beapxtrice-blog
beapxtrice-blog
nayan, 'yan na!
11 posts
dito mababasa ang mga ideyang kalimitang hindi nasasambit ng aking bibig sa kadahilanang baka husgahan ng mga nakararami. / bente / estudyante 👼🏼
Don't wanna be here? Send us removal request.
beapxtrice-blog ¡ 5 years ago
Text
Blog ang Mundo: Pagsasalsal at Pakikibaka sa Internet
Aminin man natin o hindi, hindi na tayo mabubuhay ng walang Internet, lalo na sa mga kabataang tulad ko na pagkasilang pa lamang sa mundo'y nakasanayan nang gumamit nito. Hindi natin maitatanggi na malaki ang nadudulot ng Internet na kaginhawaan sa ating lahat. Sa sobrang daming pwedeng maitulong at magawa nito, maiisip mong ang Internet ay isang birtwal na mundong walang limitasyon. Oo nga naman, isang pindot mo lamang ay mayroon ka nang access sa kahit anong bagay o ideya na naisipan mong siyasatin. Kapag gusto mong kausapin ang mga importanteng tao sa buhay mo, malayo man sila o malapit, maaari mo silang makausap at makita gamit ang Internet. Sa madali't-sabi, pinapaliit nito ang mundong ginagalawan mo. At higit na pinapadali nito ang ibang mga gawain mo sa araw-araw. Hindi lamang ito, makakatulong din ito sa pang-akademikong gawain, sa paghahanap ng aliw o entertainment, sa malayang paglalahad ng iyong mga opinyon at marami pang iba. Bigyan natin ng diin ang huling dulot ng internet – malayang paglalahad ng opinyon. Ang internet ay nagsisilbing plataporma upang ang isang tao ay makapaghayag at makapagbahagi ng kanyang mga ideya, opinyon, nalalaman patungkol sa isa o higit pang mga paksa na naayon sa kanyang interes. Ang espisipik na tawag sa ganitong paraan ay “blog”. Karaniwan, ang tradisyunal na paraan ng pagsusulat para makapagbahagi ng impormasyon sa ibang tao ay ang paggamit ng ballpen at papel, ngunit dahil nga sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya, napadali ang pagpapahayag ng mga impormasyon at mas naging malawak ang naabot nitong audience.
Ngunit sa paglipas ng panahon, umabot tayo sa puntong hindi na natin namamalayan na umiikot na ang mundo natin dito at masyado na natin itong binibigyang halaga. Sa paanong paraan? Kung dati’y makabuluhan pa ang mga ibinabahagi nating mga impormasyon o karanasan sa ating mga blog, ngayon ay kahit hindi naman ganoong “relevant” para sa iba ay isinisiwalat pa rin natin. Sa pagbibigay sa atin ng labis-labis na kalayaan, wala na tayong limitasyon sa kung ano man ang ibinabahagi natin sa iba. Dumating sa puntong naging isa na lamang ang mga bagay na pang-pribado lamang at pampubliko. Ito ang dahilan kung bakit ginamit ni U Z. Eliserio ang salitang pagsasalsal. Kung iisipin sa una, ang ibig sabihin nito’y literal na gawaing sekswal ngunit mas malalim pala ang pagkakagamit niya sa salitang ito, metaporikal kung tatawagin. Inihalintulad niya ito sa mga gawain nating pang-pribado lamang dapat dahil ito ay mga bagay na hindi naman kadalasang ibinabahagi sa iba. Ngunit, dahil nga may mga taong naghahanap ng atensyon at kasikatan galing sa iba, gagawin niya ang lahat upang mapukaw ang atensyon ng mga nakakakita. Hindi naman katulad ng tradisyunal na media ang blog at kabuuan ng internet na fini-filter o pinipili lamang ilabas kung ano ang mga balitang ipapakita sa mga tao, ang blog at ang kabuuan ng Internet ay nagsilbing isang malayang plataporma kung kaya’t mas marami ang impormasyon na maaaring makita ng mga tao.
Hindi ko maikakailang nagsasalsal na din ako sa Internet at lubos kong ikinakahiya ang mga ito dahil napagtanto ko na nakadagdag lamang ang mga posts ko sa mga walang kwentang bagay. Napagtanto kong napaka-babaw nang mga posts na puro selfie lamang, mga personal na gawain ng ibang tao at mga bagay na nakakapagpapurol sa kritikal mong pag-iisip. Sayang lamang sa oras at panahon. Ano nga ba ang pake mo kung nagpagupit si Pedro? Kung kumain si Juan sa masarap na restaurant? Ano naman kung single na ang status ng kaklase mo? Nakakatawang isipin, ‘di ba? Paano natin maitatawag na rebolusyonaryo ang internet sa pamamagitan ng blogs kung wala namang saysay ang nakikita natin dito? Marahil kokontrahin natin ang sinabi ni Andrada na “rebolusyonaryo ang internet at ang blog ay isang magandang tunggalian na dapat hubugin patungo sa demoktratikong lipunan” kung puro pagsasalsal lamang ang ating gagawin. Ang paggawa ng blogs ay isang pang-akademikong gawain, hindi ito maaaring gamitin sa pagsabi at pagbahagi ng mga bagay na wala namang katuturan. Ito dapat ay kapupulutan ng aral, at higit na makakatulong sa pagpapalinang ng kaisipan ng mga makakabasa nito. Nakakadagdag lamang tayo ng “katangahan” kung magpo-post pa tayo ng mga bagay na “irrelevant” sa pamumuhay ng iba.
Kaya matuto tayong gamitin ng wasto ang Internet at Cyberspace. Kung wala naman tayong maibabahaging kapupulutan ng aral ng iba, huwag na lamang tayo mag-post. Mayroong mga taong gustong gamitin ang Internet sa mas makabuluhang bagay. Kinakailangan  nating tandaan na makapangyarihan ang Internet at lubos itong nakaka-impluwensiya ng pag-iisip ng iba. Mabilis kumalat ang kamangmangan o katangahan. Kung wala kang maidudulot na mabuti, manahimik ka na lang.
1 note ¡ View note
beapxtrice-blog ¡ 5 years ago
Text
Ang Kabastusan Ng Mga Pilipino
Ayon sa ibang mga akdang aking nabasa, may pantay namang karapatan ang kakababaihan at kalalakihan noong pre-colonial period sa ating bansa. Mayroong patas na pribilehiyo at karapatan ang mga babae at lalaki sa Pilipinas, walang nauunang kasarian, walang nahuhuli. Bukod pa rito, parehong panig ang maaaring mag-desisyon para sa ikakabuti ng kanilang pamilya kung kaya't may kanya-kanyang trabaho at obligasyon ang mga babae at lalake sa loob ng tahanan. Higit pa rito, ang mga babae ay mayroong kakayahang sumali sa politika at sumali sa mga relihiyosong grupo sa lipunan. Laging magkadikit, magkasama at sabay kumilos ang mga babae't-lalaki. Ngunit nasira ito noong dumating ang mga Kastila.
Pagdating ng mga Kolonyalista, itinuring ang mga kababaihan na mas mababa kaysa sa mga lalaki. Pumaloob ang kababaihan sa ideya ng tradisyunal. Ibig sabihin, ikinintal sa kasaysayan ang papel ng kababaihan bilang ina (housewife), tagaluto, tagapag-alaga ng anak, at iba pa. Bihira lamang sa mga babae ang nakapag-aral sa mataas na antas ng karunungan dahil sa ikinintal ng mga prayleng EspaĂąol sa kanilang mga isipang dapat mas higit nilang bigyan ng pansin ang relihiyon at katekism. Naniniwala ang mga Kastila na ang obligasyon lamang nila'y maging ilaw ng tahanan at mag-alaga lamang ng mga bata. Sa madaling salita, pinakilala ng mga Kastila ang Patriarkal na ideolohiya sa ating bansa.
