mgatulanijosecorazonjesus
Mga Tula ni Jose Corazon De Jesus
7 posts
Don't wanna be here? Send us removal request.
mgatulanijosecorazonjesus · 4 years ago
Text
Sintesis - Group 3
Tumblr media
     Ang blog na ito ay isang koleksyon ng  mga pagsusuri ng mga tula ni Jose Corazon de Jesus na aming natalakay sa LIT110-B15. Ang mga tula na binigyang pagsusuri ay ang mga sumusunod; “Manggagawa”,  “Puso, Ano ka?”, “Isang Punong Kahoy”, “Pag-ibig”, “Ang Tren” at “Ang Buhay ng Tao”.
     Marami leksyon at kaalaman ang maaring mapulot sa mga tula ni Jose Corazon de Jesus. Kada tula nya ay may mga magagandang kaisipan na tumatakay sa paksa at mga imaheng nabubuo sa mga imahinasyon ng mambabasa.Marami kaming natutunan sa mga tula ni Jose Corazon de Jesus.
     Sa tulang “Manggagawa”, tinatalakay dito ang kadikalaan ng ating mga mangagawa at ano ang importansya nila sa ating bansa at ekonomiya. Ang tulang ito ay nagpapakita ng kasipagan at tiyaga ng ating mga manggagawa at ang ating lulugaran pag nawala sila.
     Sa tulang “Puso, Ano ka?”, ang ating puso ay ikinompara ni Jose Corazon de Jesus sa tatlong bagay; kampana, orasan at ostya. Ang natutunan namin sa tulang ito ay kung paano ang puso kaya magtiis ng hirap, maglabas ng damdamin, at masanay sa kalungkutan at sakit.
     Sa tulang “Isang Punong Kahoy”, ang buhay ng tao ay may simula at kawakasan, nakung saan darating tayo sa punto ng ating buhay na kailangan nating mamaalam sa ating mga mahal sa buhay. Kaya’t habang nabubuhay, matuto tayo magpahalaga ng mga bagay-bagay para sa huli wala tayong pagsisihan.
     Sa tulang “Pag-ibig”, ang pag-ibig ay hindi isang laro. Ang pag-ibig ay lalong tumitibay sa harap ng pagsubok at sakuna. Ipinakita rin ng tula ang matatamis at mapapait ng mukha ng pag-ibig. Ang tulang ito ay pinapakita kung ano ang maasahan mo sa pag-ibig sa realidad.
     Sa tulang “Ang Tren”, ang buhay ay isang paglalakabay, meron tayong mga mahal natin sa buhay na maiiwan natin dahil iba ang ating patutunguhan at dahil din dito meron tayong babalikan sa ating pag-uwi. Meron din tayong ibang taong nakikilala habang naglalakbay ang ilan pansamantala lamang at ang ilan ay malaking kontribusyon sa ating buhay.
     Sa tulang “Ang Buhay ng Tao”, ipinapakita nito ang marahas na realidad ng mundo na kung saan minsan ang malapit na tao sayo ay ang iyong pinakamalaking kalaban. Ang pag-unlad ay kinakailangan ng pagbabago sa sariki at sa kilos at kaisipan.
0 notes
mgatulanijosecorazonjesus · 4 years ago
Text
Manggagawa -Jose Corazon de Jesus
Tumblr media
Bawat palo ng martilyo sa bakal mong pinapanday alipatong nagtilamsik, alitaptap sa karimlan; mga apoy ng pawis mong Bakal ay kumikinang tandang ikaw ang may gawa nitong buong Santinakpan. Nang tipakin mo ang bato ay natayo ang katedral nang pukpukin mo ang tanso ay umugong ang batingaw, nang lutuin mo ang pilak ang salapi ay lumitaw, si Puhunan ay gawa mo, kaya ngayon’y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap ay ilaw ng iyong tadyang, kung may gusaling naangat, tandang ikaw ang pumasan mula sa duyan ng bata ay kamao mo ang gumalaw hanggang hukay ay gawa mo ang krus na nakalagay
Kaya ikaw ay marapat dakilain at itanghal pagkat ikaw ang yumari nitong buong Kabihasnan. Bawat patak ng pawis mo’y yumayari ka ng dangal, dinadala mo ang lahi sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka nang buhay na walang wakas, walang hanggan, at hihinto ang pag-ikot ng mundo pag namatay
Pagsusuri ng Tula - Joshua Emmanuel DC Bulawan
Tumblr media
     Ang tula ay nagbibigay ng kaisipan na ang mga mangagawa ay may likha ng mundo. Sa linyang “pagkat ikaw ang yumari nitong buong kabihasnan”, masasabi natin na lahat ng mga bagay na ating nakikita katulad ng mga gusali, sasakyan, pagkain, kuyernte, atbp ay yari o gawa ng mga iba’t ibang manggagawa na gumagawa ng kanilang mga trabaho. Ang mga mangagawa na ito ay ang humigis ng ating sibilasyon, at lahat ng ating nararanasan at nalalasap ay bunga ng mga sipag at tiyaga ng ating mga manggagawa.
