Text
Sa Sanggol Na Si Jesus
O Diyos na Sanggol, paano ba kaya't Ang sinilangan Mo ay sabsabang aba? Diyata't di pa man ay pag-alipusta Ang dulot ng Palad sa Iyong pagbaba? Kaylungkot! O hari ng Sangkalangitan, Nagkatawang-tao't sa lupa'y tumahan, Hindi Mo ba ibig na Haring matanghal Kundi Pastol namin na kawan Mong mahal?
0 notes
Text
Awit Ng Manlalakbay
Kagaya ng dahong nalanta, nalagas, Sinisiklut-siklot ng hanging marahas; Abang manlalakbay ay wala nang liyag, Layuin, kalulwa't bayang matatawag. Hinahabul-habol yaong kapalarang Mailap at hindi masunggab-sunggaban; Magandang pag-asa'y kung nanlalabo man, Siya'y patuloy ring patungo kung saan! Sa udyok ng hindi nakikitang lakas, Silanga't Kanlura'y kanyang nililipad, Mga minamahal ay napapangarap, Gayon din ang araw ng pamamanatag. Sa pusod ng isang disyertong mapanglaw, Siya'y maaaring doon na mamatay, Limot ng daigdig at sariling bayan, Kamtan nawa niya ang kapayapaan! Dami ng sa kanya ay nangaiinggit, Ibong naglalakaby sa buong daigdig, Hindi nila tanto ang laki ng hapis Na sa kanyang puso ay lumiligalig. Kung sa mga tanging minahal sa buhay Siya'y magbalik pa pagdating ng araw, Makikita niya'y mga guho lamang At puntod ng kanyang mga kaibigan. Abang manlalakbay! Huwag nang magbalik, Sa sariling baya'y wala kang katalik; Bayaang ang puso ng iba'y umawit, Lumaboy kang muli sa buong daigdig. Abang manlalakbay! Bakit babalik pa? Ang luhang inyukol sa iyo'y tuyo na; Abang manlalakbay! Limutin ang dusa, Sa hapis ng tao, mundo'y nagtatawa.
0 notes
Text
Sa Mga Bulaklak Ng Heidelberg
Pumaroon kayo sa mutya kong bayang pinakamamahal, O mga bulaklak na hasik sa landas niyong manlalakbay, At doon, sa silong ng maaliwalas na langit na bughaw, Sa mga mahal ko'y di nagpapabaya't laging nagbabantay, Inyong ibalita itong pananalig na sa puso'y taglay Ng abang lagalag na di lumilimot sa nilisang bayan. Pumaroon kayo, inyong ibalitang madilim-dilim pa, Kung kayo, sa bati ng bukang-liwayway, ay bumubukad na, Sa pampang ng Neckar na lubhang malamig ay naroon siya, At sa inyong tabi'y inyong namamasid na parang estatuwa, Ang Tagsibol doong hindi nagbabago'y binubulay niya. Inyong ibalitang kung sinisingil na ng bukang-liwayway Ang buwis na bango ng inyong talulot pag ngiti ng araw, Habang bumubulong ang bagong umagang halik ang kasabay Ng "Kung inyo lamang nababatid sana yaring pagmamahal!" Siya'y may bulong ding inaawit-awit sa katahimikan, Kundiman ng puso na sa kanyang wika'y inyong napakinggan. At kung sa taluktok niyong Koenigsthul ay humahalik na Ang mapulang labi ng anak ng araw sa pag-uumaga, At ang mga lambak, gubat at kahuya'y binubusog niya Sa daloy ng buhay na dulot ng sinag na malahininga, Yaong manlalakbay ay bumabati ring puspos ng ligaya Sa araw, na doon sa sariling baya'y laging nagbabaga. At ibalita rin na nang minsang siya'y naglalakad-lakad Sa pampang ng Neckar ay pinupol kayo sa gilid ng landas, Doon sa ang tanod ay ang mga guhong bakas ng lumipas, Na nalililiman ng maraming punong doo'y naggugubat. Ibalita ninyo kung paanong kayo'y marahang pinupol, Pinakaingatang huwag masisira ang sariwang dahon, At sa kanyang aklat ay ipinaloob at doon kinuyom, Aklat ay luma na, datapuwa't kayo'y naroon pa ngayon. Hatdan, hatdan ninyo, O pinakatanging bulaklak ng Rin, Hatdan ng pag-ibig ang lahat ng aking nga ginigiliw, Sa bayan kong sinta ay kapayapaan ang tapat kong hiling, Sa kababaihan ay binhi ng tapang ang inyong itanim; Pagsadyain ninyo, O mga bulaklak, at inyong batiin Ang mga mahal kong sa tahanang banal ay kasama namin. At pagsapit ninyo sa dalampasigan ng bayan kong irog, Bawa't halik sanang idinarampi ko sa inyong talulot Ay inyong isakay sa pakpak ng hanging doo'y lumilibot, Upang sa lahat nang iginagalang ko't sinisitang lubos Nawa'y makasapit ang halik ng aking pag-ibig na taos. Maaaring doo'y makarating kayong taglay pa ang kulay, Subali't ang bango'y wala na marahil at kusang pumanaw, Wala na ang samyong sa talulot ninyo'y iningatang yaman, Pagka't malayo na sa lupang sa inyo'y nagbigay ng buhay; Iwing halimuyak ang inyong kaluluwa, at di malilisan Ni malilimot pa ang langit na saksi nang kayo'y isilang.
