Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Ang Liwanag sa Dilim ng Puso
Ni: Maria Kylyn G. Arellano
Alas singko pa lang ng umaga pero gising na ang pamilya ni Kyla. Ganyan ang kanilang nakagawian. Si Kyla ang naghanda ng pang-umagahan ng pamilya at sabay sabay silang kumain. Pagkatapos kumain ng umagahan ay gumayak na ang kanyang lola at tita upang makapagtinda sa bayan. Si Kyla naman ang naiwan upang gawin ang mga gawaing bahay. Nagwawalis siya ngayon sa kanilang sala nang may biglang kumatok. Alam niyang bukas ang pintuan kaya tinigil niya ang kanyang ginagawa at tinignan kung sino ang taong 'yun. Sumalubong ang kanyang kilay at napalitan ito ng galit.
"Pwede ba tayo mag-usap?" tanong ng isang lalaki. Ngumiti ito sa kanya ngunit bakas ang lungkot ng kanyang mukha. "Wala po tayong dapat pag-usapan, umalis na po kayo" sagot ni Kyla at pinagpatuloy ang kanyang ginagawa.
"Anak, gusto ko lang naman bumawi sa mga nagawa ko sa'yo. Gustong gusto lang kitang makausap" usal ng lalaki. Tumingin ulit si Kyla sa lalaki. Siya ang kanyang tatay na si Mang Berto. Malaki ang galit niya sa kanyang tatay. Noong sampung taong gulang si Kyla ay namatay ang kanyang ina sa sakit na Luekemia. Wala pang isang linggo ay nagkaroon na ng bagong kasama ang kanyang tatay at ang malala pa doon ay nalaman nitong buntis ang bagong asawa niya. Nagalit si Kyla dahil mas pinili ng kanyang tatay ang bago niyang pamilya. Parang pinagmalupitan siya ng tadhana sapagkat dalawang taong mahalaga sa kanyang buhay ang nang-iwan sa kanya. Sa ngayon, ang lola niyang si lola Maria at ang tiya niyang si aling Rita ang nagpalaki sa kanya. Sila na ang tinuring niyang pamilya.
"Bumawi? Huli na po ang lahat. Namulat na po ako sa ginawa ninyo sa akin! Kaya wala na po tayong dapat pag-usapan pa. Umalis na po kayo bago pa ako makapagsabi ng masama" tugon ni Kyla sa kanyang tatay. Walang magawa ang ama ni Kyla at umalis na lamang. Hindi niya masisi ang anak kung ganoon na lamang siya itrato. Aminado naman siyang mabigat ang naging kasalanan nito sa kanyang anak.
Kahit na nawalan ng gana at bumigat ang pakiramdam ni Kyla ay sinigurado pa rin niyang nagawa niya ang mga gawaing bahay. Nagluto siya ng pananghalian upang mabigyan ng baon ang kanyang lola at tiya na nagtratrabaho sa bayan. Nang matapos ito ay agad na siyang nagtungo sa bayan at sabay pa din silang kumain. "Lola, pumunta po si tatay sa bahay kanina" kwento ni Kyla habang sila ay kumakain. Nagkatinginan ang lola at tiya ni Kyla.
"Nag-usap ba kayo, iha?" tanong ng kanyang tiya. "Hindi po, tita. Pinaalis ko po agad siya. Ayaw ko na po kasi siyang kausapin" tugon ni Kyla.
"Anak, malapit na graduation mo. Bakit 'di mo na lang kalimutan 'yung nangyari para makapag-ayos na kayo ng tatay mo?" tugon naman ni Lola Maria.
"La, hindi naman po madali 'yun. Hayaan niyo na lang po, huwag na po ulit natin pag-usapan" sagot ni Kyla at nagpatuloy na lang sa pagkain. Hindi na umimik ang lola at tiya nito. Tinulungan na ni Kyla ang kanyang tita at lola sa pagtinda ng gulay. Nang makauwi ay naghanda ang kanyang tiya ng hapunan at sabay na kumain. Pagkatapos ng lahat na kailangang gawin ni Kyla ay umakyat na ito sa kanyang kwarto para makapagpahinga.
Kinaumagahan, pagkagising ni Kyla ay inayos agad niya ang kanyang kama. Pagkababa niya ay nasira ang kanyang umaga sapagkat nakita na naman niya ang ama na nakikipag-usap sa lola niya. Napadako ang tingin ng dalawa sa kanya. Tumayo at lumapit ang ama nito at nanatili lang sa kinakatayuan ang dalaga.
"Anak, kausapin mo naman ako" tugon ng ama. Makikita sa mukha nito ang pagsusumamo at nais niya talagang makausap ang kanyang anak. "Wala na nga po tayong kailangang pag-usapan pa. Sinabi ko na po iyan kahapon. Alin po ba doon ang mahirap intindihin?" pagalit na sagot ng dalaga.
