginamit ay marami ang nakakaintindi at nakakaunawa. Sa tatlong akdang ito, lahat ito ay kasalukuyang nangyayari sa ating bansa. Lahat ng ito ay inakma sa kung ano na ang kalagayan ng ating ginagalawan mapaeskwelahan, trabaho at buhay. Ang dalawang unang maikling kwento ay may pormal na pormat na kung saan may unahan, gitna at wakas ngunit ang pangatlo ay walang pormal na unahan, gitna at wakas dahil hindi natatapos ang kwento.
0 notes
princesssyyyy-blog · 5 years ago
Text
Pagsusuri sa akdang Ang Lohika ng mga Bula ng Sabon ni Luna Sicat Cleto
     Lohika ng mga bula ng sabon? Ano ang kaugnayan ng pamagat sa kwento? Bakit ganyan ang pamagat? Wala naman itong epekto o kaugnayan sa kwento. Hindi ko lubusang maisip kung bakit ganyan ang iniligay na pamagat ng may-akda sa kwentong ito. Nagsisimbolo ba ito ng ano?
     Sa totoo lang, hindi ko lubusang naintindihan ang buong kuwento. Hindi ko maintindihan kung ano ang kanyang nais ipahiwatig. Binasa ko ito ng ilang beses at pilit iniisip at iniintindi kung ano ang nais iparating na mensahe ng may-akda ngunit ako ay nabigong maintindihan ito. Humingi ako ng tulong kay google upang magsaliksik ng maaaring kahulugan o rebyu ng kuwentong ito upang mabigyang linaw ang kuwentong ito sa akin. Maraming lumabas na rebyu, binasa ko ito at sinubukang pag-ugnayin ang kuwento at ang rebyu na aking nabasa.
     Unang-una, si Luna Sicat Cleto ay isang peminista na kung saan pilit itinataas ang bandera ng mga kababaihan sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga kwentong peminista o pagbibigay kahalagahan sa kababaihan at pagkawala sa tradisyunal na perspektibo ng mga tao sa kababaihan.
     Sa apat na akdang ipinabasa sa amin, dito ako lubusang naguluhan at ito ang gumimbal sa aking pagkatao dahil kapag binasa mo ang primaryang teksto hindi agad ito mauunawaan maliban nalang kung ang mambabasa ay may malalim na pang-unawa sa bagay-bagay. Sa kasamaang palad, hindi ako kaisa sa mga taong malalim ang pang-unawa sa bagay-bagay o malalim kung mag-isip kumbaga kaya hindi ko ito naintindihan agad at nangailangan pa ng sekondaryang teksto kung saan magbibigay liwanag sa aking madalim na mundo na magbibigay ng kasagutan sa hindi ko maunawaang kuwentong ito.
     Ang kuwentong ito ay nagpapakita ng buhay ng kababaihan na tila nakakulong sa isang kahon na naglilimita sa bawat galaw, kilos at pamumuhay niya. Kung saan kinukulong sa kaisipan ng tao ang mga dapat lamang gawin o ikilos ng isang kababaihan sa komunidad kung sa ano’y ang buhay ng mga kababaihan ay tila planado na at alam na ang patutunguhan at kahahantungan ngunit sa kuwentong ito pilit nilalabanan at pilit tinatakasan ang mga bagay na kumukulong sa kaisipan. Pinapakita nito ang kagustuhan ng babae na kumawala sa reyalidad kasabay ng paglaya nito sa kumbensyunal na pagtingin sa pagkababae.
     Si Sandali ang sumisimbolo sa oras ng kanyang paglaya sa pagkakakahon. Sa mga sandaling iyon mararamdaman ang tunay na kasiyahan dahil kahit sa maikling panahon nararamdaman niya na malaya siya at walang sino mang makakapigil sa mga bagay na ginagawa o kagustuhan niya. Sandaling panahon na kung saan nagagawa at nakakamit niya ang kanyang mga kagustuhan at maya maya’y babalik na naman sa pagkakakahon sa kanya ng lipunan.