Higit na may malaking impluwensiya din ang itinuturo ng ating relihiyon. Inilarawan ng bibliya ang mga babae bilang nilalang na magluluwal ng panibagong nilalang. Sila ay mananatiling “inferior” o mas mababa kung sila ay walang katipan o hindi makakapagdala ng isang supling. Ang mga babae diumano ay silang inatasan sa mga gawaing pang-tahanan. (Titus 2:5) at maaaring makagawa ng pagkakakitaan (Proverbs 31:16). Sa madaling sabi, ang bibliya mismo ay naglarawan sa kababaihan bilang palamuti sa anumang uri ng lipunan.
Marahil ang konseptong iniangkla ng tao sa kahon ng kasaysayan ay ang imahe ng kakabaihan na sila'y “inferior” sa mga lalaki. Ito ay miskonseptadong salitang madalas naglalarawan sa kababaihan na ibinigay sa kanila ng patriyarkal na lipunan. Hindi dadating ang araw na mauungusan ng kakabaihan ang kakalakihan. Walang presensya ng isang babae kung walang nangyaring pag-usbong ng lalaki, ganyan kalimitan ang persepsyon sa mga kababaihan noong unang panahon. Mula pa lamang sa istratipikasyon ng lipunan, superior ang mga lalaki at ang mga babae ay nananatiling nasa ibaba.
Ngunit ang pagtingin sa mga kakabaihan noong unang panahon at makabagong panahon ay magkaiba. Kung susuriin, ilang dekada na rin ipinaglalaban ng mga kababaihan ang kanilang boses at karapatang makisangkot sa usaping panlipunan. Marami na ang nangyayaring pagbabago lalo na sa pagtingin ng lipunan sa mga kababaihan, sila'y naging mas malakas, kagalang-galang, karespe-respeto at malakas din ang kanilang pagsulong sa mga karapatan ng mga kababaihan. Samakatuwid, marami naring mga kababaihan sa iba't-ibang parte ng mundo ang kilala sa kanilang mga katangi-tanging gawain. Mahirap mang mabago ang patriyarkal na sistema sapagkat nakatanim na sa isipan ng bawat mamayan ang pamamaraan na kanilang kinagisnan, sa tulong ng maraming kababaihan, sa pagsasama't-kooperasyon, naging posible ang kilusang panlipunan na ito.
0 notes
beapxtrice-blog ¡ 5 years ago
Text
Ang Kapangyarihan ng Wika, Wika ng Kapangyarihan
Ayon kay de Quiros, ang wika raw ay maraming gamit, salungat sa ating kaalaman na ang wika ay pawang para sa komunikasyon lamang. Hindi lamang ito kasangkapan upang makipagpalitan ng ideya o instrument bilang magkaroon ng interaksyon ang dalawang indibidwal. Hindi lang din ito may kakayahang parehong pagbuklurin, at paghiwalayin ang isang lahi o kultura ngunit ang wika rin ay may kakayahang maging susi sa kapangyarihan, sa papaanong paraan?
Noong nasa kamay ng mga Espanyol ang Pilipinas, hindi nagtagumpay ang mga kolonyalistang ito sa pagkuha ng loob ng mga Pilipino. Dinaan nila sa pakikipaglaban ang kanilang pananakop kung kaya't hindi naging maganda ang relasyon ng Pilipino't mga Kastila. Itrinato ng mga Espanyol ang mga Pilipino na parang hindi mga tao, kaaway at alipin. Bukod pa dito, ipinagdamot ng mga Kastila ang kanilang lenggwahe sa ating mga Pilipino upang hindi natin sila maintindihan at hindi natin mabatid ang mga panlolokong ginagawa nila sa atin. Ang akala ng mga Espanyol na susunod ang mga Pilipino kahit na hindi nila ibigay ang kanilang wika ngunit nagkamali sila. Kabaliktaran sa nangyaring pananakop ng mga Amerikano, iniba nila ang kanilang paraan ng pananakop dahil nakita nila ang wastong pagsasamantala nito, nagawa nilang kuhain ang loob ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng wikang Ingles. Isa lamang sa mga dahilan kung bakit nagtagumpay ang mga Amerikano. Sa pagtuturo at pagbabahagi ng kanilang sariling wika, maiisip ng mga Pilipino na hindi sila kalaban. Ngunit mga taong mapagbahagi lamang ng kanilang wika at identity.
Sa pamamagitan ng wika, nagawa nang pasukin ng mga Amerikano ang ating kinagisnang kultura. At mapasa-hanggang ngayon, kahit matagal nang malaya ang Pilipinas sa mga kolonyalistang nanakop, kitang-kita pa rin ang bakas ng kasaysayang kolonyal sa ating bansa. Kung ating pagmamasdan ang paligid sa araw-araw, kitang-kita kung gaano kadalas ginagamit ang wikang Ingles. Naging parte na ang Ingles sa buhay ng mga Pilipino. Hindi naman masama na marunong sa wikang Ingles ang mga Pilipino, mabuti rin ito dahil mas may kakayahang makipag-usap at makipagtunggali ang mga Pilipino sa mga banyaga ngunit ang pagkatuto rin pala sa wikang Ingles ay magdudulot ng diskriminasyon sa pagitan ng mga Pilipino. Nagkaroon ng persepsyon ang karamihan sa ating mga Pilipino na kapag marunong ka mag-Ingles ay mas mataas ka o mas matalino ka kaysa sa kapwa mong Pilipino na hindi marunong o hindi magaling. Mas tinitingala ka kung mas matatas ka sa pagsasalita ng wikang Ingles. Ito ngayon ang sumasalamin sa lipunang ating ginagawalan. Siguro dahil itinatak na ng mga Amerikano sa ating isipan na sila ang “superior” race kaya siguro naging ganito na lamang ang ating pagpapahalaga sa kanilang wika. Nakakalungkot lamang isipin na kadalasa'y mas binibigyang halaga pa ito kaysa sa sarili nating wika. Isa ito sa mga nagiging batayan o standard upang matawag kang matalino. At kung hindi ka ganun kagalingan, pagtatawanan ka dahil ang tingin sayo'y bobo. Kung tutuusin nga, dapat hindi ginagawang katatawanan ang ganitong ideya dahil pangalawang wika lang naman natin ang Ingles. Pero bakit sobrang laking isyu sa karamihan kung hindi ka magaling sa wikang ito? May mga sitwasyon pa sa eskwelahan na dapat hindi ka pwedeng magsalita ng wikang Tagalog dahil nililinang ka sa wikang Ingles, “English Only Policy” ika nga. Nagsisilbi din itong pangunahing requirement sa mga kompanya.
Tila ba'y hindi na tayo mabubuhay na hindi tayo magsasalita ng wikang Ingles. Kung tutuusin mas may mga alam pa nga tayong malalalim na salitang Ingles kaysa sa mga salitang Tagalog. Ni kaya ba nating magsambit ng isang pangungusap na hindi tayo nagbabanggit ng kahit isang Ingles na salita? Kitang-kita kung gaano makapangyarihan ang wikang Ingles.
Oo, biktima lang din naman tayo ng pananakop, ngunit hindi ito rason upang hindi tayo maka-usad sa nakaraan. Hindi ito maaaring maging rason upang magkaroon ng diskriminasyon sa pagitan nating mga Pilipino. Huwag natin husgahan ang ating kapwa sa isang bagay na hindi naman talaga "relevant" sa pagiging buhay Pilipino natin. Marami-rami na rin ang mga bansang umahon at umunlad, ngunit isa bang batayan sa pag-ahon ang pagiging matatas nila sa wikang Ingles? Hindi. Mas dominante nga ang hindi marunong mag-Ingles sa mga Hapon pero progresibo sila. Eh tayo? Marami nga tayong mga Pilipinong marunong at magaling sa wikang Ingles, pero hindi naman naalis ang bansag sa atin bilang “third world country”.
