Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Tila Buhay ay Laro Lamang
Puso, Ano Ka? ni Jose Corazon de Jesus
Ang puso ng tao ay isang batingaw, sa palo ng hirap, umaalingawngaw hihip lang ng hapis pinakadaramdam, ngumt pag lagi nang nasanay, kung minsan, nakapagsasaya kahit isang bangkay.
Ang puso ng tao’y parang isang relos, atrasadong oras itong tinutumbok, oratoryo’y hirap, minutero’y lungkot, at luha ang tiktak na sasagot-sagot, ngunit kung ang puso’y sanay sa himutok kahit libinga’y may oras ng lugod.
Ang puso ay ost’ya ng tao sa dibdib sa labi ng sala’y may alak ng tamis, kapag sanay ka nang lagi sa hinagpis nalalagok mo rin kahit anung pait, at parang martilyo iyang bawat pintig sa tapat ng ating dibdib na may sakit.
Kung ano ang puso? Ba, sanlibrang laman na dahil sa ugat ay gagalaw-galaw, dahil sa pag-ibig ay parang batingaw, dahil sa panata ay parang orasan, at mukhang ost’ya rin ng kalulwang banal sa loob ng dibdib ay doon nalagay.
Mawawari natin na ang tulang ito ay nagsasasaad na kung ano ang puso ng isang tao. Maaaring sinasabi nito ay ang puso ay maraming anyo dahil sa ibat ibang klaseng taong meron nito, hindi lang sa pagmamahal na romantiko kundi sa kahit anong anyo ng pagpapahalaga at pagpapakatao makikita kung gaano kawalang katulad ang isang puso.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
Pag-ibig ni Jose Corazon De Jesus
Isang aklat na maputi, ang isinusulat: luha! Kaya’t wala kang mabasa kahit isa mang talata. Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata, tumanda ka’t nagkauban, hindi mo pa maunawa.
Ang pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa puso; pag pinuso nasa isip, kaya’t hindi mo makuro. Lapitan mo nang matagal ang pagsuyo… naglalaho, layuan mo at kay lungkot, nananaghoy ang pagsuyo.
Ang pag-ibig na dakila’y aayaw ng matagalan, parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman. Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang sa halikan, at ang ilog kung bumaha, tandaan mo’t minsan lamang.
Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa’t walang agos, walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos. Ang pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod pati dangal, yama’t dunong nalulunod sa pag-irog.
Ang pag-ibig na buko pa’y nakikinig pa sa aral, tandang di pa umiibig, nakikita pa ang ilaw, ngunit kapag nag-alab na’t pati mundo’y nalimutan iyan, ganyan ang pag-ibig, damdamin at puso lamang!
Kapag ikaw’y umuurong sa sakuna’t sa panganib ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip. Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig, pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit.
Iyang mga taong duwag na ang puso’y mahihina, umibig man ay ano pa, di pag-ibig, kundi awa. Kailangan sa pag-ibig ay hirap at mga luha at ang duwag ay malayong sa pag-ibig dumakila.
Ang pag-ibig ay may mata, ang pag-ibig ay di bulag, ang marunong na umibig, bawat sugat ay bulaklak. Ang pag-ibig ay masakim at aayaw sa kakabyak, o wala na kahit ano, o ibigay mo nang lahat!
“Ako’y hindi makasulat at ang nanay, nakabantay.” Asahan mo, katoto ko, hindi ka pa minamahal. Ngunit kapag sumulat na sa ibabaw man ng hukay minamahal ka na niya nang higit pa kaysa buhay.
Kayo mga kabataang pag-ibig ang ninanais, kayo’y mga paruparong sa ilawan lumiligid. Kapag kayo’y umibig na, hahamakin ang panganib, at ang mga pakpak ninyo’y masusunog sa pag-ibig!
Ipinapakita ng tulang ito na hindi lamang saya at kilig ang dala ng pag ibig sa buhay ng isang tao, ang pag ibig ay may kalakip na sakit. Dahil ang pag ibig ay isang komplikadong bagay na hindi lamang sarili ang iniisip, at darating ang panahon na makakaranas ang isang taong nagmamahal ng sakit.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
Ang Buhay ng Tao ni Jose Corazon De Jesus
Inakay na munting naligaw sa gubat, ang hinahanap ko’y ang sariling pugad; ang dating pugad ko noong mapagmalas nang uupan ko na ang laman ay ahas.
Oh! ganito pala itong Daigdigan, marami ang sama kaysa kabutihan; kung hahanapin mo ang iyong kaaway, huwag kang lalayo’t katabi mo lamang.
Ako’y parang bato na ibinalibag, ang buong akala’y sa langit aakyat; nang sa himpapawid ako’y mapataas, ay bigat ko na rin ang siyang naglagpak.
Mahirap nga pala ang gawang mabuhay, sarili mong bigat ay paninimbangan, kung ikaw’y mabuti’y kinaiinggitan, kung ikaw’y masama’y kinapopootan.
At gaya ng isdang malaya sa turing ang langit at lupa’y nainggit sa akin; subalit sa isang mumo lang ng kanin, ako’y nabingwit na’t yaon pala’y pain.
At sa pagkabigo’y nag-aral na akong mangilag sa mga patibong sa mundo; kahit sa pagtulog, huwag pasiguro’t bangungot mo’y siyang papatay sa iyo.
Ang buhay ng tao ay parang kandila habang umiikli’y nanatak ang luha; buhat sa pagsilang hanggang sa pagtanda, ang luksang libinga’y laging nakahanda.
