Text
Ang Peke
Pambungad
Klinika ni Dr. Casas. Pagbukas ng tabing, makikita si Pilar na nakaupo sa mesa bilang nars na tagapaglingkod sa araw na iyon.
Eksena 1 (Pilar at Dr. Casas) Pilar: Kay tagal nang nakalabas ng doktor. Siguro'y mahirap ang operasyon. (Magpapatuloy sa kanyang gawain- si Dr. Casas mula sa Operating Room) O, natapos na palá, Doktor? Successful ba? Casas: Oo. Pastilan, napakahirap na operasyon. Parang dalawang operasyon. (Ang nars ay magdunol ng tuwalya at kukunin ang guwantes matapos itong hubarin ng Doktor.) Pilar: Anong orders, Doktor? Casas: Liquid diet, ha! Pilar: Kung sakaling lagnatin, ipaaalam ko na lang dito! Casas: Oo. At kung hindi lalagnatin, huwag bibigyan ng gamot. (Sa sandaling ito, mauunang aalis ang nars ngunit babalik din.) Pilar: Meron pa pala akong gustong sabihin sa inyo, Doktor. Naghihintay ho sa labas si Don Felix Gomez. Casas: Ha! Bakit hindi mo pinatuloy agad? Pilar: Hindi ko na muna pinatuloy dahil may ginagawa pa kayo. Casas: Puntahan mo agad. (Aalis si Pilar at babalik din kaagad, kasama si Eling)
Eksena 2 (Dr. Casas, Eling, at Pilar) Eling: Magandang umaga, Doktor! Casas: Magandang umaga naman! Tuloy kayo! (Tutuloy at uupo si Eling sa silyang itinuro sa kanya.) Ano po'ng maipaglilingkod ko sa inyo? Eling: Kasi ho, Doktor, matagal na po itong sakit ko at hindi ho gumagaling. Casas: Ano ba'ng nararamdaman mo? Eling: Kuwan... itong kung isasalaysay ko'y hindi ko kayang ilarawan ang aking dinaramdam. Aywan ko ba kung ano ito parang may sakit ako, parang wala... Hindi naman ako nilalagnat, pero ada! Aywan ko nga! Hindi ako makatulog sa gabi. Ang bituka ko ay ayaw tumanggap ng pagkain. Wala nang kasiyahan sa daigdig na makakalibang sa akin... Lagi na lamang akong nalulumbay. (Titigil). At wala na yatang gamot sa botika na di ko natikman sa dami ng ipinainom sa akin. Kilala mo ba ako? Casas: At sino ba'ng hindi nakakakilala sa iyo, Don Felix! Eling: Kaya nagsadya ako dito. Baka sakaling maalis itong aking karamdaman. Ano nga kaya ang sakit ko? Casas: Sinabi mong hindi ka makatulog... hindi makakain at para kang napapangitan sa mundo... Ngayon, meron akong itatanong sa iyo na baka sabihin mong walang kaugnayan sa iyong sakit, pero sagutin mo na rin. Puwede? Eling: Sige, magtanong ka lang at sasagutin ko. Casas: Magkano ang kinikita mo buwan-buwan sa iyong bahay at lupain? Eling: Hindi ko alam, Doktor, dahil ang administrador ko lang ang nakaaalam nito. Casas: Gayon ba? A, tatlong libo kaya? Eling: Baka higit pa dahil hindi naman iyan magkakasiya sa akin. Casas: Kung gayon! Aha... Maglakbay ka sa ibang dako ng daigdig... Makagagaling 'yan sa iyo. Eling: Huwag ka nang magsabi nang ganyan wala nang lugar sa mundo na hindi ko napasyalan. Dalawang taon ako sa Amerika... limang taon sa Europa.... nakarating na ako sa India... Ay, sa lahat! Sawa na ako riyan. Casas: Ganoon ba? Ano naman ang ginagawa mo araw-araw? Eling: Ako... wala. Laging tanghali na ang bangon ko. At saka, nakaupo lang ako buong araw. Hindi na ako namamasyal, dahil naguguluhan ako sa maraming tao. Ayaw kong magpunta-punta sa mga kasiyahan, at ako'y nababanas sa mga nagsasayaw at nagsasaya. Casas: Ilang taon na po ba kayo? Eling: Tatlumpu. Casas: Bakit naligaw kayo rito samantalang mayroon ka namang sariling doktor? Eling: Pumunta na ako sa lahat ng manggagamot at walang nakagaling sa akin. Casas: Ilang tanong na lang... huwag ka lang mainip, ha? Eling: Hindi. Tanungin mo ang nais mong itanong. Casas: Sinong mga kamag-anak mo? Eling: Ako?.. Malapit na kamag-anak, wala. Kaisa-isa akong anak. Patay na ang mga magulang ko. Mayroon akong mga kamag-anak, pero malalayo na. Pero anong kaugnayan nito sa aking sakit? Casas: Sandali lang... E, ... Hindi mo naisipang magkaroon ng sarili mong pamilya? Ayaw mo bang mag-asawa? Eling: Huwag mo na lang banggitin iyan sa akin! Casas: Makinig ka. Isa kang pasyenteng walang sakit. Iyang sakit mo'y hindi nakukuha sa gamot. (Nais tumayo ni Eling.) Makinig ka muna, kung hihingi ka ngayon ng gamot wala akong maibibigay sa iyo. Eling: Kaya? Kung wala akong sakit, bakit ako may sakit? Casas: Iyan ang sinasabi ko sa iyo. Ika'y may sakit pero walang sakit. Pero ang sakit mo'y higit na malala kaysa pinakamasahol na sakit. (Magtatangkang tumayo si Eling) Makinig ka na lang muna... Hindi ito biro. Ang sa iyo'y sakit ng lubhang pagiging mayaman. Wala kang bagay na ninanais dahil ang lahat ng bagay ay mapapasaiyo sa isang bigkas mo lang, sa pamamagitan ng iyong salapi. Sa mundo'y wala kang ni isang bagay na hinahabol, iyan ang dahilan kung bakit ang kalooban mo'y mahina at ang iyong katawa'y parang kasangkapang kinakalawang... Dito sa mundo'y kailangan natin ng isang hangarin. Kailangang ang bawat isa sa atin ay may minimithi sa buhay. Ang buhay ay hindi lamang pagkain, pagtulog, at pagbibigay sa katawan. Kailangan ng bawat isa ang isang pinapangarap na nais magkatotoo. Ngunit ikaw, dahil sa salapi mo'y matutupad kaagad ang iyong kagustuhan. Tigib ka man sa lahat-lahat, ang pinakamabuti sa iyo'y magkaroon ng isang tinitingalang pangarap na karapat-dapat sa iyo. (Titigil.) Eling: Siya nga? Ha ha ha... Kung mangangarap lang
ako'y gagaling na ako kaagad? Casas: Huwag kang tumawa at hindi ito katatawanan. Alam mo, kahit mayaman ka ay hindi ka magkakahalaga ng isang sentimo. Eling: Ha! (Tatayo) Hindi ako nagpunta rito para insultuhin mo! Casas: Magalit ka na nang magalit, pero ang sinasabi ko'y totoo. Kahit sino riyan sa mga kargador sa daungan ay mas mahalaga kaysa iyo. Sila'y may pakinabang sa kanilang sarili, sa kanilang pamilya, sa kanilang bayan. Pero ikaw liban sa pagkain, pamamasyal, at pagtulog, wala ka nang silbi. Eling: (Tatayo, sisinga-singa sa galit) Dr. Casas, mag-ingat ka sa iyong dila, at baka may mangyari sa iyo ngayon din! Casas: Sige! Magalit ka! Buntal! Sugod! (Susugod si Eling, pero siya'y mapapaupo sa silya, hahawak sa ulo) Ha ha ha... nakita mo na? Nariyan ang iyong sakit. Ang kawalang-sigla, ang kawalang lakas-loob, ang pagiging duwag! Bakit duwag ka? Sapagkat ika'y walang lakas. Ang mga bisig mo'y mahihina. Alam mong kung binuntal mo ako'y mabubulagta ka sa sahig sa aking ganti. Bakit ka mahina? Sapagkat wala kang ginagawa. Eling: Totoo ba ang sinasabi mo? Casas: Sadyang totoo, ka'mo! Kung magiging mahirap ka, halimbawa, walang magkakamaling magsasahod sa iyo kahit ilang sentimos bawat araw. Walang laman ang iyong ulo. Walang lakas ang iyong mga bisig. Hindi sanáy sa paggawa. Maniwala ka. Ang dahilan ng iyong sakit ay ang kayamanan mo mismo, iyang yamang hindi pinagpaguran ng iyong katawan. Eling: Ngayon? Anong kahihinatnan ng taong kagaya ko? Casas: Kung minsa'y mabuang, kung minsa'y magpatiwakal. Eling: Totoo? Casas: Hindi ba kung minsa'y may maligaya sa paningin natin, pagkatapos, basta na lang nagpapakamatay? Naalala mo 'yong isang taong mataas ang katungkulan sa Maynila na pinatay ang sarili sa gitna ng kanyang halamanan, sa harap ng kanyang palasyo? Iyan, ang magiging katapusan mo! Mayaman ka nga ngayon, pero hindi mo nalalasahan ang tunay na kapalaran sa mundo. Gusto mong kumain, hindi ka makakain, dahil hindi mo masikmura ang pagkain. Nais mong matulog, hindi ka makatulog, dahil ang pagtulog ay para makapagpahinga at bakit magpapahinga ang katawang walang ginagawa? Gusto mong mag-asawa, hindi mo magawa sapagkat lagi kang nagsususpetsa na ika'y iibigin lang nang dahil sa salapi mo... Eling: Totoo 'yan! Casas: Hindi ka minamahal ng lipunan sapagkat ang iyong puso'y wala ni katiting na pitak ng pagmamahal para sa kanya. Ang lipuna'y walang utang-na-loob sa iyo, at ika'y walang sisingilin sa kanya. Nakikita mo ba iyang malaking punongkahoy? Mayabong ang kanyang mga sanga't dahon pero sa kanyang lilim, mamamatay pati ang mga damo; walang tanim na nabubuhay! Ikaw iyan! Eling: Subalit nais kong maging totoong tao. Ibig kong lumigaya...anong dapat kong gawin? Casas: Kumain ka ng pagkaing pinagpawisan mo. Sa ngayon, ika'y isang taong "peke"... huwag kang magalit sa aking sinasabi. Ako'y isang manggagamot... ang isang may sugat na nagpapagamot ay talagang masasaktan sa paglalagay ng gamot. Ganyan ka ngayon, kailangan sa tao ang may hinahabol na bandila sa unahan... na may tinitingalang bituin; at para sa kanya ang tagumpay ay wala sa pagkakamit ng bituin ni sa pag-agaw ng bandila, kundi nasa pagsisikap at paghahangad kanila. Eling: Dr. Casas... ganyan pala? Magsalita... magsalita ka pa... Casas: Eto pa. Pumili ka ng babaeng tunay na iniibig mo at tunay ding nagmamahal sa iyo, sapagkat ang pinakadalisay at masiglang pag-ibig ang isang malaking lakas na makaaahon sa iyo sa pag-agos nito tungo sa maruming pusali... siyang tunay na ilaw na tatanglaw sa daang paakyat sa kaitaasan. At saka, kung may anak ka man, lalong mabuti at magkakaroon ka ng banal na kasiyahan: ang pag-aaruga sa kanila, pagpapalaki sa kanilang mabubuting taong maaari mong ialay para sa paglilinang ng lipunan, hindi parang putik, kundi parang bulawan. Eling (Tatayo): Dr. Casas, ipakikita ko sa iyong ako'y magiging totoong tao rin. Sinabi mong ako'y "peke"? May araw ding babalik ako sa iyo upang ipakita sa iyong may kabuluhan pa ako. Casas: Anong gagawin mo? Eling: Hindi ko na muna sasabihin. Sinabi mong matamis ang pagkaing binibili sa perang
pinagpaguran? Hahanapin ko ang pagkaing 'yan. Totoo ang sinabi mo, merong bagay sa mundo na hindi nabibili ng salapi... bagay na pagsisikap lang talaga ang kapalit... hahanapin ko ang mga bagay na iyan! Casas: A!... Ngayo'y masasabi ko sa iyong may maaasahan pa pala.
