Tumgik
kurthangtalong-29 2 years
Text
Langyang Pag-ibig
by Ben&Ben
Para sa mga taong bigla na lang naiwan ng kanilang sinisinta. Para sa mga pusong bigo at nagpadala sa mga matatamis na salita. Para sa mga nagtiwala at umasa sa mga pangakong napako.
Sa kantang 'to inilabas lahat ng gustong sabihin ng mga taong iniwan at paulit-ulit na nasaktan. Bagaman hindi pa ako nakakapasok sa isang seryosong relasyon, hindi ko maitatanggi na naranasan ko na rin ang ganitong pagkabigo. Mula sa isang taong pinaniwala ako na aabot kami hanggang dulo.
Masarap sa pakiradam 'pag sinasabayan ko ang kantang 'to dahil wala namang may alam na nakaka-relate ako sa kanta kaya sigaw kung sigaw. Damhin lahat ng sinasabi ng kanta. Ilabas lahat ng emosyon nang gumaan ang pakiramdam. Sa totoo lang, sobrang nakatulong talaga ang pakikinig at pagsabay ko sa kantang 'to upang mabawasan ang kalungkutang aking narararamdaman.
Nasaktan ako, pero wala na akong magagawa. Sabi nga sa kanta, "Langhiyang pag-ibig 'yan, andami mong isusugal," sumugal ako at nagsumikap akong pagsabayin ito sa pag-aaral ko nang hindi ito makasasama sa aking grado. Pero lahat ng 'yon ay natapos lang dahil lang hindi na niya kinaya - nagsawa na sya.
Pero aaminin ko, hindi ako nagsisisi na ang ilang buwan sa 'king buhay ay inilaan ko para sa isang taong minsa'y naging espesyal sa 'kin. Kahit papaano ay mahalaga pa rin sa 'kin ang mga ala-alang 'yon at nagpapasalamat ako dahil kahit sa maikling panahon ay ipinaramdam nya sa 'kin na espesyal akong tao para sa kaniya.
Ngunit ito lang masasabi ko sa mga susunod na nagbabalak na sumugal, "huwag kang magpapangako kung 'di mo kayang panindigan." Tinatak ko rin ito sa utak ko upang maiwasang maranasang muli ang pighating dulot ng pangakong nabalewala. Isa pa, maiiwasan ring makasakit ng ibang tao kung iiwasang mangako at wala namang planong panindigan ito.
Tumblr media
0 notes
kurthangtalong-29 2 years
Text
Welcome to Wonderland
by Anson Seabra
Tumblr media
Isa na naman sa mga escape song ko tuwing ako'y punong-puno na sa mga bagay na nasa isipan ko. Yung tugtog ng kantang 'to ay pang malungkot pero yung bawat liriko nito ay nakakadala talaga ng emosyon.
Sa tingin ko, kaugnay ng kantang 'to ang sikat na istoryang pambata na "Alice in Wonderand," ngunit dito ay pang mas matandang version. Mas matandang version kasi dito sa kanta, parang gusto n'yang makapunta sa tinatawag na "wonderland" at hindi na muling makalabas dito dahil sa dami ng problema sa realidad. Ito ay talaga namang naiintindihan ko, lalo na ngayon na nagbibinata na ako, paunti-unti na akong namumulat sa realidad at parami na rin nang parami ang mga suliranin na aking kinakaharap. Kaya naman kung minsan, hinihiling ko na lang rin na sana magkaroon ng isang mahiwagang lagusan papunta sa paraiso kung saan walang problema at makakasalamuha ka ng iba't ibang klase ng nilalang at 'di na muling bumalik sa totoong buhay.
Para sa 'kin, perpekto ang kantang 'to para sa mga taong gustong magnilay-nilay sa kanilang buhay at nais na makaranas ng panandaliang pagtakas sa realidad sa tulong ng pakikinig sa mga ganitong klase ng awitin. Natulungan ako nitong mabawasan ang aking iniisip at pagpahigahin ang aking utak. Sa kabuuan, 100/10 'to para sa 'kin, pakikinggan pa ulit nang 1 milyongg beses.
