Tumgik
morbidspecter · 8 years
Text
Huling Lamay
Tumblr media
Hindi na siguro nakakagulat na may mga posibleng paranormal activities sa lamay. Siyempre, pwedeng ang kaluluwa ng namatay ay maaaring nariyan pa sa paligid, lalo na yung mga hindi pa handang mawala sa mundong ito. Ang kwento pong ito ay isa na naman sa mga karanasan ko. Katulad ng pamagat, ito po ay nangyari nung huling lamay ng kumpadre nina daddy na si kuya Edmundo, Mundo for short.
Bata pa lamang po ako ay kilala na namin si kuya Mundo, dati po kasi syang truck driver sa logistics company ni tito. Ang mommy, daddy at kuya ko po ay nagtatrabaho din sa company nina tita kaya colleagues po sila ni kuya Mundo. Ito pong si kuya Mundo ay likas na palabiro at maharot, madalas po nya akong panggigilan nung bata pa ako—matuwain sa bata, kumbaga.
Ang kasama ko po nung gabi ng huling lamay ni kuya Mundo ay ang mister ko, si ate at bayaw, si kuya atsaka si mommy. Marami na pong tao nang makarating kami sa bahay nina kuya Mundo, naroon ang mga co-drivers at helpers at ilan pang mga kamag-anak niya. Pumwesto lang kami sa table na nakalaan sa labas ng bahay nila na mga ilang hakbang lang ang layo sa pintuan. Sa likod naman ng kinauupuan namin ay isang malaking puno ng mangga. Hindi muna kami sumilip sa kabaong nung dumating kami, tamang kwentuhan na lang muna at kainan. Si bayaw naman ay nakipag-bonding na muna sa mga drivers at helpers kasi dati ring naging helper/driver si bayaw sa company ni tito.
Siguro mga isang oras o mahigit na ang lumipas, medyo hindi na ako mapakali sa kinauupuan ko. Sabi ko sa mister ko, “Pa, parang ang lamig?” Tiningnan lang nya ako tsaka hinimas ang likod ko sabay sabi ng, “di ka kasi nagdala ng jacket.” Oh di ba, nasisi pa ako? Sinuklian ko ng pairap na tingin ang asawa ko na may halong ngiti, napaka-typical kasi na ganun nga ang sasabihin nya, knowing him. Ginala-gala ko ang mata ko sa paligid habang hinihimas ang mga braso ko para mawala ang lamig na nararamdaman ko nang may maaninag ako sa table ng mga drivers at helpers. “Damn…” napasambit na lang ako sa isipan ko. Paano ba naman kasi, naaninag ko si kuya Mundo na nakikisalamuha sa mga dati nyang katrabaho. Bumalik na lang ako ng tingin sa mister ko at napagpasyahang ‘wag na lang sabihin kung ano yung nakita ko.
Maya-maya pa ay bumalik na si bayaw sa table namin. Halos yung mga naririnig kong kwentuhan namin sa table ay lumalabas lang sa kabilang tainga ko, kumbaga hindi ko naa-absorb yung mga information kasi iba na yung pakiramdam ko. Then, siguro mga wala pang limang minuto ang nakakalipas, nangilabot na ako. Nagtayuan mga balahibo ko sa batok at mga braso. “Juice colored, iba na ito…” sabi ko na lang sa sarili ko nang himasin kong muli ang mga braso ko. This time po, tinaas ko na ung mga braso ko para makita ko yung pagkawala ng pananayo ng balahibo ko… kaso may napansin na po akong kakaiba sa kaliwang braso ko. May marka na po ito ng apat na daliri na parang nakahawak dito.
“Halaaaaa… halaaaa…” yun na lang yung nasabi ko habang tinitingnan ko yung braso ko.
“Bakit?” sya namang tanong ng kuya ko.
“May bakat ng kamay yung braso ko, wala naman ito kanina.” ang sagot ko. Imposible namang gawin ko sa sarili ko yun, himas lang naman ang ginawa ko kasi nga giniginaw na ako sa lamig ng gabi.
Tumblr media
Agad na hinablot nina ate yung braso ko at pinagmasdang maigi yung marka. Kung napanuod nyo po yung English version ng The Ring movie kung saan napanaginipan nung bida si Samara na hinawakan sya sa braso at may naiwang marka pagkagising nya, yun, ganun na ganun po yung nasa braso ko nung mga oras na yun. Akala ko sa mga pelikula lang nangyayari yun, posible po pala talagang mangyari yun sa totoong buhay at heto nga’t naranasan ko na.