Buod ng Iba pang Bahagi ng Dulang "Ang Peke"
Pagkatapos ng pag-uusap nina Don Felix o Eling at Dr. Casas sa klinika kung saan tinanggap ni Eling ang hamon ng doktor na hanapin niya ang kabuluhan ng buhay at patunayang hindi siya "peke", ang sumunod na tagpo ay sa tabing-dagat, sa ilalim ng niyugan kung saan makikita ang bahay ng mga naninirahan sa balangay ng mga mangingisdâ. Sa lugar na ito ng mahihirap nakatira ang mag-asawang Alipio at Ingka gayundin ang kanilang mga anak na sina Quintin, Mayang, at Siyay. Dito rin nakatira ang manliligaw ni Mayang na si Goryo, anak ng pinakamayaman sa lugar na si Pascual, nagmamay-ari ng baling o malaking bangka, limampung punò ng niyog, at kaisa-isang bahay na tabla. Bagama't hindi gusto ni Mayang si Goryo ay mapipilitan siyang pakasalan ang binata dahil sa laki ng utang ng kanilang pamilya sa ama nito at sa pangako nitong hindi silá tatawad sa bugay o dote at bibigyan sila ng kalabaw, isang bagay na pinakaasam-asam ng kanyang magulang. Sa lugar na ito sumulpot si Eling na nagkunwaring naghahanap ng puwedeng mapasukang gawain kahit bilang saop o katulong lang. Tinulungan niya si Mayang sa pagbuhat ng baroto at bilang kapalit, binigyan siya ng dalaga ng bahaw na kanin at daing. Ito ang unang pagkain ni Eling na nagmula sa pagpapatulo niya ng pawis. Naging mabuti si Mayang sa kanya na nagbigay pa ng suhestiyong pumasok siya bilang mananangot sa niyugan ni Pascual. Sa pamamalagi ni Eling sa lugar na ito ay muli silang nagkita ni Dr. Casas. Katunayan, kaya palá pinili ni Eling na rito magpunta ay dahil alam niyang naririto ang asyenda ng doktor. Gusto niyang makita nito kung paano siya magiging totoo at lalayo sa pagiging "peke". Sinabi niya sa doktor na iniwan niyang lahat ang kayamanan at ari-arian sa kanyang mga tauhan at pinagbilinan silang pupunta siya sa malayong lugar sa loob ng isang taon. Wala siyang dinala kahit isang sentimo at nagpasiyang sa loob ng panahong ito ay kakain lang siya ng mula sa kanyang pinagpaguran. Sa pagdaraan ng araw ay naging malapit sa isa't isa sina Eling at Mayang. Nakatagpo ng pagmamahal si Eling kay Mayang at gayundin naman ang naramdaman ng dalaga para sa binata subalit ito ay naging dahilan ng pagseselos ni Goryo. Ayaw rin ng ina ni Mayang na si Ingka na magkalapit sina Mayang at Eling dahil inakala niyang ang binata ay musimos o mahirap pa sa daga at isang hamak na mananangot lamang. Subalit hindi napigilan ang tunay na pag-ibig na nararamdaman nina Mayang at Eling para sa isa't isa. Sa kabila ng pagtutol ng mga tao sa kanilang paligid ay umiral ang wagas na pag-ibig. Kinausap ni Dr. Casas si Eling at ipinaalalang hindi sila magkabagay ng kalagayan ng dalaga subalit binalewala ito ng binata. Sinabihan din ng butihing doktor si Mayang na si Eling ay labis na maralita subalit ipinagdiinan ng dalaga na mas mamatamisin pa niyang tumira sa dampa kaysa sa palasyo at mamatay sa gutom sa piling ni Eling kaysa maikasal sa hindi niya minamahal. Bilang paghahanda para sa pamamanhikan ng pamilya ni Goryo kay Mayang ay ipinadala ng ama niyang si Pascual kay Eling ang tuba na tinatawag na dama juana sa taniman ng dalaga. Sinamantala ng dalawa ang pagkakataong ito para muling makapag-usap. Sa gabi nga ng pamamanhikan ng pamilya ni Goryo ay nagtanan sina Mayang at Eling. Magdamag silang naglakad palayo sa lugar nina Mayang at nang makarating sa lungsod ay nagpakasal. Pagkatapos ay isinama ni Eling si Mayang sa kanyang malapalasyong tahanan. Labis ang pagtataka ni Mayang kung kanino ang tahanang ito at kung ano ang kaugnayan ni Eling sa may-ari nito. Maging ang mayordomo at mga utusan ay nagtaka at nagulat din sa mga pangyayari. Katunaya'y hindi nila agad nakilala si Eling hanggang sa ibulong nito sa kanila kung sino siya. Ipinagtapat ni Eling kay Mayang ang ginawa niyang pagpapanggap at ang katotohanan tungkol sa kanya. Noong una'y nahirapan si Mayang na tanggapin ang ipinagtapat ng asawa dahil alam niyang hindi siya nababagay sa kalagayan nito subalit natanggap din niya ang magandang kapalaran. Maya-maya'y dumating ang humahabol na sina Quintin, Ingka, at Alipio. Nagtaka sila kung ano ang ginagawa ni
Mayang at ng inaakala nilang hampaslupang si Eling sa malapalasyong tahanan. Nang humarap sa kanila ang binata at ipaliwanag ang lahat ay hindi pa rin sila makapaniwala hanggang sa dumating si Dr. Casas at sinabing ang lalaking binusabos nila sa loob ng isang taon ay walang iba kundi ang mayamang si Don Felix.. Dito na humingi ng tawad si Ingka sa binata. Nagpasalamat nang labis si Eling kay Dr. Casas at sinabing utang niya sa butihing doktor ang kanyang magandang kapalaran ngayon. Ipinangako rin niya ang pagpapatuloy sa panggagamot sa kanyang sakit dahil sinabi ng doktor na ang malaking bahagi ng kanyang sakit ay galing sa kawalan ng pangarap na titingalain sa itaas, na ang inatupag niya'y pawang pangangailangang pangkatawan lamang at iniwan ang espiritwal na hangarin, at ang kasawiang kinasadlakan niya'y ang pinakamasahol na maaaring mangyari sa isang tao. Alam niyang marami pa siyang kailangang ayusin at baguhin para maituring na makabuluhan ang kanyang buhay. Sinabi ng doktor na marami pa siyang pagdaraanang paghihirap para maituring na makabuluhan sa lipunan subalit pinanindigan niyang wala siyang kahirapang hindi kakayanin lalo pa't ang mga kamay ng kanyang pinakamamahal na si Mayang at ang kanyang mga kamay ay magkadugtong na. Hindi nagtagal at dumating na rin sina Goryo at Pascual. Sa pagtatapos ng eksena ay ipinaliwanag ni Eling sa lahat ang ginawa niyang pagpapanggap. Humingi siya ng tawad nagawa niyang panlilinlang para maitago ang tunay niyang katayuan. Pinangakuan niya si Pascual na babayaran niyang lahat ang gastos at pagkakautang ng pamilya ni Mayang sa kanya. Habang umiiyak ay akmang luluhod si Pascual bilang paghingi ng tawad sa kanyang dating mananangot subalit pinigilan siya ni Eling. Inaya niya ang lahat para sa isang kasayahan. Sa gitna ng pagsasaya ay ipinaalam niya sa lahat na si Dr. Casas ang naging responsable para magbago ang dating taong "peke" na ngayo'y nagsusumikap at natuklasan ang tunay na kabuluhan ng buhay.
