harayaatguniguni
Ikatlo
21 posts
Don't wanna be here? Send us removal request.
harayaatguniguni · 5 months ago
Text
Lagi kong sinasabi na kaya kong mag-isa —
na sanay akong mag-isa.
Totoo naman.
Pero kahit na kaya ko,
Kahit na sanay na ako,
Hindi ko naman talaga gusto.
Sa katunayan,
Mas maraming pagkakataon na naghahanap ako ng kasama —
ng karamay.
Gusto ko ng kausap,
ng yakap,
ng mag-aalaga,
ng mangungumusta.
Oo, kaya kong mag-isa
pero ang totoo,
takot akong maiwan mag-isa.
0 notes
harayaatguniguni · 6 months ago
Text
Problema ko talaga ang palyadong sense of direction. Siguro kung naging pusa ako tapos napagdesisyunan mo akong iligaw kasi marami na akong ninakaw na ulam o kaya dahil tamad na akong manghuli ng daga, dalhin mo lang ako sa isang eskinita at siguradong hindi mo na ako makikita ulit. Mahanap ko man ang daan palabas sa eskinitang 'yon (na siguradong pito sa siyam kong buhay ang kailangan kong igugulol), siguradong limot ko na ang daan pauwi.
Kaya nga nakapagtataka at hindi ko maintindihan kung bakit kahit ilang beses na akong maligaw — kahit ilang beses mo na akong inililigaw, kahit ilang eskinitang liko-liko, mga kalsadang baku-bako, at mga kantong walang pangalan ang pagdalhan mo sa akin...kahit hilong-hilo na ako...kahit pagod na pagod na...kusa akong dinadala ng mga paa ko pabalik sa 'yo.
0 notes
harayaatguniguni · 4 years ago
Text
Mainit-init Pa
Ilang minuto ko nang tinititigan ang babaeng walang malay na kanina pa nakahiga sa aking harapan. ‘Di ko maitatanggi ang ganda niya, maputi, naghahalong itim at mala tsokolate ang kulay ng buhok, mahaba ang pilikmata, katamtaman ang kapal ng kilay, matangos ang ilong, at maputla ang manipis na labi.
Ilang sandali pa'y dahan-dahan ko nang inalis ang kumot na nakayakap sa kaniyang katawan. Kahit nakadamit pa siya ay halata na ang malulusog niyang dibdib at bilugang mga hita. Tuluyang nag-init ang katawan kong kanina'y iniinda pa ang lamig ng silid. Inunti-unti ko ang pag-alis sa kaniyang saplot. Parang sasabog ang dibdib ko sa sobrang bilis ng tibok ng aking puso — naghahalo ang kaba at libog.
Nang maalis ko na ang lahat ng dapat alisin ay lalong tumambad sa akin ang napakaganda niyang katawan. “Tangina!” sambit ko nang hindi ko na mapigilan pa ang aking kamay na lakbayin ang kaniyang kabuoan. Inumpisahan kong laruin ang kaniyang dibdib at maya maya ay ang kaniyang pagkababae. Nang hindi na ako nakatiis ay isa-isa ko na ring hinubad sa aking mga damit.
Matapos ay ibinuka ko ang kaniyang mga binti at umibabaw sa kaniya. Saka ko isinakatuparan ang aking pagnanasa at tuluyang nagpadala sa tawag ng laman. Pigil na pigil ang mga ungol habang pabilis nang pabilis ang pag-indayog ng aming katawan. Tagaktak rin ang aking pawis sa kabila ng patuloy na pag-ikot ng malamig na hangin sa paligid. Sa kalagitnaan ng aking pagpaparaos ay biglang bumukas ang pinto ng silid.
“Anak ng!” Sigaw ni Fred na aking katrabaho sa labis na pagkagulat.
Hindi maipinta ang aking mukha at halos mahulog ako sa aking pagbaba mula sa kinalalagyan namin ng babae. Dali-dali kong dinampot ang aking mga damit at hindi magkandaugaga sa pagsuot nito.
“Tangina mo! Paano kung kapamilya niyan ang makakita sa 'yo?” Patuloy na bulyaw ni Fred habang tinatakipang muli ng kumot ang katawan ng babae.
Hindi ko magawang magpaliwanag. May sapat nga bang paliwanag? Humugot na lamang ako ng dalawang daang piso at iniabot kay Fred kasabay ng pakiusap na, “pre, walang ibang makakaalam nito ah.”
“Tangina mo talaga! Umalis ka na nga rito at ako na ang mag-eembalsamo sa bangkay na 'yan!”
Note:
Ito ang ipinasa kong dagli bilang takdang aralin sa major ko noong 1st year. First SPG ko haha e sa gusto ng prof namin sexual ang tema e.