     Ipinapakita ng akdang ito na ang karanasan ng pagiging babae sa kwento ay umiikot sa pagkakatali ng kababaihan sa lipunan, idinidikta na ng lipunan ang kahulugan ng pagiging babae, idinidikta na ng lipunan ang maaaring gawin at mangyari sa mga kababaihan na nagpapakita ng hindi pagkakapantay-pantay dahil bakit kailangan ikulong lamang sa isip ng tao ang mga bagay na dapat gawin ng mga kababaihan bakit hindi maaaring lumabas sa pagkakakahon ang mga kababaihan dahil ba sa babae lamang sila at walang kakayahan ipahayag o ipaglaban ang karapatan na dapat tinatamasa ng lahat ngunit ang kalayaan ng paggamit nito ay dominante lamang sa mga kalalakihan.
     Ginamit ni Luna Sicat Cleto ang paggawa ng isang sanaysay upang magbigay boses sa mga kababaihan na pilit ikinukulong ang sarili sa kahon ng tradisyunal na pag-iisip tungkol sa mga kababaihan. Oo, hindi ito agad-agad mauunawan ngunit kapag ito’y maunawaan mo na mapapahanga ka sa angking galing ng manunulat tungkol sa kung paano siya gumawa ng isang sanaysay na nagbibigay aral at nagaadbokasiya ng pantay na karapatan sa kababaihan at pantay na kalayaan na magawa o humiwalay sa tradisyunal na pag-iisip ng lipunan sa ano lamang ang maaari at hangganan ng mga dapat gawin ng mga kababaihan sa lipunan.
0 notes
princesssyyyy-blog · 5 years ago
Text
Pagsusuri ng akdang Kubeta ni Nancy Kimuell - Gabriel
     Kahirapan, ayan ang pinag-uugatan ng lahat ng problema ng ating lipunan. Kung sa case study, ang kahirapan ang major problem natin na nagkakaroon ng bunga na tinatawag naman na minor problem na kung saan doon na umuusbong ang kung ano-anong isyung panlipunan na nararanasan natin sa ating pang-araw-araw na buhay.
     Sa dami ng parte ng bahay na maaaring bigyang pansin, ang pinakapinaglaanan ng pansin ng manunulat ang palikuran kung saan andoon ang mahiwagang inidoro na ginagamit natin upang maglabas ng maduming likido o maduming bagay mula sa ating katawan ngunit bakit nga ba ito naging problema ng ating mga kababayan. Binanggit sa kwento na ang pagkakaroon daw ng maduming inidoro o ang kawalan daw ng maayos na inidoro ay nagsasanhi ng sakit at nagpapakita ng kahirapan. Lingid sa ating kaalaman na marami palang walang maayos na palikuran at kung minamalas pa ay wala talaga palikuran kaya sa ilog na lamang o binabalot na lamang sa plastik o dyaryo at itinatapon sa basurahan o kung saan man ito maaaring maitapon.
     Ang kwentong ito ay magbibigay daan upang ipakita sa mga mambabasa kung gaano kahirap ang buhay ng tao at kung ano ang implikasyon sa buhay ng tao ng kahirapan. Ipinakita ng kwento na ito na sa simpleng problem ang isang tao ay maaaring magresulta ng malaking isyu ng maraming tao na kailangan na ring pagtuunan ng pansin ng ating lipunan lalong lalo na ng ating gobyerno ngunit ano nga ba ang unang binibigyang pansin o unang nireresolbang problema ng gobyerno? Hindi ba ay ang mga bagay na wala namang direktang epekto sa mamamayan. Mga bagay na hindi naman makakatulong bagkus mas lalong makakapagpahirap pa sa ating mamamayan. Ang kwentong ito ay hindi lang basta basta patungkol sa pagkakaroon ng maduming inidoro, hindi lamang patungkol sa naguumapaw na tae sa inidoro, ito ay patungkol sa buhay ng isang karaniwang mamamayan na hindi mabigyang pansin ng gobyerno. Sa kwentong ito, ang inidorong nag-uumapaw ng tae ang nagsisimbolo ng mga tao na humihingi ng tulong o atensyon mula sa gobyerno na matulungan silang maiayos ang kanilang pamumuhay ngunit katulad ng nangyari sa kwento patuloy lamang silang ipinagsasawalang bahala at patuloy na nagbubulag-bulagan sa mga ganitong isyu.
