Text
Aktibista
Ang blog na ito ay tumatalakay sa aking saloobin at damdamin bilang isang aktibista. Tinatalakay nito kung sino ako, at anong nais kong sabihin sa bawat isa sa atin. Bilang introduksyon, ako ay may katagalan nang kumikilos mula sa sektor ng kababaihan. Kasalukuyang pambansang tagapagsalita ng Gabriela Youth habang isang estudyante ng Agham Pampulitika sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. Para sa aking mga magulang, marahil ay napupuno na kayo sa akin dahil hindi ako mapirmi sa bahay. Madalas niyo rin akong pinagsasabihan o pinagagalitan dahil sa pagiging aktibo ko sa organisasyon; dahil sa madalas kong pagsasalita sa mga mobilisasyon at mga panayam sa telebisyon. Alam kong nangangamba at natatakot kayo sa tinahak kong landas ng pakikibaka. Sino ba namang magulang ang hindi matatakot sa matinding pasismo ng gobyernong ito? Sa lahat ng tao, marahil ay ako ang tunay na makakaintindi sa inyo. Pero alam kong “proud” kayo sa mga nararating ko sa buhay. Dama ko ang pagmamahal ninyo at sapat na iyon sa akin. Para sa aking mga kaibigan at kamag-aral, lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng pag-intinding ibinibigay ninyo sa akin. Ang lahat ng paghanga at pagyakap ay tumatagos sa akin at lubos ko iyong pinasasalamatan. Mahaba pa ang landas na ating tatahakin dahil tayo ay mga kabataan. Hinihiling ko lamang ang patuloy nap ag-intindi at ang inyong lakas ng loob na pag-aralan ang lipunan at makiisa sa paglaban ng sambayanang Pilipino. Para sa mga magsasaka, darating ang panahon na ang lupa ay lalaya rin kasama ninyo. Kayo ang isa sa pangunahing inspirasyon ko kung bakit patuloy akong lumalaban. Kayo ang pinakanakakaranas ng matinding pagsasamantala at hanggang sa kasalukuyan ay tali pa rin sa lupa. Kayo ang araw-araw na nakakaranas ng pagpaslang doon sa kanayunan, kaya’t makatarungan lamang ang inyong malakas na paglaban. Para sa uring manggagawa na siyang mamumuno sa pakikibaka ng mamamayang api, kasama ninyo ako, kami, sa pakikipaglaban. Kayong pinagsasamantalahan sa porma ng pambabarat ng sahod at pagtatrabaho ng sobra-sobra habang walang katiyakan sa pagtatrabaho’y makakalaya rin sa inyong mga tanikala. Darating ang panahong kapag ang kalayaa’y atin nang nakamit, hindi na natin titingnan ang mga pabrika bilang pugon at kulungan. Para sa kababaihan at kabataan, kayo ang pag-asa ng lipunang ito. Ipagpatuloy natin ang ating kasipagan at pagmumulat sa mas malawak na hanay ng mamamayang kaya natin abutin. Patuloy nating bakahin ang kultura na siyang gumagapos sa atin bilang mga kabataan at kababaihan. Mayroon tayo espesyal na puwang sa lipunang ito at marapat lamang na palayain an gating bayan, kasabay ng paglaya ng ating mga sarili. At higit sa lahat, para sa aking sarili, patuloy kang magpakatatag dahil marahas at malupit ang lipunan. Maaari kang tangayin ng agos nito’t tumigil na sa pagkilos pero lagi’t lagi mong pakaisipin kung para kanino. Para ito sa iyong mga magulang, sa iyong kapatid, sa iyong pamilya, sa iyong mga kaibigan, sa iyong mga guro, sa mga kasama, sa mga magsasaka, sa mga manggawa, sa masang api, sa mga kasama, at para sa iyong sarili. Sa panahong napapagod ka, laging may panahon upang magpahinga pero pagkatapos noon ay muli kang bumalik sa mga kasama at paglingkuran ang sambayanan. Mabuhay ang sambayanan! Mabuhay ang pakikibaka ng mamayan! Hanggangsa tagumpay!
0 notes
Text
Kababaihan at Pakikibaka
Ilang taon na rin akong nag-aaral sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. Batid ko naman ang lakas ng aktibismo sa pamantasang ito pero hindi ko iyong inisip at ninais pa ring makapag-aral sa unibersidad ng mga iskolar ng bayan. Ang sabi ko sa aking sarili, mag-aaral lang ako at kahit kailan, hinding-hindi ako tutulad sa mga aktibistang sigaw nang sigaw sa mga lansangan. Na hinding-hindi ko gagawin ang mga napapanood ko sa telebisyon na kanilang ginagawa sa tuwing may mga rali sa kalsada. Ni hindi ko alam noon kung bakit at para saan ba ang kanilang ginagawa. Pero kinain ko lahat ng aking mga sinabi nang sumali ako sa Gabriela Youth, organisasyon ng kabataang kababaihan sa loob ng pambansa-demokratikong kilusang naglalayong palayain ang sambayanan mula sa pagsasamantala, makamit ng mamamayan ang kanyang mga demokratikong karapatan at ang pambansang soberanya. Hindi lang naman talaga puro rali ang naisip ng mga aktibista. Nariyan ang patuloy na pag-aaral sa lipunan, ang kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan, ang pagpunta sa mga komunidad ng maralita upang makipamuhay at malaman ang kanilang kailagayan. Ang pagbibigay ng tulong panserbisyo sa mga pamilya. Ang lahat ng ito’y ginagawa ng mga aktibista ng walang hinihinging kapalit. Sapat na ang mga yakap na mahigpit ng mga nanay, tatay, at mga bata mula sa hanay ng mga manggagawa’t magsasaka. Sapat na ang pagmamahal na kanilang ibibigay sa panahong piliin mong makiisa sa kanilang paglaban. Sa totoo lang, marami akong natutunan sa labas ng apat na sulok ng