cesiauknow
Untitled
1 post
Don't wanna be here? Send us removal request.
cesiauknow · 3 years ago
Text
Ang Nakatagong Hiwaga ng Rivera, Aklan
Karaniwang nasa isip ng mga tao kapag naririnig ang Aklan ay ang Boracay, kung saan ito ang isa sa pinakakilalang lugar sa Pilipinas at isa sa mga naging dahilan ng mataas na antas ng turismo sa Pilipinas. Ngunit lingid sa kaalaman ng mga turista, marami pang nakatagong hiwaga ang Aklan.
Tumblr media
(Ang larawan ay mula sa The Independent)
Huli akong nagpunta sa Aklan kasama ang aking pamilya noong ako ay anim na taong gulang. Binisita namin ang naturang probinsya upang makilala ko ang pamilya ng aking ina at makita ko kung saan siya namulat at lumaki. Madaling araw pa lamang ay umalis na kami sa bahay papuntang Maynila upang sunduin ang aking auntie at pinsan upang sumabay papuntang pier na aming sasakyan papuntang Aklan. Kapag ang sasakyan papunta ay barko, dalawang araw ang gugugulin bago makapunta sa Aklan kung saan bababa sa munisipalidad ng Kalibo.
Tumblr media
(Ang larawan ay mula sa Project Lupad)
Pagkatapos na kami ay makababa sa Kalibo ay sumakay kami ng bus upang makapunta sa Libacao kung saan kami ay susunduin ng pamilya ng aking ina. Lubhang malubak ang daan noong mga panahon na iyon kaya’t kinakailangan na kami ay sumakay sa oner ng aking uncle upang makapunta sa barangay ng Rivera.
 Sa Rivera, makikita mo ang mga nakatagong hiwaga ng Aklan, bukod sa Boracay, hindi makakailang may nakatagong paraiso sa lugar na ito. Hindi kilala ang barangay ng Rivera, marahil sa kadahilanang ito lamang ay isang maliit na barangay, bukod doon, halos lahat ng nakatira sa barangay ay mga kamag-anak ng aking ina, isa sa mga uncle ng aking ina ang namamahala at namumuno sa barangay. Noong nakarating kami sa eksaktong lugar kung nasaan ang bahay ng aking lola, nabighani ako sa ganda ng lugar. Sa mura kong edad, ang natatanging nalalaman ko lamang sa Aklan ay ang Boracay, ngunit sa pagbisita naming sa lugar kung saan namulat ang aking ina, lumawak ang aking pang-unawa at unti-unti kong nalaman na may mga paraiso pa pala na hindi nadidiskubre ng mga turista. Ang harapan ng aming bahay ay isang bukid, kaunting lakad lamang ay makikita mo ang ilog at isang talon kung kami ay naligo kasama ang aking ina at ama. Malinaw at malinis ang ilog at ang talon, kakaunti lamang ang mga taong nakakaalam sa lugar na ito, bukod sa pamilya ng ina ko ay wala ng iba pang nakakaalam sa tagong lugar na ito kaya naman napakapayapa at huni lamang ng mga ibon ang iyong maririnig.
Tumblr media
(Kuha noong 2010)
Bukod sa napakagandang talon at ilog, masagana ang barangay Rivera sa prutas, gulay, karne at mga lamang dagat. Hindi mo kinakailangan na gumastos nang malaki sa aming lugar, kahit saan ka lumingon ay may pagkain, biyaya ng kalikasan na higit pang pinarami ng mga nakatira sa Rivera. Higit na ipinagmamalaki ng Rivera ay ang mga murang bilihin dito, marahil ay sagana sa mga ani at mga huli ang mga taga-rito, mura at sariwa ang mga ibinebenta kumpara sa siyudad at probinsya rito sa Luzon, makikita mo ang kanilang pagkakaiba. Isa pang maipagmamalaki mo kapag ikaw ay nakatira sa Rivera ay ang pagiging “walking distant” lamang ng Boracay sa lugar na ito kaya naman kamangha-mangha at maituturing kong isang magandang opurtunidad upang makilala ko hindi lamang ang pamilya ng aking ina kundi ang paraiso kinalakihan niya.
Tumblr media
(Ang litrato ay mula kay Christine Rebustes)
Tumblr media
Costa Leona (Ang larawan ay mula sa Cumaps.net)
Marami pang mga nakatagong lugar na hindi pa nadidiskubre ng mga tao, nakatago at payapa na kalikasan na ikagugulat ng nakararami sapagkat hindi lamang pala ang mga sikat na turismo sa Pilipinas ang magandang puntahan. May mga natatago pang mga paraiso na naghihintay na bisitahin at kilalanin. Hindi lamang ang Boracay ang pwedeng puntahan, marami pang iba, kagaya na lamang ng Costa Leona, isang maliit na paraiso sa Aklan na akala ng nakararami ay isa hamak na lugar lamang sa libro na isinulat ng mga otor, isa ito sa mga paraiso na nakatago sa Aklan at naghihintay na puntahan ng mga turista, ang talon na nakatago sa bayang ng aking ina na hindi nakikilala sapagkat ito ay pinoprotektahan ng mga punong nakatanim sa paligid nito. Ilan lamang ito sa mga lugar na maaaring mong puntahan kapag ikaw ay napunta sa Aklan. Ang hiwaga ay hindi lamang isang pagkakadiskubre ng mga mitolohikal o mga hindi kapani-paniwalang mga pangyayari, ang hiwaga ay nasa paligid, ang mga paraisong naghihintay na makilala at maalagaan ng sangkatauhan. Mayaman ang Pilipinas sa mga lugar na maaaring tangkilin ng mga turista ngunit sa paglipas ng panahon hindi na lamang ang mga nakasanayang mga lugar ang maaaring mapuntahan ng mga turista, bukas makalawa, may mga lugar na madidiskubre at maidadagdag sa listahan ng maaaring bisitahin sa ating bansa.
1 note · View note