*20 years old *PUPian *Human Resource Management Student
Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Repleksyon sa “The Social Movement and the Current National Political Scene” ni Antonio Tujan Jr.
Kasalukuyan ngayon sa ating bansa, laganap na ang mga nabubuong grupo o kung tawagin natin ay social movements na naglalayong maisulong ang mga pinaglalaban ng karamihan. Ang ibig sabihin lamang nito ay mas dumarami na ang mga Pilipinong mulat sa mga isyu ng bansa. Kung dati rati ay karamihan sa ating mga Pilipino ay walang pakealam at nagbibingi-bingihan na lamang sa mga maling nangyayari sa ating lipunan. Ngunit tingnan mo naman ngayon, ang mga grupong ito ay dumarami na sa kalye dahil ramdam na ramdam natin ang pang-aabuso at pangmamaliit ng mga elitistang ito sa mga nasa ibaba ng tatsulok.
Kaugnay nito ang pagkakaroon ng transformative education ng mga unibersidad na natalakay sa nasundang blog. Dahil sa pamamagitan nito, nagiging mulat na ang mga estudyante sa loob ng unibersidad. Isang halimbawa na lamang nito ay ang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (kung saan ako nag-aaral ngayon), hinuhubog ng paaralang ito ang isipan ng mga kabataan na maging mulat sa mga isyu ng lipunan. Na makialam sa mga maiingay na usapin sa bansa at hindi iyong hanggang sa apat na sulok na lamang ng silid-aralan. Sabi pa nga ng iba, pagawaan daw ang unibersidad na ito ng mga aktibistang lumalaban sa gobyerno.
Kaya tutol ang gobyerno sa mga aktibista ay dahil takot silang matalo at masira ang mali nilang gawain. Takot sila na nagkakaisip na ang mga mamamayan at unti-unti nang namumulat. Kaya tinutuligsa nila ang mga grupong ito dahil kagustuhan lamang nilang manatiling mang-mang ang mga Pilipino. Ngunit dyan sila nagkakamali, dahil sa panahon ngayon, kahit mga kabataan ay may masasabi na rin sa mga walang hiyang pinaggagagawa ng gobyerno sa atin.
Kung ipagpapatuloy natin ang mga hakbang na ganito laban sa mga elitistang naghaharing-uri, ay hindi magtatagal makakamit rin natin ang ating mga isinisigaw at ipinaglalaban. Maaaring hindi ngayon, ngunit nararamdaman kong sa henerasyon naming ay makakamit na natin ang kalayaan at kaunlaran.
Bilang isang estudyante ng PUP, masasabi kong mulat na ako sa mga isyu ng ating lipunan ngayon. Nakakagalit dahil makikita naman nating may krisis sa bansa ngunit walang ginagawa ang administrasyon upang maresolba ang problema. Kaliwa’t kanang pagpapahirap araw-araw sa mga Pilipino dahil wala man lang ginagawang aksyon ang ating gobyerno. Minsan naiisip ko na lang na mangibang bansa kapag itong mga problemang ito ay tumagal pa hanggang sa ako ay magtrabaho. Dahil kapag ganoon, mukhang wala nang pag-asa ang ang ating gobyerno. Napapalibutan ng mga opisyal na corrupt.
Ngunit sa kabilang banda, mas pipiliin pa rin nating isiping uunlad at gaganda rin ang sistema sa Pilipinas. Hindi man sa panahon ngayon, pero aasa pa rin tayong magbabago ang lahat. Pinipili kong maging mulat para sa aking mahal na Pilipinas at mga kababayang pinipilit maging maayos ang lahat kahit na kabaligtaran nito ay hindi naman na talaga. Sabi nga ni Rizal, “Kabataan ang pag-asa ng bayan.” Kaya mga kabataang katulad ko, tayo na’t lumaban.
2 notes
·
View notes
Text
Pagmumuni-muni sa Teksto ni Antonio Tujan Jr. na “Transformative Education”
Bakit nga ba tayo nag-aaral? Sagot ng mga magulang, dahil ito lang ang maipamamana nila sa kanilang mga anak. Sagot naman ng mga anak, ay ang edukasyon ay paraan upang kami ay makapagtrabaho at makatulong sa pamilya. Tama naman iyon, dahil kahit ako, ang makapagtapos lamang ng pag-aaral ay isang prebilehiyo na upang makahanap ng mas magandang trabaho. Noong unang pagtungtong ko pa lamang sa kolehiyo, ang nasa isip ko lang noon ay ang makapagtapos at ayos na ang lahat. Ngunit habang tumatagal, ang tipikal na estudyanteng dapat ang kaalaman ay nasa apat lang na sulok ng silid-aralan ay mas namumulat na at ang kaalaman ay mas lumalawak na.