4 notes
·
View notes
Text
MGA HUDYAT NG PAGSANG-AYON AT PAGSALUNGAT
Layunin nitong hikayatin ang mga tagapakinig na tanggapin ang kawastohan ng kanilang paniniwala sa pamamagitan ng tuwirang pagpapahayag. Ang pangangatuwiran ay isang pahayag na nagbibigay ng sapat na katibayan upang maging kapani-paniwala o katanggap-tangap sa sinoman. Bahagi na ng araw-araw na pakikipag-ugnayan ng tao ang pagsang-ayon at pagsalungat sa mga paksang pinag-uusapan. Hindi lahat ng mga detalye o mensahe ng pahayag ng kausap ay sinasang-ayunan o tinututulan. Sa pagsasaad ng pagsang-ayon at pagsalungat ay mahalagang maunawaan nang lubos ang pahayag upang makapagbigay ng katuwiran na magpapatibay sa ginawang pagsang-ayon o pagsalungat.
Sa pagsasalita, ang galaw ng katawan gaya ng pagtango at pag-iling ay nagsisilbing hudyat ng pagsang-ayon o pagsalungat. Nagsisilbing hudyat din ang tono, himig, at diin ng pagsasalita na maaaring gamitan ng mababa o mataas na boses batay sa paraan ng pagpapahayag. Sa paglalahad ng sariling pananaw at opinyon sa anyong pasulat, mahalagang malaman ang mga salitang magbibigay ng hudyat ng iyong pagsang-ayon o pagsalungat sa puntong iyong nabasa o napakinggan.
Narito ang mga hudyat na maaring gamitin batay sa uri pagpapahayag:
1. Salitang Sumasang-ayon. Naghuhudyat ito ng pagpayag o pagpanig sa isang pananaw o punto. Karaniwang ginagamit ang mga salitang oo, opo, totoo, tunay, talaga, tama, at iba pang kauri nito.
Halimbawa:
1. Totoo ngang nakakabahala ang Covid-19.
2. Tunay nga na mapagmalasakit ang mga Pilipino.
3. Tama lamang na huwag lumabas ng bahay sa panahon ngayong may pandemya.
2. Salitang Sumasalungat. Naghuhudyat ito ng hindi pagpanig o hindi pagsang-ayon. Nagpapakita rin ito kung paano nagkakaiba ang dalawang ideya. Karaniwang ginagamit ang mga salitang tulad ng ngunit, datapwat, subalit, bagamat, hindi, at iba pang mga kauri nito.
Halimbawa:
1. Hindi ako naniniwala na maraming gustong maging mayaman pero walang ginagawa.
2. Mali ang ginawang mong panghuhusga sa kapwa.
3. Ngunit hindi dahilan na mahalin ka niya na walang paninindigan.
0 notes
Text
AMERIKANISASYON NG ISANG PILIPINO
Ponciano B.P. Pineda
Ang de-amerikanisasyon ng isang Pilipino ay isa sa pinakamalaking tungkuling dapat nating gampanan sa ating kasalukuyan. Ang Amerikanisasyon ay isang sakit na tumalamak na sa katawan ng ating lipunan. Bunga nito ang maraming kapansanan ng bayan.
Isang simulaing cardinal, katotohanan palibhasa, na ang isang Pilipino’y mahalagang sangkap ng buong pamayanang Pilipino. At ang pinagsama-samang indibidwal, ang katipunan ng lahat ng mga mamamayan ng bansang ito, ang bumubuo ng Sangkapilipinuhan. Habang mahina, habang ‘di ganap ang pagka-Pilipino ng kabuuang ito ay ‘di tayo makapagtatayo ng isang lipunang tunay na Pilipino, ni ng pamahalaan at pangasiwaang tunay na Pilipino. Ang ugat ng dahilan ay nasa uri ng edukasyon ng isang Pilipino.
Tignan natin ang isang pangyayari bilang halimbawa. Ipalagay nating heto ang isang batang Pilipino. Ang kanyang pamilya’y kabilang sa mga may kaunting pribilehiyo sa buhay. Bagay na isinisiwalat ng kanilang katayuang ekonomiko. Ang batang paksa ng kwento’y nakarinig sa unang pagkakataon at nanggaya sa unang pagkakataon, sa pabulol na pamamaraan, ng mga salita ng kanyang ina’t ama. “That’s the light,” sasabihin ng ina, sabay turo sa bumbilyang nagliliyab sa kisame ng bahay. “Now,” sasabihin ng bata, “where’s the light.” Ituturo ng bata. “There!” sasabihin ng ina. Paulit-ulit. “That’s your Mommy”, sasabihin ng ama. “Say, Mommy.” Gagayahin ng bata. “He’s your Daddy,” sasabihin ng ina. “Say, Daddy.” Gagayahin ng bata. Ganyan ang simula.
Ang batang ito, pagsapit ng isang panahon, ay ipapasok sa kindergarten. Doon ay maririnig din niya ang wikang naririnig sa kanyang Daddy at Mommy. Bibigyan siya ng manipis na aklat na may malalaking drowing at nandidilat na mga letra. Ituturo sa kanya ng titser. “Apple”. “Epol,” wika ng bata. “Snow” sasabihin ng guro. “Isno,” wika ng bata. “Eagle,” ang wika ng titser. “Igel,” gagad ng bata. Ang paaralang ito, nais kong idugtong ay eksklusibo. Para lamang sa may kayang magbayad ng malaki. Ari ng dayuhan at pinamumunuan ng mga relihiyoso.
Papasok ang bata sa regular na grado, sa paaralang ito rin: ari ng mga dayuhan; pinamumunuan ng mga relihiyoso. Mababasa na niya ang mga liubrong bumabanggit ng mga daan sa New York at sa Washington, D.C. Mamamasid niya ang Central Park at Times Square. Ang batang ito na nagsisimula pa lamang ay may guniguni nang lumipad sa lupalop na malayo sa kanyang tinubuan.
Ang batang paksa natin ay lumalaki, mangyari pa at nagkakaisip. Tuwing kakausapin siya ng kanyang Daddy at Mommy ay sa wikang Amerikano. Ngunit may mga ibang tao sa kanilang tahanan: ang mga taong iyon ay alila o utusan kung tawagin ng kanyang Mommy at Daddy. Nakikita niyang ang mga ito’y tagapaglinis ng bahay, tagapagluto sa kusina, tagapamili sa palengke, tagapagpaligo niya, at malimit na inaalimura ng kanyang mga magulang. Ang mga taong ito, kung kausapin ng kanyang Daddy at Mommy ay sa Tagalog. Hindi siya kinakausap sa wikang iyon ng kanyang Daddy at Mommy. Kaya, sa kanyang batang puso at utak ay tila mandin napagbubukod niya ang kagamitan ng dalawang wika: Ingles ang ginagamit ng kanyang mga magulang sa pakikipag-usap sa kanya; Tagalog sa pakikipag-usap sa mga alila o utusan. Ito’y kanyang mapagkakalakhan at kahit na tumanda’y iisipin niya, ipamamansag niya sa katunayan, na ang wikang Tagalog ay ginagamit lamang sa mga alila.
Ang batang ito’y patuloy sa paglaki. Palaging librong Ingles ang kanyang binabasa, palaging Ingles-Amerikano, pagkat mga Amerikano ang awtor. Dahil dito’y ayaw na rin niyang bumasa ng ano mangsinulat ng kanyang mga kababayan sa wikang kanyang kinagisnan. Ang librong nasusulat sa Tagalog ay nagiging kasuklam-suklam sa kanya. Sa tahanan ay exposed siya sa telebisyon – sa mga programang ginaganap sa wikang kanyang pinagkamalayan. Gayon din ang kanyang pinanood sa mga sine. Kahit Class B, o Class C sa kanya’y pinakamagaling pagkat mga artistang Amerikano ang nagsisiganap. Samantala, ang pelikulang Tagalog ay bulok sa kanya, walang pasubali.
Siya’y isang ganap nang mamamayan, marahil ay mayroon nang pananagutan sa buhay. Ngunit mayroon siyang sariling daigdig na kinikislapan ng pumikit-dumilat na samut-saring kulay ng ilaw-dagitab sa piling ng mga nagsasalita ng Ingles. Malayo sa kanya ang ibang daigdig, ang lalong malaking dagidig. Ito’y ang lipunan ng mga nakabakya, ng nagsisipagsalita ng katutubong wika. At sa ganyan ay sumilang ang malaking pagitan ng mga Pilipinong pribilihiyado sa buhay at ang masa ng ating bayan.
Totoong humaba ang simpleng kwentong aking isinalaysay. Ngunit gaya ng inyong napansin, ito’y naglalarawan ng yugtu-yugtong pagkahubog ng isang batang Pilipino sa pagiging Amerikano sa isip, sa salita at sa gawa. Ang trahedyang ito’y nakaturo sa ating sistema ng edukasyon. Nang pumasok ang mga Amerikano sa Look ng Maynila’y dala na nila ang sistema ng paturuang Amerikano.
Ayon sa kasaysayang sinulat ng mga dayuhan at ng mga Pilipinong gumagamit ng salaming dayuhan – pumarito ang mga dayuhan upang hanguin tayo sa barbarismo. Bibigyan daw nila tayo ng edukasyon. Binigyan nga, edukasyong popular pagkat sa simulain ay bukas sa lahat ng mga mamamayan. Ang wikang panturo ay Kano. Ang mga asignatura’y hulwad sa Kano. Malayo na ang panahong iyon ng pagdaong ni Dewey sa ating pasingan, ngunit narito pa rin ang mga bakas. Isa tayong kolonya hanggang ngayon. Ang sistema natin ay tunay na kolonyal.