1 note · View note
harayaatguniguni · 4 years ago
Text
Incubus
Salitang lumalabas mula sa aking bibig ang malalalim na paghinga at pigil na mga ungol. Ramdam ko ang kakaibang sensyasyon. Ramdam ko ang mga kamay na lumilibot sa hubad kong katawan. Gumagapang ang kilabot na hindi ko maintindihan. Ramdam ko ang mga maiinit na halik na dumadampi mula sa aking pusod na naging mariin nang makarating sa aking leeg. Hindi ko mawari kung saan ipapaling ang aking ulo. Sinusubukan kong makita kung sino ang lalaking umaangkin sa aking katawan ngunit hindi ko malinaw na maaninag ang kaniyang mukha. Inilibot ko ang aking paningin ngunit tila nanlalabo ang aking mga mata at tanging nag-aagaw na liwanag at dilim lang ang aking nakikita. Sinubukan kong bumangon ngunit mas lalo aking kinabahan noong mapagtanto kong nakagapos ang dalawa kong kamay sa ibabaw ng aking ulo. Hawak na niya ngayon ang dalawa kong binti at pilit itong ibinubuka. Gusto kong magpumiglas. Gusto kong sumigaw ngunit pag-luha lamang ang aking nagagawa. Mariin kong ipinikit ang aking mata at habol-hininga akong nagising. Sa aking pagmulat, nagkaroon ng mukha ang lalaki at nagpatuloy ang bangungot nang nakadilat ang mga mata.
1 note · View note
harayaatguniguni · 4 years ago
Text
Tumblr media
“Si Zero sa Mapanganib na Mundo”
Sa panahon kung kailan ang mga tao ay tuluyan nang nawalan ng amor sa kalikasan, may isang gubat sa lalawigan ng Sinap, na pinangingilagan ng lahat. Binansagan nila itong “Gubat ng Panganib”. Tampulan ito ng mga kwentong kababalaghan dahil bukod sa mayroon itong malalago at nagtataasang mga puno na pumipigil sa pagpasok ng liwanag sa loob ng gubat, sinasabing pugad rin ito ng mga hindi maipaliwanag na nilalang.
“Nang minsan akong mapadpad sa loob ng gubat, nakakita ako ng higanteng gagamba! Aba! Balak ba naman akong kainin. Buti nalang at nabalian ko siya ng isang paa,” mayabang na sabi ng isang lalaki sa kaniyang mga kainuman.
“Balita ko’y may engkanto roon na nangunguha ng kaluluwa,” sabi naman ng isang ale sa kaniyang kapitbahay.
“Sabi ng lola ko, nakapagsasalita raw ang mga hayop sa loob ng gubat na ‘yon,” pagbibida ng isang bata sa kaniyang mga kaklase.
Pinagpasa-pasahan na ang iba’t ibang bersyon ng kwento tungkol sa gubat na ito. Maging ang mga taong ni hindi narating ang bukana ng gubat ay naniwala at ipinakalat ang mga sabi-sabi hanggang sa tuluyang binalot ng takot ang mga mamamayan.
Isang araw, gaya ng tipikal na tagpo sa lalawigan ay abala ang bawat mamamayan sa kani-kaniya nilang mga gawain nang biglang may isang binata ang namataang kumakaripas ng takbo sa kalsada. Kapansin-pansin and punit niyang kamiseta, marungis na pantalon, at hawak niyang isang supot ng tinapay. Nakasunod sa kaniya ang dalawang tanod at isang ale na walang humpay sa pagsigaw ng, “Magnanakaw! Magnanakaw!”
Halos mapatid na ang lumang tsinelas ng binata ngunit tuloy parin siya sa pagtakbo. Hindi na niya matanaw ang kaninang mga humahabol sa kaniya ngunit hindi parin siya humihinto. Gusto niyang makasigurado; mahirap na kapag nahuli dahil tiyak na ang parusang matatanggap niya ay higit pa sa halaga ng ninakaw niyang supot ng tinapay. Mayaman ang may-ari ng bakery, at sa lalawigan ng Sinap, may sariling batas ang mayayaman.
Palubog na ang araw nang mapansin niyang nasa harap na niya ang kinatatakutang “Gubat ng Panganib”. Wala siyang mapuntahan ngayong gabi. Kapag sinubukan niyang bumalik ay siguradong pag-iinitan siya. Kumuha muna siya ng tinapay sa supot at kumagat. Umaasang mapatigil nito ang pangangatog ng tuhod na hindi niya alam kung dahil ba sa gutom o kaba.
Tinanaw niya ang loob ng gubat — masyadong madilim. Totoo ngang natatakpan ng mga puno nito ang liwanag ng kalangitan.
“Totoo rin kaya ang mga nilalang sa loob nito?” naghahalo ang takot at pananabik sa puso ng binata. Nais niyang malaman ang sagot.
Maingat siyang pumasok sa loob ng gubat. Masyadong madilim at malamig ang hangin kaya mabilis siyang napapalingon sa bawat marinig na kaluskos. Tuloy ang kaniyang paglalakad hanggang sa makita niya ang mga munting liwanag. Parang sumasayaw na mga bituin.
“Napakaganda,” sambit niya nang hindi namamalayan.
Sinubukan niyang hulihin ang isa ngunit masyado itong mailap. Hinabol niya ang mga munting bituin na tila nakikipaglaro rin sa kaniya.
