Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Ang Tunay Na Anak Ng Kalayaan Ay Hindi Pumapayag Na Magpagapos Na Parang Aso Sa Sistema Ng Lipunan At Sa Mga Dayuhan
Ang Tunay Na Anak Ng Kalayaan Ay Hindi Pumapayag Na Magpagapos Na Parang Aso Sa Sistema Ng Lipunan At Sa Mga Dayuhan
Pinakamabisang paraan upang mabago ang sistema ng lipunan, ay alamin kung ano ang sistemang umiiral. Makikitang sinasalamin nito ang pagkakaakibat ng pagkakaroon ng traspormatibong edukasyon. Kung baga ito ang magiging bunga. Ang pakikibahagi at ang pakikialam sa mga isyu at usaping tinatalakay, lumalaganap at kinahaharap ng ating bansa. Ang pagkakaroon ng malawak na pag-iisip kumilatis at alamin ang mga nangyayari sa realidad ay makabubuti sa ating lipunan. Malawak na kaisipan, pagsibol ng kamalayan at paghahasa ng ating sensibilidad sa mukha ng tunay na suliraning kinakaharap ng ating soberanya sabayan pa ng pagkakaroon ng pagpapahalaga sa pagsuri ng sistemang kumakatawan upang patakbuhin ang ating bayanay talaga nga namang kaaya-aya, kay sarap isipin na dumarami na ang nagigising at unti-unti na ding nagiging hinog ang diwang makabayan ng bawat mamamayang Filipino. Subalit ang lahat ng mga ito ay mapupunta lamang sa wala kung hindi mabibigyan ng kaukulan at larapat dapat na kilos at aksyon ang mga ito. Mulat ka na sa katotohanan, sa realidad. Napagalaman at napagtanto mo na ang mga tunay na kaganapan at problemang nangangailanagan ng solusyon, doon na lamang ba tutuldok ang iyong pangingialam sa kapakanan ng saring bayan? Ano ng nararapat na gawin? Isakatuparan ang pambansang kilusan.
“No man is an island,”gamit nang kasabihan ngunit mabuting gabay sa pagpapatupad ng mga desisyon at hangaring maghahatid ng radikal na pagbabago at magdudulot ng kasaganahan sa atin. Ang kilusang panlipunan ay produkto at bunga ng mga organisasyong panlipunan na nagtuturo sa bawat isang indibidwal na unawain nang sama-sama an isyu at sakit na dinadanas ng lipunan. Mapapagyaman at mapapagtagumpayan ang kilos protestang sasalungat sa bulok na sistemang umiiral at tataliwas sa mga maling tradisyon at kultrang nakasanayan kung tayo ay magbubuklod-buklod at magkakaisa. Ito ay walang bisa kung pang-sariling kamulatan lamang ang pagaganahin, walang kwenta, walang saysay, walang kabuluhan. Kailangan nating magdamayan at magsanib pwersa upang mas malaki ang posibilidad na masugpo at wakasan ang mga mapang-abusadong nasa kapangyarihan na kumokontrol at nagdidikta sa atin ng mga paniniwalang makapag papakalawang at purol sa ating kaisipan na nagdudulot sa pagkakaroon ng kamangmangang unang-una dapat na tuldukan.
Mula sa pagpapatibay ng mga samahan at kilusang ganito, marami nang mga usaping kinahaharp ng lipunan ang nawakasan at nabigyang katarungan ang taong bayan. Maliit man na problema o maging malalaking kritikal na suliranin, ito ay nagpapatunay na malayo ang mararating at malaki ang magiging epekto nito lalong lalo na sa hinaharap na kung maliit na usaping may kinalaman na sa atin ay kayang masupil, hindi imosibleng ang mga naglalakihang isyung kinahaharap ay mabigyang solusyon din na magdudulot ng napakalaking pagbabago sa kinasanayan nang sistema. Hindi malabong mapabagsak at mabawi ang kapagyarihan ng mapang-aping gobyerno, mapang abusong naghahari na nasa taas ng antas ng lipunan at unti-unting ikulong sa mga kahon ng mga baluktot na ideya, paniniwala, tradisyon at kulturang pilit isinusubo sa atin upang tayo ay patuloy na maimpluwensiyahan, madiktahan at kontrolin upang mapaikot sa kanilang mga kamay nang sa gayon ay hindi sila matanggalan ng kapangyarihan.
Simulan natin sa pagpapalaganap ng mga tama at makabuluhang kaalaman na makakapagdebelop ng karunungan ng bawa isa na magiging daan upang sila ay tuluyan ding mamulat at magising sa mapanglinalang na sistemang umiiral sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga diskusyon upang maitulak ang lipunan sa progresibo at asulong na pagbabago. Buhat ng mga pamamaraang ito, tayo ay unti-unting magkakaroon ng pagkakataong mapabagsak ang mga nasa itaas ng ‘tatsulok’, wakasan ang kabulukan ng sistemang inihain at tuldukan na ang ilang taong pagkimkim ng poot at damdaming naghihikahos makamtan lamang ang makatarungang pamumuno at tuluyan na tayong makaalpas sa kadenang mahigpit ang pagkapit sa ating mga leeg at mapagtagumpayan nang masungkit at mauha ang sailing kasarinlan, kapayapaan, at kalayaang pilit na ipinagdadamot sa atin. Atin nang tuldukan para pagkamit ng pabansang kaunlaran!
0 notes
Text
Transpormatibong Edukasyon, Magsisilbing Solusyon; Hinuha mula sa Tekstong tinalakay ni Antonio Tujan Jr.
‘Edukasyon ang nakapagbabago ng lipunan; ang paglaya ng edukasyon ay ang paglaya na din ng ating bayan.”
Sinasabing ang edukasyon daw ang sagot sa lahat ng problema ng isang indibidwal at maging ng isang lipunan. Datapwat may sistema ng edukasyon naman ang ating bansa, salat na salat pa din sa karunungan at kamalayan ang karamihan sa mamamayan. Atrasado at mapurol pa rin ang pinaiiral na sensibilidad ukol sa pagtingin sa kapaligiran at mundo. Tila malayo pa rin nating makamit ang daan patungo sa kaunlaran. Kunwaring abot kamay subalit ang katotohanang itinatanging malayo pa tayo sa pagkahinog ay mas malinaw pa sa tubig sapa. Kailangan natin ng radikal na pagbabago hinggil sa sistema ng edukasyong mayroon tayo sa kasalukuyan. At gaya nga sa teksto mula kay Antonio Tujan Jr. dapat nating pairalin ang pagkakaroon ng ‘transformative education’ na kung saan tumatalakay sa dinamikong pagharap sa suliranin ng bayan at sa tunay na realidad na gumagana sa ating lipunan.
Ang kaalaman at karunungan ay hindi lamang nakakahon at napapaloob sa isang apat na kanto ng isang silid aralan. Malimit na tinitingnan ang edukasyon bilang pang-akademikong larangan lamang. Sapagkat dito pumapasok ang pang-sariling interes sa pagkakaroon ng kaisipan na kinakailangan galingan sa loob ng isang silid aralan upang magtagumpay at magkaroon ng magandang kinabukasan pagdating ng panahon na lubos naisasantabi ang pinakalalim na kahalagahan nito, ang makatulong, maging isa, makiisa sa paglilinang, paggawa ng mga konkretong aksyon upang matugunan ang bawat isyu, usapin at problemang umiiral sa loob ng ating bansa. Sa pagkakaroon ng transpormatibong edukasyon ito ay magreresulta ng pagiging progresibo ng isang soberanya at ang indikasyon ng kaunlaran nito. Mahalagang maging modernisado, industriyalisado at may kasaganahan ang pagpapatupad ng edukasyon sa ating bansa upang mapagtagumpayan nating maabot ang radikal na pag-unlad.