0 notes
kurthangtalong-29 2 years
Text
Golden Hour
by JVKE
SshhiiiiIIIIiiiiiiinee~~~
Gusto mo bang lumutang habang ika'y nagmumuni-muni? Tamang-tama tong kantang 'to para sa gan'yang mga sitwasyon eh. Yung tipong tuwing chorus ng kanta, mapapatulala ka or mapapapikit ka para damhin na lang yung kanta at sabayan ito sa isipan mo.
Sa tuwing pinapakinggan ko 'tong kantang 'to, para talaga akong napupunta sa ibang dimensyon. Lalo na 'pag sinuot ko na ang aking mga earphones tapos naka-full volume ang cellphone ko, grabe para akong nasa loob ng kanta. Pinaninindigan talaga yung linyang "It's your golden hour," kasi parang humihinto 'yung oras partikular sa chorus nito.
Alam kong ang kantang 'to iniaalay sa mga mag-irog ngunit 'pag sa 'kin, iniisip ko na ang bawat liriko ay para sa akin talaga kaya damang-dama ko 'to. Tapos ngayon, medyo na-aapply ko rin sya sa sarili ko kasi napapansin ko rin na paunti-unting nag-iimprove ang aking mga talent, partikular sa pagpipinta at pagtugtog ng instrumento. Iniisip ko lagi na sinasabi sakin ni JVKE na ako ay paunti-unting nangingibabaw.
Dahil dito, lagi na tong pinapakinggan 'pag nawawalan ako ng motibasyon na magpatuloy, o sa tuwing sobrang pagod ako galing sa eskwela, o 'di kaya'y kapag gusto ko lang mapabagal ang oras.
Tumblr media
0 notes
kurthangtalong-29 2 years
Text
walang katapusang PASILYO~
by SunKissed Lola
Tumblr media
Hindi ko pa rin alam kung bakit maraming nahuhumaling sa kantang 'to. Mukhang mapa-bata o matanda, gustong-gusto 'tong kantang to. Kahit sa'n ako magpunta, lagi ko 'tong naririnig. Pero kahit gano'n, 'di ko rin alam kung ba't hindi ako nagsasawa kahit na halos araw-araw ko 'tong napapakinggan eh.
Unang beses kong napakinggan 'tong Pasilyo nung mga panahong nagkukumahog kaming tapusin yung ginagawa naming diorama eh. Nung una, gandang-ganda kaming magkakagrupo sa kantang 'to. Sinasabayan namin lagi. Pero 'di kalaunan ay para na kaming sirang plaka. Pano ba naman kasi, 'yong isang kagrupo na naka-assign sa pagpapatugtog ay na-LSS na kaya hindi nawawala sa playlist niya 'tong Pasilyo. Kung makasabay sa kanta kaming mga magkakagrupo, akala mo may mga pag-aalayan ng kanta eh. Damang-dama ba naman lalo na sa chorus, kahit 'di naman abot, hala sige birit. "Ikaw at ikaaaaw~~~. Ikaw at ikawwwwww~~~"
Tumblr media
Nang matapos na'min yung diorama, akala ko makakapahinga na yung tenga ko sa Pasilyo loop. Pero hindi pa rin ito natigil. Ang totoo nga, mas madalas ko pa itong naririnig, partikular na sa TikTok. Umabot na rin sa puntong nagkaroon ito ng Bollywood version. Jusko heto na nga yung mas tumatak sa utak ko simula nung napanood ko 'to sa TikTok. Sa tuwing natutulala ako o trip ko lang, bigla na lang akong kakanta ng, "pA~lad ay BasAng-bAsa. Aa~ng DA~gitab ay DamAng-dAmA~~~" Tapos paulit-ulit pa 'ko sa linyang 'to, hindi natutuloy sa susunod na liriko. Sasabayan pa ako ng kalog kong kaibigan kaya naman 'di talaga kami natigil. Minsan nga, magtititigan lang kami tas bigla na lang kakantahin - in-sync pa pero parehong sintunado at Bollywood version. At eto pa, ginawan na rin ng nakatatawang choreo ang kantang 'to. hindi talaga pinalampas ng mga Pinoy kaya naman madalas mo talaga itong maririnig sa social media.
