Text
Destinasyong Sinisiyasat: Sa Baguio Mahahanap!
Tanaw ang pagbagsak ng pira-pirasong dahon mula sa isang punong nakatirik. Pawang matagal na itong nagmamanman sa bawat dayuhang matagal na ring nagmamasid sa kanya.
Habang umiiral ang modernisasyon sa iba’t ibang dako ng bansang Pilipinas, mayroong natatanging lugar na kinagigiliwan ng nakararami; hindi lamang dahil sa taglay nitong malamig na klima, sa pinagmamalaki nitong strawberry jam o sa kakaiba nitong mga tanim gaya ng mirasol na hindi karaniwang matatagpuan sa ibang lalawigan, kun'di dahil na rin sa taglay nitong mayamang kultura.
Hindi ko man ganap na sabihin ang pangalan ng tinutukoy kong lalawigan, alam kong natitiyak mo na ang nais kong bigyang pakahulugan: ang lungsod ng Baguio. Ang lugar na punong-puno ng pinausbong na kultura, mga tanawing makukulay sa mata, mga magigiliw na taong handang magbahagi ng kanilang pag-aari: ang lugar na puno ng kapayapaan, pagbibigayan at pagmamahalan. Ang lugar na parati kong nanais-naising balikan.
Ang Baguio sa Madilim na Kahapon
Kuha ang larawan mula sa Esquire Philippines.
Taong 1846 nang pamunuan ng mga Kastila ang probinsya ng Benguet na kung saan pinaghiwa-hiwalay nila ang bawat lugar sa karatig nito upang bigyan ng kaniya-kaniyang kabansagan. Dala ng kolonisasyon, naipasa sa kilalang tribong Ibaloi ang isang kakaibang kultura. Ito ang labis na pagpapahalaga sa kanilang namayapang mahal sa buhay. Sa ibang tradisyon, ang mga yumao ay inililibing at humahantong sa mga pampublikong sementeryo: malayo sa piling ng kanilang pamilya at dinadalaw lamang tuwing may pagkakataon o pagdiriwang. Sa tribong Ibaloi, nakagawian na nilang ilibing ang mga bangkay ng mga patay sa loob ng bahay at bakuran dahilan ang paniniwalang kasama pa rin nila ito hanggang sa kasalukuyan.
Kuha ang larawan mula sa I-Witness: ‘Our Baguio’, dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo
Taong 1900 naman nang dumating ang mga Amerikano sa Benguet. Sa kanilang pananakop, nagpatayo sila ng mga gusali at istrakturang may kaparehong katangian at hulma sa mga kayariang mula sa Amerika. Kung sasaliksikin ang ilang mga lumang larawan na kuha sa nasabing lugar, hindi maitatangging naroon pa rin ang dati nitong kasiglahan at diwa: ang nagsilbing ugat sa pagpapayaman ng mga tanawin at mga kagawian na atin na ngayong tinatamasa.
Kuha ang larawan mula sa website na WordPress.
Taong 1908, kinilala ang lungsod ng Baguio bilang Summer Capital of the Philippines sa kadahilanang ito ang nagsisilbing takbuhan at destinasyon ng mga tao mula sa mababang lugar. Mula sa una nitong pangalan na Bagiw na nangangahulugang lumot, kasalukuyan na itong kinikilala sa pangalang Baguio, isang maunlad na sentro ng negosyo, komersyo at edukasyon.
Sa Likod ng Malinamnam na Lasa
Kuha ang larawan mula sa Escape Manila.
Para sa mga suki ng malinamnam na ube at strawberry jam mula sa Baguio, ang mga pasalubong na ito ay may tinatago ring mga istorya na ugat ng gayong pagkakakilanlan. Pangunahing layunin ng pamunuan ng Good Shepherd Convent – ang pinakasikat na pamilihan ng mga subenir sa itinatampok na siyudad, ang pagbibigay ng edukasyong pang-kolehiyo sa mga kabataang mag-aaral. Bagamat marami ang nagbibigay paanyaya sa kanilang negosyo na sumangguni sa ibang korporasyon, hindi nila ito tinatanggap sapagkat nakasasapat na ang inilalaan nilang pagsisikap upang makapagtapos ang kanilang mga iskolar. Sinabi ng isang namumunong madre na kung kanila itong tatanggapin, mawawala lamang sa pokus at magagambala ang pag-aaral ng mga estudyanteng naghahanapbuhay.