paaralan. Marami akong natututunan sa mga magsasaka at manggagawang nakakasalamuha ko sa mga mobilisasyon at kampuhan. Totoo ngang sa kanila ka matututo ng tunay na realidad sa lipunang ito. Sa kanila mo makikita ang larawan ng mga Pilipinong walang namang ginawa o ninakawa sa lipunang ito, pero karahasan ang natatanggap na tugon mula sa gobyerno. Nakakapagod tahakin ang landas ng pakikibaka, nakakatakot pero kailanman ay hindi ako nakaramdam ng pangamba, dahil alam kong ito’y wasto. Wasto ang lumaban kasama ang masang nahihirapan at pinapaslang ng estado at iilang naghaharing uri. Kung tutuusin, handa na akong magmahal. Punong-puno ako ng pagmamahal kaya sino ako para ipagkait ang pagmamahal na iyon sa malawak na hanay ng sambayanan? Sino ako at sino ka para isipin ang ating mga sarili sa gitna ng digma? Oo, nasa gitna tayo ng digmaan. Digma ng buhay, digma ng pagkakapantay-pantay – ang lahat ng bagay ay maituturing na digma. Kasi sa bawat digmaan ay lagi’t lagi tayong may mga ipinaglalaban. Lagi’t laging may puwang sa digmaan ang pagmamahal. Pero ang nais ko lang naman talagang sabihin ay nararapat na ngayon natin simulant ang pagiging matapang para bukas ay handa tayong magbigay ng pagmamahal sa bawat uri sa lipunan nang walang hinihinging kapalit. Dahil kahit gaano kahirap at kasalimuot mahalin ang mga taong hindi naman natin kilala, kapag pinili natin silang paglingkuran, wala nang iba pang mas sasaya sa pakiramdam na araw-araw mo itong pinipili. Dahil ganoon ang pagmamahal. Kapag pinili mong magmahal, pipiliin at pipiliin natin ito sa lahat ng pagpipilian. Kung kaya’t ang akdang Transformative Education, bukod sa sinasabi nitong mag-aral labas sa itinuturo ng lisyang na edukasyon sa bansa, tinuturuan rin tayo nitong magmahal.
0 notes
Text
Ang Sining ng Uring Proletaryado
Tampok sa akda ni Rogelio Ordonez ang kinulumpong mga akda ng iba’t ibang manunulat na nagmula rin sa uring anakpawis. Halos pare-parehas lang naman ang nais nilang tumbukin, ang malawak na hanay ng sambayanan, ang mga manggagawa’t magsasaka ay patuloy na nakararanas ng pandarahas at pagsasamantala sa lipunang Pilipino dahil sa tatlong salot: ang imperyalismo, burukrata-kapitalismo, at pyudalismo. Mayaman ang bansang Pilipinas pero patuloy at laganap ang kahirapan dahil sa tatlong ito. Kaya naman talagang hindi na nakapagtataka kung bakit marami sa mga Pilipino ang mas pinipili ang landas ng pakikibaka upang ibagsak ang tatlong ugat ng kahirapang ito. Mayroong mga kabataan, mga estudyante, mga propesyunal, mga katutubo, at higit sa lahat, mga manggagawa’t magsasakang handang makibaka Kaliwa’t kanan, at sa kasalukuya’y halos araw-araw na ang pagkakasa ng mga kilos-protesta ng mga aktibista sa kalunsuran at maging sa kanayunan. Makikita natin ang sining na iniluluwal ng pakikibaka sa mga lansangan sa porma ng protest art. Iyong kung ituring nila’y bandalismo na sumisira sa linis ng puting pader na may lihim na itinatago. Ang puting mga pader na ito ay ang nagpapanggap na gobyerno, puno ng inutang na dugo. Sagana rin sa kultura ang uring proletaryado. Kung tutuusin, ang sining na kanilang nililikha ay sining ng pakikibaka para sa buhay. Mayroong mga rebolusyunaryong awitin, tula, kwento, at iba pa. Marahil ay talagang mahusay ang uring anakpawis sa sining at literatura sapagkat sila ang may primaryang danas sa lipunang marahas at malupit. Sariling mga karanasan ang nakapaloob sa bawat titik, tugma, at pangungusap. Sa bawat pinta ng uring magsasaka, mararamdaman mo ang kanilang malakas na panawagan para sa tunay na reporma sa lupa. Sa bawat awit na nililikha ng uring manggagawa ay maririnig mo ang kanilang malakas na paglaban para sa sapat at nakabubuhay na sahod. Ngunit sa lipunang malakolonyal at malapyudal, walang lugar ang literatura at sining ng uring proletaryado kundi sa loob ng kilusan. Paano ba naman, sa mundo na kultura pa rin ng burgesya ang namamayani, mamatahin at pagtataasan ng kilay ang kanilang mga likha. Ang isa pa’y sa lipunang ganito kalala, wala nang panahon pa ang mga magsasakang humawak pa ng mga materyales pampinta dahil mas pipiliin niyang humawak ng karit na kanyang ginagamit sa pagsasaka. Mas pipiliin ng mga manggagawang ubusin ang kanyang lakas sa pagtatarabaho sa loob ng mga pagawaan upang tumaas nang kaunti ang kanyang sahod, kahit papaano, na kahit kailan ay hindi natumbasan ang kanyang inaalay na lakas-paggawa. Kaya’t sa panahon na ang lipuna’y malaya na sa pang-aapi’t pagsasamantala, doon lamang rin ganap na mapauunlad nang husto ang literatura ng uring anakpawis. Kaya sa ngayon, kapag nakakita tayo ng akda ng isang magsasaka, o ng awiting nilikha ng ating mga manggagawa, atin itong tanggapin, irespeto’t isabuhay. Dahil ang sining ng uring proletaryado ay sining ng mamamayang Pilipinong naglalayong hindi lamang palayain ang kanilang mga uri, hindi lamang para sa interes ng iilan, at hindi lamang para sa kasarian, kundi para sa demokratikong karapatan ng malawak na hanay ng sambayanan.