Hanggang sa hindi na niya namalayan na bangin na pala ang aapakan niya dahilan upang siya’y mahulog. Walang patid ang kaniyang pagsigaw. Ilang sandali pa ay may malasinulid na pilak na bumalot sa kaniyang katawan. Unti-unti siyang iniangat nito hanggang sa muli niyang maiapak ang mga paa sa lupa. Makalipas ang ilang segundong pagtitig sa nilalang ay napagtanto niyang isa itong higanteng gagamba at sa takot ay nawalan siya ng malay.
Maiging ibinalot sa sapot ng gagamba ang binata at dinala ito sa pusod ng gubat kung saan matatagpuan ang pinakamatandang puno sa tabi ng sapa. Nadatnan niya roon ang isang babae na nakikipagkwentuhan sa isang kwago.
“Diyosa Ikapati, nasagip ko ho sa bangin— isang tao,” sabay lahad ng katawan ng lalaki.
“Ano kamo? Isang tao? Nakapagtataka. Napakatagal na mula nang may mapadpad na tao rito,” inusisa ng diwata at ng kwago ang katawan.
“Salamat sa pagsagip sa kaniya. Kami na ang bahala,” dagdag ni Ikapati kasabay ng isang matamis na ngiti.
Pinagtulungan ng Dyosa at kwago na alisin ang nakabalot na sapot sa katawan ng binata. Ilang saglit pa’y nagising na ito.
“Ako si Ikapati, ang dyosa sa gubat na ito,” pakilala ng babae.
“D-dyosa? Bakit napakaputla mo, hindi ka ba isang multo? At tsaka ba-bakit ganyan ang suot mo?” pagtataka ng binata na halos hindi na maipinta ang mukha.
“Ah! Ito ba? Ginagaya ko lamang kung ano ang kasuotan niyong mga tao. Minsan kasi ay binibisita ko ang mundo niyo,” mahinahong sabi ni Ikapati.
Mabilis na bumangon ang binata.
“Sandali, anong pangalan mo?” pahabol niyang tanong.
“Pangalan?” Parang may kumurot sa puso niya. Napakatagal na mula nang may tumawag sa pangalan niya o kahit magtanong man lang kaya kahit siya mismo ay nakalimot na. Mariin niyang ipinikit ang kaniyang mga mata.
“Zero!” bulalas niya. “Zero ang pangalan ko!” Bakas ang pagkabigla at kasiyahan sa boses ng binata.
“Ikinagagalak kong makilala ka,” sabat ni kwago na ikinagulat ng binata.
“Nakapagsasalita ka nga! Totoo ang mga kwento,” namamanghang sabi ni Zero. “Teka, sasaktan niyo ba ako? Kukunin niyo ba ang kaluluwa ko?” takot naman ang nangibabaw ngayon sa kaniyang puso.
“Hindi lahat ng maririnig mo sa mundo ng tao ay totoo,” natatawang sabi ng kwago. “Hindi rin lahat ng kamangha-mangha ay purong kathang-isip.”
“Hindi totoong nananakit kami. Sa katunayan, mga tao ang unang nanakit sa amin,” malungkot na sabi ni Ikapati. “Sinaktan niyo kami noong unti-unti niyong pinatag ang mga bundok, kinalbo ang ilang gubat, pinatay ang mga ilog at sapa. Sinaktan niyo kami noong tuluyan niyo kaming nilimot — kinatakutan,” dagdag pa niya. “Sa gubat na ito kami nagkaroon ng sariling buhay. Malayo sa tao. Malayo sa pagmamalupit at sa kinatatakutang pagkalaho.”
Hindi na nakapagsalita pa si Zero at sa isang kisapmata’y nakita niya ang kaniyang sarili na nasa labas na ng gubat. Tumimo sa kaniyang isipan ang lahat ng sinabi ng diwata at kwago. Napagtanto niyang hindi pala ang mundo sa loob ng gubat ang mas mapanganib kundi ang nasa labas. Naisip niyang kailangan niyang maging mas matapang hindi lamang para sa sarili niyang buhay kundi para sa buhay ng kalikasan.
Note:
Ito ang piyesang ipinasa ko sa CANVAS nang subukan kong sumali sa Romeo Forbes Children's Story Writing Competition last 2018. First time kong magsulat ng short story at pambata pa haha pero sadyang naengganyo lang ako kasi ang twist ng timpalak ay bubuo ka ng pambatang kuwento na maaaring nakasulat sa Filipino o Ingles at hindi lalagpas sa 1,000 salita base sa napili nilang artwork. 'Yang larawan sa itaas ang artwork na naabutan ko na gawa ni Don Bryan Bunag. Nakakaengganyo rin ang premyo, 45,000php + 3 kopya ng akda mo na ililimbag nila. Nakaeengganyo rin ang layunin, ipamimigay nila ang mga aklat sa mga bata mula sa mahihirap na pamilya na beneficiaries ng kanilang organization.
Dahil sa contest na ito, napagtanto kong mas mahirap pala gumawa ng children's story haha at sobrang dami ko pang kailangan matutunan sa pagsusulat. Isang masayang karanasan. Talagang naglakbay ang aking imahinasyon. Sa huli, nakatutuwa pa ring isipin na isa ako sa 300+ na sumubok.
