mattura
Untitled
1 post
Don't wanna be here? Send us removal request.
mattura · 13 days ago
Text
Ang Lohika ng mga Ibanag at Ilog Cagayan
Patulog na ako at walang kamalay-malay na may mangyayaring perwisyo sa kalyeng tinitirikan ng kwartong inuupahan namin sa Cabagan, probinsya ng Isabela. Tulog na ang aking ina at kapatid habang abala pa rin ako sa pagse-cellphone kahit alas dose na ng gabi. Ganito ang itinuro sa akin ng pandemya, ang magpuyat. Hindi naman talaga ako marunong magpuyat noong kasagsagan pa ng face-to-face classes. Humahanga pa nga ako sa aking mga kaibigang umaabot ng alas-nuwebe nang gising pa dahil pinapatay na ang ilaw sa aming bahay tuwing pagkatapos kumain, alas-syete ng gabi. Habang nakikipag-usap sa aking matalik na kaibigan tungkol sa disposisyon ng kaniyang pamilyang naninirahan sa coastal barangay, dumadagsa na pala ng mga tao sa labasan ng aming bahay. Alam na naming dalawa na maaaring bumaha, ngunit hindi naming aakalaing lalawak ang ilog upang lunurin ang buong bayan.
Nangungupahan ang aking pamilyang pinagkaitan ng pabahay sa Centro (Ili sa Ibanag). Noong Oktubre 2016 kasi ay nanalasa ang Super Bagyong Lawin sa Hilagang Luzon na kumitil ng maraming buhay, pangarap, at kanlungan ng mga katutubo. Isa na roon ang bahay naming isang daang taon nang nakatayo sa harap ng pangunahing kalsada ng Centro. Noong namayapa ang aking ama at nawalan ng trabaho ang ina, pinili na lang naming mangupahan sa isang maliit na kwarto sa kabilang barangay, sa Anao, kung saan naninirahan ang aking kaibigang kausap sa gabing iyon. At katulad ng ibang kuwentong paglilipat, hindi kami nagtagal doon. Umabot kami ng Catabayungan, Eastern, at napadpad muli sa Centro. Malawak ang kuwarto. Kasya ang isang queen size bed, kung saan natutulog ang aking ina at kapatid, at isang double deck na gawa sa plywood, kung saan ako natutulog habang bitbit ng itaas na higaan ang mga inaagiw naming school supplies magkapatid. Nasa ikalawang palapag ang kwarto, habang nasa ibaba nito ang garahe ng aming landlord. Nandoon ang kanilang dalawang SUV na sa isang sulyap pa lang ay masasabi mo nang pinag-ipunan nang ilang taon. Sa labas naman ang komyunal na palikuran kung saan kahati namin ang ibang boarders at sa sahig ng harapan ng kwarto kaming mag-ina naghuhugas ng plato. Doon na rin naglalaba at nagsasampay ng mga damit.
Habang abala sa cellphone, narinig ko na lang na sumisigaw ang mga tao sa labas ng bahay. Hiyaw pa nga ang tamang termino, dahil pakiramdam kong hinintay nila ang tubig na dumako sa kalye namin, noon pang ibinalitang may isang metro na lang na natitira sa Anao Riverbank upang maabot na nito ang mga kabahayan sa Cabagan. Wala namang nagbabantang bagyo, at maaraw pa nga noong hapon iyon. Ngunit tanggap naman na ng mayorya ng mga Cabagueno ang ganitong eksena dahil karamihan sa mga katutubo rito ay Ibanag, o kung uugatin ang ibig sabihin ay “Taong Ilog”. Napapaligiran ng tubig ang bayan ng Cabagan. Kung tatawid ka sa Santa Maria, kailangan mong harapin ang dalawang tulay upang tumawid (isang higanteng tulay na ginastusan nang milyon ngunit hindi pa rin nagbubukas, sa panahong ito, at isang tulay na kapag nagsabay ang dalawang trak ay humanda ka nang masilayan si Hesukristo). Ganun din kung tatawid ka papuntang Abbag o mga barangay na nasa “kabila”. Nandirito ang iba pang mga barangay ng Cabagan na malayo sa ili o sentro. At ganun din kung papa-hilaga ka patungong San Pablo, ngunit maayos naman ang daan bilang bahagi ng national highway na dumurugtong sa probinsya ng Cagayan at Isabela. Sa ganang ito, halos lahat ng barangay ay masasabi nang coastal dahil sa bawat pagpasok mo ng mga barangay ay may bubungad sa iyong ilog.