Marahil ay ‘di totoong mga Amerikano lamang ang dapat nating sisihin. Tayo man naman ay may kasalanan. Sa kabila ng katotohanang binigyan tayo ng kalayaang pampulitika, tayo nama’y pinanatiling nakagapos sa kaalipinang ekonomiko at edukasyonal. Sa panahon ay humihingi tayo ng pag-aaral sa ating mga suliranin sa pagtuturo. Ang hinihiling nating gumawa nito’y ang ating dating panginoon, ang mga Amerikano. Sila rin ang nagmumunyi sa atin ng mga kalutasan. At kung ‘di magbunga nang maigi, tayo ang nagdurusa. Kasalanan natin, ngunit ‘di nating gustong magkaganito. Biktima tayo ng kasaysayan. Ganito ang ating palad. Gayunman, ang tanong ko’y ‘di na ba tayo bubulas,’di na ba tayo magiging ganap na lalaki at ganap na bansa – sui juris sa lenggwahe ng batas.
Ang wika at edukasyon ay magkaugnay. Ngayon ay marami pang tulong sa edukasyon na kaloob ng Estados Unidos. Hindi natin matiyak ang mga tali ng tulong na ito. Sa kawalan ng mapanghahawakang kongkretong ebidensya’y makapagbibigay lamang tayo ng mga hinuha. Maaaring sabihing ang kaloob sa atin ay udyok ng damdaming altruistiko ng ating dating panginoon. Ito kaya’y kapani-paniwala? Hindi ba’t sa maraming pagkakataon ay lumilitaw ang katotohanang sa kapakanang Amerikano lamang ang paglilingkod na ginawa rito ng mga Amerikanong kinatawan ng Pamahalaang Amerikano at pati ng kanilang mga ahenting na-“brain wash” pagkatapos magtamasa ng kwalta ng iskolarsyip at grant? Isang kababawan, kung ‘di man katunggakan ang mag-akalang tunay na nagbubuhos dito ng salapi at panahon ang Estados Unidos dahil lamang sa kapakanang Pilipino. Sa katunaya’y naglilingkod sila sa kapakanan ng Estados Unidos at sa kalwalhatian ng Union. Ito ang hinahangaan ko sa mga Amerikano, kahit sila saan magtungo, kalian mang panahon, ay nananatili silang Amerikano. Kapos tayo sa bagay na ito. Tayo pa nga ang tumatayong tagapagtanggol nila, na para bagang kailangan pa nating ipagtanggol sila.
Ang isang Pilipino, lalo na ang kabilang sa pamilyang ginawa kong halimbawa sa simula ng komentaryong ito, ay medaling maging Amerikano. Kaawa-awa ang bayang ito! Ang lahat ng ating pagsisikap na maging tunay na Republikang Pilipino ay mabibigo habang dayuhan ang sistema ng ating paturuang pambansa. Tunay na kailangan ang pagbabago, ang rebolusyon sa laranang ito.
Ngayon ay may isang Komisyong nilikha ang Pangulo upag pag-aralan ang sitwasyon ng edukasyon sa ating bayan. Sana’y maging tunay na Pilipino ang ibubunga ng Komisyon. Huwag sanang kaligtaan nito ang kahalagahan ng wikang panturo. Nababatid kong nasa kamay na ng komisyon ang maraming pag-aaral ng Kawanihan ng Paaralang Bayan tungkol sa bagay na ito. Nababatid na rin nito marahil ang tagubilin ng Lupon sa kurikulum, pati na ang paninindigan ng Lupon sa Implementasyon. Hindi ako isang manghuhula, ngunit masasabi ko nang walang alinlangan; na habang nabibidbid ang ating paturuang pambansa sa sistemang Amerikano, at habang tinatagikawan tayo ng wikang Amerikano, mananatili tayong second rater lamang sa edukasyon, mangagagaya at bayang walang bait sa sarili.
Ang Wikang Filipino’y handa upang gamitin sa deamerikanisasyon ng isang amerikanisadong mamamayang Pilipino.
1 note
·
View note
Text
SI PINKAW (Maikling kwentong Hiligaynon) ni: Isabelo S. Sobrevega
Naalimpungatan ako sa pag-idlip nang hapong iyon dahil sa napakaingay na sigawan at tawanan ng mga bata sa lansangan. Napilitan akong bumangon, nagpahid ng pawis at dumungaw sa bintana. Si Pinkaw pala na sinusundan ng mga bata. May karga-kargang kung ano at pasayaw-sayaw na naglalakad. Gula-gulanit ang kanyang damit na ilang ulit nang tinagpian, at ang isang paa’y may medyas na marahil ay asul o berde. Hindi ko matiyak dahil malayu-layo na rin ang kanyang kinaroroonan. Sa kabilang binti, may nakataling pulang papel na may nakakabit na lata ng gatas sa dulo. Sa kanyang ulo, may nakapatong na palarang kumikinang tuwing tinatamaan ng araw. “Hoy, Pinkaw,” sigaw ng isang batang nakasandong abot tuhod at may itinatawing-tawing na daga, “kumanta ka nag ng blak is blak.” “Sige na, Pinkaw,” udyok ng iba pang mga bata. “Ayoko nga, nahihiya ako,” pakiyemeng sagot ng babae sabay subo sa daliri. “Kung ayaw mo, aagawin naming ang anak mo!” nakangising sabat ng pinakamalaki sa lahat. Mahaba ang buhok at nakakorto llamang. At umambang aagawin an gang karga ni Pinkaw. Umatras ang babae at hinigpitan pa ang yapos sa kanyang karga. Nagsigawan ang mga bata habang pasayaw-sayaw na pinalilibutan si Pinkaw. “Sige, agawin natin ang kanyang anak,” sabi nila sabay halakhak. Maya-maya’y nakita kong sumalampak si Pinkaw at nag-iiyak na tumadyak-tadyak sa lupa. “Huwag ni’yo namang kunin ang anak ko. Isusumbong ko kayo sa mayor.” Patuloy pa rin ang panunudyo ng mga bata sa babae. Lalong lumakas ang hagulgol ni Pinkaw. bata! Naawa ako sa babae at nainis sa mga bata. Kaya’t sinigawan ko sila upang takutin. “Hoy, mga bata! Mga salbahe kayo. Tigilan n’yo iyang panunukso sa kanya.” Marahil natakot sa lakas ng pagsigaw ko ang mga bata kaya’t isa-isang nag-alisan. Nang wala na ang mga bata, tumingala sa akin si Pinkaw at nagsabing: “Meyor, kukunin nila ang aking anak.” Hindi ko napigilan ang pagngiti. May koronel, may sardyen, may senador siyang tawag sa akin at ngayon nama’y mayor. “O sige, hindi na nila kukunin iyan. Huwag ka nang umiyak.” Nginitian niya ako. Inihele ang karga. Nahulog ang basahang nakabalot doon at nakita kong lata pala iyon ng biskwit. Dali-dali niyang pinulot iyon at muling ibinalot sa lata. “Hele-hele, tulog muna, wala rito ang iyong nanay...” ang kanyang kanta habang ipinaghehehe at siya’y patiyad na sumasayaw-sayaw. Natigilan ako. Lumala na ang pagkaloka ni Pinkaw. Nakakaawa naman. At naalala ko ang Pinkaw na dating kapitbahay naming sa tambakan, nang hindi pa iyon nababaliw.
Paghahalukay ng basura ang kanyang hanapbuhay (narito sa amin ang tambakan ng basura ng siyudad); ditto siya nakakuha ng makakain, magagamit o maipagbibili. Dati-rati, madalas siyang kumakanta. Hindi kagandahan ang kanyang patagulaylay na pagkanta. Habang tumutulak sa karitong may tatlong gulong, pababa sa lubak-lubak at maputik na lansangan, sinusundan siya ng mga asong kumakahol. Isang bagay lamang ang mapupuna mo sa kanya—lagi siyang kumakanta. Hindi naman maganda ang kanyang boses—Basag nga at boses lalaki. Subalit may kung anong kapangyarihang bumabalani sa pandinig. Marahil dahil ito sa malungkot na tono ng kanyang awit o marahil sa iyong pagtataka kung bakit ganoon siya kasaya gayong naghahalukay lamang siya ng basura. Kadalasan, oras na ng pananghalian kung siya’y umuwi mula sa tambakan. Ang kariton niya’y puno ng mga karton, papel, bote , basahan, sirang sapatos; at sa bag na buri na nakasukbit sa gilid ng kariton, makikita mo ang kanyang pananghalian. Mga tira-tirang sardinas, karne norte o kaya’y pork-en-bins, pan de sal na kadalasa’y nakagatan na, at kung minsang sinuwerte, may buto ng prayd tsiken na may lamang nakadikit. Sa kanyang payat na katawan, masasabing tunay na mabigat ang kanyang itinutulak, ngunit magugulat ka, tila nagagaanan siya at madalas pang kumakanta ng kundimang bisaya. Pagdating niya sa harap ng kanyang barungbarong, agad niyang tatawagin ang mga anak: “Poray, Basing, Takoy, nanadito na ako.” At ang mga ito’y kaagad magtatakbuhang magkasalubong sa kanya habang hindi magkaringgan sa pagtatanong kung may uwi siyang jeans na istretsibol; ano ang kanilang pananghalian, nakabili raw ba siya ng bitsukoy? Dalawang taon kaming magkapitbahay ngunit hindi ko man lang nabatid ang tunay niyang pangalan. “Pinkaw” ang tawag ng lahat sa kanya.