Malaking aspeto din ang pagkakaroon ng sistemang edukasyong kolonyal sa pagpigil at pag-gapos sa pag-usad ng ating bansa. Bunga ng pagpapairal nito, patuloy tayong nagpapaalipin sa mga dayuhan sa pamamagitan ng pagbibigay kahulugan sa ating edukasyon alinsunod sa pangangailangan ng mga manggagawa ng mga banyaga. Naglalahad lamang ito na tayong mga Filipino ay nag-aral, nagkamit ng edukasyon upang mapasailalim sa mga kamay ng mga banyagang negosyante at magpa-alipusta, magpagamit pabor sa kanilang mga negosyo at kompanya. Nasaan ang tunay na kahalagahan ng edukasyon doon? Nawawala ang pinakasaysay at ang pinakalayunin na magbigay ambag sa kaunlaran ng ating bansa, hindi ang magpaka-mangmang at maging sunod- sunuran sa mga pilit na naghaharing mga dayuhan sa loob mismo ng ating mga lupain.
Upang makamit ang pambansang kaunlaran, ating pagyamanin ang pagpapaunlad ng kritikal na pag-iisip ng mga estudyante,ang layunin na mag-isip nang mas malawak. Lumabas sa kahon, wakasan ang limitasyon nang sa gayon ay mas makilala ang problemang kinahaharap ng ating lipunan at ang tunay na estadong lohikal. Ang pagpapalawa ng kamalayan at kaisipan ang magiging daan upang makita at mas maunawaan ang mga nangyayaring isyu sa loob ng ating bansa, magkaroon ng pakialam at pagpapahalaga sa mga ito. Sa panahon kasi natin ngayon sa loob ng ating lipunang kinagagalawan, dominante ang mga mangmang na kung saan tanggap lamang ng tanggap sa kung anong sistemang idinidikta sa kanila panibhasa hindi nila direktang nararanasan ang kahirapan at ang isyung sa tingin nila ay wala naming kinalaman sa kanila, lingid sa kanilang kaalaman na ang lahat ng kinahaharap na suliranin sa bansa ay may direktang epekto din sa bawat isang mamamayan. Dapat nating wakasan ang pagtutok at pagbibigay halaga lamang sa tradisyunal na paraan ng pagtuturo at ng pagkakatuto. Hindi lamang basta basta pagkakabisa, pag-uulat kung hindi dapat maging interaktibo at komprehensibo. Maging ang pagpapaunawa ng ating kasaysayan upang mahasa nang lubos ang nangangalawang sensibilidad at magising ang diwa ng bawat isang indibidwal sa usaping pang lipunan.
Edukasyon ang susi sa tagumpay, daan sa pagkakaroon ng magandang kinabukasan, makakuha ng magandang trabaho na may malaking suweldo sa hinaharap; ito ang nagsisilbing pamana sa atin ng ating mga magulang ang pinakagasgas at pinakamakasariling dahilan kung bakit tayo nagsusumikap na mag-aral. Tigilan na natin ang mga ganitong prinsipyo at ang pagtatangi ng indibidwalismo na nagpapakita lamang ng pagpapahalaga at pabor para sa kanilang mga sariling interes at tagumpay sa buhay. Ating pagsumikapang bigyang diin ang makibahagi, makiisa at pagtulong sa ating mga komunidad at sa kapakanan ng bansang kinabibilangan. Tuldukan ang pagkakaroon ng manipis na kahalagahan sa kurikulum na mayroon ang ating sistema alinsunod sa pagpapayaman ng istrukturang tinutugunan ang negosyo at ang kapitalismo na nagpapahirap lalo at pilit na ibinababa ang nasa laylayan ng lipunan. Mahirap, maproseso ngunit hindi malabong mapagtagumpayan ang pagsulong sa pagkakaroon ng transpormatibong edukasyon na paiiralin sa buong bansa at magiging susi ng pagsugpo sa kamangmangan at tuluyang makamit ang ninanasang pambansang kaunlaran kung tayo ay patuloy na palalakasin ang boses ng naghuhumiyaw na taong bayang uhaw sa pasulong na pagbabago, magsusumikap at magsisigasig sa pagpapalaganap ng tamang kamalayan at pag impluwensya nito sa nakararami. Di magtatagal, ang ganitong plano at pagitain na mayroon para umunlad ang isang bayan ay ating mapapasakamay.
0 notes
Text
“Mahirap ang Maging Mahirap; Ang mga Api ng Naghaharing Uri” Repleksyon mua sa Teksto ni Rogelio L. Ordonez
“Negosyo o Bayan, Bayan o Sarili? Pumili ka!”
Dugo at pawis ang puhunan sa pagkayod ng karamihan sa ating mga kababayang salat sa yaman upang matugunan lamang ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Ilang oras na pagpapagod sa trabaho para lamang sa kakarampot na kita upang may miuwi at may maipakain sa hapag kainan sa kani-kanilang mga asawa at anak na lubos na umaasa sa kanila upang mabuhay. Patuloy at pilit na tinitiis ang pagod, pangangalay at sakit sa katawan maibigay lamang ang ninanais ng kanyang pamilya, masustentuhan lamang ang pag-aaral ng kanyang mga anak upang mabigyan ng edukasyon at hindi maipagkait ang magandng buhay na pinapangarap nyang makuha nito sa hinaharap. Nang sa gayon ay hindi na muli nito maranasan pa ang hirap na kanyang dinadanas maitawid lamang nila ang buhay sa isang araw at ipagpapatuloy na naman ang pagharap sa hamon ng buhay kinabukasan. Handang ibuwis ang buhay kahit pa nga’y sa trabaho ay walang kasiguraduhan ang kaligtasan. Lahat ng sakripisyo handang tikisin, lahat gagawin huwag lamang magutom at mawalan ng tahanan ang kanyang mag-ana. Lahat kapalit ng kakarampot na baryang kung mamalasin ay wala pang maiiuwing pagkain sa hapag. Paulit ulit na ikot ng buhay, minsa’y nasa itaas pag nagkaluwag-luwag, kadalasan ay nasa ibaba. Walang kasiguraduhan kung makakaya pa nga bang tugunan ang mga pangunahing pangagailangan ng pamilya sa mga susunod na araw, ni walang pambiling gamot, kaya lahat ng karamdaman ay pilit na binabaliwala at tahimik na lamang iniinda dahil wala kang panahon upang magreklamo kailngan mong kumayod para sa iyo at sa buhay na nakasandal sa likod mo. Simple lang naman ang inaasam ng isang ‘anak pawis’, ang pagkakaroon ng tapat at sapat na karapatan alinsunod sa ibinibigay nilang matyagang trabaho, sapat na kita. Bagamat sila ang nagsisilbing pinaka-puso ng isang negosyo at kompanya, sila ay patuloy na isinasawalang bahala dulot ng pang-aabuso ng mga naghaharing uri at pilit silang pinananatili sa ibabang antas ng ating lipunan.
Malaki ang epektong nagagawa ng panitikan sa pagmulat ng kamalayan at paggising muli ng natutulong na diwang makabayan ng isang indibidwal. Iyan ang nahinuha ko sa tekstong inilahad ni Rogelio Ordonez. Makatatak na sa ating isipan ang konotasyon at ideolohiyang hatid ng sining at panitikan, na ang aspetong ito ay para lamang sa mga may sinabi sa lipunan at may namumukod tanging talentong may kinalaman dito. Sila ang mas may karapatang sumulat, sila ang mas may karapatang pansinin at dinggin lalo na ang mga tanyag na pangalan sa larangang ito. Iyan ang nakatanim na sa atin, maging ako man ay nagpapatunay ng pag-akap sa baluktot na kaisipanna ito. Mula sa mga inilahad sa teksto, natutunan ko na hndi lamang pang sining ang pagsulat ng mga panitikan, ito ay naisasabuhay dahil may gustong iparating na mahalagang mensahe para sa sambayanan, na napaka-makapangyarihan ng mga salitang nailalahad sa madla along lalo na kung ito ay ang mga pagtutuligsa ng mga mapang apng uri ng lipunan. Bunga ng mga ito ay posibleng makagawa ng mga aksyon at ng mga rebolusyonaryong pakilos upang sila ay wakasan ang kapangyarihan. Nagpapatunay na kailangan lamang nating maging matapang at panindigan ang pagkakaroon natin ng boses upang gisingin ang natutulog na diwa ng mga api, ng mga anak pawis. Subalit, kapansin pansin din ang hindi masyadong pagbibigay halaga sa mga ganitong larangan dahil alam ng mga nakatataas na ito ang isa sa magiging dahilan ng pagbagsak ng kanilang kapangyarihan at ang pagkakatalsik sa kanilang trono upang makawala sa kaniang mapang-alipustang kamay ang mga api.