0 notes
Text
Kundiman
Tunay ngayong umid yaring dila't puso Sinta'y umiilag, tuwa'y lumalayo, Bayan palibhasa'y lupig at sumuko Sa kapabayaan ng nagturong puno. Datapuwa't muling sisikat ang araw, Pilit maliligtas ang inaping bayan, Magbabalik mandin at muling iiral Ang ngalang Tagalog sa sandaigdigan. Ibubuhos namin ang dugo't babaha Matubos nga lamang ang sa amang lupa Habang di ninilang panahong tadhana, Sinta'y tatahimik, iidlip ang nasa.
0 notes
Text
Ang Ligpit kong Tahanan
Sa tabi ng dagat na humahalik pa sa tiping buhangin, Malapit sa paa ng bundok na pelus kung pagmamalasin, Ang munti kong kubo'y doon itinirik, sa saganang lilim Ng mga halamang nakikipaglaro sa ihip ng hangin. Aking dinudulang sa katabing gubat na masalimisim Ang katiwasayang panlunas sa hapong isip ko't damdamin. Ang atip ng bubong ay hamak na pawid, sahig ay kawayan, Magaspang na kahoy ang mga haligi, pingga at tahilan, Sa kubo kong ito ay walang bahangin may kahalagahan, Lalong mabuti pa ang doon humilig sa lunting damuhan Na abot ng bulong at awit ng dagat sa dalampasigan. Doon ay may batis na umaawit pa habang naglalagos Sa mga batuhan, magmula sa gubat sa may dakong likod; Batis ay nagsanga sa tulong ng isang magaspang na tungkod, kung gabing tahimik ay may bulong siyang nakapag-aantok, At kung araw naman, ang langit ay parang ibig na maabot. Kung ang kalangita'y payapang-payapa, agos ay banayad, Panay ang taginting ng kanyang gitarang hindi namamalas, Pagbagsak ng ulan, ang tulin ng agos ay walang katulad, Humahagunot pa sa nangaghambalang na batong malapad, Sa di mapipigil na kanyang pagtakbong patungo sa dagat. Palahaw ng aso at awit ng ibon, at sigaw ng kalaw, Ang ingay na tanging siyang bumabasag sa katahimikan; Doo'y di kilala ang tinig ng taong palalo't mayabang Na susunu-sunod sa nasang guluhin ang aking isipan; Ako'y naliligid ng katabing dagat at ng gubat lamang. Ang dagat, ah, ito ay siya ngang lahat kung para sa akin, Kung dumadaluhong mula sa di tanaw na mga pampangin, Sa akin, ang kanyang ngiti kung pananalig ko'y parang nagmamaliw, At kung dapit-hapong ang pananalig ko'y parang nagmamaliw, Siya ay may bulong na inihahatid sa akin ng hangin. Pagdating ng gabi, dakilang palabas ng kahiwagaan, Malaking liwanag ng mumunting kislap na hindi mabilang Ang doon sa langit ay nakalaganap sa kaitaasan; Habang dinadalit niyong mga alon ang saklap ng buhay, Dalit na malabo pagka't nilulunod ang sariling ingay. Isinasalaysay ang ayos ng mundo nang unang sumikat Ang araw sa langit, at sila'y laruin ng kanyang liwanag; Nang mula sa wala'y dami ng kinapal ang biglang kumalat Sa kailaliman, at sa kapatagan, magpahanggang gubat, Sa lahat ng dako na abot ng halik ng mayamang sinag. Nguni't kung sa gabi'y magising ang hanging malikot, mailap, At ang mga alon, sa galit na dala'y susugod, lulundag, Mayrong mga siagaw na sa aking puso'y nagbibigay-sindak , Mga tinig waring nagsisipagdasal, o nag sisiiyak, Nagsisipanaghoy sa kailalimang kadilima'y ganap. At saka