Nanlaki ang mga mata ni ate sabay sabi ng, “hala, oo nga!” tsaka nya naman inilapat mga daliri nya sa marka na nasa braso ko. “Para kang hinawakan oh, apat na daliri pa talaga,” dagdag pa ni ate. Sina kuya at bayaw maging ang mister ko ay nahiwagaan sa nakita nila.
“Nakaw, na-miss ka siguro ni kuya Mundo mo at ayan, nanggigil na naman sa iyo. Bago tayo umuwi, silipin mo na muna sya at humingi ng pasensya kung bakit ngayon lang tayo nakadalaw.” saad naman ni mommy. Gusto kong sang-ayunan si mommy dahil, malamang nga si kuya Mundo ang may gawa nun. Madalas po kasi nya akong pisil-pisilin sa braso noong bata pa ako kapag nanggigigil sya. Kalaunan ay unti-unti ring nag-fade yung marka ng mga daliri sa braso ko.
Siguro mga 30 minutes pa ang hinintay namin matapos yung braso incident bago kami nagpaalam sa family ni kuya Mundo. Pero syempre, kahit medyo kinikilabutan pa rin sa nangyari ay lakas-loob akong sumilip sa kanya bago sya ihatid at pabulong na humingi ng pasensya na at hindi kami agad nakadalaw sa kanya. Busy rin kasi kami sa mga trabaho kaya naman hindi namin nagawang bumisita nung weekdays.
Sa daan namin pauwi, naging topic namin yung marka ng hawak sa braso ko. Nai-open ko rin sa kanila na bago ko makita yung marka sa braso ko ay naaninag ko ang pigura ni kuya Mundo na nakikihalubilo sa mga drivers at helpers. Medyo nagulat pa si bayaw nun kasi kasama sya dun sa table ng mga drivers nung naaninag ko yung pigura. Baka daw hindi maiwasang hindi makipag-bonding ni kuya Mundo sa mga ito sapagkat talagang likas nang magiliw at masayahin si kuya.
Hanggang dito na lang po muna. Rest in peace po kuya Mundo, for sure nagse-session na kayo ng inuman ni daddy kung nasaan man po kayo. Maraming salamat po!
— Morbid Specter
0 notes
morbidspecter · 16 years
Text
‘Wag Kang Maharot
Tumblr media
Magandang araw po sa inyong lahat. Ito pong ibabahagi kong kwento ay isa lamang sa mga naging karanasan ko nitong nasa kolehiyo ako. Nangyari lamang po ito kaninang madaling-araw, kasagsagan ng kaadikan ko sa pagpupuyat, pakikipag-chat sa mga online friends ko sa deviantART, at iba pa.
Obviously, bakasyon po ngayon. At tuwing may bakasyon, mapa-summer or sem break man, nakaugalian na ng pamilya ng ate ko na dito magbakasyon sa family home namin sa Cavite. Kaya naman ay maingay na naman ang bahay dahil andito ang dalawa kong poging mga pamangkin, isang four-year-old at isang magtu-two years old. Kasama rin nya ang pinsan namin sa father side na si kuya JR na syang kinuha ni ate bilang nanny ng mga bata.
As usual, kapag kami pong magpipinsan ay nag-bonding, number one topic namin ay mga kwentong katatakutan lalo na yung mga personal experiences namin. Nasa lahi na rin po kasi namin ang mga may third eye kaya naman ramdam namin ang isa’t isa. Lahat kami ay siksikan sa second floor gawa nga nang may kwentuhan pang ganap bago kami magsipagtulog—or sila pala kasi may internet life pa ako pagkatapos.
Mga around 12 midnight na rin nang matapos ang kwentuhan namin dahil dinadalaw na ng antok si ate, kaya naman nauna na silang matulog sa akin. Sa sahig lang nakahiga sina ate, pero meron namang kutson para komportable pa rin sila kahit paano. Since nasa tabi lang naman ng kama ko ang desktop ko, agad na rin naman akong pumwesto doon para makipag-chat sa kung sino pang gising sa mga kilala kong pinoy artists. Ang usual setup ko kapag naka-internet mode na ako, may nakasalpak na headphones sa tenga ko at nagpapatugtog ng mga rock songs—pampatanggal bagot at antok na rin.