Ayon sa kanya, balo na raw siya. Namatay ang kanyang asawa sa sakit na epilepsy habang dinadala niya sa kanyang sinapupunan ang bunsong anak. Subalit sinusumpa ni Pisyang sugarol sa kanyang paborit ong santo na hindi raw kailanman nakasal si Pinkaw. Iba-iba raw ang mga ama ng kanyang tatlong anak. Ang kanyang panganay na si Poray, ay labis na mataas para sa kanyang gulang na labintatlong taon at napakapayat. Tuwing makikita mo itong nakasuot ng istretsibol na dala ng ina mula sa tambakan, agad mong maaalala ang mga panakot-uwak sa maisan. Si Basing ang pangalawa, sungi na ngunit napakahilig pumangos ng tubo gayong umaagos lamang ang katas nito sa biyak ng kanyang labi. Ang bunso na marahil ay mga tatlong taon pa lamang ay maputi at gwapong-gwapo. Ibang-iba siya sa kanyang mga kapatid kaya minsa’y maiisip mo na totoo nga ang sinasabi ni Pisyang sugarol. Pagkatapos mananghalian, aalisin na ni Pinkaw ang laman ng kariton, ihihiwalay ang mga lata, ang mga bote, ang mga karton, at iba pang bagay na napupulot sa tambakan katulong ang kanyang mga anak, at ang suungi ang siyang pinakamalakas na tinig. Pagkatapos, itutulak na niya ang kariton patungo sa Intsik na tagabili. Mahal na mahal ni Pinkaw ang kanyang mga anak. Sa tambakan, karaniwang makikita mo na sinasaktan ng mga ina ang kanilang mga anak, ngunit hindi mo man lang makikita si Pinkaw na inaambaan ang kanyang mga anak. “Ang mga bata,” nasabi niya minsang bumibili ng tuyo sa tindahan at nakitang pinapalo ng isang ina ang maliit na anak na nahuling tumitingin sa malalaswang larawan. “Hindi kailangang paluin; sapat nang sabihan sila nang malumanay. Iba ang batang nakikinig sa magulang dahil sa paggalang at pagmamahal. Ang bata kung saktan, susunod siya sa iyo subalit magrerebelde at magkikimkim ng sama ng loob.” Sa tunggalian ng kabuhayan sa tambakan, kung saan ang tao ay handang tumapak sa ilong ng kapwa-tao upang mabuhay, nakapagtataka ang katangian ni Pinkaw. lubha siyang matulungin, lalo na sa katulad niyang naghahalukay lamang ng basura. Madalas siyang tumutulong sa pagtutulak ng kariton ng iba, lalo na ng matatanda at bata. Sinasabi rin na sa pagsisimba niya tuwing linggo’y hindi kukulangin sa beinte sentimos ang ipinamamahagi niya sa pulubi. Batid ng lahat sa tambakan ang mga ito.
Minsan, nagkasakit ng El Tor ang sunging anak ni Pinkaw. Nagtungo siya sa suking Intsik. Nakiusap na pautangin siya. Magpapahiram naman daw ang Intsik ngunit sa isang kundisyon. Bukambibig na ang pagkahayok sa babae ng Intsik na ito, kaya pinagdugtong-dugtong ng mga taga-tambakan kung ano ang kundisyong iyon, sapagkat wala naman talagang nakasaksi sa pag-uusap ng dalawa. Batid na ng lahat ang sumunod na nangyari. Ang pagkabasag ng kawali na inihambalos ni Pinkaw sa ulo ng Intsik. Hindi rin nadala ni Pinkaw sa doctor ang kanyang anak. Pag-uwi niya, naglaga siya ng dahon ng bayabas at ipinainom sa anak. Iyon lamang ang nagpagaling sa bata. “Nagpapatunay pa rin na may awa ang Diyos. Kung ninais niyang mamatay ang aking anak, sanay namatay na. Ngunit dahil nais pa niyang mabuhay ito, nabuhay na kahit hindi naipaduktor,” sabi ni Pinkaw nang magpunta siya sa tindahan bago pa man gumaling ang kanyang anak. Minsan, napag-usapan ng mga nagtitipon sa tindahan ang tungkol sa bigas, relip, at iba pang bagay na ipinamimigay ng ahensya ng pamahalaan na nangangalaga sa mahirap. Subalit si Pinkaw na nagkataong naroroon, “Bakit iaasa ko sa pamahalaan ang aking pamumuhay? Malakas at masigla pa naman ako sa pagtutulak ng aking kariton upang maging palamunin. Marami pang iba riyan na nararapat bigyan ng tulong. Ang hirap lang sa ating gobyerno, kung sino ang higit na nangangailangan ay siyang hindi tinutulungan. Ngunit ang ibang tao riyan na mabuti naman ang kalagayan sa buhay ang siyang nagkakamal ng tulong. Kalokohan...” Iyan si Pinkaw. kontento na siya sa kanyang maaabot sa buhay. Naganap ang susunod na pangyayari ng wala ako sa amin sapagkat nasa bahay ako ng kapatid kong maysakit. Isinalaysay na lamang ito ng aking mga kapitbahay pagbalik ko, at matinding galit ang aking nadama sa kanila. Isang araw pala, matapos mananghalian ang mag-anak, bigla na lamang namilipit sa sakit ngtiyan ang mga bata. Marahil, sardinas o anumang panis na pagkain ang naging sanhi nito. Natuliro si Pinkaw. Nagsisigaw.
Tumakbo sa mga kapitbahay upang humingi ng tulong. Ngunit wala silang maitulong maliban sa pagsasabihan siyang dalhin ang anak sa ospital. Walang nagdaraang sasakyan sa kalyehon kaya sa kariton isinakay ni Pinkaw ang mga anak. Nagtungo siya sa bahay ng doctor na malapit lamang, ngunit wala ang duktor sapagkat naglalaro raw ito ng golf, ayon sa katulong. Kaya natatarantang itinulak ni Pinkaw ang kanyang kariton sa isa ppang duktor. Matagal siyang tumimbre sa trangkahan ngunit walang nagbukas gayong nakita niyang may sumisilip-silip sa bintana. Litong-lito, itinulak na naman ni Pinkaw ang kanyang kariton papuntang bayan. Halos din a makakilos sa pangangapos ng hininga, bukod pa sa lubhang kalungkutan sa pagiging maramot ng kapalaran. Ipinagpatuloy niya ang pagtulak ng kariton. Nang makarating siya sa punong kalsada, maraming sasakyan siyang pinapahinto upang isakay ang maysakit na mga anak, ngunit wala ni isa man lang ang tumigil. Maya-maya’y napansing hindi na kumikilos ang kanyang panganay. Sinalat niya ito at parang sinakluban siya ng langit nang mabatid niyang ito’y hindi na humihinga. Humahagulgol niyang ipinagpatuloy ang pagtulak ng kariton upang sikaping mailigtas ang buhay ng dalawa pa niyang anak. Maraming tao ang nagmamasid lamang sa kanya ngunit nakapagtataka kung bakit wala man lang kahit isa ang lumapit sa kanya upang tumulong. Tumatalbog-talbog ang katawan ng kanyang mga anak sa kariton tuwing dumaraan ito sa lubak-lubak na kalsada. Pakiramdam niya’y isang daang taon na lumipas bago niya narating ang ospital ng pamahalaan. Matapos ang pagtuturuan ng mga duktor at nars, na ang binibigyang pansin lamang ay ang mga pasyenteng mukhang mayaman, nalapatan din ng gamut ang dalawang anak ni Pinkaw.
Kinagabiha’y namatay si Basing, ang sungi. Dalawang araw pa ang lumipas at sumusunod namang namatay ang bunso. Nakarinig na naman ako ng mga ingay. Muli akong dumungaw. Bumalik si Pinkaw, sinusundan na naman ng mga pilyong bata.
“Hele-hele, tulog muna. Wala rito ang iyong nanay...” ang kanta niya habang ipinaghehele sa kanyang mga bisig ang binihisang lata.
3 notes
·
View notes
Text
Mga Hudyat sa Pagkakasunod-sunod ng mga Pangyayari
(GENYO: Angeles, M., Pariente, A., Tapar, I., Del Mundo, D., (2019) Filipino ng Lahi 10: Makati City. DIWA LEARNING SYSTEMS INC.)
May ilang paraan para maging maayos at malinaw ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Mahalaga ito sa pagkukuwento ng isang naratibo at pagbibigay ng panuto. Pansinin ang mga sumusunod na halimbawa:
1. Paggamit ng mga pang-uring pamilang na patakaran/kardinal (isa, dalawa, tatlo...) at pamilang na panunuran/ordinal (una, ikalawa/pangalawa, ikatlo/pangatlo...)
2. Paggamit ng mga salitang nagpapakita ng time sequence, gaya ng una, kasunod, at panghuli.
2 notes
·
View notes
Text
Angkop na Pahayag sa Pagbibigay ng Sariling Pananaw
(GENYO: Angeles, M., Pariente, A., Tapar, I., Del Mundo, D., (2019) Filipino ng Lahi 10: Makati City. DIWA LEARNING SYSTEMS INC.)
Sa pagpapahayag ng opinyon o pananaw, dapat matiyak kung nanghihikayat o nangangatwiran ang nagpapahayag. Kailangang lagpasan ang opinyon at mapalutang ang katotohanan upang maging epektibo ang pagsusuri.
Sa pamamagitan ng paglalagay ng mga parirala sa simula ng pangungusap, maihuhudyat na ang pahayag ay sariling opinyon o pananaw. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
- Ang paniniwala ko ay... - Ayon sa nabasa kong datos... - Hindi ako sumasang-ayon sa sinabi mo dahil... - Para sa akin... - Sa aking palagay... - Sa tingin ko ay...
0 notes
Text
Digmaang Troya (Aklat XVIII ng Iliad ni Homer)
(Ibinuod ni Christopher S. Rosales - GENYO: Angeles, M., Pariente, A., Tapar, I., Del Mundo, D., (2019) Filipino ng Lahi 10: Makati City. DIWA LEARNING SYSTEMS INC.)
Sa isa sa mga barko sa daungang iyon ay nagmumukmok si Achilles, nakakunot ang noo at tila malalim ang iniisip. Saklot ng pangamba ang kaniyang mukha. Ipinadala niya sa giyera ang matalik na kaibigang si Patroclus, anak ni Menoetius, upang ipagtanggol ang mga taga-Achaea. Ipinasuot niya kay Patroclus ang kaniyang sariling kalasag upang magpanggap bilang siya. Ito ay sa pag-asang susuko ang mga taga-Troya kapag nakita nila si Patroclus bilang siya. At ngayon nga'y labis siyang nag-aalala kung ano na ang lagay ng kaniyang kaibigan. Naalala niya ang minsang sinabi noon ng kaniyang ina—habang nabubuhay pa raw siya ay papatayin ng mga taga-Troya ang isa sa magigiting na mandirigmang Myrmidon. Nababahala si Achilles na baka ang tinutukoy ng kaniyang ina sa propesiya ay si Patroclus.
