panibagongpananaw
pangkaraniwang blog ni brian
9 posts
brian mesa. mula sa BAPS 1-3 sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. magandang araw
Don't wanna be here? Send us removal request.
panibagongpananaw · 5 years ago
Photo
Tumblr media
Modernong Estratehiya Para sa Modernong Mundo: Ang Pakikibaka ng mga Pilipino (Social Movement)
Una sa lahat, higit akong nagpapasalamat sa lahat ng mga taong patuloy na nagpapalaganap ng kaalaman sa mga kapwa nila Pilipino upang hubugin ang kanilang kaisipan tungkol sa tunay na kalagayan ng lipunan, na kahit na madalas ay hindi naiiintindihan ng karamihan. Ilan lamang dito ang mga progresibong manunulat, mga guro, aktibista, mga ilang kabataan, at iba pa. Dahil sa patuloy nilang pakikibaka para sa kaayusan ng bayan, unti-unti na nating nakakamit ang pagkapantay-pantay ng bawat isa sa lipunan at tuligsain ang mapang-abuso sa bansang Pilipinas. Kung isa ka man sa mga nagbabaga ang damdamin at nais maki-isa sa kilusan, maari kang makilahok kahit hindi sa pamamagitan ng aktwal na pagpoprotesta at pakikipag-debate. Dahil para sa akin, ang pinaka epektibong paraan upang ika’y makalikha ng tinig ay hindi sa pamamagitan ng dahas—kundi sa pamamagitan ng pag-impluwensiya at pagbigay inspirasyon sa iba sa pamamagitan ng tahimik ngunit makapangyarihang paraan gaya ng pag-aaral, pagsusulat ng akda, at pagbahagi nito sa iyong kapwa.
Aminin natin sa sarili natin na hindi tayo natutuwa sa taong lumilikha ng ingay sa mapayapa nating tulog. Sa oras na mahanap natin ang pinangggagalingan ng ingay ay agad nating kinamumuhian at kinagagalitan ang taong iyon. Karamihan sa atin, kahit na anong dahilan ang sabihin niya kung bakit siya nag-iingay ay hindi natin papakinggan. Kung ikukumpara natin ang ganitong ganap sa Pilipinas, masasabi natin na ang mga nag-iingay ay ang mga taong nakikipaglaban para sa kanilang karapatan at ang mga natutulog sa mapayapa nilang siyesta ay ang mga Pilipinong hindi pa mulat sa reyalidad ng lipunan dahill hindi sila nakakaranas ng ganitong paghihrap, pang-aabuso, at diskriminasyon. Ang mga nakararaming Pilipino na nababalitaan ang mga pag-alsa at pagprotesta ng mga tao ay nakikita nilang ‘panggulo lamang sa bansa’ dahil sa tingin nila ay wala namang mali sa bansang kanilang sinilangan sapagkat hindi pa mulat ang kanilang kaisipan. Paano nalang kung ganito mag-isip ang karamihan ng mga Pilipino? Kaya’t importante na kahit na kakaunti lamang ang bilang ng mga tunay na mulat sa lipunan ay patuloy nila itong ibahagi sa iba. Kung ibabahagi lamang nila ito sa paraang ‘spoon-feeding’, kakaunti lamang ang probabilidad na pakinggan sila. Isang epektibong paraan ng pagpapalaganap ng kaalaman na sa ngayong panahon na ginagawa ng mulat na kabataan ay ang paggamit sa social media bilang tsyanel sa pagsusulat ng akda. Dito ay ibinabahagi nila ang kanilang kaalaman sa malawakang isyu ng bansa at ibahagi ito sa mas higit na bilang ng mambababasa. Ang malikhaing estilong gamit nila ay hindi nagpapakita ng ‘spoon-feeding’: imbis na pilitin kampihan ang mambabasa sa kanilang panig, inilalahad nila ang tunay na pangyayari upang makumbinsi ang mambabasa na mamili ng panig. At dahil sa pagiging malikhain ng manunulat, nagtatanim na ito ng layuning makiisa rin ang mambabasa ng hindi nito namamalayan. Ang pagbabasa nito ay nagmumulat sa isip ng mga tao. Ito rin ay nagiging daan upang mas tuluyan pang pag-aralan ang tunay na mga ganap at katotohan sa lipunan.
Kaya’t masasabi na hindi lang sa puwersahang pamamaraan mapapabago at maiimpluwensiya ang pag-iisip ng tao. Magagawa din nating makuha ang kanilang loob na pakinggan tayo sa paraang tahimik ngunit makapangyarihan gamit ang kaisipan, sining, akda, teknolohiya, at iba pa bilang mga instrument at estratehiya sa modernong mundong ating ginagalawan. Makibaka!
fffffffffffff
0 notes
panibagongpananaw · 5 years ago
Photo
Tumblr media
Progresibong Pag-iisip sa Progresibong Panahon (mula sa akdang Transformative Education ni Antonio Tujan Jr.)