Balikan natin ang sinasabi ng mga matatanda sa atin na bilang bata pa lamang tayo, ay wala na tayong karapatang makialam sa mga isyu ng ating lipunan dahil wala raw tayong kaalaman patungkol dito. Na manahimik at mag-aral na lamang tayo nang mabuti dahil hindi naman ito ang itinuturo ng paaralan sa atin. Ngunit ditto pa lamang ay mali na sila kaagad dahil mas mabuti nang may alam at mulat ang mga kabataan sa kung anong nangyayari sa ating lipunan kaysa magpakamangmang at walang alam sa mga usapin.
Ang ating edukasyon ngayon ay nangangailangan ng pagbabago. May pag-unlad sa pagbabago. Patungkol sa “Transformative Education” na ayon kay Antonio Tujan Jr., ito ay kung saan binabago ang paraan ng pagtuturo ng mga guro sa kanilang mga estudyante. Turo na kung saan hindi lamang natitigil sa apat na sulok ng silid-aralan at hinuhubog tayo kung paano maging sunud-sunuran sa mga kapitalista. Makita at mabuksan ng mga estudyante ang kanilang isip na mamulat sa mga pangyayari sa bansa sa pamamagitan ng edukasyong ito.
Bilang isang mag-aaral sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, masasabi kong binago ako ng unibersidad na ito. Naging mas mulat na ako sa mga isyung kinahaharap ng ating bansa ngayon. Kahit sa mga isyung kinahaharap sa loob ng unibersidad, ay nakikialam na rin ako pati ang aking mga kaklase. Natutunan ko sa loob ng dalawang (2) taon na kapag may mali, dapat pansinin at ipaglaban ang tama. Huwag lang maging mangmang sa sariling isyu ng bayan.
Napakahalaga ng edukasyon para sa atin. Ngunit ang mas mahalaga rito ay hindi lang tayo natuto sa mga bagay na kailangan nating matutunan upang makapagtrabaho kung hindi ay natuto rin tayong mamulat at hindi nagbibingi-bingihan sa mga hinaing ng taong bayan. Masarap sa pakiramdam na hindi ka mangmang sa mga nangyayari sa iyong paligid. Dahil ang simpleng pakikibaka o kahit pagsuporta man lang sa mga lumalaban sa mga mapang-abuso ay isang malaking tulong na para mapabago natin ang sistema ng ating lipunan na puno ng mga kapitalista.
0 notes
Text
Isang Pagninilay-nilay tungkol sa “Literatura ng Uring Anakpawis” ni Rogelio Ordonez
Ang ating lipunan ay napapalibutan ng mga kapitalista o mga elitistang naghaharing-uri sa ating mga nasa ibaba. Ang mga nasa itaas na sinasabing mga makapangyarihan sa lahat dahil hawak nila ang mga pamumuhay ng mga uring anak-pawis. Ngunit halina’t suriin kung bakit mas makapangyarihan ang mga anak-pawis kaysa sa kanila.
Anak-pawis. Nabibilang dito ang mga manggagawa, mangingisda, magsasaka, mga maralita, at marami pang iba na kumikita lamang nang sapat sa pang-araw-araw. Masasabi nating mas makapangyarihan ang mga anak-pawis kaysa sa mga naghaharian at nagrereynahang mga kapitalista dahil kapag tayo ay nagsama-sama, kaya natin silang mapabagsak. Kaya lamang tayo nakikibaka dahil gusto nating marinig tayo ng mga nasa itaas na lalo tayong binababa sa tratong ‘di makatarungan sa atin.
Ayon nga sa akda ni Rogelio Ordonez, pinapahiwatig niya mula rito na gamitin natin ang ating kapangyarihan na marinig ang ating mga hinaing mula sa ibaba papuntang itaas. Na huwag tayong makuntento na lamang sa kakarampot na ibinibigay sa atin dahil karapatan nating masuklian nang sapat ang ating paghihirap na kasabay sa kanilang pagyaman. Gamitin ang kapangyarihang ito para sa ikabubuti at ikauunlad ng bansa. Na maging mulat tayo at dapat makialam sa lahat ng aspeto at mga isyung umiiral sa ating lipunan.