Ang pagtatanim sa ating mga isipan ng mga mapupurol, palatakas na kaisipan ang maghahantong sa atin upang tayo ay makalimot sa ating realidad na ginagalawan, upang makalimot. Patuloy itong naisasalamin sa kasalukuyan sapagkat karamihan sa atin ay nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagang labis at pilit na isinasabuhay ang paniniwalang “mabuti ang mga inaapi.” Marami sa atin ang may alam ngunit walang karunungan, benepisyal sa mga nasa kapangyarihan ang mg taong hindi edukado at mangmang pagdating sa usaping lipunan at pang-bayan dahil nasisiguro nila ang kanilang posisyon bilang mga nakatataas sa lipunan. At dahil wala silangsoidong kamalayan at atrasado ang kanilang mga pang-unawa, sila ay nakokontrol, nasusupil at napipigilan sa paghangad ng reporma at pagbabago gaya na lamang ng hinggil sa hindi makatarungang pang-aabuso at pang-aalipusta sa ating mga manggagawa.
Kinakailangan nating palakasin ang pwersa ng pagkamulat ng sambayanan upang kumilos nang taliwas sa nakasanayan nang sistema pabor sa mga naghahari. Ating pagtibayin ang ating mga boses upang maging bisikulo ito ng pambansang pag-aklas at kilos dala ng mga nag-iibayo at nagsusumiklab na pag-asang maisakatuparan ang pag-sungkit ng kasarinlan, kamalayan at kalayaan hindi lamang para sa mga kababayan nating nagtyatyaga at nagsisigasig sa pag-hahanap buhay bilang mga ordinaryong kawang gawa kung hindi pati na rin sa kinabukasan ng ating bansa.
0 notes
Text
Paghahari ng mga Kalalakihan sa Lipunan: Natutunan mula sa konstekto ni Isagani R. Cruz
Sa kasalakuyan na mas lumalawak na ang kapasidad umunawa at umintindi ng mga mamamayan sa isang lipunan, mas nabibigyan na ng malaking oportunidad upang pagtuonan ng pansin ang usaping may kinalaman sa kasarian. Kung noong mga nagdaang taon na marginal pa ang pag-iral ng kaisipan, mas tradisyunal na pagtrato ang nangingibabaw ukol sa di pagkakapantay-pantay at makatarungang pagtrato sa kasarian at mga kababaihan, ngayon ay hindi na. Nagkakaroon na ng mga malalakas na diskurso dito upang lalo pang unawain. Ito ay isang isyu na magpasa-hanggang kasalukuyan ay pinalalaki, pinatatanda at inirereporma sa pamamagitan ng pagtalakay at ng mga diskurso. Malinaw na naipapakita ang kabastusang itinatangi nating mga Filipino sa pamamagitan ng pagkakaroon ng atrasadong pag-iisip upang tingnan ang mundo at bigyang kahulugan ito sang ayon sa kasarian ng mga lalaki bilang pamantayan. Ang ganitong pananaw ay lubos na nakaaapekto sa ating lipunan na magkaroon ng primitibong pag-unawa sa pag-unlad.
Kung papansinin sa loob ng lipunang ginagalawan, normal lamang kung tanggapin ang ideolohiyang mas makapangyarihan nga naman talaga ang kalalakihan kumpara sa mga kababaihan. Oo at ipinagalaban at unti-unti na ring nakakamit ng mga babae ang kanilang mga karapat dapat na mga karapatan at kanilang estadong kinikilala na sa ngayon, subalit hindi pa rin maitatanggi ang pagakaroon ng kaisipang mas nakatataas pa rin ang mga lalaki sa iba’t ibang aspeto at larangan. Ang mababang pagtingin sa babae sa lipunan, ang pagtrato sa mga ito bilang ang mga babae ay babae “lang” na kung saan malimit na itinuturing bilang parausan, kinokontrol, tinitingnan bilang hindi tao at mababa lagi kaysa sa lalaki ay lubos na idinidikta sa atin ng kultura ng masa na kung saan itinatangi na naman nito ang pang-aabuso ng mga may kapangyarihan sa wala upang magkaroon ng impluwensya at kontrol nang sa gayon ay makapag-takda ng kultura ng naghaharing uri sa pagpapasunod at makapang-api ng di namamalayan sa pamamagitan ng pag atake sa intelektwal at moral na kaisipan upang mapasunod ang lipunan ng may konsent at kanilang impluwensya.
Napagtanto ko na kapangyarihan ang pinaka-ugat at puno’t dulo ng lahat ng ito. Bunga ng pagka-uhaw at pagkagutom na makamit ang paghahari ay naitatag at pinagtibay ang ganitong sistema na nagbigay pagkakataon upang maikulong sa kahon, isupil ang paghingi ng kalayaan ng mga kababaihan at mapasailalim sa kamay ng mga lalaki. Ang paghahari ng mga lalaki ay nagsisilbing salamin na inilalagay sa ating mga mata upang ituro kung paano dapat natin tingnan ang mundo. Manaig ang kanilang mga rason at ihubog ng mundo bilang makalalaki, maging ang mga babae ayon sa kanilang sensibilidad
Sa isang patriyarkal na sistemang umiikot at umiiral sa isang lipunang pinaghaharian at pinamumunuan ng mga kalalakihang may pagpapahalaga at iniaayon ang pananaw pabor sa kanila na kung saan nililikha ang mga babae ng may katuturan at isip bilang lalaki din, upang suriin ito ng may mababaw na kaalaman at limitadong kamalayan sa pinagmulan at pinakaumpisa ng pagkakaroon natin ng ganitong sistema ay hindi malabong matutulad lamang tayo sa karamihan na may lumang pananaw at saradong pag-unawa na patuloy lamang tumatanggap at nakikiayon sa kung ano ang idinidikta at inihahain sa kanyang harap ng kanyang lipunan.
Ang mga ganitong sistema ng paniniwala, pagpapahalaga at ideolohiya ay magbubunga pa ng diskriminasyon at di makatarungang mababang pagtingin sa panig ng dalawang kasarian. Kinakailangang mas maging mulat at bukas ang ating kaisipan at handang umunawa ang ating mga kamalayan at sensibilidad sa pagkakaroon ng bagong perspektibo hinggil sa mga ganitong sensitibong usapin upang maiwasan ang pagiging bastos na pinapairal ang kamangmangan at kakulangan sa kaalaman. Dapat bilang mga mulat at gising sa katotohanang mamamamayan ng pagbabago ay gumawa tayo ng aksyon sa anyo ng reporma o rebolusyon. Kunin ang pansin ng mga taong di lumalaban sa pang-aapi. Ating hanapin sa ating mga sarili ang tapang na labanan ang tradisyon at mga nakasanayan lalo na kung ang mga ito ay pinipilit na pairalin ngunit wala ng tamang dulot at hindi na nakatutulong sa lipunan, dito lamang natin makakamit ang hinaangad na pag-unlad.
