Photo
There are no heroes on this mountain. We are soldiers filled with love, not hate.
“GOYO: Ang Batang Heneral” dir. Jerrold Tarog
186 notes
·
View notes
Text
Pagbuo sa Imahen ng Batang Heneral
Kapag kinukumpleto ang isang puzzle, kailangan gamitin lahat ng piraso upang mabuo ang isang buong larawan. Ngunit sa pagkakataon na may nawawalang mga piraso, maaari nawala dahil sa pagpapabaya o itinago ito ng ibang tao. Hindi na mabuo ang orihinal na imahen, at sa halip na humanga ang mga tao sa orihinal na imahen, naiwan na lamang ang isang karilas na puno ng butas.
Ganito ang paghambing ko sa imahen ni Gregorio Hilario del Pilar y Sempio sa ating kasaysayan. Marami sa atin ang hindi nakakakita sa marami pang aspeto ng kanyang buhay, at dahil dito hindi natin lubos na naiintindihan o nakita ang heneral galing Bulacan bilang isang tao. Sa pelikula, sinubukan ipakita ang mas buo na litrato ukol sa kanya; makikita natin ang mas malalim na pag-intindi sa pagkatao ni Goyong kaysa sa mga nakaraang naratibo.
Alam natin na si Goyo ay isa sa mga pinaka-batang heneral sa digmaan laban sa mga Amerikano; dalwampu’t apat na taong gulang din siya nung namatay siya sa labanan sa Tirad. Sinasabi rin na siya ay naging isang magiting na sundalo, matapang na lumalaban para sa kanyang bayan at mga prinsipyo. Hinahangaan siya ng karamihan, at maraming dalaga ang nahulog ang kanilang loob para sa matipuno at matapang na sundalo. Masasabi na karapat dapat siya sa mga papuri na nakukuha niya, dahil sa kanyang giting at lakas ng loob.
Larawan mula sa Facebook page ni Ambeth Ocampo (https://www.facebook.com/47261762634/photos/a.302878262634/10155390183167635/?type=3&theater)
Hindi maitatanggi na may katotohanan nga ang mga salaysay na ito mula sa iba’t ibang mananaysay, ngunit makikita na marami rin kahinaan ang batang bayani mula sa Bulacan. Marami siyang iniwang babae na luhaan at nasaktan, iniwan niya lang ang mga ito na tila mga laruan na ayaw na niya gamitin. Ang tinuturing agila ng rebolusyon ay may pahid din dugo sa kanyang mga palad, dugo na dumaloy sa katawan ng mga kaibigan at kasama na tinalikuran at sinaktan. Minumulto si Gregorio ng kanyang mga kasalanan at pagkukulang, ng kanyang pagdududa sa kanyang ipinaglalaban at kakayahan ipaglaban ang mga ito.
Subali’t masasabi rin na kahit mayroon siyang mga pagkakamali at kahinaan, pinatitibay din ito ang kanyang mga mabubuting ginawa para sa bayan. Hindi man siya isang bayani na hindi malalait, ngunit isa pa rin siyang sundalo na sinubukan sa kanyang kakayahan ng ipaglaban ang kasarinlan ng ating bansa. Lumipad man siya para abutin ang karangalan at bumagsak sa lupa, si Gregorio del Pilar ay karapat dapat pa rin bigyan ng karangalan ngunit kasabay nito ang pag-alala sa kanyang mga kasalanan.
Sa aking paniniwala, pinakita ng pelikula ang balanse sa pagitan sa mabubuti at masasamang aspeto ni Goyo, upang ipakita ang isang tao na marami man kapintasan ay dapat pa rin pahalagahan at alalahanin para sa kanyang mga sakripisyo. Matututunan natin mula sa kanya kung ano ang dapat at hindi dapat gawin para sa kabutihan ng Pilipinas, at nakikita na natin siya bilang isang buong tao na napupuno ng pag-ibig para sa bayan.