Bilang isang anak ng isang manggagawa, makikita ko ang hirap ng trabaho ng aking magulang. Mahirap na trabaho ngunit kakarampot lamang ang sinasahod. Dito natin mahihinuha na lubos na ginagamit ng mga naghaharing-uri o mga kapitalista ang kanilang kapangyarihan sa pagmamanipula sa kanilang mga manggagawa. Mahirap isipin na sa kahit anong kayod ng isang manggagawa mula umaga hanggang hapon o gabi, ay hindi nasusuklian nang tama ang kanilang paghihirap.
Maaaring nasa ibaba tayo ay hindi na tayo pwedeng pakinggan ng mga nasa itaas. Kung lahat tayo ay nagkakasama-sama sa pagsugpo sa mga kapitalistang naghaharing-uri, malakas na boses ang ating maisasagawa. Malakas na pwersa ang pagkakaisa ng mga uring anak-pawis dahil mas makapangyarihan ang kanilang mga boses kaysa sa mga kapitalistang ito.
Ang paglaban ng mga uring anak-pawis sa mga mapang-abuso at mapanghamak na mga naghahari sa lipunan ay matagal nang isinusugod upang matuldukan ang kanilang hindi makatarungang gawain sa ating mga manggagawa. Isang hakbang upang mabago ang takbo ng ating buhay na nasa ilalim ng tatsulok. Na maiangat din natin ang ating mga sarili dahil nabago natin ang magiging kinabukasan ng ating mga pamilya.
Sa ngayon, patuloy pa ring lumalaban ang mga uring anak-pawis dahil natatapakan pa rin ng mga nasa itaas ang kanilang karapatan sa pamumuhay. Hindi maikakaila na nakakadismaya naman talaga ang mga kauri nating nagbubulag-bulgan na lamang kaysa sa lumaban dahil may mali nang nangyayari. Hindi rito natatapos ang pakikipaglaban ng mga manggagawang Pilipino dahil hanggang dulo, mananaig pa rin ang tama kaysa sa mali.
0 notes
Text
Repleksyon sa Teksto ni Isagani Cruz na “Ang Kabastusan ng mga Filipino”
Ang kabastusan ng mga Filipino, hindi ito patungkol sa sekswal na konsepto ngunit ito ay ibang anyo o konsepto ang tinutukoy. Kung saan tinutukoy rito kung bakit hanggang ngayon ay malakas pa rin ang pwersa ng mga kalalakihan kumpara sa mga kababaihan. Ngunit sa makabagong panahon natin ngayon, bilang isa ring babae ay umiiral na sa atin ang pagiging matapang, malakas, at hindi nagpapaapi sa kanino mang kalalakihan sa ating lipunan. Makikita nating may mga organisasyong binuo ang mga kababaihan na naglalayon na maiwasan ang pang-aalipusta o pang-aalipin ng mga lalaki sa kahit anong sitwasyon at sa kahit saang lugar.
Ayon sa teksto ni Isagani Cruz, mababasa natin ang isang pariralang “pataasan ng ihi” na kung saan ay isa lamang itong palaro para sa mga kabataan. Ngunit kung iisipin natin na ang mga matatanda na ang nagpapataasan ng ihi, ibig sabihin nito ay nagpapayabangan sila sa kahit anong bagay. Mapapansin nating popular ito para sa mga lalaki lamang dahil ang mga kababaihan ay hindi naman kayang gawin ang magpataas ng ihi, hindi ba? Kaya madali lamang sa kanilang api-apihin ang mga kababaihan dahil nga raw hindi nila o namin kaya ang mga ginagawa nila. Ngunit dyan sila nagkakamali, dahil habang tumatagal ang panahon lalong lumalaban tayong mga kababaihan.
Ang Pilipinas, masasabi nating umiiral pa rin ang sistemang patriarkal na pamumuno. Dahil karamihan pa sa mga namumuno ay mga lalaki. Kadalasang binabalewala ang mga babaeng makikita naman nating kaya rin nila kung ano man ang kayang gawin ng mga kalalakihang ito. Hindi binibigyan ng pagkakataon kaya kaya mas lumalaban tayo sa sistemang bulok naman kung tawagin.