Nagsimulang  magbago ang pagtingin ko sa sistema ng edukasyon pagka-tungtong ko ng hayskul. Namulat ako sa mga taong nakapaligid sa akin—at sa sarili ko rin—na ang tanging hangad naming ay ang mataas na marka, iyan ay dahil ito ang daan upang makasama kami sa listahan ng mga may parangal—kahit pa sa pamamaraan ng pandaraya at pangongopya. Pero naisip ko: para saan pa ang pag-aaral kung pinipilit lang naman namin ang sarili naming na makakuha ng sapat na marka kahit na hindi ito ang nararapat para sa amin? Bakit tila nagkakarerahan ang bawat isa upang makatakas agad sa paaralan? At huli, para kanino ba nila nilalaan ang pag-aaral nila? Sa sarili? Sa pamilya? O sa Bayan?
               Sa librong sinulat ni Antonio Tujan Jr. na pinamagatang Transformative Education, binigyan kahulugan niya ang Transformative Education bilang kalagayan ng edukasyon na naglalayong magmulat at magbigay koneksyon sa tao at kanyang lipunan. Layunin nito na imulat at turuan ang mga mag-aaral na higit pa sa mga pangkaraniwan at simpleng kalaaman gaya na lamang ng kritikal na pag-iisip, kamalayan sa tunay na mundong ginagalawan, at paghahanap ng kahulugan ng buhay. Ang simpleng pagkatuto lamang sa simple o komplikadong matematika o agham ay walang silbi kung hindi progresibo mag-isip ang mag-aaral. Matatawag lamang silang ‘static’ sapagkat sila man ay may sapat na kaalaman, ngunit hindi nagagamit o walang aplikasyon sa tunay na problema ng mundo.
               Sa kultura ng mga mag-aaral na mandaya o mangopya ay masasabi natin na sila ay may tunay na hangad na makapasa lamang. Kahit na hindi pa man naipapasok sa kanilang kaisipan ang mga kaalaman na itunuturo ng guro nila ay wala na silang paki-alam basta makapasa at makahanap lamang ng trabaho. Karamihan sa mga mag-aaral, kung tatanungin mo, ay gustong makapag tapos upang makapag trabaho sa ibang bansa at maging mayaman. Sa ganitong mentalidad pa lamang ay makikita mo nang hindi para sa bayan ang rason ng kanilang pag-aaral: para sa sarili lamang. Kung ganito ang pag-iisip ng mga mag-aaral, mawawalan na ng saysay ang paulit-ulit na tala ni Dr. Jose Rizal na “ang kabataan ang pag-asa ng bayan”. Dahil masasabi natin na ngayon, “ang kabataan na ang pag-asa ng ibang bayan”. Kung ganito ang lagay sa loob ng bawat apat na sulok sa Pilipinas, masasabi ba natin na epektibo ba ang sistema  ng edukasyon ngayon?
               Ako’y isa lamang hamak na estudyante sa kolehiyo kung kaya’t hindi pa sapat ang kaalaman ko at karanasan ko upang magbigay ng hatol o paghusga sa edukasyon sa Pilipinas. Kahit na ako’y merong sariling pananaw at paniniwala, patuloy ko parin itong kinukwestyon dahil alam kong posibleng nagtatago parin ang katotohanan na dapat kong hanapin. Sa ngayon, para sa mga gurong nagbabasa ng blog na ito, nawa sana’y tulungan ninyong imulat ang mga estudyante sa tunay na lagay ng lipunan at bansang kanilang sinilangan. Lumikha kayo ng mga produkto na hindi lamang sapat na ‘skills´ o talento lamang ang kakayanan. Kundi pati ang pag-iisip na progresibo at may pagkilala sa bayan. Para naman sa mga estudyante: huwag ninyo masyadong isakripisyo ang katawan ninyo para sa pagrerebyu at paggawa ng mga asignatura. Ang katawan niyo lamang ang tanging puhunan para sa magandang kinabukasan. Tandaan lagi ang tunay na rason kung bakit kayo nag-aaral. Nawa’y sana’y magkaroon kayo ng magandang kinabukasan para sa sarili at para sa bayan.
fffffffffffff
0 notes
panibagongpananaw · 5 years ago
Photo
Tumblr media
#TapusinAngKabastusan (mula sa akdang ‘Ang Kabastusan ng mga Pilipino’ ni Isagani Cruz)
Ang Kabastusan ng mga Filipino sa…
                 Ako’y isang Pilipino. Hilig ko ang magbasa ng mga libro, making ng musika, manood ng mga serye at pelikula, gayon din maki-alam sa mga isyu sa internet. Masasabi kong sanay na akong makakita ng mga palabas na komedya kung saan ang nagpapatawa ay, hindi naman sa pangungutya pero, pangit. Sanay na rin ako makakita ng mga kababaihan na ginagamit para sa pag-advertise ng kung anu-anong produkto. Madalas silang magpakita ng kaunting katawan, o di kaya’y may halong sexual innuendo. Gayon din sa mga napapanood kong mga music videos, naging normal na sa akin ang makakita ng kababaihan na bida sa mga kanta ng kalalakihan na nagte-twerk o nagpapakita ng halos malalaswang kilos. Minsan, mapapaisip nalamang ako kung ano ba ang kinalaman ng mga kababaihan sa mga kantang ng mga lalaking artisa kung hindi naman tumutukoy sa kanila ang kanta. Dito ako napatanong sa sarili kung may kinalaman nga ba ang kababaihan sa kanilang produksyon, o ginagamit lamang nila ito upang makakuha ng mas maraming atensyon sa masa? Sa blog na ito ay tatalakayin ko ang dalawang uri ng kabastusang Pinoy: Ang kabastusan ng mga intelektuwal na Pilipino at ang kabastusan sa kababaihan.