Madalas ko pong nalilimutan ang oras sa tuwing tutok na ako sa desktop. Sino ba naman kasi ang makakaalala kung may mga kausap kang baliw na puro kalokohan ang alam? Nasa kalagitnaan ako ng playlist ko ng bandang Incubus—Drive na yung tumutugtog na isa sa mga favorite kong songs nila. Maya-maya pa, may napansin na akong kakaiba sa kanta ng Incubus. Nung una ay hindi ko pinapansin kasi baka guni-guni ko lang yun, pero umulit pa ulit… isang matining na “hihihihihihi!” at pahalakhak ito. Maliit lang yung boses na animo’y bata. Kahit na medyo madilim sa kwarto, agad akong napalingon sa kinahihigaan nina ate at chineck kung may gising pa sa kanila. Pero lahat halos sila ay mga naghihilik na.
“Parang wala naman akong maalala na may ganun sa kantang Drive…” sabi ko sa isip ko. Bigla akong napabalik ng tingin sa desktop ko at nakita ang oras, 3:00 na ng umaga. “Ahh… kaya pala,” sa pagkakataong ito, alam ko na. Pero masyado akong busy sa pakikipagchikahan kaya dinedma ko lang yung narinig ko sa headphone ko. Isa pa, ako na lang naman na ang gising sa buong bahay, tatakutin ko pa ba ang sarili ko?
Makalipas ang ilang sandali, natapos na rin ang kantang Drive at sinundan ito ng A Certain Shade of Green, isa sa maingay na kanta ng Incubus. Wala pang sampung segundo na tumutugtog ang kanta ay narinig ko na naman ang halakhak. This time, inalis ko na ung isang ear muff sa kanang tainga ko kasi dito ko naririning yung halakhak. Hindi ko talaga ito binibigyang pansin, hanggang sa narinig ko na naman ito… at sa pang-apat na beses na ito, malapit na yung halakhak. Nasa likurang bahagi na ng tainga ko ito naririnig, dun sa tinanggalan ko ng ear muff. Nagtayuan na po ang mga balahibo ko sa batok at nangapal na rin ang pakiramdam ng mukha ko.
Idinaan ko lang ito sa pag-inhale at pag-exhale… so suma-total, dinedma ko pa rin talaga. Ngunit yung sumunod na nangyari ang hindi ko na napalagpas. Matapos kong dedmahin ang pang-apat na halakhak, bigla nang may gumalaw sa dulo ng buhok ko na nakatali pataas. Yung tipong pag-twirl mo ng buhok mo gamit ang hintuturo? Ganun po ang naramdaman ko. Agad kong inalis ang headphone sa ulo ko atsaka lumingon sa likuran ko at baka may nakaupo sa kama ko—pero walang tao.
“Hay naku… wag ka pong maharot at papansin, wala akong oras.” ang siyang naiinis kong nasambit matapos kong makapag-inhale-exhale muli. Para po akong tanga nung mga oras na yun, kausap ang sarili sa dilim. Inilibot ko pa ang mata ko sa kadiliman para i-check at baka may makita akong aninong nakatayo sa kung saang parte ng kwarto, pero wala naman po akong naaninag. Matapos nun ay muli na rin akong bumalik sa pakikipag-chat at natulog na rin ng 4:00 ng umaga.
Kung sinuman po ang nilalang na nang-trip sa akin nung mga oras na yun, siguro nakulitan na sa pangdededma ko sa halakhak nya kaya namisikal na para mapansin. Sa totoo lang po, okay lang na may naririnig ako or nakikitang kakaiba na hindi normal, pero ibang usapan na po kapag may pisikalan kagaya nitong nangyari sa akin. Medyo nakakatakot rin kahit paano kasi ibig sabihin, kaya ka nilang saktan kung gugustuhin nila.
— Morbid Specter
0 notes
morbidspecter · 17 years
Text
Attention!
This blog is a collection of personal horror and/or creepy encounters from me; Morbid Specter, my sister, and some of our relatives. Some of these encounters may be a bit bizarre to the faint-hearts, so we kindly ask for respect. We know that some people don’t believe in paranormal activities, but please sit back and enjoy if you wish to read the blog.
Majority of the posts here are in Tagalog/Filipino language, so our target audience are fellow Filipinos. But if you want to share your experiences to us, you can do so too! It’s up to you if you want your story to be in English or Filipino language, as long as the content is understandable.