"Anak, gusto ko lang naman makabawi. Gusto kong makapunta sa graduation mo" tugon ng ama. Napapikit ang dalaga dahil pakiramdam niya ay tumataas ang dugo nito.
"Hindi na nga kailangan! Hindi ka ba talaga nakakaintindi? Isa pa, huwag na huwag mo akong tatawaging anak dahil kahit kailan hindi ko naramdaman ang presensya mo!" pasigaw na sagot ni Kyla. Hindi na niya kaya pang pigilan ang galit niya sa ama. Nagulat naman si Lola Maria sa inasal ng dalaga. "Hindi kita pinalaking ganyan, iha" tugon ni lola Maria.
"Totoo naman po, Lola. Kahit kailan hindi ko naramdaman ang pagmamahal ng isang ama" diin ni Kyla habang nakatitig sa ama. Kitang kita sa mata nito ang galit at lungkot dahil sa sinapit nito noong bata siya. "Tinuring na kitang patay sa buhay ko!" pasigaw na dagdag niya tsaka siya nagtungo sa kanyang kwarto at padabog na isinara ang pinto. Napabuntong hininga na lamang ang ama nito pati na ang kanyang lola.
"Hayaan mo, kakausapin ko ng maayos ang anak mo" naisambit na lamang ng lola niya. Umalis na ang ama ni Kyla. Kinatok ng lola niya ang pinto ng kwarto nito. Tinatawag niya si Kyla ngunit ayaw ito pagbuksan ng dalaga. Hinayaan na lamang muna niya dahil naiintindihan din naman niya kung bakit ganoon siya sumagot sa kanyang ama.
Maghapon na nagkulong ang dalaga sa kanyang kwarto. Sobrang bigat ng kanyang dibdib at walang tigil ang kanyang pag-iyak. Naalala niya ang kanyang ina. Napatanong siya sa kanyang sarili na kung sakaling buhay pa ang kanyang ina, magkakaroon kaya siya ng maayos at masayang pamilya?
Nang mahimasmasan na ang dalaga ay lumabas siya sa kanyang kwarto. Nagtungo siya sa kusina ngunit bago pa ito makarating ay narinig niya ang usapan ng kanyang lola at tiya. Nagtago siya sa pader upang marinig pa ang usapan nila.
"Nay, bakit hindi mo na lang sabihin ang totoo kay Kyla? Para naman kahit papaano ay mawala ang galit niya sa ama niya" wika ng kanyang tiya Rita. Narinig niya ang pagbuntong hininga ng kanyang lola. "Sasabihin ko naman, ngunit paano?" sagot ng kanyang lola.
Nagtaka si Kyla kung ano ang nais iparating ng kanyang tita. "Ano po ang ibig niyong sabihin?" tanong ni Kyla nung lumabas siya sa pagkakatago. Nagulat ang dalawa at napatingin sila sa nagtatakang si Kyla. Nilakasan ng kanyang lola ang kanyang loob upang masabi na din niya ang gusto niyang sabihin noon pa man.
Pinaupo muna ni Lola Maria si Kyla at hinawakan niya ito sa kamay. "Anak, karapatan mong malaman ang lahat. Ayokong lumayo pa lalo ang loob mo sa iyong ama" tugon ni Lola Maria bago ito magkwento. Ayon sa kwento ng kanyang lola, matagal nang hiwalay ang kanyang ina at ama. Nagpanggap lamang silang magkaayos dahil ayaw nila na malaman at masaktan ang damdamin ng kanilang anak. Noong namatay ang ina nito, kailangan ng ama ni Kyla na suportahan ang bagong asawa sapagkat buntis ito. Kahit na naiwan si Kyla sa kanyang lola, hindi tumigil ang ama niya na magbigay ng sustento. Sinuportahan pa din nito ang anak sa kanyang pag-aaral at hindi pinabayaan.
Naiyak si Kyla sa kanyang nalaman. Nakonsensya siya sa nasabi niya sa kanyang ama. Nawala ang galit nito sa ama noong malaman niya na ang perang ginagamit niya sa kanyang paga-aral ay galing sa kanyang ama. Kaya kinaumagahan, binisita niya ang kanyang ama sa bahay nila. Nang makarating siya sa tapat ng bahay ng kanyang ama ay nakita niya ang bagong asawa nito. Kinabahan siya sapagkat ngayon lang niya nakita ito. Nang makita ito ng babae ay agad niya itong pinagbuksan ng gate. Agad namang tinawag ng babae ang kanyang asawa. Nang makita ni Mang Berto ang kanyang anak ay lumiwanag ang mukha nito. Pinaupo niya ang dalaga at ang asawa naman nito ay naghanda ng meryenda.