0 notes
Text
Katotohanan sa Likod ng Mapanlinlang na Industriyang Pang-libangan: Napagtanto mula sa likha ni Nicanor G. Tiongson
Kultura , tradisyon at mga nakasanayan; sa kasalukuyan, ano nga ba ang dulot ng mga ito sa ating lipunan, sa ating mga sarili? Mga sistemang kinalikihan at kinamulatang isinusubo na sa atin mula pa pagkabata, sa mga imaheng ating tinitingala at kinikilalang namumukod tangi, sa mga bagay na inilalahad sa ating mga harapan na atin lamang tinatanggap nang walang pag-kwestyon, walang pag-aalinlangan, pag-dadalawang-isip. Kung sa isang mababaw na ideya at kaalaman na mayroon ang isang indibidwal, kung salat ito sa mga makabuluhang impormasyon na may kinalaman sa usaping pang-lipunan, hindi maipagkakailang kakaunti din lamang ang kanyang kapasidad kumilatis, umintindi at umunawa sa mga kaganapan sa kasalukuyan na magbubunga sa pagkakaroon nito ng atrasado at hangganan sa pag-unlad ng kanyang kamalayan sa pagsusuri ng tama at maling realidad ukol sa pambansang isyu.
“Maganda ang hindi ikaw.” Isa sa mga pagpapahalaga at idinulot ng mundong “maganda ang maputi.” Ito ang produkto ng ideya na itinanim sa ating mga batang kaisipan na nagmula pa sa ating mga mananakop. Tayo ay inimpluwensyahan at nilinlang ang ating kamalayan tungkol sa usaping pang-labas na kaanyuan at nagpadala sa kanilang ipinundar na pamantayan na ang pagiging puti ay kaakibat ng pagkakaroon ng mataas na antas sa lipunan at kasalungat naman ito ng pagiging itim. Tinuruan nila tayo sa kung paano ang ganitong pagtingin ay umayon sa mga nasa itaas ng kapangyarihan, sa mga naghahari. Ang ganitong ideolohiyang nakatanim na sa atin ay patuloy pa ring isinasabuhay sa kasalukuyan at patuloy na ipinagyayaman sa pamamagitan ng mga imaheng nagiging basehan upang tuluran nang sa gayon ay magkaroon ito ng benepisyo sa kanilang negosyong may kinalaman sa pagpapaputi upang maging ‘maganda’, isang malinaw na pagpapatunay na pang-aabuso ng utak kapitalista. Mula sa pagiging ‘suggestive’ ito ay itinuring natin bilang ‘normative’. Bunga nito, lalo itong pumapatok sa mamamayan at patuloy nilang tinatangkilik ang mga produktong nasabi kaysa ipagmalaki ang tunay na kulay ng ating lahi, ay nagpadala sa kulay ng mga banyaga at umaktong sila pa ang mas nakatataas sa sarili nating sinilangan.
Maraming paraan na din ang naglipana lalong-lalo na sa panahon ngayon ang makatutulong upang tayo ay malibang; nangunguna na diyan ang mga palabas na mula bata at mga matatanda ay talaga nga namang nahihilig sa panonood. Bagamat ang mga ito ay nakaka-engganyo, kung susuriing mabuti ay may natatago itong layunin. Ang mga palabas na ito na patok na patok sa bawat sambayanang Pilipino ay nagsisilbing distraksyon at pang-lihis ng ating mga atensyon sa mga importanteng bagay na nagaganap sa ating bansa. Hindi lamang ito nagbibigay libang kung hindi ay isang pamamaraan ng pagtakas sa pinaka realidad ng buhay na ating kinakaharap. Malinaw na nagbibigay ito ng ‘false hopes’ sa bawat indibidwal na imbes makapag-isip ng mahahalagang bagay ay nauubos at pilit inilalaan ang mga oras sa mga artista at palabas na walang katuturan at walang kontribusyon sa lubos na pag-unawa sa ating kasaysayan at sa mga tunay na mukha ng kahirapang nangyayari sa ating lipunan. Ang mga ito ay nagdudulot ng mas nakakapag-papurol ng ating pananaw sa paligid at ng pagpapatigas pang lalo ng mga atrasadong kamalayan at kaisipan na di nakatutulong sa pag-unlad. At pumipigil upang maging gising nang magsagawa ng mga hakbang at pamamaraan na magbibigay kontribusyon upang masolusyonan ang sakit ng lipunan at makamtan ang pambansang kaunlaran.
Kaakibat din ng mga palabas na ito ay ang patuloy na pagsasalamin at paglalahad ng mga isinasabuhay na ideolohiyang ‘mabuti ang inaapi’ na kung saan ang mga kaganapang ito na ipinapakain sa mga imahinasyon ng isang indibidwal ay magreresulta ng kaisipang normal lamang ang maging mahirap, normal lamang ang pagkakaroon ng kahirapan, hindi maiiwasan, hindi mawawakasan dahil hindi sila gagawa ng kaukulang aksyon at kilos nang sa gayon ay masugpo ang kahirapan. Ganoon din ang ginawang pang-lilinlang sa ipinakilalang konsepto ng ‘happy endings’ na kahit na maghirap ka sa ngayon ay dadating din naman ang araw na kung saan ay mawawakasan ito, may sagot sa lahat ng problema. Kung saan nagpapakita na itinuturo nito ang sistema sa lipunan na tanggapin lamang kung ano ang nakahain sa hapag, walang kailangangang baguhin, hindi kailangang magtanong, walang kailangang gawin kung hindi ang tumanggap; na patuloy ka lamang aasa sa ihip ng hangin na may sagot ang lahat ng problema nang walang ginagawang pag-kilos. Subalit kabaliktaran ito sa totoong buhay, kailangan mong gumawa ng aksyon. Kung ganito nga ang patuloy nating isinusbong sistema ay tunay ngang mananatili tayong latak at nasa ibabang bahagdan ng lipunan.
Malaki ang naging kontribusyon ng mga paniniwalang hatid sa atin ng mga mananakop na patuloy nating isinasabuhay sa kasalukuyan sa kung paano nakaaapekto ang mga ito sa paurong at mapurol nating ebalwasyon at pagkilatis sa ating kapaligiran at maging sa ating mga sarili. Kung tayo ay patuloy na magbubulag-bulagan at bingi-bingihan walang pagbabagong makakamtan ang ating bayan. Patuloy lamang tayong magiging mangmang na kontrolado ng impluwensya ng mga may pera at nasa kapanyarihan sa itaas. Hindi maipagkakailang para tayong mga birhen na naniniwala sa pag-ibig ng isang puta, sumusunod lamang sa agos ng hangin, nagpapalinlang. Mas nabibigyang oportunidad lamang ang mga naghahari upang tayo ay kanilang igapos at paikutin sa kanilang mga palad. Unti-unti kahit sa sarili nating mga paraan ang mga isyung panlipunan ay mas pagtuunan natin ng pansin at mas bigyang halaga nang sa gayon ay matulungan natin ang bawat isa na gumising at bigyang alab muli wang diwang makabansa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga aksyon at pagsalungat sa kung ano ang mga nakasanayan. Matuto tayong magmatyag at mapanghusga sa ibinibigay na bulok na sistema sa atin, kung ano ang tama at maling gawi, huwag lamang basta tangap nang tanggap. Dito ay makasisilip tayo ng pag-asang makamtan ang hangaring pasulong na pagbabago at ang hinahangad na tagumpay sa kalayaan.
