Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
REPLEKSYON
Masasabi ko na dahil sa makabagong panahon, at patuloy na pag-usbong ng mga teknolohiya ay hindi na natin nabibigyan kahalagahan ang pagaaral sa panitikin. Marahil, halos sa tingin ng iba ay nakakawalang gana pagaralan ang ating panitikan. Ngunit sa nagdaang semester, napagtanto ko na konti palang ang aking nalalaman sa panitikan, na may mas malalim pa ito na kahulugan na mahalagang mapagaralan at unawain nang mabuti. Sa pag-aaral ng Panitikan ay nagkaroon ako ng panibagong pananaw sa mga konsepto’t pangyayari na mayroon ang ating mundo. Nagawang posible ang pagpapaunlad ng aming karunungan at namumulat sa reyalidad ng buhay sa tulong ng mga literatura na linikha ng mga mahuhusay at tinatangkilik na manunulat, hindi lamang sa ibang bansa, maging sa ating bansang Pilipinas din.
Sa asignatura na ito ay mas lalo lumawak ang kaalaman ko tungkol sa panitikan sa tulong na rin ng butihin naming propesor na si Ginoong Merdeka Morales, na siyang nagbahagi sa amin ng mga karunungan upang mas lalo namin maunawaan ang panitikan. Mas lalo pa naging bukas ang aking isipan sa iba't ibang ideya at mas lumawak pa ang aking pangunawa sa mga iba't-ibang sitwasyon, problema , karanasan o ang mga nangyayari sa reyalidad ng buhay. Natutunan ko rin na hindi basta-basta ang paggawa ng panitikan, dahil isa itong gawain na nangangailangan ng tiyaga, puso, matalas na isipian at dedikasyon. Marahil sa tingin ng iba ay madali lang lumikha , marami ang proseso ang pagdadaanan bago makagawa ng isang panitikan. Kapag dumaan ka sa iba't ibang proseso, maaring makabuo ng isang layunin na ipapakita sa isang akda sa tulong ng iba’t ibang kaparaanan ng pagsusulat upang mas mapaganda ito’t mas lalong tangkilikin ng mga mambabasa. Iilan sa mga nagustuhan ko na akda ay ang Dangal , kasal at kubeta. Karamihan ay tumatalakay ito sa kasalukuyang isyu ng lipunan.
Ngayong makabagong panahon, Mababatid na sumasabay ang panitikan sa modernisasiyon ng mundo sa pabago-bagong aspekto ng teknolohiya at internet. Ang modernisasiyon na ito ang nagluwal sa mga makabagong anyo at pamamaraan ng pagtula, pagkukuwento at iba pang anyo ng panitikan.Dahil sa internet, mas naging malapit o accessible ang mga akda, tula at sulatin ng mga manunulat sa maraming mambabasa. Katulad na lamang ng mga kuwento sa Wattpad na kalaunan inilimbag bilang mga aklat. Sa mga milenyal ngayon, higit sa kilalang mga Filipinong manunulat, tunay ba talaga nilang binabasa at ninanamnam ang hiwaga ng kanilang mga akda? Hindi masama ang pagbabasa ng mga banyagang akda ngunit mas mabuting malaman at mabasa rin ang mga akdang isinulat ng mga Filipino pagkat ang mga akdang ito ang sumasalamin sa ating kultura at pagka-Filipino.
Marami akong natutunan sa asignaturang ito. Gagamitin ko ang aking mga natutunan para mapanatili ang kahalagan ng panitikan.
0 notes
Text
SANAYSAY
Marahil ay tunay nga na malubha na ang sakit na mayroon tayo sa lipunan. Ang mga problemang nakaugat sa kultura, tradisyon, sistema at pag-iisip ng mga mamamayang nakapaloob dito. Katulad ng ibang karamdaman, patuloy na lumalala at tuloy-tuloy ang pagkalat ng sakit kung hindi ito aagapan at bibigyan ng lunas. Ang karamdamang ito ay mayroon ding mga gamot at solusyon na kinakailangan sa paglunas ng mga usaping panglipunan.
Ang Forced by Habit na akda ni Eman Nolasco ay isang magandang likha na may nakakapanabik at pukaw atensyon na balangkas. Mula sa introduksyon hanggang sa pagbuo ng relasyon niya sa bawat tauhan na nabanggit. Maganda din ang naging atake ng kwento dahil mas napabuti ang daloy ng istorya dahil ang mismong karakter ang nagsasanaysay ng mga pangyayari. Ngayong may pandemya, sa panahon na sinusubok ang bawat isa, sa pagtanto ng tunay nilang kabuluhan lalo na kung sila ay nakapaloob sa isang relasyon, halo-halong emosyon ang maipaparamdam ng kwento. Patungkol naman sa naging relasyon ni Fred at Ced, sa panahon na mulat na ang karamihan at patuloy na ipinaglalaban ang karapatan para sa LGBTQI+. Sa akdang ‘Ang Kamalayang Feminismo sa Panitikang Filipino’, napagtanto ko na sa lipunan natin ngayon, hindi pa rin nawawala ang diskriminasyon sa pagitan ng lalaki’t babae. Hindi lamang ito nakikita sa pagitan ng mga babae at lalaki, ngunit pati na rin sa mga naiwan sa gitna. Ang mga nasa gitna na ay madalas na naiinsulto dahil sa kanilang pamamaraan ng pamumuhay at pagkilos. Ngunit hindi lamang sa kasarian nalalaman ang katangian ng isang tao. Ang pagkakapantay-pantay ng kasarian ay nangangahulugan na ang mga kalalakihan at kababaihan ay may pantay-pantay na karapatan at responsibilidad sa lipunang kinabibilangan. Ang pagkakapantay-pantay ng kasarian ay tungkol din sa pakikibahagi ng tungkulin para sa ikauunlad ng lahat. Dati pa lamang ay naniniwala na ako, yung ibang kayang gawin ng mga kalalakihan ay kaya rin magawa ng mga kababaihan. Marami na ring mga kababaihan ang nakilala sa ating bansa tulad na lamang sa isport , si Hidilyn Diaz.