Tuloy lang sa pagsulat.
1 note · View note
harayaatguniguni · 5 years ago
Text
Tumblr media
Koleksyon ito ng sampung tula na ginawa ko sa loob ng limang araw upang maging lahok sa patimpalak na "Talaang Ginto: Makata ng taon 2020" na inorganisa ng KWF.
Alam ko namang imposible na makakuha ako ng parangal pero hindi ko pinalagpas ang pagkakataon upang masubukan. Isang masaya at makabuluhang karanasan pa rin naman lalo't hindi ako sanay at mahilig sa tulang may sukat at tugma.
Patuloy pa rin akong magsusulat at maglalakbay sa mundo ng literatura. Para sa sining. Para sa pangarap.
0 notes
harayaatguniguni · 5 years ago
Text
Tula blg. 1
Ginintuang Panahon
Mainit, masikip, masangsang, marusing,
Gulo at ingay ay ‘di na bago sa ‘kin.
Pang-araw-araw na pagkain sa mesa,
Pamatid gutom kahit walang sustansya.
‘Yan ang imaheng nakasanayan ko na,
Sa ilang dekada kong pananatili.
Naging kanlungan ko ang rehas at selda,
Kasama ng makasalanan at api.
Mabagal ang kaso, mabilis ang oras.
Ilang taon na nga ba ang nakalipas?
Nanlalabo na ang aking mga mata,
Hirap nang makaaninag ng hustisya.
Mga buto ko’y tuluyan nang nanghina,
Hirap na tumindig— hirap makibaka,
Para sa karapatan kong kumawala,
Sa buhay na pinagkaitan ng laya.
Utal-utal, mabagal kung magsalita,
Ngunit patuloy pa ring nagsusumamo.
Lumuluha’t ‘di mahanap ang salita,
Na sasapat upang kahabagan niyo ‘ko.
Nauubos na ang aking ngipi’t buhok,
Kasabay ng nauubos na panahon.
Tunay ngang ang nasa baba ng tatsulok,
Ang laging biktima ng pagkakataon.
Marami na ang namamatay sa amin,
Alam kong ‘di malabong susunod na ‘ko.
Kalayaa’y patuloy kong hihilingin,
Tangan-tangan ang aking munting rosaryo.
Ginintuang panaho’y kinakalawang,
Ito na ba ang tadhanang nakalaan?
Papanaw nang ‘di nakamit ang hustisya,
Tanging kamatayan ang magpapalaya.
2 notes · View notes
harayaatguniguni · 5 years ago
Text
Tula blg. 2
BABALA: Pagsasaka, Nakamamatay!
Nauuna pa sa tilaok ng manok,
Higit pa ang pagkayod kaysa kalabaw.
Mga braso’t binti ay talagang subok,
Ni ‘di iniinda ang init ng araw.
Puno ng kalyo ang paang nakayapak,
Maugat at puro kulubot ang kamay.
Walang pinipiling edad ang pagsabak,
‘Pag kaya na at kaya pa’y mag-uuhay.
'Yan ang buhay sa bukid — sa pagsasaka,
Matitibay lamang ang nakatatagal.
Kalaban mo rito ang pagod at klima,
Kalaban mo rin ang bulok na sistema.
Mga pautang na ‘di makatarungan,
Binhi’t patubig,‘di mapakinabangan.
Dagdag pa ang ganid na kapitalista,
Kumikitil sa buhay ng magsasaka.
Totoo, nakamamatay ang magsaka,
Nakamamatay ang pitong pisong palay.
Nakamamatay ang batas sa taripa.
Nakamamatay ang kawalang hustisya.
Bakit kung sinong bumubuhay sa bansa,
Ay siya pang naghihingalo’t nagdurusa?
Unti-unti nang lumalalim ang hukay,
Dayuha’t kabayan ang siyang maghihimlay.
2 notes · View notes
harayaatguniguni · 5 years ago
Text
Tula blg. 3
Ang Pagpuksa
Ang mga lulong sa droga’y parang anay,
Mga rebelde’y tulad ng pesteng daga.
Hindi sila karapat-dapat mabuhay,
Sa lipuna’y surot silang mapanira.
Samu’t saring krimen, sila ang salarin,
‘Di pagkakasala ang sila’y patayin.
Sila ay mga salot sa ‘ting lipunan,
Banta sa soberanya’t kapayapaan.
Ang gobyerno’y naglabas na ng listahan,
Kainlanma’y 'di ito magkakamali.
Walang pangalang dapat na malagpasan,
Ito’y para sa inyong ikabubuti.
Simple lang ang hatol sa makasalanan,
Babarilin ang kahit sinong manlaban.
“Nanlaban” ang tawag sa mga tumakbo.
“Nanlaban” din ang tawag sa nagsumamo.
Nanlaban ang isang daang magsasaka,
Pati libong humandusay sa kalsada.
Silang mga nagpalaganap ng dahas,
Ay nanlaban nang walang bitbit na armas.