     Ang tula ay nagbibigay ng kaisipan na ang mga mangagawa ay haligi ng isang sibilasasyon. Sa linyang “at hihinto ang pag-ikot ng mundo pag namatay.”, makikita natin na pagnamatay raw ang ating mga mangagawa, hihinto raw ang pag-ikot ng mundo. Makikita natin ang kaisipan na ito na totoo. Sapagkat pag walang mga manggagawa, babagsak ang ekonomiya ng isang bansa sapagkat walang nagtratrabaho. Hindi ito uunlad at lalo lang ito mababaon sa kahirapan. Kaya napakaimportante na pahalagahana natin ang ating mga manggagawa sapagkat sila ay isa sa mga haligi ng ating bansa at ekonomiya.
     Ang tula ay nagbibigay ng kaisipan na dapat sa lahat ng ating mga gagawin o  trabaho ay dapat kalapit ang husay at kalidad. Sa mga linyang “ Nang tipakin mo ang bato ay natayo ang katedral nang pukpukin mo ang tanso ay umugong ang batingaw, nang lutuin mo ang pilak ang salapi ay lumitaw,”, pinapakita ng mga linyang ito ang mga kayang gawin ng mga manggagawa. Lahat ng mga trabaho at manggagawa ay importante at lahat sila ay may role na ginagampanan dito sa ating lipunan. Kung ikaw ay isang manggagawa at hindi mo pinag-igihan ang iyong trabaho maarin maapekto ang iyong gawa sa buhay ng ibang tao. Katulad ng hindi maayos na pagkagawa ng bahay, maaring malagay sa panganib ang mga buhay ng tao na nakatira sa bahay na iyong ginawa.
Tumblr media
     Kung babasahin ang tula mula simula hanggang dulo. Ang tula ay tungkol lamang sa mga manggagawa. Gustong bigyang ng may akda, ang mga manggagawa ng dakila at papuri na nararapat sa kanila. Ang mensaheng gustong ipariting ng tula ay bigyan ng importansya ang ating mga manggagawa. Ang ang mga manggagawa ay isa sa mga haligi ng ating bansa. Sila ay napakaimportante at napakahalaga, na kung saan pag sila ay nawala, babagsak ang ating ekonomiya. Ang sipag, tiyaga at sakripisyo ng ating mga manggagawa ay dapat bigyang importansya, bigyang salamat at bigyang narararapat na kapalit. Sa tulang ito matutununan natin ang importansya at responsibilidad ng isang manggagawa. Lahat ng trabaho at manggagawa ay may kalapit na responsibilidad. Ang responsibilidad ng isang manggagawa ay gawin ang kanilang mga trabaho ng may husay at kalidad. 
Tumblr media
     Ngayon na panahon ng pandemya makikita mo ang importansya ng mga manggagawa. Ang ating mga bayaning frontliners na nagtratrabaho magdamag para magpaggaling ng kanilang pasyente na naapektuhan ng COVID-19. Ang ating mga sanitary workers na nagtatapon basura at naglilinis ng ating mga kapaligiran. Ang ating mga sales clerks at mga cashier na nagtratrabaho parin sa kanilang mga tindahan sa gitna ng pademya ito. Lahat ng mga manggagawa na nawalan ng trabaho sa pandemyang ito ay naghihirap at walang makain. Kung makahanap man sila ng trabaho, requirement na nakapagtest ng COVID-19 at lumabas na negative ang resulta. Ngunit isang test ay nagkakahalagang  walong libong piso. Kaya imposible na makapagtest sila kaya lalo sila mahihirapang makahanap ng trabaho. Eto ang problema na kinahaharap ng ating bansa ngayon; ang pagkawalang malasakit at importansya sa ating mga mangagawa. Lalo na ngayong pandemya, inuna ng ating gobyerno na ipasara ang ABS-CBN na nagbunga ng malaking kawalan ng trabaho. Ang ating mga medcial practicioners na pagod na trabaho at walang pahinga ay ang kanila pangsinisi kung bakit lalong lumalala ang pandemyang ito. Kailangan ng gobyerno natin na pahalagahan ang ating mga kababayan at bigyan sila tulong at trabaho na nararapat sa kanila. Para sa ikakaunlad ng Pilipinas dapat natin bigyan importansya ang ating mga manggagawa at taasan ang kanilang mga sahod.
2 notes · View notes
mgatulanijosecorazonjesus · 4 years ago
Text
Puso, Ano ka?