     Hindi ito pangkaraniwang kwento na paulit-ulit ang konstruksyon ng kwento. Umpisa pa lamang ng kwento ay mabibilib ka na agad sa may akda, mapapaisip ka kaagad bakit niya nasabi iyon. Bakit ganon ang pananaw niya sa buhay? Dahil panigurado ang kanyang pananaw sa buhay ay dala lamang ng kanyang karanasan sa nakaraan o ito ang kanyang nasisilayang buhay ng ibang tao. Ginagamit ang paggawa ng kwento upang maging daan para ipanawagan ang mga nais resolbahang problema ng ating lipunan na pilit ipinagsasawalang bahala ng mga damuhong nasa posisyon ng ating gobyerno.
     Sa lahat ng nabasa kong akda, ito ang pinakamarahas ang pagkakalahad ng kwento. Marahas sa punto na nakikita ng iyong isipan ang sinasabi o kinukwento ng may akda. Umabot ako sa punto na naaamoy at nakikita ko sa aking harapan ang inilalarawan niyang hitsura ng inidoro na punong-puno ng tae. Nabubuo sa aking isipan ang senaryo na kung saan andoon talaga ako sa sitwasyon na iyon at nasasaksihan ng aking mata ang kaganapan na iyon. Oo, dugyot basahin ngunit ayun talaga ang tamang salita upang ilarawan ang buhay ng tao. Pagdating sa porma ng akda, katulad lamang ng ibang akda, nagsimula siya sa dulo ng kuwento kung saan inilahad niya muna na gustong gusto niya na malinis ang kanyang palikuran at ang palikuran  ang pinaka pinagtuunan niya ng pansin noong nagpapagawa sila ng bahay at doon niya na inilahad kung ano nga ba dahilan nito. Pagdating naman sa orihinalidad, itong akda na ito ang pinakaorihinalidad na nabasa ko. Sino nga ba namang may-akda ang magsusulat tungkol sa inidorong punong-puno ng tae? Siya lamang ang katangi-tanging nakaisip ng ganoong bagay. Siya lamang ang nakaisip ng ganoong bagay na maaaring ikonekta sa isyung panlipunang kinakaharap ng ating bansa ngayon.
     Ngayon, isipin natin kung bakit nga ba mahalaga ang panitikan sa ating buhay? Hindi ba nakakatulong ito upang bigyang kulay ang buhay mong plain at walang saysay? Ang mga ganitong akda ang nagbubukas ng ating kamalayan sa mga bagay-bagay na dati’y wala naman tayong pakialam. Isa ito sa mga kwentong nagpalawak ng perspective ko pagdating sa buhay ng isang karaniwang tao. Ito ang sumampal sa akin sa reyalidad na maswerte pa ako sa buhay na natatamasa ko ngayon kaysa sa mga taong walang-wala talaga sa buhay ngunit nagagawa ko pa rin magreklamo sa kung anong mayroon ako.
0 notes
princesssyyyy-blog · 5 years ago
Text
Pagsusuri ng akdang Dangal ni Norman Milwayco
     Ano nga ba ang dangal? Bakit napakahalaga at pinakainiingatan ito ng tao? Bakit ito ang pinakahuli nating pinipili sa pagpipilian kapag tayo ay gipit na gipit na? Gaano nga ba kahalaga ang dangal ng isang tao? Nababayaran ba ng dangal na ito ang lahat ng utang mo? Binubuhay ka ba ng dangal na ito? Halika at tunghayan natin kung paano nawawalan ng dangal ang isang tao.