Ilang saglit pa, biglang dumating si Antilochus dala ang isang masamang balita—patay na si Patroclus. Nagapi siya ni Hector, ang magiting na prinsipe ng Troya. Hubo't hubad ang bangkay ni Patroclus sapagkat kinuha ni Hector ang kalasag nito. Nagwala naman sa labis na lungkot si Achilles. Kumuha siya ng abo at saka buong pait na ipinahid sa kaniyang mukha at katawan. Pagdaka'y napalugmok siya sa sahig at saka nanangis nang nanangis. Narinig naman ng mga babaeng nabihag noon nina Achilles at Patroclus ang kaniyang mga hikbi. Agad nilang dinaluhan si Achilles at nakidalamhati. Maging ang naluluhang si Antilochus ay nakidamay sa kaniyang kaibigan. Hinawakan niya ang mga kamay ni Achilles upang masigurong hindi nito kikitilin ang sarili gamit ang espada nito sa kaluban.
Muli ay nanaghoy nang ubod-lakas si Achilles. Sa sobrang lakas ay narinig ito ng kaniyang ina na si Thetis mula sa kailaliman ng dagat. Kasama ng mga kapatid niyang nimpa—sina Glauce, Thaleia, Cymodoce, at Orithya—ay umahon si Thetis sa dagat upang damayan ang kaniyang anak. Malungkot na pinalibutan ng mga nimpa si Achilles. Niyakap ni Thetis nang napakahigpit ang kaniyang anak at saka tinanong kung bakit ito nananaghoy. Tugon naman ni Achilles, lubos siyang namamanglaw dahil sa pagkasawi sa giyera ng kaibigang si Patroclus. Ngayo'y wala na siyang ganang mabuhay. Wala nang silbi ang kaniyang buhay, liban na lang kung mapapatay niya si Hector.
“Pero, anak, baka nakakalimutan mo, nakatakda ka ring mamatay! Sa oras na masawi si Hector ay ikaw naman ang susunod!” pananangis ni Thetis.
“Mamatay na kung mamamatay. Wala na 'kong pakialam, ina. Ni hindi ko man lang nagawang ipagtanggol ang mga taga-Achaea, lalong-lalo na si Patroclus. Lalaban ako, ina, hanggang sa huli kong hininga,” matigas namang sabi ni Achilles.
“Kung iyan ang nais mo ay hindi kita pipigilan. Pero antayin mo sana ako hanggang bukas bago ka lumusob. Ipagagawa kita ng bagong kalasag sa dakilang diyos na si Vulcan,” sabi ni Thetis. Pagdaka'y bumalik na siya sa dagat kasama ng mga kapatid na nimpa. Nagtungo siya sa ituktok ng Olympus kung saan nakatira si Vulcan, ang diyos ng apoy.
Samantala, biglang bumaba sa Olympus si Iris, ang mensahero ng mga diyos. Pinuntahan niya si Achilles at sinabihan itong iligtas ang bangkay ni Patroclus. Hawak pa rin ng mga taga-Troya ang bangkay ng kaniyang kaibigan. “Kumilos ka na. Aantayin mo pa bang ipalapa nila sa mga aso ang katawan ng iyong kaibigan?”
“Sandali lang,” naguguluhang sabi ni Achilles. “Sino ang nagpadala sa 'yo rito, Iris?”
“Si Juno, asawa ni Jupiter. Hindi alam ng anak ni Saturn na naririto ako, maging ng iba pang mga diyos sa nagyeyelong kabundukan ng Olympus.”
“Gayon pala.” Sansaglit na natahimik si Achilles. “Tungkol naman sa iminumungkahi mong paglusob ko, paano ako lalaban? Nasa kanila ang aking kalasag. Wala rin akong maaaring mahiraman, liban na lang siguro kay Telamonian Ajax, pero abalá rin siya sa pakikipaglaban. Isa pa, nangako ako kay ina na hihintayin ko siya hanggang bukas. Bibigyan niya ako ng bagong kalasag mula kay Vulcan.”
“Huwag ka nang mangamba pa,” alo naman ni Iris. “Magtungo ka lang sa trinsera at magpakita sa mga taga-Troya. Sa sandaling makita ka nila'y siguradong matatakot sila at uurong sa giyera.”
Sinunod ni Achilles ang payo ni Iris. Pagkaalis ng mensahero ay nagsimula siyang maglakbay patungong trinsera. Ano't sa gitna ng paglalakad ay biglang umihip nang napakalakas ang hangin. Isang pumpon ng ginintuang ulap ang lumutang sa kaniyang ulunan. Sa kumpas ni Pallas Athena, ang diyosa ng dunong at digmaan, ay nangagliyab ang koronang ulap ni Achilles.
Maya-maya pa'y narating na rin ni Achilles ang trinsera. Tumindig siya sa tabi nito at saka sumigaw nang ubod-lakas. Mula sa kaniyang tahanan ay narinig naman ito ni Pallas Athena. Tinipon niya ang hangin sa kaniyang dibdib at saka humiyaw din nang napakalakas. Nangaglandas sa papawirin ang kanilang mga palahaw hanggang sa humapon sa mga bapor-pandigma ng mga taga-Troya. Nanghilakbot ang lahat nang marinig ang mga sigaw. Lalong napuno ng takot ang kanilang puso nang dumagundong ang tinig ni Eacides, anak ni Aeacus. Nagkagulo ang lahat. Napaatras ang mga kabayong may hila-hilang karwahe. Ilang saglit pa'y nakita ng mga taga-Troya si Achilles. Tumindig ang kanilang mga balahibo nang mamasdan ang nagliliyab nitong korona. Nagtakbuhan sila. Mula sa trinsera ay tatlong ulit na sumigaw si Achilles, at tatlong ulit ding nagkagulo ang mga taga-Troya at ang kanilang mga kakampi. Labindalawang mandirigma ang nasawi mula sa nagliparang mga sibat at nagkabanggaang mga karwahe. Sinamantala naman ng mga taga-Achaea ang pagkakataon. Dali-dali nilang kinuha ang bangkay ni Patroclus at saka inihimlay sa isang karo. Pinalibutan ng lahat si Patroclus. Buong lumbay silang nanangis sa kalunos-lunos nitong bangkay. Maya-maya pa'y lumapit si Achilles. Naglandas ang luha sa kaniyang pisngi habang yapos-yapos ang sugatang bangkay ng matalik niyang kaibigan.
Ilang saglit pa, pinalubog na ng kapita-pitagang diyos na si Juno ang araw sa kailaliman ng dagat. Itinigil na ng mga Griyego ang pakikipaglaban, at gayundin naman ng kanilang mga katunggali. Kinalag ng mga taga-Troya ang karwahe sa kanilang mga kabayo at saka tahimik na nangagtipon at naghapunan noong gabing iyon.
2 notes
·
View notes
Text
Ang Kuwento ng Isang Oras
Batid ng lahat na may sakit sa puso si Ginang Mallard kaya naman lahat ng pag-iingat ay ginawa nila sa pagpapaalam sa kanya ng masaklap na balitang patay na ang kanyang asawa.
Si Josephine, ang kanyang kapatid, ang bumasag nito sa kanya. Sa paputol-putol na paraan ay unti-unting naipahiwatig nito ang pangyayari habang nakatabi naman sa kanya si Richard. Si Richard ay kaibigan ng kanyang asawa at siyang unang nakarinig sa balita. Nasa tanggapan siya noon ng pahayagan nang makarating ang balitang nagkaroon ng sakuna sa may riles ng tren kung saan isa si Brently Mallard sa mga “namatay.” Naghintay lang siya sandali sa pagdating ng pangalawang telegrama upang makumpirma ang balita at saka nagmamadaling nagtungo sa tahanan ng mga Mallard upang siya ang unang makapaghatid ng balita at maagapan ang ibang taong maaaring hindi maging kasing-ingat at kasimbanayad niya sa pagsasabi.
Di tulad ng ibang babaeng nakaririnig ng ganitong masaklap na balita na di agad makukuha ang bigat at kahulugan nito, si Ginang Mallard ay agad na napasigaw at buong pait na nanangis sa mga bisig ng kanyang kapatid. Nang mapawi ang matinding unos ng dalamhati ay agad siyang nagkulong sa kanyang silid. Sinabihan niya ang lahat na gusto niyang mapag-isa.
Napasalampak siya sa isang malaking silyang nakaharap sa bintana. Pakiramdam niya’y pagod na pagod siya. Pagod na hindi lamang nadarama ng kanyang katawan kundi umaabot sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa.
Natatanaw niya sa bintana ang mga dahon ng punong tila masayang-masaya sa pagdating ng tagsibol. Naaamoy niya sa hangin ang mabangong hininga ng bagong patak na ulan. Naririnig niya mula sa ibaba ang sigaw ng tinderong nag-aalok ng kanyang paninda. Nakarating din sa kanyang pandinig ang mahinang himig ng awiting inaawit ng kung sino, gayundin ang masasayang awitan ng mga ibong maya.
Sa gawing kanluran ng kanyang bintana ay nakasilip ang bughaw na langit sa mga balumbon ng mapuputing ulap.
Isinandal niya ang kanyang ulo sa malambot na kutsong nakabalot sa silya nang hindi halos gumagalaw, maliban na lang sa paghikbing tila bumibikig sa kanyang lalamunan at yumanig sa buong katawan, tulad ng isang batang sa pag-idlip ay humihikbi pa rin hanggang sa kanyang panaginip.