Pero hindi kasi talaga maitatangging mahusay ang pagkakagawa ng awiting ito. Lalo na yung pamamaraan ng pagbigkas ng mga salita kung saan pinuputol-putol ito. Yung tipong talagang inaanyayahan ka nitong sumabay. Dagdag mo pa yung nakakawiling tugtog nito na nakaka-enganyo. Sa kabuuan, patuloy pa ring pakikinggan. Sana talaga may sumikat nang bagong kanta bago ako magsawa :')
1 note View note
kurthangtalong-29 2 years
Text
Bawat Piyesa
by Munimuni
Bakit kaya sa tinagal-tagal kong nahihilig sa pakikinig ng mga kanta, kamakailan ko lang 'to napakinggan?! 2019 pa pala to nilabas bakit nung 2021 ko lang sya narinig?
Tumblr media
Nung unang beses kong napakinggan ang kantang 'to, grabe ang bigat ng emosyon ang ipinaramdam sa 'kin nito. Talagang tumagos sa 'kin bawat liriko ng kanta. Pano ba naman kasi, eh isa 'to sa paboritong awitin ng isa sa aking kaibigan at kamag-aral na lumisan noong panahon ng pandemya. Kaya noong unang anibersaryo ng kaniyang kamatayan, inawit ito ng aming mga kaibigan bilang pag-alala sa kaniya. Dahil don, nagustuhan ko rin ang kanta at madalas ko na itong pinapakinggan. Tuwing gusto kong mapag-isa, tuwing ako'y naliligo, tuwing nagbabanyo, at maski tuwing ako'y naghuhugas ng pinggan. Pakiramdam ko nga'y rinding-rindi na ang mga kasama ko sa bahay sa kantang ito. Lalo na 'pag sinabayan ko pa ito ng pagkanta, ay jusko kahit magpiyok-piyok pa ako basta masabayan ko lang.
Dati, kapag pinapakinggan ko 'to, ang kaklase ko talaga ang unang umapasok sa isip ko. Ngunit, sa paulit-ulit na pakikinig dito, palalim nang palalim ang pagkakaintindi ko sa kantang 'to at naihahambing ko na ito sa ibang bagay. Isang beses nga, bigla akong naluha nang marinig ko ang chorus ng kantang 'to. "Dito ka na lang habang buhay..." Nagulat ako kasi bigla kong naalala si Mama na para bang 'yon ang gusto kong sabihin sa kaniya. At mas lalo pa itong pinaigting ng mga panapos na liriko kasi sabi do'n, "Huwag kang bibitaw. Huwag kang mawawala. Oh, aking dinadala ang bawat piyesa ng ikaw." Nakalulungkot kasi tanggapin ko man o sa hindi, nararamdaman kong darating din ang panahong mawawala siya sa aking piling.
Dito sa parteng 'to talaga ako naiiyak dahil natatakot ako dahil gustong-gusto ko talagang manatili si Mama sa 'ming piling hanggang sa huli, hanggang sa kaya ko na nang wala sya, at kapag naiparanas ko na sa kaniya ang buhay na gusto kong iparanas sa kaniya. Subalit alam ko rin na ang tanging magagawa ko lamang ay panghawakan ang bawat piyesa ng aking minamahal - pahalagahan ito hangga't na sa piling ko pa siya.
Bukod pa do'n, isa pa sa pinakatumatak sa aking isipan ay yung linyang, "anong gagawin kung wala ka?" Kasi lumaki akong pala-asa sa aking ina na halos lahat ng bagay ay inihahain nya na sa 'kin. Kaya naman kung dumating man sa puntong aking kinakatakutan, hindi ko alam kung ano na lang ang aking gagawin, tulad ng sinabi sa kanta.
Ang kantang ito ay maituturing ko talagang isang obra. Ang mensahe ng kanta ay talaga namang para sa lahat. Lahat ay makaka-relate dahil magkakaro'n lang ito ng pagkakaiba-iba ng mensahe depende na lang sa tagapakinig nito. Bagaman ngayon ko lang ito natuklasan, masasabi kong isa na ito sa pinakapaborito kong kanta sa lahat ng aking napakinggan.
Tumblr media
1 note View note