Pinacanauan (Pinakanawan) ang kilalang ilog sa bayan. Bahagi ito ng pagkahaba-habang Ilog Cagayan (Rio De Grande Cagayan) na sumasakop sa apat na malalaking probinsya ng Cagayan, Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya (umaabot pa ito sa bahaging Cordillera kung titingnan sa mapa at kung isasali ang drainages at tributaries nito). Kung sisilipin ang kasaysayan ng mga katutubo sa Lambak Cagayan, naging malaking tulong ang ilog sa pagpapayaman sa agrikultura, at species ng flora at fauna. Dagdag dito, kung babalikan ang mga teksbuk noong elementarya, madalas binabanggit ang Isabela na mayaman sa tabako, palay, at mais, na siyang tunay dahil binabalot ng luntian ang bawat kalsada kung iikutin ang buong probinsya. Mataba ang lupa sa tabi ng ilog. Nagdadala ng organikong sustansya ang Ilog Cagayan sa mga lupang tanimang katabi nito.
Isa sa mga pinipilahang tourist spot sa Isabela ang Magat Dam sa bayan ng Ramon, mahigit tatlong oras ang layo sa Cabagan. May mahalagang simbolo sa akin ang Magat Dam lalo na noong hayskul, dahil lagi itong bida tuwing alas tres. “Wala pong pasok ngayong hapon/Kailangang umuwi ng mga mag-aaral nang alas tres lalo na ng mga mag-aaral na naninirahan sa mga lugar sa kabilang bayan dahil maglalabas ng tubig ang Magat Dam.” Abot tainga ang ngiti ko tuwing ibinabalita ito sa amin ng guro, ngunit kung babahiran ng pagiging kritikal, hindi ito dapat maging normal. Tuwing may tatamang bagyo sa Isabela, o malakas ang buhos ng ulan, kailangang magbangka ng mga taga-Santa Maria upang maabot ang high school na nasa Cabagan. Mayroon namang matataas na paaralan sa kanilang bayan, ngunit iilan sa kanila ay mas pinipiling mag-aral sa Cabagan dahil binabansagan itong sentro ng mga katabing baryo. Ang Cabagan kasi ang nag-aaktong gitna sa mga katabing barangay na Santo Tomas, Santa Maria, at San Pablo (na dating bahagi ng Cabagan). Angkin ng bayan ng Cabagan ang mga establisyimentong komyunal tulad ng pampublikong ospital, pamilihang may sari-saring bilihin, pamantasang estado, malawak na parke, mga opisinang pang-gobyerno, at tanyag na mga kainan tulad ng panciteria na naglalaman ng lokal na delicacy na Pancit Cabagan. Ito rin ang may maayos na kalsada patungo sa Ilagan, ang kabisera ng Isabela, at Tuguegarao, kabisera ng Cagayan.
Hindi lang sa usaping agrikultura at biodiversity inuulan ng biyaya ang Isabela sa pamamagitan ng Ilog Cagayan. Kaakibat na ng mga Ibanag ang ilog sa kanilang mga tradisyon bilang katutubo. Mayroong konseptong (tila selebrasyon para sa akin) tinatawag na “wagga” ang mga Ibanag, na katumbas ng gulgul/gulgol/golgol sa mga Ilocano. Ito ang tradisyong pagligo sa ilog kinabukasan pagkatapos ng libing ng namayapang kapamilya. Sa “wagga”, nilalabhan ng pamilya ang kanilang mga damit, na mapapansin ring ginagawa ng mga naninirahan sa malapit sa ilog. Mayroon ding katawagan para sa mga batang/may edad na magaling na sa paglangoy at paggawa ng tricks habang nasa tubig. Tinatawag silang “kutu na danung” (kuto ng tubig sa direktang pagsasalin). Naging tanyag na pasyalan pa nga’t naging a la-resort ang ilog sa Tupa sa San Pablo dahil punumpuno ito ng mga tao tuwing tag-init. Hindi rin nagpapahuli ang Magoli sa ilog ng Tumauini na isa ring pinipilahang tanawin.
Hinayaan kong hipuin ng tubig ang bawat sulok ng barangay nang gabing iyon. Rumekta ako sa pagtulog nang may nakaabang na ilog na dudungawin mula sa bintanang katabi ng aking higaan kinaumagahan.