Isinulat ni Jose Corazon de Jesus 
Ang puso ng tao ay isang batingaw, sa palo ng hirap, umaalingawngaw hihip lang ng hapis pinakadaramdam, ngumt pag lagi nang nasanay, kung minsan, nakapagsasaya kahit isang bangkay.
Ang puso ng tao’y parang isang relos, atrasadong oras itong tinutumbok, oratoryo’y hirap, minutero’y lungkot, at luha ang tiktak na sasagot-sagot, ngunit kung ang puso’y sanay sa himutok kahit libinga’y may oras ng lugod.
Ang puso ay ost’ya ng tao sa dibdib sa labi ng sala’y may alak ng tamis, kapag sanay ka nang lagi sa hinagpis nalalagok mo rin kahit anung pait, at parang martilyo iyang bawat pintig sa tapat ng ating dibdib na may sakit.
Kung ano ang puso? Ba, sanlibrang laman na dahil sa ugat ay gagalaw-galaw, dahil sa pag-ibig ay parang batingaw, dahil sa panata ay parang orasan, at mukhang ost’ya rin ng kalulwang banal sa loob ng dibdib ay doon nalagay.
Pagsusuri ng Tula ni Joshua Ron G. Garcia
Tumblr media
Sa tulang ito ay nag bibigay tanong kung ano nga ba ang ating puso. Nag bibigay lalim sa gamit ng ating puso sa ating buhay. Nag bibigay ng kaalaman tungkol sa ating puso at ang puso ay naihahalintulad sa ating pakiramdam at emosyon. Binibigyan nito ng diin na ang puso ay hindi lamang isang organ sa katawan. Ito rin ay nakakaramdam ng sakit at emosyon. Na dito nag uugat ang pag mamahal ng bawat isa. Kung wala ang puso wala tayong buhay. Ang puso ay importante at mahalaga sa bawat isa. Ito ang nag bibigay saatin ng buhay. Nag bibigay alam ng pag mamahal. At dahil sa puso tayo ay nakakadama. Dahil bawat nadarama natin ay nararamdaman rin ng ating puso.
Mensahe
Tumblr media
Sa bawat saknong may kanya kanyang mensahe ito.
Sa unang saknong, naihalintulad ang puso sa isang batingaw o isang kampana. Dahil ito ay natibok tibok lalo na pag nag mamahal. Dahil ito rin ay nakakaramdam at sensitibo nabanggit rin dito ang hihip pakiramdam na nag sisimbolo ng pag hinagpis ng isang tao sa isang pagibig. Kapag ito ay nasanay ito naman ay nagiging manhid o paminsan mababaw ang kaniyang kaligayahan nalamang. Ito ay natalakay sa mga huling taludtod ng isang saknong.
Sa pangalawang saknong, ang mensahe dito na bawat lungkot at pagod ay pag bawas ng oras sa buhay. Inihalintulad dito ang puso sa orasan na pabaliktad ang bilang. Pabawas ng pabawas hanggang mawalan tayo ng oras. Ang lungkot at luha ang isa sa nakakapag bawas ng ating buhay dahil sa tula ang sinisimbolo nito ang segundo at minuto. Ngunit sa mga huling saknong nabanggit dito kapag nasanay na daw ang puso sa ganito, ang puso ay nagiging manhid at kahit ang pag ka matay ay isang lugod niyang tatanggapin. 
Sa pangatlong saknong, inihalintulad naman ang puso sa isang ostya sa dibdib ng tao, habang may alak sa labi na nag mimistulang sala. Ang aking tingin dito ay ang alak ay nag mimistulang hinagpis o hinanakit o mali mong nagawa sa iyong buhay. At ang puso mo ang tumatanggap dito at umaasang maibabago sa susunod na pag kakataon. Ngunit kapag nasanay gumawa ng mali, parang ang puso ay martilyo. Sumisimbolo ito sa ating konsensya kung saan ang ating puso ay bumibilis kapag alam nating may mali tayong nagagawa. 
Sa pang-apat na saknong, ibinanggit dito na ang puso ay napakaraming ibig sabihin, naka depende nalamang kung saan mo titingnan. Binigyan rin ng kahulugan at ipinaliwanag rin dito ang mga pag hahalitulad niya sa mga naunang saknong. Pag dating daw sa pag ibig ang puso ay isang batingaw, sa panata ay parang orasan, sa kalwang banal ay parang ostya. At itinuro niya rin kung saan nakalagay ang ating puso.
Etika
Tumblr media
Ang etika na binibigay sa tula ay ingatan ang ating mga damdamin natin at damdamin rin ng bawat tao sa paligid natin. Dahil ang ating damdamin ay nakakotekta sa ating puso. Binibigyan dito ng pahalaga ang damdamin ng isang tao at puso. Ang pag mamahal ng tao sa kapwa tao. 