               Sa akdang isinulat ni Isagani Cruz na pinamagatang, ‘Ang Kabastusan ng mga Pilipino’, itinilakay dito ang iba’t-ibang uri ng kabastusan na mayroon ang mga Pilipino at saan ito nagmula. Nagsimula ang kanyang akda sa pagbibigay at paglilinaw ng tamang depinisyon ng ‘pop culture’. Sinasabi na ang ‘pop culture’ ay hindi ang kultura ng nakararami, kundi ang kultura lamang ng mga burgis. Dahil ang tunay na masa ay hindi napapaloob sa ‘pop culture’. Hindi nababanggit sa kulturang ito ang mga tunay na kalagayan ng mga magsasaka, ang sistema ng mga kapitalista, at ang pakikibaka ng mga sumusulong sa kaayusan ng bayan. Ang ‘pop culture’ ay termino lamang ng mga burgis upang makabuo ng maling pananaw kung ano ba dapat sundin ng mga tao. Ito ay ang kultura na mas natatangkilik ng karamihan, gaya na lamang ng internet, musika, mga palabas sa telebisyon, pelikula, at iba pa. At kung susuriin, ang mga bawat konteksto ng mga nabanggit na halimbawa ay hindi nagpapakita ng tunay na kalagayan ng bansa. Halimbawa, sa palabas sa telebisyon, madalas na tema ay ang isang mahirap na bida na patuloy na inaalipusta ng mga mayayaman. Hanggang sa huli ay makakaganti ang mahirap dahil mapapakasalan niya ang isang mayaman na sinasamba o tinatangkilik ng lahat maging ang kapwa niya mayaman din. Sa ganitong palabas ay maipakikita sa mga manonood na magkakaroon lamang ng pag-asa ang mga mahihirap sa palad din ng mga mayayaman. O di kaya ang patuloy nilang pagtatrabaho ng sagad-sagaran hanggang sa sila ay yumaman. Hindi nabanggit dito ang tunay na posibleng hadlang sa mga mahihirap. Gaya na lamang ng estraktura ng bulok na sistema ng mga kapitalista, patuloy na pag-abuso ng mga politiko, at iba pa. sa ganitong problema, dito na dapat tulungan ng mga intelektuwal na Pilipino ang masa. Pero ano ang nangyari?
               Ang mga intelektuwal na Pilipino ay naturingan na ‘bastos’ dahil imbis na tulungan ang kapwa nilang masa, ay mas pinipili nila ang sarili nilang pag-akyat sa estado ng buhay. Dahil nga hawak tayo sa gahum ng ng mga elitista, mas pipiliin ng mga intelektuwal na manunulat ang magtrabaho sa ilalim ng mga elitista at gawin kung ano ang idinikta sa kanila. Hindi nais ng mga mapang-abuso na mabigyan malay ang mga taong napanghahawakan nila kung kaya’t patuloy lamang nilang ihehele ang mga ito gamit ang mga bagay na nagbibigay ng ‘entertainment’. Isa na rin sa paraang ginagamit nila upang makalikom ng mas maraming atensyon mula sa masa ay ang paggamit sa kababaihan. Dahil sa laganap ang istrakturang patriarkal ay ginagawa lamang mga bagay ang kababaihan (women objectification). Sa anumang uring halimbawa ng ‘pop culture’, makikita mo ang gahum ng kalalakihan at kung paano nila gamitin ang kababaihan—sa musika, sa palabas at pelikula, at maging sa mga akda. Dahil dito, nawawalan ng kapangyarihan ang mga kababaihan na iangat ang estado nila sa lipunan dahil sila ay hawak at kontrolado ng mga kalalakihan—sa pamilya, sa trabaho, at maging sa simpleng pananamit. Nagiging natural na lamang sa atin ang makakita ng mga kababaihan sa mga print ads, music videos, commercial shows, at iba pa. at nagiging normal na lamang sa atin na ang babae ay hindi makakaahon sa hirap ng hindi sa pamamagitan ng mga lalaki.
               Ngunit sa panahon ngayon, unti-unti nang namumulat ang mga tao sa lipunan. Nagsisimula nang dumami ang mga tao sa social media na nagbabahagi ng kanilang kamalayan sa bansa. Nagsisimula narin umusbong ang kapangyarihan ng mga babae upang tuligsain ang diskriminasyon at istrukturang patriyarkal. Masasabi nga ba natin na sa patuloy na pangyayari na ito, sa mga susunod na panahon, ay tuluyan paring matatawag na bastos ang mga Pilipino?
fffffff
0 notes
panibagongpananaw · 5 years ago
Text
Literatura ng Uring Anak-Pawis (para kanino ba ang pakikibaka?)