Ikalawa nilang adhikain sa pagbebenta ng subenir ang pagpapatayo ng mga organisadong grupo ng mga magsasaka, hindi lamang sa Benguet ngunit maging sa Ilocos at La Union. Sa pamamaraang ito, nabibigyang sapat na tugon ang agrikultura sa Baguio at sabay na napapanatili ang pangkabuhayang pinansyal ng mga manggagawa.
Kuha ang larawan mula sa I-Witness: ‘Our Baguio’, dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo
Isa ring sikreto ng linamnam nito ang pagdarasal ng rosaryo habang ito ay pinoproseso ng mga trabahador. Ayon sa kanila, isang banal na pananim ang ube na hindi maaaring masugatan o mabagsak sa tuwing inaani, ‘di gaya ng ibang halaman. Kaya nga’t nang malaman ko ang impormasyong ito, bumili ako ng limang piraso upang maibahagi sa mga espesyal na tao sa aking buhay at upang makatulong na rin sa mga nagsusumikap nilang mag-aaral.
Mga Kaakit-akit na Kalye | Lugar ng Malikhaing Kamay
Mula sa mga kuwadro na gawa sa mga eskultura, sa mga totoong kwento sa likod ng mga gawang sining, talaga namang sinasalamin ng mga malikhaing kulay sa pader ang kaluluwa ng isang malayang paglalakbay.
Para sa ilang mga tao, ang street art o graffiti ay itinuturing bilang isang gawa ng paninira o bandalismo: kakila-kilabot na tanawin na dapat patungan ng payak na kulay. Sa pananaw ng iba, kinikilala nila ito bilang isang likhang-sining, isang kasakdalan na nagpapahayag ng kanilang pagkakaiba-iba at kumakatawan sa kanilang talento na naiimpluwensyahan ng kultura, politika, musika, at relihiyon.
Tampok sa mga lansangan sa Baguio ang mga dinisenyuhang pader. Pinapayaman nila ang ganitong uri ng sining at kasanayan dahil natatangi itong demokratikong pamamaraan ng paghahatid ng opinyon sa publiko. Dagdag pa riyan, ang pagkakakilanlan ng mga sinaunang kultura ng tribong Ibaloi ay higit ding napapanatili sa pamamagitan ng street murals.
Ang Burnham Park
Kuha ang larawan mula sa website na WordPress.
Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na nakatanaw sa matayog na puno sa Burnham Park, isa sa pinakakilalang pasyalan ng mga turista sa Baguio. Isang espiritwal na repleksyon ang sumagi sa isip ko habang nakatingala sa matataas na sanga ng puno: ganito pala kayabong ang isang tanim na inalagaan, ang tanim na dumaraan sa unti-unting proseso ng pag-usbong, ang tanim na nagkamit ng kanyang kasaganahan ayon sa nakatakda nitong panahon.
Kuha ang larawan mula sa WIkimedia Commons.
Tampok sa parkeng ito ang isang lawa, kilala sa bansag na Burnham Lagoon. Ayon sa kasaysayan, pinangalanan ito ng isang Amerikanong arkitekto at taga-plano ng lungsod na si Daniel Hudson Burnham.
Kuha ang larawan mula sa website ng Detourista.
Tanaw mula rito ang pinakamataas na bundok sa rehiyon, ang Mount Cabuyao. Dagdag pa riyan, ang mga turista ay maaaring sumakay sa mga maliliit na bangka habang nililibot ang munting lawa.
Habang nakasakay at pumapadyak sa ‘di pangkaraniwang bisekleta na matatagpuan sa parehong parke, naramdaman ko ang pagiging malaya dala ng pag-iisa. Hindi kalungkutan ang nangingibabaw sa aking dibdib kun’di nag-uumapaw na kasiyahan at pagtatanto. Sa bawat padyak ko nang hindi nalalaman kung saan ako patungo, pinili ko pa ring magpatuloy at ‘wag magambala sa maraming pangamba. Ang pangambang baka ubos na ang oras ng pagrenta ko sa bisekleta o kaya naman ang pag-aalinlangan na maiwan ako ng aking mga kasama. Kung isasabuhay, para lamang itong pagbagtas ng aking mga pangarap: wala akong dapat isipin kun’di ang aking layunin at mga naisin, dapat akong magpatuloy na kumayod sa kabila man ng mga balakid at mga negatibong pangyayaring magdaraan.
Sa ganitong matamis na karanasan, 'paalam' ang pinakamahirap na bitawan. Kahit sa isang larawan ko na lamang ito madalas na mababalikan, alam kong nag-iwan ito sa puso ko ng isang reyalisasyon: unang parte pa lamang ito ng aking paglalakbay, kailangan kong magpatuloy dahil hindi pa ito ang nag-aabang na huling destinasyon na aking kalalagyan.