Ang ganitong sistema ay nililikha ng mga nasa itaas o mga ruling class. Kung ano ang kanilang pinapauso, ay ayon din ang sinusunod ng lipunan. Mga kapitalistang walang pakialam sa mga nasa ibaba basta’t napapatupad nila ang kanilang mga kagustuhan kahit may natatapakan na. Dahil din dito, iba na rin ang panahon ngayon kung saan ang Pilipino ay binabalewala na lamang ang mga pangyayaring ganito kahit na sila ay naaapi na. Makikita naman natin ngayon sa ating lipunan na ang mga Pilipinong nasa ibaba o mga hirap sa buhay ay pinipili na lamang na ‘wag makisali sa mga isyung alam naman nating may mali. Dahil iniisi nilang wala naman daw mapapala sa pakikipaglaban at sayang lamang sa oras nila kaya mas pinipili na lamang nilang manahimik sa sulok. Ngunit sa mga usaping ganito, dapat hindi na tayo nagpapaapi sa mga naghaharing uri na nasa itaas. Kaya naman nating labanan ang represyon sa maraming paraan katulad na lamang nang pakikibaka.
Sa pagtatapos, sana ay dumating yung araw na pantay-pantay na talaga ang bawat isa. Wala nang nang-aapi at inaapi. Wala nang taong sarili lamang ang iniisip, kung hindi ay lahat tayo ay may pakealam sa kaayusan ng ating lipunan.
0 notes
Text
Ang Aking Nahinuha sa Teksto ni Nicanor Tiongson na “Si Kristo, Ronnie Poe, at iba pang ‘Idolo’: Apat na Pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino”
Hindi na natin maikukubli sa ating mga sarili na nakahiligan na nating manood ng mga pelikula at teleserye tuwing gabi o habang tayo ay kumakain. At masasabi kong normal na ito lalo na sa aming tahanan ang panonood ng mga teleserye. Mapapansin nating mga Pilipino sa mga teleseryeng pinapalabas tuwing gabi ay magkakatulad lamang ang mga istorya. Kwento ng isang naaapi, isang mahirap na umangat ang estado ng pamumuhay, at marami pang iba na masasabi kong “cliché” lahat ang mga iyon. Mula dito, pinapakita sa atin ng mga pelikulang ito ang pagkakaroon natin ng mataas na maling pag-asa. At nagiging bulag tayo sa mga negatibong dulot ng pagpapahalaga nito na umaapekto sa ating pag-iisip at pagkatao.
Ayon sa teksto ni Nicanor G. Tiongson na “Si Kristo, Ronnie Poe, at iba pang ‘Idolo’: Apat na Pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino”, ang apat na negatibong pagpapahalagang ito ay pinalaganap ng mga Europeo. Na kung saan sila ang nagpakilala sa atin kay Kristo, sa itsura nitong kahawig ng mga taga-Europa. Dito nagsimula ang pag-iisip nating mas maganda ang mga mapuputi kesa sa ating mga Pilipino na may kutis na kulay kayumanggi. Dahil dito, ninais na nating maging maputi katulad ng sa mga artistang mga kutis-porselana kung tawagin. Dumarami ang mga kapwa nating nagiging “racist” dahil sa kulay ng balat. Pinapakita rito na kahit nakapag-aral ang isang tao ngunit kung ganito naman ang kaniyang pag-iisip ay isa pa rin siyang malaking mang-mang.
Isa rin sa mga negatibong pagpapahalagang ito ang masaya raw ang may palabas. Sabihin na nating nawawala ang ating problema o mga pinagdaraan natin sa buhay kapag tayo ay nanonood ng mga pelikulang nakakapagpasaya sa atin. Ngunit hindi natin naiisip ang talagang epekto nito na mas nakapupurol ng pananaw sa mundo ang panunood ng mga pelikulang ito. Ginagamit natin ang mga palabas upang maging palatakas tayo sa mga nangyayari sa realidad. Na kahit sa isang sandal ay makalimutan natin ang mga negatibong nagyayari sa buhay natin ngunit hindi nga ito magand para sa atin. Dahil nakadadagdag lamang ito sa ating walang kamalayan sa paligid.
Ang mga inaapi sa palabas o pelikula ay mabuti raw ngunit hindi dapat ito binibigyan ng kahalagahan dahil wala namang mabuti sa pagiging api at walang mabuti sa isang mahirap. Dahil sa konseptong ito na nakuha natin sa mga Kastila, nagiging normal na sa ating mga Pilipino ang pagiging isang mahirap. Na ayos na lang ang maging mahirap dahil baka katulad sa mga pelikula ay may darating ding maganda. Na may taong darating sa buhay nila na makakaahon sa kanila mula sa hirap. Dahil sa mga pelikulang may ganitong konsepto, mas pinagtutuunan natin ng pansin ang mga masasayang wakas.
