retired-rebel-painter
Dating Mandirigma ng Bundok Tangis
1 post
Sinusubukang maghilom sa pamamagitan ng paglikha
Don't wanna be here? Send us removal request.
retired-rebel-painter · 3 months ago
Text
Manifest
Nagsimula ulit akong magsulat. Tumigil ako kulang isang taon na ang nakalipas. Ang huli kong naisulat ay noong nasa bundok pa ako.
Bukod pa rito, maraming bagay akong binabalikan mula sa dati kong buhay bago mamundok. Ang katotohanan na binabalikan ko ang mga ito ngayon ay isang napakalaking bagay sa'kin at sa buhay ko. Ang simpleng reyalidad na ginagawa ko ito ay paanong swerte sa kagaya ko, isang dating mandirigma sa bundok... Kaya ako'y lubos na nagpapasalamat.
Dahil sa mga napagdaanan ko, dama ko ang halaga ng bawat sandali ng pang-araw-araw na buhay. Balak kong magsulat tungkol rito para mas palawigin ito ng mas malalim. Pero sa ngayon, hayaan niyo munang ipunin ko sa isang tabi ang kalat-kalat na mga hinuha upang sa gayon ay paisaayos ko ito sa isang organisadong buod, na maaari kong tawaging isang akda.
Bukod pa roon, minsan nakakaramdam ako ng kalungkutan sa kalagayan ko ngayon. Dahil sa katauhan ko, sa aking kasaysayan, itinuturing ako na parang isang palaboy na may sakit na ketong. Iniiwasan ako. Ang mga kaibigan ko rati na kinukuhaan ko ng ligaya sa mga simpleng kwentuhan ay lumalayo sa'kin, maliban sa iilan. Kaya naman, para ibsan ang uhaw ko na maibahagi ang sarili ko sa kapwa at mailabas ang mga saloobin, nagpasya akong likhain itong blog.
Wala nga pala kayong maaasahan na politika sa blog na ito. Para sa'kin, tapos na ako sa politikal na pagkilos. Kung sangayon man kayo roon o hindi ay hindi na ako interesado roon. May mga dahilan kayo, may mga dahilan rin ako. Ang akin lamang ay may isang panahon na nailaan ko ang buong buhay ko sa isang bagay, kulang na lamang ay kamatayan. Ngunit ngayon, may pagkakataon akong umpisahan ulit ang lahat; magsimula ng panibago. At dito, pinipili kong magsimula sa panibago upang gumawa ng panibago. Hindi ko na ipagpipilitan ang sarili ko sa mga bagay na hindi rin naman pinagpilitan isakatuparan ng iba, tulad, halimbawa, ng pakikibaka.
1 note · View note