Hindi na kailangan pa ng husgado,
Anong saysay ng kanilang karapatan?
Ang mga dukha’y wala ring abogado.
Ano pang saysay ng batas at hukuman?
Elitistang lulong at tulak ng droga,
Mga magnanakaw na naka kurbata,
Sila na unipormadong pumapatay,
Sa daing ng iba’y tila walang malay.
Lahat sila ay walang pananagutan.
Sila’y edukado at may kayamanan.
Hindi sila ang matalik na kalaban,
Sila ay kakampi ng pamahalaan.
Maralita lamang ang dapat magdusa,
'Pagkat sanay na mana sila sa hirap.
Sila ay hamak lamang na kutong lupa,
Walang halaga ang buhay at pangarap.
2 notes · View notes
harayaatguniguni · 5 years ago
Text
Tula blg. 4
Dugo’t Pawis
Dose oras kung kami ay magtrabaho,
kapalit ang kakarampot na suweldo.
Napakatagal na namin sa serbisyo,
Ngunit walang maayos na benepisyo.
Nililipat lamang sa ibang gawain,
Subalit nananatiling kontraktuwal.
Tila sa peligro’y mga nakapain,
Tanging proteksyon lang ay matinding dasal.
Sa labinlimang minutong pagpalakpak,
Nagsimula ang aming pagpaparamdam.
Kasabay ng pawis na tumatagaktak,
Sumigla ang puso’t tiyang kumakalam.
Walang pagbabago kung walang kikibo,
Magpapatuloy lamang ang kalakaran.
‘Di sila matitinag kung puro tango,
Tayo'y humindi kung kinakailangan.
Kami’y maliliit lamang sa lipunan,
Tanging pagsasama-sama ang panlaban.
Ito lamang ang alam naming paraan,
Nang makatakas sa kalapastanganan.
Umaga nang simulan namin ang welga,
Bitbit ang tapang para sa ‘ming pamilya.
Kami’y nagtungo sa impyernong pabrika,
Nangibabaw ang tinig pakikibaka.
Hiling namin ay maayos na pagtrato,
Tugon niyo ay barikada at pamalo.
Unipormado laban sa ‘ming sibilyan,
Hindi ba’t kami ang dapat protektahan?
Pinagdadampot lahat parang kriminal,
Siguro nga’y krimen na ang manindigan.
Krimen ang manawa sa katawang pagal,
Krimen ang kumawala sa kaapihan.
Sila! Sila ang ating mga kalaban!
Anong klaseng mata ang mayroon kayo?
Batas ay kanilang nilalapastangan,
Kailan niyo ba ito mapagtatanto?
Malabo ang magandang kinabukasan,
Subalit hindi pa rin panghihinaan.
Kung karahasan ang natatanging daan,
Kami ay lalaban hanggang kamatayan.
0 notes
harayaatguniguni · 5 years ago
Text
Tula blg. 5
Ang Paglalayag
Saan tayo dadalhin ng ating sagwan?
Bakit patuloy lamang na lumalayo,
Ang ating bangka sa ‘ting dalampasigan,
Papunta sa kanlungan ng mga dayo?
Anong nangyari’t nag-iiba ang landas?
Ano’t nauuto ng tusong nilalang.
Matutong kilalanin kung sino ‘ng hudas,
Sa karagata’y maraming mapanlinlang.
Hindi ba’t lipi tayo ng matatapang?
Pinagpala sa biyaya ng Maykapal,
Tumindig matapos ang pagkakagapang,
Bakit bumabalik sa pagiging hangal?
Simpleng lunday lamang tayo kung ituring,
Ngunit ‘di ba’t yari tayo sa kamagong?
Sa karagata'y tulad ng isang haring,
‘di nasisindak sa malaking daluyong.
Paano na ang kapatid nating balsa?
Binabalot sila ng takot at kaba,
Na paano nalang kung magising sila,
Na ang baybay’t dagat ay ‘di na kanila.
Ngayon pa nga lang ay nadedehado na,
Ang ilan ngunit hindi ka naniwala.
Mas mapagkakatiwalaan na nga ba,
Ang mga dayuhan kaysa sa kanila?
Maawa ka at huwag silang iwanan,
‘di ba't iisa tayo ng kagustuhan?
Ang makipagsabayan sa mga barko,
At ang malibot ang buong Pasipiko.
‘Di pa huli ang lahat upang bumalik,
Sa dalampasigan nang may pananabik.
Naroroon sila bitbit ang pag-asa,
Na maglalayag tayo nang magkasama.
0 notes
harayaatguniguni · 5 years ago
Text
Tula blg. 6
Salugpongan
Limampu’t lima ang nais ipasara,
‘Pagkat kuta raw ng mga terorista.
Itong lugar ng pagkatuto’t pag-asa,
Ng mga kapatid nating maralita.
Bakit hindi nalang bigyan ng suporta?
Handugan ng upuan, libro’t pisara,
Kalingain at ituring na hindi iba,
Protektahan ang tulad nilang mahina.
Nakasalalay sa mga paaralan,
Ang preserbasyon ng kanilang kultura.