Kapag lalo nating binigyang halaga ang ibang wika, lalo lamang matatagalan ang ating bansa sa pag-ahon. Kapag pinagpatuloy natin ang mentalidad nating kolonyal, walang mangyayari sa atin at isang senyales lamang ito na hindi pa rin tayo isang bansang malaya. Patuloy na mababasura ang ating wika't-kultura. Hanggang kailan nga ba natin ipagpapalit ang wikang Filipino sa wikang Ingles? Hanggang kailan ba tayo magiging tuta at sunud-sunuran ng ibang bansa? Posible pa bang lumakas ang ating pagka-makabayan? Mahalin naman natin ang ating wika katulad ng pagmamahal natin sa wikang Ingles, kung tutuusin ay dapat higit pa ngunit malabong mangyari iyon lalo na't ganito ang pag-iisip ng mga Pilipino. Mas bigyan natin ng halaga ang wikang Filipino sa paraan na mas maggugol tayo ng panahon upang maging matatas tayo sa pagsasambit ng wikang ito.
0 notes
beapxtrice-blog ¡ 5 years ago
Text
The Social Movement and the Current National Political Scene
Saan nga ba nagmumula ang mga kilusang panlipunan? Hindi ka ba napapaisip kung bakit mayroong ganito? Ano nga ba ang kahalagahan at aral na tinuturo ng mga pagrereklamo, pagrarally, pagsisiwalat ng mga opinyon ng ating kababayan ukol sa mga suliranin ng ating bansa?
Ang kilusang panlipunan ay hindi lamang sumusulpot basta-basta. Hindi lamang ito parang kabute na biglaang lumalabas. Ito ay produkto ng mga kondisyong panlipunan na nagtuturo sa mga taong unawain at intindihin ng sama-sama at malakihan ang isang isyu na dinadanas nila pare-pareho. Sa madali't-sabi, hindi ito maaaring magtagumpay sa kanya-kanyang pagkilos, kung hindi sa kanilang pagbubuklod-buklod. Isang magandang halimbawa ang Feminismo, ito ay isang kilusang panlipunan na naghahangad ng pantay o parehas na karapatan para sa mga kababaihan at kalalakihan. Ito ay napagtagumpayan sa kasaysayan ng kanilang pagkakabuo at pakikipaglaban dahil nagsama-sama ang mga kakabaihang may iisang layon. Ngunit kumpara sa ibang mga kilusang panlipunan, ang Feminismo ay isa sa mga huling umusbong dahil huli na ring napagtanto ng mga kababaihan na marami-rami pala silang nakakaranas ng parehong mga hinanaing dahil na rin sa kakulangan ng exposure sa labas ng komunidad at laging pagkulong sa bahay. Nagsimulang matutunan ng mga tao ang aksyon na ito noong panahon ng French Revolution. Nilabanan o binuwag ng mga rebolusyonaryo't mga pilosopo ang pagtingin ng tao sa mundo na ang mga bagay sa paligid ay gawa lamang ng Diyos kung kaya't hindi pwedeng galawin. Ipinaglaban nila na ang lipunan at mga institusyon ay binubuo lamang ng mga tao kaya pwede itong ibahin o baguhin kung mayroong problema.
Kung tutuusin, mga tao pa din naman ang patuloy na bumubuo at naghahari sa mga institusyon sa ating lipunan ngayon ngunit bakit hindi natin ito magawang ibahin o pabagsakin? Bakit hindi ito maging inspirasyon sa atin upang gumawa ng aksyon na magreresulta sa paglutas ng mga problema ng lipunan? Kamangmangan ang tunay na sakit na laganap sa ating mga Pilipino ngayon kung kaya't walang pag-unlad ang ating bansa. Dahil sa kakanood ng mga kung ano-anong teleserye't paggugugol ng oras sa mga walang kwentang vlogs ng mga artista sa Youtube kung kaya tayo'y nalilibang at lalong nawawalan ng oras mag-ebalweyt sa reyalidad na ating kinahaharap sa ngayon. Hindi lamang ang mapang-aping uri ng lipunan ang kalaban ng mga social movements, kung hindi ang mga ideya din na nakukuha sa mga produkto ng kulturang popular. Kung mahirap ka, wala kang magagawa. Manood ka na lang Killer Bride! Sasaya ka pa. Tayo'y patuloy na nagiging escapist sa problema ng ating bansa kung kaya't walang pagbabago. Kung marunong lamang ang karamihan sa mga Pilipino na gamitin ang kanilang oras sa mga makabuluhang bagay, sigurado kahit papaano'y hindi tayo gaanong bulag at ignorante sa mga isyung politikal.
Maaaring makatulong ang Transformative Education sa paggising sa kaisipan ng mga Pilipino at ma-expose sa mga isyung panlipunan na kinakaharap ng ating bansa, matutulungan tayong sugpuin ang kamangmangan na umiiral sa ating mga Pilipino at mulatin ang ating mga kaisipan patungkol sa mga isyung panlipunan na mayroon ang ating bansa tungo sa pasulong na pagbabago. Ito ang magiging tulay upang linangin ang ating social awareness at social consciousness nang sa gayon makapag-isip tayo ng mga aksyon na makakapaglutas sa mga nagpapahirap ng ating mga buhay sa kasalukuyan.
0 notes
beapxtrice-blog ¡ 5 years ago
Text
Si Kristo, Ronnie Poe, at iba pang ‘Idolo’: Apat na Pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino
Ang katha ni Nicanor Tiongson na “Si Kristo, Ronnie Poe, at iba pang ‘Idolo’: Apat na Pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino�� ay nagpopokus sa kung paano minamanipula ng mga produkto ng popular culture katulad ng film, dula, telenobela, telepantasya at marami pang iba ang pagtingin ng nakararami sa mundong kanilang ginagalawan, sa kanilang lipunan at pati na rin ang pagtingin at pagpapahalaga sa mismong sarili. Sa ating paggugol ng oras sa harap ng telebisyon, hindi natin gaano napapansin na nakakaapekto ito para maging atrasado at mapurol ang ating ebalwasyon sa ating mga napapanood. Makapangyarihan ang mga binitawang salita ng Nicanor Tiongson upang magkaroon tayo ng re-evaluation kung paano ba tayo ginagawa o hinuhulma ng mga bagay na nabanggit. Nakapokus ang usapin sa mga “ideya” na ang tawag nga ni Althusser ay Ideological State Apparatuses na ang ibig sabihin sa wikang Ingles ay “ideologies and persuasion to produce imagined reality and relationship between people that will influence their behavior as it translate to material practices”. (Fernandez, 2013) Tinuturo ng paksa na iwanan na ang mga ideya ng mga institusyon tulad ng relihiyon, edukasyon at media dahil sila ay mga ideya “free-floating” at “neutral” sa usaping realidad. Isa ring dahilan kung bakit kailangang iwanan ang ganitong mga ideya dahil ito ay impluwensyado ng belief systems, ideologists at class interests. Sa madali't-sabi, isinusulong ang mga ito dahil mayroong nakikinabang.
Sa unang bahagi ng teksto, nabanggit nga na napakamaimpluwensya ng pelikula at tinukoy dito ang apat na pagpapahalaga sa pelikula; 1) Maganda ang Maputi, 2) Masaya ang may palabas, 3) Mabuti ang inaapi, 4) Maganda pa ang daigdig.