0 notes
Text
Ang Kabastusan ng mga Filipino: Ang Peminismo at Kasarian sa Lipunang Pilipino
Ang ilang mga skolar ng akademya ay nagsasabing ang pananakop ng mga dayuhan mula sa Kanluran ay nagpahinto o nagpatigil sa mataas na posisyon ng kababaihan sa lipunang Pilipino. Bago pa man dumating ang mga Espanyol sa bansa, ang kababaihan ay may mahalagang posisyon sa lipunan. Kahit pa kalalakihan, o mga datu ang siyang namamahala sa isang tribu o barangay, ang kababaihan o mga babaylan ay may mahalagang papel sa spiritwal na mundo. Ibig-sabihin ang posisyon ng kababaihan ay kapantay lamang ng posisyon ng kalalakihan. Mayroon ring suporta ang pahayag na ang mga taong isinilang sa pulo-pulong bayan ay mayroong relasyong “egalitarian” sa kasarian. Ayon sa isang Pilipino anthropologist, mayroong tribu ang naninirahan sa Hilagang parte ng Pilipinas. Sa Bontoc, Mountain Province na walang konsepto at walang naitalang kaso ng panggagahasa hanggang sa kasalukuyan. Sa lipunang Pilipino na ang batayang istrukrutura ay malakolonyal ay malapyudal na mayroong malalim na kulturang pyudal at patriyarkal, bulnerable ang kababaihan sa pagsasamantala at pang-aabuso. Sa uri man niya o maging sa kanyang kasarian. Ngunit ano, bakit, at paano nga ba nagsimula ang kulturang patriyarkal? Inilahad ni Friedrich Engels sa kanyang librong “The Origin of the Family, Private Property and the State” na noon ay wala pang konsepto ng ‘pamilya’, at kababaihan ang siyang may pinakamataas na posisyon sa lipunan. Dahil ang mga babae ang nagluluwal na panibagong tao na magiging kasama nila sa kanilang tribu, pagkatapos ng walang sagkang pagtatalik, kung kaya’t sila ang pinakamahalaga sa lipunan. Pero nang tumaas ang antas ng kamalayan ng mga lalaki, napagtanto nila kung saan at kanino nila maiiwan ang kanilang mga kagamitan sa pangangaso. Kaya naman minarkahan ng mga lalaki ang mga babaeng hindi pa nagagalaw at doon nabuo ang konsepto ng “virginity”. Sa pamamaraang ito, unti-unti nagkaroon ng kontrol ang mga lalaki sa mga babae at itinuring na isang pribadong pag-aari. Dahil nga ang mga lalaki ang maalam sa pangangaso, sila na ang nagpapasya sa takbo ng clan, nagtagpo ang pang-ekonomikong kapangyarihan sa politikal at kultural. Sa mga sirkumstansyang iyan nagsimula ang konsepto ng pamilya. Sa kasalukuyan, kung ating pag-uusapan ang peminismo o iyong kilusang naglalayon ng pagkakapantay ng kalalakihan at kababaihan, mailalahad ang tatlong tipo ng peminismo: ang Liberal, Radical, at Marxist Feminism. Sa madaling pagpapakahulugan, tinitingnan ng mga peminista na ang pagsasamantala at pang-aabuso sa kababaihan ay mawawakasan lamang ayon sa kanilang mga paniniwala’t paninindigan. Ayon sa mga pemenistang liberal, mapapalaya lamang ang kababaihan sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga batas para sa kagalingan nila. Sa madaling sabi, nakasandig ang paglaban ng mga pemenistang liberal sa parlyamentarya at sa gobyerno. Ang mga peministang radikal naman ay mayroong mas matinding naiisip na solusyon sa pagpapalaya ng kasarian. Anila, kinakailangan maiwaksi o mawala ang sistema ng pamilya nang sa gayon ay mawala ang pagtinging pribadong pag-aaari ng kalalakihan ang kababaihan. Samantalang ang mga pemenistang aral sa Marxismo ay naniniwalang sa rebolusyon lamang ganap na lalaya ang kababaihan. Sa aking sariling pananaw, ang ganap na paglaya ng kababaihan ay makakamit lamang kapag napalaya na ang mga uri sa lipunan, lalo’t higit ang uring anakpawis. At ito ay mapagtatagumpayan lamang sa pamamagitan ng pagrerebolusyon, sa kalunsuran at higit pa sa kanayunan. Ganap na maipapakita ang kakayahan ng bawat babae sa lipunan kapag ang lipunan ay malaya na sa pagsasamantala ng iilang naghaharing uri.