0 notes
Text
Internet Bilang Isang Rebolusyonaryong Pagkilos: Reaksyon mula sa gawa ni U Z Eliserio
Lubos nang makabago ang panahon ngayon, sa kasalukuyan na kung saan naglipana ang mga makabagong likhang kagamitan dulot ng pinaunlad ng agham at teknolohiya. Mula sa simpleng tradisyunal na pagpapadala ng mga liham at sobre ito ay napalitan ng mas mga pinadali at epektibong paraan ng pakikipagkomunikasyon, pagpapalitan ng mensahe at ng mga ideyang nais mong maipabatid. Tayo ngayon ay nabubuhay sa isang modernong panahon, dulot ng progresibong pagbabagong hatid sa atin ng teknolohiyang nakatutulong sa atin sa maraming aspeto, nangunguna na riyan ang internet. Ito ang pinaka-tanyag na pamamaraan ng pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan sa loob ng mundo ng ‘social world.’ Kung dati ay inaabot ng ilang araw o maging buwan ang pagpapalitan ng mensahe, ngayon ay sa isang ‘pindot’ lamang ay nakakapanayam mo na ang iyong mga pamilya at kaibigan. Talaga nga namang kapaki-pakinabang ang internet sa atin, mas napapabilis nito ang mga palitan ng mensahe, bukod pa, ay nariyan din ang pagsibol ng iba’t ibang ‘social media platforms’ gaya ng facebook, twitter, instagram, tumblr at marami pang iba na kung saan dito, tayo ay nabibigyang libang, ating nagagawa at naipaparating sa iba ang ating mga saloobin at hinanaing. May kalayaang hatid ito sa bawat isa, ang mundo natin sa kasalukuyan ay lubos nang umiikot sa mundo ng pagsasalsal at pakikibaka sa internet datapwat, kung ating tunay na paglalaanan ng lubos na pag-unawa, hindi lamang sa pinakamababaw na depinisyon at simplistikong kahalagahan natin makikita ang kagamitan nito.
Sa likod ng mga natatagong mukha ng ‘online world’, sa bawat pagtipa sa iyong mga daliri, sa isang pindot ng ‘post’, sa bawat paglalahad ng ating mga ideya, saloobin at hinanaing tungkol sa ating mga pang-personal man na karanasan, mga pang-lipunang realidad, sa ating mga ginagawang pagsasalsal sa mundo ng internet, ito ay indikasyon ng isang rebolusyonaryong aspeto na kung saan masasalamin ang bawat himutok, ang mga nag-susumiklab na mga damdamin na nais dinggin, naririto upang pagtuonan ng pansin. Lalong-lalo na sa kasalukuyan na dumarami na ang mga indibidwal na nagiging mulat ang kaisipan at nagigising na ang mga kamalayan at sensibilidad sa sistema ng lipunang kinagagalawan, dito papasok ang internet na kung saan ito ay nagiging medyum ng ating adhikaing ating maipabatid ang tunay na kalagayan at nangyayari sa ating lipunan, na tayo ay marinig ng mas nakararami at mabigyang katarungan at kaukulang aksyon ang mga kabulukang sistema na umiiral sa ating bansa. Hindi lamang nagsisilbing pakikipag-ugnayan ang silbi ng internet sa atin, kung hindi isa rin itong pamamaraan upang tayo bilang isang indibidwal ay makatulong upang mamulat at magising ang unti-unti nang naglalahong pagnanasa sa pagbabago at maitama natin ang mga nakasanayan nang pananaw. Ito ay isang rebolusyonaryong kilos sa pang-lilimos ng atensyon na nagiging akto ng desperasyon nang sa gayon ay ang ating boses na naghuhumiyaw ay mapakinggan at maunawaan ng nakararami.
Buhat pa nito, ay ang pagkakabuo ng ideolohiyang tinatawag nating ‘hyper reality’ na kung saan ito ay ating paniniwala sa sistema ng pagtingin at pagtanggap sa mga bagay na produkto ng pang-gagaya, dito ay masasalamin ang pag-aktong mas maganda o mas kaaya-aya kumpara sa orihinal na pinag-gayahan. Ito ay pagpapatunay na maraming identidad na natatago sa likod ng ‘cyberspace’ ang hindi nagpapakita ng tunay na kaanyuan o tunay na kaganapan. Nasisilaw at nagpapalinlang sa kung ano ang idinidikta ng internet sa ating mga mata na nagiging dahilan upang tayo ay magkaroon ng atradasong pag-unawa sa kung ano ba talaga ang realidad sa aktwalidad.
Sa puntong ito, malinaw na nailalahad na mas may lagom at lalim pa ang kagamitan at dulot ng internet sa atin sa kasalukuyan. Bunga ng pagbabahagi ng iyong makabuluhang nalalaman na makadadagdag sa karunungan ng iba. Nagiging daan ito upang magising at mas mamulat sa realidad, sa totoong kaganapang nangyayari sa ating lipunan, kung ano ang natatago sa likod ng sistemang pilit isinusubo sa atin ang ating mga kababayan. Sa pagkabuhay muli ng kanilang kamalayan, unti-unting sisibol muli ang sigasig at siklab sa kanilang kaisipan at damdamin ang diwang makabayan na naghahangad at pilit inaabot ang reolusyonaryong pagbabago. Nagpapatunay ito na hindi lamang sa pagbabahagi ng iyong mga larawan at simpleng bagay ang dulot ng internet sa atin, kung hindi ay isa rin itong pakikipag interaksyon, paglalahad ng iyong boses upang tayo ay pagtuonan ng pansin nang sa gayon ay sama-sama natin maisakatuparang ang pagkilos tungo sa pag-aasam na progresibong pagbabago.
0 notes
Text
Ang Puno’t Dulo ng Pagkamit ng Kapangyarihan: Hinuha mula sa konteksto ni Conrado de Quiros
Wika ay ang pakikipag-komunikasyon upang magkaintindihan; Ang wika ay isang paraan ng pakikipag-talastasan ng kaisipan sa iyong kapwa; Ang wika ay ginagamit upang maipabatid ang mga ideyang nais mong maiparating at makipag-unayan ang bawat isa; Wika ang nagsisilbing kasangkapan ng komunikasyon at ang pagpapalitan ng ideya. Totoong ilan ang mga iyan sa kagamitan ng wika, ngunit masasabing ito ang mga pinaka simplistikong depinisyon ng kahalagahan nito, hindi lamang ito basta pakikipagtalastasan, pakikipag-komunikasyon o pakikipag-argumento. May kaakibat na lalim at lagom ang naitatago at itinatangi ng wika, ito ay hind basta lamang salita na itinutulak ng ating mga bibig. Malaki ang kinalaman nito sa pagkakaroon ng impluwensiya at maging ang pagkakamit ng paghahari at kapangyarihan.
Kung wika ang nais bigyan ng pansin, hindi mawawala diyan ang tanyag na wikang pang-kalahatan, ang wikang Ingles. Sabi nga sa pinaka-gamit nang depinisyon nito, ito ay mahalaga dahil ito ang nagsisilbing ‘connect’ natin sa mundo, upang mas magkaunawaan at mas magkaintindihan ang mga taong mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Tunay ngang mahalaga ang wikang ito subalit ang katanyagan at kalidad ng impluwensiya nito ay malaki ang naging epekto sa ating kamalayan at sensibilidad bilang isang indibidwal. Unang-una na riyan ang mapurol na ideolohiyang wikang ingles ang susi at ang daan tungo sa pagkakaroon ng ekonomikong tagumpay; sa pamamagitan nito ay makakamit ang mas tataas na kalidad ng bayang pag-unlad. Bunga ng ganitong kaisipan, naging mitsa ito upang unti-unti nating talikuran at isawalang bahala kung ano ang sariling atin, ang ating sariling wika at kultura. Bagamat ating lubos na ipinipilit ang wikang bayagang ito, hindi pa din tayo tunay na maunlad gaya ng pagtingin natin na ito ang siyang magiging hagdan upang maakyat natin ang pambansang kaunlaran. Kailangan nating tanggapin na hindi ang wikang ito ang sasalba sa isang bayang papaunlad lalo na sa ating bansa, kung hindi ang pagyamanin pa lalo ang ating pinagmulan, wika, tradisyon at kultura na ipinamana pa sa atin ng ating mga ninuno. Hindi batayan ang wikang Ingles sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas, hindi ito ang ipinupunta ng mga turista mula sa ibang bansa, kung hindi, kung ano ang maipapakita at maipagmamalaki nating natatanging kultura na naiiba sa kanila. Marahil sa ngayon ay namumulat na ang inyong mga ideya at kaisipan ukol sa nais nitong maiparating, masyado nakadepende ang ating perspektibo na ang wikang banyaga ang magtataguyod at siyang magbibigay daan upang maasam ang matgal nang hangaring pambansang kaunlaran.