Maganda Ang Maputi:
Hindi ko maikakailang isa ako sa mga taong naniniwala sa konseptong mas magaganda ang mga mapuputi dahil aminado akong gumagamit ako ng whitening soap sa pagligo at isa rin ako sa mga taong nagrereklamo tuwing nasisinagan ng araw. Nakakatawa't nakakahiyang isipin kapag naiisip kong ganito ako kababaw tumingin sa aking sarili. Kung tutuusin, maitim naman talaga ang mga Pilipino ngunit bakit pinipilit nating maging mapuputi? Bakit pilit tayong nahihiya kung sarat ang ating mga ilong? Simula pa noong pananakop ng mga dayuhan, itinatak na sa atin na ang mga mapuputi ay mas superior kaysa sa mga maiitim. Hindi nila sinasabi nang direkta na maganda ang maputi, pero ito ang sinu-suggest nila. Simula sa paggawa ng representasyon ng itsura ng Diyos hanggang sa mga prinsipe't-prinsesa na nakikita natin sa telebisyon, ang mga models sa komersyal, nagpapahiwatig na ang mapuputi ang makapangyarihan. Kung susuriin nating mabuti, mapapansin nating "racist" yung values na pine-perpetrate nitong mga ito. Hindi natin napapansin na ginagawa na natin ang mga ito, laban sa sarili, at laban sa kapwa. Mahirap nating i-evaluate ang mga ito lalo na't mapurol at atrasado ang ating kamalayan patungkol sa ideya ng Racism. Wala tayong kamalay-malay na isinasabuhay na natin ang mga turo nila simula bata hanggang sa tayo'y tumanda. Liban sa mga nabanggit, ang kasaysayan ng Racismo sa mundo ay nagsimula rin sa pananakop. Sinakop ng mga mapuputi ang mga maiitim at nagkaroon sila ng "assumption" na ang mga maiitim ay backward. Naisip ng mga mapuputing dapat turuan ang mga ito upang maging kamukha rin sila ng mga taong sumakop sa kanila. Tinuro ng mga puti ang values at point of views nila sa mundo kung kaya't umayon ang mga itim sa kanila. Katulad ng nangyari sa Pilipinas, nag-aasam tayo na tayo'y maging maputi dahil naniniwala tayo sa sinasabi ng makapangyarihan. Nagiging epektibo lalo ito dahil gumagamit na ang mga makapangyarihan ng medium upang ituro sa atin itong mga ito in a very subtle way.
Kung tutuusin luma na ang isyung Racism at nalagpasan na nga ng mga negro ang ganitong pagtingin sa mundo. Maraming sumikat na mga artists na maiitim. Andyan si Beyonce Knowles, Michael Jordan, Oprah at iba pa. Napatunayan nilang hindi naman totoo ang ginagawa sa kanila ng mundo.
Masaya Ang May Palabas:
Karamihan sa mga problema nating Pilipino ay mahilig tayong tumakas sa ating problema sa pamamagitan ng aliw. Imbis na humanap tayo ng solusyon sa mga problemang nararanasan natin araw-araw, mas pinipili nating magpa-sarap sa kanlungan ng mga pelikula. Mahilig natin gamitin ang entertainment para sa panandaliang takas sa mga stress sa buhay. Masyado tayong naka-depende sa mga pelikulang hindi “realistic” upang kahit papaano'y mapa-asa natin ang ating mga sariling magiging katulad natin ang mga napapanood natin sa pelikula. Mulat tayo sa katotohanang nasa harapan natin subalit pinipilit pa rin nating pumikit.
Mabuti Ang Inaapi:
Mahilig ang mga Pilipino sa mga pelikulang may konseptong “mabuti ang inaapi”. Simulan mo pa lamang sa mga palabas tulad ng “Sarah: Ang Munting Prinsesa” at “Maria Clara”. Patok na patok sa mga manunuod ang mga kwento ng paghihirap at pagbangon ng mga bida mula sa pangaapi at pagkaalipin. Masochism, kung iisipin, ang isa sa mga values na ipinapakita ng mga gantong uri ng palabas. Kaya ang karamihan sa atin, kahit na anong gawin sa ating pang-aalipin, hinahayaan ng karamihan sa atin dahil umaasa tayong dadating ang araw na maiaahon tayo sa hirap ng ating pagiging mabuting loob. Bukod sa popular culture, ito rin ang itinuturo ng relihiyon, sabi sa bibliya, “mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka't kanila ang kaharian ng langit”. Sino nga bang aayaw sa kalangitan? Malamang, mas gugustuhin mo nang magtiis habang buhay kung matatamasa mo rin naman ang kasarapan pag na-dedz ka.
Maganda Pa Ang Daigdig:
Dito mo lang sa mundong ito makikita na halos lahat ng pelikula ay may masayang pagtatapos; bihirang-bihira ang mga kwentong may pangit na kinahahantungan. Ito ay nagbibigay sa atin ng “false hope”. Naniniwala tayo na isang araw, gaganda pa ang buhay natin. Mayroong dadating sa buhay natin na maisasalba tayo sa kahirapan. Kaya ang epekto, nagiging tamad na tayo. Umaasa na lamang tayo sa dasal at panalangin.
Sa pagbabasa ng akda ni Tiongson ko lubusang naintindihan kung bakit. Sa loob ng totoong mundo na puno ng pananakit, pasakit, hindi pagkakapantay-pantay, korapsyon, at iba pa, ang mundo ng pelikula na lamang ang nagsisilbing pinagkukunan ng pag-asa na baka sa isang banda, maganda pa rin ang mundo. Na sa likod ng tabing, sa likod ng magandang maskara, mayroon pa ring magandang bagay na naghihintay sa atin.
August 24, 2019
0 notes
beapxtrice-blog ¡ 5 years ago
Text
Transformative Education:
Kung tatanungin ang isang bata kung bakit siya nag-aaral, kalimitang isinasagot nito ay dahil gusto niyang umahon ang kanyang pamilya sa kahirapan at upang makakuha ng magandang trabaho pagdating ng araw. At kung aalamin mo rin ang perspektib ng kanyang mga magulang patungkol dito, ang isasagot nito'y pinapag-aral nila ang kanilang mga anak dahil ang edukasyon lamang ang pinaka-magandang kayamanang maaari nilang ipamahagi bilang mga magulang. Sa madaling salita, ang edukasyon ay tila nga ba susi sa kahirapan. Para nga bang ito na lamang ang pinaka-epektibong paraan upang umangat ang pamumuhay ng isang tao sa lipunang kanyang ginagalawan. Kalimitang ganito ang paraan ng pag-unawa ng mga Pilipino sa edukasyon. Ang bango bango ng salitang edukasyon para sa mga Pilipino. Ngunit hindi lamang dapat nalilimit sa ganito ang pagtingin natin patungkol sa edukasyon.
Nagbibigay ng ibang perspektib patungkol sa edukasyon ang akda ni Antonio Tujan. Ang papel na Transformative Education ay nagbibigay pokus sa kahalagahan ng edukasyon, kung ano nga ba ang transformative education at ang mga salik na nakapaloob dito. Sinasabi na hindi lamang dapat nakakapagbago ang edukasyon, ngunit mas mabuti kung ito ay magiging transformative. Dahil sabi nga, hindi porket mayroong pagbabago, maganda na ang nagiging epekto nito. May pagbabagong hindi nakakapagpa-unlad at lalo pang napapasama. Imbis na pasulong ang pagbabago, minsa'y nagiging paurong. Ayon kay Tujan, mahalaga ang edukasyon lalong-lalo na sa mga third world countries gaya ng Pilipinas dahil ito ay maaaring maging paraan sa pag-unlad ng isang bansa at ito rin ang paraan upang maabot ng Pilipinas ang tatlong bagay na matagal nang inaasam-asam nito, ang modernisasyon, industriyalisasyon at ang kasaganahan. Isa sa mga hakbang patungkol dito ang Philippines 2000 ni dating pangulong Fidel V. Ramos. Isang agendang naglalayong maging matatas o maalap sa Ingles ang mga Pilipino at maging paki-pakinabang na manggagawa para sa mga dayuhan. Sa madaling salita, ang edukasyon ay ginagamit na instrumento ng mga kapitalista upang tayo'y masakop at maging alipin nang hindi natin nalalaman. Tayo ay pang-tugon sa daloy ng globalisasyon. Maggugol tayo ng oras sa pag-aaral sa loob nang maraming taon para lamang magpagamit sa mga dayuhan at wala din tayong magawa dahil uhaw na uhaw rin tayo sa pera. Uhaw tayo sa magandang buhay. Ito ang mahirap tugunan na problema sa ating lipunan dahil karamihan din ng mga nasa ibaba, imbis na kalabanin ang patalsikin ang mga nasa itaas, nag-aasam pa na maging katulad nila. Nag-aasam din na maging kapitalista pagdating ng araw. Isa kang kahihiyan kung ganto ang perspektib mo bilang manggagawa sa ating bansa. Kinahihiya ka ng mga ka-uri mong nasa laylayan. Imbis na makiisa ka sa pagsulong ng pagbabago sa ating bansa, tumatayo kang indibidwalista. Sarili mo lamang at ang pamilya mo ang nasa isip mo.