Isinulat ni Reesha Marion Cata-al Pangunahing karakter
9 notes
·
View notes
Text
Kagiliran
Nabawi ang pagka-“slow burn” ng pelikula matapos ang unang kalahati nito. Ikinuwadro ni Direk Jerrold Tarrog ang pagbiyahe gamit ang pagpinta sa mga eksena nang makulimlim. Maiging inilarawan ang sitwasyon dito gamit ang kaniyang ekspertong pagsapelikula na nakapagguhit ng koneksiyon sa mapanglaw na tono ng eksena at pagsalungat sa sarili ng pangunahing tauhan, si Goyo. Ramdam dito ang tensiyon nang tumungo na ang Heneral dala-dala ang kanyang pulutong sa Bundok Balabag na itinuring sa pelikula bilang Tirad Pass. Gumuguhit ang pagkahapo sa mga mukha ng sundalo. Para bang higit pa sa mga armas at panustos ang kanilang bitbit-bitbit kung hindi bigat din ng ibinabaong kawalan ng pag-asa. Ang bawat pagkaladkad ng kanilang mga botas sa lupa paakyat tila ay naghuhudyat ng kakulangan ng kumpiyansa sa nalalapit na labanan.
Sa kanilang unti-unting pag-akyat ay kapansin-pansin din ang marahang pagliwanag sa pelikula. Imbis na isahan lang o malalamlam na kulay, nadadagan na ng kaunting sinag ng araw. Tila bang sinasamahan ng pag-abot nila sa tuktok ang muling pagtuklas sa landas na mayroong pag-asa at sigasig ng mga.
Higit na ipinatingkad itong kahulugang ito nang si Goyo’y iginitna sa senaryo, nakatalikod sa manonood habang tinutunghayan ang bawat palupo sa tanawin.
Noon ay laging nakatingala lang ang heneral; mga mata ay nakasulyap papalangit na para bang naghahanap ng sagot. Mga matang naghahanap, halos halughugin ang kalaparang asul, ngunit hinahadlangan ng mga tinting ng ulap. Tuluyan niyang naabot ang kahit kaunting kapayapaan at katahimikan ng kalooban nang kaniyang bigyan ang sarili ng pahintulot na malasin ang tanawing nakaharap lamang sa kaniya. Kung inaakalang hindi na ito magiging marilag pa, ang paghalik ng sikat ng bumabangong araw ay binuhusan ang bulubundukin ng matamis na liwanag. Para bang mga along napatigil sabay ng paghinto ng oras ang kiling ng bulubundukin. Ang ihip ng hangin, humahagod, parang pagkakalma sa sumasalantang dibdib.
Dala ng pagmalas sa abot-tanaw, si Goyo ay nakalaya sa pagkakulong hindi lamang sa kamay ng mananakop, ngunit pati narin ng kanyang sarili.
Isinulat ni Louise Montesclaros Isang tagpuan
6 notes
·
View notes
Photo
Lahat ng tao tinitingala ka. Ikaw ang Aguila.
191 notes
·
View notes
Photo
Maligayang bati sa iyong kaarawan, Gregorio.
51 notes
·
View notes
Text
Lupa
Nag-akap ang poot at ligaya sa isang awitin at tinawag itong “Bato sa Buhangin.” Wari’y naghawak-kamay ang pagsuko at pag-asa sa angkin nitong himig upang marahang maitulak ang tagapakinig sa isang munting bigkis. Isang bigkis ng mga notang siyang banayad na gumigiwang sa dalawang tainga. Malamlam, mayumi, at mabisa.
Malumanay ang pag-agos ng himig; nagsisimula sa gilid at, unti-unti, gumagawi sa isipan. Akay-akay nito ang mang-aawit at tagapakinig sa isang tagpuan upang panandaliang mailagay ng ikalawa ang sarili sa katawan ng nauna. Nagsasapi ang iba’t ibang damdamin sa awitin at bumubuo ng magigiliw na saliw. Kasama ng mga hamak na salita, ang saliw na ito ang nagiging tahimik na boses ng kabuuan.
Dahan-dahan itong bumibigkas ng ilang pagsumamo at pagpangakong alay sa isang walang mukhang lakambini. Nagtatanong. Naghahanap ng sagot. Naghihintay ng isang taos-pusong pagtanaw. At habang matamis ang boses ng mang-aawit, mapait ang bitbit ng kanyang mga labi. Isa itong kimkim na iyak at tawang nanghihikayat sa masalimuot na karanasan ng pag-ibig. Isang pag-ibig na walang kasiguraduhan. Isang pag-ibig na maaari ring maglaho.
Ibinubuklod ng kanta ang kawalang-siguraduhang anyo ng nabanggit na pag-ibig sa isang kabaliktaran. Sa pamamagitan ng mapayapang pagmimithi, nakalilikha ito ng kasunduan sa gitna ng kaguluhan, sa likod ng patong-patong na pagkalito. Inilalagak nito ang sinuman sa isang kalutasan. Ipinadadama ang lansag ng emosyon hanggang sa muli nitong maabot ang pagkumpuni.