Hindi lamang sulit ang pagpasyal sa Burnham Park dahil sa mga tanawing taglay nito. Sa pagsampa sa iba’t ibang bahagi ng nasabing lugar, gaya ng Japanese Peace Tower at hardin ng mga rosas, malalasap mo rin ang mga nakamamanghang kasaysayan.
Ang Mines View Park
Hindi ba't ang sarap huminga sa paligid na puno ng kapayapaan, sa humuhuning hangin na humahaplos sa ating mga balat?
Ang isang sulyap sa Amburayan Valley ay maaaring masaksihan sa view deck ng Mines View. Dahil sa kaakit-akit na tanawin ng mga bundok mula sa itaas, ang parke ay isa ring magandang lugar para sa pagkuha ng mga larawan.
Sa parke, marami rin iba't ibang mga subenir tulad ng mga larawang inukit sa kahoy, mga tinitindang pilak, mga produktong habi mula sa Sagada, at iba pang mga gawang katutubo. Pinapayagan din ang mga turista na kumuha ng kanilang larawan kasama ang magagandang kabayo. Maaari mo ring maramdaman na ikaw ay isang Igorot sa pamamagitan ng pagrenta ng isang buong damit ng mga taga Cordillera. Para sa mga lalaki, kasama sa kasuotan ang bahag, kalasag, headdress at sibat. Para naman sa kababaihan, mayroon itong tapis, vest, at madisenyong headdress. Dagdag pa riyan, maaari rin matikman dito ang matamis na inihaw na mais at pusit.
Sa malawak na tanawin mula sa itaas, gusto ko na lamang ibulalas lahat ng problemang aking nararanasan: mula sa pamilya, kaibigan at pag-aaral, maging sa pagdududa sa sarili kong kakayahan. Hindi ko ito naisakatuparan, nakakapit kasi sa aking kamay ang isang kaibigan. Katulad ko, marami rin siyang katanungan na gustong bigyang tugon. Sa oras na iyon, kailangan niya ng isang sandigan na magbibigay sa kanya ng katatagan. Hindi niya marahil gustong makarinig pa ng hinagpis ng kalungkutan.
Sa oras na iyon, naunawaan kong hindi ako kailanman nag-iisa. Naunawaan kong hindi lamang ako ang biktima ng magulong tadhana o ng mapanghusgang lipunan. Sa kinatatayuan ko, pinili kong magpakatotoo laban sa aking kahinaan. Ganito pala ang pakiramdam ng pag-aalinlangan na baka hindi ko kayanin at malagpasan ang lahat: na baka sa isang iglap, mauwi sa wala ang lahat ng aking pinagpaguran.
Dahan-dahan kaming humakbang pababa ng hagdan. Sa huling sulyap ko sa pawang malalim na bangin, isang pagtatanto na naman ang sumagi sa'king isip: Ang katayugan ng bundok ay nakasalalay sa nais na marating ng kanyang mambabagtas. Muli, kung pipiliin kong mas manaig ang aking kahinaan, baka hanggang dito na lamang ang aking patutunguhan.
St. Scholastica Retreat House
At sinabi niya sa kanila, Magsiparito kayo ng bukod sa isang dakong ilang, at mangagpahinga kayo ng kaunti. Sapagka't marami ang nangagpaparoo't parito, at sila'y hindi man lamang mangagkapanahon na magsikain. (Mark 6:31)
Matatagpuan sa 108 Wagner Road, Military Cut-off, Baguio City, lugar ito para sa pribadong pagninilay at pagdarasal, para sa isang espiritwal na pag-uusap upang makinig sa abot-sigaw ng puso.
Kuha ang larawan mula kay Gian De Leon.
Maliban sa mga kwentong nakatataas ng balahibo, isa rin sa kinasabikan ko sa lugar na ito ang mga pagpupulong na pinangunahan ng propesyonal na ispiker. Palagi niya kasing itinatampok ang kahalagahan ng pamilya sa tuwing siya ay nagbibigay paalala.
Bago ako lumisan sa aming tahanan upang mamasyal sa Baguio, nakabibinging bangayan muna ng aking magulang ang sumalubong sa paggising ko. Wika ko pa noon sa sariling diwa, matutuwa ako sa pansamantala kong pagkawala dahil walang gagambala sa payapa kong pag-iisip.