Sa paanong paraan tayo maaaring tulungan ng edukasyon upang magkaroon ng pag-unlad ang ating lipunan? Sinasabi ni Tujan na ang edukasyon ay hindi lamang dapat puro pagkakabisa ng mga konsepto galing sa mga librong ating inaaral. Hindi lamang dapat pagsosolb ng mga matematikal equations ang ating natutunan. Dapat nang iwanan ang tradisyonal na paraan ng pagtuturo at gawin na dapat itong “comprehensive at integrative”. Hindi sa paraan ng pagkakabisa magiging magaling ang isang bata sa critical thinking. Hindi lang dapat pagpapalinang ng objectibong pamamaraan sa mga bagay-bagay ang dapat bigyang pokus. Sa paraan lamang ng pagpapakita ng tunay na estado ng lipunan makakamit ng isang estudyante ang tunay na kritikal na pag-iisip. Sinasagot dapat ng edukasyon ang mga problema ng ating lipunan. Ayon sa kanya, dapat maging instrumento ang edukasyon upang mabuksan ang kaisipan ng bawat estudyante patungkol sa tunay na kalagayan ng ating lipunang ginagalawan. May mga iilan na institusyon ang gumagawa na nito, ngunit hindi pa ito laganap sa ating bansa. Nagmumula ang transformative education sa paghuhulma sa mismong institusyon at sa mga guro nito dahil sila ang magsisilbing “guide” sa pagpapatupad nito, i-tranform ang ating mga estudyante, at panghuli ang buong lipunan. Sa tulong ng administrasyon, mga institusyon, ang vision and mission ng mga ito, makabagong curriculum, mga guro at iba pa, maisasakatuparan ang transformative education. Makakatulong ang transformative education sa pag-usbong ng pagbabago at pagpapa-unlad sa sistema ng edukasyon sa ating bansa at kalaunan maging susi ito sa pagbabago ng Pilipinas mismo. Sa paanong paraan? Ang transformative education ang paraan upang maging bukas ang isipan ng mga Pilipino laban sa elitistang pamamalakad sa ating bansa. At ang epekto nito'y mag-iisip tayo ng paraan upang sila'y mapatalsik.
Bukod pa dito, nililinang ang social awareness at social consciousness ng mga estudyante patungkol sa mga panlipunang usapin at suliranin na mayroon ang ating bansa sa kasalukuyan dahil mas magkakaroon ito ng exposure sa labas ng institusyon. Ika nga, ang “classroom beyond walls” kung saan sinasabi na hindi lamang nanggagaling sa libro o teksto ang dapat matutunan ng isang bata, kung hindi sa reyalidad din na kanyang ginagalawan. Kailangan niya din matuto base sa kanyang mga nakikita sa labas at sa mga karanasan na kanyang nakukuha sa pang araw-araw.
Tunay ngang bulok ang educational system sa Pilipinas. Mga negosyo lamang ang patuloy na makikinabang kung hindi magkakaroon ng pagbabago. Ngunit paano makakamit ang pagbabago? Kinakailangan munang makalaya ng bansa sa foreign control. Control sa local economy, local politics at way of life. Mababago lamang ito kung mayroong sapat na kamulatan at kaalaman ang mga tao patungkol dito. Ito ang isa sa mga malalaking problema sa Pilipinas, dominante ang mga mangmang kaysa sa mga conscious. Mas marami ang mga bulag kaysa sa mga kritikal at analitikal mag-isip. Higit na makakatulong ang mga educational institutions upang maging isang hakbang tungo sa paglutas ng bulok na sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Bukod pa dito, kailangan nating lumabas sa ating mga kahon at hindi lamang sumunod sa agos ng mundo. Huwag natin hayaan ang ating sarili na i-reproduce lamang ang lipunan na kinasanayan natin. Hindi lamang tayo nag-aaral upang ipagpatuloy ang mga negosyo ng mga nasa itaas, kinakailangan din nating punan ang pangangailangan ng nakararami.
October 2, 2019
0 notes
beapxtrice-blog ¡ 5 years ago
Text
Ang Literatura ng Uring Anakpawis:
Ang Literatura ng Uring Anakpawis ay papel na nagsasaad ng koleksyon ng mga akdang isinulat ng mga manunulat mula sa uring anak-pawis.  Ang itinuturing na mga uring anakpawis ay ang mga nasa laylayan, mga magsasaka, tindera't-tindero sa palengke, mga manggagawa sa pabrika, mga kargador at ang iba pang mga taong nagbabanat ng buto upang makakain lamang sa araw-araw. Sila ang mga inaalipusta ng mga mapang-aping uri sa ating lipunan. Nagsimulang sumikat ang mga akdang uring anakpawis noong dekada '50. May mga iilan na ring sumusulat bago pa nito ngunit hindi nag tagumpay dahil mas binibigyang halaga ang mga sulatin sa wikang Ingles kaysa sa wikang Filipino.
Bago dumating ang mga kolonyalista, hindi pa naman gaanong nakikita ang kawalan ng pagkakapantay-pantay sa estado ng pamumuhay ng mga pilipino noon. Ngunit nang pumasok ang mga Espanyol, doon ipinakilala ang konsepto ng social stratification sa ating bansa. Bukod sa pagbibigay sa atin ng tawag ng mga Espanyol na "Indio”, nariyan din ang mga patakarang Polo Y Servicio, kung saan sapilitang pagtatrabaho at paglilingkod ng mga kalalakihan sa mga kamay ng mga Espanyol at ang Encomienda System kung saan pinapayagan na ipagkatiwala ang mga lupain sa mga manggagawa ngunit sa patakaran ng mga nagmamay-ari ng lupa. Iilan lamang ito sa mga patakaran na ipinatupad ng mga Espanyol noon. Sa kabilang banda, iba naman ang istratehiya ng pananakop ng mga Amerikano. Imbis na sakupin nila sa mapangahas at pisikal na paraan, sinakop nila tayo gamit ang impluwensiya. “Neo-colonialism” nga kung tatawagin na mapa-hanggang ngayon buhay na buhay sa ating lipunan. Sa pamamagitan ng mga produkto ng literaturang popular, nilalayo tayo sa economic realities na kinakaharap ng ating bansa. Ideological tools ang tawag sa mga produkto ng kultura katulad na lamang ng mga tula, nobela, films, telenobela at iba pa. Ang tanong ay kung kaninong mga ideological tools ang binibigyan natin ng kahalagahan – ang ideology ba ng mapang-aping uri o ng mga katulad nating nasa laylayan na nagsasabi na magkaroon tayo ng mga bagong pagtingin na makakatulong sa ating mga sarili upang umunlad? Sa pamamagitan ng mga pelikulang nakakaaliw at nakakakilig, hindi natin napapansin na binubulag na tayo sa kung ano ang dapat nating pagtuunan ng pansin. Hindi natin nakikita na “free floating” ang mga ito sa usaping politika. Hindi naman sinasabing huwag na tayong manood ng mga ganitong klaseng entertainment, ngunit kung ang epekto nito ay ang pagiging palatakas o “escapist” natin sa reyalidad ng buhay, malaking problema ito. Papurol lamang ng papurol ang ating evaluation sa mga instrumentong ginagamit ng mapang-aping uri habang lumilipas ang panahon. Hindi dapat nagiging balakid ang popular culture upang huwag tayong magkaroon ng kamulatan o ng kamalayan sa totoong isyu ng ating kapaligiran. Hindi ito ginagawang shabu na kapag hinihithit mo'y makakalimot ka na sa mga problema.
