Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Pagtapak sa Mindoro, Sasalubong sa iyo ang Paraiso
Habangbuhay nang nakamarka sa aking isipan ang bighaning taglay ng Oriental Mindoro. Tila hagikgik sa aking puso ang maglakbay sa mga lugar na nakapagbibigay ginhawa at pahinga papalayo sa reyalidad, ang maghahatid sa akin patungo sa walang kapantay na ngiti at kapayapaan kasangga ng kalikasan—pansamantala ngunit tumatatak na karanasan, kasama ang aking mga mahal sa buhay. Abril 27 2018, ginising ako ng aking ate bandang alas tres ng umaga. Ako'y labis na nasabik sa paraisong naghihintay sa akin.
ASUL NA DAGAT at SARIWANG HANGIN, KAAKIBAT NG MANGHA SA PUTING BUHANGIN
Bakit nga ba dapat mong tuklasin ang sulit na alok ng isla? (Kasaysayan)
Tinaguriang “One of the Most Beautiful Bays,” bitbit na ng Oriental Mindoro ang pagkakakilanlan sa kanilang probinsya sa pagkakaroon ng lugar ng magkabilaang mga tourist spots, at matatagpuan dito ang isla at munisipalidad ng Puerto Galera. Madalas binibisita ng mga lokal at dayuhang turista ang Puerto Galera, at sapagkat isa itong sikat na destinasyon sa tuwing sasapit ang tag-init (summer/dry season) ay dumayo na rin kami dahil sa kasaganaan ng mga aktibidad sa tubig.
Ang Puerto Galera ay nagsilbing daungan ng kalakalan at ligtas na kanlungan laban sa madalas na mga bagyo sa Pilipinas bago ang kolonyal na panahon. Nang dumating ang mga Kastila at nanirahan sa baybayin, pinangalanan nila itong “Port of Galleons” sa Espanyol. Kinilala ng UNESCO ang Puerto Galera bilang “Man at Biosphere Reserve” sa taong 1973, kaya mula noon ay napanatili ang katayuan nito sa pagiging patok o pagtangkilik ng marami sa paglalakbay. Ang bayan ay mayroong humigit-kumulang 42 kilometro na baybayin na maipagmamalaking taglay ang diverse ecosystem, kaya walang duda rin na ito ay itatanghal ko bilang isa sa mga pinakasikat at pinakamahusay na mga destinasyon napuntahan ko sa mundo.
Paano nga ba ang patungo sa Puerto Galera, Oriental Mindoro? (Heograpiya)
Ang silangang hati ng Mindoro ay matatagpuan sa lalawigan ng Pilipinas sa rehiyong MIMAROPA sa Luzon. Inabot ang aking paglalakbay kasama ang aking pamilya ng humigit-kumulang tatlo hanggang apat na oras na byahe sa lupa at dagat mula sa Maynila. Sinundan namin ang karaniwang jump-off point sa Port of Batangas na nag-uugnay sa mga pampasaherong daungan ng bayan (Muelle at Balatero) sa mainland Luzon. Nakakuha kami ng tiket at terminal fee para sa kabuuang 500php isa. Ang pagsakay sa bangka ay kaaya-aya sa unang kalahati ng byahe habang naglalayag kami, ngunit buti na lang ay hindi ako kumain kaagad bago sumakay sa bangka sapagkat nakaranas kami ng matagtag at nakahihilong pagdako sa mayayabong na baybayin ng Muelle dahil kung nagkataon ay matutulad ako sa aking nakatatandang kapatid na hindi maganda ang naging pakiramdam. Iba pa rin talaga kung sanay ka na sa dagat at sa kulot na mga alon nito.
Saan maaring manatili habang nagbabakasyon (Akomodasyon)
Ang bayan mismo ay hindi na estranghero sa mga turista kaya agad kami nakahanap ng maraming abot-kayang lodging sa paligid ng bayan. Malayo sa siyudad at ingay, kami ay nagtungo sa Aninuan Beach (Ara Beach Resort) upang doon mapalagi kung saan matatagpuan sa tabi lamang ng White Beach. Pumabor ako na maparito dahil mas maamo at tahimik, talagang maaliw ka nang walang istorbo at damang-dama ko ang kaalwanan habang nilalanghap ang simoy ng hangin kung saan saglit kong nakalimutan ang aking mga problema.