Ang akda ni Rogelio L. Ordanes na pinamagatang “Literatura ng Uring Anak-pawis” ay nagsasaad ng koleksyon ng mga akdang isinulat ng mga anak-pawis at sila ay may iisang hangarin: sinusubukan nilang tuligsain ang mga mapang-aping uri sa ating lipunan. Sa mga akda nila ay ipinapakita nila kung paano ba dapat mamulat ang mga Pilipino sa modernong panahon kung saan sila ay biktima ng sistemang nag-aalipin sa kanila ng mga mapagsamantalang kapitalista.
 Isa sa mga paboritong gawin ng mga Pilipino ay ang mahiga at manood sa sala ng telebisyon kasama ang kanilang pamilya pagsabit ng tanghali. Karamihan sa mga pinapalabas sa telebisyon ay ang paulit-ulit at ‘generic’ na kwento ng mga telenobela na kahit na halata at prediktado mo na ang mangyayari ay patuloy parin  nilang inaaliw ang sarili nila dito. Ang gawain na ito ay nagpapakita kung paano takasan ng mga Pilipino ang reyalidad sa kanilang buhay. Ang pagliligaw sa mga tao sa katotohanan ay paraan ng mga kapitalista upang maiwaksi ang patuloy na pang-aalipin at pang-bubusabos sa mahihirap na Pilipino. Ang pag-usbong ng mga manunulat mula sa uring anak-pawis ay simula na ng pagmumulat at paggising sa damdamin ng mga Pilipino.
               Isang manunulat na mula sa uring anak-pawis na si Lazaro Francisco ay nagsulat ng kanyang nobelang naghahayag ng reyalidad ng sistemang pyudal. Ang sistemang pyudal ay tumutukoy sa uri ng istruktura ng pamamalakad ng lupain na kung saan ang lupang pag-aari ng panginoon ay ipinapasaka sa mga nasasakupang tauhan na may katungkulang maglingkod at maging tapat sa panginoong may-ari. Si Armando V. Hernandez naman ay lumalaban sa panig ng mga manggagawa, ipinakita ang kagustuhan na mapataas ang dignnidad at palayain ang uring manggagaw. Sa mga natalakay na akda ay ipinapakita rin ang kabusabusan ng uring maralita, ipang imulat sa kanila ang kahinaan at dahilan ng mga pagkakaalipin sa lipunang pinamumunuan lamang ng illan. Marami din na mga manunulat ang nagpapahayag sa pamamagitan ng literature ang kawalan ng hustisya sa mga anak-pawis; ang ilusyon ng demokrasya sa bansa at ang labis na pagsasamantala ng pulitiko at mga kapitalista.
               Sa pamamagitan ng literature, mas natatamo ng mga mambabasang Pilipino ang damdamin nila at nahihikayat  na labanan ang sistemang nagpapahirap sa kanila. Ang himagsik ng mga anak-pawis ay daan upang tuluyang tuldukan ang paghahari ng mga mapagsamantala at mapang-aping kamay ng naghahari sa lipunan. Kung madaaan lamang ang pagkahumaling ng mga Pilipino sa mga nasabing akda imbis na sa mga walang kwentang palabas at iba pang komersiyal na pelikula o babasahin na ang dulot lamang ay ang magbigay ng bulag na pag-asa, siguro ay mas maraming Pilipino ang susulong para sa kaayusan ng lipunan tungo sa mundong walang pang-aalipin ng mga mapagsamantala.
fffff
0 notes
panibagongpananaw · 5 years ago
Text
Aliw: Mabuti at masamang epekto sa mga Pilipino (Si Kristo, si Ronnie, at iba pang Idolo)
Matagal pa man ay tinatangkilik na ng mga Filipino ang iba’t bang uri ng aliw dahil ipinakilala sa atin ito ng mga mananakop. Bilang isang Pilipino, makaka-isip ka agad ng isang uri ng kwento o ‘layout’ ng isang tipikal na pelikulang Pilipino. Halimbawa sa drama: ipinanganak na mahirap si Sarah. Mula pagkabata ay nilalait siya  dahil sa kulay ng kanyang balat at estado sa buhay. Gusgusin kumbaga. Ngunit kabaligtaran ng kanyang pisikal na kalagayan, mabait ang kanyang kalooban. Upang makaahon sa buhay, naging kasambahay si Sarah sa isang pamilyang mayaman. Doon ay nakilala niya ang kontrabida ng buhay niya na si Margarett. Kabaligtaran ng ugali ni Sarah ang ugali ni Margarett: maputi,, mayaman, mahilig magsalita ng wikang Ingles. Wala silang alam na tunay pala silang magkapatid at sa patuloy na pag-aalipin ni Margarett kay Sarah, nalaman nila na ampon lamang pala si Margarett at tunay na anak ng mga mayayaman si Sarah. Tinanggap ng mag-asawa si Sarah sa kanilang buhay habang si Margarett ay naging masaya sa tunay nyang pamilya na hindi gaanong angat sa buhay. Ah, isang tipikal na dramang patok sa mga pinoy. Kung tutuusin, hindi na bago ang ganitong senaryo sa mga manunuod. Kahit na ilang beses na nakapanood ng ganitong palabas ang mga Pilipino ay patuloy pa rin nila itong tinatangkilik. Kumbaga, parang paulit-ulit na lamang nilang kinikiliti ang sarili nila sa isang parehong parte ng katawan nila. Bakit hindi nila subuking tumuklas ng mga palabas na kakaiba sa karaniwang nakikita nila? Mga palabas na tila gagamitin ng kritikal nap ag-iisip upang makuha ang moral ng kwento? Ang sagot diyan ay dahil sa gahum at ‘popular culture’. Ito ang bumibihag sa mga pag-iisip ng mga Pilipino kung kaya’t nakakulong sila sa limitadong pag-iisip.