0 notes
Text
Realidad
Ang sulating “Si Kristo, Ronnie Poe, at iba pang “Idolo”: Apat na pagpapahalaga sa Dula ng Pelikulang Pilipino” ni Nicanor Tiongson ay isang sulating binubusisi at inilalantad ang kapangyarihan ng midya, partikular na ang mga pelikula’t palabas sa telebisyon bilang instrumentong humuhubog sa kaisipan o kamalayan ng mga taong nakakapanood nito. Samakatuwid, ang midya ay maaaring gamitin upang makapagmulat at ilihis ang kaisipan ng mga tao. Isang kongkretong halimbawa sa ating bansa ang mga pelikula o palabas na tinatalakay ang tipikal na istruktura sa loob ng tahanan na kung saan ang ama ang siyang nagtatrabaho para sa pamilya at ang ina’y nasa loob lamang ng bahay na ang trabaho’y mga gawaing-bahay – nananatiling tipikal at atrasado. Ang iba nama’y pag-aagawan ng mga babae sa iisang lalaki. Mayroong ring iyong tipikal na story line na kung saan ang bidang maralita ay makakaahon sa kahirapan kung siya’y magpupursige lamang. Tila baga ang gustong ipakahuluga’y tamad ang mga Pilipino kaya’t hindi umaasenso. O talagang hindi lang inalam ng mainstream film staffs ang kalagayan ng mga mga manggagawang ilang oras na tuloy-tuloy na nagbabanat ng buto sa loob ng maiinit na pabrika. Ang mga magsasakang buong araw na nasa mga bukirin upang magbungkal ng lupa? Gayunpaman, ang akdang ito ay inilahad ang maling pagpapahalaga sa maka-kanluraning konsepto ng kagandahan; ang kawalan ng sustansya sa konteksto ng aliw sa palabas; ang pagpapairal ng masokismo sa mga inaapi; at ang pagpapanatili ng konseptong maganda pa ang mundo. Nakakalungkot isipin na ang pamantayan ng kagandahan ay hindi nakabatay sa sariling kultura at bansa, kundi nakabatay sa pamantayan na mga dayuhan ang nagtatakda at mga maka-Kanluranin ang nagpapalaganap. Ang numero unong daluyan ng impluwensyang ito ay ang mass media na kung saan ang palaging bida sa mga palabas at pelikula’y maputi, makinis, matangos ang ilong, at may mapulang labi. Ngunit hindi natin maaaring sisihin ang masang biktima lamang rin ng sistemang itinataguyod ng Kanluraning mga bayan, lalo na ang nangungunang imperyalistang bayan sa buong mundo – and Estados Unidos. Pag-uwi ng mga Pilipino sa kanilang mga tahanan, kadalasang ang kanilang ginagawa’y magpapahinga, manonood ng telebisyon o kaya’y hawakan ang kanilang mga telepono’t gadyet. Edi talagang kahit hindi ito ang pamantayang naaayon sa kanilang lahi at pinagmulan, kung ang midya naming kanilang pinanonooran ay manipestasyon ng kolonyalismo ng ibang bayan, talagang magiging ganito ang kahihinatnatan. Idagdag pa na ang mga pagpapanatili ng kultura at paghuhubog sa kaisipan ng masang Pilipinong huwag na lamang magtanong o lumaban sa mga nang-aapi sa kanila dahil sa bawat ending naman ng mga palabas ay tagumpay. Ibig-sabihin ay makakaahon sa kahirapan ang bidang maralitang hindi naman talaga nangyayari sa realidad. Dahil kapag wala kang ginawa, mananatili ang makauring pagsasamantala. Maganda pa ang mundo? Oo, maganda ang mundo. Maganda ang Pilipinas. Maganda ang lipunang Pilipino kung hindi pinagsasamantalahan at inaapi ang malawak na hanay ng sambayanang Pilipino ng iilang naghaharing uri at ng mga dayuhang multinasyunal at transnasyunal na ang tanging layunin ay magkamal ng supertubo mula sa mga manggagawa at mga konsyumer, Samakatuwid, ang midya ay isa ring instrumentong pangkaunlaran pero nakakatakot ito kapag ang may kapangyarihang gamitin ito ay silang mga nang-aapi. Gagawin at gagawin nila ang lahat para mailayo ang isip ng mamamayan sa paglaban sa kanilang mga hindi makataong layunin. Pakakalmahin ka ng kanilang mga palabas hanggang sa hindi mo na maikumpara ang tama sa mali, ang totoo sa hindi, at ang wastong realidad.
0 notes
Text
Ang Blog at Mundo ng Pakikibaka
Ano ang blog at ano ang kalakasan at kahinaan nito? Ano ang ambag at kakulangan nito sa lipunang Pilipino? Sa akda ni U.Z. Eliserio na Blog Ang Mundo: Pagsasalsal at Pakikibaka sa Internet, nagpahayag ng pagpapakilala ng isang panibagong lugar para sa progresibong aksyon ngunit sa porma ng internet at social media. Marahil ay inaangkupan nito ang kasalakuyang kalagayan ng lipunan na kung saan ang internet ay prominenteng-prominente.
Ayon sa teksto, ang blog ay mula sa dalawang pinagsamang salita ng ‘web log’ kung saan dito ay maaari nating ipahayag ang nais nating sabihin at kung ano pang mga bagay ang tumatakbo sa ating isipan na gusto nating ipaalam sa iba. Ito ay matatagpuan lamang sa internet at dahil sa ang internet kung minsan ay maituturing na isa pang realidad, at dahil may mga katangian itong maaaring isapribado o isapubliko ang iyong mga akda, doon nagsisimula ang pader na gumuguhit na linya sa dalawa. Habang mas tumatagal ang pagsandig sa blog, dahil malaya mong naipapahayag ang iyong mga saloobin, mga opinion at kuro-kuro, nakahuhumaling itong gamitin hanggang sa hindi mo na ito matigilan.
Nagbigay ang may-akdang si U.Z. Eliserio ng isa pang plataporma ng diskurso sa mundo ng internet. Sa buong mundo, milyon-milyong tao ang gumagamit ng kanilang mga gadyet upang magbukas ng kanilang mga “account” sa social media. Bawat segundo ng ating buhay ay mayroong isa at marami pang ibang gumagamit ng iba’t ibang social media, mapa-application man o site. Paano ba naman? Ang internet ay isa sa mga instrumentong pang-aliw dahil dito, maaari kang manood, magbasa, magsulat, at kung ano-ano pa.
Isa sa mga pinakaintersanteng social media site sa internet ay ang blog sites. Dito, maaari kang sumulat ng mga artikulo, tula, maikling kwento, at iba pa. Ang kaigihan pa’y bukas ang mga tao sa kritisismo at ipinapahayag ang kanilang talas at pagiging kritikal sa mga isyung iyong isusulat. Maaari ka nilang punahin sa “comment box” at maaari rin silang magmungkahi. Maigi ring daluyan ng impormasyon at talakayang blog sites dahil may mga katangian itong tumutugon sa ganoong pangangailangan, lalo na ngayong kinakailangan ng mas malakas at mas malawak na talakayan hinggil sa mga sosyo-pulitikal na usapin.