Ang panonood ng mga pelikula ay masasabi koong ayos lamang ngunit huwag na sana natin ito gamitin bilang takasan natin kapag hindi sumasang-ayon ang mundo sa atin. Maging mulat pa rin ang ating pag-iisip at kamalayan sa paligid.
0 notes
Text
Repleksiyon sa “Blog and Mundo: Pagsasalsal at Pakikibaka sa Internet” ni U. Z. Eliserio
Ang masasabi ko ay karamihan sa atin na nabubuhay sa henerasyong ito kung saan mabilis na para sa atin ang pagbabahagi ng saloobin sa maraming tao sa pamamagitan ng teknolohiya o ang internet. Ang tinatawag nating blog ay isang website na kung saan Malaya nating nababahagi ang ating mga saloobin, halimbawa katulad na lang ng mga karanasan natin sa araw na iyon, sa mga hindi magagandang nangyayari sa paligid, at kung ano-ano pa na gusto nating ibahagi sa mundo.
Sa pagbabahagi ng mga saloobin natin sa internet, minsan ay nakakabahala nga naman dahil ang mga pampribadong usapin ay ibinabahagi na rin sa buong mundo sa pamamagitan ng isang blog. Para sa mga taong gumagawa nito (isasama ko na ang aking sarili), maituturing nating kalayaan ang aksyong ito na nailalabas natin ang mga saloobing naikikimkim lamang sa ating sarili. Na kagustuhan nating marinig ng mundo sa mga pagsasalsal o pagrarant natin sa mga bagay na mulat tayo at may pakealam halimbawa sa mga isyu ng lipunan sa pamamagitan ng ganitong midyum sa internet.
Ngunit napagisip-isip ko, hindi lang naman pagbabahagi ng mga saloobin ang pwedeng ilagay sa blog. Kung hindi ay pupwede ring mga impormasyong bago sa mga mambabasa na may makukuha at mahihinuha sila mula sa blog post na iyon. Hindi lamang sa pagsasalsal umiikot ang mundo ng blog ngunit isa rin itong daan sa pakikipaginteraksyon sa iba na may kaparehas natin ng pananaw.
Sa kabilang banda, ang blogsite o ang mga website ay maaari ring magamit ng mga naghaharing uri bilang kanilang instrumento sa pagpapakilala ng kanilang mga produkto na maparating sa mga mamamayan sa loob ng internet. Ngunit ingat tayo sa mga pekeng produktong nakikita natin sa internet. Napag-aralan natin ang tungkol sa “hyperreality” na ayun kay Jean Baudrillard ay isa itong sistema ng pagtingin ng mga bagay-bagay na produkto ng panggagaya na kung saan mas umaaktong mas maganda kumpara doon sa pinaggagayahan. Na kung saan halimbawa na lang nito ay ang paggaya sa isang produkto at paniniwalain ang mamimili na magkaparehas ito sa orihinal ngunit tinanggal na pala ang pangunahing sangkap sa produktong iyon.
Sa kabuuan, bilang isang responsibleng mamamayan na gumagamit ng makapangyarihang midyum na ito, gamitin natin ito bilang daan o paraan sa pagbabahagi ng mga makabuluhang paksa sa mundo. Hindi lamang ang pagsasalsal ng mga walang kwentang sariling karanasan sa araw-araw kung hindi ay ang makapagbahagi tayo ng mga impormasyong makakatulong rin sa ibang tao. Mga impormasyong makakapag-ugnay sa atin sa mundo o ‘di kaya ay kahit sa bansa lamang. Maging mulat sa mga isyung lumalaganap sa lipunan na kailangang makialam tayo sa mga nangyayare. Ang midyum na ito ay nagbibigay sa atin ng Kalayaan upang ibahagi ang ating sarili sa mundo kaya gamitin natin itong nang wasto.
0 notes
Text
Pagninilay-nilay sa tekstong “Ang Kapangyarihan ng Wika, Ang Wika ng Kapangyarihan” ni Conrado de Quiros
Makapangyarihan ang wika dahil ito ay isang paraan ng komunikasyon ng bawat isa at nagbibigay daan din ito sa pakikipagpalitan ng idea ng mga tao. Hindi natin mababatid na ang paggamit ng sariling wika ay isang prebilehiyong natutunan natin simula sa ating pagkabata. Ang ating pambansang wika, na kung saan ay ang wikang Filipino, mapapansin natin na karamihan sa mga kabataan ngayon ay hindi na natin kayang magsalita ng diretsong tagalog. Kung hindi ay may halo nang mga salitang Ingles sa araw-araw na pakikipagkomunikasyon sa ibang tao.