Pamana mula sa kanuno-nunuan,
Walang anumang katumbas na halaga.
Kung gusto niyong puksain ang karahasan
Bakit ninyo sila pinagkakaitan?
Edukasyon ang kanilang kailangan —
Ang turuang mangarap para sa bayan.
Ayaw niyong matutong bumasa’t bumilang?
Upang manatili silang mga mangmang
At upang inyong mapagsamantalahan,
Ang pagkainosente at kahinaan?
Magagaling! Tunay kayong matalino!
Puro kayo utak ngunit walang puso.
Naturingan kayong mga edukado,
‘Di niyo alam ang salitang “makatao”?
Sino na lang ang kanilang tatakbuhan?
Kung ang kababayang dapat na magligtas,
Ay siya pa nilang matalik na kalaban —
Handog na regalo ay bala at dahas.
Balang araw, tunay na silang lalaban,
Sandata ang kanilang pinag-aralan.
Ito marahil ang kinatatakutan,
Ng estupidong nagdudunong-dunungan.
0 notes
harayaatguniguni · 5 years ago
Text
Tula blg. 7
Perya
Halina’t kayo ay aking ilalakbay,
Sa lugar na puro saya’t walang lumbay.
Puno ng mahika at mga hiwaga,
Mga manhid lamang ang ‘di mamamangha.
Mayroon ditong maliit na teatro,
Bida rito ang balimbing at hunyango.
Marami sa kanila ang talentado,
Sila’y magaling magpanggap at magtago.
Heto’t nandito ang engranteng orkestra,
Mga awitin nila’y ubod ng ganda,
Sinumang sumabay sa kanilang tinig,
Mahihibang at ‘di na makaririnig.
Nakita mo rin ba ang salamangkero?
Teka, ‘wag ka masyadong magpapaloko.
Ugaliin ang magmatyag at magsuri,
‘wag padadala sa mga guni-guni.
Pumunta tayo sa mundo ng payaso,
Napakahilig nila sa mga kulay.
Naaakit raw nila ang mga tao,
Sa karikitan at tingkad nilang taglay.
Nagtatalo rito ang dilaw at pula,
Kung tutuusi’y wala naman talaga,
Sa kanilang dalawa ang natatangi,
Kundi nasa marilag na kayumanggi.
Oh! Heto na ang madalas katakutan,
Sapagkat siya raw ay may kamay na bakal.
Kamao niya’y kayang bumali ng batas,
Ang pumuna’y siguradong walang takas.
Sa kaniya ko napagtantong ‘di lagi,
Mayama’t mahirap ang magkatunggali,
Minsan, ang inaasahang magkakampi,
Ay sila pang nagpuputulan ng pisi.
Pinapain niya ang dapat na katuwang,
Uusigin at pararatangang buwang.
Sa bunganga ng leo’y isusungalngal,
Kapag umaray ay tatawaging hangal.
Ngayon na nalibot na natin ang perya,
Dumilat ka’t itigil ang panaginip.
Hindi ito ang huli niyong pagkikita,
Sila’y totoo’t ‘di basta likhang isip.
0 notes
harayaatguniguni · 5 years ago
Text
Tula blg. 8
Dear Sir/Ma’am
Para sa lahat ng maestro’t maestra,
Handog ko’y liham ng pagmamakaawa.
Kayong nagtataguyod ng edukasyon,
Pinili niyo ay landas ng isang misyon.
Hiling ko’y ‘wag kayong padala sa agos,
Ng pulpol na kalakarang tumatapos,
Sa katangi-tanging potensyal ng musmos —
Silang magsasalba sa pagkabusabos.
Ang hindi magturo nang buo niyong husay,
Ay isang uri ng kawalang hustisya,
Sa lahat ng batang may talinong taglay,
Silang may ambisyo’t pangarap sa t’wina.
Pumapasok silang may inaasahan,
Na sa paglabas ay may bitbit na dunong.
Ipagkait ito’y isang kataksilan,
Sinasadlak sila sa pagiging gunggong.
Pakitigil ang pagtapal sa problema,
Ng mga solusyon na pansamantala.
Huwag pasilaw sa pera’t insentibo,
Pagpapayaman lamang ba ang nais niyo?
Hindi naman talaga naisasalba,
ng konsepto ng “mass promotion” ang bata.
Lalo lang sila nitong inilalagay,
Sa gitna ng isang malalim na hukay.
Pag-aaral ay hindi lamang usapin,
Ng pag-apak sa entablado’t diploma.
Ito’y katuparan ng isang hangarin,
Na sugpuin ang kamangmangan sa bansa.
Sa inyong mga kamay nakasalalay,
Ang napakaraming pangarap at buhay.
Oo’t mahirap sapagkat ang estado,
Siyang dapat katuwang ay asal damuho.
Alalahanin niyo na lamang ang araw,
Na una niyong pinangarap na magturo.
Inyo ring subukan na magbaliktanaw,
Sa panahong sumumpa ka sa pangako.
Piliin mong huwag maging instrumento,
Ng paglala ng kawalang katarungan.