Sa kabilang banda, kung pakikibaka lamang ang pag-uusapan, habang ang blog sites ay isa sa mga maaaring maging progresibong lugar para sa pag-aabante ng mga kampanya o kahit mga simpleng akdang tumatalakay sa mga isyung panlipunan, nananatili pa rin itong segundaryang plataporma lamang. Wala sa internet at social media ang ang tunay na laban. Ang blogs ay nananatiling para sa mga uring panggitna, ang mga uring may kakayahang bumili ng mamahaling mga gadyet at may panahon upang mag-aliw sa pamamagitan nito. Ito’y nananatiling hindi aksesible para sa lahat. At ang malawak na hanay ng mga magsasaka’y nasa kanayunan na kadalasan ay hindi naaabot ng signal mula sa mga lungsod. Hindi isasa-telebisyon ang rebolusyon. Bukod sa tulong ng social media sa laban ng mamamayan, iba pa rin ang laban sa tunay na realidad. Sa lansangan man ng kalunsuran o maging sa mga kabundukan ng kanayunan.
0 notes
Text
Wika Sa Lipunang Pilipino
Mayaman ang bansang Pilipinas pero naghihirap ang sambayanang Pilipino. Ilang daang taon nang ganyan ang kalagayan ng ating bansa pero hindi na maalis sa isip ko na marahil isa ang wika sa dahilan kung bakit nagpapatuloy ang kalagayang ito sa lipunang Pilipino.
Gaya ng banggit sa akdang “Ang Kapangyarihan ng Wika, Ang Wika ng Kapangyarihan”, ang gamit nito’y hindi lamang bilang isang paraan ng komunikasyon kundi, sa mas pinakasimpleng sabi, ito ay nagbibigay-daan lamang sa palitan ng mga ideya ng mga tao sa lipunan. Maaaring ang wika ay para sa kaunlaran ngunit ito ay maaring makapangwasak. Ito’y pwedeng makapangmulat at ito’y pwede ka ring gawing mangmang. Kung sabagay, hindi nga pala iisa lamang ang wika.
Sa bansang Pilipinas, mahigit sa isang daana ng lenggwaheng ginagamit ngunit ang karaniwang sinasalita ng mga tao kung hindi Filipino, Ingles. Kung ating babalikan ang kasaysayan, talagang ginamit na instrumentro ng mga Amerikano sa pananakop ang wikang Ingles. Hindi tulad ng mga Espanyol, natukoy ng mga Amerikano na makapangyarihang sandata ang wika bilang instrumentong panakop sa isang bayang nais nilang gawing kolonya. Kung ang mga Espanyol ay pinagkaitan ang mga Pilipino na matutunan nang lubos ang kanilang wika, ang mga Ameriano’y hayagang itinuro at ipinagamit ang kanilang wika. Sabi nga sa akda, ang mga Anerikano ang mas nakakita ng wastong pagsasamantala sa wika.
Kung sabagay, dahil ang wika’y tumutubo mula sa puso ng isang bayan, natural lamang na nakakabit dito ang kultura’t kasaysayan nito. Kaya naman pala mapahanggang ngayon ay nananatiling nakakintal sa ating kamalayan ang kultura’t kasaysayan. Ang epekto? Mahabang panahong pagkaalipin.
Nakabibighani ang wika ngunit sa kabilang banda’y nagdadala ito ng takot dahil ang wika’y maaaring gamitin sa pagsasamantala, laluna’t ang wika ay isang paraan upang makapangyari. Pero kung ating iisipin, hindi naman talaga masamang pag-aralan at gamitin ang wikang Ingles. Dahil ang wikang Ingles ay totoo naming mainam na gamitin para makipag-usap sa ibang mga lahi. Nagiging malaking problema lamang ito kapag sa ilalim ng lipunang Pilipino, mas nakikita at ginagawa itong primarya at prayoridad, at ginagawang pamantayan ng katalinuhan.
Lalo na sa kasalukuyang kalagayan ng ating lipunan na kung saan pilit na pinapatay ang ating wikang pambansa sa porma ng pagpapatanggal ng mga asignaturang Filipino at kasaysayan sa kolehiyo. Ultimong kahit asignaturang Filipino naman ay kinakailangan pa ring gumamit ng wikang Ingles dahil anila’y mas nakakatalino, mas may “class” at mas karespe-respeto.
At hindi rin pamantayan ang wikang Ingles sa kaunlaran ng isang bayan. Bakit nga naman ang Thailad, Korea, at iba pa? Ni hindi nga sila nagsasalita ng Ingles pero mauunlad ang kanilang mga bansa. Kaya naman dito pa lamang sa argumentong ito ay napabulaanan na agad ang mataas na pagtingin sa Ingles.
Tunay na mayaman ang bansang Pilipinas pero isa sa paraan kung paanong hindi na maghihirap ang sambayanang Pilipino ay sa pamamagitan ng pagpapalakas sa ating wikang pambansa – ang wikang Filipino. Maaari itong magbuklod sa masang anakpawis, sa mga maralita’t dukhang danas ang karahasan at kalupitan sa lipunang Pilipino. Sa mundo naman ng mga gutom, wala na silang pakialam kung nakapagsasalita ka ba ng wikang Ingles o hindi. Hindi iyon ang pamantayan nila. Ang itatanong nila ay kung handa ka bang lumaban kasama nila.
0 notes
Text
Makauring Paaralan
Bakit? Ano ang dahilan at asal-mayaman si Pedrong Maralita?
Mayroong iilang mga unibersidad sa ating bansa na kilalang paaralan ng mga mayayaman. Nariyan ang De La Salle, Ateneo de Manila University, San Beda at Letran, St. Scholastica, at iba pa, na kahit napakamahal ng matrikula’t may mga dagdag pang bayarin ay inaasam at pinapangarap pa rin ng marami sa atin.