Litaw na litaw ang kulay putik sa kalsada. Nagitla ako sa bumungad na ilog ng tsokolate sa kalsada. Ang inakala kong aabot lang sa binti ay mukhang hanggang bewang na. Hindi naman kami nagbalak lumikas dahil nasa ikalawang palapag ang aming kuwarto. Medyo malayo pa sa katotohanan. Napalagay man ang aking loob sa sumisikat na araw, dinadagdagan nito ang kulay ng paysahe, takot pa rin ang dala na baka sakaling maabot ng baha ang aming kinalalagyan. Lumulutang na mga sakong sinadyang itinapon ng mga kabahayan, mga malalaking trak at bulldozer mula sa katabi naming hardware na tumutulong sa paglikas ng mga taong nalunod na ang bahay sa baha, at mga lubid na hinahawakan ng mga malalakas ang loob na lumusong ang laman ng bintana ko kinaumagahan. Tumaas nang tumaas hanggang sa umabot ng bandang balikat ang maruming tubig na nanalasa ng mga kabahayan sa Centro. Isang araw nagtagal ang tubig, tatlong araw na walang kuryente dahil nakakatakot na baka magkaroon ng spark ang mga saksakang nahipo ng baha, isang linggong paglilinis ng mga kagamitan at bahay at pagbabalik sa normal, unang beses kong makatikim ng mapaklang natunaw na tsokolate mula sa inaakala kong biyaya ng kalikasan.
Hindi biro ang kalamidad sa gitna ng pandemya, at sa panahong iyon nalaman ko ang kabalintunaan ng ilog sa mga dapat nitong pangalagaan. Kanlungan ng mga Ibanag ang ilog na minsan o taon-taon nang hinahanap ang talampakan ng nakararami. Kumakatok na ang ilog sa mga pinto at kusa nang lumalapit sa mga kabahayan.
May ipinakilala ang aking grupo ng mga kaibigan na “Babba” na matatagpuan sa Casibarag Sur. Hindi tulad ng ibang coastal barangay na may sementong naghihiwalay sa tao at tubig, walang ganoong konsepto rito. Dito kami laging nagpipiknik ng sorbetes, nilutong tusok-tusok, at french fries. Tanaw ang maamong ilog, ang lulubog na araw, sa luntiang damuhan kung saan kami hindi napapagod ihayag ang aming galak. May mga oras na nagtatampisaw kami sa ilog upang hugasan ang aming paanan mula sa buhanginan. Dito kami naglalaro tulad ng mga bata kahit binabaha na kami ng mga module sa paaralan. Sa isang kaibigan ko rin nalaman ang isang paliguang ilog sa ibaba ng tulay ng Magassi-Balasig. Dito naganap ang kaarawan ko bilang disi-otso anyos, kasama ng ilang inumin at tsitsiryang pinagsaluhan namin.
Alaala naman ng katatakutan ang bumabalot sa akin tuwing dumadalaw kami sa bayan ng Santa Maria. Isang araw ay nagpiyesta ang pinsan ng aking mga pinsan at pinilit pa akong sumama dahil lang natatakot ako na dumaan sa tulay dahil sa itsura nitong kahit anong oras ay pwedeng bumagsak sa ilog na hindi ko matantsa ang lalim. Kawangis lang ng tulay na iyon ang tulay pa-Santo Tomas kung saan ang gitnang bahagi ng tulay ay hindi na tuwid. Mayroon naman nang matayog na tulay na pumalit sa dalawang lumang tulay, ngunit takot pa rin ang dala sa akin tuwing nakikita ko ang mga ito. Kung magmumula ka sa Cabagan at nagbabalak umuwi ng Maynila, mapapansin mo ring hindi lang ito ang ilog na iyong madadaanan. Nandiyan ang mga tulay sa Tumauini at Ilagan na may dala ring takot sa akin tuwing dinadaanan ng sinasakyan kong bus. Mayroon namang mga bangkang nakaabang sa mga ilog kung sakaling tumaas ang tubig at maabot ang lumang tulay, na halos buwan-buwan nangyayari.
