maca-momo
Mga Akda ni Marj
4 posts
Marjoneth Arañez
Don't wanna be here? Send us removal request.
maca-momo · 4 years ago
Text
Ang Pag-aaral sa Panitikan
Habang pinag-aaralan ang panitikan ay hindi ito kaagad ipinaliwanag saamin ng aming guro na sa una’y pinagsaliksik muna kami patungkol sa panitikan at gawan ito ng blog. Nagbigay ng mga katanungan na maaari naming ilagay upang magkaron ng ideya kung ano ba ang mga kasagutan na ilalagay namin at kung ano ba mismo ang panitikan sa blog na aming gagawin. Sa pagkakaalala ko rin ay napag-aralan na noon ang panitikan ngunit hindi na nga ganoon naalala at inaalala dahil sa iba-iba na ang pinagkakainteresan ng mga tao. Kahit ako ay kapag tinanong na kung ano ba ang ibig sabihin ng panitikan ay hindi ko agad ito nasasagot ngunit kapag nagsaliksik na o itinuro na ulit ay saka ko lamang naaalala na alam ko pala talaga ang ibig sabihin ng panitikan. Sa aking nasaliksik ay ang ibig sabihin ng panitikan ay isa itong sulatin na nababasa sa libro, balita o social media na nagpapahayag ng mga karanasan, kaisipan, damdamin o kwento ng isang tao.
Maaring naglalaman ito ng katotohanan o gawa-gawa lamang para sa isang layunin. Noong matapos naming gumawa ng blog ay ipinaliwanag na rin saamin kung ano ba talaga ang panitikan at ito raw ay isang representasyon ng mga kaganapan sa paligid, mayroong isang sining na halimbawa ay ang tula at mayroon ding “oral panitikan” na halimbawa naman ay fliptop. Sinabi rin na pinag-aaralan ang panitikan para maintindihan mo ang sarili mo at kapag pinag-aaralan ito ay hindi lang basta-basta kundi binubusisi. Kahit na hindi kaagad naipaliwanag saamin ang panitikan ay alam kong inaalam lang kung talaga bang nagsaliksik at sineseryoso ba namin ang ipinagagawa saamin at naiintindihan ko rin na hindi naman lahat ng bagay ay kailangan ipaliwanag saamin kaagad o ipaliwanag ang bawat detalye dahil nga’y nasa kolehiyo narin kami at mas malawak narin ang pang-unawa.
0 notes
maca-momo · 4 years ago
Text
Panitikan: Ang Mga Boses at Katotohanan
Ang pagsasalita, pagsasabi o paglalabas ng ating mga hinaing ay hindi masama, hindi rin naman ito maiiwasan lalo na kung alam naman natin na ang mga naranasan o nararanasan natin ay hindi na nakakabuti para saatin. Sa aking mga nabasa na kritikal na sanaysay, dalawang sanaysay na tungkol sa kamalayang feminismo at ang isa ay creative writing ang pumukaw sa aking atensyon na karapat-dapat naman talaga nating bigyang pansin.
Lahat tayo’y nakakaranas ng problema, sino bang hindi at kailan ba matatapos ang mga problemang kinakaharap natin? Babae, lalaki, bata man o matanda, kahit nasaan ka pang lupalop ng mundo ay pare-parehas lang tayo na may kinakaharap na problema. Ngunit hanggang kailan tayo magtitiis? Dapat nalang ba tayong manahimik at isapawalang bahala nalang ang ating mga nararanasan o maghahanap at susubok naba tayo ng maaaring maging solusyon sa mga problemang kinakaharap natin?
Sa isinulat ni nanaybunso na “Ang Kamalayang Feminismo sa Panitikang Filipino” ay ipinapakita rito ang mga problemang kinakaharap ng mga kababaihan at kung paano nila naipakita ang pagbabago sa buhay ng isang pagiging babae sa pamamagitan ng kanilang mga kakayahan. Sa maikling kwento na “Ang Himas ni Ricardo” ni Babeth Lolarga ay ginamit ng awtor si Lara Sumulong bilang isang halimbawa para sa mga kababaihan na naging sunud-sunuran sa mga kalalakihan, walang karapatang magsalita, magsulat at ipakita ang kahusayan sa iba’t ibang larangan sa ekonomiya, pulitika, kultura at pati na sa siyensa. Si Lara Sumulong ang babaeng nagpabago at nagwaksi sa istiryutipo ng babae bilang sunud-sunuran sa lahat ng gustuhin ng lalaki, na ang babae ay hindi mananatiling anino lamang ng lalaki.
Sa umpisa ng akda ni nanaybunso ay direkta niyang sinabi ang tungkol sa suliraning kinakaharap ng mga kababaihan at nagbigay ng mga halimbawa na maaaring makapagpalinaw sa mga mambabasa na konektado rin sa problemang ipinupunto. Kasunod nito ay pumili rin ng isang maikling kwento na nailathala sa Mirror Weekly at sa Aklat Likhaan ng mga Maiikling Kuwento 1999. Ito rin ang kaniyang ginamit bilang halimbawa na mas makakapagbigay linaw sa usaping feminismo na kahit na napakasenswal ng akda ay katulad nga ng nasabi ng awtor ay “nilalayon nitong ibangon ang kamalayang feminismo”.