Bata pa siya, may maganda at kalmadong mukha, kung saan ang mga guhit ay kakikitaan ng katatagan at pagsupil sa kung anumang nararamdaman. Subalit ngayon siya’y nakatitig sa kawalan, sa bughaw na kalangitang natuldukan ng mumunting ulap. Hindi ito titig ng pagmumuni-muni kundi pagpigil sa isang matalinong kaisipang nais kumawala.
May isang damdaming paparating sa kanya at hinihintay niya ito nang may pagkatakot. Ano ba ito? Hindi niya maipaliwanag; banayad at mailap, hindi niya matanto kung ano. Subalit nararamdaman niyang ito’y gumagapang sa kalangitan, dumarating sa kanya sa pamamagitan ng mga tunog, ng amoy, ng kulay na pumupuno sa hangin.
Ngayo’y tumahip ang kanyang dibdib at nakadarama siya ng kalituhan. Unti-unti niya nang nakikilala ang bagay na lumalapit at bumabalot sa kanyang pagkatao habang pinipilit niya itong paglabanan kahit pa wala na siyang lakas na makikita sa dalawang maninipis at namumuti niyang palad. Namalayan na lang niyang isang salita ang ibinulong ng kanyang mga labi. Paulit-ulit ang pagbigkas nang pabulong: “Malaya, malaya, malaya!” Ang titig sa kawalan at pagkatakot ay nawala sa kanyang mga mata. Sa halip, ang mga ito’y napalitan ng ningning. Bumilis ang tibok ng kanyang puso, ang bugso ng dugo ay nakapagpakalma sa bawat himaymay ng kanyang buong katawan.
Hindi siya huminto upang tanungin kung ang damdamin bang umiiral sa kanya’y isang higanteng kaligayahan o hindi. Minaliit ng malinaw at mataas niyang pananaw ang nadarama. Alam niyang luluha siyang muli kapag nakita niya na ang mabubuti at mapagpalang mga kamay na pinagsalikop ng kamatayan; ang mukhang tanging titig lamang ng pag-ibig ang iniuukol sa kanya, ngayo’y matigas, kulay abo, at patay. Subalit natatanaw na niya sa kabila ng mapait na gunitang ito ang paparating na maraming taon na kanyang-kanya na. Iniunat niya ang kanyang mga braso at kamay upang salubungin ito.
Wala na siyang sinumang paglalaanan ng kanyang buhay sa mga darating na taon; Mabubuhay na lang siya para sa sarili niya. Wala nang makapangyarihang bagay ang magpapasunod sa kanya sa isang bulag na paniniwalang ang babae at lalaki ay may karapatang magpataw ng kagustuhan para sa isa’t isa. Mabuti man o masama ang intensyon, isa pa rin itong krimen sa kanyang pananaw sa mga sandaling ito ng kanyang pagmumuni-muni.
Subalit mahal niya ang asawa – minsan-minsan. Madalas, hindi niya ito nadarama. Subalit hindi na ito mahalaga. Ano pa ba ang silbi ng pagmamahal sa harap ng malakas na damdaming itong bago pa lang niyang nakilala at bumabalot sa kanyang pagkatao.
“Malaya na! Malaya na ang aking katawan at kaluluwa!” ang paulit-ulit niyang ibinubulong.
Si Josephine ay nakaluhod sa labas ng nakapinid na pinto habang ang mga labi ay nakadikit sa susian at nagmamakaawang papasukin siya. “Louise, buksan mo ang pintuan! Para mo nang awa, buksan mo ang pinto, magkakasakit ka sa ginagawa mo. Ano ba ang ginagawa mo, Louise? Sa ngalan ng Diyos, buksan mo ang pinto!”
“Umalis ka na. Hindi ako gagawa ng bagay na magdudulot sa akin ng sakit.” Hindi. Ngayon pang siya ay tumutungga ng gamot mula sa buhay na nagmumula sa bukas na bintana ng kanyang silid.
Naiisip na niya ang mga araw na darating sa buhay niya. Mga araw ng tagsibol, mga araw sa tag-araw, at iba’t iba pang araw na kanyang-kanya lang. Umusal siya ng maikling panalangin na sana’y humaba pa ang buhay niya. Kahapon lang, naisip niya nang may pag-aalala na baka maging mahaba ang buhay niya.
Tumayo siya at pinagbuksan ng pinto ang kapatid na kanina pa nangungulit. Makikita sa ningning ng kanyang mga mata ang tagumpay at naglakad siyang tila isang diyosa ng tagumpay. Sinapo niya ang baywang ng kapatid at masigla silang bumaba ng hagdan, Nakatayo si Richard habang naghihintay sa kanila sa ibaba ng hagdan.
May nagbukas sa susian sa harapang pintuan. Gulat ang lahat nang pumasok si Brently Mallard, halatang pagod nang kaunti, dala-dala ang kanyang bag at payong. Malayo raw siya sa lugar kung saan nangyari ang sakuna at ni hindi nga niya alam na nagkaroon pala nito. Ikinatulala niya ang malakas na pagtili ni Josephine; naging mabilis si Richard na humarang sa pagitan nila ng asawa.
Nang dumating ang doktor ay sinabing namatay si Louise dahil sa sakit sa puso – nang dahil sa kaligayahang nakamamatay.
0 notes
Text
Ang Aking Aba at Hamak na Tahanan
|Iniwan ko'ng aba't hamak na tahanan Malayo sa bukid ni Ama't naglakbay Payapa kong katre'y wala nang halina Hudyat ng digmaan ang aking ligaya
Tungo sa larangan ako'y nagsumagsag Ang natatanay ko'y imortal na sinag Puntod ng bayani na masisikatan Bunying alaala ng mga pumanaw
Sa mithii'y kita'ng malayong bituin Dulot na liwanag di-maabot mandin At turo ang landas tungo sa buntunan Ng nanghihingalo't ng mga namatay
Nagpilit din ako't paa'y nananabik Lagim na dagundong ng digma'y sumaltik Sa gasong tenga ko, pagyapak saanman Kita ko ang berde, luntiang damuhan
Pumula sa dugo ng kalabang puksa Naglambong sa usok, bangis ay umamba Narating ko'ng rurok na mithiin hayun, kinasabikan ko'ng tanging bahay, doon
Buhay sa maghapo'y lumlipad lamang Sa pakpak ng tuwa niyong kabataan Huli na, batid kong rurok ng tagumpay Hindi magdudulot ng masayang araw
0 notes
Text
Ang Apat na Buwan Ko sa Espanya ni Rebecca de Dios
Ako si Rebecca, labing-anim na taong gulang, anak ng mag-asawang OFW na kapwa nagtatrabaho sa Barcelona, Espanya. Walong taon na rito sina nanay at tatay subalit ito pa lang ang unang pagkakataong naisama nila ako. Nagkaton kasing nagbago ang school calendar ng unibersidad na papasukan ko. Sa halip na sa nakasanayang Hunyo ay sa buwan ng Agosto pa magbubukas ang klase kaya sinamantala namin ang mahaba-habang bakasyon mula sa Abril hanggang huling linggo ng Hulyo upang sa halip na sila ang umuwi sa Pilipinas ay ako ang pinapunta nila sa Barcelona, isa sa pinakakilalang lungsod sa Espanya.
Sa isang malaking hotel sa Barcelona nagtatrabaho ang aking magulang. Bago pa ako dumating ay inayos na nila ang oras ng kanilang pagpasok upang lagi akong may makasamang isa sa kanila. Magkaiba ang kanilang shift sa trabaho subalit nagawan nila ng paraang tuwing Sabado at Linggo ay maging libre sila pareho para makasama ako. Dahil dito, napasyalan namin ang magagandang lugar sa mga lungsod ng Madrid, Seville, Toledo, at Valencia. Sa apat na buwan ng pamamalagi ko sa Espanya at pamamasyal namin sa iba't ibang lungsod dito ay marami akong natutuhan at naranasan sa kanilang mga kaugalian, kultura, at tradisyon.
Klima at Panahon
Sa unang buwan ng aking pagbisita (Abril hanggang Hunyo) ay nakaranas ako ng katamtamang panahon. Subalit sa buwan ng Hulyo gayundin daw sa buwan ng Agosto (na hindi ko na inabot) na itinuturing na tag-init sa kanila ay sadyang napakainit ng panahong maihahambing sa ating nararanasan sa Pilipinas sa mga buwan ng Marso at Abril. Sa mga panahong ito'y napakaraming turista ang dumarayo sa Espanya lalo na sa Lungsod ng Barcelona upang mapasyalan ang kanilang magagandang dalampasigang nasa baybayin ng Dagat Mediterranean.
Kultura at tradisyon
Isa sa ipinagmamalaki ng mga Espanyol ay ang kanilang mayamang kultura at tradisyong nag-uugat pa sa malayong nakaraan. Napakarami nilang museo at mga teatro kung saan masasalamin ang kanilang kasaysayan. May mga araw at oras silang nakalaan para sa libreng pagpasok sa mga museo. Halimbawa, napasok namin nang libre ang Reina Sofia sa Madrid, isang museong tanyag sa buong mundo. Libreng nakapapasok dito ang publiko sa mga araw ng Lunes, Miyerkoles, Huwebes, at Biyernes mula ikapito hanggang ikasiyam ng gabi. Libre rin ang pagpasok dito mula 2:30 ng hapon kapag araw ng Sabado at kapag Linggo, libre ito mula umaga hanggang 2:30 ng hapon. Sa pamamasyal namin sa iba't ibang museo nakita ko ang mga obra maestra ng mga tanyag na alagad ng sining tulad nina Salvador Dali, Pablo Picasso, Joan Miro, Antoni Tapies, at iba pa. Ang isa pang tanyag na museong napasok di nnamin nang libre ay ang National Art Museum of Catalonia kung saan ang gusali pa lang ay kahanga-hanga na. Bahagi rin ng kanilang makulay na kultura ang pagsasagawa ng bullfight kung saan ang mga lalaki ay nakikipagtagisan ng lakas sa isang toro gayunding ang pagsayaw ng flamenco, na labis kong nagustuhang panoorin dahil sa kahanga-hangang bilis ng paa ng mga mananayaw na tila nakaangat sa hangin at hindi lumalapat sa sahig.