Nawa’y piliin mong sagupain ito,
At maging manananggol ng kabataan.
Nagmamahal,
Isang nangangarap na maging tulad niyo.
0 notes
harayaatguniguni · 5 years ago
Text
Tula blg. 9
Hindi na Tayo Bata
Parte na ng siklo ng buhay ng tao,
Ang pagtanda ng pisikal na katawan.
Ngunit iilan lamang sa mga tao,
Ang lumaki nang may pinagkatandaan.
Ang iba’y bumundat na at kumulubot,
Nagkapamilya at naging propesyonal,
Ngunit utak ay nananatiling bansot,
At tila’y ‘di alam ang dapat iasal.
Wari’y bata na nananatiling mangmang.
Batang naglalaro pa rin sa lansangan.
Ngunit, ano ang nangyari at paano,
Niya nagawang paglaruan ang gobyerno?
Ay! hindi na pala nakapagtataka,
‘Pagkat mamamayan ay wala ring muwang,
Bigyan mo lang na kakarampot na barya,
Mapapasunod mo na nang parang buwang.
Pamahalaa’y mahilig sa piyesta,
Hindi nauubusan ng paligsahan.
Kanilang katunggali ay isa’t isa,
Ni hindi matapos-tapos ang bangayan.
Paborito nila ang paghahabulan,
Pati ang magturuan at magparatang.
Hilig din ang taguan at langit-lupa,
Nais nila na laging tinitingala.
Para sa trono’y nakikipagpatayan,
Magagaling magtago ng kasalanan.
Ginawa nilang biro ang konstitusyon,
Ang batas ay ginawang isang ilusyon.
Hawak na nila ang simula’t hangganan,
Ng buhay maging karapatan ng tao.
‘di nila sineseryoso ang hukuman,
Ang hustisya ay kanilang ginagago.
‘Di ko alam kung kailan magwawakas,
Ang paglalaro ng ubusan ng lahi.
Bakit kailangang gumamit ng dahas,
Gayong iisa lamang tayo ng lipi?
Tapos na ang araw ng pagiging paslit,
Kailan matatauha’t magtatanda?
Gamitin ang utak nang hindi manliit.
Maging matalino para sa ‘ting bansa.
0 notes
harayaatguniguni · 5 years ago
Text
Tula blg. 10
Kabalintunaan
Bansang tinaguriang relihiyoso,
Pugad ng magnanakaw at manloloko.
Kap’wa dukha’y pinagsasamantalahan,
Iilang barya’y pinagdidiskitahan.
Tayo ang pumapatay sa isa’t isa.
Manlulupig ay hindi na kailangan,
Kalahi mismo ang mahilig kumubra.
Ng lupa maging mga ari-arian.
Mga batas natin ay masugid lamang,
‘Pag ang salari’y hamak na mamamayan.
Ngunit nawawalan ng bangis at tapang,
‘Pag ang nagkasala’y makapangyarihan.
Nasa dugo ba ng mga Pilipino,
Ang pagiging traidor sa kababayan?
Ilan pa’ng matutulad kay Bonifacio?
Si Luna ba ay nais niyo ring dagdagan?
Sinasamba niyo ang mga politiko,
Isinasantabi ang nasyonalismo.
‘Di tayo mapauunlad ng pasismo,
Pati kaisipang rehiyonalismo.
Itigil na natin, usapin ng kulay,
Hindi ito tungkol sa dilaw at pula.
Itigil na mga argumentong sablay,
Tayo ay kayumanggi’t wala ng iba.
Imposible na ba ang pagkakaisa,
Gayong mismong pulo nati'y watak-watak?
Bakit ba hindi tayo magsama-sama,
Itayo’t buuin ang mga nawasak?
1 note · View note
harayaatguniguni · 5 years ago
Text
Para sa mga Pabalik Na
"Ang hirap sa kabataan ngayon, walang ibang inatupag kundi gadgets. Babad sa social media at online games. Napakapusok din pagdating sa pag-ibig! Nariyan pa ang mga ke babata pa e utak kriminal na. Hindi rin nila sineseryoso ang edukasyon.Tunay na kahiya-hiya para sa bayaning si Rizal na naniwalang ang kabataan ang pag-asa ng bayan."
Ayon sa isang artikulo ng Abs-Cbn noong Hulyo 2019, nasa 500 kabataang babae ang nanganganak sa Pilipinas kada araw. Para sa isang relihiyosong bansa, nakababahala na tatlumpung bahagdan sa kabataan ang nakaranas na ng premarital sex at karamihan dito ay walang gamit na proteksyon. Masasabing isang salik sa suliraning ito ang paggiging hindi katanggap-tanggap ng usapin ng seks o pakikipagtalik sa ating konserbatibong kultura na kalauna'y nagiging dahilan ng kawalan ng konkretong kaalaman ng kabataan sa ganitong usapin.