Inihalintulad ni Bienvenido Lumbrera ang mga pabrika ng mga kapitalista sa mga paaralan sa bansa. Sa bagay, ano pa nga ba’t ang mga namamahalang may posisyon sa loob ng mga paaralan ay mga edukador-kapitalistang naglalayong gatasan ng tubo ang mga estudyante’t kanilang mga magulang sa ngalan ng ‘de kalidad na edukasyon’ at kadalasa’y sa pristehiyo lamang ng mga eskwelahan.
Ngunit kung ating titingnang mabuti, ang mga paaralang pantanging nabanggit ay likas na nilikhang ekslusibo para lamang sa kanilang mga uri, ang mga mayayaman, ang mga naghaharing uri. Kahit gaano pa kamahal ang matrikula, kung barya lamang ito sa kanila’y walang problema. Ang problema, ayon sa isang dakilang pilosopo na si Karl Marx, mayroong superistruktura sa lipunan na kung saan kung sino ang may hawak ng kapangyarihan sa ekonomiya ay siyang may kontrol sa kapangyarihang pampulitika’t kultura. Kaya naman sa kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas, ang iilang naghaharing uri ang nagtatakda ng pamantayan sa kultura, sa magandang pamumuhay. Dahil sila ang may kayamanan – hawak nila ang kapangyarihang pang-ekonomiya, kaya’t sila ang may kapangyarihang pampulitika at magdesisyon, kaya’t sila ang pinakikinggan.
Kaya naman hindi natin maaaring sisihin kung bakit marami sa mga Pilipino ang naghahangad ng mga bagay na hindi naman kailangan, lalo na dahil ito ay itinatakda ng naghaharing uri. Gaya na lamang ng mga mamahaling kolorete na kahit hindi naman kailangan ng mga maralita ay pinipiling ikonsumo tulak ng kulturang pinalalaganap ng mayayaman. At gayundin ang mga paaralang nabanggit. Dahil ang mga pribadong paaralang pantangi ay tinuturing na huwaran, maging ang mga estudyanteng iba ang katayuan sa lipuna’y tinitingala na rin ito.
Subalit malinaw na hindi para sa mahihirap ang tipo ng edukasyon sa mga paaralang pantangi. Isang halimbawa ay ang Ateneo de Manila University na kilala bilang unibersidad na may espesyalisasyon sa pagnenegosyo. Angkop ang paaralang ito para sa anak ng mga malalaking negosyanteng mayroong mga korporasyong patatakbuhin. Tulad ng banggit ni Lumbrera, binibigyang-diin sa mga prestihiyosong pribadong unibersidad ang Liberal Arts na pinag-aaralan ang pilosopiya at sining. Angkop ito para sa mga anak ng mayayamang kahit hindi magbanat ng buto ay hindi magugutom pero paano naman ang anak ng mga manggagawa’t magsasakang kinakailangang ibuhos ang walong oras o higit pa sa loob ng mga pabrika’t mga bukirin upang saluhin ang sahod, sahurin ang kaunti sa super-tubo ng mga kapitalista’t panginoong may lupa para lamang maitawid ang isang araw? Wala na silang panahon para pagtuunan pa ng pansin ang ganitong mga bagay. Dahil kapag sila’y tumigil sa paggawa, sa ilalim ng malupit at marahas na lipunang ito, mapag-iiwanan sila. Lalo na kung patuloy lamang silang tatangayin ng kultura at mga itinakdang pamantayan ng mga naghaharing uri.
Ngunit darating ang panahon na malalaman at maumulat ang maralita’t dukha sa katotohanang magkasalungat ang kanilang interes sa interes ng mga mayayamang mapagsamantala. Mauunawan nilang ang kanilang uri ay magkatunggali kung kaya’t ang kagustuhan nilang maginahawang buhay, na mayayaman lamang ang nakatatamasa, ay lalapatan nila ng aksyon kapag napagtanto nilang ang edukasyong kanilang inaasam ay huwad at para lamang sa iilan.
0 notes
Text
Sitio Neoliberalismo
Sitio Neoliberalismo
Sa loob ng humigit-kumulang saandaang taong paghahari ng Estados Unidos sa Pilipinas, hanggang sa kasalukuyan ay naikukubli ng imperyalistang bansang ito ang kanyang panghihimasok at pagkontrol sa ekonomiya, pulitika, at kultura ng bansa.
Kung ating babalikan, hayag na sinakop ng mga Espanyol ang Pilipinas sa pamamagitan ng dahas at relihiyon – krus at espada. Samantalang ang Estados Unidos, bilang isang tusong imperyalistang bayang natuto sa pagkakamali ng mga Espanyol sa porma ng pananakop, ginamit ang edukasyon upang hubugin ang pag-iisip ng mga Pilipino. Sa pamamagitan nito, nasakop ang kamalayan ng mga Pilipino hanggang sa kasalukuyan. Hindi ba’t kaya nga marami pa rin sa atin, lalo na ang mga Pilipinong nasa kalunsuran ang nahuhumaling sa produkto ng mga kanluraning bansa? Hindi ba’t marami pa rin sa ating ang pamantayan ng katalinuhan ay ang kagalingan sa pagsasalita sa wikang Ingles? At hindi ba’t sa kasalukuya’y ang mga patakaran ng bansang Pilipinas ay pumapabor pa rin sa interes ng Estados Unidos?
Noong maagang bahagi ng ika-20 siglo, umabot na sa yugto ng monopolyo kapitalismo ang US. Para makapang-agaw ng mga kolonya, dinigma ng Estados Unidos ang Espanya noong 1898. Sinakop ng Estados Unidos ang Pilipinas dahil sagana ito sa likas na yaman at murang lakas-paggawa, mapagtatambakan ito ng sobrang produkto at kapital. Gusto ring gamitin ng US ang Pilipinas bilang base sa pakikipag-agawan sa iba pang imperyalistang kapangyarihan sa pagkontrol sa Tsina at iba pang bahagi ng Asya. Kasabay nito ang pagsasamantala nila sa mamamayang Pilipino, lalo na sa uring magsasaka at uring manggagawa.