Karamihan sa ating mga Pilipino ay bihasa na sa pagsasalita ng wikang Ingles. Mapapansin natin na kahit musmos na mga bata pa lamang ay bihasa na sa pagsasalita ng wikang nabanggit. Hindi natin masisisi ang mga batang ito dahil itinuro lamang ito sa kanila ng kanilang mga magulang at ito na ang kanilang nakasanayan. Ngunit mas Mabuti pa ring pag-aralan ng mga batang ito o kahit mga matatanda na ang wikang Filipino dahil sa lengwaheng ito tayo kilala. Ang wikang Ingles ay pangalawang wika na ating ginagamit bilang isang Pilipino, dahil sa paraang paggamit nito, mas napapadali nitong makipagkomunikasyon sa ibang tao sa buong mundo.
Sa panahon ngayon, masasabi kong kumukonti na ang porsyento ng mga Pilipinong nagsasalita ng Filipino dahil itinuturo sa atin ng lipunan na mas pagtuunan at mas pag-aralan ang wikang Ingles. Dahil dito umano nasusukat ang katalinuhan ng isang Pilipinong marunong magsalita sa wikang Ingles. Na mas aangat siya sa buhay dahil marunong at bihasa siya sa pagsasalita sa wikang nabanggit. Ngunit ito ay hindi totoo, dahil ang pag-angat ng isang tao ay nababatay sa kaniyang pagiging masipag at dedikasyon sa kaniyang mga ginagawa. Malaki man ang impluwensya ng wikang Ingles sa atin, hindi pa rin ito sukatan kung paano aangat ang isang tao.
Bakit nga ba ang wikang Filipino ay hindi masasabing makapangyarihan? Dahil ang wikang Filipino ay nakikipagsabayan sa wikang Ingles ngunit sa mabagal na paraan dahil sa kakulangan ng impluwensya. Dahil kung mararapatin, pagdating sa wikang ginagamit sa buong mundo ay napag-iiwan naman talaga ang wikang Filipino kaysa sa wikang Ingles. Dahil karamihan sa mga bansa ay ang wikang Ingles ang ginagamit. Ayon nga sa manunulat ng akdang nabasa ko na si Conrado de Quiros, ang wikang Ingles ang susi ng mundo. Na sa tingin ko ang ibig sabihin nito ay kung marunong kang mag-Ingles ay pupwede kang makarating kahit saan mang bansa sa mundo. Na kaya mong makipagsabayan sa iba’t ibang lahi sa ano mang aspeto at trabaho sa mundo.
0 notes
Text
Ang Aking Repleksiyon sa "Edukasyon Para sa Iilan: Kung Bakit Asal-Mayaman si Pedrong Maralita"
Bakit nga ba kapag mahirap ka, ay mahirap para sa’yo na makapag-aral kahit sa pampublikong paaralan man yan? At kung mapera ka naman, ay kaya mong makapag-aral kahit saan mo pa gusto. Ang isang dukha na nakakapag-aral ay maswerteng nabigyan ng tsansa upang matupad ang mga pangarap na umangat sa buhay at hindi mananatiling dukha hanggang siya ay mamatay. Hinahangad nilang mababago ang kanilang pamumuhay kapag sila ay nabigyan ng tamang edukasyon na makakatulong sa kanilang makaangat sa lipunan.
Bakit nga ba asal-mayaman si Pedrong Maralita? Sabihin na natin na pinapakita dito na si Pedro ay isang dukha na nangangarap na makapag-aral at umangat sa buhay. Ngunit dahil sa kahirapan ay mukhang imposibleng matupad ang kaniyang pinapangarap. Kasalanan ito ng gobyerno kung bakit mas dumadami ang mga mahihirap sa lipunan. Naghahangad tayo ng pagbabago subalit kinokontra ito ng gobyerno at ng mga mayayaman o tawagin nating ‘ruling class’. ‘Di lang natin napapansin ngunit dahil sa pagiging kapitalista ng nakararaming mga mayayaman, ay wala silang pakialam sa masasagasaan nila basta’t kumita lang sila. Mas importante sa kanilang mapanatili ang kanilang yaman hindi baleng may naaapakan na silang tao.