1 note · View note
mgatulanijosecorazonjesus · 4 years ago
Text
Isang Punong Kahoy
Isunulat ni Jose Corazon De Jesus
Kung tatanawin mo sa malayong pook, ako’y tila isang nakadipang kurus; sa napakatagal na pagkakaluhod, parang ang paa ng Diyos.
Organo sa loob ng isang simbahan ay nananalangin sa kapighatian, habang ang kandila ng sariling buhay magdamag na tanod sa aking libingan.
Sa aking paanan ay may isang batis, maghapo’t magdamag na nagtutumangis; sa mga sanga ko ay nangakasabit ang pugad ng mga ibon ng pag-ibig.
Sa kinislap-kislap ng batis na iyan, asa mo ri’y agos ng luhang nunukal; at saka ang buwang tila nagdarasal, ako’y binabati ng ngiting malamlam.
Ang mga kampana sa tuwing orasyon, nagpapahiwatig sa akin ng taghoy, ibon sa sanga ko’y may tabing nang dahon, batis sa paa ko’y may luha nang daloy.
Ngunit tingnan ninyo ang aking narating, natuyo, namatay sa sariling aliw. Naging kurus ako ng pagsuyong laing at bantay sa hukay sa gitna ng dilim.
Wala na, ang gabi ay lambong na luksa, panakip sa aking namumutlang mukha! Kahoy na nabuwal sa pagkakahiga ni ibon, ni tao’y hindi na matuwa.
At iyong isiping nang nagdaang araw, isang kahoy akong malago’t malabay. Ngayon, ang sanga ko’y kurus sa libingan, dahon ko’y ginawang korona sa hukay!
PAGSUSURI NI DIONNE RICHIE H. CARIGMA
Tumblr media
Sa unang saknong, mapapansin natin ang mga salitang “kung tatanawin mo sa malayong pook” ay nagpapahiwatig na tayo ay nagmumuni muni minsan upang makapagisip o makipagusap sa Diyos. 
 Sa ikalawang saknong, maririnig natin ang musika ng simbahan dahil sa nabanggit na organo habang ang tinutukoy namang “kandila sa sariling buhay” ay ang naglalamay sa patay. Dito ipinapakita ang karaniwang eksena tuwing na taong sumasakabilang buhay.
 Ang Ikatlong saknong ay nagpapakita naman ng mga taong nagluluksa o nagdadalamhati. Ang linyang “sa aking paanan ay may isang batis” ay ang tumutukoy sa mga taong ito. Sa kabilang banda, isinasaad din ng may akda na ang mga sanga ay sumisimbolo sa kabaong at ang mga ibon ang mga mahal neto sa buhay.
 Katulad sa ikatlong saknong , ipinapakita sa ikaapat na saknong na ang mga nakikiramay sa libing ay labis ang pagiyak na nagpapakita ng tunay na pagmamahal at pagsama sa mga huling oras na ang taong namayapa dito sa ating mundo. 
 Sa ikalimang saknong, “ang kampana sa tuwing orasyon” ay nagpapakita ng pagtunog ng kampana sa simbahan sa tuwing ihahatid na ang namayapa sa kanyang huling hantungan. Habang ang mga ibon na sumisimbolo sa mga nagmamahal sa sa namayapa ay nagbabato ng mga bulaklak sa patay ay makikita parin sa mga mata nila ang mga luhang dumadaloy. 
 Ang ikaanim saknong naman ay nagpapakita ng kaganapan sa tao kapag namatay na. Sa linyang “ngunit tingnan niyo ang aking narating, natuyo namatay sa sariling aliw”, masasaksihan natin na sa buhay ng tao laging may katapusan. 
Ikapitong saknong, dito makikita natin na parang nagising sa katotohanan ang isang tao at ang kanyang mga guni guni or tumatakbo sa isipan ay wala ng naidudulot na maganda at di nakakatuwa.
 Sa pang wakas o ikawalong saknong, makikita natin na ang mga panahon na tayo ay parang isang kahoy na malago’t malabay kapag tayo at bata pa ngunit dadating ang ating katapusan pero sa kabila neto ay may maiiwan tayong mga memorya na magiging inspirasyon sa iba.
Tumblr media
    Base sa aking pagkakaintindi, nais iparating ni Jose Corazon de Jesus sa kaniyang tula na ang buhay ay parang isang puno, may simula at meron din namang katapusan. Nagsisimula ito sa pagkabata at patuloy itong nagiging matayog hanggang sa pagtanda. Ngunit lahat ng bagay ay may katapusan. Dumadating tayo sa punto ng ating buhay na kailangan na nating mamaalam sa mga mahal natin sa buhay. Kayat habang nabubuhay, matuto tayong magpahalaga sa buhay na binigay sa atin ng Diyos. Mas maganda kung tatanawin natin ang mga araw na tayo’y nabubuhay kaysa sa araw ng ating kamatayan. Hindi naman tayo ginawa nang mag-isa. Mayroon tayong makakasama na dadamayan tayo sa mga problema na kakaharapin natin sa buhay kagaya ng ating mga pamilya, mga kaibigan at mga mahal sa buhay.