For more information about Morbid Specter, kindly please check out the guidelines. And that’s it! Have fun and enjoy!
0 notes
morbidspecter · 18 years
Text
SV Building Toilet
Tumblr media
Maraming nang nagsasabi na kadalasan, ang mga old universities ay may history ng paranormal activities sa kadahilanang ilang giyera o unos na ang napagdaanan ng mga ito. Isa na siguro dito ang Adamson University.
Isa po akong freshman Architecture student sa Adamson University at ang main building po namin ay sa CS (Cardinal Santos) Building. Dito kami madalas magklase lalo na kapag major subjects. Pero bukod pa sa building na ito, tumatawid din kami sa SV (Saint Vincent) at ST (Saint Theresa) Buildings para sa ibang minor subjects gaya ng English at P.E. Kung hindi po ako nagkakamali, ang SV building ang pinakalumang gusali ng Adamson. Sa katunayan nga po ay nasilayan nito ang World War II.
Tumblr media
SV Building, Adamson University 1945 photo of war-ravaged Saint Vincent building along San Marcelino St., Ermita, Manila. In the foreground is the Estero de Balete where the bodies of some Vincentian priests and brothers were dumped after being bayoneted and machine-gunned by the Japanese. At extreme left is the front of St. Vincent de Paul Church, also damaged by shelling.
Ang last subject namin tuwing Friday ay P.E. Karamihan sa mga kaklase ko ay bagot na tuwing hapon at atat na atat nang makauwi, kasi nga naman it's T.G.I.F. Ang Adamson nga po pala ay hindi katulad ng ibang universities na allowed kang pumasok nang naka-P.E. uniform kasi considered pa rin naman ito as uniform. Sa amin, kahit sangkaterba na ang bitbit mong T-Square, tracing tube at drawing board ay hindi ka pwedeng pumasok ng naka-P.E., kaya dagdag bitbitin pa namin ang P.E. uniform at rubber shoes. Ang hassle noh? Hahahah.
Anyway, bago magsimula ang P.E. subject namin, ang iba kong mga kaklase ay nagpalit na ng kani-kanilang P.E. uniforms sa CS building. Yung iba naman, kasama ako, ay nag-desisyong sa SV building na lang magbihis. Pasado alas-cuatro na ng hapon nun kaya madaling-madali na kami ng mga kaklase kong babae at baka masermunan na naman kami ng P.E. professor namin sa pagiging late.
Sa second floor ng SV building kami dumiretso at tinungo ang CR ng mga babae. Pagpasok pa lang namin ay medyo marami nang tao gawa nang may mga iba pang students from different departments ang nandoon. So ako, nagpaalam sa mga kasamahan ko na sa CR ng third floor na lang kako ako magbibihis at need na namin mag-double time. Kita-kits na lang sa SV grounds after makapagbihis.
Sa dinami-dami ng CR sa Adamson, mas pinili ko na lang na umakyat sa third floor ng SV building, tutal yun naman ang pinakamalapit. Pero ito marahil ang isang pagkakamaling hindi ko malilimutan sa university life ko. Ano ba naman kasi ang malay ng isang freshman na tulad ko? First time kong gumamit ng CR sa third floor, at ayon sa mga naririnig-rinig ko, bibihira lang daw ang nagsi-CR sa third floor lalo na kapag hapon at palapit na ang takip-silim. Pero this time, nawala sa isip ko ang bali-balita na iyon dahil ang nasa isip ko ay dapat na akong makapag-palit ng uniform, otherwise sermon na naman abutin ng buong block namin.
Pagpasok ko sa CR ay medyo natuwa pa ako dahil walang tao, solo ko ang buong CR kaya no need pumila. Sa sobrang excited kong magbihis, dumiretso na agad ako sa gitnang cubicle at nagpalit ng damit. Then, naupo ako sa toilet at nagsimulang maghubad ng school shoes ko. Sa di ko maipaliwanag na dahilan, tila bang biglang bumigat yung pakiramdam ko na nung una ay ang saya pa ng aura.
Hindi ko iyon pinansin at nagkibit-balikat na lang. Busy-busyhan ang drama ko sa pagbibihis. After kong makapaghubad ng school shoes, agad kong inilabas mula sa paper bag ko ang aking rubber shoes, at saka ko naman inilagay dito ang school shoes. At dahil nga sa ako lang mag-isa sa CR, sobrang balot na balot ako ng nakakabinging katahimikan. Sarili ko na lang ang gumagawa ng ingay sa loob ng maliit na cubicle.