               Suriin natin ang kwentong inilahad ko sa unang talata. Bakit kinakailangan na dapat ay maitim, mahirap, gusgusin ka upang maging katawa-tawa sa iba? Sino ang nagdidikta sa atin na magbigay ng diskriminasyon ang taong gusgusin, mahirap, at pangit? Ang sagot ay ang gahum. Sino ang nagsasabi sa atin na ‘ideal´ ang mga taong mapuputi, matatangkad, at bihasa sa pagsasalita ng wikang Ingles kung kaya’t todo bigay tayong maging katulad nila? Ang sagot ay gahum. Sino ang nagdidikta sa atin na sa paraan lamang ng mga mayayaman magiging masaya ang ating buhay kung kaya’t ganon na lamang ang katapusan ng kwento kung saan naresolba na ang paghihirap ni Sarah ng siya ay tunay palang anak ng mga mayayaman? Ang sagot ang gahum. Sinasabi sa ideya ni Karl Marx na ang istrakturang panlipunan ay binubuo ng isang base at superstructure. Sinasabi na ang superstructure ang nasa itaas ng base at nakapaloob sa superstructure ang midya, pamilya, aklat, edukasyon, at iba pa. Dito pumapasok ang pagpapakita kung paano ba dapat tayo mag-isip at mamuhay. Sinasabi na dapat daw ay subukin ng mga manunulat na baguhin ang pananaw ng mga tao, ngunit kabilang din sila sa superstructure kung kaya’t biha din ang kanilang kaisipan. Sa kasalukuyang panahon, laganap pa rin ang gahum, pero nagsisimula nang mamulat ang mga mata ng tao kung kaya’t unti-unti na nilang nakikilala ang tunay nilang sarili at makawala sa gahum.
Sa pelikula ngayon, lumalaganap na ang mga palabas na nagbibigay ng bagong depinisyon ng pelikula: malaya sa diskriminasyon, may aral na binibigay ukol sa reyalidad, at hindi nagbibigay ng ‘false hope´ sa mga manunuod. Hindi lang sa pelikula, pati na rin sa mga aklat, edukasyon, at iba pang nakapaloob sa superstructure. Ngunit mapagkakatiwalaan nga ba natin ito na ang mga pagbabagong ito ay tunay na pagbabago o panibagong estratehiya lamang ng gahum?
fff
0 notes
panibagongpananaw · 5 years ago
Text
wastong pagbablog sa cyberspace (blog ang mundo-- ang pagsasalsal at pakikibaka sa internet)
Isa sa mga epektibong instrument ipang maglahad ng impormasyon at sariling opinion ang blog. Malayang makapagsusulat ang isang tao ukol sa kaniyang nais sabihin sa mga kanyang mambabasa. Maaring malaki o kakaunti lamang ang kaniyang mambabasa pero ang importante ay naibahagi niya sa isa o higit pang tao ang nais niyan iparating. At para sa mga mambabasa, mahalaga ang blog sa internet upang makakuha ng impormasyon at maintindihan ang punto na nais sabihin ng manunulat. Kung babanggitin natin ang salitang blog, agad itong nagtatak sa ating isip na ito’y likhang sulatin ng mga intelektuwal at maari natin itong pagkatiwalaan sa pagpili ng posisyon o kredibilidad. Ngunit hindi nililimitahan ang mga tao na lumikha ng isang blog. Paano na lamang kung ang isang taong nagpapanggap na isang intelektuwal ay ginamit ito upang manglinlang ng mga mambabasa at maturing ang pananaw ng mambabasa? Maraming tao ang ginagamit ang blog upang makaimpluwensya ng ibang tao dahil isa itong makapangyarihang instrument.
