Tumgik
cheixplorer · 2 years
Text
Bumalik sa Pagkabata at Gamutin ang Inner Child sa Zoocobia Fun Zoo
Lahat ng tao ay kailangang maglibang kahit paminsan-minsan lamang, hindi man mahabang bakasyon, ang mahalaga ay maaliw ang sarili at kalimutan ang mga problema kahit sandali. Masayang bumiyahe at tumungo sa kung saan-saang lugar na maabot ng paa at pera, masayang mapag-isa kahit sa saglit na sandali. Ngunit ang tampok sa istorya natin ngayon ay isang lugar kung saan maaaring iyong malibang ang iyong sarili kahit na mag-isa ka lamang, ngunit sigurado ako na mas sasaya ang iyong karanasan dito kung kasama ang iyong kapamilya.
Ang zoo ay isang lugar kung saan makakatagpo ng iba’t ibang uri ng hayop na madalang makita sa pampublikong lugar dahil sa maaaring ito ay mabangis o di kaya ay malapit nang maubos ang mga uri nito kung kaya’t pinangangalagaan ng gobyerno. Sa pagkakabanggit ng salitang “zoo”, malamang nasa isip ninyo na ang lugar sa paglalakbay na ito ay para sa mga bata, ngunit dyan kayo nagkakamali. Sa paglalakbay na ito, ating aalamin ang maraming bagay tungkol sa Zoocobia Fun Zoo, isang pasyalan hindi lamang para sa mga bata, bagkus ay para rin sa mga matatandang hindi pa nagkaroon ng karanasan makasalamuha ang iba’t ibang uri ng hayop.
Ano at Saan Matatagpuan ang “Zoocobia Fun Zoo”?
Ang Zoocobia Fun Zoo ay matatagpuan sa Calumpang, Mabalacat City Pampanga. Ito isang adventure zoo theme park na kilala sa kakaibang mga aktibidad na maaaring gawin habang nandito. Sa loob ng Zoocobia, maaaring makasalamuha ng mga bisita ang iba’t ibang uri ng hayop at gumawa ng mga aktibidad kasama ang mga ito. Ito ay hindi lamang lugar kung saan maaaliw ang sarili sa mga interactive na hayop bagkus ay maaaring matuto tungkol sa kasaysayan ng mga hayop ang mga bibisita rito lalo na ang mga bata. Ang naturang themepark ay hindi lamang para sa mga bata bagkus ay maaaliw rin maging ang mga tagapag-alaga o magulang ng mga ito. Ito ay bukas para sa lahat ng gustong masubukang magpakain ng hayop, sumakay ng kabayo at camel, makasubok ng iba't ibang rides, at makapagbonding kasama ang pamilya.
Tumblr media
Credits: Zoomanity Group
Paano makakapunta sa Zoocobia Fun Zoo?
Upang kami ay makapaglakbay papuntang Zoocobia Fun Zoo, kami ay gumamit ng kotse kung saan ang asawa ng aking ate ang siyang nagmaneho nito. Tanghali na nang kami ay bumiyahe, ngunit hindi naman ganon katagal bago naming narating ang naturang pasyalan. Inabot kami ng humigit kumulang dalawang oras bago tuluyang nakapasok sa Zoocobia kung saan aming nalibang ang aming sarili. Sa aking pananaw, mas magandang magpunta rito na may dalang sariling sasakyan sapagkat ang themepark na ito ay tago at tila ba nasa kailaliman ng kabundukan. Mahihirapan ang mga taong bibisita rito kung sila ay magcocommute lamang sapagkat wala namang sasakyan na dadaan sa zoo na ito. Kaya kung binabalak ninyong puntahan ang Zoocobia Fun Zoo, isa sa aking suhestiyon na magdala kayo ng sariling service upang hindi mahirapan at hindi mauwi sa sakit ng ulo ang dapat na masayang libot ng pamilya.
Kailan ang pinakamagandang panahon o araw na pumunta sa Zoocobia Fun Zoo?
Ang Zoocobia Fun Park ay bukas araw-araw mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. Ang naturang theme park ay nagkakaroon ng palabas na tampok ang mga hayop na nasa kanilang pangangalaga, ito ay nagaganap tuwing Sabado ng gabi sa buwan ng Oktubre hanggang Enero at mayroon ding mula Marso hanggang Mayo. Magandang pumunta rito tuwing linggo ng trabaho upang maiwasan ang maraming kasabayang bisita ng zoo. Isaisip na kung pupunta rito tuwing linggo ng bakasyon, siguruhing maagang pumunta upang hindi maghintay nang matagal sa haba ng pila.