Tumblr media
Mga Oras na Nalalabi - ipinakita sa ibang bahagi ng tula ang mga nangyayarinsa buhay ng isang tao. Pumapaloob na rin dito ang mga bagay may kinalaman sa Diyos. Sa buhay ng tao, di natin maaalis na sa kahit dumating ang mga araw na parang wala ng bukas dahil ss kasiyahan ay darating parin tayo sa punto na ikakalungkot natin. Ang mga kaganapan ganto ay nagsasanhi ng di magagandang bagay sa atin.
 Patungo sa Paraiso - Pinapakita din sa sa bahagi ng tula ang pagpapahalaga natin sa buhay ng tao. Siguro lahat naman sa atin ay nakaranas na ng mawalan ng minamahal sa buhay. Sa tula ipinakita kung paano binibigyang importasya ang sino mang sumakabilamg buhay na at sinasabi na ito ay patungo na sa lugar na paraiso. 
 Mahimbing na Pagkakahimlay - Sa bahaging ito, makikita natin ang pag pagdadalamhati o luluksa ng bawat sino man nawalan ng minamahal sa buhay. Ang mahimbing na pagkakahimlay ay nagpapakita ng pag alis ng mga namatay sa mundong ibabaw.
Tumblr media
Base sa naunawaan sa nabasang tula, masasabi nating ang obra ni Jose Corazon De Jesus  na “Isang Punong Kahoy” ay mayroon malaking maidudulot sa buhay ng mga mambabasa neto. Isa na dito ang pagtuturo sa mga tao na pahalagahan ang buhay na meron ka ngayon. Kahit nakakaranas ka man ng hirap ay dadating parin ang na tayo naman makakaranas ng kaginhawaan o kung minsan naman ay kabaliktaran. Sa kabilang banda, naipapakita din dito ang pag respeto sa mga taong sumakabilamg buhay na na ngayon nakaalis nasa hirap ng buhay at ngayon masaya na.
25 notes · View notes
mgatulanijosecorazonjesus · 4 years ago
Text
"Pag-Ibig” ni Jose Corazon De Jesus
PAG-IBIG ni Jose Corazon De Jesus
Isang aklat na maputi, ang isinusulat: luha! Kaya’t wala kang mabasa kahit isa mang talata. Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata, Tumanda ka’t nagkauban, hindi mo pa maunawa.
Ang pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa puso; Pag pinuso nasa isip, kaya’t hindi mo makuro. Lapitan mo nang matagal ang pasuyo... naglalaho, Layuan mo at kay lungkot, nananaghoy ang pagsuyo.
Ang pag-ibig na dakila’y aayaw ng matagalan, Parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman. Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang sa halikan, At ang ilog kung bumaha, tandaan mo’t minsan lamang.
Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa’t walang agos, Walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos. Ang pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod, Pati dangal, yama’t dunong nalulunod sa pag-irog.
Ang pag-ibig na buko pa’y nakikinig pa sa aral, Tandang ‘di pa umiibig, nakikita pa ang ilaw. Ngunit kapag nag-alab na’t pati mundo’y nalimutan, Iyan; ganyan ang pag-ibig, damdamin at puso lamang!
Kapag ikaw’y umuurong sa sakuna’t sa panganib, Ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip. Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig. Pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit.
Iyang mga taong duwag na ang puso’y mahihina, Umibig man ay ano pa, ‘di pag-ibig, kundi awa. Kailangan sa pag-ibig ay hirap at mga luha, At ang duwag ay malayong sa pag-ibig dumakila.
Ang pag-ibig ay may mata, ang pag-ibig ay ‘di bulag. Ang marunong na umibig, bawat sugat ay bulaklak, Ang pag-ibig ay masakim at aayaw sa kakabyak, O wala na kahit ano, o ibigay mo nang lahat!
“Ako’y hindi makasulat at ang nanay, nakabantay.” Asahan mo, katoto ko, hindi ka pa minamahal. Ngunit kapag sumulat na sa ibabaw man ng hukay, Minamahal ka na niya nang higit pa kaysa buhay.
Kayo mga kabataang pag-ibig ang ninanais, Kayo’y mga paru-parong sa ilawan lumiligid. Kapag kayo’y umibig na, hahamakin ang panganib, At ang mga pakpak ninyo’y masusunog sa pag-ibig.