"Bakit ka naparito, anak?" tanong ni Mang Berto sa kanyang anak. Ngumiti si Kyla at niyakap ang kanyang ama. "Patawarin mo po ako sa nasabi ko kahapon, papa" wika ni Kyla habang yakap yakap ang ama. Napangiti si Mang Berto dahil sa narinig niya mula sa kanyang anak. Narinig niyang muli na tawagin itong papa. Kumalas sa pagkakayap ang ama at hinawakan niya ang makabilang balikat ni Kyla.
"Ako ang dapat humingi ng tawad anak. Alam kong malaki ang pagkukulang ko sa'yo. Patawarin mo ako anak!" sagot ng kanyang tatay. Sa araw na iyon ay nagkaayos ang mag-ama. Pinakilala ni Mang Berto si Kyla sa asawa niya at sa kanyang dalawang anak. Maayos ang pakikitungo nila sa kanya kaya natuwa si Kyla. Sinabihan din niya ang ama na dumalo ito sa nalalapit na pagtatapos niya sa kolehiyo.
Makalipas ang isang linggo, nagagalak ang dalaga sapagkat ito na ang araw na kanyang pinakahihintay, ang araw ng kanyang pagtatapos sa kolehiyo.
"Kyla Roxas, Bachelor of Secondary Education, major in mathematics, Cum Laude!" pagkarinig ng kanyang pangalan ay agad siyang tumayo. Umingay ang paligid dahil sa masigabong palakpakan ng mga mag-aaral maging ang mga magulang na nasasaksihan ang tagumpay ng kanilang anak. Ang lola ni Kyla ang sumama sa kanya sa entablado. Hindi maiwasan ni Kyla ang mapangiti sapagkat matatanggap na niya ang kanyang inaasam na diploma. Nilibot niya ang kanyang paningin at nakita niya ang kanyang ama na may hawak na bulaklak. Nakapolo ito ng kulay puti. Kumaway ang ama nito at nginitian ang kanyang anak. Ngumiti naman si Kyla sa kanyang ama. Sa kabila ng kanyang galit at mga nangyari ay nagawa niyang patawarin ang ama niya bago ito magtapos ng kolehiyo.
Pagkatapos ng seremonya ay nilapitan ni Kyla ang kanyang lola at tiya. Nilibot muli niya ang kanyang paningin upang hanapin ang kanyang tatay ngunit hindi niya ito mahagilap dahil na din sa dami ng tao. Biglang lumapit ang mga kaklase niya sa kanyang upang batiin siya at ganoon din ang ginawa ng dalaga. Kumuha din sila ng litrato kasama ang kanyang lola, tiya at iba pa niyang kaklase.
Biglang tumunog ang selpon ng kanyang tiya Rita at agad naman niya itong sinagot. "Ano! Hindi ba kayo nagbibiro? Nasaan kayo ngayon?" narinig niya ang tiya niya na ngayon ay umiiyak na. Lumapit si Kyla at ang kanyang lola at tinanong kung anong nangyari.
"Ang tatay mo..." napatigil ang kanyang tiya dahil nahihirapan na itong magsalita. "Patay na ang tatay mo" pagkasabi na pagkasabi ng kanyang tiya ang katagang iyon ay nanghina ang lola ni Kyla. Ang ilan sa mga naroon ay inalalayan ang matanda. Nagtaka si Kyla at hindi niya maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng kanyang tiya Rita.
"Hindi ko po kayo maintindihan, nakita ko lamang si tatay kanina" naiiyak na sabi ni Kyla. Malinaw na malinaw sa mata niya na nakita nito ang ama na kumaway at ngumiti pa.
"Patay na ang tatay mo" paulit ulit pa ding sabi ng kanyang tiya Rita. Humahagulgol na ngayon siya sa iyak. Nagsimulang tumulo ang luha ni Kyla. Hindi siya makapaniwala sa narinig niya pero bumigat ang dibdib niya ng mapagtantong hindi nagbibiro ang kanyang tiya. Parang nawala lahat ng tao sa kanyang paligid at napalitan ito ng kadiliman. Unti-unting lumabo ang kanyang mata at unti-unting bumagsak ang kanyang katawan.
Makalipas ang isang buwan, nilagay ni Kyla ang bulaklak sa isang semento na nakaukit ang pangalan ng kanyang ama. Isang buwan na ang nakalipas simula namatay ang ama nito. Napag-alaman niyang may malubha pala itong sakit. Gagayak na sana ang ama nito nung araw ng kanyang pagtatapos ngunit ito ay natumba at nawalan ng malay. Ginawa ng mga doctor ang kanilang makakaya ngunit hindi pa din nailigtas ang kanyang ama.