Bukod pa sa pang-ekonomikong aspeto, nariyan din ang lantarang bulok na perspektibo na ang wikang Ingles ang batayan upang masabing ang isang indibidwal ay tunay ngang matagumpay laban sa isang indibidwal na hindi itinatangi ito. Ito ang nagsisilbing pintuan upang marating ng isang indibidwal ang magandang buhay at ang pansariling tagumpay; ang tumatayong balakid o pader na nagiging indikasyon ng separasyon sa pagitan ng mayaman sa mahirap, sa mga may pinag-aralan sa wala. Iyan ang pilit na isinusubo sa atin ng ating pang-lipunang sistema hanggang sa kasalukuyan dulot ng impluwensiya ng wikang banyaga na maisasalamin sa ating kamalayan at sensibilidad hinggil sa mga baluktot na kaisipan at maling mga aksyon at sa kung paano tayo bilang isang mamamayang Pilipino na yumayakap sa banyagang kultura at nagbubunga ng ating kaisipang kolonyal. Buhat ng pananamantala ng Estados Unidos sa ating kahinaan mula nang sinakop tayo ng mga Kastila, lubos nilang naunawaan na ang pagtuturo ng kanilang wika sa atin ay magdudulot upang sila ay ating sundin at gayahin, iba sa ginawang pag-aaklas mula nang ipinagkait sa atin ng mga Kastila ang kanilang tinatanging linggwahe upang tayo ay maghimagsik. Alam ng mga amerikano ang kapangyarihan ng wika, na ang wika ay di lamang ginagamit upang magkaintindihan at magkaunawaan kung hindi ay isa itong pinakamabisang paraan ng pananakop sa pinakatago at epektibong paraan.
Walang kamalay-malay nating isinusubo ang kanilang wikang inihahain sa ating mga harapan, lingid sa ating kaalaman na hindi lamang ang kanilang wika ang ating sinusunod at sinasamba ngunit pati na rin ang kanilang pamumuhay at kultura. Ganap na nagtagumpay ang mga banyaga sa kanilang mithiin na mapasailalim ng kanilang mga kamay ang ating bansa nang hindi man lang natin nahahalata at nalalaman. Naging mitsa ang wika upang tayo ay magapos at mawalan ng kasarinlan, sapat na indikasyon ng kung ano ang nagagawa ng wika at ang kapangyarihang itinatangi nito. Pagpapatunay na magpasa-hanggang kasalukuyan ay nakakadena pa din ang sambayanang Pilipino sa gawi at isipang kolonyal. Lagi nating niyayakap ang kultura ng mga banyaga. Hanggang ngayon ay masyado nating tinatanggap at binubusog ang ating mga sarili sa mga bagay at sistemang matagal na dapat nating iniluwa. Panahon na upang simulan ang pagbabagong unang-una ay magsisimula sa ating mga sarili. Maging mulat at giing sa katotohanan, huwag magpalinlang sa lipunang kinasanayan at kinagagalawan. Kasabay nito ay ang pagpapatupad ng mga aksyon at kilos na dapat sana ay noon pa naisakatuparan. Pilitin nating pag-igtingin ang ating pagkagutom sa ating adhikaing makamtan ang kalayaan at pagbabago.
0 notes
Text
Habang may Tatsulok at Sila ang Nasa Tuktok, Di Matatapos Itong Gulo: Reaksyon mula sa gawa ni Bienvenido Lumbrera
Magkakaiba ng realidad mayroon ang mayayaman at mahihirap. Sa tunggalian ng kung sino ang nasa taas at kung sino ang mga nasa baba, sa panahon ngayon na malaki ang separasyon ng agwat ng dalawang panig, tila tahimik at nagsasawalang kibo ang mga opres na mamamayan. Mga dingding ng bahay ng pinagtagpi-tagping yero, di makakain ng tatlong beses sa isang araw, walang pagkain sa hapag, kontaminadong mga tubig, sira-sirang mga damit, ni hindi makapag-aral, kakulangan sa nutrisyon at maayos na kalusugan, pinagkaitan ng edukasyon, salat na salat sa karapatan, palaging nasa ibaba ng lipunan. Ang araw-araw na pakikibaka upang patuloy na lumaban at mabuhay kaakibat ng di- kasiguraduhan kung may pagkain ba sa hapag o may mauuwian pang tahanan. Mahirap maging mahirap, subalit nasaan na ang nagaalab na damdamin ng mga naghihikahos na nagnanais umalpas sa kasalukuyang realidad na mayroon sila? Nasaan na ang boses ng kahirapang nag-aasam na makatamasa ng kaginhawaan? Tila natupok na nga at tuluyan nang ipinagsasawalang bahala buhat ng idinidiktang ideolohiya na magsisilbing pansamantalang pagtakas sa buhay na kinahaharap nila at sa kung anong antas nila sa lipunan.
Sa loob ng isang lipunan na may patuloy na naghahari na walang ibang iniisip ay ang mga sariling kapakanan at kung paano nila mapapanatili ang kanilang kapangyarihan, upang patuloy na makapang-abuso, makalinlang at kontrolin ang pangkalahatang sistema at para manatili sa itaas ng tatsulok ng lipunan. Sa kabilang banda, nariyan ang pinaghaharian, si Pedrong maralita na walang ibang ginawa kung hindi ang araw-araw na pakikipagsapalaran upang sila ay patuloy na mabuhay, kahit papaano malagpasan ang suliraning kinakaharap sa loob ng isang araw. Parehong magkaiba ng antas sa pamayanan, magkaiba ng pinanggagalingan, magkaiba ng pangangailangan. Magkaiba dapat ng pananaw at pag-iisip ngunit tila umaayon, nakikibagay at nakikipagsabayan si pedrong maralita sa mga taong nasa mataas na antas ng lipunan. Kasalanan nga bang mag-asal mayaman ang isang kapos palad? Mali nga bang maituturing na gumaya ang isang naghihikahos sa mga may kaya sa buhay?
Bunga ng hindi magandang dulot ng pananakop gamit ang dahas na dinanas ng mga Pilipino mula sa kamay ng mga Kastila, natuto na at mas naging tuso ang ibang dayuhang mananakop sa kanilang taktika upang tayo ay mapasailalim sa kanilang kapangyarihan. “Hegemony” isang paraan ng pananakop na kung saan isa itong pamumunong intelektuwal at moral. Ang dahilan ng hindi pag-aaklas at ang tuluyang pagsiklab ng mithiin ng mga mamamayang pinaghaharian na makawala sa gapos ng pang-aalipusta at pag-mamanipula ng mga nasa itaas ng tatsulok. Ang mga ideolohiya, pinaniniwalaan, pananaw at maging ang kultura ng mga may kaya sa lipunan ay ginagamit ito upang impluwensiyahan ang mga nasa ibaba nang sa gayon ay hindi nila gaanong mapagtuunan ng pansin ang kanilang hirap na dinaranas. Sa pamamagitan ng pagpaparanas sa kanila kahit papaano ng mga natatamasa at karanasan ng buhay na mayroon ang mga naghahari sa lipunan. Sa paraang ito, hindi mararamdaman ng mga pinaghaharian na sila ay lubusang naaapi, na sila ay inaabuso dahil nararanasan din nila ang mga bagay na mayroon ang mga mayayaman kahit sa maliliit na paraan. Kaunting pasilip at patamasa upang maiwasang makaramdam ng galit, mag-aklas, lumaban sa mga pilit kumokontrol sa sistemang panlipunan at maghangad ng rebolusyon sapagkat ang mga ito ang tuluyang magpapabagsak sa kanilang posisyon sa lipunan, ang babawi ng kanilang kapangyarihan at ang tutuldok sa kanilang mga masasamang adhikain, sarili nilang interes na nais isakatuparan na lalong magpapalugmok sa mga nasa ibaba.