Mga Aktibidad sa loob ng Zoocobia Fun Zoo.
ANIMAL FEEDING
Birds Feeding
Ang Zoocobia Fun Zoo ay mayroong malaking kwarto o kulungan kung saan naninirahan ang napakaraming ibon na mayroong iba’t ibang kulay. Isa sa mga aktibidad na mayroon ang zoo na ito ay ang “Bird Thrill” kung saan ang pangunahing gawain ay ang pagpapakain ng mga ibon, kami ay pinapasok sa kulungan o tirahan ng napakaraming maliliit na ibon. Ang tagapangalaga ng zoo ay binigyan kami ng pagkain upang aming pakainin ang mga ibon na ito, mas masayang karanasan kung hindi mo ibabato ang kanilang pagkain bagkus ay hayaan silang lumipad papunta sa iyong kamay. Sa pagbibigay-daan sa kanila sa iyong mga palad na mayroong pagkain, mas matititigan mo silang mabuti at iyong mas makikita ang kanilang kagandahan, ito ay kakaiba at hindi madaling limutin na karanasan lalo na’t ang mga ibon sa Zoocobia ay hindi naman nanunuka.
Tumblr media
Ostrich Feeding
Ang sunod na aktibidad naman ay ang ostrich feeding, aking napag-alaman na ang ibang ostrich ay nagmula pa sa ibang zoo at inilipat na lamang sa Zoocobia upang mas mapangalagaan ang mga ito. Sa pagpapakain ng napakalaking ibon na ito, kami ay binigyan ng lalagyan na mayroong pagkain at saka kami hinayaang pakainin ang mga ito. Sa una ay nakakatakot sapagkat baka ako ay tukain, ngunit hindi naman ito nangyari at natapos ang aktibidad nang walang natutuka sa amin.
Tumblr media
Monkey Feeding
Sunod na pinakain namin ay ang mga unggoy na nasa magkaibang kulungan, base sa tauhan ng zoo, nag-aaway ang dalawang unggoy kung kaya’t pinaghiwalay ang mga ito. Kami ay kanilang binigyan ng saging na nakatusok sa isang patpat upang amin itong mabigay sa mga unggoy nang hindi lumalapit sa mga ito. Isa sa mga unggoy ay napakaingay at napakalikot samantala ang isa naman ay ntahimik lamang kumain, ngunit maayos namang natapos ang pagpapakain namin dito.
Tumblr media
ANIMAL ENCOUNTER
Philippines Pride
Aming dinaanan muna ang isang bearcat na isang kilalang hayop mula sa Timog-Silangang Asya. Nakita namin ang hayop na ito matapos pakainin ang ostrich at bago tuluyang pakainin ang mga unggoy. Ang bearcat ay mayroong sariling kulungan na mayroong nakalutang na palaruan kung saan kami ay kinailangan pang tumingala upang makita ito. Ang naturang hayop ay malikot ngunit madaling mabagot, at sa oras na nabagot na ito, kusa itong bumabalik sa kaniyang kulungan. Sa parte rin na ito matatagpuan ang porcupine na tulog nang aming mamataan, iguana, at ang python na napakahaba.
Tumblr media Tumblr media Tumblr media
Birds of Paradise
Sa aming paglalakbay sa loob ng Zoocobia Fun Zoo, kami ay napunta sa lugar na tinatawag na “Birds of Paradise” kung saan matatagpuan ang iba’t ibang uri ng malalaking ibon. Sa aktibidad na ito, wala kaming masyadong ginawa maliban sa lapitan at tignan ang mga ibon. Matatagpuan dito ang Hawk-Eagle, Serpent Eagle, Brahminy Kite, Philippine Eagle Owl, Serpent Eagle.
Tumblr media Tumblr media
GARDEN MAZE
Matapos magpakain ng mga naturang hayop, sunod naming pinuntahan ng zooc ride, ngunit bago naming ito tuluyang mapuntahan, kami muna ay dumaan sa garden maze. Ang garden maze ay hindi naman nakakahilo bagkus ay maganda sa paningin at maayos naman ang pagkakabuo. Ito ay isang lugar sa loob ng Zoocobia Fun Zoo kung saan magandang manguha ng litrato, ngunit hindi naming nagawa dahil biglang umambon habang nasa loob kami nito.