     Sa akda ni Norman Milwayco na “Dangal”, makikita natin kung gaano hinamak ng tadhana ang dangal na pinakainiingatan ni Marissa. Pera kapalit ng isang gabing sarap kasama si Chris. Hindi nilinaw ng may-akda kung ano ang nangyari pagkatapos makuha ni Marissa ang isang milyon, kung bakit minura at dinuraan sa mukha ni Chris si Marrisa at kung bakit bukambibig ni Chris si Marissa kapag nalalasing. Ang ganitong kaganapan sa akda ay nanatili na lamang palaisipan sa mga mambabasa. Para sa akin kaya dinuraan, minura at parang nandidiri si Chris kay Marissa dahil hindi niya matanggap at hindi niya lubusang maisip na ganon kababa ni Marissa. Hindi lubusang maisip ni Chris kung bakit niyurakan ni Marissa ang kanyang dangal para lamang sa isang milyong piso.        Isang reyalidad na kailangan bigyang pansin ng lipunan ang ipinakita sa akdang ito. Ipinakita kung gaano kahirap ang dinaranas ng mga mag-aaral na kapus-palad. Mga mag-aaral na nagsusumikap upang igapang at itaguyod ang kanilang sarili at ang kanilang pag-aaral. Pilit na nagsusumikap at patuloy na lumalaban para sa kanilang mga pangarap na inaasam-asam. Ang mga bagay na ito ay kalimitang nakikita at nangyayari sa mga unibersidad na mayroong libreng matrikula ngunit mayroong dekalidad na pagtuturo.        Kapag tayo ay nahihirapan at wala ng makapitan, pilit tayong lumalaban at hindi sumusuko dahil ito ay para sa ating mga pangarap at kagustuhang makaranas ng maginhawang buhay ngunit kapag tayo naman ay nakalasap n ang maginhawang buhay nagagamit natin ang mga bagay na ito upang gamiting kapangyarihan upang manipulahin at kontrolin ang lahat ng ating nasa paligid.        Nakakalungkot isipin na sa ating panahon ngayon ay nangyayari ang mga ganitong kaganapan lalo na ang mga pangyayaring ito ay nangyayari sa ibang manggagawa ng ating gobyerno. Maraming nanangangandidato at tumatakbo para sa isang posisyon sa gobyerno dahil sa paghahangad na makatulong sa mamamayan ngunit kapag sila ay naluklok na at mayroon ng kapangyarihan, ginagamit na nila ito sa maling paraan. Ang iba ay ginagamit ito para sa pagmamanipula ng kanilang nasasakupan. Ang iba naman ay ginagamit ito upang mangurakot. Ang iba naman ginagamit ito upang linlangin at manakit ng mga karaniwang tao. Nakakalimutan nila kung ano ang kanilang tungkulin at mga kailangan gawin dahil sa pang-aabuso nila sa paggamit ng kanilang kapangyarihan katulad ni Chris na inabuso niya ang kapangyarihan na kanyang nakamit mula noong yumaman siya. Niyurakan niya ang pagkatao at dangal ni Marissa sa pamamagitan ng pagbili ni Chris sa katawan ni Marissa ng isang gabi.        Ang akdang ito rin ay nagpapakita ng kung ano totoong nangyayari sa tao kapag ito ay umaangat o umuunlad na. Masyado na tayong nilalamon ng kapangyarihan at kasikatan na natamo mula noong umangat sa buhay hindi na natin naiisip kung ano ang epekto ng ating ginagawa sa ibang tao, kung tayo ba ay nakakasakit na at kung tayo ba ay nakakahamak na ng ibang tao.        Maraming isyung panlipunan ang ipinakita ng akdang ito. Reyalidad na hindi natin maipagkakaila na nangyayari sa ating panahon ngayon. Reyalidad na hindi natin lubos maisip na mangyayari.        Hindi ko masisisi kung bakit maraming humahanga at patuloy na nagbabasa ng mga nobela ni Norman Milwayco. Isa siyang huwarang manunulat. Manunulat na balbal kung magsulat ng nobela at tagos sa pusong mga akda na maraming makakarelate dahil sa ito ay napapanahon at mga bagay na nangyayari sa tunay na buhay. Ang napansin ko sa mga akda ng manunulat ay ang lahat ng kanyang mga akda ay patungkol sa kaganapan sa ating kapaligiran at kung ano ang mga bagay na hindi natin alam na nangyayari pala ito sa buhay ng isang tao.        “May alam akong paraan kung paano wasakin ang dangal ng isang tao, ang kanyang respeto sa sarili.”        Sa unang pangungusap pa lamang ay mahuhulog ka na agad sa akda dahil mapapaisip ka kung ano ang sinasabi ng may-akda. Mapapaisip ka na kung paano iikot ang kwento at kung ano ang maaaring mangyari sa loob ng akda. Hindi ito pangkaraniwang akda lamang na magsisimula sa once upon a time at matatapos sa happy ending. Nagtapos lang naman ang akda sa isang malaking palaisipan.