Ang Literaturang Anakpawis ang nagsisilbing susi natin upang malaman natin ang totoong sitwasyon natin ngayon na isinasalamin ng panitikan. Sinasabi rito na dapat bawasan natin ang pagkahilig natin sa mga literaturang Popular dahil kung tutuusin ay irrelevant lamang ito at ginagawa lamang negosyo ng mga burges. Dapat nating basahin ang mga akdang makakapagmulat sa atin ng totoong sitwasyon ng ating lipunan. Ang mga akdang hindi takot sa pagsisiwalat ng mga inequalities at injustices ng mga nasa itaas. Isa pa, ipinababatid ng akdang ito na hindi lamang ang mga may kaya o mga burges ang may kakayahang magsulat at magbasa sapagkat nabibigyan din ng pagkakataon ang mga manggagawang Filipino na makialam sa isyung panlipunan na nagpapahirap sa kanila at mabigyan sila ng boses upang mas marinig pa ng mga nasa itaas. Sa pamamagitan ng ibat-ibang uri ng akdang sulatin, lakas-loob nialang tinuligsa ang mga mapang-aping uri sa ating lipunan.
September 29, 2019
0 notes
beapxtrice-blog ¡ 6 years ago
Text
Blog ang Mundo: Pagsasalsal at Pakikibaka sa Internet
Aminin man natin o hindi, hindi na tayo mabubuhay ng walang Internet, lalo na sa mga kabataang tulad ko na pagkasilang pa lamang sa mundo'y nakasanayan nang gumamit nito. Hindi natin maitatanggi na malaki ang nadudulot ng Internet na kaginhawaan sa ating lahat. Sa sobrang daming pwedeng maitulong at magawa nito, maiisip mong ang Internet ay isang birtwal na mundong walang limitasyon. Oo nga naman, isang pindot mo lamang ay mayroon ka nang access sa kahit anong bagay o ideya na naisipan mong siyasatin. Kapag gusto mong kausapin ang mga importanteng tao sa buhay mo, malayo man sila o malapit, maaari mo silang makausap at makita gamit ang Internet. Sa madali’t-sabi, pinapaliit nito ang mundong ginagalawan mo. At higit na pinapadali nito ang ibang mga gawain mo sa araw-araw. Hindi lamang ito, makakatulong din ito sa pang-akademikong gawain, sa paghahanap ng aliw o entertainment, sa malayang paglalahad ng iyong mga opinyon at marami pang iba. Bigyan natin ng diin ang huling dulot ng internet – malayang paglalahad ng opinyon. Ang internet ay nagsisilbing plataporma upang ang isang tao ay makapaghayag at makapagbahagi ng kanyang mga ideya, opinyon, nalalaman patungkol sa isa o higit pang mga paksa na naayon sa kanyang interes. Ang espisipik na tawag sa ganitong paraan ay “blog”. Karaniwan, ang tradisyunal na paraan ng pagsusulat para makapagbahagi ng impormasyon sa ibang tao ay ang paggamit ng ballpen at papel, ngunit dahil nga sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya, napadali ang pagpapahayag ng mga impormasyon at mas naging malawak ang naabot nitong audience.
Ngunit sa paglipas ng panahon, umabot tayo sa puntong hindi na natin namamalayan na umiikot na ang mundo natin dito at masyado na natin itong binibigyang halaga. Sa paanong paraan? Kung dati’y makabuluhan pa ang mga ibinabahagi nating mga impormasyon o karanasan sa ating mga blog, ngayon ay kahit hindi naman ganoong “relevant” para sa iba ay isinisiwalat pa rin natin. Sa pagbibigay sa atin ng labis-labis na kalayaan, wala na tayong limitasyon sa kung ano man ang ibinabahagi natin sa iba. Dumating sa puntong naging isa na lamang ang mga bagay na pang-pribado lamang at pampubliko. Ito ang dahilan kung bakit ginamit ni U Z. Eliserio ang salitang pagsasalsal. Kung iisipin sa una, ang ibig sabihin nito’y literal na gawaing sekswal ngunit mas malalim pala ang pagkakagamit niya sa salitang ito, metaporikal kung tatawagin. Inihalintulad niya ito sa mga gawain nating pang-pribado lamang dapat dahil ito ay mga bagay na hindi naman kadalasang ibinabahagi sa iba. Ngunit, dahil nga may mga taong naghahanap ng atensyon at kasikatan galing sa iba, gagawin niya ang lahat upang mapukaw ang atensyon ng mga nakakakita. Hindi naman katulad ng tradisyunal na media ang blog at kabuuan ng internet na fini-filter o pinipili lamang ilabas kung ano ang mga balitang ipapakita sa mga tao, ang blog at ang kabuuan ng Internet ay nagsilbing isang malayang plataporma kung kaya’t mas marami ang impormasyon na maaaring makita ng mga tao.
Hindi ko maikakailang nagsasalsal na din ako sa Internet at lubos kong ikinakahiya ang mga ito dahil napagtanto ko na nakadagdag lamang ang mga posts ko sa mga walang kwentang bagay. Napagtanto kong napaka-babaw nang mga posts na puro selfie lamang, mga personal na gawain ng ibang tao at mga bagay na nakakapagpapurol sa kritikal mong pag-iisip. Sayang lamang sa oras at panahon. Ano nga ba ang pake mo kung nagpagupit si Pedro? Kung kumain si Juan sa masarap na restaurant? Ano naman kung single na ang status ng kaklase mo? Nakakatawang isipin, ‘di ba? Paano natin maitatawag na rebolusyonaryo ang internet sa pamamagitan ng blogs kung wala namang saysay ang nakikita natin dito? Marahil kokontrahin natin ang sinabi ni Andrada na “rebolusyonaryo ang internet at ang blog ay isang magandang tunggalian na dapat hubugin patungo sa demoktratikong lipunan” kung puro pagsasalsal lamang ang ating gagawin. Ang paggawa ng blogs ay isang pang-akademikong gawain, hindi ito maaaring gamitin sa pagsabi at pagbahagi ng mga bagay na wala namang katuturan. Ito dapat ay kapupulutan ng aral, at higit na makakatulong sa pagpapalinang ng kaisipan ng mga makakabasa nito. Nakakadagdag lamang tayo ng “katangahan” kung magpo-post pa tayo ng mga bagay na “irrelevant” sa pamumuhay ng iba.
Kaya matuto tayong gamitin ng wasto ang Internet at Cyberspace. Kung wala naman tayong maibabahaging kapupulutan ng aral ng iba, huwag na lamang tayo mag-post. Mayroong mga taong gustong gamitin ang Internet sa mas makabuluhang bagay. Kinakailangan  nating tandaan na makapangyarihan ang Internet at lubos itong nakaka-impluwensiya ng pag-iisip ng iba. Mabilis kumalat ang kamangmangan o katangahan. Kung wala kang maidudulot na mabuti, manahimik ka na lang.