Sa katunayan, ipinagkait sa ating mga bayani ang tagumpay na kanilang nakamit noong sila’y nakikidigma laban sa mga Espanyol dahil sa Tratado ng Paris na kung saan mistulang binili ng Estados Unidos ang kalayaan ng bansang Pilipinas sa halagang 20 milyong dolyar noong Disyembre 10, 1898. Ngunit hindi nagmaliw ang kagustuhan ng mamamayang palayain ang Pilipinas sa kamay ng dayuhang bayan. Batid ng mga Amerikano na handang lumaban ang mga Pilipino kaya’t para masakop ang Pilipinas prinsipal na ginamit ng imperyalismong US ang kontra-rebolusyonaryong dahas at segundaryo, ang panlilinlang. Ginamit ng mga mananakop ang mga eleksyon para ilayo sa rebolusyon ang mga kabilang sa prinsipalya. Ginawa nilang papet ang mga kasapi nito, tulad ng ginawa ng mga kolonyalistang Espanyol. Lalong pinasigla at pinalaganap ang sistemang asyenda – pinanatili at pinalaganap pa ang pyudalismo sa Pilipinas. Ginawa ito ng imperyalistang US upang kunin ang suportang pampulitika ng mga panginoong maylupa, mga lokal na naghaharing uri at mga taksil sa rebolusyon, tiyakin ang patuloy na suplay ng hilaw na materyales na mula sa mga pananim tulad ng tubo, niyog at abaka, gawing tiyak na pamilihan ang Pilipinas ng mga produktong imperyalista, at samantalahin ang murang lakas-paggawa.
Kaya’t hindi na rin na rin nakapagtataka kung bakit noong nagsisimula pa lamang ang pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas ay mayroon at mayroong mamayang handang ipaglaban ang kanilang mga demokratikong karapatan. Ngunit dahil sa nabubulok na sistema ng edukasyon sa Pilipinas, nalilimitahan o nalilihis ang kaisipan ng kabataang labanan ang pang-aapi ng imperyalistang US, kasapakat ng iilang mga naghaharing uri.
Simulan natin sa kongkretong halimbawa at kalagayan ng edukasyon sa bansa. Ang sabi ng mga taong nasa likod na pagsasabatas ng programang K12, tayo na lamang daw sa Asya ang may sampung taong “basic education” kung kaya’t kinakailangan na raw natingsumabay sa “international standards” sa ngalan ng globalisasyon. Pero kung ating bubusisiin, tanungin natin kung sino at ano ba ang ating sinasabayan? Ano baa ng globalisasyon at sino ang nagtatakda ng pandaigdigang pamantayan? Nasaan ang pag-unlad ng bansa at saan ito patungo?
Ang kawalan ng pagpipilian kundi sumabay na lamang, iyong akto ng pagsabay na hindi suportado ng pagsusuri at hindi ibinatay ang mga hakbang sa pangangailangan ng sariling bansa o lipunan ay manipestasyon ng pagiging pasibo. Iniluluwal ng lipunang mayroong bulok na sistema ang mga kabataang lumalaking indibidwalista. Karamihan sa mga estudyanteng nasa programang K12 ay may mga asignaturang para lamang sa kanilang mga “strand”. Mayroong mga piling pinag-aaralang nakatuon na lamang sa propesyong ipinangako sa kanila ng lipunang ito. Naalala ko ang tinuran ng isang aktibista noon, aniya, huwag nang mangarap ang mga kabataang makamit pa ang kanilang mga gustong propesyon dahil sa ilalim ng lipunan at sistemang ito, na naglalayon lamang na ipagbili nang mura ang lakas-paggawa ng mamamayan, na ang primaryang pagsisilbihan ay ang mga dayuhang malalaking korporasyon, ay hindi mangyayari.
At tulad ng mga manggagawang wala nang nakikitang katuturan sa kanilang ginagawa dahil hindi naman nila nakikita ang kabuuan ng produksyon, wala na ring nakikitang katuturan ang mga estudyante sa mga asignaturang inaaral nila na “walang kinalaman” sa kanilang espesyalisasyon. Tinutulay at pinalalakas nito ang myopia at empirisismo: “Anong pakialam ko kung hindi naman ako apektado?”
Kaya’t makikita nating wasto ang suri ni Bienvenido Lumbrera sa kanyang akdang “Edukasyong Kolonyal: Sanhi at Bunga ng Mahabang Pagkaalipin”. Maligayang pagdating sa Sitio Neoliberalismo.
0 notes
Text
Edukasyon: Para Kanino?
“Maliit ang budget ng gobyerno para sa edukasyon. Pambayad utang muna raw at militarisasyon kaya’t tayo na naman ang pahihirapan nito. Bakit ang gobyerno’y umaayon sa programang ganito?”
Kapag tinanong mo ang mga bata kung bakit nila kailangang mag-aaral, marahil ang isasagot nila’y kung hindi para makatulong sa pamilya ay para matupad ang kanilang mga pangarap na propesyon. Maging mga guro, nars, doctor, at iba pang mga trabahong mayroon at kailangan ng bansa. Ngunit sa patuloy na paggalaw ng mundo at pagtakbo ng panahon, ito pa rin ang kaya ang isasagot nila kapag sila’y lumaki na?