Makikita na sa pamamagitan ng pilit isinusubong maling kamalayan ng sistemang mayroon tayo sa kasalukuyan, upang mag-iba ang perspektibo at magkaroon tayo ng kakaibang pananaw sa mundo liban sa pag-aaklas sa baluktot na realidad ay epektibong patuloy na naisasagawa ito. Gamit ang ideolohiyang kanilang inihahain sa atin ay nagwawagi ang mga naghahari na tayo ay patuloy pa ding kontrolin magpasa hanggang ngayon sa pamamagitan ng pagtanggap ng bulok na sistema na nagtatago sa isang normal na imahe at aparisyon ng realidad. Bunga ng kaisipang ito, ang mga nag-aasam ng kaginhawaan at ang mga nag-aatikabong damdamin ng mga sambayanang nagnanasa ng pagbabago sa pagtrato ng lipunan ay tuluyang nasusupil ang kahingian ng pagkakapantay-pantay at makatarungang sistema ng bansa at patuloy na maghahari ang mga nasa itaas.
Ang pagkakaroon ng mulat na kamalayan sa tunay na kaganapan sa ating lipunan, ang hindi pagpapalinlang sa sistemang kinalakihan at ang nag-iibayong paninindigan na nagnanais ng pagbabago ang siyang magiging susi upang mapukaw ng bawat isa sa atin ang natutulog na diwa ng kapwa mamamayang pilit nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa mga mali at mapupurol na pananaw na mayroon sa ating lipunan. Simulan natin sa ating mga sarili ang pagbabagong nais makamtan, patuloy na buhayin ang nag-aalab na diwang makabayan tungo sa inaasam na pag-asang pag-unlad.
2 notes
·
View notes
Text
Mas Malaking Kaaway kaysa sa mga Amerikano, ang Ating mga Sarili: Hinuha mula sa tekstong sinulat ni Bienvenido Lumbrera
“Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.” - Dr. Jose Rizal. Mga salitang binitiwan ng ating bayaning si Gat Jose Rizal upang maipakita at maipaglaban ang ating sariling wika laban sa wikang banyaga at anumang dayuhang mananakop. Kung babalikan ang mga nakatala sa ating kasaysayan, hindi lingid sa ating kaalaman na lubos na ipinaglaban ng ating mga ninuno at mga bayani ang ating inang bayan upang magkaroon ng sariing kasarinlan.. Sila ay walang takot na lumaban, nagsulong ng mga propaganda, mga aksyon, mapayapang paraan man o dahas upang makamit ang kalayaan at ang pagbabago na matagal nating inaasam noon pa man upang makawala sa pananakop at pang-aabuso ng mga dayuhan. Ngunit kahit na maraming bayani natin ang nagsakripisyo at binuwis ang kanilang sariling mga buhay para sa ating sariling bayan at kalayaan, ay tila nakakulong pa rin tayo sa kamay ng mga abusadong mananakop.
Hulyo 4, 1902, ang petsang naglahad ng “unang kalayaan” ng Pilipinas. Malaya na ‘daw’ ang ating bansa ang konotasyong itinanim sa mga isip natin ng dayuhang mananakop upang hindi na lumaban pa at mag-alsa laban sa kanila. Ngunit ito ay isa lamang patibong at pagpapaikot sa atin sa kanilang mga kamay upang gamiting pagkakataon para tayo ay tuluyan pa ding makontrol at maabuso para sa kanilang mga masasamang pakay at pang-sariling interes. Nakalahad sa ating kasaysayan ang ilang mga dayuhang mananakop na nagnanais angkinin ang ating bayan at tuluyang mapasailalim sa mga kamay nila, subalit ano nga ba ang mayroon sa ating lupang sinilangan at gayon na lamang ang labis na paghahangad ng mga mananakop sa ating sariling bayan?
Unang-una bukod sa pampulitikang hangarin nitong nais tayong kontrolin, ay hindi maipagkakailang malaki ang magiging pakinabang ng ating bansa upang masunod ang kanilang sariling pagnanasang samsamin ang ating likas na mga yaman. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na sagana ang ating bansa sa mga yaman na hatid ng ating inang kalikasan. Bunga nito, ay ang pagkakaroon nila ng pagkakataon na abusuhin at makinabang sa sariling atin lalong lalo na nang pinagkalooban sila mismo ng ating mga pinuno ng pamahalaan sa ilalim ng Bell Trade Relations Act ng pantay na karapatan sa pagbungkal ng likas na yaman ng ating kabundukan at karagatan. Dito pa lang ay kitang kita na ang pagkabulok na sistema ang sinusunod natin sapagkat hayagan nating hinahayaan na abusuhin tayo ng mga dayuhan at hayaan silang paikutin tayo. Ikalawa, ay ang lakas paggawa, na kung saan masasalamin ang di pantay at di makatarungang pagtrato sapagkat ito ay pang-aabuso sa ating mga kababayan na nagpapakahirap tugunan nang maayos ang kanilang mga trabaho datapwat hindi sapat ang kanilang kinikita. Sa ating bansa sila kumukuha ng kanilang kawang gawa upang matugunan ang pangangailangan sa kanilang mga negosyo - murang lakas paggawa; sa madaling salita ginagawa tayong mga alipin.
“World without boarders” kay gandang pakinggan, tila kaaya-aya. Iyan daw ang hatid sa atin Globalisasyon. Kung simpleng titingnan nga naman masasabing maganda ang hatid nito, iisiping isa itong paraan upang mas mapadali ang pagkakakone-konekta ng bawat bansa sa isa’t isa, magaling, may magandang dulot. Ngunit hindi para sa mga bansang papaunlad pa lamang ang bagay na ito, gaya naten, gaya ng bansang Pilipinas. Sa kritikal na pag unawa sa usaping ito, kawawa ang mga bansang nasa ilalim ng mga nangungunang bansa. Bakit? Dahil isa rin itong patunay ng paraan ng pang-aalipusta, pang-gagamit at pang-aabuso ng mga dayuhan sa atin. Globalisasyon ay isang merkado, pag-aangkat ng mga produkto ng ibang bansa papasok sa ating bansa, tayo ang nagiging tapunan ng mga sobra nilang produkto, upang pagkakitaan ng mga kapitalista na siya namang patuloy na tinatangkilik ng bawat mamamayan ng Pilipinas. Buhat nito, nawawalan tayo ng sarili nating identidad, tatagkilikin natin kung ano man ang hatid ng bawat bansa at pilit na iwinawaglit kung ano ang tunay na atin. Para sa isang bansang papaulad, isa itong malaking balakid upang patuloy na hadlangan ang tuluyang paghahangad ng kaunlaran at kalayaan. Pinipilit isunisubo sa atin ang kanilang mga kultura na nagreresulta ng kawalan ng sariling atin, isang patunay ng di hayagang pananakop.