1 note ¡ View note
beapxtrice-blog ¡ 6 years ago
Text
Edukasyon Para sa Iilan: Kung Bakit Asal Mayaman Si Pedrong Maralita
Hindi ka ba napapa-isip kung bakit sa dinami-dami ng Pedrong Maralita sa Pilipinas, 'yong mga mayayaman pa ang kayang mag-impluwensiya't mag-bilog sa isip ng karamihan? Kung sino ang kaunti, sila pa ang mas makapangyarihan. Nakakatawang isipin 'di ba? Kung sino ang hindi mabilang sa kamay, sila pa yung walang boses para mag-salita't mag-reklamo sa pang-aalipusta ng mga nasa itaas. O baka, wala na rin talaga sa bokabularyo ng mga Pedrong Maralita ang “pagrereklamo” o “pagsasalita”. Wala nang nagaganap na pagrereklamo dahil ang mga nasa laylayan ay nauuto na rin ng mga nasa itaas? Nauuto sa paraan na imbis na labanan nila ang kaisipang pang-“mayayaman”, napapasunod na lang din sila dahil ito ang nakakapagpa-mukha sa kanila na sila ay ka-pantay ng mga tinitingala nilang idolo?
Sakit na ng karamihan ang False Consciousness lalo na ang mga kabataang tulad ko. Ang ibig sabihin ng salitang ito ay ang mga working class (aka mahihirap) ay naniniwala, sinasang-ayunan at sinusunod ang mga ideya at pananaw ng bourgeouis (aka mayayaman). Pilit nating pinagmumukhang mayaman ang ating mga sarili sa pagbili ng kung ano-anong bagay na american-made o produktong gawa internationally kahit na mabigat sa ating bulsa ang pagbili ng mga ganito. Gumagasta tayo ng pera para sa mga bagay na alam nating hindi importante. Gusto rin nating mapunta sa mga pribadong eskwelahan at magagandang unibersidad tulad ng UP, De La Salle University at UST. Ano ang dahilan kung bakit ganito mag-isip ang karamihan na nasa laylayan? Dahil ito ang itinatak sa atin ng mga mayayaman na maganda. Dito ka magmumukhang mayaman. Dito ka maiiba sa iba. Dito ka aangat sa mga kapwa mong Pilipinong nasa ilalim. Kapag nasa UP o Ateneo ka, bukod sa maganda ang kalidad ng edukasyon sa mga nasabing eskwelahan na ito, mayaman ka kung dito ka mag-aaral. Mag-mumukha kang mabango. Dahil, mayaman = matik mabango. Kaya maraming kabataan ang katulad ko ang pinipilit pumasok sa mga paaralang pantangi kahit kulang ang kanilang kapasidad at hindi tugma sa kalagayan ng kanilang pamumuhay. Idagdag mo pa ngayon ang pagsikat ng VLOGS (Video Blog) ng mga kilalang personalidad. May malaking epekto ito sa mga manonood lalong-lalo na sa mga batang namulat sa paggamit ng teknolohiya sa murang edad. Isa rito ay si Heart Evangelista, asawa ni Sen. Chiz Escudero, na wala namang ibang ipakita sa mga bidyo niya kung hindi ang kanyang mga “branded” bags at ang presyo ng mga ito, ang dami ng kanyang damit, ang pinaka-mamahal niyang aso at ang kanyang skin-care routine sa umaga. Syempre, para sa kagaya kong kabataan, yun ang maganda sa aking paningin. Gano'n ang magiging “standard” ko ng aking success o tagumpay. Sa ganung paraan ako maiiba sa iba. Imbis na yakapin mo kung ano at sino ka, nagbabago ka dahil sa mga nakikita mo sa paligid.
Ang pinaka-tipikal na halimbawa ng sakit na ito ay ang pagtangkilik ng karamihan sa Starbucks. Ang iba sa atin hindi naman talaga afford at napipilitan lamang bumili ng starbucks. Mahilig pa mag-selfie na hawak-hawak ang baso na kita ang logo habang ang caption ay “chilling here @ starbucks” sabay post sa social media. Pagtapos naman ng ilang araw ay mammroblema kung saan mangungutang ng pera para pang-kain sa mga susunod na linggo. Mayroon namang kopiko sa tabi-tabi, ngunit dahil gustong mapataas ang tingin sa sarili, sa starbucks pumunta.
Kaya sa panahon natin ngayon, mahirap nang malaman kung sino ang mayaman sa mahirap. Kung sino ang tunay na mayaman, at ang nagpapanggap mayaman. Ngunit, hindi rin natin ito pwedeng isisi kay Pedrong Maralita dahil sinadya ito ng mga nasa itaas, sinadya nila tayong impluwensiyahan dahil ito ang kanilang pamamaraan upang tayo'y masakop. Nakakalungkot lamang isipin, dahil imbis na magtulong-tulong pabagsakin ang mga nasa itaas, ang iba pang nasa ibaba'y umaakyat at isinisiksik ang sarili sa itaas. Mas magiging malakas ang pwersa ng mga nasa ibaba kung mayroong pagsama-sama at kaisahan.
0 notes
beapxtrice-blog ¡ 6 years ago
Text
EDUKASYONG KOLONYAL: SANHI AT BUNGA NG MAHABANG PAGKAALIPIN
Sa panahon natin ngayon, ang mga katulad kong kapos sa pera ang madalas naaalipusta't kawawa sa mundong ating ginagalawan. Pera at impluwensiya na lamang ang nagsisilbing instrumento para mahawakan mo ang mundo. Hindi na sa talino't tiyaga nasusukat ang galing ng isang tao. Hindi na sa kung gaano kataas ang tinapos niyang edukasyon. Basta may pera ka at mayroon kang kakayahang mag-impluwensiya, magkakaroon ka ng lugar sa itaas.
Ang mga nasa baba ay lalo lamang binabagtas ang hagdan patungo sa kahirapan habang ang mga nasa itaas ay patuloy na nagpapaka-sarap sa marangyang buhay na mayroon sila. Bakit nga ba gano'n? Hindi ba sapat ang kayod upang malagpasan ang kahirapan? Hindi ba sagot ang edukasyon upang kahit papaano'y umangat ka sa buhay na mayroon ka? Hindi ba ito ang susi upang mai-angat mo ang iyong pamilya sa gutom? Ganito ang isinaksak na ideya sa utak ng mga Pilipino patungkol sa edukasyon simula pa lamang ng dumating ang mga kolonyalistang Amerikano. Edukasyon ang susi sa kahirapan. Edukasyon ang yaman ng bansa. Edukasyon ang makakapagpabago ng tingin ng ibang tao sa iyo. Kung iisipin natin, napaka-babaw na persepsyon ang ating hinahawakan para sa salitang ito.
Lingid sa ating kaalaman na hindi naman tayo ang nakikinabang kapag nakatapos man tayo sa pag-aaral o hindi. Marami nang nakapag-tapos sa pag-aaral, pero bakit hirap pa din ang iba sa kanila? Marami pa ring mga Pilipino ang naloloko sa ideya na ang edukasyon talaga ang bubuhay sa ating lahat na mga nasa laylayan dahil ito ang isinaksak sa ating mga isipan, simula pa sa ating kanuno-nunoan. Simula ng dumating ang mga Amerikano, ginamit nila ang edukasyon para tayo'y tuluyang masakop. Ang paggamit ng dahas ay hindi na epektibo dahil tayo ri'y makikipag-laban gamit ang dahas. Ang edukasyon ang instrumento laban sa mga Pilipino. Ang edukasyon ay instrumento para sa ikagiginhawa ng mga dayuhan.
Ipinakilala nila ito na para bang ito na ang kasagutan ng lahat ng problema na mayroon ang ating bansa. Kasama na dito ang pagsasalita ng wikang Ingles. Isinaksak sa kokote ng mga Pilipino kung gaano makapagbabago ng lipunan ang edukasyon. Dahil tayo'y mga uto-uto, tayo'y naniwala. Kaya patuloy tayong naloloko ng mga malalaking kapitalista sa bansa, dahil patuloy rin tayong umaasa na ang edukasyon ang kasagutan sa lahat ng ating problema.