Ang mga tahanan at Gusali.
Ang isa sa pinakamagagandang bagay na nakita ko sa Espnaya ay ang kanilang mga gusali. Marami na ring makabagong tahanan at gusali subalit ipinagkakapuri nila ang mga gusaling naitayo pa noong gitnang panahon at nagpapakita ng mayamang kasaysayan ng kanilang lugar. Ilan sa mg aito ang Palacio Real sa Madrid, ang Toledo's Ancient Rooftops sa Toledo, isa sa pinakamatandang lungsod sa Espanya kung saan matatagpuan ang lumang bahay at makasaysayang mga gusali, at ang hindi pa natatapos na Basilica de la Sagrada Familia, isang UNESCO World Heritage Site na sinasabing sinimulang gawin sa pamumuno ng tanyag na arkitektong si Antoni Gaudi noon pang 1883. Ang lumang gusaling dinisenyo rin ni Gaudi sa Barcelona tulad ng Casa Vicens, Casa Battlo, Guell Pavillions, at iba pa ay isa-isa rin naming pinasyalan. Ang bawat gusali ay may taglay na kasaysayang maiuugnay sa kasaysayan ng lungsod at maging ng bansa.
Wika
Ang kanilang wikang pambansa ay Spanish o Castilian na tinatawag naman nating Espanyol. Mayroon din silang ilang diyalektong ginagamit ng ilang pangkat tulad ng Galician, Catalan, at Basque. Ang Ingles ay nauunawaan ng ilang subalit ang pagsasalita nito ay hindi gaanong laganap. Sabi ng aking magulang, mas kakaunting Espanyol daw ang nakapagsasalita ng English kompara sa ibang mga bansa sa Europa. Gayunpaman, sa hotel kung saan sila nagtatrabaho ay mahuhusay sa Ingles ang kanilang mga katrabahong Espanyol dahil ang karamihan sa kanilang mga bisita ay mga turistang mula sa iba't ibang panig ng mundo. Kung titira ka sa nang matagalan sa bansang ito ay kailangan mong matuto ng wikang Espanyol dahil ang halos lahat ng mababasa tulad ng mga babala sa daan, mga paskil o signages, mga pangalan ng produkto, at mahahalagang dokumento ay nasusulat sa kanilang wika. Natuwa lang ako dahil may mga salita silang agad kong naintindihan tulad ng mga salitang bano, calle, ventana, coche, at iba pa. Nasakop nga pala nila tayo sa loob ng mahigit na tatlong daang taon kaya naman marami silang naging impluwensiya sa ating kultura kasama na ang ating wika.
Relihiyon o Pananampalataya
Ang isa sa mga bagay na kapansin-pansin sa Espanya ay ang pagkakaroon ng naglalakihang Simbahang katoliko sa halos lahat ng dako kaya't ang dayuhang manggagawa tulad ng aking magulang na naghahanap ng masisimbahan ay tiyak na hindi mahihirapan. Nakararami pa rin sa mga Espanyol ang Katoliko na nasa humigit kumulang na 80% hanggang 90% ng populasyon subalit marami na ring ibang relihiyon o pananampalataya ang laganap dito tulad ng Islam at ng ibang pananampalatayang Kristiyano gaya ng mga Protestante, Jehova's Witnesses, Mormons, at iba pa. Gayunpaman, sa aming pagsisimba ay napansin kong di tulad ng ating bansa, hindi napupuno ang mga simbahan. Ayon sa aking magulang, kahit malaki ang bilang ng mga Katoliko ay marami sa kanila ang hindi regular na nagsisimba at nagsasagawa lamang ng mga ritwal ng simbahan tulad ng pagbibinyag, pagpapakasal, at pagbabasbas sa namatay.
Ang Kanilang Pagkain at Iba Pang Kaugalian
Kung may isang bagay na labis na naiiba o natatangi sa mga Espanyol, ito ay ang kanilang mga kaugaliang kaugnay ng pagkain. Ang kanilang almusal na tinatawag nilang El Desayuno ay karaniwang kapeng may gatas at tinapay lang. Magaan lang ito dahil sa bandang ikasampu o ikalabing-isa ng umaga ay muli silang kakain. Karaniwang tapas ang kinakain nila s aoras na ito. Ang tapas ay mga pagkaing nakalagay sa maliliit na lalagyan tulad ng platito na maaaring damputin lang (fingerfood) tulad ng pritong maliliit na pusit, tinapay na may nakapatong na kamatis at keso, nakatuhog na tuna at olive, at iba pa. Sa kanila pala natin nakuha ang nakaugalian nating pagkain sa pagitan ng agahan at tanghalian.
Ang kanilang tanghalian na tinatawag nilang la comida ang pinakamalaki nilang kain sa maghapon. Maraming putahe ang nakahanda para sa kanilang tanghalian at hindi sila nawawalan ng tinapay sa kanilang hapag. Tinapay ang kanilang pinakakanin at ito ang ginagamit nila upang masimot ang sarta sa kanilang pinggan. Ang ilang putaheng paborito nila ay kilala rin natin tulad ng paella, gambas, conchinillo asado (na kahawig ng ating lechon de leche), at iba pa. Naglalaan sila ng dalawang hanggang tatlong oras para sa pananghalian dahil bukod sa marami silang nakahandang pagkain para rito ay nakaugalian din nilang magkaroon ng siesta o sandaling pagtulod o pagpapahinga pagkatapos kumain. Ang buong bansa ay nagis-siesta kaya't karaniwang nagasasara ang mga tindahan, paaralan, at pagawaan mula ikaisa hanggang ikaapat na hapon para sa mahabang pananghalian at siesta. Gayunpaman, napansin kong sa Barcelona at sa Madrid na pinakamalaki nilang lungsod at may pinakamaraming dayuhan ay bukas ang malalaking supermarket at mga tindahan maging sa mga oras na ito.
Pagsapit ng ikalima o ikalima't kalahati ng hapon ay muli silang kumakain ng tinatawag nilang La Merienda (sa kanila pala galing ang katawagan nating meryenda). Magaan lang ang pagkaing ito na karaniwang tinapay na may palaman. Ikasiytang naman ng gabi ang karaniwang oras ng kanilang hapunang tinatawag nilang La Cena. Mas kaunti ang pagkaing nakahain na minsa'y pritong itlog o isda at ensaladang gulay lang./ Hindi rin nawawala ang paborito nilang minatamis na karaniwang gawa sa itlog at gatas na tinatawag naman nating leche flan.
Kung ikokompara ang oras ng ating hapunan sa kanila ay masasabing huli na ang ikasiyam ng gabi subalit hindi pa rito nagtatapos ang maghapon ng mga Espanyol. Pangkaraniwan na sa kanila ang lumabas pa pagkatapos ng hapunan at maglakad-lakad (tinatawag nilang paseo) at dumaan sa mga restaurant o bar. Umuuwi lang sila upang matulog kapag maghahatinggabi o lagpas hatinggabi na. Sa mga araw na walang pasok ay inaabot sila ng ikatlo o ikaapat ng umaga sa labas ng tahanan at bago umuwi ay karaniwang kumakain uli sila ng churros o tila pahabang donuts na prinito at binudburan ng asukal. Isinasawsaw nila ito sa mainit at malapot na tsokolate. Naiisip kong ang hilig nating mga Pilipino sa pagkain ay namana natin sa mga Espanyol na sumakop sa atin subalit kahit anong gawin kong paggaya sa kaugalian nila kaugnay ng pagkain at pagtulog ay hindi ko talaga kaya. Maging ang magulang kong walong taon na rito ay hindi rin magawa ang nakagawiang ito ng mga Espanyol lalo na ang oras ng pagtulog dahil na rin sa regular na oras ng trabaho nila sa hotel.
Isports
Kung sa Pilipinas ay may basketball court sa halos lahat ng sulok ng barangay, sa espanya ay soccer o football naman ang tanyag na laro at nilalaro o nilalahukan ng halos lahat ng kabataan saanmang bahagi ng bansa. hindi makokompleto ang kanilang linggo kung hindi sila makakapanod ng paborito nilang koponan ng soccer. Ang Real Madrid, isang koponan ng soccer na nakabase sa Madrid, Espanya ang itinuturing na pinakapopular na soccer club sa buong mundo na may mahigit na 228 milyong tagasuporta.
Kasuotan
Napansin kong higit na pormal ang pananamit ng mga Espanyol kumpara sa atin. tanging mga kabataan ang nakita kong nakasuot ng pantalong maong at t-shirt lalo na sa Lungsod ng Madrid. Ang mga nakatatandang abbae ay karaniwang nakasuot ng blusa at palda o bestida. Ang kalalakihan ay karaniwan namang nakasuot ng mayu kuwelyong pang-itaas, pantalong slacks (hindi maong), at sapatos na balat. Sa aming pag-ikot ay halos wala akong nakitang naka-rubber o tennis shoes maliban sa mga turistang namamasyal sa mga baybayin ng Barcelona. Sa loob ng simbahan ay pormal ang pananamit. Katunayan, mayoon silang dress code at ipinagbabawal ang mga damit o kasuotang hindi angkop sa simbahang itinututring na banal na lugar. sa pamamasyal nila pagkatapos ng hapunan ay maayos at pormal din ang kanilang pananamit.
Napakarami kong natutuhan sa apat na buwang patira sa Espanya. Marami silang mga kaugaliang nahahawig sa atin dahil na rin sa impluwensiya ng matagal nilang pananakop subalit nanatili silang iba at natatangi sa maraming bagay. Ipinagpapasalamat ko kina nanay at tatay ang pagkakataong ibinigay nila sa akin upang matuto ng maraming bagay at lalong maging bukas at gumagalang sa pagkakaiba-iba ng mga tao at lahi sa mundo.
35 notes
·
View notes