Sa koleksyon ng mga tula ni Merlie Alunan na Sea Stories ay mayroong tulang pinamagatang “Old Women in our Village”. Makikita ang kaniyang paglalarawan sa tubig bilang mapanganib at mapaghimagsik:
Old women in my village say / the sea is always hungry, they say, / that’s why it comes without fail / to lick the edges of the barrier sand, / rolling through rafts of mangrove, / smashing its salt-steeped flood / on guardian cliffs, breaking itself / against rock faces, landlocks, hills, / reaching through to fields, forests, / grazelands, villages by the water,/ country lanes, towns, cities where / people walk about in a dream, / deaf to the wind shushing / the sea’s sibilant sighing
Sa panahong ito ilang beses nang naghahanda ang mga tao tuwing nagkakaroon ng babala ng bagyo at baha. Noong umuwi ako noong 2022 at nanirahan sa bahay ng aking tito sa Centro din, nagkaroon ng babalang aakyat muli ang tubig at maaaring maulit ang pagbaha noong nakaraang taon. Ilang ulit kaming bumalik-balik sa riverbank kasama ng aking mga pinsan upang malaman kung nasa huling warning na ang tubig. Iniakyat na naming pamilya ang mga gamit, at lumipat na rin sa kabilang bahay, o mansyon, na may tatlong palapag upang maging ligtas kami kung sakaling manalasa na naman ang ilog sa mga kabahayan. Makikita ang manipestasyon ng trauma na idinala ng matinding pagbaha noong 2021 sa mga mamamayan. Hindi na hinayaang maulit ang pagkabigla sa pagdakma ng tubig sa mga gamit na iniwan sa sahig. Salamat na lang na hindi natuloy ang tuloy-tuloy na pag-akyat ng tubig. Hindi naulit ang pagbaha. Nasayang man ang pagbubuhat namin ng malalaking appliances sa kabilang bahay, nakita kong sinubukan ng mga tao na maging handa sa kalamidad. Ngunit laging gutom ang tubig, kahit sino ay dapat maging handa sa pagkauhaw nitong matikman ang lupa ng Cabagan. Nariyan lang ang ilog sa tabi, pumapalibot sa bayan, kahit anong oras, kahit tulog, ay kaya nitong lumapit sa kahit na sinong hindi alisto sa tubig.
Ngayong taon, 2024, sa State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos ay mariin niyang binanggit na mayroong mahigit limang libong flood control projects ang natapos sa kaniyang administrasyon. Ngunit pagkatapos lang ng ilang linggo ay nanalasa ang pagbaha sa Metro Manila kasabay ng isang malakas na bagyo. Binulabog ng pagbaha ang mga mababang lungsod ng Marikina, Maynila, Quezon, at Pasig na huling nakatikim ng ganitong uri ng kalamidad ay noong Ondoy pa noong taong 2009. Nabuksan ang aking trauma noong naninirahan pa ako sa Cabagan, kahit nasa mataas na lugar ang puwesto ng aking dorm sa loob ng pamantasan, hidni nawawala ang kaba na maaari akong maaabot ng uhaw nito. Pagkatapos lang ng dalawang buwan ng pagtatalo ng mga bayan sa Pilipinas kung sino ang may pinakamataas na heat index ay sunod-sunod na ang mga Typhoon at Super Typhoon ang tumama sa bansa. Sunod-sunod ang pag-ahon ng tubig, sinusubukang ipaalala sa mga tao ang kapangyarihan ng lalim.
Mula kay bagyong Carina na humilis sa Hilagang Luzon, hanggang sa bagyong Nika at Ofel na kasalukuyang dumadaan ngayon sa rehiyon, sa oras na isinisulat ko ito, ay binabalot ang aking Facebook account ng mga litrato ng pagsakop ng tubig na kulay tsokolate sa mga kabahayan sa Cagayan. Ilang beses ding binabantayang maigi ang ilog sa Anao dahil sa pagkawala ng tubig sa Magat Dam. Sa mga bagyong dumaan ngayong taon, napansin kong nagiging normal na ang pagtatalaga ng PAG-ASA ng Tropical Cyclone Signal Number 5 sa mga bayan na inaakala kong minsan lang maaaring mangyari. Tulad na lamang noong 2016, noong nilipad ng Super Bagyong Lawin ang aming kanlungang tirahan. Akala ko once in a blue moon lang, akala ko isang beses lang sa buhay ko mangyayari ang ganoon kalalang pangyayari.