uugong ang marahang taghoy na mula sa bundok, Mga punungkahoy at ang mga damo'y nagsisipangatog, Pati mga pastol ay nababalisa't pawang mga takot, Sapagka't, anila, ang mga kalulwa'y noon sumisipot At nag-aanyayang sa kanilang handa sila ay dumulog. Gabi'y bumubulong sa gitna ng sindak at pagkaligalig, At sa dagat nama'y bughaw't lunting apoy ang pasilip-silip; Pag ngiti ng araw'y payapa na naman ang buong paligid, At mula sa laot, yaong mangingisda ay napagigilid, Sugod na ang lunday at ang mga alon ay nananahimik. Ganyan ang buhay ko sa aking payapa't ligpit na tahanan; Sa mundong nang dati ay kilala ako, ako'y pinapanaw, Nasapit kong palad, sa ngayon ay aking binubulay-bulay; Isang bato akong binalot ng lumot upanding matakpan Sa mata ng mundo ang mga damdaming sa puso ay taglay. Dahil sa naiwang mga minamahal, ako'y nangangamba, Mga ngalan nila'y di ko nalilimot sa laot ng sigwa; May nangagsilayo at mayroon namang nangagsipanaw na; Nguni't sa lumipas kong hindi mapapaknit kahit agawin pa. Kaibigan iyang sa lahat ng oras ay aking kapiling Sa gitna ng lumbay ay nagpapasigla sa diwa't damdamin; Sa gabing tahimik, siya'y nagtatanod at nananalangin, Kasama-sama ko sa pagkakatapong malungkot isipan, Upang kung manlaming ang pananalig ko ay papag-alabin. Yaong pananalig na ibig ko sanang makitang kumislap Sa dakilang araw ng pangingibabaw ng Isip sa lakas; Kung makalipas na itong kamataya't labanang marahas, Ay may ibang tinig, na lalong masigla at puspos ng galak, Na siyang aawit ng pananangumpay ng matwid, sa lahat. Aking natatanaw na namumula na ang magandang langit, Gaya noong aking bukuin sa hagap ang una kong nais; Aking nadarama ang dati ring hangin sa noong may pawis, Nararamdam ko ang dati ring apoy na nagpapainit Sa tinataglay kong dugong kabataang magulo ang isip. Ang nilalanghap kong mga simoy dito'y nagdaan marahil Sa mga ilugan at sa mga bukid niyong bayan namin; Sa pagbalik nila ay kanila sanang ihatid sa akin Ang buntong-hininga ng minamahal kong malayo sa piling, Pahatid na mula sa pinagsanglaan ng unang paggiliw. Kung aking mamasdan sa abuhing langit ang buwang marilag. Nararamdaman kong ang sugat ng puso'y muling nagnanaknak; Naaalaala ang sumpaan naming kami'y magtatapat, Ang dalampasigan, ang bukid at saka arkong may bulaklak, Ang buntong-hininga, ang pananahimik at ang piping galak. Isang paruparong hanap ay bulaklak at saka liwanag, Malalayong bayan ang lagi nang laman ng kanyang pangarap; Musmos na musmos pa, tahana'y nilisa't ako ay lumayang, Upang maglimayon, na ang diwa'y laya at walang bagabag - - Ganyan ko ginugol ang mga pili kong panahon at oras. At nang mapilitang ako ay bumalik sa dating tahanan, Kagaya ng isang ibong nanghina na sa kapanahunan, May nag bagong sigwang malakas, mabangis na parang halimaw; Ang mga pakpak ko'y nagkabali-bali't tahana'y pumanaw, Ang aking tiwala'y ipinagkanulo't lahat na'y nagunaw. Sa pagkakatapong malayo sa bayang pinakaiibig, Ang hinaharap ko'y madilim na lubha't walang