PAGSUSURI NG TULA — NICOLE B. BELTRAN
Tumblr media
1. Kaisipan ng Tula
Ang komposisyong ito’y tumatalakay tungkol sa makabuluhang kahulugan ng salitang pag-ibig. Pag-ibig na hindi lamang isina-isip na hango sa magagarbong salita, ngunit isina-puso mula sa iba’t-ibang karanasang pinagtibay ng panahon sa gitna ng paghihirap at pagmamahalan. 
Marahil ito’y namalayan mula sa iyong mga magulang at pamilya na s’yang nagmulat upang ang pag-ibig ay hindi manatiling salita ngunit isang buhay na damdamin. Subalit ito’y hindi lamang nakatuon sa ideyang nakasanayan na kung saan ang pag-ibig ay tungkol lamang sa pagmamahal. 
Ang tulang ito’y nagpapahayag na ang pag-ibig ay magiting, hindi kailanman susukuan at nararapat na ipinaglalaban. Pumupukaw sa pananaw na kung saan ang pag-ibig ay kinakailangan ng pananalig, buhay ma’y kapalit.
Tumblr media
2. Mensahe ng Tula 
Salita man ay may lalim, sa paraan kung paano naimungkahi at ang pagbigay ng makabuluhang kahulugan. Kapansin-pansin na ang tula ay alay sa lahat, umiibig man o namumulat pa lamang. Ang hugot sa damdamin na dala ng malikhaing konsepto na pumapangatawan sa kung ano ang pag-ibig. Ibig ipabatid ng akda na siyang nagmula sa maykatha, na ang pag-ibig ay hindi isang bagay na tiyak mo’ng mauunawan kung ito’y iyong makamtan. 
Una, para sa pangkalahatang mambabasa, na hindi lahat ng nais magmahal ay nagnanais umibig. Isaisip na ang pagsisimula ay hindi tanda ng matatag na walang-hangganan, at ang wakas ay mayroong aasahang bagong panimula.
Pangalawa, para sa mga taong walang humpay na umiibig, sa kabila ng unos at pagdurusa na minsa’y nalilimutan na kung ano ang salitang pag-asa. Ngunit, sa halip na pigilan ang pagtibok ng puso upang umibig ay patuloy pa ring mananalig. 
At higit sa lahat, ang akdang ito’y ukol sa taong hindi pa namamalayan ang buhay na may pag-ibig, sa isip, sa salita, sa gawa at sa puso. Minumulat ang halaghag na damdamin sa katotohanang na ang pag-ibig ay hindi lamang naihulma mula sa kagitingan na ipinamamalas ng pusong nag-aalab upang lumaban sa tanikala ng kaduwagan at kahinaan. Datapuwa’t, ito ri’y hinubog mula sa kahandaan na ang kamataya’y malayaang haharapin, pag-ibig lamang ay mairaos sa pamamagitan ng lahat ng paraan.
Tumblr media
3. Etika
Yaman din lamang na ang akdang ito’y umaayon sa Teoryang Romantisismo, kung saan ang layunin nito’y maglantad ng iba’t-ibang paraan ng tao sa pag-aalay ng kanyang pag-ibig para sa lahat. Kabilang na r’yan ang pagpapahalaga sa samu’t-saring matinding damdamin. 
Ang prinsipyong nais isiwalat ng tula ay patungkol sa pag-ibig na di nagmamaliw ng dahil sa pagsubok na maaring kaharapin sa mga hindi inaasahang oras ng iyong kamalayan. 
Ang pag-ibig na hindi lang limitado sa kung anong maaring maramdaman ng isang tao, ngunit ito’y nakakasiguradong mag-udyok upang mag-alay ng buhay, gumabay at ipaglaban ang kahit sinumang iniibig, wakas ma’y walang katiyakan. 
Binibigyang pahalaga na ang ito’y pinakahigit na mabisang panlaban sa kahit anumang digmaang maaring mong kabilangan, dahil ang pag-ibig ay hindi damdamin lamang ngunit isang palantandaan na magagawa mong harapin ang iba’t-ibang hamon ng buhay.
Tumblr media
4. Kahalagahang Panlipunan
Paraan man ng pag-ibig ay pabago-bago na s’yang umaayon sa takbo ng panahon, ngunit ang pag-ibig ay habang buhay na dumadaloy sa kamalayan ng bawat tao, umiibig man o namumulat pa lamang. 
Ang akdang ito’y naisulat nang humigit daang taon nang nakalipas ngunit ang pagpukaw ng kamalayan ng bawat mambabasa ay hindi pa rin maipagkakaila. Sa kasalukuyang panahon nararapat na mamulat ang bawat kabataan sa malalim na pagsasabuhay ng salitang pag-ibig. 
