Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Magbalik Lakbay sa Liliw, Laguna
Janina Ann L. De Leon - September 13, 2021
Ang Liliw, Laguna ay Munisipalidad SA isang ika-4 na klaseng bayan sa Lalawigan ng Laguna sa Rehiyon IV-A (CaLaBaRZon). Ito ay isa sa probinsya ng aking isang matalik na kaibigan at tuwing ang kanilang pamilya ay maiisipang magbakasyon o magsagawa ng "family reunion," ay dito sila tumutungo at nagrerelaks. Dahil na rin sa pagiging sangang dikit namin ng aking kaibigan, isang araw ay inanyayahan nila akong sumama sa kanilang lakad patungo rito. At noong panahon na iyon, doon ko nadiskubre ang kagandahan ng Liliw, Laguna.
(Ang litrao ay nagmula sa: https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Liliw,Lagunajf5770_16.JPG)
May mga ilang nagsabi na ayon sa kwento, ang Liliw na pangalan ay nagmula sa hayop na ibon. Ayon dito, ang pagdedesisyon sa pangalan ng naturing bayan ay binase sa unang dadapong ibon sa ibabaw ng kanilang nilikhang kawayan. Ang mamamayan na si Gat Tayaw at ang kanyang mga tao ay naghintay, at nang unang dumapo na ibon sa kawayan ay isang uwak, na kanilang pinaniniwalaang malas, muli ay bumuo sila ng kawayan. Sa wakas, nang isang kabigha-bighaning ibon na ang dumapo sa kanilang kawayan na muling binuo, ang ibon na ito ay kumanta ng "Liw,liw. Liw," na pinaniniwalaang siyang nagpasimula ng pangalang Liliw.
Liliw ang orihinal na pangalan ng lugar noong ang Pilipinas ay sakop pa ng mga Kastila. Subalit ito ay nagbago at naging Lilio nang dumating ang mga Americano dahil ayon na rin sa kanila, ito ay mas madaling bigkasin kaysa Liliw. Ngunit noong Hunyo 11, 1965, ang konseho munisipal ay inihayag na ang opisyal na pangalan nito ay Liliw, ito ay ayon na rin sa Resolusyong Bilang 38-5-65 na kung saan dito ito nakatala. Ang dahilan ng pagapruba dito ay para ang pagbigkas at pagbaybay dito ay hindi maging isang kalituhan sa mga tao.
(Ang litrato ay nagmula sa akin)
Noon, sa aking pagkakaalam, kilala lamang ng iilang tao ang Liliw bilang isang may simbahan ng San Juan Bautista na naka-istilong baroque na may kapansin-pansin at kaakit-akit na pulang brick na facade. Sa harap nitong nasabing simbahan, dito nakatayo ang ilang estatwa ng mga santo na may kalakihan at ito rin ay ang parokyano ng mga barangay. Nagkaroon kami ng tyansang makapasok at makapagsimba ng kaibigan ko kasama ng pamilya niya, isa sa kanilang tradisyon tuwing sila ay tutungo rito, at naging isang “instant photographer,” nila sa pagkuha ng litrato sa tapat ng mga estatwa ng santo.
(Ang litrato ay nagmula sa akin)
Noon, ang Liliw ay hindi masyadong kilala, o ako lang siguro ang ganito, pero noong makapunta ako noon dito, unti-unti nang nadidiskubre ng mga tao ang kagandahan sa pagtungo rito lalo na sa pagbango ng pangalan nito bilang isang "Tsinelas Capital ng Pilipinas." Dito matatagpuan ang mga mahusay na industriya ng paggawa ng mga kasuotan sa paa, na kayang kaya maihambing sa Marikina. Maging ako ay bumili ng tatlong pares sa mga bentahan ng mga sapatos dito gamit ang dala kong pera at para na rin bilang pasalubong sa aking pag-uwi, subalit hindi ko na ito nakuhanan ng litrato sapagkat ito ay nawala na.