Sa dalawang gabing hindi ko nakasabay ang pamilya sa hapag-kainan, hinanap-hanap ko na agad ang halakhak ng nakababata kong kapatid sa tuwing kami ay nagtatalo tungkol sa isang paksa. Hinanap-hanap ko ang pangungumusta ng ina sa aking mga grado, na kahit madalas ay nagbibigay sa akin ng presyur, nagsisilbi pa ring inspirasyon ko upang lalong pagbutihan ang pag-aaral. Maging ang paghalik ng aking ama sa mga pisngi habang sinasabi na kami raw ang natatanging magkamukha sa pamilya.
Sa aking pagtulog, ninais kong maramdaman ang yakap ng ina. Nangako ako sa sarili: pag-uwi ko, agad ko siyang pagsasabihan ng lahat ng aking natutunan sa paglalakbay.
Mula noon, mas lalong guminhawa ang aming ugnayan. Nalaman ko rin na ang kapayapaan ay nag-uugat sa matibay na pundasyon ng pagmamahalan. Hindi sa pagtakas, hindi sa paglilibang.
Sa huling paglalarawan sa lugar ng St. Scholastica, sigurado akong mararanasan mo rito ang malalim na pagninilay-nilay na magbibigay ng panibagong pananaw tungo sa mga maling pang-unawa na akala mo dati ay nararapat at tama.
The Mansion House
Kuha ang larawan mula sa website na TrekEarth.
Matatagpuan ito sa silangang bahagi ng lungsod sa kahabaan ng C.P. Romulo Drive (dating bahagi ng Leonard Wood Road): tapat mismo ng Wright Park. Mas matanda ito kaysa sa lungsod at itinuturing na pinakasikat na pasyalan sa Baguio. Sa taglay nitong magagandang hardin at dinisenyuhang damuhan, ito ay isang paboritong pook para sa pamamasyal at pagkuha ng larawan.
Napadpad ako sa harap ng ipinagmamalaking Malacañang. Mula sa itsura nito sa labas, mapapansin agad na ang mga nakasasampa sa palasyong ito ay tanging mga makapangyarihan lamang. Ang pasyalang ito ang pinakamaluwag sa paningin ngunit pinakamasikip sa pakiramdam. May limitasyon lamang ang pagkuha ng larawan, maging ang hangganan na maaaring hakbangan ng mga turista.
Ang lugar na ito ay patunay sa nanatiling puwang sa pagitan ng mga nakaluklok at mga ordinaryong mamamayan. Ang upuan sa palasyo ay alay sa may kalamangan habang ang semento sa labas ay iniluluklok sa walang kapangyarihan.
Maliit na pagtatanto lamang ngunit nakakaalarma dahil nakasalalay sa kanila ang ating kinabukasan.
Muli kaming sumakay sa bus, pasulong mula sa lugar na puno ng pagmamataas.
Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag
Kuha ang larawan mula sa website na Luke Inspired.
Mula sa kataasan ng Baguio, napadpad akong nagdarasal sa isang simbahan sa Pangasinan. Huling destinasyon na kaya ito o panibagong simula na naman ng pagbabagtas?
Kahit hindi na ito kabilang sa mga kilalang pasyalan sa Baguio, karaniwang nagagawi ang mga turista sa Manaoag Church dahil ito raw ay makasaysayan at tunay na kagiliw-giliw. Libu-libong mga tao ang pumupunta sa lalawigan taun-taon upang maranasan ang kalikasang espiritwal ng lugar at kumuha ng iba't ibang mga atraksyon na may kinalaman sa relihiyon.
Sa loob ng isang oras na misa, nagbigay pasasalamat ako sa lahat ng biyayang aking natanggap: sa mga bagong kaalaman na aking natutunan, sa mga kaibigan na lagi kong nasasandalan, sa kaligayahang bigay ng aking pamilya at sa marami pang iba.
Huling Destinasyon: Ang Sarili
Sa tatlong araw kong paghahanap ng huling patutunguhan, naunawaan kong hindi isang partikular na lugar ang aking uuwian.
Tulad ng Baguio na nagpapayabong ng kanyang nakagawiang kultura, marapat ko rin sigurong pagyamanin ang aking sariling paniniwala at kaugalian upang makamit nito ang lahat ng kanyang inaasam.
Sarili, ang huling destinasyon na nilaan sa akin ng mahabang paglalakbay.
Salamat Baguio! Hanggang sa muli!
Ikaw, ano pang hinihintay mo?
3 notes
·
View notes