alliahahmed-alshatti-csci11
Modules 3 at 4
4 posts
Al Shatti, Alliah Ahmed Ali O./C-SCI-11/NSTP-CWTS
Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
REFLECTION
Isa akong mamamayan ng Barangay 67, Zone 6 ng Tondo, Maynila. Ayon sa census noong 2015, nasa 3, 983 ang populasyon nito. Ang mga isyu sa aming komunidad ay hindi na maiiwasan ngunit maaari naming mabawasan gaya na lang ng paglaganap ng mga ilegal na droga lalo na sa mga iskinita kung saan nangyayari ang bentahan o pagggamit nito, ang mga rambol ng mga kabataan o patayan ng mga kalalakihan, mga away-pamilyang lumalaki na nakararating sa labas, mga nakawan, at iba pa. Hindi na naman kasi ito maiiwasang mangyari lalo na’t kapag nagpapadala ang mga tao sa bugso ng kanilang mga damdamin. Namulat na ako sa mga ganitong pangyayari dahil sa ditto na ako lumaki. Ang naiisip ko na lamang na solusyon ay mas paigtingin pa ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng batas alinsunod sa tamang panununtunan gaya na lamang ng oplan tokhang. Salungat ako sa mga EJK na naganap sa bansa. Naniniwala ako na posible ang pagbabago, bigyan lamang ng tiyansang magbago. Mayroon naming mga rehabilitation centers na makatutulong sa kanilang pagbabago. Ang hirap kasi sa ibang mga opisyal ngayon ay sa una lamang magaling. Sa una lang papairalin yung batas, sa susunod naman ganoon na uli, balik na sa dati tulad na lamang nung smoking ban na naging vaping ban na ngayon simula noong lumipat na ang mga dating naninigarilyo sa pagvvape at nalugi na ang mga bigating kumpanya tulad na lamang ni Philip Morris. Hindi na kapakanan ng mga mamamayan ang iniisip ng mga namamahala kung hindi ang pera. Ngayon, baon baon na sa utang ang ating bansa dahil imbis na unahin ng gobyerno ang kapakanan ng mga madla, inuuna nila ang kanilang bulsa. Hiling ko lang naman ay mabuting pamamahala para umunlad ang ating bansa, hindi maging lalong mahirap yung mahihirap na pero yung mga mayayaman na naman ay lalong yumaman pa. Hangad ko ekwidad para sa lahat. Hindi na kasi ako natutuwa sa mga balita. Halimbawa na lamang noong bagyong Yolanda, napakalaking perang donasyon ang nalikom ng bansa para sa mga nasalanta ngunit kaunti lang naman ang nakarating sa kanila. Saan napunta yung malaking porsyento? Sa bulsa nila? Naiisip ko lang kasi, kahit gaano pa kayaman ang ating bansa, kahit gaano pa kalaki ang perang nakalaan para sa mga mamamayan, nasa kamay pa rin ito ng mga namamahala. Nasa kanilang kamay kung magkakaroon ba ng sapat na kaalaman, resources at tulong ang mga mamamayan kung sakaling magkaroon ng sakuna. Ayun lamang ang sagot sa tanong na paano – mabuting pamamahala. Sa ngayon, ang magagawa ko lamang para sa bansa ay pagtuon muna ng pansin sa aking komunidad na kinabibilangan. Halimbawa na lamang, ituturo ko ang aking mga natutunan sa DRRM seminar lalo na yung kung paano magsagawa ng CPR dahil kritikal yun na kaalaman na kailangan alam ng mga mamamayan. Buhay na kasi ang pinag-uusapan. Kaya ituturo ko ito sa aking pamilya, sa aking mga kaibigan at kakilala nang maturuan rin nila ang kanila.
0 notes
Photo
Tumblr media Tumblr media Tumblr media Tumblr media Tumblr media Tumblr media Tumblr media
Community Walk
Makikita sa mga litrato ang barangay 67, ang mga mamamayan nito, ang mga kahinaan at kalakasan nito. Mayroong mang mga sirang kanal, buhol-buhol na kable ng mga kuryente, dikit-dikit na bahay, mahihirap sa iskinita, maginhawa sa bukana, ang mga mamamayan ng barangay 67 ay masisipag at matulungin, gagawin ang lahat upang umunlad hindi lamang ang mga sarili kundi pati na rin ang mga pamayanan kahit sa pamamasada lamang ng sidecar kahit mayroon ng mga tricycle na di-motor o pagtitinda ng mga ulam sa murang halaga, maliit man ang pamamaraan ay mayroon pa ring epekto dahil kung ang bawat mamamayan ay mayroong magagawa na kahit maliit, kapag pinagsama ang mga ito ay malaki pa rin ang epekto.
