Text
GALUGAD: Pananaw ng Batang Asyano sa ika-21 na Siglo
Bakit nga ba sa panahon ngayon, tuwing ating sasambitin ang mga salitang “sa aking palagay,” simangot agad ang sumasalubong sa atin? Makikita sa ating mga kilos at gawi na ragasa tayo pagdating sa ating mga paniniwala na sa tingin natin ay makakabuti sa lipunan. Bilang mga kabataang Asyano, may mga katangian tayo na natatangi sa atin na nakakaambag ng kabutihan sa kapwa. Ang mga katangian na ito ay hindi lamang makakatulong sa ating paligid, sapagkat sa opinyon namin, makakatulong din ang mga ito sa ating mga sarili. Syempre, kung mayroon namang kabutihan ay mayroon ding kabaligtaran nito na kailangan nating alamin at ayusin. Sa mabilis na pagdaloy ng mga pangyayari sa panahon ngayon, tila pahirap nang pahirap ang pagtupad sa kasabihan ni Dr. Jose Rizal na tayong kabataan daw ang pag-asa ng bayan. Mabuti na lang ay marami tayong mapagkukuhanan ng impormasyon upang maturuan ang ating mga sarili, tulad na lamang ng blog na ito.
Sa paggalugad sa lipunan na ating ginagalawan, mahalagang maging makabayan, mabait, magalang at handa sa pagkakaisa. Sa iba’t-ibang kultura na nauuso’t lumalaganap sa panahon ngayon, para sa amin ay mahalagang maalala natin ang ating pinanggalingan bilang kabataang Asyano, ngunit dapat ay handa pa rin tayong makisama’t tumulong sa lahat ng oras. Nararapat lamang din na tayo ay maging matapang upang magamit ang ating boses na may paninindigan upang malabanan ang kalamangan ngayon na mapagmataas at mapanghusga. Sa aming pananaw, ang mga katangian naman na dapat iwasang ipakita ng isang batang Asyano ay ang mga katangiang hindi angkop sa ating pagkatao tulad ng pagiging makasarili, mayabang, mapanlamang sa kapwa, at iba pa. Maaari pang makaambag ang mga ito sa pagkasira ng ating lipunan at sa ating kaugalian. Ang isang batang Asyano ay dapat na nagtataglay ng mga katangian na kaaya-aya at puno ng respeto para sa lahat, mula sa paiisip, pagsasalita, hanggang sa pagkilos, dahil ang mga ito ay sumasalamin din sa kaniyang sariling kapwa. Marami ang maaaring matutuhan mula sa paligid, at ang posisyon namin dito ay dapat na handang makilala ng isang batang Asyano ang tama at mali sa kaniyang mga natututuhan.
Naniniwala kami na mahalaga na matuto tayo mula sa ating mga pagkakamali bilang mga batang Asyano. Dahil alam natin na lahat tayo ay magkakaiba at may iba’t-ibang pinaniniwalaan, mahalaga na magkaroon tayo ng respeto para sa iba’t-ibang paniniwala ng ating kapwa. Maraming nagaganap ngayon, at tila nakakahilo pang makipagsabayan sa mabilis na ikot ng mundo. Subalit ganito ay importanteng konektado pa rin tayo sa ating mga mabubuting kaugalian upang tayo’y patuloy na umunlad bilang mga batang Asyano. Matindi ang ating damdamin pagdating sa mabuting pagbabago, ngunit dapat ay unahin natin ang pagkakaroon ng mabuting kaugalian upang maipatupad natin ang mga pagbabagong ito. Malaki man ang ating dapat gampanan bilang henerasyon ng kinabukasan, walang duda na ito’y ating kakayanin dahil tayo’y mga batang Asyano. Kung lalagyan natin ng kahalagahan ang mga katangiang ito na dapat nating ipakita sa lahat ng oras, sa ating mga kilos pa lamang ay maipapaliwanag na agad sa mga nagtataka ang ating tunay na layunin.
1 note
·
View note