Mula sa iba’t-ibang suliranin ng lipunan na nagdudulot ng ppaghihinagpis, kinakailangan ng matinding pamamahayag ng salitang pag-ibig ang nararapat sumagi sa isipan ng bawat tao upang makamtan ang kasarimlang inaasam nang sa gayon ay piliing ipaglaban ang kalayaan mula sa iba’t-ibang uri ng pagsubok na kanilang kahaharapin, nagkataon man o hindi maiwasan. 
11 notes · View notes
mgatulanijosecorazonjesus · 4 years ago
Text
Ang Tren
Isinulat ni Jose Corazon De Jesus
Tila ahas na nagmula sa himpilang kanyang lungga, ang galamay at palikpik, pawang bakal, tanso, tingga, ang kaliskis, lapitan mo’t mga bukas na bintana.
Ang rail na lalakara’y nakabalatay sa daan, umaaso ang bunganga at maingay na maingay, sa Tutuban magmumula’t patutungo sa Dagupan.
O, kung gabi’t masalubong ang mata ay nag-aapoy, ang silbato sa malayo’y dinig mo pang sumisipol at hila-hila ang kanyang kabit-kabit namang bagon.
Walang pagod ang makina, may baras na nasa r’weda, sumisingaw, sumisibad, humuhuni ang pitada, tumetelenteng ang kanyang kampanada sa tuwina.
“Kailan ka magbabalik?” “Hanggang sa hapon ng Martes.” At tinangay na ng tren ang naglakbay na pag-ibig, Sa bentanilya’y may panyo’t may naiwang nananangis.
Pagsusuri ni Reynalyn M. Dizon
Tumblr media
Ang kaisipan ng tula ay umiikot sa paglalakbay ng isang tao. Mula sa pamagat pa lamang ay malalaman na, na ang tula ay tungkol sa isang tren. Inilarawan ng may akda ang mga pisikal na katangian ng isang tren at inihalintulad niya ito sa isang ahas. Alam naman nating lahat na ang tren ay isang uri ng transportasyon na ginagamit sa malayuang biyahe o paglalakbay kaya’t masasabi nating ang tulang ito ay tungkol sa paglalakbay ng isang tao at pakikipagsapalaran nito sa mundong ginagalawan.
Tumblr media
Darating sa buhay ng tao na kailangan nating umalis o maglakbay, literal man na kahulugan o hindi. Minsan may mga taong kailangang lumayo sa mga mahal nila sa buhay para magtrabaho at para kumita ng pera. Minsan naman may mga taong kailangan lumayo sa nakalakhang pamilya o lugar dahil sa personal na bagay tulad ng pagpapakasal. Maraming rason kung bakit umaalis ang isang tao, pero sa bawat paglisan may mga tao tayong naiiwan na patuloy na naghihintay sa ating pagbabalik. Mayroon din tayong mga taong makikilala sa paglalakbay natin, ang ilan ay pansamantala lamang at ang ilan naman ay may malaking kontribusyon sa ating buhay.
Kung susuriin ng husto ang tula, Ang Tren ay hindi lamang pumapatungkol sa literal na kahulugan ng paglalakbay na aalis tayo sa isang lugar upang pumunta sa isa pang lugar. Maaari ring nakapaloob sa tulang ito ang mensaheng Ang Tren ay parang buhay ng tao, nagsisimula sa himpilan na nangangahulugang sinapupunan ng isang ina. May mga estasyon ang tren na maaaring ang kahulugan ay ang kabataan, pagiging binata o dalaga, pag-aasawa, pagiging isang magulang, katandaan at kamatayan.
Tulad ng ibang tula, tunay ngang maraming pwedeng maging kahulugan ang tulang Ang Tren. Nakadepende nalang ito sa kung sino ang sumusuri sa tula, at para sa akin ito ang mensaheng nakapaloob sa tula.
Tumblr media
Ang etikang nakapaloob sa tula na hanggang sa kasalukuyan ay nakikita pa rin ay ang pag-alis at paghihintay. Hanggang ngayon marami pa ring lumalayo sa kanilang pamilya upang maghanapbuhay, isang halimbawa na nito ang mga OFW. Umaalis sila upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya, sa bawat pag-alis nila ay patuloy na naghihintay ang kanilang pamilya sakanilang pagbabalik.
0 notes
mgatulanijosecorazonjesus · 4 years ago
Text
Ang Buhay ng Tao
Tula ni Jose Corazon de Jesus
Inakay na munting naligaw sa gubat, ang hinahanap ko’y ang sariling pugad; ang dating pugad ko noong mapagmalas nang uupan ko na ang laman ay ahas.
Oh! ganito pala itong Daigdigan, marami ang sama kaysa kabutihan; kung hahanapin mo ang iyong kaaway, huwag kang lalayo’t katabi mo lamang.
Ako’y parang bato na ibinalibag, ang buong akala’y sa langit aakyat; nang sa himpapawid ako’y mapataas, ay bigat ko na rin ang siyang naglagpak.