At sa isang banda, maaaring sabihin na ganito ang naging karanasan ng mga tauhan sa pelikula. Nawasak at nabuo. Naghinagpis at hindi sumuko. Nauwing nagkukubli sa pinid na pagdurusa.
Hanggang dulo, ang awit, ang “Bato sa Buhangin,” ay nanatiling payak, taimtim, at puno ng nakatagong saloobin.
Isinulat ni Haj S. Carpiso Isang tugtugin
1 note
·
View note
Text
TAHOL, GOYO!
120 notes
·
View notes
Text
Isang Pagtalakay sa Karakter ni Joven
Ang pelikulang “Goyo: Ang Batang Heneral” ay tungkol sa mga makasaysayang pangyayari sa Pilipinas. Bagaman maituturing na historikal, naghalo pa rin ang director ng kaunting mga aspektong mula lamang sa kaniyang imahinasyon. Isa na nga rito ay ang karakter ni Joven. Ipinakita na ang kanyang karakter sa naunang pelikula na “Heneral Luna.” Bagaman ang kanyang karakter ay kathang-isip lamang, maganda ang naging epekto niya sa kabuuang daloy ng pelikula.
Magsimula muna tayo sa pisikal na aspeto ng karakter ni Joven. Ipinakita siya sa pelikula bilang isang binata na labing-siyam na taong gulang. Hindi sila nagakakalayo ng pangunahing karakter na si Goyo. Kadalasan, nakasuot siya ng salaming may malalaki at bilog na lente. Madalas rin siyang nakasuot ng sombrero. Malumanay siyang magsalita at hindi rin malalim ang kanyang boses.
Pagdating naman sa ibang aspekto, mahihinuha na reserbado ang pagkatao ni Joven. Hindi siya yung tipo ng tao na mahilig sumama sa iba’t ibang kaganapan. Masasabing may pagka-mahiyain siya. Kung sa kasalukuyang panahaon, masasabing siya yung kaibigan mong hindi gaanong sumamasama sa mga gala ng barkada.
Larawan mula sa trailer ng Goyo: Ang Batang Heneral
Masasabi namang isang intelektuwal ang karakter ni Joven. Ang kadalasang ginagawa niya sa pelikula ay magnilay tungkol sa mga bagay na nangyayari sa kanyang paligid. Hindi niya basta tinatanggap ang mga bagay na pilit na isinusubo sa kanya ng lipunan. Sa madaling sabi, may kakayanan siyang makita ang mas malalim na kahulugan ng mga bagay. Hindi siya basta naloloko ng mga mababaw na kagawian ng lipunan.
Marahil, marami ang magsasabi na isang duwag si Joven. Kita naman sa pelikula na hindi man lamang siya sundalo sa panahon ng rebolusyon. Yaong unang pagkakataon pang nagkaharapan sila ng isang sundalong Amerikano, nagpagulong-gulong siya pababa ng isang bangin. Ngunit, sa kabila nito, masasabing may ibang uri ng tapang si Joven.
Malinaw na sa labas, hindi matapang si Joven. Ngunit ang tinataglay niyang tapang ay nasa loob. Matapang siya sapagkat pinili niyang idilat ang kanyang mga mata sa panahong marami ang nabubulag ng ambisyon at pulitika. Siya mismo ang nagsabi sa pelikulang ayaw niyang magbulag-bulagan. Dahil dito, nagsisilbing isang komentaryo sa lipunan natin ang pagkatao ni Joven.
Sa karakter ni Joven, naiparating ng director na hindi tayo dapat magbulag-bulagan sa mga nangyayari sa ating bayan. Tulad ni Joven kinakailang na ng mga Pilipino, partikular na ang mga kabataan, na gisingin ang kanilang mga sarili mula sa pagkakaidlip. Maraming nagyayaring hindi maganda sa bayan sa kasalukuyan. Marapat lamang na tulad ni Joven, matuto tayong salungatin ang mga alon na posible lamang magdala sa atin sa kapahamakan bilang isang bayan.
Isinulat ni Gian Paolo Talapian
Segundaryong karakter
24 notes
·
View notes
Text
Goyo: Bayani o Hindi?
Maraming inaning reaksiyon ang pelikulang “Goyo: Ang Batang Heneral.” Karamihan, kung hindi lahat, ng nakapanood sa pelikula ay magsasabing dekalidad ang pagkakagawa nito. Hindi lamang ito tulad ng ibang mga pelikulang Pilipino na basta-basta lamang ang pagkakagawa. Makikita na talagang may dedikasyon ang mga gumawa nito. Kadalasan, wala namang nagtatalo sa aspektong ito. Ang interesanteng pagtuunang pansin ay ang naging reaksiyon ng mga tao sa ginawang paglalarawan kay Gregorio del Pilar, o Goyo, sa pelikula.