Maya-maya pa ay nakarinig na ako ng yabag ng paa. "Ay salamat, may kasama na ako sa CR..." ang nasambit ko sa aking sarili. Agad kong sinuot ang rubber shoes ko sa magkabilang paa sa kamamadali at yumuko para maisintas ang mga ito. Yung yabag na naririnig ko ay parang mabigat at pakaladkad, as if may hinihila itong mabigat na hindi ko mawari.
Habang nasa kalagitnaan ako ng pagsisintas ng sapatos, bigla na lang nangapal ang pakiramdam ko sa mukha, maging ang mga balahibo ko sa braso ay nagtayuan na. Parang hindi na kako maganda yung feeling na yun... then yung yabag, palapit na nang palapit sa cubicle ko. Dahan-dahan akong umalis sa pagkakayuko at dumiretso ng upo sa toilet habang ang mga mata ko naman ay nakatutok sa siwang ng pinutan ng cubicle nang hindi kumukurap.
Ang mga kamay ko naman ay automatic na inabot ang mga pinagbihisan ko nang dahan-dahan at saka inilagay sa loob ng bag ko nang hindi inaalis ang tingin sa siwang ng cubicle. Hanggang sa... ang yabag na papalapit sa akin ay huminto mismo sa tapat ng cubicle ko. Meron akong naaaninag na anino mula sa view ko, at mula doon ay dahan-dahan akong sumandal sa toilet para masilip ng kaunti yung aninong naaaninag ko.
Another pagkakamaling hindi ko na rin dapat ginawa... isang pares ng paa na nakaharap sa cubicle ko ang bumungad sa akin. Mga paang nakasuot ng lumang army shoes na puno ng putik. Agad akong napabalikwas sa toilet sa aking nakita. Bakit kako may naka-army shoes na luma at putikan pa, e wala namang nag-a-ROTC sa building? At saka bakit puro putik? E hindi naman umuulan or malupa sa school? Dun ko na na-realize na malamang ay hindi tao yung nakatayo sa harap ng cubicle ko. Sa sobrang excited ko makapagbihis at makabalik sa grounds ay hindi agad nag-sink in sa akin yung mga nangyayari.
Hindi muna ako kumilos ng mga oras na iyon at nakiramdam sa paligid, nagdadasal na sana ay may pumasok nang mga estudyante sa naturang CR. Matapos ang ilang sandali, nakarinig na ako ng ingay mula sa labas ng CR, boses ito ng mga babae. Tapos, may pumasok din sa loob ng CR at saka nagwika ng, "Girl? Andito ka ba?" Boses iyon ng kaklase kong itago na lang natin sa pangalang Angel.
Walang sabi-sabi kong binuksan ang pintuan ng cubicle at nakita ang kaklase ko sa loob ng CR. Agad akong nakahinga ng maluwang, subalit sya namang ikinataka ni Angel nang makita nya ang itsura ko. "Okay ka lang, girl? Bakit ang putla mo?" ang syang tanong nya.
Sinagot ko iyon ng isang flustered na ngiti at nagsabing, "Medyo nahilo lang sa pagsisintas. Tara na at baka pagalitan na tayo ni prof." at aya ko naman sa kanya.
"Di ka man lang ba magsusuklay, teh?" tanong pa nya habang nakasunod sa akin palabas ng CR.
"Dun na lang sa court, di naman bawal magsuklay dun." sagot ko naman. Basta ang nasa isip ko na lang nun ay ang makaalis na sa CR na yun sa third floor. Pinili ko na ring hindi sabihin sa kanila kung ano ang nangyari sa akin sa CR. Ayoko rin naman maging cause ng panic at takot sa mga kaklase ko. Ito marahil ang dahilan kung bakit bibihira na lang ang mga nagsi-CR sa third floor ng SV building tuwing papalapit na ang oras ng dapit-hapon. Wala rin naman akong narinig sa mga chismis kung ano o sino ang nagpapakita sa CR, na-sampolan po yata ako ng mga katagang see for yourself.
Hanggang dito na lang po muna, abangan po natin ang susunod na kwento. Maraming salamat po!
— Morbid Specter
0 notes