Kung itinuturing na isang bansang kolonya ang Pilipinas noon pa man na may sariling pamahalaan at demokratikong pamamalakad, bakit tila patuloy pa rin tayong nagpapasailalim sa mga kamay ng mga dayuhan? Ang ating bansa ay may sariling mga pinunong inihalal, datapwat sumusunod pa din sang ayon sa dikta at naisin ng dayuhang bansa. Kapangyarihan – isang salitang may kaakibat na bigat. Hahamakin ang lahat masunod lamang at makamit ang kapangyarihang inaasam. Iyan ang numero unong dahilan ng pagpapakatuta ng mga pinuno ng ating pamahalaan para sa kanilang sariling interes. Pagkaganid at pagkawala ng pakialam sa kung ano man ang maaring maging resulta nito alang alang sa kapakanan ng sariling bayan. Buhat pa nito, ang pagkakaroon ng bulok na sistema ng ating edukasyon, ang edukasyong kolonyal. Pilit inilaban nang patayan ng ating pambansang bayani na si Dr. Rizal ang wikang atin, gayundin ang iba pang mga bayani subalit matibay na kawit ng kadenang kolonyal ang wikang Ingles, na malaki ang impluwensya at epekto sa sistema ng edukasyong mayroon tayo sa kasalukuyan. Progreso kaakibat ng edukasyon, at makakamit mo ang tunay na edukasyon kung ikaw ay marunong mag-ingles. Iyan ang batayan at pilit na pinapaniwalaan na sinimulan ng dayuhang mananakop na naitanim na sa mga isip natin magpasa-hanggang ngayon. Ang wika ay hindi lamang bastang itinituring na ginagamit na pang-komunikasyon, hindi lamang ito bastang mga salita na itinutulak ng ating mga bibig. Kung hindi ay isa itong paghubog ng ating sensibilisad sa pagtanaw sa mundong ating ginagalawan. Wika na naghuhubog sa ating mga realidad, nagtatakda nito sapagkat magkakaiba ang bawat isa ng kanilang realidad na nagsasabi sa kung ano ang nalalaman sa hindi. Bunga nito, ay mahihinuha na ang wikang ingles ay naging patnubay at batayan ng ating eduksyon upang magkaroon ng pag-unlad, ng progreso. Naimpluwensiyahan ang pananaw ng bawat isa ukol sa nararapat na pamantayan ng edukasyon.
Dito tuluyang makikita na tila kasalanan ang pagsasalita ng wikang atin sa sarili mismo nating sinilangan. Tila krimen na pinagbabawal sa paggamit ng wikang Filipino ang mamamayan sa bansang ito paukol sa iba’t-ibang larangan. Masasalamin mula sa mga historikal na kaganapan sa ating bansa na pabor sa Estados Unidos, ang naging resulta ng paghubog ng kamalayan sa pagkakaroon ng kolonyalismong sistema hindi lamang sa edukasyon ngunit sa iba pang saklaw. Bilang isang bansang papaunlad, resulta ng mahinang pundasyon ng nasyonalismong kamalayan kung kaya naman ay madali tayong utuin, abusuhin, linlangin at impluwensyahan. Dapat ay maging mulat ang bawat isang mamamayang Pilipino sa tunay na anyo ng sistemang mayroon tayo sa kasalukuyan. Maging bukas ang isip sa pagkakaroon ng makabagong realidad upang makaalpas sa kadenang gumagapos sa pagkakaroon ng sarili nating wika, identidad at kultura tungo sa bayang pag-unlad.
0 notes
Text
Hindi Nilalako ang Edukasyon
Matataas na bayarin sa matrikula, pagbabayad ng lubos sa mga serbisyo, pagkakaroon ng maliit na budget sa ating edukasyon, at ang hindi makatarungang “unahin muna” raw ang pagbabayad utang ng bansa kaysa paglaanan ng kaukulang karapat dapat na budget para sa tamang edukasyong tinatamasa sana natin– ayon sa ating sariling gobyerno; ilan lang ang mga yan sa dahilan kung bakit nga ba tayo nagkakaroon ng konsepto ng “Misedukasyon.” Ano nga ba ang misedukasyon na ito? Bakit ito nangyayari at ano ang ambag nito sa ating kamalayan ukol sa sistema at mga isyu na kinakaharap mismo ng ating inang bayan.
Bakit hindi tayo magsimula sa pinakaunang pangyayaring lubusang nakaapekto at bumago sa kamalayan nating mga Pilipino? Ang kolonyalismo – ang pananakop ng Estados Unidos sa ating bansa matapos tayong tubusin mula sa mga Espanyol; nakita ng mga Amerikano ang potensyal nating mga Pilipino kung kaya naman upang tayo ay tuluyang masakop ipinatupad nilang ang institusyonalisasyon na kung saan ito ay lehitimong katangian sa pananakop upang magkaroon tayong ng postibong pagtingin sa ating mga taga Estados Unidos. Sa pamamagitan nito, tayo ay napaniwala at nasakop nang walang ginagamit na dahas upang hindi mag-aklas pabalik ang ating bayan. Hinubog nila ang ating kaisipan unang una sa pagbibigay oportunidad na pag aralan ang kanilang wika, ang pagpapalawak ng saklaw ng wikang ingles nang sa gayon ay maiwasan ang pakiramdam na tayo ay inaapi at pigilang maghimagsik. Ginamit din nila itong paraan upang magkaroon tayo ng kamalayan at kaisipan para sa kolonyal na mga patakaran, pagibigay ng konsepto na maging modelo ang Amerika sa modernisasyong pag-unlad. Sa kanilang pananamantala ng kaisipan ng mga Pilipino hinubog nilang lubos na paniwalain ang ating mga sarili na hindi sila mananakop kung hindi sila ay ating mga bayani. Sa mga pangyayaring ito, dito na bubunga ang maling konseptwalisasyon ng edukasyon na pilit isinusubo sa atin ng ating sariling sistema.
“Quality Education is expensive, you should be ready to pay for it.” – CHED Pagpapanukala ng mataas na tuition, patuloy na pagtaas ng matrikula sa pag-aaral; sa makatuwid KOMERSYALISADO, pinagkakakitaan ang edukasyon na dapat sana ay natatamo ng bawat isang kabataan na pinagkaitan at naghahangad na makapag-aral. Mga oportunistang ginagawang kapitalismo ang edukasyon. Lalo na nang ipinatupad ang 1997 Higher Education Modernzation Act, mas tumaas ang posibilidad na mas maraming hindi makakapag-aral sa kung saan ito ay tumutukoy sa pagbebenta ng asets, ng mga lupain para mga establisyimento upang kumita ang mga pribadong unibersidad kaakibat ng pagtaas ng tuition fees upang masabing sila ay “self reliant.” Napapaloob din dito ang pag aabusado ng mga foreign companies sa mga mamamayang may technical at vocational skills na kinakailangan nila para sa kanilang negosyo pero murang kawang gawa lamang, murang pasahod. Hindi ba’t tila tayo ay harap-harapang inaabuso at minamaliit sa loob mismo ng ating sintang sinilangan?
Edukasyon ang susi sa tagumpay, edukasyon ang tanging kayamanang maipamamana sa atin ng ating mga magulang, edukasyon ang kailangan para maabot ang iyong mga pangarap, edukasyon ang ganito, edukasyon ang ganyan; ang mga ito ang malimit na nakatatak sa ating mga batang pag-iisip hanggang sa kinagisnan. Iyan lang nga ba ang hatid ng edukasyon? Ano nga ba ang tunay na mithiin at papel ng edukasyon sa bawat indibidwal pati na rin sa pangkalahatan? Gaano kababaw ang mga pananaw at kamalayan ng bawat isa sa atin ukol dito? Edukasyon ang makapagbabago ng lipunan; may konotasyon tayo na ang pagpapalaya ng edukasyon ay kaakibat ng pagpapalaya ng lipunan. Ngunit bakit tila nakakulong pa rin ang ating bayan? Nakakulong at nasasakop pa din ng mga dayuhang banyaga na umabuso sa ating kamalayan at oportunidad na tuluyang makalaya. May sarili nga ba tayong identidad? Pagkakakilanlan? ano ang ating kultura? Bunga ng mga kaakibat na pangyayari, nahubog ng mga dayuhan ang ating pagiisip, paniniwala, naimpluwensyahan nila tayo ng kanilang pamumuhay imbes ng sariling atin. Dapat na nating imulat ang ating mga mata, lawakan ang kaisipan sa mga tunay na kaganapan, ang realidad ng ating matagal nang nabubulok na sistema sa edukasyon at maging mga bagay na nagyayari sa ating lipunan. Unti-unting magsimula sa ating mga sarili ang paglaganap ng sensibilidad at kamalayan nang sa gayon ay makagawa ng tamang mga hakbang upang makamit ang ninanais na pagbabago tungo sa inaasam na pag-unlad ng ating bansa.
1 note
·
View note