Bukod sa usaping feminismo, ang Panitikan ay may kinakaharap ding suliranin at dito sa “Sad Few Notes on Creative Writing” ni Rogelio L. Ordonez makikita ang maling pagkakaunawa ng ilan sa mga manunulat patungkol sa esensiya ng tamang pagsulat. Nasabi rito na “Creative writing’s attempt to discover the image of country life is still weak, if at all. The feeble attempt to rediscover the lost image has failed to provide the link between the creative writers and the reading masses.” Karamihan sa mambabasa ngayon ay naghahanap ng makakapagbigay-aliw sakanila sa oras ng libangan. Dinadaan ito sa pagbabasa ng mga istorya o kwento na pasado sa kanilang panlasa. Kaya ang mga manunulat ay ginagawa nila ang kanilang makakaya para maibigay ang kagustuhan ng mga mambabasa kahit hindi na sila gaano nasisiyahan sa kanilang isinusulat. Ilan sakanila’y nagagawa ng magsulat para nalang sa pera na dapat ay nagsusulat sila dahil gusto nila at ang mga kagustuhan lamang ng mambabasa ay hindi nila prayoridad.
Panitikan. Ito’y naging boses at tulay para sa mga manunulat upang maipaalam sa mga mambabasa ang nais nilang ipahiwatig na naglalaman ng katotohanan. Magkaron ng kamalayan sa kahit na anong bagay at problema.
0 notes
maca-momo · 4 years ago
Text
“Iisang Layunin”
Mga kuwento, babasahin, usapin, totoong karanasan o mga hindi makatotohanang pangyayari. Lahat ng ito ay mayroong pagkakaiba-iba ngunit iisa lamang ang kanilang mga layunin. Ang isang karanasan at ang hindi makatotohanang pangyayari, parehas lamang ito na may ipinupunto at kapupulutan ng aral.
Katulad nalang sa aking mga nabasa, mayroon akong natutunan sa dalawang magkaibang akda na magkaibang klase rin ng teksto. Ito ang “Dangal” ni Norman Wilwayco na binase sa kaniyang imahinasyon at ang “Forced by Habit” ni Eman Nolasco na nakabase sa totoong karanasan ng kaniyang buhay. Ang dalawang kuwento na aking nabanggit ay magkaibang kuwento ngunit parehas na tumatalakay sa usaping pag-ibig at kahirapan.
Pag-ibig at Kahirapan. Dalawang salita na maraming kahulugan para sa iba’t ibang uri ng tao. Dalawang salita na kadalasang pinoproblema ng taumbayan na kailanman ay hindi mawawala at matatapos agad-agad.
Ang “Dangal” na isinulat ni Norman Wilwayco ay isang piksyon na tumatalakay sa usaping pag-ibig, pamilya, pinansyal at karangalan. Ang kuwentong ito ay patungkol sa dalawang magkaibigang nabago ang kanilang mga buhay ng dahil lang sa pera. Maraming naidudulot ang pera sa ating buhay, maaaring nakakabuti at maaari ring nakakasama ito para saatin.
Ipinapakita dito sa kuwento ang kakayahan ng pera na makasira ng reputasyon ng isang tao at dito ginamit ng awtor na isang halimbawa si Chris, isa sa mga bida na nagpursiging magtrabaho upang makatulong sa pamilya at masuportahan ang sarili habang nag-aaral pa lang. Nung una’y nakakabuti pa ang perang pinaghihirapan niya ngunit nagbago ang lahat ng mapamanahan siya ng kaniyang tiyahin na nag-asawa ng foreigner sa states. Nagbago ang ugali ni Chris, naging maluho at masama ang naidulot ng pera sa kaniyang buhay. Maging ang niligawan niya noon na si Marissa ay nadamay, nawala sa isang iglap ang magagandang bagay at karangalan na naipundar niya. Parehas silang nagmahal sa iba’t ibang paraan, naghirap, nagpabulag sa pera at nasaktan ngunit sa huli ay pagsisisi at aral parin ang natamo.
Ang “Forced by Habit” na isinulat naman ni Eman Nolasco ay patungkol sa ginagawa ng isang guro tuwing magtatapos na ang semestre, pero hindi lang tungkol sa buhay ng awtor ang kwentong ito dahil maging ang buhay ng apat na estudyante niyang sina Ced, Fred, Nathaniel at Carla ay kasama rin. Dito ipinapakita ang epekto ng kahirapan sa mga mag-aaral, may mga tumitigil sa pag-aaral upang magtrabaho at makapag-ipon, mayroon ding pinagsasabay ang pagtatrabaho sa pag-aaral, at pati narin ang paghihirap sa pag-iibigan ng dalawang magkaparehas na uri ng tao.