Dito ko naranasan ang tunay na saya. (pagkain, mga gawain, pasalubong at kultura)
Ang magkakaibang likas na atraksyon ng Puerto Galera ay ang nagbibigay rason na maging isa ito sa nangungunang destinasyon ng turista sa Pilipinas. Ang munisipalidad ay biniyayaan ng malinis na mga cove, tila pulbos na puting buhangin ng dalampasigan, talon, mga bundok, at mayamang marine biodiversity. Nagsimula kami sa Island Hopping, kung saan natuklasan o napuntahan ko ang Haligi Beach, Bayanan Beach, Sandbar at Coral Garden. Naranasan ko rin ang mga kilalang aktibidad tulad ng pagsakay sa jetski, kayaking, at marami pa! Nagbigay talaga siya sa akin ng oras upang tunay na makapagpahinga at masiyahan sa aking oras kasama ang aking pamilya.
Maliban sa Beach Bumming at Cove and Island Hopping, pati ang pagbisita sa mga waterfalls, ayon sa mga naninirahan dito, ang isla raw ay mayroong angking mahika pagdating sa mga isda, kaya naman naging interesado at na-enganyo kaming mag-snorkeling. Sa aking edad na hindi pa masyadong gamay ang dagat at kahit na hindi ako magaling lumangoy ay sinubukan ko pa rin tumuloy sa pagsisid. Totoo nga na “out of this world” ang nasaksihan ng aking mga mata. Nagpakain din kami ng mga lamang dagat sa paraang pinutol-putol namin ang mga tinapay kaya talaga namang talagang nasilayan ko ang iba’t ibang uri ng isda.
Masarap nga ba ang pagkain sa Puero Galera, Mindoro?
Napakayaman sa lamang dagat ng Puerto Galera, kaya naman hindi ko na maitatago ang sarap at gulat sa mga panibagong lasang aking natuklasan sa kanilang mga pagkain. Dumayo pa kami sa mga bayan at sumakay sa traysikel. Maraming matatagpuan na kainan sa paligid ng isla, medyo mayroong kamahalan nga lamang ang mga restaurant dahil nag-aalok sila ng tila-five star o sosyal na hapagkainan para sa mga manlalakbay, ngunit tiyak naman na nabusog ang aming kalamnan. Pagkatapos namin maglibot ay nagpunta kami sa mga maliliit na karinderya kung saan patok ang mga inihaw na isdang maliliit. Ang ngiting aking nakamtan sa pagkain ng lugar na ito ay hindi na mapapantayan pa.
Sa iyong pagbisita, ano-ano pa ang mga maari mong gawin sa pagtuklas ng kanilang kultura?
Ang taglay na dalampasigang pambansa ay ang pupukaw sa iyong atensyon kung saan hanggang dulo ng hangganan ay hindi mo ito makakalimutan. Kung ikaw ay tulad kong ganado sa tuwing makatutuklas ng ibang kultra, dapat kang pumunta sa nayon ng Irawan Mangyan sa Talipanan–sa paanan ng Mt. Malasimbo. Bago kami talaga nakarating sa Talipanan Falls, dumaan kami sa Mangyan Village. Sa kabila ng pagod at init, ang isang maliit na sibilisadong komunidad ng mga Mangyan sa bayan ang bumungad at nagpaligalig sa aking pakiramdam. Ika nga, "It's More Fun In The Philippines!" Sinalubong ako ng mga Mangyan at kanilang sariling mga materyales na ginagamit nila para sa mga produktong habi sa bundok. Sa saglit na pagkakataong iyon ay umapoy ang aking pagiging Pinoy, dahil taas noo akong nabighani sa sariling atin.
Sa pag-uwi, bitbit ko ang mga ala-ala.
Sa malaya at magaan kong karanasan, dala-dala ko ang ilang mga gamit na ibibigay ko sa aking mga kaibigan. Simbolo at tanda ito ng aking paglalakbay.
Sa muling pagkakaroon ng aking sarili ng rason upang magpatuloy sa kabila ng kalungkutan o problema, ang munting mga paglalakbay ang nagpapaalala sa akin na napakaraming biyaya ng kalikasan—na sana huwag kong malimutan ang liwanag na taglay ng pagiging buhay.
Hanggang sa muli.
(Sanggunian:)
1 note
·
View note