Naisulat naman ng The Manila Times noong Enero 2019 ang mga krimeng kadalasang kinasasangkutan ng mga menor de edad. Nangunguna dito ang physical injury, sinundan ng pagnanakaw, malicious mischief, mga aktibidad na may kinalaman sa droga, at panggagahasa. Tinatayang umabot ng 11,228 ang bilang ng mga batang gumawa ng krimen noong 2018 na karamihan ay nasa 12-14 taong gulang. Malaki ang papel na ginagampanan ng kapaligiran at ng mga taong nakakasalamuha ng isang bata hanggang sa kaniyang paglaki. Ang maagang pagkamulat niya sa masasamang gawi ay malaking dahilan upang maaga niyang yakapin ang ganitong buhay.
Pagdating naman sa usapin ng edukasyon, sa resultang inilabas ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018, lumabas na sa 79 na bansang lumahok, Pilipinas ang may pinakamababang puntos sa Reading Comprehension at ikalawa sa may pinakamababang puntos pagdating naman sa Mathematics at Science. Nitong Abril 2020 lamang din ay napabalita na kahit nasa Senior High na ay hirap pa ring makagawa ng disenteng pangungusap sa Ingles ang mga estudyante. Masasabing sa kabila ng mga pagbabago sa kurikulum ay hindi pa rin nasusulusyunan ang mga pangunahing problemang pang-edukasyon. Sa katunayan, nadaragdagan pa ang mga ito.
"Nasaan na ang kabataan na pag-asa ng bayan?","Iyan na ba 'yong sinasabing pag-asa ng bayan?", "Anong pag-asa pa ang bitbit ng kabataan?" 'Yan ang paulit-ulit niyong itinatanong. Totoo, nasasadlak ngayon ang napakaraming kabataan sa mga karumal-dumal na sitwasyon at hindi maipagkakailang nagiging sakit sa ulo ng lipunan ngunit nariyan pa ang iba na nangangarap at nag-aasam ng progresibong pagbabago para sa bayan.
Si Greta Thunberg, isang labing-anim na taong gulang na aktibista ay nagsimulang makibaka noong 2018 para sa layuning masolusyunan ang lumalalang sulinarin sa climate change. Ang munting tinig niya ang naging mitsa upang magkaroon ng lakas ng loob ang iba pang kabataan hindi lamang sa US kundi sa iba pang parte ng mundo na makibahagi sa lipunang kanilang ginagalawan.
Si Alaminos City Mayor Bryan Celeste, dalawampu't tatlong taong gulang, ang kasalukuyang pinakabatang mayor sa Pilipinas. Ngayong humaharap ang bansa sa krisis na dulot ng COVID-19, ang kaniyang lokal na gobyerno ay bumili ng mga ani ng mga lokal nilang magsasaka upang maipamahagi sa kaniyang nasasakupan. Masasabing sa kabila ng kaniyang edad at kahit hindi maituturing na batikan sa larangan ng politika, ay maayos niyang nagagampanan ang kaniyang tungkulin.
Sa kasalukuyan, napakaraming kabataan ang kumikilos upang makamtan ang isang maayos at makatarungang lipunan. Ang nakapagtataka lang ay kung bakit hindi niyo ito makita. Ayaw niyo itong makita. Ni ayaw niyong pakinggan ang kanilang tinig. Ayaw intindihin at bigyang importansya ang kanilang panig. Ang mas masaklap pa ay hinahanay niyo sila sa mga terorista at itinuturing na kalaban.
Sa mga pagkakataong nakikibahagi ang kabataan sa diskusyon patungkol sa mga usaping panlipunan, politika, relihiyon, seks at kasarian, nagsisipagtaasan ang inyong mga kilay 'pagkat para sa inyo ay usapin lamang ito para sa matatanda. Sabi niyo pa'y masyado silang nagmamagaling; kung makapagsalita'y parang alam nila ang lahat. Bagay na para sa inyo'y isang pambabastos sa dunong at karanasan ng mga taong papunta pa lamang sa mga taong pabalik na. Ang bawat pagbibigay nila ng opinyon at paninindigan ay itinuturing niyong kawalan ng respeto ngunit hindi ba't mas kawalan ng respeto ang pagturing sa kanila na wala silang alam dahil lamang sa edad? Sapat nga bang batayan ang edad sa kapasidad ng taong umunawa? Nasusulat ba na pagdating sa edad na singkwenta ay nalalaman mo na ang lahat?
Tungkulin ng nakatatanda na maging modelo at magturo ng daang maaaring tahakin ng susunod na henerasyon. Kung darating man ang panahon na gumawa ng panibagong daan ang mga sumunod, huwag sana itong ituring na kalapastanganan. Hindi ba malaking gantimpala na malamang nakagawa sila ng panibagong landas sa tulong ng mga naibahagi niyong kaalaman?
Ang kabataan ay pag-asa pa rin ng bayan kung bibigyan ng pagkakataon; Kung susubukan niyong pakinggan. Sila ang pag-asang hindi huwad. Hindi duwag. Hindi bingi. Hindi bulag. Hindi sunod-sunuran. Hindi mang-mang. Bigyan niyo lamang sila ng gabay, opurtunidad, at tiwala. Sisibol sila't mamumukadkad.
#Fil210
#ProyektongSanaysay
0 notes