Habang binabasa ko itong kuwento at nakita ang linyang ito
“Kapag naging teacher pala, hindi madaling iwasan na makinig sa mga reklamo ng mga estudyante. Mahirap i-ignore ‘yung mga sama ng loob mula sa mga school policies, grading system, mababait na prof, pahirap na requirements at eto nga, kahit personal na mga problema.”
ay naisip ko na ito ang rason kung bakit “Forced by Habit” ang pamagat ng kuwento dahil totoo na ang mga guro ay nasanay narin na makinig at magtanong tanong rin kahit papaano at hindi nila ito maiwasan na gawin kahit iba naman talaga ang nais nilang gawin.
Pag-ibig man o kahirapan, kahit ano pang mga problema na hinaharap at haharapin, lahat ng ito ay iisa lang ang layunin. Maging sa totoong karanasan o mga imahinasyon, pare-parehas lang na may makukuhang aral. Kaya napakalaking bagay talaga ng panitikan sa ating mga buhay, dahil kung wala ang panitikan, paniguradong hindi magiging maganda ang buhay ng mga tao lalo na sa panahon ngayon.
0 notes
maca-momo · 4 years ago
Text
Ang Pagkilala sa Panitikan
Sa tuwing naririnig, nakikita o nababasa mo ang salitang “Panitikan”, ano ang unang pumapasok sa iyong isipan? Ikaw ba ay may nalalaman na sa salitang ito o ngayon mo pa lang ito nadiskubre? Noon pa lamang ay mayroon na tayong kaalaman tungkol sa panitikan, sa kadahilanang simula nang mag-aral tayo ay naituro na ang mga uri, kahulugan, importansiya at kung saan ito nagmula. Kung ating aalalahanin ang mga napag-aralan tungkol sa panitikan ay paniguradong karamihan sa atin ay nakalimutan na kung ano nga ba ang ibig sabihin nito.
 Ano nga ba ang panitikan?
 Ang panitikan ay isang sulatin na nakikita o nababasa sa libro, balita o social media na nagpapahayag ng mga karanasan, kaisipan, damdamin o kwento ng isang tao. Maaring naglalaman ito ng katotohanan o gawa-gawa lamang para sa isang layunin.
 Ang panitikan ay may dalawang uri, ito ay tinatawag na piksyon at di-piksyon o sa Ingles ay fiction at non-fiction.
 Ang piksyon (fiction) ay kasama sa mga uri ng panitikan o sulatin na walang katotohanan at mga bagay na nagawa lamang sa imahinasyon ng isang tao. Nilalayon nitong paglakbayin ang isip ng mga mambabasa at ito rin ay kadalasang ginagamit sa paaralan sa kadahilanang mayroong mapupulat na magagandang aral dito. Ilan sa mga halimbawa ng piksyon ay ang alamat, kwentong bayan, maikling kwento at nobela.
 Ang di-piksyon (non-fiction) naman ay isang tekstong nagpapahayag o nagsasaad ng totoong kwento o karanasan. Nilalayon nito na bigyan ng angkop na impormasyon ang mga mambabasa at ang mga impormasyon ay dumaan sa pag-aanalisa ng mga eksperto upang matiyak na tama ang mga nilalaman nito. Ginagamit din ito sa pag-aaral upang mabigyan ng tiyak na kaalaman ang mga mambabasa. Ilan sa mga halimbawa ng di-piksyon ay ang anekdota, balita, talambuhay at talumpati.
 Bakit mayroong panitikan? Kailangan ba nating pag-aralan ito?
 Noon pa lang ay palaging sinasabi saatin ng mga nakakatanda na mayroon tayong mga ninuno at sa pagkakaalam din natin ay sila ang mga sinaunang tao. Naganap at nagkaroon ng panitikan dahil may mga taong gustong ipahayag ang kanilang mga damdamin at ng mga karanasan sa lipunan at nagmula rin ang panitikan sa mga sinaunang tao. Mahalagang pag-aralan ang panitikan dahil napakalaki ng naging bahagi nito sa ating buhay, ito ay naging instrumento upang mapag-aralan natin ang mga pangyayari sa ating paligid, kasaysayan at dahil din sa panitikan ay naipapahayag natin ng malaya ang ating mga hinaing at damdamin.
 Paano ba pinag-aaralan ang panitikan?
 Maraming paraan kung paano pag-aralan ang panitikan lalo na sa panahon natin ngayon na moderno na ang ating kinagagalawan at mga kagamitan. Maaring magsiyasat gamit ang libro o mga makabagong teknolohiya tulad na lamang nang mga cellphone, computer, laptop at internet. Kahit na napag-aralan nadin natin ito noon ay maaari parin tayong mag-enroll sa isang kurso na kung saan itinuturo ang bawat detalye tungkol sa panitikan. Kung ating susuriing mabuti, ang panitikan ay nakapalibot sa ating buhay dahil sa bawat galaw natin ay nagagamit natin ito, hindi lang natin ito nabibigyan ng importansiya.
3 notes · View notes