               Maraming tao ngayon ang gumagamit ng blog upang mag-rant sa mga isyung hindi naman kapaki-pakinabang sa lipunan. Ngunit dahil ang mga tao sa cyberspace ay madaling magpadala sa kanilang emosyon, inuubos nila ang panahon nilang makibaka sa mga  walang kakwenta kwentang talakayan. Ang tao’y mahilig magpuna ng mali kung kaya’t pagaaksayahan nila ng oras ang makipag debate sa ibang tao, kung kaya’t nakakalimutan na nila na hindi na dapat pinagdidiskusyunan ang ganitong bagay pero patuloy lamang sila. Tila ba sa gawain ng iba na ganito ay nawawalan na ng saysay ang pagboblog. Isa pang halimbawa ay ang pagbabahagi ng mga pribadong impormasyon o mga bagay na dapat ay personal na lamang nilang kinikimkim. Dahil dito, lalaganap ito sa karamihan at magdudulot pa ng gulo sa iba. Sa pagbablog, naiisip ng iba na ibahagi na lamang ang mga pribadong impormasyon nila o ng ibang tao kapalit ng kakaunting kasikatan sa internet. Ang gawaing ito ay lubhang napaka-toxic sa internet.
               Kung ikaw ay isang blogger, o nagnanais na magsimulang magblog, siguraduhin mo na ang mga impormasyong ikakakalap mo ay makakatulong sa nakakarami at hindi lamang panglibangan lamang. May Kalayaan tayong magpahayag ng sarili nating opinyon, ngunit siguraduhin lamang natin na may kasiguraduhan tayong nakabalikat na responsibilidad sa bawat ibabahagi nating impormasyon. Maging wais sa iyong blog, kaibigan.
0 notes
panibagongpananaw · 5 years ago
Photo
Tumblr media Tumblr media
Weird flakes but okay, Pedro. 
(blog ukol sa akdang  Edukasyon Para sa Iilan: Bakit Asal Mayaman si Pedrong Maralita ni Bienvenido Lumbera)
 Isang estudyante na lumaki sa hindi magarang pamilya; nag-aral ng elementarya, hayskul, at kolehiyo sa mga pampublikong institusyon dahil sa pampublikong paaralan lamang siya kayang pag-aralin ng kanyang mga magulang. Ngunit natutunan niya na hindi lahat ng mga nag-aaral sa mga pampublikong paaralan ay katulad niyang kapus-palad. Natuklasan niya na marami paring mayayaman o di kaya ay mga nasa mababa o katamtamang estado ng buhay ang nag-aastang mayaman. Bakit nga ba naging ganito ang ugali ng mga Pilipino? Kahit na alam naman natin kung ano lamang ang estado natin sa buhay, pinipilit parin nating magpanggap o isipin na kabilang tayo sa mga mararangyang tao?
 Ang Popular Culture
Isa sa mga nakikita kong dahilan kung bakit nag-aasal mayaman si Pedrong Maralita ay dahil sa ‘popular culture”. Dahil si Pedro ay naging produkto ng ‘globalisasyon’, mahihikayat siyang sumunod sa kung ano ba ang tinatangkilik ng marami. Sa isang akdang nabasa ko, hindi naman para sa masa ang salitang ‘popular culture’. Ito ay termino lamang na ginamit ng mga elitista at mga burgis para magkaroon ng ‘false consciousness’ ang mga tao na lahat ng mga bagay na napapailalim sa kulturang pangmasa ay ang nasusunod ngayon. Kumbaga, tatangkilikin ang mga elitista dahil ipinamuka nila sa masa na ang pangsarili nilang kultura ang siyang tinitingala at ideyal na pamumuhay. Hindi naman ito pwersahang ipinilit na ipamuka sa masa, dahil may kinalaman ang kulturang pangmasa sa gahum: ito ay ang pagiging dominante ng isang grupo at pagkokontrol sa mga nasasailalim sa paraang hindi ginagamitan ng dahas o pwersa, ito ay ang pag manipula ng mga ‘ruling class’ sa pinapahalagahang bagay ng mga tao kung kaya’t nagiging ideyal sa masa na kultura ang anumang kultura ang meron sila.
 Ang Tatsulok
Nang dahil sa mga pagbuo ng ideyang pamumuhay, nabuo na ang estrakturang tatsulok. Ito ay kung saan sa pinakatuktok ay nakaluklok ang mga namumuno o mga ‘elite´at nasa pinaka baba naman ang mga ‘marginalized people’. Kung anong merong pamumuhay o kultura ang meron sa tuktok, iyon ang gagawin nilang basehan sa pamumuhay. Kung saan susubukan nilang makawala sa laylayanan at abutin ang tuktok. Ang dapat nga diyan ay magalit at tuligsain ng mga nasa ibaba ang nasa tuktok. Pero dahil sa gahum, nabigyan ng pagkakataon na matikman ng mga mahihirap ang lasa ng pamumuhay sa tuktok. At sa kaunting tikim na iyon ay nag-aasal mayaman na rin sila kung kaya’t nagkakaroon sila ng ‘false consciousness’      na umaangat sila sa laylayan kahit hindi naman. Ang resulta nito ay ang pagkukumpara at pagmamaliit nila sa kapwa nilang nasa ibaba ng tatsulok upang masabing mas mataas sila sa kanila.