Tumblr media
ZOOC RIDE
Ang zooc ride ay isa sa mga aktibidad na maaaring gawin sa Zoocobia Fun Zoo, ito ay isang Gawain na sasakay ang mga bisita sa isang tila ba “mini cart” at paaandarin ito pababa. Ang Zooc Ride ay tinatawag ding “gravity car” dahil nga hindi naman kailangan ng kahit anong effort at enerhiya upang ito ay mapaandar. Ito ay isang aktibidad kung saan talaga namang matutuwa ang mga matatanda.
Tumblr media
THE BARN
Ang “The Barn”  ang huling aktibidad na kasama sa promo na aming kinuha, dito ay matatagpuan ang iba’t ibang uri ng hayop na madalas makita sa bukid tulad ng kabayo, kuneho, kambing, at kalabaw. Kami ay binigyan ng pagkakataon na pakainin ang mga ito. Matatagpuan din sa “The Barn” ang camel at maaari rin itong pakainin gaya ng ibang hayop. Pwede ring manguha ng litrato sa “The Barn” kasama ang mga hayop kung kaya’t enjoy talaga rito.
Tumblr media
Credits: pinoyadventurista.com
Tumblr media
Iba pang aktibidad:
• Animal chow: ₱100 per set • Zooc ride: ₱99 per person • Zing ride: ₱50 per ride • Horse ride: ₱50 per ride • Giant slide: ₱20 per slide • Zip ride: ₱200 per person • Clarkzilla 4x4 ride: ₱250 per person • Camel ride: ₱200 • Mountain bike ride: ₱100 per person for 15 minutes • ATV ride: ₱50 per person
Tumblr media Tumblr media
PASALUBONG
Ang Zoocobia Fun Zoo ay mayroong sariling tindahan kung saan maaaring makabili ng iba’t ibang klase ng pasalubong ang mga bumibisita rito. Sila ay nagbebenta ng damit, stuffed toys, palamuti sa katawan tulad ng kwintas at sombrero, at mayroon ding tindahan kung saan maaaring makabili ng laruan tulad ng sungka. Maaari ring mamili ng ibon na pinangangalagaan ng zoo na ito, ngunit ito ay ang mga maliliit na ibon lamang.
Tumblr media
Credits: pinoyadventurista.com
PAGKAIN
Sa loob ng Zoocobia Fun Zoo matatagpuan ang Cobi’s Lounge kung saan maaaring tumambay at kumain ang mga bisita ng naturang zoo. Ang lounge na ito ay nag-aalok ng pagkain na mayroong kanin at ulam, ngunit maaari ring makabili ng salad mula rito.
Tumblr media
Source: pinoyadventurista.com
FACTS
Ang Zoocobia Fun Zoo ang kauna-unahan at natatanging lugar na nag-alok ng camel ride sa buong Pilipinas.
Ang Zoocobia Fun Zoo ay pwede kahit sa mga taong nakawheelchair, ang lugar ay wheelchair-accessible ngunit ang ilang parte ay hindi pantay at bako-bako ang daan.
Tumblr media
PANGKALAHATANG KARANASAN
Ang Zoocobia Fun Zoo ay napakagandang lugar lalo na para sa mga taong mahihilig sa hayop o di kaya sa kalikasan. Sa laki ng lugar na ito, hindi ka magsasawang umikot dito at masdan ang ganda ng kapaligiran. Ang themepark na ito ay nakakarelax lalo na’t tahimik dito dahil na rin ito ay malayo sa kabihasnan. Napakaganda ng mga aktibidad na mayroon ito dahil sa aming pagpunta rito, tila ba nagamot nito ang aking inner child na hindi man lang nakaranas na makapunta sa mga ganitong lugar kasama ang aking pamilya. Ang pinakapaboritong ko sa pagpunta naming dito ay ang makasama ang aking dalawang pamangkin kung saan kitang-kita na enjoy na enjoy sila sa mga aktibidad, tulad nila, akin din namang naenjoy ang mga ito.
Tumblr media Tumblr media
1 note · View note