tatangkilik: Pamuli na namang susungaw ang aking mga panaginip, Tanging kayamanan ng kabuhayan kong sagana sa hapis; Mga pananalig niyong kabataang matapat, malinis. Dapwa't kung ikaw ma'y umaasa ngayong iyong makakamtan Yaong gantimpalang hindi magmamaliw magpakailan man, Hindi ka na paris ng dating magilas at buhay na buhay; Sa hapis mong mukha'y may bakas na hindi mapagkakamalan Yaong pananalig na dapat mahalin at ipagsanggalang. At upang aliwin, handog mo sa aki'y mga panaginip, Nagsaang panahon ng kabataan ko'y ipinasisilip; Kaya nga salamat, O sigwang biyaya sa akin ng langit, Alam mo ang oras na takdang pagpigil sa gala kong isip, Upang ibalik mo sa pinanggalingang lupang iniibig. Sa tabi ng dagat na humahalik pa sa tiping buhangin, Malapit sa paa ng bundok na pelus kung pagmamalasin, Aking nasumpungan ang isang tahanang sagana sa lilim, Aking natuklasan sa katabing gubat na masalimsim Ang katiwasayang panlunas sa hapong isip ko't damdamin.
0 notes
Text
Isang Alaala Ng Aking Bayan
Nagugunita ko ang nagdaang araw ng kamusmusang kong kay sayang pumanaw sa gilid ng isang baybaying luntian ng rumaragasang agos ng dagatan; Kung alalahanin ang damping marahan halik sa noo ko ng hanging magaslaw ito'y naglalagos sa 'king katauhan lalong sumisigla't nagbabagong buhay Kung aking masdan ang liryong busilak animo'y nagduruyan sa hanging marahas habang sa buhangin dito'y nakalatag ang lubhang maalon, mapusok na dagat Kung aking samyuin sa mga bulaklak kabanguhan nito ay ikinakalat ang bukang liwayway na nanganganinag masayang bumabati, may ngiti sa lahat. Naalaala kong may kasamang lumbay ang kamusmusan ko nang nagdaang araw Kasama-sama ko'y inang mapagmahal siyang nagpapaganda sa aba kong buhay. Naalaala kong lubhang mapanglaw bayan kong Kalambang aking sinilangan sa dalampasigan ng dagat-dagatan sadlakan ng aking saya't kaaliwan Di miminsang tumikim ng galak sa tabing-ilog mong lubhang mapanatag Mababakas pa rin yaong mga yapak na nag-uunahan sa 'yong mga gubat sa iyong kapilya'y sa ganda ay salat ang mga dasal ko'y laging nag-aalab habang ako nama'y maligayang ganap bisa ng hanging mo ay walang katulad. Ang kagubatan mong kahanga-hanga Nababanaag ko'y Kamay ng Lumikha sa iyong himlayan ay wala nang luha wala nang daranas ni munting balisa ang bughaw mong langit na tinitingala dala ang pag-ibig sa puso at diwa buong kalikasa'y titik na mistula aking nasisinag pangarap kong tuwa. Ang kamusmusan ko sa bayan kong giliw dito'y masagana ang saya ko't aliw ng naggagandahang tugtog at awitin siyang nagtataboy ng luha't hilahil Hayo na, bumalik ka't muli mong dalawin ang katauhan ko'y dagling pagsamahin tulad ng pagbalik ng ibon sa hardin sa pananagana ng bukong nagbitin. Paalam sa iyo, ako'y magpupuyat ako'y magbabantay, walang paghuhumpay ang kabutihan mo na sa aking pangarap Nawa'y daluyan ka ng biyaya't lingap ng dakilang Diwa ng maamong palad; tanging ikaw lamang panatang maalab pagdarasal kita sa lahat ng oras na ikaw ay laging manatiling tapat.