Ang kasarian ng tao ay hindi nagpapasya ng katangian ng tao, ngunit ang puso’t isipan ng bawat isa sa kanila. Hindi dapat basta basta husgahan lamang ayon sa kanilang kasarian ngunit sila’y respetuhin at tratuhin ng tama, parang isang normal na tao lamang, pagkatapos ng lahat, sila’y tao rin naman na ginawa sa mata ng Diyos.
0 notes
Text
Creative Fiction at Non- Fiction
Ang mga akdang aking nabasa mula sa creative works (fiction at non-fiction) ay tumatalakay sa iba’t ibang isyu ng lipunan. Itoý sumasalamin sa kung ano ang tunay na kalagayan ng ating lipunan, ayon sa tunay nating karanasan. Halos lahat ng akda ay nagpapakita ng mga suliranin, na kasalukuyan ay nangyayari sa atin ngayon.
Ipinakita sa akdang ‘Dangal’ kung gaano kalaki ang impluwensiya ng pera sa tao. Kung titingnang maiigi ay maiuugnay pa rin ito sa kasalukuyang panahon na nananatiling pera pa rin ang nagpapatakbo sa mga tao. Tila ba na ang salapi ay ang nagpapaikot sa mundo. Halimbawa , karamihan sa ibang tao , bibigyan ka lang ng halaga base sa kung anong meron ka at kung gaano karaming pera mayroon ka. Bukod sa pagpapakita ng kapangyarihan ng salapi ay ipinakita rin sa akda ang iba’t ibang katayuan sa buhay ng tao. Sumasalamin ang akda sa realidad ng buhay na kapag mahirap ka ay tila baga’y isa kang pipi sa lipunan. Wala sino man ang makakarinig ng iyong mg saloobin at wala kang karapatan ipahayag ang sarili. Halimbawa na lamang ang pagbanggit sa konsepto ng kontraktuwalisasyon na walang magawa ang mga empleyado kundi ang sumunod. Sa katunayan, ang mga nasa taas ang nagtatamasa ng iba’t ibang prebelehiyo dahil sa pagkakaroon ng mataas na antas sa lipunan. Sa aking pagbabasa ng maikling kwento ni Eli Rueda Guieb III na pinamagatang “Kasal”, binigyan ako ng panibagong konsepto tungkol sa ideya ng pagsasama, pagmamahal at paghihiwalay. Sa pangkalahatan, namangha ako sa mismong babasahin sapagkat ang konsepto nito ay kakaiba. Ang maikling kwento ng “Kasal” ay isang makabagong putahe sa mga kategorya ng kwento. Oo at tungkol parin ito sa relasyon (pagmamahal at paghihiwalay), pero ang pag-atake ng mga konsepto ay kakaiba. Napakaganda rin ng ginamit na salita sapagkat bagamat may iilang malalalim na salita ay kaya parin naman itong intindihin ng mga mambabasa.
Sa akda ni Nancy Kimuell-Gabriel na pinamagatang Kubeta, ay malinaw na naipakita ang problematikong isyu ng kahirapan sa pamamagitan ng paglalarawan niya ng isang kahindik-hindik na anyo ng kubeta. Ang kahirapan ay isang malawak na suliranin ng bansa. Isa itong problema na bagama’t matagal ng umusbong ay magpahanggang sa ngayon ay hindi parin masulosyunan ng ating pamahalaan. Ang nakababahala pa rito ay sa halip na mabawasan ang mga mahihirap sa bansa ay tila padami-dami ito ng padami. At at isa itong problematikong reyalidad. Ang kawalan ng maayos na palikuran ay isa sa pinakamalalang problema ng mga mahihirap. Pati pagpapagawa nga ng tirahan at paghahanap ng makakain ay hirap sila, paano pa kaya ang palikuran? Kung kaya’t dahil dito ay nagtyatyaga na lamang sila sa mga palikurang bayan. Ipinapakita rin sa akda kung gaano ka-liit ang pagtingin ng mundo sa mga mahihirap. Kung gaano kadali na lamang iugnay ang isang maruming kubeta sa mga mahihirap, at ito ang nakakalungkot kasi may katotohanan at may basehan. Napagtanto ko dahil sa akdang ito kung gaano kalaki ang pangangailangan na mabigyang atensyon ang problema ng kahirapan at ang mga mahihirap mismo.