0 notes
princesssyyyy-blog · 5 years ago
Text
Pagsusuri ng akdang Kasal ni Eli Rueda Guieb III
          Ang kasal ang pinakasagradong selebrasyon sa buhay ng isang babae at lalaki kung saan haharap kayong dalawa sa Diyos nang buong puso na walang alinlangang bibitawan ang mga pangakong magbubuklod sa inyong magkasintahan ngunit paano kapag ang dalawang nagmamahalan ay nagdesisyon nang maghiwalay? Paano kapag ang dalawang nagmamahalan ay nawalan na ng pagmamahal sa isa’t isa? Paano ang pagmamahalan nila na pilit nilang binuo ng taon ay mawawala na? Paano kung hindi pa pala tapos magmahal ng ibang tao ang iyong irog? Paano kapag ang kontrata na pinirmahan na lamang nila ang tanging nagbubuklod sa kanila at wala ng maramdaman na kahit anong kilig at pagmamahal sa isa’t isa?
          Pilit kong nirerehistro sa aking isip ang mga bawat katagang binitawan ng nagsasalaysay sa akdang Kasal ni Eli Rueda Guieb III. Binago ng kwento ang aking pananaw sa salitang “paghihiwalay”. Para sa atin ang salitang paghihiwalay ay dulot ng isang matinding away, matinding problemang hindi na kayang lutasin, at paraan upang makaiwas na sa sakit na dulot ng isang tao sa atin ngunit sa akdang ito pinaramdam at pinaunawa sa atin na hindi kailangan maghihinakit o hindi kailangang magsisihan ang dalawang tao kung bakit sila maghihiwalay. Hindi lahat ng naghihiwalay ay nagtatapos sa sumbatan at pagbabangayan, mayroong mga taong naghihiwalay sa masayang paraan dahil mismong silang dalawa na ang nagdesisyon na itigil na at hayaan ang isa’t isa’y makahanap ng sariling kapayapaan at kasiyahan. Binasag ng akdang ito ang depinisyon ng relasyon na nakaukit sa ating isipan. Binasag nito ang paniniwalang kapag kayo ng karelasyon mo ay kuntento na at masaya na sa piling ng isa’t isa ay kailangan ng magpakasal at magsama nang dalawa ngunit mali ito dahil maaaring masaya kayo sa isa’t isa ngunit hindi pa lubusang kilala ang pag-uugali at kagustuhan ng ating irog. Maaaring nabibigla lamang dahil sa panunukso ng mga kaibigan at pamimilit ng pamilya na magpakasal. Itong akdang ito ang magpapamulat sa ating isipan na mayroon tayong kailangang bitawan at mayroon tayong kailangan tanggapin kahit hindi natin ito mabitawan dahil para sa kanila rin naman iyon at upang mahanap nila ang tunay na kasiyahan at kapayapaan na ninanais nila. Ang sabi nga hindi lahat ng gusto nakukuha. Hindi lahat ng gusto nakakamit. Naghiwalay ang dalawang tauhan na may naiwang saya sa kanilang puso at walang naiwan na kahit anong hinanakit sa isa’t isa. Bukal sa puso nilang pinalaya ang mga pusong hindi talaga magkaugnay, mga pusong hindi talaga nakatadhana para sa isa’t isa. Kasabay ng pagbubukas ng panibagong umaga ay ang pagbubukas ng kanilang puso para sa panibagong kakaharapin malayo sa piling ng isa’t isa. May pusong sigurado mayroong patutunguhan at may pusong walang kasiguraduhan at wala pang kongkretong plano kung saan patungo ang kanyang hinaharap.
          Hindi katulad ng ibang akda na puro sa simula nagsimula at nagtapos sa masayang pagsasama. Nagsimula ang akda sa katapusan ng kwento kung saan isinilaysay niya na lamang kung paano at bakit humantong sa ganoong sitwasyon ang lahat. Pilit kong iniisip kung paano nakagawa ang may akda na ito ng kuwentong may kirot ngunit maluwag sa loob na tinanggap ang kapalaran. Ngayon lamang ako nakabasa ng akdang masaya at bukal sa loob ang paghihiwalay. Ngayon lamang ako nakabasa ng akda na kung saan ay binigyan ng bagong depinisyon at binigyan ng bagong mukha ang salitang relasyon at paghihiwalay. Ang lahat ng makakabasa nito sa ating panahon ay makakaunawa at mararamdaman ang kirot at sakit ng akdang ito dahil sa panahon ngayon mausbong ang mga relasyon sa kabataan. Kapag ito ay nabasa ng mga kabataan, maaari silang makapulot ng aral at bagong kaalaman na maaari nilang maisabuhay at makakapagpabago sa isinasabuhay nilang pananaw sa bagay-bagay.
0 notes