0 notes
Text
SA MAHAL NA BIRHEN
Ikaw na ligaya ng tanang kinapal, Mariang sakdal tamis na kapayapan, Bukal ng saklolong hindi naghuhumpay, Daloy ng biyayang walang pagkasyahan. Mula sa trono mong langit na mataas, Ako'y marapating lawitan ng habag, Ilukob ang iyong balabal ng lingap Sa daing ng aking tinig na may pakpak. Ikaw na Ina ko, Maraing matimtiman; Ikaw ang buhay ko at aking sandingan; Sa maalong dagat, ikaw ang patnubay: Sa oras ng lalong masisidhing tukso, At kung malapit na ang kamatayan ko, Lumbay ko'y pawiin, saklolohan ako!
0 notes
Text
Sa Kabataang Pilipino
Itaas ang iyong noong aliwalas ngayon, Kabataan ng aking pangarap! ang aking talino na tanging liwanag ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas! Ikaw ay lumitaw, O Katalinuhan magitang na diwang puno sa isipan mga puso nami'y sa iyo'y naghihintay at dalhin mo roon sa kaitaasan. Bumaba kang taglay ang kagiliw-giliw na mga silahis ng agham at sining mga Kabataan, hayo na't lagutin ang gapos ng iyong diwa at damdamin. Masdan ang putong na lubhang makinang sa gitna ng dilim ay matitigan maalam na kamay, may dakilang alay sa nagdurusa mong bayang minamahal. Ikaw na may bagwis ng pakpak na nais kagyat na lumipad sa tuktok ng langit paghanapin mo ang malambing na tinig doon sa Olimpo'y pawang nagsisikap. Ikaw na ang himig ay lalong mairog Tulad ni Pilomel na sa luha'y gamot at mabisang lunas sa dusa't himuntok ng puso at diwang sakbibi ng lungkot Ikaw, na ang diwa'y makapangyarihan matigas na bato'y mabibigyang-buhay mapagbabago mo alaalang taglay sa iyo'y nagiging walang kamatayan. Ikaw, na may diwang inibig ni Apeles sa wika inamo ni Pebong kay rikit sa isang kaputol na lonang maliit ginuhit ang ganda at kulay ng langit. Humayo ka ngayon, papagningasin mo ang alab ng iyong isip at talino maganda mong ngala'y ikalat sa mundo at ipagsigawan ang dangal ng tao. Araw na dakila ng ligaya't galak magsaya ka ngayon, mutyang Pilipinas purihin ang bayang sa iyo'y lumingap at siyang nag-akay sa mabuting palad.
0 notes
Text
Pinatutula Ako
Iyong hinihiling, lira ay tugtugin bagaman sira na't laon nang naumid ayaw nang tumipa ang nagtampong bagting pati aking Musa ay nagtago narin. malungkot na nota ang nasnaw na himig waring hinuhugot dusa at hinagpis at ang alingawngaw ay umaaliwiw sa sarili na ring puso at damdamin. kaya nga't sa gitna niring aking hapis yaring kalul'wa ko'y parang namamanhid. Nagkapanahon nga ... kaipala'y, tunay ang mga araw na matuling nagdaan nang ako sa akong Musa'y napamahal lagi na sa akin, ngiti'y nakalaan. ngunit marami nang lumipas na araw sa aking damdamin alaala'y naiwan katulad ng saya at kaligayahan kapag dumaan na'y may hiwagang taglay na mga awiting animo'y lumulutang sa aking gunitang malabo, malamlam. Katulad ko'y binhing binunot na tanim sa nilagakan kong Silangang lupain pawang lahat-lahat ay kagiliw-giliw manirahan doo'y sayang walang maliw. ang bayan kong ito, na lubhang marikit sa diwa't puso ko'y hindi mawawaglit ibong malalaya, nangagsisiawit mulang kabundukan, lagaslas ng tubig ang halik ng dagat sa buhangin mandin lahat ng ito'y, hindi magmamaliw. Nang ako'y musmos pa'y aking natutuhang masayang batiin ang sikat ng araw habang sa diwa ko'y waring naglalatang silakbo ng isang kumukulong bulkan. laon nang makata, kaya't ako nama'y laging nagnanais na aking tawagan sa diwa at tula, hanging nagduruyan: "Ikalat mo lamang ang kanyang pangalan, angking kabantugan ay ipaghiyawan mataas, mababa'y, hayaang magpisan".
Back to Main Tagalog Page
0 notes
Text
Nais kong mangolekta ng mga larawang kuha ng mga mahuhusay na retratista sa ating bansa; ang Pilipinas.
0 notes