 Nakakalungkot isipin na dahil sa pagmamanipula ng mga elitista sa kung ano ba ang ‘dapat’ tangkilikin ng masa, nababago na ang pananaw ng mga tao sa kung ano ng aba ang mas totoo. Sana ay mamulat tayo na hindi lahat ng mga bagay na ginagawa ng mga elitista ay siya ‘ring sundin natin. Wasakin natin ang estrakturang tatsulok dahil lahat tayo ay sama sama at magkapantay-pantay lamang.
0 notes
panibagongpananaw · 5 years ago
Photo
Tumblr media Tumblr media Tumblr media Tumblr media
Edukasyong Kolonyal: Sanhi at Bunga ng Mahabang Pagkakaalipin
Ng at nang.
Pinto at pintuan.
Subukin at subukan.
Pahirin at pahiran.
Rin, raw, daw, at din.
Naiisip mo ba ang bawat isang salita sa bawat hanay ay magkakapareho lamang ng gamit? Kung sa tingin mo ay oo, pwes, marahil ay nakakalimutan mo na ang wastong paggamit ng mga salita sa wikang Filipino. Kung mas alam mo ang depinisyon at wastong paggamit ng mga salitang flex, finesse, lowkey, at minsan ay mas maalam ka pa sa salitang ekspresyon ng mga ibang banyagang lenggwahe gaya ng eottoke? jeongmal? O di kaya ay sinasabi mo ang itadakimasu kahit na hindi ka naman isinilang sa lugar ng cherry blossom at hindi naman ito tradisyon nating mga Pilipino na sabihin bago kumain? Huwag ka sanang magalit  sa akin kung isa ka sa mga binabanggit ko dahil ako rin ay dating ganito. Sundan natin ang naging ugat kung bakit nga ba naging kolonyal na ang pag-iisip ng mga Piilipino ngayon.
Sa isang akda na isinulat ni Bienvenido Lumbera na pinamagatang “Edukasyong Kolonyal: Sanhi at Bunga ng Mahabang Pagkakaalipin”, tinalakay rito ang kasaysayan ng pagkabihag ng Pilipinas at ang epekto ng impluwensya ng kolonyalisasyon sa bansa, lalong lalo na sa edukasyon. Isinasaad sa akda ni Lumbero na ang edukasyon noon sa Pilipinas ay napapapasailalim lamang ng makasariling hangarin ng mga Amerikano. Dahil mas makapangyarihan sila noon, wala tayong nagawa kundi ang hayaan nalang ang mga Pilipino na mapasailalim dito. Hanggang sa nakatatak na sa kamalayan ng mga Pilipino na ang edukasyong ipinakilala ng mga Amerikano ay ang siyang tunay at totoong edukasyon. Pero kung tutuusin, ano nga ba itong pag-iisip ng mga Pilipino na sanhi ng edukasyong kolonyal?
Naalala mo ba nung bata ka? Sinabi sa’yo ng mga magulang mo na mag-aral ka ng mabuti, para makapagtapos ka, at makapag trabaho sa mga sikat na kumpanya o di kaya ay magtrabaho ka sa ibang bansa upang madala mo sila doon at kumita ng malaking pera? Subukan mong suriin ang pag-iisip na ito at itanong sa iyong isipan: bakit nga ba ako nag-aaral? Para makapagtrabaho? Para kumita ng malaking pera? Para makapunta o magtrabaho sa ibang bansa? Nasaan na ang salitang ‘Pilipinas’ sa mga balak mo? Gusto mo’ng mag-aral ng husto para makaalis sa Pilipinas dahil nakasaad sa iyong pag-iisip na mas higit ang pamumuhay sa ibang bansa. Naging produkto ka na ng edukasyong kolonyal na nag-aaral lamang para sa sariling kapakanan o di kaya ay produkto ng industriya. Bumaba na ang tingin mo sa Pilipinas at tinitingala mo na ngayon ang sa tingin mo ang naghahari sa lahat: ang mga Amerikano.
Sa ngayon, patunayan mo sa sarili mo--at sa komunidad mo-- na hindi ka lamang isang hamak na produkto ng Globalisasyon. Huwag mong kalimutan ang bansang kinalakihan mo dahil may utang na loob ka pa rin dito. Hindi naman masama ang pagtangkilik sa mga banyaga, basta huwag mo lamang kalimutan na may bansa kang kinalakihan na may sariling wika, kultura, pagkakakilanlan, at malayang pag-iisip na kayang pumiglas sa pagkontrol ng iba.
Masayang tangkilikin ang mga banyagang wika dahil nakilala natin ito nang mas mabilis at epektibo ang globalisasyon sa atin. Wala naman masama sa pagtangkilik ng mga wikang ng mga banyaga, ngunit huwag natin kalimutan ang lenggwahe na humalik sa ating mga labi mula pagkasilang at nagbigay sa atin ng pagkakilanlan.
0 notes
panibagongpananaw · 6 years ago
Photo
Tumblr media Tumblr media Tumblr media Tumblr media
Misedukado ka din ba?