Kapansin-pansin na nahati sa dalawang panig ang mga nakapanood sa pelikula. Ang isang panig ay yaong mga nagsasabing hindi raw karapat-dapat na ituring bilang isang bayani si Goyo. Ayon sa kanila, puro daw kasinungalingan ang itinuro sa kanila sa paaralan. Sinasabi naman ng kabila na mali ang ginawang paglalarawan ng pelikula kay Goyo sapagkat nawala na ang pagkabayani nito. Nasaan na raw ang mga ginawang kabayanihan ng batang heneral? Bakit hindi lamang ipinakita ang mga matatagumpay niyang laban?
Para sa unang panig, sinasabi nila na masyado raw maraming pagkakamali si Goyo para maituring na isang bayani. Batay sa pelikula, hindi gaanong kaaya-aya ang karakter ni Goyo kung ikukumpara sa karakter ni Antonio Luna na binigyang pansin naman sa naunang pelikulang Heneral Luna.
Sa pelikulang “Heneral Luna,” ipinakita si Antonio Luna bilang isang magiting na sundalo na puno ng prinsipyo. Mahalaga sa kanya ang disiplina. Hindi puwede kay Luna ang mga malalamya na hukbo sa rebolusyon. Malinaw rin sa kanya kung saang direksiyon niya dadalhin ang rebolusyon. Ang pagkamatay niya sa mga kamay ng mga kapwa Pilipino ay mas lalo pang nag-angat sa kanyang reputasyon bilang isang bayani.
Sa kabilang banda naman, narito si Goyo. Inilarawan siya sa pelikula bilang isang batang heneral na hindi pa malinaw sa kanya kung ano nga ba talaga ang papel niya sa rebolusyon. Isa lamang siyang sunud-sunuran kay Aguinaldo. Kung kulang pa iyan, babaero din siya. Kahit ang mismong pagkamatay umano niya ay malayo sa pagkamatay ni Luna. Tila namatay siya dahil lamang sa sarili niyang kapabayaan.
Ang nabanggit na paglalarawan kay Goyo sa naunang talata ang lubos namang tinututulan ng kabilang panig. Kung sinasabi ng unang panig na hindi bayani si Goyo, sinasabi naman ngayon ng isa na bayani si Goyo, ngunit hindi maayos na naipakita sa pelikula.
Ayon sa ilang manonood, masyado raw nakatuon sa mga pagkakamali ni Goyo ang pelikula. Kumbaga, sa unang pelikula, mas ipinakita ang pagka-bayani ni Heneral Luna kaysa ang kanyang pagkatao. Si Goyo naman, mas ipinakita ang kanyang pagkatao kaysa sa kanyang pagka-bayani. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit may mga hindi sumang-ayon dito. Bakit hindi man lamang ipinakita ang mga magagandang ginawa ni Goyo para sa bayan?
Bagaman nagkaroon ng debate sa pagitan ng ilang manonood ukol sa pagkabayani ni Goyo, hindi makakaila na nakatulong ang pelikula upang mas maging mulat ang mga mamamayan ukol sa kasaysayan ng ating bansa na madalas ay isinasantabi na lamang. Tama man o hindi ang ginawang paglalarawan ng pelikula kay Goyo, maganda pa rin ang naging epekto nito sa mga Pilipino. Unti-unti nang lumilitaw muli ang ilang aspekto ng ating kasaysayan na tila nakalimutan na sa paglipas ng mga panahon.
Nawa ay maging umpisa ang mga pelikula tulad ng “Heneral Luna” at “Goyo: Ang Batang Heneral” upang magkaroon pa ng interes ang mga tao na pag-aralan ang mga tao at pangyayari sa ating kasaysayan. Makikita na ang naging debate sa dalawang panig ng mga manonood ay naghimok sa kanila upang mas lalo pang magsaliksik tungkol sa mga pangyayari sa nakaraan. Hinid natin maaaring kalimutan n alamang ang nakaraan. Kung hindi tayo matututo sa ating nakaraan, paano natin malalaman kung saang direksyon natin dadalhin ang ating bayan?
Isinulat ni Gian Paolo Talapian Pagtanggap ng manonood/fans
17 notes
·
View notes