0 notes
Text
Ang panitikan ay ang malinaw na pagsusulat ng may anyo pananaw ang diwang sanhi na matagal na pagkawili at gana sa makatuwid may hugis punto de bista at makakapagpahaba ng interes ng bumabasa ng isang sulatin pampanitikan. Ito rin ay nag sasalaysay ng buhay,pamumuhay,lipunan,pamahalaan,pananampalataya at ang mga karanasang kaugnay ng ibat-ibang uri ng damdaming tulad ng pag-ibig,kaligayahan,kalungkutan,pag-asa,pag-kapoot paghihiganti,pagkasuklam,sindak at pangamba. Sa pagbubuod, ang panitikan ay pagpapahayag ng mga damdamin ng tao hinggil sa mga bagay-bagay sa daigdig, sa pamumuhay, sa lipunan at pamahalaan, at sa kaugnayan ng kaluluwa sa Bathalang lumikha. Ito ay ang mga akda na katangi-tangi sa masi-ning at malikhaing pagtatanghal ng mga idea at damdaming unibersal at pangmahabàng panahon, gaya ng tula, katha, dula, at sanaysay. Ang Panitikan ay ang kabu-uang lawas ng mga naisulat sa tiyak na wika, panahon, at iba pa
Mahalaga ang pag-aral ng panitikan dahil ito ang naglalarawan sa mga karanasan, kultura, at tradisyon ng mga sinaunang Pilipino. Dahil dito, maaari natin mapagaralan at matutunan ang mga pangyayari sa ating kasaysayan at magamit ang mga aral sa kasalukuyang buhay natin. Bukod rito, kung pag-aaralan natin ang mga panitikan, mas magiging pamilyar tayo sa kanilang mga ambag sa ating bansa lalo na sa pag-unlad ng ating panitikan. Dahil sa panitikan, ang mga tao ay nabibigyan ng tulay sa nakaraan na maaari ring isalamin sa kasalukuyang panahon. Kaya, mas maiintindihan natin ang ating kultura at tradisyon at mas mabibigyan ito nang halaga. Tayo ay nagiging bukas sa iba’t ibang uri ng kaisipan, kultura,tradisyon at mga paniniwala.Kung ating titignan ang kasaysayan, isa sa mga instrumento ng rebulosyon ang panitikan. Makikita ito sa panahon ng ating mga bayani noong sinakop tayo ng mga Kastila. Dahil sa mga sulat ni Rizal at iba pang mga bayani, nabigyang inspirasyon ang mga pilipino na lumaban para sa kanilang mga karapatan at kalayaan.Higit sa lahat, ang panitikan ay mahalaga sa ating buhay dahil ito ay sumasalamin sa ating mga emosyon na kadalasan hindi nating maaaring ipalabas. Kaya naman, bilang miyembro ng lipunan, sa pamamagitan ng panitikan, tayo ay napapagbuklod-buklod nito. Tunay ngang ang panitikan ay may mahalang gampanin sa ating buhay sapagkat pinapakita nito sa atin ang mga sagot sa mga katanungan natin sa ating buhay, sa pamamagitan nito ay nasusolusyonan natin ang mga problemang ating kinakaharap at higit sa lahat ay may kapangyarihan itong baguhin ang mundo na ating ginagalawan. Ngunit sa huli ay nasa atin pa rin nakasalalay kung paano natin gagawin ang kinabukasan na tayo rin naman ang makikinabang.
Sa panahon ngayon , bihira na lang ang mga tao na may interes sa pagbabasa, pagsulat kagaya ng paggawa ng mga tula at iba pa.Ngayong alam na natin ang kahalagahan ng pag-aaral ng panitikan ngunit paano nga ba pinag-aaralan ito ? Kung iisipin ay hindi baga’t babasahin lamang at iintindihan lamang ang mga ito ay masasabing inaral mo na ito? Ngunit hindi lamang iyon ganun kadali. Kaya naman ang mga bihasa sa literatura o panitikan ay nagbibigay ng ibat ibang mga pamamaraan katulad na lamang ng paggamit ng iba’t ibang lente upang matukoy kung ano nga talaga ang pinaparating ng isang akda. Dagdag pa ang mga malalalim na kahulagan ng ilan sa mga ito, nararapat lamang na hindi tayo basta basta kumakagat sa literal na kahulugan kundi inuungkat pa natin ang mas malalim na kahulugan ng mga ito. Isang halimbawa na lamang ay ang paggamit ng mga simbolismo na nagdadala at nagbibigay ng mas malalim na kahulugan sa isang akda. Bukod sa mga ito ay hindi din dapat natin ikinakahon ang kahulugan ng isang akda sa kung ano ang nakasanayan ng nakararami kundi hinahayaan natin ang malilikot ng isipan ng sino man upang tumingin sa ibang anggulo at lumikha ng kahulagan hangga’t suportado ito ng mga matitibay na ebidensyang nakalap ng isang tao.
1 note
·
View note