Ang sarap sigurong pakinggan kapag narinig mo na ang isang estudyante ay nakatungtong sa kolehiyo kung saan wala siyang binabayarang tuition fee. Dagdag mo pa na lumabas sa mga pagtatala na ang mga nakapagtapos sa kolehiyong pinasukan niya ay ang numero-unong tinatanggap ng karamihang kumpanya para magtrabaho. Mag-aaral, magtitiis sa kakulangan ng pasilidad, makakapagtapos, at—sa wakas—makakatapak na siya sa kumpanyang nais niyang pasukan bilang isang call center agent. Hindi naman sa minamaliit ko ang trabaho ng mga call center agents, hanga ako sa kanilang kasipagaan, haba ng pasensya, at serbisyong kanilang ipinapakita (nirerespeto ko ng husto ang kanilang trabaho). Pero kung susuriin natin, bakit nga ba ganito mag-isip ang mga Pilipino? Napaka praktikal natin pagdating sa pag-iisip kung bakit nga ba tayo nag-aaral. Bakit nga ba patok na patok sa atin ang mga kursong may malaking espesyalidad sa matematika at agham? Bakit napakababa ng tingin natin kung ang mga programa ay may kinalaman tungkol sa lipunan? Sa sining? Sa musika? Paano na lamang kung naiipit tayo sa pagpili kung kukunin ba natin ang kursong mas sanay tayo at pangarap na natin mula bata ngunit hindi kilala sa lipunan at tinatangkilik ng karamihan, o ang maging inhinyero, doktor, o ano pa man na kahit na hindi gaano hasa ang kakayahan at kaalaman ay papasukin dahil alam natin na matataas ang sahod at tinatangkilik ang mga propesyon na ito? Balikan natin ang ugat ng dahilan kung bakit masasabi natin na karamihan sa mga Pilipino ay miseducated.
Balikan natin ang mga panahon kung saan sinakop tayo ng mga Amerikano at ginamit ang sistemang pang-edukasyon bilang ‘legacy’ sa ating bayan. Ang hangarin ng mga Amerikano noong panahon na iyon ay magkaroon ng mapaunlad ang demokratikong pag-iisip at pamumuhay natin: magkaroon ng mabuting mamamayan, at magkaroon ng karapatan at responsibilidad ang mga tao. Ngunit kung iisipin natin, paano tayo magkakaroon ng mga mabubuting mamayanan na mulat ang kaisipan  at may responsibilidad sa bayan kung ang mga asignaturang handog lamang nila ay magpoprodus lamang ng mga mag-aaral na magtatrabaho sa industriya? Paano mo masasabi na ang isang estudyante, paglaki, ay magiging mulat sa kanyang paligid at mapaunlad ang demokratikong pag-iisip kung ang tanging kaya niya lang gawin ay magtahi, magpanadero, o ano pa mang trabaho sa industriya? Dahil dito lamang nakapokus ang mga Amerikano noon: magprodus ng mga mag-aaral na magbibigay ng malaking kontribyusyon sa industriya upang lumago ang ekonomiya ng bansa. Kung iisipin, hindi pa noon nakatutulong ang edukasyon sa pagmulat ng isip ng mga Pilipino sa kadahilanan na may personal na agenda ang mga Amerikano noon.
Kung maihahalintulad natin sa panahon ngayon, maraming Pilipino pa rin ang nagro-romanticise—ikaw nga— sa mga trabaho sa industriya dahil ito ang naging epekto sa pagbibigay ng lubos na tuos-pansin ng mga Amerikano noon sa mga trabaho sa industriya lalo na’t nagbibigay din sila ng mga benepisyo noon sa mga mag-aaral na mahusay sa pag-aaral at pagsasalita ng wikang Ingles. Ang mga Pilipino, dahil sa hirap na rin ng pamumuhay at bilang ‘pasasalamat’ sa mga Amerikano noon, pumapayag na lamang sila na ipasok ang kanilang mga anak sa mundo ng pagtatrabaho sa industriya. Hanggang sa ito ay maitanim at maipasa na sa mga sumunod na henerasyon. Nagkaroon na tayo ng maling tingin sa tunay na adhikain ng edukasyon. Nawalan na tayo ng kalayaan na pumili ayon sa gusto natin at isantabi na lamang ito dahil kinakailangan natin na maipalago ang ekonomiya ng bansa. Masasabi na natin na tayo ay mga misedukadong tao dahil ang tanging tingin nalang natin sa pag-aaral ay pagpasok sa industriya. Nakakalungkot man isipin, pero kahit na may mga pinapangarap tayong mas malalalim na bagay na pag-aralan at pagdiskusyonan sa ibang tao, kailangan na muna natin ito isangtabi upang matupad din ang pangarap ng ating mga magulang at ng bansa.
Ayon nga sa kasabihan, “bigyan mo ng isda ang isang tao, at mabubusog siya ng isang araw. Pero turuan mo siyang mangisda, at mabubusog siya ng habambuhay”. Masasabi natin na ang mga Amerikano nga ang nagturo sa atin kung pano mangisda, pero sila parin ang makikinabang sa mga isdang nahuli natin.
0 notes