Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Kauna-unahang Karanasan sa Isang Malamig na Pasyalan
Ang Baguio ay isang lugar na kadalasang binibisita ng mga turista sapagkat ito ay nagtataglay ng kakaibang mga tanawin at natatanging temperatura na hindi mo aasahan sa isang bansa na malapit sa ekwador. Isa ito sa mga lugar na tumatak sa aking isipan kung saan lalong nagpanabik sa aking kuryusidad sa lugar na ito. Hindi ko akalaing ang pagbisita dito ay naghudyat sa akin ng interes sa mga tanawin at mga bagong karanasan.

Sanggunian ng Litrato: https://www.klook.com/city/365498-baguio-things-to-do/
Matagal-tagal ang biyahe patungo sa Baguio, pero sulit naman dahil sa mga tanawin na iyong madadaanan papunta dito. Pagdating sa Baguio, tumuloy kami sa isang hotel na tinatawag na "La Presca Hotel." Pagkayari ng kaunti pang pahinga, naglakad-lakad kami sa paligid. Napakalawak nito, at ramdam mo ang sobrang lamig. Mayroong bahagi rito kung saan matarik ang daanan na naging isang pagsubok sa amin, ngunit sa kabila ng mga ito, nagawa naming makaakyat sa taas at nasaksihan namin ang mga tanawin. Pagkatapos nito, nagpahinga kami upang ihanda ang aming sarili para sa kinabukasan.

Sanggunian ng Litrato: https://www.lodging-world.com/rp/hotels/la-presca-hotel-in-baguio-98904170
Isang sikat na atraksyon sa Baguio ay ang Burnham Park. Madaming mga turista ang nagpupunta dito upang maranasan ang mga aktibidad sa lugar na ito, at isa ako sa mga taong nakaranas nito. Marami kang pwedeng gawin pagpunta sa parke na ito kaya hindi ka maiinip. Sinubukan ko ang kart ride, kung saan ako ay sobrang natuwa. Maraming tao sa parke na ito kaya medyo masikip ang daanan. Pagkatapos nito, sumakay kami sa kayak. Medyo nakakatakot sa una, ngunit masasanay ka rin. Nagtagal kami dito at ang pagpunta ko dito ay nagpakalma sa aking isipan dahil napakatahimik, at maririnig mo lang ang tunog ng tubig kahit na maraming tao sa paligid.

Sanggunian ng Litrato:https://hiketomountains.com/burnham-park/
Kinabukasan, nagpunta kami sa isang lugar na sa kasamaang palad ay nalimutan ko ang pangalan, ngunit hindi ko makakalimutan ang tanawin na aking nasaksihan pagpunta doon. Tumayo kami sa isang matarik na dalisdis, na nakakalula dahil napakataas nito. Sumakay rin kami sa kabayo, na lalong nagpangamba sa akin dahil maaari kang mahulog dito. Sa aking pagsakay sa kabayo ay may halong kaba at takot, ngunit nagtagal ako at nasanay at nagsaya sa aking naranasan.

Madami pa akong hindi napuntahan subalit ako ay sobrang nasaya. Hindi ko talaga makakalimutan ang araw na pumunta kami sa Baguio. Sa pag-uwi namin, bumisita pa kami sa palengke para bumili ng mga pasalubong at souvenir. Sinubukan din namin ang taho na may strawberry na sangkap. Isa ito sa mga alaala na hindi ko malilimutan at patuloy kong pahahalagahan ang mga karanasan ko sa Baguio.
1 note
·
View note