Naniwala tayo sa kapangyarihan ng edukasyon hanggang sa hindi na namamalayan ng mga Pilipino na paraan lamang ito ng mga kolonyalista upang tayo'y mapukaw ng kanilang mga ideya at kultura. Tayo'y tanggap ng tanggap ng mga kaalaman na nagpapa-unlad ng ating pang kolonyalistang kaisipan at hindi ng ating pagka-Pilipino hanggang sa mas nagbibigay na tayo ng suporta sa ibang bansa kaysa sa sariling atin. Lalong humina ang pundasyon ng nationalist consciousness ng mga Pilipino kaya tayo'y mabilis na lamang ma-impluwensiyahan. Kinailangan matuto ng Ingles ang karamihan dahil ito raw ang mas magandang pakinggan at dito nagmumukhang matalino ang isang tao. At lumipas ang panahon, mas tinatangkilik na natin ang mga ideya at produkto ng ibang bansa.
Ang pangyayari na ito ang may kasalanan kung bakit patuloy na nabubulag at naaalipusta ang mga mahihirap sa ating bansa. Dahil sa paniniwala natin sa edukasyon, pinipilit nating makapagtapos ng pag-aaral. Pinipilit nating kumuha ng kurso kung saan mas kikita tayo. Pero ang hindi natin namamalayan, wala ring silbi ito dahil sa mga walang awang naka-upo sa itaas, mga magnanakaw at tunay na salot ng lipunan. Alipin nanaman tayo. Sunod-sunuran nanaman tayo na parang mga aso. Tayo ang nagta-trabaho para sa kanila. Tayo ang kumakayod at lumuluha ng pawis para sa ikagiginhawa ng buhay nila. Pero ang pamumuhay natin, nagbago ba? Sapat ba ang pera na kinikita natin? Buong araw nag-trabaho, pero pagdating ng sahod kulang pa din sa ipangkakain ng buong pamilya. Nagnanakaw sila sa mga mahihirap na walang kalaban-laban. Alipin ka ng sarili mong mga kapatid. Alipin ka ng sarili mong bansa.
Marami nang naging masamang epekto ang mga kolonyalista sa ating bansa, ngunit hindi pa rin natatapos dito. Hanggang ngayon ay sinasakop pa din tayo ng mga ito. Hindi nga lang sa literal na paraan. Ang mga nakikita natin sa telebisyon, radyo, noon-time shows, sa pamilihan at maging sa malls, kalimitan mong makikita ang impluwensiya ng banyaga. Ang mga batang makikita mo sa kalsada, hindi na “bahay-kubo” ang kinakanta, pero “kill this love” ng BLACKPINK, isang sikat na girl group sa Korea. Kapag bumibili ka ng sabon sa grocery, hindi mo namamalayan na mas marami pa ang international brands kaysa sa local brands. At syempre ikaw, bilang isang tipikal na Pilipino, hindi local brand ang pipiliin mo. Iba kasi ang international brand katwiran mo. Hindi mo naman kasalanan kung bakit ganyan ka mag-isip.
Kalunos-lunos na nga ang kalagayan ng mga mahihirap sa ating bansa, lalo pa kung titignan natin ang lagay ng Pilipinas sa buong mundo — ang epekto ng Globalisasyon. The world without borders, ika nga nila. Tayo ba ang nakikinabang?
July 21, 2019
0 notes
beapxtrice-blog ¡ 6 years ago
Text
MISEDUKASYON:
Ipinanganak kang mahirap, mamamatay kang mahirap.
Ang unang parte ng Misedukasyon ay nagbibigay pansin sa panahon ng mga Amerikano, kung papaano nila ginamit ang edukasyon upang tayo'y ma-impluwensyahan ng kaisipang Amerikano at upang ma-isakatuparan ang kanilang mga pang-kolonyal na programa sa ating bansa. Sinasabi rito na edukasyon ang ginamit na sandata ng mga Amerikano upang hindi natin maisip na ninanakaw na ang ating kalayaan bilang mga Pilipino. Imbis na mga putok ng baril at bomba ang gagamitin, sa pagbibigay kaalaman na lamang nag-pokus ang mga kolonyalistang ito. Pinabango nila ang kanilang mga pangalan sa mata ng mga pilipino. Sinaksak nila sa isipan ng mga pilipino na sila'y mga bayani at hindi mga kaaway.
Binigyang pansin din ang Komersiyalisado, kung saan itinatalakay ang isyu tungkol sa mataas na tuition fee sa ating bansa noong 2000s. Kung titignan natin sa panahon natin ngayon, mayroon na ring pinagbago ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Ang isyu sa mataas na tuition fee ay hindi na gano'n kalaking problema sa'tin dahil libre na ang edukasyon ngayon. Kahit papaano, umusad at nagkaroon naman ng pagbabago ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Mas nagkaroon ng oportunidad ang maraming kabataang mag-aral. Ngunit, hindi natin maikakaila na malaking problema pa rin ang mga pasilidad, kakulangan sa mga kagamitang pang-aral at mga laboratories sa mga iilang state universities. Dito ko natuklasan kung gaano inaalipusta ng mga mayayaman ang mahihirap. Sinampal sa aking mukha na kahit anong pagsunod mo sa batas, kahit na nagbibigay ka ng tamang buwis, kahit na mag-sikap kang mag-trabaho't mag-aral, kung mayroong mga taong makasarili't magnanakaw, hindi ka aasenso. Masasayang lamang ang pagod mo.
Wala ring silbi ang free education kung patuloy kang nanakawan. Ang daming budget ng pamahalaan para sa bayan pero saan napupunta?
Dati, ang persepsyon ng mga Pilipino sa mga estudyante ng pribadong paaralan ay mga bobo na ginagamit lamang ang pera upang mabigyan sila ng espesyal na edukasyon. Ngayon, kabaliktaran na ang nangyari. Ang mga estudyante na nasa pribadong paaralan ay mas matatalino at magagaling dahil mas maganda ang kanilang mga pasilidad at nabibigay sa kanila ang mga materyal na kanilang kailangan sa pag-aaral. Sabi nga sa bidyo, “eskwelahan na mas pinapalago at pinapahusay ang iyong galing”. Kamusta naman ang mga estudyanteng nasa pampublikong paaralan na hindi nabibigyan ng sapat na atensyon ng gobyerno? 2019 na mabaho't-maputik pa rin ang mga cr. Wala pa ring sapat na bilang ang mga bentelador sa loob ng silid-aralan. Wala pa ding maayos na laboratories na pwedeng gamitin. Pero ikaw na mamamayan walang mintis sa pagbabayad ng buwis. Yan ang gobyerno. Gobyernong binubuo ng mga sinungaling, bolero, magnanakaw, ang iba'y artista, dancer at minsa'y action star pa nga.
Kung lubos nating titignan at susuriin ang bidyong Misedukasyon, makikita natin kung gaano nilalason ng pera ang utak ng isang tao. Sa Pilipinas, kahit na matalino ka, mas nagsisikap ka, umiiyak ka ng pawis, kapag wala kang pera, wala kang silbi. Talo ka. Sabihin na nating mas magaling ka sa iba, pero dahil mas may pera sila, sila ang pipiliin. Sabihin na nating mas may nalalaman ka kaysa sa iba, pero dahil wala kang perang pang-enrol sa eskwelahan kung saan mas ma-eensayo ang pag-iisip mo, walang mangyayari sayo. Kung sino na nga ang mas angat sa buhay, sila pa ang lalong mas umaangat dahil sa kung anong meron sila. At ikaw, bilang isang batang ipinanganak ng mahirap, mamumuhay ka sa mundong ibabaw na mahirap, at dadating ang araw na mamamatay ka ring mahirap.
Basta may tiyaga may nilaga.
Dapat nang baguhin ang mga salitang ito. Hindi na kapani-paniwala.
July 11, 2019
1 note ¡ View note