Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Mga Pasyalan sa Baguio City
Nais mo bang puntahan ang Baguio? Nagbabalak ka bang bisitahin ang mga pook-pasyalan sa siyudad na ito ngunit nalilito kung ano dapat ang puntahan? Kung ganon, hayaan mo kaming gabayan ka sa iyong paglalakbay.
Ang Baguio City ay matatagpuan sa Hilagang Isla ng Luzon. Ito ay tinatawag na “City of Pines” at kilala bilang “Summer Capital of the Philippines”. Ito ay dahil sa malamig na klima rito na nagsisilbing pangunahing atraksyon upang puntahan ito ng mga turista. Maliban dito, marami rin itong magagandang pasyalan na hindi mo maaaring hindi puntahan kapag ikaw ay nasa Baguio City.
Mga Maaaring Puntahan
1. Burnham Park
Pinagmulan: https://www.morefunwithjuan.com/2020/09/burnham-park-baguio.html
Ang Burnham Park ay itinuturing na isa sa mga kilalang parke sa bansa. Ito ay tinatawag na “The Heart of Baguio City” sapagkat ito ay matatagpuan sa gitna ng lungsod. Taglay ng Burnham Park ang lahat ng uri ng mga pasilidad na angkop para sa pagpapahinga at paglilibang. Maraming bagay ang magagawa rito tulad ng pamamangka sa artipisyal na lawa, pagbibisikleta, pagro-roller skates, at simpleng pamamasyal habang minamasdan ang kagandahan ng parke. Ang Burnham Park ay paboritong lugar ng parehong mga lokal at turista kung kaya ay hindi nawawalan ng tao rito.
2. Mines View Park
Pinagmulan: https://baguiocityguide.com/tourist-spot-in-baguio-city/mines-view-park/
Ang Mines View Park ay isang parke sa hilagang-silangan ng Baguio. Ito ay may limang kilometrong layo mula sa “The Heart of Baguio City”, Botanical Garden, The Mansion House, at Wright Park. Sa labas ng pasyalan ay makikita ang iba’t ibang maaaring bilihan ng mga lokal na produkto mula sa Baguio na kagaya na lamang ng mga strawberry jam, lengua de gato, peanut brittle, crinkles, at mga damit na mayroong iba’t ibang disenyo at tatak na maaaring pampasalubong. Hindi lamang nagtatapos doon, dahil sa loob ng parkeng ito ay makikita ang makapigil-hiningang tanawin mula sa view deck kung saan ay tanaw na tanaw ang malawak na kulay berdeng kabundukan kasabay ang masarap at malamig na pagsimoy ng hangin.
3. Our Lady of Lourdes Grotto
Pinagmulan: https://www.pinterest.ph/baguiotoday/lourdes-grotto/
Ang Our Lady of Lourdes Grotto ay isang dambana ng Katoliko at lugar ng pagdarasal at pagninilay na matatagpuan sa burol ng Mirador sa kanlurang bahagi ng Baguio. Upang makarating sa tuktok nito, ang bisita ay dapat umakyat sa 252 na hakbangan nito. Kapag naabot mo ang tuktok ng hagdan, tradisyon na ang pagsisindi ng kandila rito. Ang lugar na ito ay partikular na puno ng tao tuwing Linggo at sa panahon ng Semana Santa, kapag ang mga peregrino at mga deboto ay pumupunta upang humingi ng basbas ng Birheng Maria. Bilang karagdagan, ang tanawin ng lungsod na makikita mula sa grotto ay nagpapadagdag sa kapayapaan na bumabalot sa lugar.
4. The Mansion
Pinagmulan: https://www.vigattintourism.com/tourism/articles/Visiting-the-Mansion-House-of-Baguio
Ang The Mansion ay isa sa pinakasikat na pasyalan sa Baguio City. Ito ay ang opisyal na tirahan ng mga pangulo ng Pilipinas, simula kay Manuel Quezon kapag ito ay bumibisita sa Baguio. Ito ay matatagpuan sa Leonard Wood Road, itaas lamang ng Wright Park. Kahit hindi ganoon karami ang maaaring gawin dito, dinadagsa pa rin ito ng mga tao sapagkat ito ay isang makasaysayang gusali. Kuntento na ang mga turista sa pagsulyap at pagkuha ng litrato sa gusali at sa malawak na hardin nito.
Konklusyon
Marahil ang Baguio ay sikat dahil sa malamig na klima nito ngunit hindi pa rin maitatanggi na isa sa mga dahilan kung bakit marami ang nagpupunta rito ay ang magagandang atraksyon sa siyudad gaya na lamang ng aming mga nabanggit. Tunay na ang bawat paglalakbay na nais gawin ay dapat mag-iwan ng isang napakagandang memorya sa isipan at karanasan sa bawat isa kaya naman ay narito kami upang magbigay-gabay sa susunod mong paglalakbay sa Baguio. Hanggang sa muli, ingat!
1 note
·
View note