Kung babalikan ang kasaysayan ng Pilipinas, nagsimulang maging institusyonalisado ang edukasyon noong panahon nang pananakop ng Amerika. Natuto ang mga Amerikano sa pagkakamali ng mga Espanyol na gamitin ang krus at espada upang sakupin ang bansa. Napagtanto nilang lagi’t lagi, kapag ang mamamayan ay ginamitan ng dahas, ito ay magsisilang ng paglaban. Dulot nang pandarahas ng mga Espanyol sa mga Pilipino at ang papatinding krisis panlipunan, umusbong ang isang rebolusyonaryong kilusan, ang KKK, na siyang pangunahing lumaban sa mga kolonyalistang Espanyol. Ang edukasyon sa panahon ng paghahari ng mga Espanyol ay talagang para lamang sa iilang kalalakihang nagmula sa mayayamang pamilya tulad ng mga propagandistang sina Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena, Marcelo H. Del Pilar, at iba pang nagsulong ng mga reporma sa bansa. Maraming mga Pilipino ang pinagkaitang makapag-aral kung kaya’t nang ibinigay ng mga Amerikano ang karapatang makapag-aral sa mga Pilipino, doon nagsimulang mapakalma at makontrol ang mamamayan. Nabatid nilang mas epektibo itong pamamaraan kaysa gamitan ng dahas ang mga Pilipino upang mas madaling maisagawa ang kolonyal na mga programa at patakaran sa bansa.
Gaano kalakas ang kapangyarihan ng edukasyon? Ito ang ginamit ng mga Amerikano upang sakupin ang kaisipan ng mamamayang Pilipino. Layunin nitong hubugin ang kamalayan ng mamamayan na maging maka-Amerikano. Dahil dito’y naging positibo ang pagtingin ng sambayanan sa dayuhang mananakop na siyang itinuring pang bayani at tagapagtanggol. Dahil ang edukasyon ay isang instrumentong humuhubog sa kamalayan ng bawat indibidwal, nagawa ng mga Amerikanong palaganapin ang kanilang kultura’t tradisyon sa mamamayan sa pamamagitan ng pagpapalawak ng saklaw ng wikang Ingles sa lipunang Pilipino. Dahil dito’y nagsimulang tangkilikin ng mga Pilipino ang mga produktong kolonyal ng Estados Unidos dahil sa oryentasyong ito’y mas maganda at maayos kaysa sa mga lokal na produkto.
Sa paglipas ng ilang mga taon, mula sa pagiging kolonyal na tipo ng edukasyon, naging mala-kolonyal ito kung saan ang edukasyon ay naging komersyalisado at negosyo. Nais nitong kontrolin ang kabuhayan sa pamamagitan ng mga programa at kurikulum na nakapokus sa pangangailangan ng ibang bansa. Imbis na palakasin ang mga asignaturang nagtuturong maging kritikal ang kabataan tulad ng Agham Panlipunan at Filipino, mas lalong ginawa ng mga Amerikanong mangmang at tila’y mga robot ang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtuturo sa kabataan ng mga asignaturang nakabatay sa pangangailangan ng malalaking mga dayuhang korporasyon.
Sa kasalukuyan, nagtatago ang ganitong sistema ng edukasyon sa programang K-12. Bukod sa dagdag na mga gastusin, layon nitong lumikha at humubog ng mga manggagawang handang ilako ang kanilang lakas-paggawa sa murang halaga sa mga multinasyunal at transnasyunal na mga korporasyon. Sa kanilang pagpapakahulugan at mga termino, ito iyong pagiging “globally competitive”. Kulong at tigil ang pagkatuto ng kabataan sa ilalim ng programang ito dahil imbis na sila’ay hubugin upang maging mga dalubhasa’t pantas ay ginagawa nito silang alipin sa sariling bayan at ng mga dayuhan. Dagdag pa rito’y ang paggamit sa edukasyon upang lumikha ng mga mamimiling tatangkilik sa kanilang mga produkto. Kinakailangan ng mga bayang gaya ng Estados Unidos ng mga bayang gagawin nitong malaking pamilihan upang paglakan at pagbentahan ng sobra-sobrang produkto. Bakit? Para sa supertubo.
Ganito ginamit ng imperyalistang Estados Unidos ang edukasyon para mapanatili ang kanilang kontrol sa bansa. Oo, imperyalismo. Nabanggit na ang ilan sa mga katangian ng mga imperyalistang bayan tulad ng murang lakas-paggawa at mga baying kolonya nitong maaaring gawing sobra at malalaking pamilihan. Kaya’t hindi na rin nakapagtataka kung bakit gustung-gustong sakupin ng imperyalistang Estados Unidos ang bansang Pilipinas dahil bukod sa mga likas na yaman at hilaw na materyales, narito ang mga kinakailangan nito para manatili ang paghahari sa buong daigdig.
Ganito kawais at katuso ang Estados Unidos. Natukoy nila ang kapangyarihan ng edukasyon upang hind imaging hayag ang kanilang pananakop. Hindi ba’t kaya nga nila ipinatayo ang Unibersidad ng Pilipinas ay upang humubog ng mga taong may oryentasyong maging maka-Amerikanong mauupo sa burukrasya ng bansa? Upang magkaroon pa rin ng direktang kapangyarihan sa gobyerno ng Pilipinas? Hindi ba’t kaya nga rin nila ipinagawa ang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ay upang lumikha ng mga manggagawang handang ipagbili ang kanilang lakas-paggawa sa murang halaga?
At kahit libre na ang edukasyon sa ilang mga pampublikong paaralan, hindi maipagkakailang nananatili itong negosyo dahil sa mataas na matrikula at mga dagdag pang bayarin, lalo na sa mga pribadong paaralan. Ang edukasyon ay nananatiling pribilehiyong para lamang sa iilan. Kaya’t hindi na nakapagtataka kung bakit sa papatinding kris panlipunang kinahaharap ng bansa, patuloy na lumalakas at lumalawak ang paglaban ng mamamayang Pilipino. Hindi na rin nakapagtataka kung may mga Pilipinong susundan ang yapak ng KKK na handang ipaglaban ang bayan sa kamay ng imperyalistang Estados Unidos.
Kaya’t ngayong nailahad na ang kasaysayan ng edukasyon hanggang sa kasalukuyan, naiisip mo na ba kung para kanino ang edukasyong ito?
2 notes
·
View notes