Tumulo ang luha ni Kyla, naalala niya ang nakita niya noong araw mismo ng kanyang pagtatapos. Naisip niya na kahit papaano, nakadalo pa din ang ama nito kahit kaluluwa na pala ang nakita niya. Umupo siya sa harap ng puntod ng ama, katabi lamang ito ng puntod ng kanyang ina.
"Pa, Ma. Maraming salamat sa lahat ng nagawa niyo sa akin" huling sambit niya.
0 notes
Text
Ang kaarawan ni Inay
Ni: Maria Kylyn G. Arellano
Kaarawan ngayon ni mama at napakadami niyang bisita. Nandito ang ilan sa mga kamag-anak namin at ang ilan ay mga katrabaho ni mama. Nakita ko si Jake na palapit sa akin, gusto ko sanang umiwas ngunit huli na ang lahat. Hinila niya ako at nagtungo kami sa aking kwarto. Hindi naman ako makailag ngunit nakaramdam ako ng kaba. Minsan kasi hindi ko mabasa ang kanyang isip.
Tinanong ko siya kung ano ang ginagawa namin dito ngunit sumenyas siya na manahimik lang ako, naupo na lamang ako sa aking kama at tinignan na lang siya habang isinasarado ang pintuan ng aking kwarto.
Kumindat siya sa akin at sinabi niyang may ipapatikim lang daw ito sa akin. Bigla akong kinabahan at nanlalamig ang aking kamay. Hindi ko maiwasang isipin na baka mahuli kami ng aking nanay at mapagalitan, kaarawan pa man din niya ngayon. Sinigurado naman daw niyang walang nakakita sa amin noong pumasok kami dito. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin ngunit mayroong parte ng aking pagi-isip na gawin din ang bagay na iyon.
Lumapit nang lumapit sa akin si Jake dahilan kung bakit ako nasabik. Unti-unti niyang pinakita ang bagay na iyon sa akin. Naglaway ako at agad kong hinawakan. Malaki at malambot. Unti-unti kong sinubo, at napapikit sa sobrang sarap. Halos mabilaukan ako sa panggigil. Pero sa kabila ng kaganapan ay hindi ko pa ding maiwasang kabahan dahil paniguradong parehas kaming malalagot kapag nahuli kami rito.
Tinanong niya sa akin kung masarap kaya tumango ako bilang sagot at pinagpatuloy ang pagkain. Dinilaan ko ang ibabaw nito. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman ko. Sobrang init at halos pagpawisan na din ako.
Binilisan ko ang pagkain dahil baka mahuli pa kami ng aking nanay. Nang di umano'y biglang namatay ang ilaw kaya parehas kaming nagulat ni Jake. Ang tugtugan sa labas ay biglang natahimik. Mukhang nawalan ng kuryente. Dahil sa hindi ako sanay sa dilim ay bigla akong napatayo. Sobrang dilim ng kwarto, naga-alala ako kay Jake dahil takot siya sa dilim. Tinawag ko ang kanyang pangalan at kumapa kapa dahil alam kong napaatras siya kanina. May nakapa akong matigas at kumapit lang ako dito. Tinawag ko ulit ang pangalan ni Jake ngunit hindi talaga siya sumasagot.
Biglang bumukas ang ilaw at nag-ingay ulit ang tao sa baba. Nakahawak pala ako sa upuang kahoy. Nakita ko si Jake sa sulok ng aking kama habang nanginginig sa takot. Nag-alala ako kaya lumapit ako sa kanya at inaya ko siyang bumaba na para makainom ng tubig.
Biniro ko siya na mas matakot siya kapag nalaman ni mama ang ginawa namin para mapatawa at para mawala ang kanyang takot pero nanginginig pa din siya. May trauma kasi iyo sa dilim kaya ganoon na lamang ang kanyang reaksyon. Sinigawan ko siya dahilan upang bumalik siya sa katinuan.
Biglang bumukas ang pintuan ng aking kwarto. Nagulat ako nang makita ko si mama na nakapameywang. Napatingin din siya sa aking kama. Napatampal siya sa kanyang noo sa inis at sinabi niya kay Jake na hindi naman siya nagkulang na paalala ngunit ginawa niya pa din.
"Sinabi ko namang huwag na huwag niyong gagalawin ang cupcake na yan, para sa anak ng bisita iyan, meron akong ginawa para sa inyo. Bakit 'di na lang 'yun ang kinain niyo!" galit na tugon ng aking nanay.
Ang tinutukoy niya ay ang cupcake na pinakain sa akin ng aking pinsan na si Jake. Pinagalitan niya kami at pinalabas sa aming kwarto, nagtawanan na lang kami dahil sa kalokohan na aming nagawa sa kaarawan ni mama.
0 notes