Ang salitang ‘hegemony’ o ang pagiging dominante ng isang grupo o estado sa iba pang mga grupo o estado. Ito ang tawag sa mga gawain ng mga kapitalista na naghaharing uri sa mga mas mabababa sa kanila. Dito pumapasok ang hindi paggamit ng dahas ngunit ipinapasok nila sa mga utak ng mga mabababang tao na tanggap sila ng sistema dahil kailangan lamang sila ngunit hindi talaga mahalaga. Isinusulong ng mga kapitalistang ito ang kanilang kultura, ideya, at mga kasanayan sa mga taong nakokontrol nila at papaniwalaing tanggap sila ng sistema.
Gaano ba kamapangyarihan ang ating pag-iisip? Bilang nasa oppressed class, hinahangad natin ang pagbabago hindi ba ngunit hindi natin ito maabot. Dahil sa kadahilanang hindi natin ito maabot ay dinadaan na lang natin ang mga bagay-bagay kung paano mamuhay ang mga nasa ruling class. Halimbawa ay kahit nasa mababa tayo, mas gugustuhin pa rin nating magkaroon ng mga bagay na meron ang mga nasa itaas na wala tayo. At mga gawain ng mga naghaharing uri na ginagaya rin natin upang kahit papaano ay maging magkapantay ang dalawang klase sa pag-iisip ng mga dukha. Kahit na hirap na hirap na sa buhay ay mas pinipili nating ipakita na may ibubuga at may mga bagay na maipapangalandakang na hindi naman talaga kailangan nating mga dukha. Problema ito para sa nakararami sa atin. Dahil sa pag-iisip na ganito ay maaaring hindi talaga tayo makakaalis sa estado na kinatatayuan natin at malabong makamit ang pagbabagong hinahangad natin noon pa man.
0 notes
Text
Pagmumuni-muni sa Sulating "Edukasyong Kolonyal: Sanhi at Bunga ng Mahabang Pagkaalipin" ni Bienvenido Lumbera
Bakit nga ba gustong-gusto ng Amerika na sakupin tayo noon? Hanggang ngayon ba ay patuloy pa ring lumalaganap ang kanilang impluwensya sa atin? Ang Amerika ay sinakop tayo sa paraang walang dahas at dugo ang dumanak na katulad ng pagsakop ng mga Kastila sa atin, kung hindi ay naging matalino sila sa pagsakop sa ating bansa. Binigyan tayo ng edukasyong hanggang ngayon ay ginagamit at itinuturo pa rin sa mga estudyanteng katulad ko. Isa na rito ang paggamit ng wikang Ingles sa ating pag-aaral na kung saan ay mas ginagamit natin kaysa sa wikang Pilipino. Ipinapakita rito na buhay at binubuhay pa rin natin hanggang ngayon ang iniwang bunga ng pananakop ng mga Amerikano sa ating bansa. Na nagpapaalipin pa rin tayo sa bansang matagal nang nilisan ang Pilipinas.
Isa na namang tanong kung saan bakit lagging sumasang-ayon ang mga nagiging pinuno natin sa dikta ng ibang bansa? Wala ba tayong sariling plano at desisyon? Hindi na ba ito pupwedeng baguhin? Lahat na lang ba sila ay susunod na lang na parang tuta sa ibang bansang mas malakas kaysa sa Pilipinas? Ang bansang katulad ng sa atin ay hindi man malaki at malakas ay pinag-aagawan pa rin hanggang ngayon ng mga bansang malalaki at maimpluwensyang mga bansa. Dahil ito sa malaki ang kanilang pakinabang sa ating bansa na kung saan mayaman tayo sa likas na yaman. Isa na rin kung bakit mas pinipili ng mga taga ibang bansa na magtayo ng mga negosyo rito ay dahil sa mababang pasahod sa mga manggagawa. Nakakagalit lamang dahil mas nakikinabang ang ibang bansa sa mga yaman na ito kaysa sa atin na tunay na nagmamay-ari ng Pilipinas.
Naging laganap ang globalisasyon na kung saan nagiging bukas na palengke ang iba’t ibang bansa kasama na ang Pilipinas. Mabilis na kumalat ang mga balita at impormasyong nanggagaling saan mang sulok ng mundo. At nawawala ang pader o harang sa bawat bansa dahil sa globalisasyon. Ngunit may hindi magandang epekto ang globalisasyon na kung saan mas tinatangkilik natin ang kultura at mga produkto ng ibang bansa. Halimbawa na rito ang kultura ng bansang Amerika at Korea na mas lumalaganap at lumalawak sa panahon ngayon.