(Ang litrao ay nagmula sa: https://liliwtsinelas.com/maikling-pagpapakilala-sa-bayan-ng-liliw/)
Ang mga lumang bahay sa Liliw na naitayo pa noong panahon ng Espanyol ay isa sa mga napangalagaang mabuti sa lugar ng Liliw. Kung ikaw ay maglalakad-lakad o babiyahe ng saktong bilis, ikaw ay makakakita ng ilang kamangha-manghang mga sinaunang tahanan. Naranasan ko ito noon, noong kami ay bumabiyahe at ako ay inililibot ng aking kaibigan kasama ng kanyang pamilya. Pwedeng pagtanaw mo sa malayo, makakakita ka ng isang estrakura ng lumang kabahayan.
(Ang litrao ay nagmula sa: https://www.pinterest.ph/pin/812336851511718500/)
Esmeris Farm Novaliches, dito matatagpuan ang magagandang tanawin at magagandang bulaklak. Ngunit mayroon din ditong isang malaking swing na kung saan itutulak ka ng nakadestinong tao dito patungo sa bangin. Noong pumunta ako dito, ako ay agad namangha sa mga bulaklak, ngunit nang makita ko ang isang swing na malapit sa bangin, ay agad ko itong sinubukan at inaya pa ang aking kaibigan na agaran naman tumanggi dahil sa takot. Dito, kung hindi ka takot sa matataas at delikadong “rides” at malaks ang iyong loob, ito ang magandang subukan.
(Ang litrao ay nagmula sa akin)
Ang Kilangin Falls ang isa sa hindi namin napuntahan dahil kinulang sa oras. Ngunit ang Kilangin Falls ay isang nakatagong hiyas ng Liliw, Laguna. Ito ay isa sa mga hindi masyadong kilala na destinasyon sa Liliw ngunit paunti-unti itong nakikilala na. Dito, ang tubig ay tubig-tabang at malamig. Mula ang tubig na ito sa Mt. Banahaw.
(Ang litrao ay nagmula sa: https://cyclerymanila.wordpress.com/2016/10/05/kilangin-falls-bukas-falls-majayjay-laguna-philippines/)
Isa ang lambanog sa mga naririnig ko noon pa na masarap at nakakahilong alak. Noon ay nakikitikhim lang ako sa kaibigan ko nito at sa totoo lang ay hindi ko ito nagustuhan noon. Pero noong mismong ako ang namili at pumili ng alak na ito para gawing pasalubong sa aking mga kamag-anak, ang lasa nito ay nagustuhan ko kahit na wala pa ako noon sa naturang edad para uminom. Isa pa, kaya masarap ang pagkakagawa rito ay dahil ang alak na ito ay may kasamang dagta ng puso ng niyog at hindi niyog lamang.
(Ang litrao ay nagmula sa: https://mobile.facebook.com/milenslambanog/)
Ang Uraro ay isa sa mga pagkain na matatagpuan sa Laguna. Ito ay tinitinda at ibinebenta sa Gat Tayaw Avenue na matatagpuan sa Liliw. Unang tikhim ko dito ay noong binigyan ako ng kaibigan kong isang pakete noong nasa "Junior Highschool" pa lamang ako at ako’y pinilit niyang pakainin nito sapagkat hindi ako kumakain ng mga biskwit. Sa huli ay napilit niya ako at ako ay nasarapan. Noong oras na nalaman ko na isasama nila ako sa Liliw, Laguna ay ito agad ang naisip kong bilhin dahil sa tingin ko noon ay mas mura kapag sa mismong bilihan ako bumili. At ganun nga ang ginawa ko, namili ako ng marami at ginawa ring pasalubong ang iba.
(Ang litrao ay nagmula sa: https://rhoriesuraro.wordpress.com/products/)
Sa huli, nang dahil sa pag-aanyaya ng pamilya ng kaibigan ko sa akin para tumungong Liliw, Laguna, naranasan ko ang magtungo sa isang maganda at mga kabigha-bighaning lugar at tanawin. Sa katapusan, alam kong gusto ko pang maulit muli ang ganitong karanasan ngunit kasama naman ang pamilya ko. Subalit dahil sa pandemyang nangyayari, marahil ay matagal pa ang nais kong pagpunta dito kasama ang aking pamilya.
2 notes
·
View notes