0 notes
Photo
Tumblr media
BDRRM KWENTUHAN 
Barangay 67, Zone 6 
Secretary Dolores Delos Santos and Kagawad Carding Delos Santos
0 notes
Text
BDRRM KWENTUHAN
Hazard Identification
Ang naaalala kong mga bantang panganib na nangyari na sa ating barangay ay mga kalamidad tulad ng bagyo at lindol, sakuna tulad ng sunog at iba pang mga hindi inaasahang pangyayari tulad na lamang ng nakawan at patayan. Madalang mang maranasan ito ng ating pamayanan, kinakailangan pa rin nating maghanda dahil halos sa mga ito ay hindi inaasahan. Kung kaya naman ang ating barangay, katulong ang iba pang lokal na pamahalaan at mga opisyal ay ginagawa ang lubos ng aming makakaya upang hindi lamang maging handa ang ating pamayanan o maiwasan ang mga maaaring maiwasan. Sa kadahilanang hindi naman lahat ng naninirahan sa ating pamayanan ay may kaya sa buhay, mayroong mga pangyayari tulad ng nakawan, rambol o patayan marahil sa impluwensya ng mga illegal na droga at iba pa. Kaya naman pinalalawak ng ating barangay ang koneksyon sa mga naninirahan upang madaling makaaksyon sa mga ganitong pangyayari at maiwasan ang paglala ng sitwasyon.   
Vulnerability, Elements and People at Risk Assessment
Sabihin nating may tumamang bagyo ngayon, buong barangay ang mapipinsala ng baha sa kadahilanang hindi pa natataasan an gating mga kalsada kagaya ng mga katabing barangay. Mayroong mga iilan ring kanal ang barado. Hindi gaanong maayos ang ating drainage system sa kadahilanang karamihan ay hindi pa rin nagtatapon ng kanilang mga basura sa tamang tapunan kahit mayroon naming nagongolekta ng basura tuwing umaga at mga tigawalis ng kalsada tuwing gabi. Kung titignan naman ang mga imprastraktura, pinakamaapektuhan ang mga nasa iskinita lalo na ang mga bahay na gawa lamang sa kahoy at hindi gaanong katibay ang pundasyon. Naaalala ko pa nga noong bagyong Ondoy, walang makalabas ng kani-kanilang mga bahay hindi lamang sa baha kung hindi na rin sa mga nagliliparang yero o mga bubong ng bahay. Sabihin nating nagkaroon naman ng sunog, pinakamaapektuhan ang mga nasa iskinita pa rin dahil karamihan naman ng mga bahay sa bukana ay magaganda ang pagkakagawa at hindi gaanong dikit-dikit kaya nga ang pinakaligtas ay ang mga nasa bukana dahil pagkalabas lamang nila ng bahay ay nasa kalsada na sila, madaling makahihingi ng tulong at masasaklolohan. Kaya’t nangaganib talaga ang mga tiga-iskinita dahil hindi lamang sila lantad sa panganib, mababa rin ang kanilang kapasidad dahil karamihan sa kanila ay mahihirap.
Capacity and Disaster Management Assessment
Mayroong mga megaphone na nakakabit sa iilang poste sa barangay na tiyak naming maririnig ng mga mamamayan ang mga paalala o mensahe ng mga opisyal. Mayroon ring tricycle ang barangay na magagamut sa pagsaklolo halimbawa na lamang kung mayroong naaksidente, maisusugod kaagad sa ospital. Mahirap kasi gumamit ng sasakyan katulad ng kotse sa ganitong lugar dahil kung hindi masikip ang kalsada ay traffic naman. Hindi lamang ang ating chairman ang namamahala sa lahat kung hindi lahat ng ating mga opisyal mapasekretary, tresyurer o kagawad ay hands-on sa pagbibigay-serbisyo sa ating pamayanan. Mayroong mga programa ang barangay na iniraraos sa tapat nito kahit sa ilalim lamang ng isa o dalawang tent para sa mga mamamayan katulad na lamang ng seminar para sa preparasyon sa sakuna, mga aplikasyon sa trabaho, mga libreng bakuna o libreng konsulta at iba pa. Nagbibigay rin ng donasyon ang barangay kagaya na lamang ng mga relief goods sa panahon ng sakuna, libreng gamut buwan-buwan para sa mga senior citizens, at iba pa. At dahil malapit rin ang barangay sa mga konsehal katulad na lamang ni Manny Lopez nagbibigay rin ito ng donasyon katulad na lamang ng libreng mga tungkod o wheelchair para sa mga senior citizens na nangangailangan nito at libreng bigas at mga de lata kahit walang sakuna. Ang wala lang ating barangay at iba pang kalapit natin ay evacuation center kung sakaling magkaroon ng isang sakunang makaaapekto sa karamihan kung kaya’t ang pinakatakbuhan nating lahat ay ang ang mga complex o basketball court na hindi rin naman kalayuan.
1 note · View note