Ang palad ay parang turumpong mabilog, lupa’y hinuhukay sa ininug-inog; subalit kung di ka babago ng kilos, sa hinukayan mo’y doon mahuhulog.
Ipanapakita dito sa tulang ito na ang buhay ng tao ay hindi simple at maaaring dumanas ito sa hirap, dahil ganun ang buhay ng isang tao. Nabubuhay tayo sas realidad na mapait at masakit, na minsan kahit ayaw natin ito harapin ay kailangan dahil tayo ay may pangarap na gusto makamit.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
Ang Tren ni Jose Corazon De Jesus
Tila ahas na nagmula sa himpilang kanyang lungga, ang galamay at palikpik, pawang bakal, tanso, tingga, ang kaliskis, lapitan mo’t mga bukas na bintana.
Ang rail na lalakara’y nakabalatay sa daan, umaaso ang bunganga at maingay na maingay, sa Tutuban magmumula’t patutungo sa Dagupan.
O, kung gabi’t masalubong ang mata ay nag-aapoy, ang silbato sa malayo’y dinig mo pang sumisipol at hila-hila ang kanyang kabit-kabit namang bagon.
Walang pagod ang makina, may baras na nasa r’weda, sumisingaw, sumisibad, humuhuni ang pitada, tumetelenteng ang kanyang kampanada sa tuwina.
“Kailan ka magbabalik?” “Hanggang sa hapon ng Martes.” At tinangay na ng tren ang naglakbay na pag-ibig, sa bentanilya’y may panyo’t may naiwang nananangis.
Mababatid sa tulang ito kung paano nahalintulad ang transportasyon sa byahe sa buhay ng isang tao. Na kung paano tahakin ng isang tao ang buhay gamit kung nasaan siya ngayon at kung paano niya gagawing transportasyon ito sa susunod niyang destinasyon.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
Manggagawa ni Jose Corazon De Jesus
Bawat palo ng martilyo sa bakal mong pinapanday alipatong nagtilamsik, alitaptap sa kadimlan; mga apoy ng pawis mong sa Bakal ay kumikinang tandang ikaw ang may gawa nitong buong Santinakpan.
Nang tipakin mo ang bato ay natayo ang katedral nang pukpukin mo ang tanso ay umugong ang batingaw, nang lutuin mo ang pilak ang salapi ay lumitaw, si Puhunan ay gawa mo, kaya ngayon’y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap ay ilaw ng iyong tadyang, kung may gusaling naangat, tandang ikaw ang pumasan mula sa duyan ng bata ay kamay mo ang gumalaw hanggang hukay ay gawa mo ang krus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat dakilain at itanghal pagkat ikaw ang yumari nitong buong Kabihasnan….. Bawat patak ng pawis mo’y yumayari ka ng dangal, dinadala mo ang lahi sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka nang buhay na walang wakas, walang hanggan, at hihinto ang pag-ikot nitong mundo pag namatay.
Sa tulang ito napapakita ang pagiging mapanahon nito kahit matagal na ginawa ito ng may akda. Dahil hanggang ngayon mababatid natin ang hirap at sakripisyo ng mga manggagawa para sa mga nasa itaas.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
Isang Punong Kahoy ni Jose Corazon De Jesus
Kung tatanawin mo sa malayong pook, Ako'y tila isang nakadipang krus; Sa napakatagal na pagkakaluhod, Parang hinahagkan ang paa ng Diyos. Organong sa loob ng isang simbahan Ay nananalangin sa kapighatian, Habang ang kandila ng sariling buhay, Magdamag na tanod sa aking libingan… Sa aking paanan ay may isang batis, Maghapo’t magdamag na nagtutumangis; Sa mga sanga ko ay nangakasabit Ang pugad ng mga ibon ng pag-ibig. Sa kinislap-kislap ng batis na iyan, asa mo ri'y agos ng luhang nunukal; at tsaka buwang tila nagdarasal.
Ako’y binabati ng ngiting malamlam. Nagpapahiwatig sa akin ng taghoy; Ibon sa sanga ko'y may tabing ng dahon, Batis sa paa ko'y may luha nang daloy. Ngunit tingnan niyo ang aking narating, Natuyo, namatay sa sariling aliw; Naging krus ako ng magsuyong laing At bantay sa hukay sa gitna ng dilim. Wala na, ang gabi ay lambong na luksa, Panakip sa aking namumutlang mukha; kahoy na nabuwal sa pagkakahiga, Ni ibon ni tao'y hindi na matuwa! At iyong isipin nang nagdaang araw, isang kahoy akong malago’t malabay; ngayon ang sanga ko'y krus sa libingan, dahon ko'y ginawang korona sa hukay.
Ang realidad na lahat ng tao ay mamamatay ay sinaad nang mas malalim ng tulang ito. Na kung paano mag-isip ang isang taong nasa hukay na ang kalahati ng katawan. Na kung paano nila tanggapin ang kapalaran nila na hindi nila aakalaing mangyayari agad.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
Sintesis
Sa anim na tula na aking sinaad nabatid ko kung paano talakayin ni Jose Corazon De Jesus ang mga bagay na naranasan niya nung sinulat niya ang mga tulang iyon. Ngunit sa tagal ng mga tulang ito mararamdaman mo pa rin ang pagiging napapanahon nito, dahil makikita natin sa araw araw na buhay natin kung ano ang dinudulot ng pag ibig sa atin. Kung ano ang dinadanas pa rin ngayon ng ating mga manggagawa, at kung paano may mga nagsasawalang bahala sa buhay na meron sila. Na tila para tayong pinaglalaruan ng buhay.
2 notes
·
View notes