Mahirap nga pala ang gawang mabuhay, sarili mong bigat ay paninimbangan, kung ikaw’y mabuti’y kinaiinggitan, kung ikaw’y masama’y kinapopootan.
At gaya ng isdang malaya sa turing ang langit at lupa’y nainggit sa akin; subalit sa isang mumo lang ng kanin, ako’y nabingwit na’t yaon pala’y pain.
At sa pagkabigo’y nag-aral na akong mangilag sa mga patibong sa mundo; kahit sa pagtulog, huwag pasiguro’t bangungot mo’y siyang papatay sa iyo.
Ang buhay ng tao ay parang kandila habang umiikli’y nanatak ang luha; buhat sa pagsilang hanggang sa pagtanda, ang luksang libinga’y laging nakahanda.
Ang palad ay parang turumpong mabilog, lupa’y hinuhukay sa ininug-inog; subalit kung di ka babago ng kilos, sa hinukayan mo’y doon mahuhulog.
Pagsusuri ng tula - Jules Darius C. Garcia
Tumblr media
Mula sa pinakaunang saknong ng tula, ipinapahiwatig ng may akda na ang mundo ay puno ng panganib at kasakiman na kadalasang malapit lamang. May mga panahon mang tila walang panganib ngunit ang pagiging kampante ang ikababagsak ng isang tao, katulad ng bato na nabanggit sa pangatlong saknong.  Kadalasan, ibang tao ang pinagmumulan ng kasakiman sa mundo dahil sa iyong oras ng kaunlaran, sila’y naghihintay upang hilain at pabagsakin ka sa iyong lugar katulad ng nabanggit sa ika-limang saknong.
Tumblr media
Ang mga mensahe ng tula ay nakikita sa huling tatlong saknong;
Kahit sa pagtulog, huwag magpasiguro.
isang reperensiya sa una at pangalawang saknong, binibigyan diin nito ang importansya ng pagiging mapagmatyag sa pang araw-araw.
Libinga’y laging naka handa.
Ang kamatayan lamang ang tiyak sa mundo, kaya kung atin talagang binibigyang halaga ang ating buhay, tayo’y tuluyang mag-aaral upang mangilag sa mga patibong ng mundo.
Kapag hindi nagbago ng kilos, ito’y ikapapahamak mo.
Ang pagunlad bilang isang tao ay kinakailangan ng pagbabago sa ating kilos at sarili.
Tumblr media
Ang etikang binibigyang diin ng tula ay ang pagiging maingat sa lahat ng bagay; sa ating pagkilos, at sa mga taong ating nakakasalamuha. Ito ay kapaki-pakinabang sa lipunan dahil ipinapakita nito na ang mundo ay isang mahirap na lugar at dapat natin binibigyan ng sapat na pansin ang ating mga ginagawa upang tayo’y mabuhay ng mapayapa.
Tumblr media
Ang mga naitalakay na tula ni Jose Corazon de Jesus ay nagsasalaysay ng mga pangyayaring punong-puno ng mga aral sa isang malikhain na paraan. Tulad lamang sa “Pag-ibig”. Ang tulang ito ay nagsasaad na ang tunay na pag-ibig ay nasa isip at nasa puso at sinasabing mararanasan lamang ang tunay na pag-ibig kapag ito’y matapang. Ibig sabihin, maraming pagsusubok na daraan sa inyo ngunit kayo ay may paninindigan. Ang tulang “Ang Tren” naman ay tinatahak ang industrilisasyon at ang epekto nito. Gamit ang tren, ito ang sumisimbulo sa mekinikal na aspeto ng industrilisasyon at ang pag-alis ng kanyang kasintahan ang pag sulong ng bansa sa panahong iyon. Ang tulang “Puso, Ano ka?” ay nagtatalakay ng iba’t ibang maaring sumimbulo sa puso. Mula sa batingaw na pag nahirapan ay umaalingawngaw, hanggang martilyo na naihahalintulad sa pintig kapag ito’y sumasakit. Ang tula ay nagsasaad na ang puso ay maaaring maihalintulad sa maraming bagay dahil sa mga laman nitong emosyon. Ang tulang “Manggagawa” ay sinusundan ang mga trabaho ng isang manggagawa at ang importansya nila sa ating mundo upang ito’y patuloy na umandar. At ang huli, “Isang Punongkahoy” ikinumpara ang buhay ng tao sa isang punong kahoy na sinasaad na kahit gaano ka man katibay o kalago sa nakaraan, hihina at mamamatay ka rin sa huli. Kaya dapat natin bigyan ng kahalagahan ang ating buhay at mabuhay ng walang paghihinayang dahil ito lamang ang buhay na mayroon tayo.
4 notes · View notes