Bukod sa Ilog Cagayan na angkin ng rehiyon, mayroon pang isang biyaya ng kalikasan ang iniaalay ang kaniyang sarili sa panahon ng bagyo, ang Sierra Madre na nagiging panangga ng Isabela, maging ng buong Luzon. Tuwing pagkatapos ng bagyo, todo pasasalamat ng mga tao sa bulubundukin dahil may kakayahan itong mapahina ang anumang bagyong lalakbay dito. Sa rehiyong maraming nainirahang katutubo, malaki ang tulong ng bulubundukin sa pagpapanitili ng seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan. Kung wala ito, mabubura na siguro sa mapa ng Pilipinas ang Isabela, o siguro burado na ang Pilipinas sa mapa ng Asya.
Kasalukuyan, mayroong isinasagawang proyekto ang gobyerno kasama ang Tsina sa Rizal-Quezon, kung saan nakalagay ang dulong bahagi ng bulubundukin. Kilala ito bilang Kaliwa Dam na sinasabing magiging lalagyan ng tubig na magsusuplay ng tubig sa Kamaynilaan upang malutas ang problema sa madalas na kawalan ng tubig. Ngunit sa kasamaang palad, ang espasyo kung saan isinasagawa ito ay nagiging malaking problema sa mga katutubong Dumagat. Hindi lang ito usapin ng pangangamkam sa lupa, na isa pang mahabang talakayan kung sisimulan, ngunit batay sa kanilang katutubong kaalaman, alam nila kung papaano maghiganti ang tubig. Babala ng mga kapatid, matinding pagbaha ang maaaring idala nito sa mga probinsyang malapit dito. Kasabay ng mga mapaminsala-sa-kalikasang proyektong ginagawa ng gobyerno, patuloy din ang reklamasyon ng lupa sa iab’t ibang lupalop ng Maynila, at pagtatayo ng mga tulay sa mga lugar kung saan magiging delikado sa mga mababang lugar.
Sa isang talk sa Ateneo de Manila, ngayong taon, nagkaroon ako ng oportunidad upang ihayag ang aking kuwento bilang baklang Ibanag na humaharap sa mga nakakatakot na kalamidad. Kumawala sa aking bunganga ang pag-amin na isang kabalintunaan ang pagbansag sa mga taong nasa paligid ng Ilog Cagayan bilang Ibanag o “Taong Ilog”, kung sa kasalukuyan ay takot na ang dala ng ilog tuwing may bagyo, o banta ng pag-akyat ng tubig. Yinayakap kong buo ang Ilog Cagayan sa pagbibigay-kabuluhan sa aking identidad. Sa pamamagitan ng pagligo sa ilog, pag-ahon-lubog, naramdaman kong kaibigan ko ang tubig, ang pagkawala ng mga masasakit na alaala, nagkakaroon ng kapayapaan sa aking kalooban. Ilog ang tunay ko pa ring naging kaibigan sa tag-init, at ng iba pang Ibanag. Ngunit sa oras ng pagbabagong-hubog, pagpapalit-kulay mula sa malinaw hanggang tsokolate, pagiging maamo patungong pagiging mapaghimagsik, nagkakaroon ng magulong pagtatalo sa aking loob, kung kailan matatapos ang kalamidad sa rehiyong biniyayaan ng mayamang ekolohiya at heograpiya.
Dala ko pa rin ang takot sa sarili tuwing nakakakita ng ilog na tumataas at lumulunok ng bahay at tao, kahit magagandang alaala ng pagligo o masasamang alaala ng paglikas upang takbuhan ang panganib, patuloy humihina ang aking tuhod sa ganitong mga gunita. Naririnig ko pa rin ang bulong ng tubig, nainom na ng aking balat ang mapanganib na lason ng tubig sa pagtatampisaw, laging banggit sa akin nito ay magtatapos ang panahon na kailangang laging balikan na nakakabit ang ilog sa pagkatao ng mga Ibanag. Bato balani raw ang aking talampakan na laging tinatawag ang ilog, hahabulin ako kung saan ako paparoon, ipapaalala ang etimolohiya at lohika ng pinagmulang bayan. Tao ako ng Ilog Cagayan; isinilang upang kilalanin ang pag-iral ng kapangyarihan ng ilog, lalakí sa pamamagitan ng paglangoy at pagtakas dito, hanggang sa huling hantungan ay gaganapin ang selebrasyon namin dito. At tulad mo, wala na ngayong ligtas sa bagsik ng kalamidad, kahit ang mga taong kaibigan ang ilog, napapanagot nang walang pag-aatubili.
-
Opisyal na lahok sa Saranggola Awards 2024
http://www.saranggola.org.ph
Tumblr media Tumblr media
1 note · View note