Bagama’t ayon kay Beinvenido Lumbera, ay mahina ang ating nationalist consciousness. Na kung saan mabilis tayong maakit sa mga kultura, produkto, at pamumuhay ng ibang bansa na katulad sa mga nabanggit. Sa sarili nating pamamaraan, hindi natin namamalayan na tayo pa rin ang patuloy na nagsasalin ng kolonyalismo sa ating bansa. Upang maiwasan at mabawasan ito, kailangang tangkilikin natin ang sariling atin. Ang ating sariling kultura, pamumuhay, at mga produktong galling sa ating bansa. Sa paraang ito, tinutulungan natin ang ating bansa at pati na rin ang ating sarili na umunlad at makisabayan sa mga bansang matatagumpay.
0 notes
Text
Repleksiyon sa "Misedukasyon"
Unang-una, tayong mga Pilipino ay tinataguriang mga banyaga sa sarili nating bayan hanggang ngayon. Dahilan nito ay ang pagiging mangmang natin noong sinakop tayo ng bansang Amerika. Hindi sila gumamit ng dahas upang sakupin tayo ngunit naging matalino sila sa pagsakop sa atin. At hanggang ngayon ay umiiral pa rin ang ebidensyang naging biktima tayo ng pananakop.
Bilang isang mag-aaral ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, nang mapanood ko ang dokumentaryong ito ay napansin kong mula noon bulok na talaga ang sistema ng ating gobyerno pagdating sa pagpapatakbo ng nasabing paaralan. Makikita sa dokumentaryong ito ay ang bulok na pasilidad sa loob ng paaralan, mga sira at kulang-kulang na mga upuan, mga bentilador na kadalasang isa lang ang gumagana o ‘di kaya ay parehas na sira, at mga palikuran na hindi naaalagaan. Kung tutuusin, hindi pa ito ang totoong problema ng paaralan dahil sa bulok na pagpapatakbo nito ng mga ganid na opisyal ng ating gobyerno.
Isang magandang balita ngayon na libre na ang pag-aaral sa PUP at iba pang unibersidad. Ngunit kung aalahanin natin ang nakaraan, madalas na makikita ang mga estudyanteng nasa kalsada dahil ipinaglalaban nila ang hindi nila pagsang-ayon sa patuloy na pagtaas ng matrikula noong panahong iyon. Dahil nabanggit ng isang opisyal ng CHED o Commission on Higher Education, na ang magandang edukasyon ay dapat mahal ang bayad. At bilang nag-aaral sa PUP, sabihin man nating libre nga ang edukasyon ngunit hindi naman naaabot nito ang ating ekspektasyon. May mga gurong hindi pumapasok kaya kailangang magsikap ang mga estudyanteng matuto sa sariling diskarte. At sa kabilang banda, ayon nga sa mga sarbey ay nangunguna ang ating unibersidad na kung saan mas pinipili ng mga kompanyang kumuha ng mga bagong empleyado. Ngunit ang kabaliktaran nito ay kaya lang mas pinipili nilang kumuha ng mga empleyado na nagtapos sa PUP, ay dahil sanay ang mga mag-aaral dito sa hirap at tiyaga na payag lang tayo sa kakarampot na sahod na kaya nilang ibigay.
Ang edukasyon para sa ating mga Pilipino ay napakaimportante. Itinatatak sa atin ng ating mga magulang na ang edukasyon ay isang yaman na maipamamana nila sa atin hanggang sa ating kamatayan. Bilang biktima tayo ng isang bulok na sistemang kinaroroonan natin ngayon, nais natin itong baguhin sa pamamagitan ng pagkakaroon ng magandang edukasyon. Ngunit sa kasamaang palad ay nahaharap tayo sa misedukasyo.
Misedukasyon kung saan mas pinapahalagahan pa natin ang mga bagay na inimpluwensya sa atin ng mga Amerikanong sumakop sa atin. Katulad nang paggamit ng wikang Ingles sa pag-aaral o kahit sa trabaho. Mas tinatangkilik natin ang mga produkto at kulturang banyaga kaysa sariling atin. Ngunit sa kasalukuyan ay mas nagiging mulat na tayo sa mga nangyayare sa ating lipunan. Mas natuto na tayong huwag maging kampante sa mga isyung kinasasangkutan ng ating bansa at ng ibang karatig bansa.
1 note
·
View note